2023
Ginoo, Ibig Sana Naming Makita si Jesus
Nobyembre 2023


10:23

Ginoo, Ibig Sana Naming Makita si Jesus

Nais natin ang makita si Jesus sa kung sino Siya talaga at madama ang Kanyang pagmamahal.

Face Blindness

Isang araw noong tagsibol ng 1945, isang binata ang nagising sa isang ospital ng military. Siya ay pinalad na mabuhay—nabaril siya sa likod ng tainga, ngunit naoperahan na siya ng mga doktor, at siya ay nakakalakad na at normal nang nakakapagsalita.

Ang nakakalungkot ay napinsala ng bala ang bahagi ng kanyang utak na nakakakilala ng mga mukha. Nakatingin siya sa kanyang asawa ngunit hindi niya makilala ito; hindi rin niya makilala ang sarili niyang ina. Kahit ang mukha niya sa salamin ay hindi niya kilala—hindi niya matukoy kung ito ay lalaki o babae.1

Siya ay hindi makakilala ng mukha o naging face-blind—isang kondisyon na nakakaapekto sa napakaraming tao.2

Ang mga taong malubha ang pagiging face-blind ay nagsisikap na tukuyin ang iba sa pamamagitan ng pagmemorya ng mga detalye—mga detalye upang makilala nila ang isang anak na babae sa kanyang mga pekas o ang kaibigan sa paraan ng paglakad nito.

Habang Lumalaki

Narito ang pangalawang kuwento, na mas malapit sa puso ko: Noong bata pa ako, si Inay ang laging nagtatakda ng mga patakaran. Siya ang nagpapasiya kung kailan ako maglalaro at matutulog, o ang mas matindi, kailan magbubunot ng mga damo sa bakuran.

Walang alinlangan na mahal niya ako. Ngunit kadalasan at ikinahihiya ko man ito, nakita ko lamang siya bilang “Taong Dapat Masunod.”

Pagkatapos lamang ng maraming taon na nakita ko siya bilang tunay na tao. Nahihiya akong hindi ko napansin ang kanyang sakripisyo o naisip kung bakit sa loob ng maraming taon ay dalawang lumang palda lamang ang isinusuot niya (samantalang ako ay may mga bagong damit na pamasok sa eskwelahan) o kung bakit lagi siyang pagod sa katapusan ng araw at sabik na maaga akong matulog.

Maaaring Face-Blind Tayo

Marahil napansin ninyo na ang dalawang kuwentong ito ay talagang iisang kuwento—sa loob ng napakaraming taon, ako, sa katunayan, ay face-blind. Hindi ko nakita ang aking ina bilang tunay na tao. Nakita ko ang kanyang mga patakaran pero hindi nakita sa mga ito ang kanyang pagmamahal.

Sinasabi ko sa inyo ang dalawang kuwentong ito para bigyang-diin ang isang bagay: Palagay ko may kakilala kayo (marahil kayo ang taong iyon) na dumaranas ng isang uri ng espirituwal na pagkabulag o face blindness.

Maaaring nahihirapan kayong makita ang Diyos bilang mapagmahal na Ama. Maaaring tumitingin kayo sa langit at nakikita, hindi ang mukha ng pagmamahal at awa kundi ang napakaraming tuntunin na dapat ninyong sundin. Marahil naniniwala kayo na ang Diyos ay namumuno sa kalangitan, nangungusap sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, at minamahal ang inyong kapatid ngunit lihim kayong nagtatanong kung mahal Niya rin kayo.3 Maaaring nadama na ninyo ang bakal na gabay sa inyong kamay ngunit hindi pa nadama ang pagmamahal ng inyong Tagapagligtas na nasa dulo nito.4

Palagay ko may kakilala kayo na katulad ng mga taong ito dahil sa mahabang panahon, ako ay katulad nila—ako ay espirituwal na face-blind.

Akala ko na ang aking buhay ay tungkol lang sa pagsunod sa mga tuntunin at pagtupad sa malalabong pamantayan. Alam kong perpekto ang pagmamahal ng Diyos sa inyo ngunit hindi ko ito nadama sa sarili ko. Mas naisip ko ang tungkol sa kung paano makakapasok sa langit kaysa sa pamumuhay kasama ang Ama sa Langit.

