2019
Magtiwala sa Pagpapalaya ng Tagapagligtas
Abril 2019


Magtiwala sa Pagpapalaya ng Tagapagligtas

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “The Power of Deliverance,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Enero 15, 2008.

Ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa Kanya ng kapangyarihan na patatagin tayo sa ating mga pagsubok o palayain tayo mula sa mga ito.

image of the Savior with arms outstretched

DETALYE MULA SA PARA SA LAYUNING ITO, NI YONGSUNG KIM, SA KAGANDAHANG LOOB NG HAVEN LIGHT

Para sa mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay, ang hinaharap ay maaaring maging malungkot at malumbay—lalo na para sa mga taong walang kaalaman at patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Alalahanin ninyo ang dalawa Niyang nag-aalinlangang disipulo sa daan patungong Emaus. Nilapitan sila ng nabuhay na mag-uling Panginoon at tinanong kung bakit sila malungkot. Ibinigay sa atin ni Lucas ang sagot:

“At sinabi niya sa kanila, Ang mga bagay tungkol kay Jesus na Nazareno, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Dios at ng buong bayan:

“At kung paano ang pagkabigay sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno upang hatulan sa kamatayan, at siya’y ipako sa krus.

“Datapuwa’t hinihintay naming siya ang tutubos sa Israel” (Lucas 24:19–21).

Nakatatanggap tayo ng kapanatagan mula sa ating kaalaman at patotoo na Siya nga ang tumubos sa Israel. Siya nga ang “kumalag sa mga gapos ng kamatayan” (Mosias 15:23). Siya nga ang naging “pangunahing bunga ng nangatutulog” (I Mga Taga Corinto 15:20). Siya nga ang nagbigay-daan sa mga tipan sa templo na nagbibigkis sa atin magpakailanman sa mga “minamahal [nating] nawala!”1

Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, nais kong ibahagi ang isang mensahe sa debosyonal na ibinigay ko ilang taon na ang nakalipas tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na magpalaya. Pinatatag ako nito habang ihinahanda at ibinabahagi ko ito. Dalangin ko na patatagin kayo nito habang binabasa ninyo ito.

Nagwawakas nang mas maaga kaysa sa inaasahan ang buhay para sa ilan at kalaunan ay para sa ating lahat. Ang bawat isa sa atin ay susubukan sa pamamagitan ng pagdanas sa kamatayan ng isang taong mahal natin.

Kamakailan ay nakita ko ang isang lalaki na matagal ko nang hindi nakikita mula nang mamatay ang kanyang asawa. Nagkataon lamang ang pagkikitang iyon sa isang masayang bakasyon. Nakangiti siya habang papalapit sa akin. Nang maalala ko ang pagkamatay ng kanyang asawa, maingat ko siyang binati ng: “Kumusta ka na?”

Napawi ang ngiti, nangilid ang luha sa kanyang mga mata, at mahina niyang sinabi, nang napakaseryoso, “Ayos naman. Pero napakahirap.”

Napakahirap nga, tulad ng alam ng karamihan sa inyo at malalaman nating lahat balang araw. Ang pinakamahirap na bahagi ng pagsubok na iyon ay ang malaman kung ano ang gagawin sa kalungkutan, sa kalumbayan, at sa kawalan na nadarama natin na tila ba may isang bahagi sa atin na nawala. Maaaring mamalagi ang dalamhati na tulad ng isang sakit na hindi gumagaling-galing. At para sa ilan, maaari silang makadama ng galit o kawalan ng katarungan.

Alam ng Tagapagligtas ang Ating mga Dalamhati

Ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa Kanya ng kapangyarihan na palayain tayo mula sa gayong pagsubok. Sa pamamagitan ng Kanyang karanasan, nalaman Niya ang lahat ng ating mga dalamhati. Maaari Niya itong malaman sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu, ngunit sa halip ay pinili Niya itong malaman sa pamamagitan ng pagdanas mismo sa mga ito. Ito ang salaysay:

“At masdan, siya ay isisilang ni Maria, sa may Jerusalem na lupain ng ating mga ninuno, siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha, na lililiman at maglilihi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos.

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Jesus Christ praying

DETALYE MULA SA PANGINOON NG PANALANGIN, NI YONGSUNG KIM, SA KAGANDAHANG LOOB NG HAVEN LIGHT

Sisikaping unawain ng mabubuting tao sa paligid ninyo ang inyong pagdadalamhati sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Maaaring sila mismo ay magdalamhati. Hindi lamang nauunawaan at nadarama ng Tagapagligtas ang dalamhati kundi nadarama rin Niya pati ang inyong personal na dalamhati na kayo lamang ang nakadarama. At kilalang-kilala Niya kayo. Alam Niya ang nasa puso ninyo.

