Walang Hanggang Katotohanan
Ang pangangailangan natin na makilala ang katotohanan ay hindi pa kailanman naging ganito kahalaga!
Mga kapatid, salamat sa inyong katapatan sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at salamat sa inyong pagmamahal at paglilingkod sa isa’t isa. Talagang kahanga-hanga kayo!
Pambungad
Matapos naming matanggap ng aking asawang si Anne ang tawag na maglingkod bilang mga full-time mission leader, nagpasiya ang pamilya namin na alamin ang pangalan ng bawat missionary bago kami dumating sa field. Humingi kami ng mga retrato, gumawa ng mga flash card, at sinimulang tandaan ang mga mukha at isaulo ang mga pangalan.
Pagdating namin, nagkaroon kami ng mga kumperensya para magpakilala sa mga missionary. Habang nakikihalubilo kami, narinig ko ang sinabi ng aming siyam na taong gulang na anak:
“Masaya akong makilala ka, Sam!”
“Rachel, taga-saan ka?”
“Wow, David, ang tangkad mo!”
Nababahala, nilapitan ko ang aming anak at bumulong, “Uy, tandaan nating tawagin ang mga missionary na Elder o Sister.”
Nalilitong tumingin siya sa akin at nagsabing, “Itay, akala ko dapat saulado natin ang mga pangalan nila.” Ginawa ng anak namin ang inakala niyang tama batay sa kanyang pagkaunawa.
Kaya, ano ang pagkaunawa natin sa katotohanan sa mundo ngayon? Palagi tayong inuulan ng matitinding opinyon, pag-uulat na may kinikilingan, at hindi kumpletong datos. Kasabay nito, ang daming pinagmumulan ng impormasyong ito. Ang pangangailangan natin na makilala ang katotohanan ay hindi pa kailanman naging ganito kahalaga!
Mahalaga sa atin ang katotohanan para sa pagbuo at pagpapatibay ng ating ugnayan sa Diyos, magkaroon ng kapayapaan at kagalakan, at maabot ang ating banal na potensyal. Ngayon, pag-isipan natin ang sumusunod na mga tanong:
-
Ano ang katotohanan, at bakit ito mahalaga?
-
Paano natin mahahanap ang katotohanan?
-
Kapag nahanap natin ang katotohanan, paano natin ito maibabahagi?
Ang Katotohanan ay Walang Hanggan
Itinuro sa atin ng Panginoon sa mga banal na kasulatan na “ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24). Ito ay “hindi nilikha o ginawa” (Doktrina at mga Tipan 93:29) at “walang katapusan” (Doktrina at mga Tipan 88:66).1 Ang katotohanan ay tiyak, di-natitinag, at hindi nagbabago. Sa madaling salita, ang katotohanan ay walang hanggan.2
Tinutulungan tayo ng katotohanan na makaiwas sa panlilinlang,3 malaman ang mabuti sa masama,4 makatanggap ng proteksiyon,5 at makadama ng kapanatagan at mapagaling.6 Magagabayan din ng katotohanan ang ating kilos,7 magagawa tayong malaya,8 mapadadalisay tayo,9 at aakayin tayo tungo sa buhay na walang hanggan.10
Naghahayag ang Diyos ng Walang Hanggang Katotohanan
Naghahayag ang Diyos ng walang hanggang katotohanan sa atin sa pamamagitan ng isang proseso na itinatag para sa pagtanggap ng mga paghahayag na kasama mismo ang Diyos, si Jesucristo, ang Espiritu Santo, mga propeta, at tayo. Talakayin natin ang mga natatangi ngunit magkakaugnay na ginagampanan ng bawat indibiduwal sa prosesong ito.
Una, ang Diyos ang pinagmumulan ng walang hanggang katotohanan.11 Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo,12 ay may ganap na pagkaunawa sa katotohanan at palaging kumikilos ayon sa tunay na mga alituntunin at mga batas.13 Sa kapangyarihang ito Sila ay nakalilikha ng mga mundo at napamumunuan Nila ang mga ito14 at minamahal, ginagabayan, at pinangangalagaan tayo sa perpektong paraan.15 Nais Nilang maunawaan natin at maipamuhay natin ang katotohanan para matamasa natin ang mga pagpapalang natatamasa Nila.16 Maibabahagi Nila ang katotohanan nang personal o, ang mas karaniwan, sa pamamagitan ng mga sugo na tulad ng Espiritu Santo, mga anghel, o mga buhay na propeta.
Pangalawa, ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan.17 Direkta Niyang inihahayag sa atin ang mga katotohanan at nagpapatotoo rin sa mga katotohanang itinuturo ng iba. Ang mga impresyon mula sa Espiritu ay mga ideya na pumapasok sa ating isipan at nadarama sa ating puso.18
Pangatlo, natatanggap ng mga propeta ang katotohanan mula sa Diyos at ibinabahagi iyon sa atin.19 Nalalaman natin ang katotohanan mula sa mga propeta noon sa mga banal na kasulatan20 at mula sa mga buhay na propeta sa pangkalahatang kumperensya at sa iba pang opisyal na mga paraan.