Kung kayo, tulad ko, ay nagli-lip-synch lamang kung minsan at hindi kinakanta “ang awit ng mapagtubos na pag-ibig,”5 ano ang magagawa natin?

Ang sagot, tulad ng paalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, ay laging si Jesus.6 At napakagandang balita iyan.

Ginoo, Ibig Sana Naming Makita si Jesus

May maikling talata sa Juan na gustung-gusto ko. Ikinukuwento nito ang tungkol sa isang grupo ng mga taga-ibang bayan na nagsilapit sa isang disipulo na may mahalagang kahilingan. “Ginoo,” sabi nila, “ibig sana naming makita si Jesus.”7

Iyan ang nais nating lahat—nais nating lahat ang makita si Jesus sa kung sino Siya talaga at madama ang Kanyang pagmamahal. Ito dapat ang dahilan ng karamihan sa ginagawa natin sa Simbahan—at tiyak na dahilan ng bawat sacrament meeting. Kung iniisip ninyo kung anong klaseng lesson ang ituturo, anong klaseng miting ang paplanuhin, at kung susukuan na lang ninyo ang mga deacon at maglalaro na lang ng dodgeball, maaari ninyong gamitin ang talatang ito bilang inyong gabay: makatutulong ba ito sa mga tao na makita at mahalin si Jesucristo? Kung hindi, mangyaring subukan ang iba pa.

Nang matanto ko na ako ay espirituwal na face-blind, na nakita ko ang mga tuntunin ngunit hindi ang mukha ng awa ng Ama, naunawaan kong hindi ito kasalanan ng Simbahan. Hindi ito kasalanan ng Diyos, at hindi ibig sabihin nito ay nawala na ang lahat; ito ay isang bagay na kailangan nating lahat na matutuhan. Maging ang mga naunang disipulo noon ay nakaharap ang nabuhay na mag-uling Panginoon ngunit hindi nila Siya nakilala; mula sa Halamanan ng Libingan hanggang sa dalampasigan ng Galilea, ang Kanyang mga naunang tagasunod ay “nakita[ng] nakatayo si Jesus. Subalit hindi [nila] alam na iyon ay si Jesus.”8 Natutuhan nila na makilala Siya, at magagawa rin natin ito.9

Pag-ibig sa Kapwa-Tao

Nang matanto kong ako ay espirituwal na face-blind, sinimulan kong sundin ang payo ni Mormon na manalangin “nang buong lakas ng puso” upang mapuspos ng pagmamahal na kanyang ipinangako sa Kanyang mga disipulo—ang pagmamahal ko sa Kanya at ang Kanyang pagmamahal para sa akin—at upang “[makita] siya bilang siya … at magkaroon ng pag-asang ito.”10 Nanalangin ako sa loob nang maraming taon na masunod ko ang unang dakilang utos na ibigin ang Diyos at madama “ang unang dakilang katotohanan … na mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.”11

Ang Mga Ebanghelyo

Paulit-ulit ko ring binabasa ang apat na Ebanghelyo—hindi para alamin ang mga tuntunin kundi para makita kung sino Siya at kung ano ang Kanyang mga naisin. At, sa paglipas ng panahon, naintindihan at naramdaman ko ang pagmamahal Niya.

Inanunsiyo ni Jesus sa pag-uumpisa ng kanyang paglilingkod sa publiko na Siya ay dumating “upang pagalingin ang namimighati, ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ibalik ang paningin sa mga bulag.”12

Hindi iyon isang listahan ng mga dapat gawin o para makilala Siya; iyon talaga ang pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal.

Buksan ang kahit alin sa mga Ebanghelyo sa anumang pahina; sa halos bawat pahina ay makikita natin Siyang nangangalaga sa mga naghihirap—sa lipunan, sa espirituwal, at sa pisikal. Hinawakan Niya ang mga taong itinuring na masama at marumi13 at pinakain ang nagugutom.14

Ano ang paborito mong kuwento tungkol kay Jesus? Sa pakiwari ko, ang kwentong ito ay ipinapakita ang Anak ng Diyos na tinutulungan o inaalok ng pag-asa ang isang taong tinalikuran ng lipunan—ang ketongin,15 ang kinamumuhiang Samaritano,16 ang inakasuhan at kahiya-hiyang makasalanan,17 o isang kaaway ng bansa.18 Ang gayong uri ng pagkahabag ay kamangha-mangha.