Anyayahan ang Espiritu Santo

Malalaman ng Tagapagligtas kung alin sa maraming bagay na magagawa ninyo ang magiging pinakamainam para sa inyo habang inaanyayahan ninyo ang Espiritu Santo na aliwin at pagpalain kayo. Malalaman Niya kung saan kayo pinakamabuting magsimula. Kung minsan, ito ay ang manalangin. Kung minsan, ito ay ang aliwin ang iba. May kilala akong isang biyuda na may malubhang karamdaman na nakatanggap ng inspirasyon na bisitahin ang isa pang biyuda. Wala ako roon, ngunit tiyak ko na binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang isang tapat na disipulo na tumulong sa iba at sa gayo’y natulungan sila pareho.

Maraming paraan para matulungan ng Tagapagligtas ang mga nagdadalamhati, na angkop sa kanilang mga pangangailangan. Ngunit makatitiyak kayo na magagawa at gagawin Niya iyon sa paraang pinakamainam para sa mga taong nagdadalamhati at sa mga taong nakapaligid sa kanila. Ang isang palaging nangyayari kapag pinalalaya ng Diyos ang mga tao sa pagdadalamhati ay nagiging mapagpakumbaba sila na tulad ng isang bata sa Kanyang harapan. Ang isang magandang halimbawa ng kapangyarihan ng tapat na pagpapakumbaba ay nagmula sa buhay ni Job (tingnan sa Job 1:20–22). Ang isa pang palaging nangyayari, na nangyari rin kay Job, ay nagkakaroon sila ng matibay na pananampalataya sa kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa Job 19:26).

Lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli, kabilang na ang inyong mga mahal sa buhay na pumanaw. Ang muling pakikipagkita natin sa kanila ay hindi magiging sa espiritu lamang ngunit may mga katawan na kailanma’y hindi mamamatay ni tatanda ni magkakasakit.

Nang magpakita ang Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli, hindi lamang sila ang Kanyang pinanatag sa kanilang pagdadalamhati kundi lahat tayo na maaaring magdalamhati. Pinanatag Niya sila at tayo sa ganitong paraan:

“Kapayapaa’y suma inyo. …

“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:36, 39).

Mabibigyang-inspirasyon tayo ng Panginoon na humiling ng kapangyarihan na mapalaya mula sa ating dalamhati sa pinakamainam na paraang akma sa atin. Maaari nating piliing maglingkod sa iba para sa Panginoon. Maaari tayong magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang ebanghelyo, sa panunumbalik ng Kanyang Simbahan, at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Maaari nating sundin ang Kanyang mga kautusan.

Lahat ng pagpiling iyon ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang nagpapanatag sa atin sa paraang akma sa ating pangangailangan. At sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu, maaari tayong magkaroon ng patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at ng malinaw na pananaw tungkol sa maluwalhating pagkikitang muli sa hinaharap. Nadama ko ang kapanatagang iyon habang tinitingnan ko ang lapida ng isang taong kilala ko—isang tao na alam kong mayayakap ko balang araw. Nababatid ito, hindi lamang ako napalaya mula sa pagdadalamhati kundi napuno rin ako ng masayang pag-asa.

Kung nabuhay ang batang iyon hanggang sa ganap na gulang, kakailanganin siguro niyang mapalaya sa iba pang uri ng mga pagsubok. Marahil ay susubukan siya kung mananatili siyang tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pisikal at espirituwal na mga hamon na dumarating sa lahat ng tao. Kahit kahanga-hanga ang paglikha sa katawan, ang pagpapanatili sa paggana nito ay isang hamon na sumusubok sa ating lahat. Lahat ng tao ay kailangang makibaka sa mga karamdaman at mga epekto ng pagtanda.

“Maging Mapagpakumbaba Ka”

Ang kapangyarihan ng pagpapalaya mula sa ating mga pagsubok ay naitatag na at maaari na nating gamitin. Nagagawa ito sa paraang katulad ng pagpapalaya mula sa pagsubok na dumarating sa pagharap sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Tulad ng ang pagpapalayang iyon ay hindi palaging para iligtas ang buhay ng isang mahal sa buhay, ang pagpapalaya mula sa ating ibang mga pagsubok ay maaaring hindi para alisin ang mga ito. Maaaring hindi magbigay ng ginhawa ang Panginoon hanggang sa magkaroon tayo ng pananampalataya na gumawa ng mga pagpili na magpapagana sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating mga buhay. Ipinagagawa Niya iyon hindi dahil wala Siyang pakialam kundi dahil mahal Niya tayo.

Isang gabay sa pagtanggap ng kapangyarihan ng Panginoon na palayain tayo mula sa oposisyon sa buhay ang ibinigay kay Thomas B. Marsh, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Mahirap ang kanyang mga pagsubok, at alam ng Panginoon na daranas pa siya ng iba. Narito ang payo sa kanya na sinusunod ko at ipinapayo sa inyo: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10).

