Mapagpakumbabang Tumanggap at Sumunod
Ang pagpapakumbaba ay kinakailangan para maging handa tayong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
Sa ikalimang kabanata ng Alma, isang mapanuring tanong ang ibinigay: “Masasabi ba ninyo sa inyong sarili, kung kayo ay tatawaging mamatay sa mga sandaling ito, na kayo ay naging sapat na mapagpakumbaba?”1 Ipinahihiwatig ng tanong na iyan na ang pagpapakumbaba ay kinakailangan para maging handa tayong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
Gusto nating lahat na isipin na sapat ang ating pagpapakumbaba, ngunit ang ilang karanasan sa buhay ay nagpapaunawa sa atin na kadalasang buhay na buhay sa atin ang pagiging likas na tao.
Ilang taon na ang nakararaan, noong kasama pa namin sa bahay ang dalawang anak naming babae, nagpasiya akong ipakita sa kanila at sa asawa ko ang departamentong pinangangasiwaan ko sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko.
Bagama’t ang tunay kong layunin ay ipakita sa kanila ang isang lugar kung saan, hindi tulad sa tahanan namin, gagawin ng lahat ang ipinagagawa ko sa kanila nang walang tanung-tanong. Nang makarating kami sa pasukan sa harap, na karaniwang awtomatikong bumubukas kapag palapit na ang kotse ko, nagulat ako na hindi ito bumukas sa pagkakataong ito. Sa halip, isang guwardiya na ngayon ko lang nakita sa tanang buhay ko ang lumapit sa kotse at hiningi sa akin ang aking company ID.
Sinabi ko sa kanya na hindi ko kailangan ang ID para makapasok sa gusali sakay ng kotse ko at pagkatapos ay tinanong ko siya nang may pagmamataas: “Kilala mo ba kung sino ang kausap mo?”
Ang sagot niya ay, “Dahil wala kang company ID, hindi ko makikilala kung sino ka, at habang ako ang nagbabantay rito, hindi kita pahihintulutang pumasok sa gusali nang walang wastong pagkakakilanlan.”
Naisip kong tumingin sa rearview mirror para makita ang reaksiyon ng mga anak ko sa lahat ng ito, pero alam kong natatawa sila sa mga nangyayari! Ang asawa ko sa tabi ko ay pailing-iling para ipakita na hindi niya nagustuhan ang inasal ko. Ang huling opsiyon ko noon ay humingi ng paumanhin sa guwardiya sa napakasamang pagtrato ko sa kanya. “Pinatatawad na kita,” sabi niya, “pero kung wala kang company ID ay hindi ka makakapasok ngayon!”
Pagkatapos ay mabagal akong nagmaneho pabalik sa bahay para kunin ang ID ko, na natutuhan ang mahalagang aral na ito: kapag pinili nating huwag magpakumbaba, sa huli ay mapapahiya tayo.
Sa Mga Kawikaan, mababasa natin, “Ang kapalaluan ng tao ang sa kanya’y magpapababa, ngunit magtatamo ng karangalan ang may mapagpakumbabang diwa.”2 Upang maging mapagpakumbaba, dapat nating maunawaan kung ano talaga ang kahulugan nito sa konteksto ng ebanghelyo.
Ipinagkakamali ng ilang tao ang pagiging mapagpakumbaba sa iba pang mga bagay tulad halimbawa ng pagiging mahirap. Ngunit ang totoo, maraming mahihirap na palalo at marami ring mayayaman na mapagpakumbaba. Ang iba na napakamahiyain o may mababang pagpapahalaga sa sarili ay maaaring kakitaan ng pagpapakumbaba ngunit sa kaibuturan ng puso ay puno sila ng kapalaluan kung minsan.
