Mamuhay na Nakaugnay kay Cristo sa Pamamagitan ng Tipan
Tulad ni Enoc, dapat nating tandaan na Siya na naghirap para sa atin ay hahayaan tayong maranasan ang mortalidad, ngunit hindi Niya inuutos sa atin na harapin ang mga hamong iyon nang mag-isa.
Ipinaalam sa akin ng kaibigan kong si Ilan ang isang daan sa Israel. “Ang tawag dito ay Jesus Trail,” sabi niya, “dahil ito ang daan mula sa Nazaret papunta sa Capernaum na pinaniniwalaan ng marami na nilakaran ni Jesus.” Ipinasiya ko sa oras na iyon na gusto kong lakaran ang daang iyon, kaya sinimulan kong planuhin ang pagpunta sa Israel.
Anim na linggo bago ang paglalakbay, nabalian ako ng bukung-bukong. Nag-alala ang asawa ko dahil sa pinsala; ang talagang ipinag-alala ko ay kung paano ako makakalakad sa Jesus Trail sa susunod na buwan. May katigasan ang ulo ko, kaya hindi ko kinansela ang tiket sa eroplano.
Naaalala ko nang makilala ko ang taga-Israel na gagabay sa amin sa magandang umagang iyon ng Hunyo. Lumabas ako ng van at pagkatapos ay inilabas ko ang aking saklay at knee scooter. Tiningnan ni Mya, na aming guide, ang paa ko na nakasemento at sinabing, “Ah, parang hindi mo kakayaning lumakad sa daan na ito sa ganyang kundisyon.”
“Siguro nga,” sagot ko. “Pero walang makakapigil sa akin na sumubok.” Tumango siya, at nagsimula kami. Natuwa ako sa kanya, na naniwala siya na makakaya kong maglakad kahit may pinsala ako.
Tinahak ko ang matarik na landas at ang mabatong daan nang mag-isa. At, nang nakita niya na determinado ako, kumuha si Mya ng manipis na lubid, itinali ito sa mga hawakan ng aking scooter, at hinila ito. Hinila niya ako pataas sa burol, sa mga taniman ng lemon, at sa pampang ng Dagat ng Galilea. Pagkatapos maglakbay, nagpasalamat ako sa aking mabait na guide o gabay, na nakatulong sa akin na magawa ang bagay na hindi ko sana nagawa kung ako lang mag-isa.
Nang tawagin ng Panginoon si Enoc na maglakbay sa lupain at magpatotoo tungkol sa Kanya, nag-atubili si Enoc.1 Siya ay bata pa at mabagal magsalita. Paano niya matatahak ang landas na iyon sa kanyang kalagayan? Naging hadlang sa kanya ang kanyang kahinaan. Ang sagot ng Panginoon sa hadlang na iyon ay simple at kaagad na dumating: “Lumakad kang kasama ko.”2 Tulad ni Enoc, dapat nating tandaan na Siya na naghirap para sa atin3 ay hahayaan tayong maranasan ang mortalidad, ngunit hindi Niya inuutos sa atin na harapin ang mga hamong iyon nang mag-isa.4 Anuman ang bigat ng kuwento ng ating buhay o ang landas na tinatahak natin, aanyayahan Niya tayong lumakad na kasama Niya.5
Isipin ang balisang binatilyo na nakatagpo ang Panginoon sa isang lugar sa ilang. Si Jacob ay naglakbay palayo sa tahanan. Sa kadiliman ng gabi, nanaginip siya hindi lang ng isang hagdan kundi ng mahahalagang pangako sa tipan, pati na ang gusto kong tawagin na limang-daliring pangako.6 Noong gabing iyon, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Jacob, ipinakilala ang Kanyang sarili bilang ang Diyos ng ama ni Jacob, at nangako:
-
Kasama mo Ako.
-
Iingatan kita.
-
Iuuwi kitang muli.
-
Hindi kita iiwang mag-isa.