Subukan ninyong isulat ang lahat ng Kanyang pagpuri o pagpapagaling o pagkain kasalo ng isang tao, at mauubos ang tinta ng inyong bolpen bago ninyo matapos ang aklat ni Lucas.

Nang makita ko ito, ang puso ko ay natuwa nang may pagmamahal at pagkilala, at nadama ko na maaari Niya akong mahalin. Itinuro ni Pangulong Nelson, “[Kapag] mas marami kayong natututuhan tungkol sa Tagapagligtas, mas madaling magtiwala sa Kanyang awa, sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal.”19 At lalo ninyong pagkakatiwalaan at mamahalin ang inyong Ama sa Langit.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na dumating si Jesus upang ipakita “sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Niya lubos na minamahal ang Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa.”20

Sinabi ni Pablo na ang Diyos ang “Ama ng [lahat ng] kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan.”21

Kung iba ang pagtingin ninyo sa Kanya, patuloy na magsikap.

Mga Tipan at Pagyakap ng Diyos

Inaanyayahan tayo ng mga propeta na hanapin ang Kanyang mukha.22 Pinapaalala nito sa akin na ang sinasamba natin ay ang ating Ama, hindi isang pormula, at na hindi tayo matatapos hanggang sa makita natin si Jesus bilang mukha ng pagmamahal ng Ama;23 at sundin natin Siya, at hindi lamang ang Kanyang mga tuntunin.24

Kapag binabanggit ng mga propeta at apostol ang tungkol sa mga tipan, hindi sila tulad ng mga coach na sumisigaw mula sa malalambot at komportableng mga upuan, na sinasabi sa atin na “pagbutihin mo pa!” Nais nilang makita natin ang ating mga tipan bilang patungkol sa mga ugnayan25 at na posibleng lunas sa espirituwal na face blindness.26 Ang mga ito ay hindi tuntunin upang matanggap ang Kanyang pagmamahal; perpekto na ang pagmamahal Niya para sa inyo. Ang hamon para sa atin ay unawain at iayon ang ating buhay sa pagmamahal na iyon.27

Sinusubukan nating tingnan ang ating mga tipan, na tila ba isang bintana, upang makita ang mukha ng awa ng Diyos sa likod nito.

Ang mga tipan ay parang yakap ng Diyos.

Ang Ilog ng Pag-ibig ng Diyos

Sa huli, matututuhan nating makilala Siya sa paglilingkod sa Kanya. “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran?”28

Ilang taon na ang nakalipas, tinawag ako sa isang calling na sa pakiwari ko ay hindi ako kwalipikado. Nagising ako nang maaga, kinakabahan—ngunit nasasaisip ang mga salitang ito na hindi ko pa narinig kailanman: ang paglilingkod sa Simbahang ito ay parang pagtayo sa ilog ng pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ang Simbahang ito ay isang grupo ng mga taong gumagawa na may mga piko at pala na nagsisikap na linisin ang daluyan para sa ilog ng pagmamahal ng Diyos upang makaabot ito sa Kanyang mga anak na nasa dulo nito.

Sino ka man, anuman ang nakaraan mo, may puwang sa iyo sa Simbahang ito.29

Kumuha ng piko at pala at sumali sa grupo. Tumulong na dalhin ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak at madarama rin ninyo ito.30

Hanapin natin ang Kanyang mapagmahal na mukha, ang Kanyang yakap ng tipan, at makipag-kapit-bisig sa Kanyang mga anak, at sama-sama nating aawitin ang “Manunubos ng Israel”:

O Manunubos,

Tanglaw Ninyo’y ibalik,

Ginhawa’y igawad sa ‘kin;

Ang pagnasa kong

Tahanan N’yo’y masdan

Pag-asa’ng dulot sa akin.31

Nawa’y hanapin natin ang Kanyang mapagmahal na mukha at maging mga sisidlan ng Kanyang awa sa Kanyang mga anak.32 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Hadyn D. Ellis at Melanie Florence, “Bodamer’s (1947) Paper on Prosopagnosia,” Cognitive Neuropsychology, tomo 7, blg. 2 (1990), 84–91; Joshua Davis, “Face Blind,” Wired, Nob. 1, 2006, wired.com.

