2019
Kapag Pinanghihinaan Kayo ng Loob
Abril 2019


Kapag Pinanghihinaan Kayo ng Loob

Ang buhay ay may kaligayahan at kalungkutan. Kung minsan kapag nalulungkot tayo, iniisip natin kung ano ang ginagawa ng Diyos—bakit hinahayaan ng isang mapagmahal na Ama na mangyari ito? Ang mahirap na sitwasyong ito ay maaaring maging dahilan upang maitanong natin, “Talaga bang may personal na malasakit sa akin ang Diyos?”

Sa ganitong mga sitwasyon, nalaman ko na makakatulong ang mga talatang ito mula sa banal na kasulatan:

  • Mga Awit 8:4–5: “Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? … Sapagka’t iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa Dios, at pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.”

  • Juan 10:14: Noong nabubuhay Siya dito sa lupa, inilarawan ni Jesus ang Kanyang sarili bilang “ang mabuting pastor” at idinagdag pang, “Nakikilala ko ang sarili [kong tupa].”

  • Moises 1:39: Isa ito sa mga paborito kong talata, kung saan inihayag ng Panginoon ang Kanyang layunin kay Propetang Joseph Smith: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao”—kaya natampok ang Kanyang malasakit sa atin bilang mga indibiduwal.

  • Lucas 7:11–16: Hindi lamang itinuturo sa atin ng salaysay na ito ang tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na daigin ang kamatayan—isang napapanahong paalala sa Paskong ito ng Pagkabuhay—ngunit para sa akin ay kinakatawan nito ang pinakamagandang halimbawa ng Kanyang labis na kamalayan sa ating indibiduwal na kalagayan. Sa lahat ng mga himala ni Jesus, kakaunti lamang ang may katumbas na pagmamahal at habag na tulad ng sa Kanyang pagmiministeryo sa balo ng Nain. Habang ibinabahagi ko ang aking artikulo (tingnan sa pahina 12), ang salaysay na ito ay nagpapakita ng malasakit at pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin.

Keith Wilson

Associate professor, Brigham Young University