“Naglilingkod ang mga Apostol at Propeta sa mga Banal sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo,” Liahona, Nob. 2023.
Mga Balita sa Simbahan
Naglilingkod ang mga Apostol at Propeta sa mga Banal sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo
Sa World Forgiveness Day noong Hulyo, nagbahagi ng mensahe sa social media si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pagpapatawad. “Ang pagpapatawad ay hindi lamang isang minsanang pagkilos kundi patuloy na proseso na nangangailangan ng pasensya, habag, at pag-unawa,” sabi niya. “Hindi laging madaling patawarin ang mga nakasakit sa iyo. Makatatanggap ka ng lakas mula kay Jesucristo.”
Hinimok ni Pangulong Dallin H. Oaks Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mga young adult sa buong mundo sa isang debosyonal noong Mayo 21 na palaging magkaroon ng walang-hanggang pananaw habang dinaranas nila ngayon ang “mahihirap na panahon.”
“… Anuman ang sarili nating mga pagkakaiba-iba sa pagkakaiba-iba ng mga nilikha ng ating Ama sa Langit, mahal Niya tayong lahat, at ang Kanyang perpektong plano ng kaligayahan ay may [puwang] para sa lahat,” sabi ni Pangulong Oaks. Naipapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan at pinaglilingkuran ang Kanyang mga anak.”
Hinikayat ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mga Banal sa mga Huling Araw na dumalo sa paglalaan ng Saratoga Springs Utah Temple noong Agosto 13 na tumugon nang may pananampalataya at sigla sa bagong bahay ng Panginoon.
Ang mga miyembro ng Simbahan “ay nabigyan ng templong ito bilang tanda ng pagtitiwala ng Panginoon … at nagtitiwala Siya na tutugon [sila] nang may higit na pananampalataya at sigla,” sabi ni Pangulong Eyring. “Ang templong ito ang lugar kung saan mas madalas kang makakahugot ng [lakas sa] mga kapangyarihan ng mga tipan sa templo. Alam Niya ang nilalaman ng puso ninyo. Alam Niya na ang hangarin ninyong mapasigla at maging mas mabubuting tao—habang ang mundo ay nagiging mas palaaway at makasalanan.”
Habang pinag-uusapan at ibinabahagi ng mga miyembro ang mensahe ng Pagpapanumbalik, madarama ng iba ang katotohanan ng kanilang mga salita, sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang pinaka-pambihirang bagay sa kasaysayan ng mundo ay nangyari sa Sagradong Kakahuyan noong 1820,” sabi niya. “Nabuksan ang kalangitan!”
Sa pagsasalita sa mga miyembro at missionary sa Toronto, Ontario, noong Abril, nagpatotoo si Pangulong Ballard tungkol sa pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta. “Isang bagay siguro iyon na tumagos sa kanyang pagkatao—mula sa tuktok ng kanyang ulo hanggang sa kanyang mga talampakan—nang marinig niyang tinawag ng ating Ama sa Langit ang kanyang pangalan, ‘Joseph, ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” [tingnan sa Joseph Smith—Kaaysayan 1:17]. Iyan ang aming mensahe,” sabi niya sa mga missionary.
Noong Abril, bumisita si Elder Dieter F. Uchtdorf sa France, Egypt, at Israel. Dumalo siya sa mga sacrament meeting sa Egypt, nagsalita sa mga estudyante sa Brigham Young University sa Jerusalem Center, at bumisita sa mga banal na lugar.
“Mahirap ipaliwanag ang masayang damdaming ipinagkaloob sa akin ng Panginoon na maging isa sa Kanyang mga disipulo sa panahong ito,” sabi niya. “Mangyari pa, kailangan nating lahat na maging mga disipulo, at kailangan nating mamuhay ayon sa mga tipan na ating nagawa.
