Pagtuturo sa mga Tinedyer at Nakababatang mga Bata
Pagpapagaling Pagkatapos ng Trahedya
Sa malayo’t madali, ang mga bata ay makararanas ng trahedya, malapit man ito sa tahanan o sa malayo. Ngunit “kahit na ang mundo ay puno ng kaguluhan, maaari nating matanggap ang pagpapala ng kapayapaan ng kalooban.”1 Narito ang ilang bagay na maaari mong magawa para tulungan ang mga bata na madama ang kapayapaang iyon.
Pagiging matatag
Kapag may naganap na trahedya, maaaring madama ng mga bata na ang kanilang mundo ay hindi lubos na maayos. Maging halimbawa ng katatagan sa kanila. Magsalita nang mahinahon at nang may kumpiyansa tungkol sa isyu. Ipagpatuloy ang mga karaniwang gawain hangga’t maaari. Gawin ang lahat ng makakaya mo para patuloy na magdaos ng family home evening, magbasa ng mga banal na kasulatan, magdasal, at ibang pang kaugalian ng pamilya. Paglipas ng panahon, matututuhan ng mga bata na kahit na nayanig ang kanilang mundo, ang ebanghelyo ay nagbibigay ng pananaw at magpapatuloy ang buhay.
Paggalang
Igalang ang mga nararamdaman ng mga bata. Pakinggan ang mga bata at tanggapin ang nararamdaman nila. Ipakita sa kanila na mahalaga sa iyo ang mga inaalala nila. Bigyan sila ng panahong makapag-isa kung kailangan nila ito pero ipaalam sa kanila na maaari ka nilang kausapin kung handa na silang makipag-usap. Matapat na sagutin ang mga lumilitaw na tanong sa paraang mauunawaan nila sa kanilang edad. Ipaalam sa iyong mga anak na palagi silang maaaring makipag-usap sa iyo tungkol sa kanilang mga takot at pangamba.
Paggabay
Maaaring itanong ng iyong mga anak, “Bakit hinayahayaan ng Diyos na may mangyaring masasama?” Ipaliwanag na ang mabubuting panahon at masasamang panahon ay bahagi ng buhay at bahagi ng walang-hanggang plano ng Diyos. Pinahihintulutan Niya na gumawa ang bawat tao ng kanilang mga sariling pagpili, at kung minsan, gumagawa ng mga maling pagpili ang mga tao na nagdudulot ng pagdurusa. Sa ibang pagkakataon, hindi kasalanan ninuman ang mga trahedya pero bahagi lamang ito ng kalikasan. Anuman ang mangyari, nariyan ang Ama sa Langit para sa atin. Sa pamamagitan ng tulong Niya, maaari tayong matuto at lumago, kahit na mula sa masasakit na karanasan. Makakabaling tayo sa Kanya para makahanap ng kapayapaan.
Pagbibigay-lakas
Ipakita sa mga bata na mayroon silang kapangyarihan na makagawa ng kaibhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng paraan na tumulong. Halimbawa, maaari silang tumulong na magtipon ng mga donasyon para sa mga biktima ng kalamidad, bumisita sa isang maysakit o nasugatang kaibigan sa ospital, magbigay-saya sa isang tao na nawalan ng kapamilya, o magdasal para sa mga naghihirap. Hindi natin maaayos ang lahat, pero mayroon tayong kakayahang gumawa ng maraming kabutihan, at “gumagawa tayo para sa kapayapaan tuwing tumutulong tayo na maibsan ang paghihirap ng iba.”2
Kapanatagan
Ipaalala sa mga bata na mahal sila ng Diyos at mahal mo sila. Huwag magbigay ng mga maling pangako na walang masamang mangyayari sa kanila, pero tiyakin sa kanila na sila ay ligtas sa kasalukuyan at gagawin ang lahat ng makakaya mo para protektahan sila. Tiyakin sa kanila na tutulungan sila ng Ama sa Langit na malampasan ang anumang pagsubok na darating sa kanilang buhay.
Kapag napansin mong pinanghihinaan ka ng loob dahil sa pagsubok, tandaan na sa huli, magtatagumpay ang mabuti sa masama. “Nakikipagdigmaan tayo laban sa kasalanan, … ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa,” pagtuturo ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018). “Ito ay digmaang kaya at mapagtatagumpayan natin. Ang ating Ama sa Langit ay nagbigay ng mga kagamitang kailangan natin para magawa ito. Siya ang namumuno rito. Wala tayong dapat ikatakot.”3