-
Tutuparin ko ang aking pangako sa iyo.7
Kailangang pumili si Jacob. Maaari niyang piliing mamuhay na kilala lamang ang Diyos ng kanyang ama, o maaari Niyang piliing mamuhay na may tapat na ugnayan sa pakikipagtipan sa Kanya. Makalipas ang ilang taon, nagpatotoo si Jacob tungkol sa buhay na nakaayon sa mga pangako ng tipan: “Sumagot sa akin [ang Diyos] sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo.”8 Tulad ng ginawa Niya kay Jacob, sasagutin tayo ng Panginoon sa panahon ng ating kapighatian kung pipiliin nating iangkla ang ating buhay sa Kanya. Nangako Siya na lalakad na kasama natin sa landas.
Ang tawag natin dito ay pagtahak sa landas ng tipan—landas na nagsisimula sa tipan ng binyag at humahantong sa mas malalim na mga tipan natin sa templo. Marahil ay naririnig ninyo ang mga salitang iyon at nag-iisip kayo ng mga bagay na dapat gawin. Siguro ang tanging nakikita ninyo ay landas na puno ng mga kinakailangan. Kapag mas nagtuon kayo ng pansin makakakita kayo ng bagay na mas kahika-hikayat. Ang tipan ay hindi lamang tungkol sa kasunduan, bagama’t mahalaga iyan. Tungkol ito sa pakikipag-ugnayan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang landas ng tipan ay tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos.”9
Isipin ang tipan ng kasal. Ang petsa ng kasal ay mahalaga, ngunit mahalaga rin ang ugnayang mabubuo sa pagsasama matapos ikasal. Totoo rin ito sa ugnayan sa pakikipagtipan sa Diyos. Nakatakda na ang mga kondisyon, at magkakaroon ng mga inaasahan kalaunan. Inaanyayahan Niya ang bawat isa na lumapit kapag kaya natin, nang buong puso, at “magpatuloy sa paglakad”10 kasama Siya sa ating tabi, nagtitiwala na darating ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala. Ipinapaalala sa atin ng banal na kasulatan na kadalasang dumarating ang mga pagpapalang iyon sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan: 38 taon,11 12 taon,12 agad-agad.13 Kung hihirap ang inyong daan, may tulong Siyang nakalaan.14
Layunin Niyang tulungan tayo sa ating pagkakalugmok. Tatagpuin tayo ni Jesucristo kung saan tayo naroroon. Ito ang dahilan ng halamanan, ng krus, at ng libingan. Ang Tagapagligtas ay isinugo upang tulungan tayong makapanaig.15 Ngunit ang pananatili sa kinaroroonan natin ay hindi maghahatid ng kaligtasang hangad natin. Tulad ng hindi Niya iniwan si Jacob na nakalugmok, hindi nais ng Panginoon na iwan ang sinuman kung saan tayo naroroon.
Siya ay may misyon din na iangat tayo. Tutulungan Niya tayo16 para dalhin tayo sa kinaroroonan Niya at, sa huli, ay bibigyan tayo ng kakayahang maging tulad Niya. Pumarito si Jesucristo upang iangat tayo17 Nais Niyang tulungan tayong makamit ang dapat nating marating. Iyan ang dahilan kaya may templo.
Dapat nating tandaan: hindi lamang ang landas ang dadakila sa atin; kundi ang kasama natin–ang ating Tagapagligtas. At ito ang dahilan ng ugnayan sa pamamagitan ng tipan.
Noong nasa Israel ako, binisita ko ang Western Wall. Para sa mga Judio, ito ang pinakabanal na lugar sa Israel. Ito na lang ang natira sa kanilang templo. Karamihan ay maayos ang suot nilang damit kapag binibisita nila ang sagradong lugar na ito; ang pinili nilang kasuotan ay simbolo ng katapatan nila sa kaugnayan nila sa Diyos. Bumibisita sila rito para magbasa ng mga banal na kasulatan, sumamba, at ibuhos ang kanilang mga panalangin. Ang pagsamo na magkaroon ng templo ang pinag-uukulan nila ng pansin sa bawat araw, sa bawat panalangin, inaasam na magkaroon ng bahay ng tipan. Hanga ako sa katapatan nila.