“Ngunit ang maparito at magpatotoo bilang isang disipulo, tulad ng ginawa ng mga Apostol noong unang panahon, ay isang bagay na nagpapasigla sa puso ko at lubhang nagpapalakas sa akin. At may matinding pagpapakumbaba, nadarama ko na nagtitiwala sa akin ang Panginoon na ako ay magiging saksi para sa Kanya at sa Kanyang pangalan. Napakasayang makalakad sa mga tinirhan at nilakaran ng mga kapwa namin Apostol.”
Inilaan ni Elder David A. Bednar noong Agosto 26 ang bahay nina Joseph at Emma Smith sa Kirtland, Ohio, na ibinalik sa dati. Sinabi ni Elder Bednar sa isang grupo ng mga 300 katao, kabilang na ang matataas na pinuno ng komunidad at mga lider ng relihiyon: “Ang bahay na ito ay higit pa sa isang gusaling mahalaga sa kasaysayan. Ang bahay na ito ay tunay na isang tahanan kina Joseph at Emma Smith—ang lugar kung saan sama-sama silang nanirahan nang napakahabang panahon bago namatay si Joseph.”
Nagsalita si Elder Quentin L. Cook sa taunang University Conference sa Brigham Young University noong Agosto. Pinansin niya na naimungkahi ng mga eksperto sa pagkahusto ng isipan na ang pagmimisyon ay naglalaan ng proseso ng pagkahusto ng isipan para sa pag-aaral na isang paghahanda para sa mas mataas na edukasyon.
Mahigit dalawang-katlo ng mga estudyante sa BYU ang nakapagmisyon, sabi ni Elder Cook. “Depende sa semestre, mahigit 21,000 mga returned missionary iyan. Isipin ang lakas na naihatid ng mga estudyanteng ito sa BYU sa buong mundo. Sa kabilang dako, isipin kung paano pinalalakas ng kanilang mga karanasan sa misyon ang kapaligaran sa pag-aaral sa kampus na ito.”
Sa pagbisita sa New Zealand at Australia noong Mayo, inanyayahan ni Elder D. Todd Christofferson ang mga Banal sa mga Huling Araw sa New Zealand na paghandaan ang paglalaan ng Auckland Temple sa 2024 sa pagiging mas banal at katulad ni Cristo.
Inanyayahan niya silang itanong sa kanilang sarili, “Ano ang magagawa ko para higit akong maging banal, maging isang mas mainam na handog at pagreregalo ng aking sarili sa Panginoon sa araw na iyon ng paglalaan?”
Nagpatotoo si Elder Neil L. Andersen tungkol kay Jesucristo sa isang assignment sa Asia noong Setyembre. “Ang mga karanasan ko bilang Apostol ng Panginoon ay nagbigay sa akin ng patotoo na si Jesus ang Cristo at na ginagabayan Niya ang Kanyang gawain dito sa lupa sa pamamagitan ng Kanyang propeta at sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostol,” sabi niya. Si Elder Andersen ay nasa Asia North Area ng Simbahan noon para kausapin at paglingkuran ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Korea, Mongolia, at Japan.
Noong Abril 22, nakipagkita si Elder Ronald A. Rasband sa deputy president ng South Africa na si Paul Mashatile, na pumapangalawa sa pangulo sa pamumuno sa South Africa. Ito ang unang pagkakataon na nakausap ng isang pinuno ng Simbahan ang isang opisyal ng pamahalaan na ganito kataas ang ranggo sa South Africa.
Pinagnilayan ng mga lider ang ilan sa mga paraan na nakatulong ang Simbahan na maibsan ang pagdurusa ng mga tao at palakasin ang mga tao sa South Africa, na nagkakahalaga ng R240 milyon (mahigit US $13 milyon) na tulong mula noong 2018. Ang mga donasyon ay nagmula sa pagtulong sa panahon ng kalamidad para suportahan ang mga inisyatibo na makahanap ng trabaho ang mga kabataan, mga subsistence farming program, at mga interbensyon sa karahasan dahil sa kasarian.