Kung gayon ano ang pagpapakumbaba? Ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ito ay “kahandaang sumunod sa kagustuhan ng Panginoon. … Ito ay pagiging madaling turuan. … [Ito] ay mahalagang elemento para sa ating espirituwal na pag-unlad.”3
Talagang maraming pagkakataon para sa ating lahat na pagbutihin ang katangiang ito na tulad ng kay Cristo. Gusto kong magsalita muna kung gaano tayo naging mapagpakumbaba, o dapat na maging mapagpakumbaba, sa pagsunod sa payo ng ating propeta. Ang isang pop quiz para sa bawat isa sa atin ay:
-
Binabanggit ba natin ang buong pangalan ng Simbahan sa lahat ng pakikipag-ugnayan natin? Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Malaking tagumpay para kay Satanas ang maalis ang pangalan ng Panginoon sa Simbahan ng Panginoon.”4
-
Hinahayaan ba nating manaig ang Diyos sa ating buhay sa pamamagitan ng pagtanggap sa napakalinaw na paanyaya ng ating propeta? “Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo.”5
-
Nadaraig ba natin ang mundo, nagtitiwala ba tayo sa doktrina ni Cristo nang higit kaysa sa mga pilosopiya ng mga tao, tulad ng itinuro ng ating propeta?6
-
Naging mga tagapamayapa ba tayo na nagsasabi ng magagandang bagay sa mga tao at tungkol sa mga tao? Itinuro sa atin ni Pangulong Nelson sa nakaraang pangkalahatang kumperensya ang sumusunod: “Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri na masasabi natin tungkol sa ibang tao—siya man ay nakaharap o nakatalikod—iyan dapat ang ating maging pamantayan sa pakikipag-usap.”7
Ang mga ito ay simple ngunit mahigpit na mga tagubilin. Tandaan, upang mapagaling ang lahat ng tao ni Moises kailangan nilang tingnan ang ahas na tanso na itinaas niya.8 Ngunit “dahil sa kagaanan ng paraan, o kadalian nito, marami ang nangasawi.”9
Sa kumperensyang ito narinig at maririnig pa natin ang walang-maliw na payo ng ating mga propeta at apostol. Perpektong pagkakataon ito para magkaroon ng pagpapakumbaba at hayaang ang ating matibay na opinyon ay madaig ng mas matibay na pananalig na ang Panginoon ay nangungusap sa pamamagitan ng mga piniling lider na ito.
Higit sa lahat, sa paglilinang ng pagpapakumbaba, kailangan din nating maunawaan at tanggapin na hindi natin kayang daigin ang ating mga hamon o makamtan ang ating buong potensyal sa pamamagitan lamang ng ating sariling pagsisikap. Ang mga mapanghikayat na tagapagsalita, manunulat, coach at influencer sa iba’t ibang panig ng mundo, lalo na sa mga digital platform, ay magsasabi na nakasalalay lamang ang lahat ng bagay sa atin at sa ating mga gagawin. Nagtitiwala ang mundo sa bisig ng laman.
Ngunit nalaman natin sa pamamagitan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na lubos tayong umaasa sa kabutihang-loob ng Ama sa Langit at sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, “sapagkat nalalaman [nating] naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”10 Kaya nga napakahalagang gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, dahil sa paggawa nito matatanggap natin ang lubos na paggaling, nagbibigay-kakayahan, at nakasasakdal na kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang pagdalo sa sacrament meeting linggu-linggo at regular na pagsamba sa templo para makibahagi sa mga ordenansa at tumanggap at magpanibago ng mga tipan ay tanda na kinikilala natin na umaasa tayo sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Aanyayahan niyan ang Kanilang kapangyarihan sa ating buhay para matulungan tayo sa lahat ng ating mga problema at sa huli ay maisakatuparan ang layunin ng paglikha sa atin.
Hindi pa natatagalan, ang antas ng aking pagpapakumbaba at pagkaunawa na umaasa ako sa Panginoon ay muling nasubukan. Nasa taxi ako papunta sa airport para sa maikling biyahe papunta sa isang lugar kung saan may napakahirap na sitwasyong lulutasin. Ang drayber ng taxi, na hindi miyembro ng Simbahan, ay tiningnan ako sa salamin at sinabing, “Parang may mabigat kang problema!”
“Halata ba?” tanong ko.
“Oo,” sabi niya. Kasunod niyon ay sinabi niya, “Hindi maganda ang aura mo, masyadong negatibo!”
Ipinaliwanag ko sa kanya na may kakaharapin akong napakahirap na sitwasyon at itinanong niya, “Nagawa mo na ba ang lahat ng makakaya mo para malutas ito?”
Sumagot ako na nagawa ko na ang lahat ng makakaya ko.
Pagkatapos ay may sinabi siya na hindi ko kailanman malilimutan: “Kung gayon ipaubaya mo na ito sa Diyos, at magiging maayos ang lahat.”
Aaminin ko na natukso akong itanong sa kanya, “Kilala mo ba ang kausap mo?” Ngunit hindi ko iyon ginawa! Ang ginawa ko ay nagpakumbaba ako sa harap ng Panginoon sa buong isang oras ng biyaheng iyon, na hinihingi ang Kanyang tulong. Nang bumaba ako sa eroplano, nalaman ko na naayos na ang mahirap na sitwasyon at hindi ko na kailangang pumunta pa roon.
Mga kapatid, ang utos, paanyaya, at pangako ng Panginoon ay malinaw at nakapapanatag: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”11
Nawa’y mapagpakumbaba nating sundin ang payo ng ating mga propeta at tanggapin na tanging ang Diyos at si Jesucristo lamang ang makapagpapabago sa atin—sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipang natatanggap sa Kanyang Simbahan—upang maging pinakamabuting bersiyon ng ating sarili sa buhay na ito at, balang-araw, tayo ay magiging sakdal kay Cristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.