Mga Pagpapala ng Pag-asa sa Sarili
Lumalago ang Negosyo
Salamat sa natutuhan niya sa mga klase tungkol sa pag-asa sa sarili, nang mawalan ng trabaho si Teddy Reyes, nakahanap siya ng ibang pagkakakitaan.
Alas-4:00 ng umaga sa Santo Domingo, Dominican Republic, at gising na at nagtatrabaho si Teddy Reyes. Marami siyang gagawin ngayon upang alagaan ang kanyang lumalagong negosyo. Sinimulan niyang hiwain ang mga kamatis at tinapay. Pagkatapos ay gumawa siya ng kanyang espesyal na sarsa.
Pagsapit ng alas-6:00 ng umaga, dumating ang dalawang empleyado upang tulungan siya, at bumilis ang mga paghahanda. Pagsapit ng alas-8:00 ng umaga, nakagawa na sila ng 300 sandwich, na isa-isang nakabalot sa plastik at nakalagay sa mga supot. Anim na empleyado pa ang dumating, at lumabas ang buong grupo upang magbenta.
Pagsapit ng alas-9:00 ng umaga, lahat ng sandwich maliban sa iilan—tatlo o apat na itinabi ni Teddy upang maipakain sa kanyang mga tauhan—ay naibenta na.
Maganda ang takbo ng negosyo ni Teddy. Ngunit hindi palaging madali ang mga bagay-bagay. Sa katunayan, sa nakalipas na limang taon, wala siyang nakitang regular na trabaho sa kanyang pinag-aralang propesyon—bilang isang abugado.
Mula sa pagpapayo sa mga kliyente, paano napunta si Teddy sa pagbebenta ng mga sandwich? Siyempre, kinailangan ng maraming pagsisikap, ngunit kinailangan din ng maingat na pagsasabuhay ng mga alituntuning natutuhan niya sa mga klase na inihahandog sa pamamagitan ng inisiyatiba ng Self-Reliance Services ng Simbahan.
Nang Mawalan ng Trabaho
Limang taon na ang nakararaan, naging kamangha-mangha ang buhay ni Teddy. May magandang trabaho siya bilang abugado, nag-asawa siya kamakailan, at nabinyagan niya ang kanyang asawa. “Pero nagkaroon kami ng ilang hamon,” wika niya, “at nawalan ako ng trabaho.”
Sa sumunod na apat na taon nahirapang makahanap ng trabaho si Teddy. “Marami akong trabahong maaaring gawin, ngunit walang gustong magbayad sa akin. Sinubukan kong magsimula ng iba’t ibang trabaho nang mag-isa, ngunit hindi gumana iyon.”
Maganda ang trabaho ng asawa niyang si Stephany, ngunit hindi sapat ang suweldo nito upang mabayaran ang lahat ng mga bayarin. Hindi nagtagal ay nagkaanak ang mag-asawa. Tuwang-tuwa sila, ngunit lalo pang nagkulang ang kanilang pera. Nawala sa kanila ang kanilang bahay, kinailangan nilang ibenta ang kanilang kotse, at naubos ang lahat ng kanilang ipon. Sa huli ay kinailangan nilang lumipat sa isang maliit na bahay na pag-aari ng ina ni Stephany.
Ngunit hindi sumuko si Teddy. Di-nagtagal, isang di-inaasahang pagkakataon ang lumitaw.
Ang Kapangyarihan ng Pag-asa sa Sarili
Matapos ang maraming taon ng paghihirap, alam ni Teddy na panahon na para sa isang pagbabago.
“Nagpasiya akong kumuha ng mga kurso ng Simbahan tungkol sa pag-asa sa sarili,” wika niya. “Nabalitaan ko na ang tungkol doon ngunit iniisip ko palagi na hindi iyon para sa akin. Akala ko tungkol lang iyon sa paggawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa. Napakaganda ng mga klase.”