Nang umuwi ako mula sa Israel, mas pinakinggan ko ang mga pag-uusap sa paligid ko tungkol sa mga tipan. Napansin ko ang mga taong nagtatanong kung bakit dapat akong tumahak sa landas ng tipan? Bakit kailangan kong pumasok sa isang bahay para makipagtipan? Bakit ako nagsusuot ng banal na kasuotan? Dapat ko bang pag-ukulan ng panahon ang pakikipagtipan sa Panginoon? Ang sagot sa magaganda at mahahalagang tanong na ito ay simple: depende ito sa lalim ng kaugnayan na nais mong maranasan kay Jesucristo.18 Bawat isa sa atin ay kailangang tuklasin ang sarili nating kasagutan sa malalalim at personal na katanungang iyan.
Narito ang sa akin: Tinatahak ko ang landas na ito bilang “minamahal na anak na babae ng mga magulang na nasa langit,”19 banal ang pagkakilala20 at labis na pinagtitiwalaan.21 Bilang anak ng tipan, maaari akong tumanggap ng ipinangakong22 mga pagpapala. Pinili23 kong lumakad na kasama ng Panginoon. Ako ay tinawag24 na maging saksi ni Cristo. Kapag nahihirapan ako sa landas, ako ay napalalakas25 ng nagbibigay-kakayahang biyaya. Tuwing pumupunta ako sa Kanyang bahay, lalong lumalalim ang pakikipagtipan ko sa Kanya. Ako ay pinababanal26 ng Kanyang Espiritu, pinagkalooban27 ng Kanyang kapangyarihan, at itinalaga28 na itayo ang Kanyang kaharian. Sa araw-araw na pagsisisi at pagtanggap ng sakramento linggu-linggo, natututo akong maging matatag29 at naglilibot na gumagawa ng mabuti.30 Tinatahak ko ang landas na ito kasama ni Jesucristo, na inaasam ang ipinangakong araw na Siya ay babalik. Pagkatapos ay mabubuklod ako sa Kanya31 at iaangat bilang banal32 na anak ng Diyos.
Iyan ang dahilan kaya tinatahak ko ang landas ng tipan.
Iyan ang dahilan kaya nakakapit ako sa mga pangako ng tipan.
Iyan ang dahilan kaya pumapasok ako sa Kanyang bahay ng tipan.
Iyan ang dahilan kaya ko suot ang banal na garment bilang paalala sa tuwina.
Dahil gusto kong mamuhay sa tapat na pakikipagtipan sa Kanya.
Marahil kayo rin. Magsimula sa inyong kinaroroonan.33 Huwag hayaang humadlang ang inyong kalagayan. Tandaan, ang pag-unlad ninyo sa landas ng tipan ay mas mahalaga kaysa sa bilis ng progreso.34 Hilingin sa taong pinagtitiwalaan ninyo, na nasa landas ng tipan, na ipakilala kayo sa Tagapagligtas na nakilala niya. Alamin pa ang tungkol sa Kanya. Mag-ukol ng panahon sa pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya. Hindi mahalaga kung ano ang edad o kalagayan ninyo. Makakalakad kayong kasama Niya.
Pagkatapos naming maglakad sa Jesus Trail, hindi kinuha ni Mya ang kanyang lubid. Iniwan niya ito na nakatali sa scooter. Nang sumunod na ilang araw, ang mga pamangkin kong tinedyer at mga kaibigan nila ang humila sa aking scooter sa mga kalye ng Jerusalem.35 Tiniyak nila na mapupuntahan ko ang lahat ng lugar sa mga kuwento tungkol kay Jesus. Naipaalala sa akin ang lakas ng bagong henerasyon. Matututo kami mula sa inyo. Kayo ay may tunay na hangaring makilala ang gabay, si Jesucristo. Nagtitiwala kayo sa lakas ng lubid na nagtatali sa atin sa Kanya. Pinagpala kayong tipunin ang iba sa Kanya.36
Salamat at magkakasama tayong naglalakad sa landas na ito, naghihikayat sa iba habang naglalakbay.37 Sa pagbabahagi natin ng personal na karanasan kasama si Cristo, mapapalakas natin ang ating sariling katapatan. Ito ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.