Mananatili sa Araw na Yaon kay Cristo
Ginawang posible ni Jesucristo na tayo ay “manatili sa araw na yaon.”
Iyon ay isang araw na puno ng tuwiran at tahasang mga talinghaga, kumplikadong mga tanong, at malalalim na doktrina. Matapos pagsabihan ang mga taong natutulad sa “mga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan,”1 nagturo si Jesus ng tatlong karagdagang talinghaga tungkol sa espirituwal na kahandaan at pagkadisipulo. Isa sa mga ito ay ang talinghaga ng sampung birhen.
“Ang kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.
“Ang lima sa kanila’y mga hangal at ang lima’y matatalino.
“Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis.
“Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.
“Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog.
“Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.
“Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.
“At sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.
“Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, ‘Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya’t pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.
“At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.
“Pagkatapos ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’2
“Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.’3
“Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras.”4
Ibinigay ni Pangulong Dallin H. Oaks ang sumusunod na nakapupukaw na mga tanong kaugnay ng pagdating ng Lalaking Ikakasal:5 “Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon?”6
Natutuhan ko mula sa personal na karanasan na ang espirituwal na paghahanda para sa pagparito ng Panginoon ay hindi lamang mahalaga kundi ang tanging paraan para makahanap ng tunay na kapayapaan at kaligayahan.
Isang malamig na araw iyon ng taglagas noong una kong marinig ang mga salitang “May kanser ka.” Natulala kaming mag-asawa! Habang papauwi kami na tahimik at pinagninilayan ang balita, nag-alala ako para sa aming tatlong anak na lalaki.
Sa aking isipan tinanong ko ang Ama sa Langit, “Mamamatay na po ba ako?”
Ibinulong ng Espiritu Santo, “Magiging maayos ang lahat.”
Pagkatapos ay itinanong ko, “Mabubuhay po ba ako?”
Muli, dumating ang sagot, “Magiging maayos ang lahat.”
Nagulumihanan ako. Bakit pareho ang natanggap kong sagot kung mabubuhay ba ako o mamamatay?
Pagkatapos ay bigla akong napuspos ng lubos na kapayapaan nang maipaalala sa akin: Hindi namin kailangang magmadaling umuwi at turuan ang aming mga anak kung paano manalangin. Alam nila kung paano tumanggap ng mga sagot at kapanatagan mula sa panalangin. Hindi namin kailangang magmadaling umuwi at ituro sa kanila ang tungkol sa mga banal na kasulatan o mga salita ng mga buhay na propeta. Ang mga salitang iyon ay pamilyar nang pinagmumulan ng lakas at pang-unawa. Hindi namin kailangang magmadaling umuwi at ituro sa kanila ang tungkol sa pagsisisi, Pagkabuhay na Mag-uli, Pagpapanumbalik, plano ng kaligtasan, mga walang-hanggang pamilya, o ang mismong doktrina ni Jesucristo.
Sa sandaling iyon ang bawat lesson sa family home evening, sesyon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin ng pananampalataya na inialay, basbas na ibinigay, patotoong ibinahagi, tipang ginawa at tinupad, pagpunta sa bahay ng Panginoon, at pagsunod sa araw ng Sabbath—ay lalong naging makabuluhan! Huli na ang lahat para maglagay ng langis sa aming mga ilawan. Kailangan namin ang bawat patak, at kailangan namin ito ngayon!
Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, kung mamamatay ako, papanatagin, palalakasin, at magkakasamang muli ang aking pamilya balang-araw. Kung mabubuhay ako, magkakaroon ng daan para matanggap ko ang pinakamatinding kapangyarihan sa mundong ito para matulungan, mapalakas, at mapagaling ako. Sa huli, dahil kay Jesucristo, maaaring maging maayos ang lahat.
Matututuhan natin mula sa masusing pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan kung ano ang ibig sabihin ng “maayos ang lahat”:
“At sa araw na iyon, kung kailan ako ay paparito sa aking kaluwalhatian, ay matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen.
“Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon.”7
Ginawang posible ni Jesucristo na tayo ay “manatili sa araw na yaon.” Ang pananatili sa araw na iyon ay hindi nangangahulugang pagdaragdag sa listahan ng mga gagawin. Isipin ang isang magnifying glass. Ang tanging gamit nito ay hindi lamang para mas palakihin ang mga bagay-bagay. Maaari din itong magtipon at magpokus ng liwanag para maging mas mabisa ito. Kailangan nating gawing simple ang mga bagay-bagay, ituon ang ating mga pagsisikap, at maging mga tagapagtipon ng Liwanag ni Jesucristo. Kailangan natin ng mas maraming banal at nagbubunsod ng paghahayag na mga karanasan.