Panghuli, kayo at ako ay may mahalagang ginagampanan sa prosesong ito. Umaasa ang Diyos na hahanapin, kikilalanin, at kikilos tayo ayon sa katotohanan. Ang kakayahan nating matanggap at maipamuhay ang katotohanan ay depende sa lakas ng ating kaugnayan sa Ama at sa Anak, sa pagtugon natin sa impluwensya ng Espiritu Santo, at pag-ayon natin sa mga propeta sa mga huling araw.
Kailangan nating tandaan na kumikilos si Satanas para ilayo tayo sa katotohanan. Alam niya na kung walang katotohanan, hindi tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Inihahalo niya ang mga katotohanan sa makamundong mga pilosopiya para lituhin at gambalain tayo sa nais iparating ng Diyos.21
Paghahanap, Pagkilala, at Pagsasabuhay ng Walang Hanggang Katotohanan
Sa paghahanap natin ng walang hanggang katotohanan,22 ang dalawang tanong na ito ay makatutulong na makilala natin kung ang konsepto ay mula sa Diyos o sa iba:
-
Ang itinuro bang konsepto ay nakaayon sa mga banal na kasulatan o sa salita ng mga buhay na propeta?
-
Ang konsepto ba ay pinagtitibay ng patotoo ng Espiritu Santo?
Inihahayag ng Diyos ang mga walang hanggang katotohanan sa pamamagitan ng mga propeta, at pinagtitibay sa atin ng Espiritu Santo ang mga katotohanang iyon at tinutulungan tayong ipamuhay ang mga iyon.23 Kailangan nating hangarin at maging handang tanggapin ang mga espirituwal na impresyong ito kapag dumarating ang mga ito.24 Nadarama natin ang pagpapatotoo ng Espiritu kapag mapagpakumbaba tayo,25 taimtim na nagdarasal at inaaral ang mga salita ng Diyos,26 at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.27
Kapag pinagtitibay sa atin ng Espiritu Santo ang isang katotohanan, lumalalim ang ating pang-unawa kapag isinasagawa natin ang alituntuning iyon. Sa paglipas ng panahon, kapag patuloy nating ipinamumuhay ang alituntunin, nagiging tiyak ang ating kaalaman sa katotohanang iyon.28
Halimbawa, nagkamali ako at nakonsiyensya ako dahil sa mga pagkakamaling iyon. Ngunit sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral, at pananalig kay Jesucristo, nakatanggap ako ng patotoo tungkol sa alituntunin ng pagsisisi.29 Habang patuloy akong nagsisisi, mas lumalim ang pagkaunawa ko tungkol sa pagsisisi. Naramdaman ko na mas napalapit ako sa Diyos at sa Kanyang Anak. Alam ko na ngayon na mapapatawad ang kasalanan sa pamamagitan ni Jesucristo, dahil nararanasan ko ang mga pagpapala ng pagsisisi sa araw-araw.30
Pagtitiwala sa Diyos Kapag Hindi Pa Inihahayag ang Katotohanan
Kaya nga, ano ang dapat nating gawin kapag tapat tayong naghahanap ng katotohanan na hindi pa inihahayag? Nahahabag ako sa mga kasama natin na naghahangad ng mga sagot na tila hindi naman dumarating.
Kay Joseph Smith, ipinayo ng Panginoon, “Manahimik ka muna hanggang sa makita kong nararapat nang ipaalam ang lahat ng bagay … hinggil dito” (Doktrina at mga Tipan 10:37).
At kay Emma Smith, ipinaliwanag Niya, “Huwag bumulung-bulong dahil sa mga bagay na hindi mo nakita, sapagkat ang mga ito ay ipinagkait sa iyo at sa sanlibutan, na karunungan sa akin sa darating na panahon” (Doktrina at mga Tipan 25:4).
Ako man ay naghanap ng mga sagot sa mga bagay na itinanong ko nang taos-puso. Maraming sagot na dumating; ang ilan ay hindi.31 Kapag kumakapit tayo—nagtitiwala sa karunungan at pagmamahal ng Diyos, sumusunod sa Kanyang mga kautusan, at umaasa sa alam natin—tinutulungan Niya tayong magkaroon ng kapayapaan hanggang sa ihayag Niya ang katotohanan ng lahat ng bagay.32
Pag-unawa sa Doktrina at Patakaran
Kapag naghahanap ng katotohanan, makatutulong na maunawaan natin ang pagkakaiba ng doktrina at patakaran. Ang doktrina ay tumutukoy sa mga walang hanggang katotohanan, tulad ng likas na katangian ng Panguluhang Diyos, plano ng kaligtasan, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Ang patakaran ay pagsasabuhay ng doktrina batay sa mga kasalukuyang sitwasyon. Ang mga patakaran ay tumutulong sa atin na pangasiwaan ang Simbahan sa maayos na paraan.