Una, sumali si Teddy sa grupo ng Personal Finances (Personal na Pananalapi). Pagkatapos ay sumali siya sa grupo ng Starting and Growing My Business (Pagsisimula at Pagpapalago ng Aking Negosyo). Tinulungan ng mga klase ng grupo si Teddy sa kanyang kaalaman sa pagnenegosyo at tinulungan din nila siyang umunlad sa espirituwal.
“Nagbago ang lahat nang kinuha ko ang mga klaseng ito,” wika niya. “Nagpasiya akong gawin ang lahat ng itinuro nila. At gumanda kaagad ang sitwasyon ng aking pananalapi. Nagsimula akong magbayad ng ikapu, manalangin araw-araw, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at manampalataya. At nagbago ang mga bagay-bagay—sinimulan kong mag-impok ng pera at panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Napagpala ako ng bawat alituntunin.”
Sa kanyang grupo ng Starting and Growing My Business (Pagsisimula at Pagpapalago ng Aking Negosyo), natuto si Teddy kung paano tukuyin ang isang potensyal na produkto na maaaring makabuti sa mga mamimili kung saan siya nakatira. Habang sinusuri niya kung ano ang hinahanap ng mga tao, nagsimulang dumating ang inspirasyon. Sa kanyang lugar, gusto ng mga tao ang mga bagong gawang sandwich, ngunit gusto rin nilang ipasadya—at ipahatid ang mga ito.
“Maraming restawran na may espesyal na sarsa na nagpapaiba sa lasa ng pagkain nila,” sabi ni Teddy. “Kaya nag-imbento ako ng sarili kong espesyal na sarsa para sa sandwich!”
Pagpapalago ng Kanyang Negosyo
Sa araw na inilunsad niya ang kanyang negosyo, gumawa ng 30 sandwich si Teddy.
“Pagkaraan ng tatlumpung minuto, nakauwi na ako,” wika niya. “Nag-alala ang asawa ko nang makita niya ako sa sopa. Tinanong niya kung bakit nasa bahay na ako—hindi ba dapat ay nagbebenta ako ng mga sandwich? Naibenta ko nang lahat!”
Sa mga sumunod na ilang linggo, nakipag-ugnayan si Teddy sa mga lokal na negosyo at paaralan. Marami ang nagnais na bumili ng kanyang mga sandwich, at nagsimulang lumago ang kanyang negosyo. Agad niyang natutuhan kung paano mag-alaga ng mga sariwang gulay para manatiling sariwa ang mga ito. Alam din niya kung gaano katagal maaaring gamitin ang kanyang espesyal na sarsa. Umoorder at kumukuha siya ng tinapay gabi-gabi. Bumibili siya ng mga gulay na may diskwento tuwing Sabado, na mas mura ngunit maaari pa ring gamitin sa Lunes.
Di-nagtagal, nakatatanggap na siya ng mga order para sa partikular na mga klase ng sandwich, at maramihan pa para sa mga espesyal na okasyon. Kinailangan niya ng tulong at nagsimula siyang kumuha ng mga empleyado.
Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng magandang relasyon sa mga lokal na paaralan at negosyo, nakabuo ng isang grupo ng aktibo at tapat na mga kliyente si Teddy. Sa loob ng apat na buwan, nagkaroon siya ng walong empleyado at nagtitinda ng 300 sandwich sa isang araw, limang araw sa isang linggo. Napakahusay ng kanyang grupo ng mga tagabenta kaya naibenta nila ang bawat sandwich kahit sa panahon ng tag-init kung kailan sarado ang mga paaralan. Ngayon ay handa na si Teddy na magpalawak ulit.
Dahil kumuha siya ng mga klase tungkol sa pag-asa sa sarili, inspirado siya na maisip ang ideya ng pagnenegosyo ng sandwich. “Dahil sa patnubay na ito mula sa Simbahan at sa mga pagpapalang natanggap ko,” wika niya, “mayroon akong napakalakas na patotoo tungkol sa Simbahan at kay Jesucristo.”