Christ with lamb

DETALYE MULA SA ANG NAWALANG TUPA, NI YONGSUNG KIM, SA KAGANDAHANG LOOB NG HAVEN LIGHT

Nais ng Panginoon na palagi tayong akayin sa pagpapalaya sa pamamagitan ng ating pagiging mas matuwid. Nangangailangan iyon ng pagsisisi. At kinakailangan doon ang pagpapakumbaba. Kaya ang daan tungo sa pagpapalaya ay palaging nangangailangan ng pagpapakumbaba upang maakay tayo ng Panginoon sa kamay kung saan Niya tayo nais dalhin upang makayanan natin ang ating mga problema tungo sa pagpapakabanal.

Ang mga pagsubok ay maaaring magbunga ng galit o panghihina ng loob. Ang pagpapakumbabang kailangan ko at ninyo para maakay tayo ng Panginoon sa kamay ay nagmumula sa pananampalataya. Nagmumula ito sa pananampalataya na talagang buhay ang Diyos, na mahal Niya tayo, at na ang nais Niya—mahirap man—ay palaging magiging pinakamainam para sa atin.

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang pagpapakumbabang iyon. Nabasa na ninyo kung paano Siya nanalangin sa Halamanan ng Getsemani habang nagdaraan Siya sa isang pagsubok para sa atin na hindi natin kayang unawain o tiisin, o ni hindi ko kayang ilarawan. Naaalala ninyo ang Kanyang panalangin: “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito; gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42).

Kilala at pinagkakatiwalaan Niya ang Kanyang Ama sa Langit, ang dakilang Elohim. Alam niya na ang Kanyang Ama ay makapangyarihan sa lahat at napakabait. Humingi ang Pinakamamahal na Anak gamit ang mapagpakumbabang mga salita—tulad ng sa isang batang musmos—ng kapangyarihan ng pagpapalaya upang matulungan Siya.

Maglakas-Loob at Mapanatag

Hindi pinalaya ng Ama ang Anak sa pamamagitan ng pag-aalis ng pagsubok. Para sa ating kapakanan hindi Niya ginawa iyon, ngunit hinayaan Niyang tapusin ng Tagapagligtas ang misyon na dahilan kaya Siya naparito. Subalit maaari tayong maglakas-loob at mapanatag palagi dahil sa kaalaman tungkol sa tulong na ibinigay ng Ama:

“At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.

“At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.

“At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis,

“At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso” (Lucas 22:43–46).

Nagdasal ang Tagapagligtas para sa pagpapalaya. Ang ibinigay sa Kanya ay hindi isang pagtakas mula sa pagsubok kundi sapat na kapanatagan upang malagpasan ito nang maluwalhati.

Ang Kanyang utos sa Kanyang mga disipulo, na siyang sinusubukan rin mismo, ay isang gabay para sa atin. Maaari tayong magpasiya na sundin ito. Maaari tayong magpasiya na bumangon at manalangin nang may matinding pananampalataya at pagpapakumbaba. At maaari tayong sumunod sa utos na idinagdag sa aklat ni Marcos: “Magsitindig kayo, hayo na tayo” (Marcos 14:42).

Mula rito, may payo sa inyo para makapasa sa pisikal at espirituwal na mga pagsubok sa buhay. Kakailanganin ninyo ang tulong ng Diyos pagkatapos ninyong magawa ang lahat ng inyong makakaya para sa inyong sarili. Kaya bumangon at humayo, ngunit hingin ang Kanyang tulong nang maaga hangga’t maaari, na hindi na naghihintay ng krisis bago humingi ng pagpapalaya.

Taimtim kong pinatototohanan sa inyo na ang Diyos Ama ay buhay at mahal Niya tayo. Alam ko iyon. Ang Kanyang plano ng kaligayahan ay perpekto, at ito ay isang plano ng kaligayahan. Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, at tayo ma’y mabubuhay na mag-uli. Nagdusa Siya para matulungan Niya tayo sa lahat ng ating mga pagsubok. Siya ang nagbayad para sa lahat ng mga kasalanan natin at ng lahat ng mga anak ng Ama sa Langit upang mapalaya tayo mula sa kamatayan at kasalanan.

Nalalaman ko na sa Simbahan ni Jesucristo, maaaring dumating ang Espiritu Santo upang panatagin at linisin tayo habang sumusunod tayo sa Panginoon. Nawa’y panatagin at tulungan Niya kayo sa mga oras ng inyong pangangailangan, sa lahat ng pagsubok ninyo sa buhay.

Tala

  1. “Liwanag sa Gitna Nitong Dilim,” Mga Himno, blg. 53.