Sa hilagang-kanlurang Israel ay matatagpuan ang isang magandang bundok na madalas tukuyin bilang “bundok na palaging luntian.” Ang Mount Carmel8 ay nananatiling luntian buong taon dahil sa hamog. Pinagyayaman ito araw-araw. Gaya ng mga hamog ng Carmel,9 kapag sinisikap nating pagyamanin ang ating mga kaluluwa ng “mga bagay na may kinalaman sa kabutihan,”10 “ng maliliit at mga karaniwang bagay,”11 ang ating mga patotoo at ang mga patotoo ng ating mga anak ay mananatiling buhay!
Ngayon, maaaring iniisip ninyo, “Pero Sister Wright, hindi ninyo kilala ang pamilya ko. Talagang nahihirapan kami at hindi kami katulad nito.” Tama kayo. Hindi ko kilala ang pamilya ninyo. Ngunit ang isang Diyos na may walang hanggang pagmamahal, awa, kapangyarihan, kaalaman, at kaluwalhatian ay nakakikilala sa inyo.
Ang mga tanong na maaaring itinatanong ninyo ay mga tanong na nakababagabag sa inyong kalooban. Ang gayunding mga tanong ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan:
“Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak [ang aking pamilya]?”12
“Nasaan nga ang aking pag-asa?”13
“Ano ang gagawin natin, upang ang ulap ng kadilimang ito ay maalis mula sa pagkakalilim sa [akin]?”14
“Ngunit saan matatagpuan ang karunungan? At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?”15
“Paano mangyayari na [ako] ay makakapanangan sa bawat mabuting bagay?”16
“Panginoon, ano ang nais Ninyong ipagawa sa akin?”17
At dumating ang napakagiliw na mga sagot:
“Naniniwala ka ba sa kapangyarihan ni Cristo tungo sa kaligtasan?”18
“Nag-utos ba ang Panginoon sa sino man na hindi sila makababahagi ng kanyang kabutihan?”19
“Sumasampalataya ba kayo na magagawa [Niya] ito?”20
“Naniniwala ka ba sa mga propeta?”21
“Ginagamit ba ninyo ang inyong pananampalataya sa pagkakatubos niya na lumikha sa inyo?”22
“Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong mundo?”23
Mahal kong mga kaibigan, hindi natin maibabahagi ang ating langis, ngunit maibabahagi natin ang Kanyang liwanag. Ang langis sa ating mga ilawan ay hindi lamang tutulong sa atin na “manatili sa araw na yaon” kundi maaari ding maging daan para mailawan ang landas na nagdadala sa ating mga mahal sa buhay sa Tagapagligtas, na nakahandang “bukas ang mga bisig upang [sila] ay tanggapin.”24
“Ganito ang sabi ng Panginoon: Itigil mo ang iyong tinig sa pag-iyak, at ang iyong mga mata sa pagluha; sapagkat gagantimpalaan ang iyong mga gawa, … at sila’y babalik mula sa lupain ng kaaway.
“May pag-asa para sa iyong hinaharap, sabi ng Panginoon, at ang iyong mga anak ay babalik sa kanilang sariling lupain.”25
Si Jesucristo ang “pag-asa sa i[n]yong hinaharap.” Walang anumang nagawa natin o hindi nagawa ang hindi maaabot ng Kanyang walang katapusan at walang hanggang sakripisyo. Siya ang dahilan kung bakit hindi nagwawakas ang ating kuwento.26 Kaya nga, “kinakailangan [tayong] magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung [tayo] ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”27
Ang buhay na walang hanggan ay walang hanggang kagalakan. Kagalakan sa buhay na ito ngayon—hindi sa kabila ng mga hamon sa ating panahon kundi dahil sa tulong ng Panginoon ay matututo tayo mula sa mga ito at sa huli ay madadaig ang mga ito—at di-masukat na kagalakan sa buhay na darating. Ang mga luha ay matutuyo, ang mga bagbag na puso ay mapagagaling, ang nawala ay matatagpuan, ang mga alalahanin ay malulutas, ang mga mag-anak ay magkakasamang muli, at lahat ng mayroon ang Ama ay mapapasaatin.28
Umasa kay Jesucristo at mabuhay29 ang aking patotoo sa sagrado at banal na pangalan ng pinakamamahal na “Pastol at Tagapag-alaga ng [ating] mga kaluluwa,”30 na si Jesucristo, amen.