Bagama’t hindi kailanman nagbabago ang doktrina, ang mga patakaran ay paminsan-minsang binabago. Kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta upang itaguyod ang Kanyang doktrina at baguhin ang mga patakaran ng Simbahan ayon sa mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.
Sa kasamaang-palad, inaakala natin kung minsan na ang patakaran ay doktrina. Kung hindi natin nauunawaan ang pagkakaiba, posibleng madismaya tayo kapag nagbago ang mga patakaran, at maaaring magsimulang pagdudahan ang karunungan ng Diyos o ang tungkulin ng mga propeta sa paghahayag.33
Pagtuturo ng Walang Hanggang Katotohanan
Kapag nakatatanggap tayo ng katotohanan mula sa Diyos, hinihikayat Niya tayong ibahagi ang kaalamang iyon sa iba.34 Ginagawa natin ito kapag nagtuturo tayo sa klase, ginagabayan ang isang bata, o tinatalakay ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa isang kaibigan.
Ang layunin natin ay ituro ang katotohanan sa paraang nag-aanyaya sa nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng Espiritu Santo.35 Magbabahagi ako ng ilang simpleng paanyaya mula sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta na makatutulong.36
-
Magtuon sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Kanilang pangunahing doktrina.37
-
Manatiling nakasalig sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta ng mga huling araw.38
-
Magtiwala sa doktrinang naitatag sa pamamagitan ng maraming saksi na may awtoridad.39
-
Umiwas sa haka-haka, personal na opinyon, o mga ideya ng mundo.40
-
Ituro ang isang punto ng doktrina sa konteksto ng kaugnay na mga katotohanan ng ebanghelyo.41
-
Gamitin ang mga paraan sa pagtuturo na nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu.42
-
Magsalita nang malinaw para maiwasan ang maling pagkaunawa.43
Pagsasabi ng Katotohanan nang may Pagmamahal
Napakahalaga kung paano natin itinuturo ang katotohanan. Hinikayat tayo ni Pablo na magsabi “ng katotohanan nang may pagmamahal” (tingnan sa Efeso 4:14–15). Napakalaki ng tsansa na mapagpala ng katotohanan ang iba kapag ipinarating ito nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo.44
Ang katotohanan na itinuro nang walang pagmamahal ay maaaring maging sanhi para makaramdam ng panghuhusga, panghihina-ng-loob, at kalungkutan. Madalas na nauuwi ito sa galit at hindi pagkakasundo—maging sa alitan. Sa kabilang banda, ang pagmamahal na walang katotohanan ay hungkag at kulang sa pangako ng pag-unlad.
Kapwa mahalaga ang katotohanan at pagmamahal sa ating espirituwal na pag-unlad.45 Ang katotohanan ay naglalaan ng doktrina, mga alituntunin, at mga batas na kailangan upang matamo ang buhay na walang hanggan, samantalang ang pagmamahal ay nagdudulot ng motibasyon na kailangan para yakapin at gawin kung ano ang totoo.
Walang hanggan ang pasasalamat ko sa ibang tao na matiyagang nagturo sa akin ng walang hanggang katotohanan nang may pagmamahal.
Pangwakas
Bilang pagtatapos, hayaang ibahagi ko sa inyo ang mga walang hanggang katotohanan na naging angkla sa aking kaluluwa. Nalaman ko ang mga katotohanang ito sa pagsunod sa mga alituntuning tinalakay ngayon.
Alam ko na ang Diyos ang ating Ama sa Langit.46 Alam Niya ang lahat ng bagay,47 Siya ay makapangyarihan sa lahat,48 at lubos na mapagmahal.49 Gumawa Siya ng plano para makamit natin ang buhay na walang hanggan at maging katulad Niya.50
Bilang bahagi ng planong iyan, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, para tulungan tayo.51 Tinuruan tayo ni Jesus na gawin ang kalooban ng Ama52 at mahalin ang isa’t isa.53 Tinubos Niya ang ating mga kasalanan54 at inialay ang Kanyang buhay sa krus.55 Nagbangon Siya mula sa mga patay makalipas ang tatlong araw.56 Sa pamamagitan ni Cristo at ng Kanyang biyaya, tayo ay muling mabubuhay,57 mapapatawad tayo,58 at magkakaroon ng lakas sa paghihirap.59
Sa Kanyang ministeryo sa lupa, itinatag ni Jesus ang Kanyang Simbahan.60 Sa paglipas ng panahon, binago ang Simbahang iyon, at nawala ang mga katotohanan.61 Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan at ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.62 At ngayon, patuloy na pinamumunuan ni Cristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at apostol.63
Alam ko na kapag lumapit tayo kay Cristo, maaari tayong “maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32), magtamo ng “ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:33), at matanggap ang “lahat na mayroon [ang] Ama” (Doktrina at mga Tipan 84:38). Pinatototohanan ko ang mga walang hanggang katotohanang ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.