Sinabi ni Elder Rasband na umasa siya na ipinakita ng mga pagsisikap na ito na ang Simbahan ay “narito para tumulong nang matagalan. Ginagawa natin ito para masunod ang dalawang dakilang utos ng Panginoon: ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa-tao.”
Sa pagbisita noong Setyembre sa Iceland, Scotland, at England, binigyang-diin ni Elder Gary E. Stevenson na kailangang magkaroon ang mga Banal sa mga Huling Araw ng “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18) na “nakasentro ang buhay kay Jesucristo,” na ginagawa ang lahat ng kaya natin para sumunod sa Kanya. Kasama ang kanyang asawang si Lesa, bumisita si Elder Stevenson sa Reykjavik, Iceland, noong Setyembre 7 bago tumuloy sa Edinburgh, Scotland, at Northampton, England, noong Setyembre 9–10.
Sa isang debosyonal sa Marriott Center sa Education Week ng Brigham Young University noong Agosto 22, nagbigay si Elder Dale G. Renlund ng isang malalim na sermon kung paano nagtutulungan ang pagmamasid, katwiran, at pananampalataya para mapadali ang paghahayag. Kung mag-isa lang, ang pagmamasid, katwiran, at pananampalataya ay hindi maaasahan, pagtuturo ni Elder Renlund. Kailangang magtulungan ang tatlong ito.
“Ang pananampalataya ‘na walang mga gawa’ [Santiago 2:20] ay hindi makakayang palakasin ang sarili nito. Lalago lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagmamasid at pangangatwiran, lakip ang iba pang espirituwal na gawain. Bukod pa rito, ang obserbasyon, katwiran, at pananampalataya ay kadalasang kailangan hindi lamang para makatanggap ng personal na paghahayag kundi para maunawaan ang paghahayag na iyon.”
Noong Hunyo 15, nakipagkita si Elder Gerrit W. Gong sa Kanyang Eminence Sheik Osman Nuhu Sharubutu, ang National Chief Imam at Grand Mufti ng Republic of Ghana. Naganap ang pag-uusap sa bahay ng Grand Mufti sa Accra.
Ibinahagi ni Elder Gong kung paano pinahahalagahan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ating mga unang magulang na sina Adan at Eva na tulad ng mga Muslim: “Naniniwala rin tayo na nagmula tayo sa parehong mga magulang at dapat tayong mamuhay nang magkakasundo bilang isang pamilya.” Sinabi ni Elder Gong na pinamumunuan tayo ng isang propeta ng Diyos, si Pangulong Russell M. Nelson, na ang mga turo ay katulad ng sa Imam. “Itinuturo sa amin ng aming propeta na hayaang manaig ang Diyos, itinuturo niya na lahat tayo ay dapat maging tagapamayapa, itinuturo niya na dapat naming tulungan ang aming mga kabataan na makapag-aral at makakuha ng training upang magtagumpay sila sa buhay, at itinuturo niya sa amin na bigyan ng kapangyarihan ang kababaihan at ang ating bagong na henerasyon. Ito ang lahat ng bagay na narinig ko mula sa inyo ngayon.”
Naglakbay si Elder Ulisses Soares nang 10 araw papunta sa Chile, Uruguay, at Argentina noong Hunyo. Kabilang sa panahon niya sa Argentina ang pagsasalita sa isang interfaith conference, interbyu sa isang kilalang Argentine journalist, at paglilingkod sa mga miyembro ng Simbahan.
“Ang kapayapaan ay nagsisimula sa paggalang sa pagkakaiba ng bawat tao,” sabi ni Elder Soares sa mga nagtipon para sa World Congress of Interreligious and Intercultural Dialogue sa Buenos Aires. “Ang konsepto ng dignidad ng tao ay maaaring magkaiba-iba sa kultura, ngunit hindi ito nagbabago sa isang pabagu-bago at nagbabagong mundo. Nilulunasan ng mga karapatan ng tao ang hindi pagiging balanse sa pribilehiyo, yaman, at oportunidad. At ang mga karapatang iyon ay kailangang gamitin sa buong mundo.”