Isang Paanyaya kay Ricardo
Martin Apolo Cordova
Paraná, Brazil
Kapag nababalitaan ko na may aktibidad sa Simbahan, lagi akong nag-aanyaya ng 10 taong hindi miyembro ng Simbahan na dumalo. Maraming taon ko na itong ginagawa. Gumagawa ako ng mga paanyaya at inilalagay ko ang bawat isa sa puting sobre at ipinagdarasal kong patnubayan ako ng Espiritu. Pagkatapos ay ipinamimigay ko ang mga paanyaya. Bihirang dumalong lahat ang 10, ngunit kahit isa lamang ang dumalo, pakiramdam ko nagtagumpay ako.
Ilang taon na ang nakararaan, naghanda ako ng sampung paanyaya sa isang fireside para sa mga mag-asawa. Ipinamigay ko ang siyam sa mga kaopisina ko at may natirang isa. Hindi ko alam kung kanino ibibigay iyon. Pagkaraan ng ilang minuto, dumaan sa mesa ko si Ricardo, isang sales representative. Nakadama ako ng pahiwatig na anyayahan siya, kahit tinanggihan niya ang paanyaya ng isang kaopisina namin na dumalo sa isang kaganapan sa simbahan niya. Hindi ko naisip na magiging interesado si Ricardo.
Ngunit nang muling dumaan si Ricardo sa mesa ko paglabas niya, nadama kong muli ang pahiwatig. Gayunman, lumabas siya kaagad kaya hindi ako nagkaroon ng pagkakataong kausapin siya. Ipinagdasal ko na bumalik si Ricardo kung dapat kong ibigay sa kanya ang paanyaya.
Pagkatapos kong magdasal, bumalik si Ricardo upang magtanong sa akin. Pagkatapos, sabi ko, “Ricardo, may aktibidad sa simbahan namin para sa mga mag-asawa. Magbabahagi kami ng mga karanasan kung paano mabuhay nang masaya bawat araw. Pagkatapos, magkakaroon ng sayawan. Kung aanyayahan ba kita, pupunta ka?”
“Siyempre naman!” sabi ni Ricardo, ngunit hindi ako nakumbinsi sa sagot niya.
“Ginawa ko naman ang tungkulin ko,” naisip ko.
Dumating kaming mag-asawa nang maaga sa aktibidad upang batiin ang mga tao habang dumarating nila. Walang anu-ano, nakita ko si Ricardo kasama ang asawa niyang si Regina. Ipinakilala ko sila sa asawa ko at sa iba pang dumalo. Buong gabi, mukhang masaya naman sina Ricardo at Regina. Nagulat ako nang sabihin nila na magsisimba sila sa Linggo upang malaman pa ang iba.
Marami pa ngang nalaman sina Ricardo, Regina, at ang kanilang dalawang anak. Sa huli, sumapi sila sa Simbahan. Kalaunan, ibinuklod sila sa templo. Minsan ay nasabi sa akin ni Ricardo na matagal na nilang pinag-uusapang mag-asawa ang diborsyo, ngunit inakay ng Panginoon si Ricardo sa aking opisina.
Mula noon ay hiniling ko na sa Diyos na patawarin ako sa pag-iisip na hindi tatanggapin ni Ricardo ang aking paanyaya. Natutuhan ko na mahalagang anyayahan ang lahat. Hindi ninyo alam kung sino ang tatanggap.