  2. Tingnan sa Dennis Nealon, “How Common Is Face Blindness?,” Harvard Medical School, Peb. 24, 2023, hms.harvard.edu; Oliver Sacks, “Face-Blind,” New Yorker, Ago. 23, 2010, newyorker.com.

  3. “Tanggap ng ilang miyembro ng Simbahan na totoo ang mga doktrina, alituntunin, at patotoo na paulit-ulit na ibinabahagi sa pulpitong ito sa Conference Center at sa mga lokal na kongregasyon sa buong mundo—ngunit maaaring nahihirapan silang paniwalaan na ang mga walang-hanggang katotohanang ito ay angkop mismo sa kanilang mga buhay at mga kalagayan” (David A. Bednar, “Manahan sa Akin, at Ako sa Iyo; Kaya Nga, Lumakad Kang Kasama Ko,” Liahona, Mayo 2023, 125).

  4. Tingnan sa 1 Nephi 8:19; 15:23. “Mahirap sundin ang mga utos ng Panginoon nang hindi sumasampalataya at naniniwala sa Kanya” (Henry B. Eyring, “Ang Pananampalatayang Humingi at Pagkatapos ay Kumilos,” Liahona, Nob. 2021, 75).

  5. Alma 5:26.

  6. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Sagot ay Laging Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127–28.

  7. Juan 12:21.

  8. Juan 20:14. Nakita nila Siya ngunit hindi nila Siya nakilala sa daan patungong Emaus (tingnan sa Lucas 24:16), sa isang silid (tingnan sa Lucas 24:37), sa dalampasigan ng Galilea (tingnan sa Juan 21:4), at sa Libingan sa Halamanan (tingnan sa Juan 20:14).

  9. Kung hahanapin natin Siya nang buong puso, at mamumuhay nang may pananampalataya, Siya ay matatagpuan.

    “Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama. …

    “Hahanapin ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso” (Jeremias 29:11, 13).

    “Darating ang araw na inyong mauunawaan maging ang Diyos, sapagkat binuhay sa kanya at sa pamamagitan niya.

    “Pagkatapos ay malalaman ninyo na inyong nakita ako, na ako nga” (Doktrina at mga Tipan 88:49–50).

    “Bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga” (Doktrina at mga Tipan 93:1).

  10. Moroni 7:48. Iniugnay din ni Pablo ang pag-ibig sa kapwa-tao sa ating kakayahang makakita nang malinaw. Sa pagtatapos ng kanyang kamangha-manghang sermon tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao, isinulat niya na bagama’t “malabo nating nakikita sa isang salamin,” makikita natin kalaunan “nang mukhaan: … pagkatapos ay lubos kong mauunawaan kung papaanong ako ay lubos na nakikilala” (1 Corinto 13:12).

  11. Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona,” Mayo 2016, 127. “Ang mas magandang kahulugan ng ‘dalisay na pag-ibig ni Cristo’ … ay hindi ang pinagsisikapan ngunit kadalasa’y nabibigo nating gawin bilang Kristiyano sa ibang tao kundi ang lubos na pagmamahal na ipinakita ni Cristo sa atin. Ang tunay na pag-ibig sa kapwa-tao ay naipakita na nang minsan lang. Ito ay naipakita nang perpekto at dalisay sa hindi nagmamaliw, tunay, at nagbabayad-salang pagmamahal ni Cristo para sa ating lahat” (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 336).

  12. Lucas 4:18, New King James Version.

  13. Tingnan sa Mateo 8:3; 9:25.

  14. Tingnan sa Mateo 14:13–21.

  15. Tingnan sa Mateo 8:1–3.

  16. Tingnan sa Juan 4:7–10; Pinuri Niya ang Samaritano (tingnan sa Lucas 10:25–37).

  17. Tingnan sa Mateo 21:31; Lucas 7:27–50; 15:1–10; Juan 8:2–12.

  18. Tingnan sa Mateo 8:5–13.

  19. Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103.

  20. Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70 “Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama” (Juan 14:9).

  21. 2 Corinto 1:3.

  22. Tingnan sa Mga Awit 27:8; Doktrina at mga Tipan 88:68.

  23. Tingnan sa 2 Corinto 4:6; Pope Francis, “Misericordiae Vultus: Bull of Indiction of the Extraordinary Jubilee of Mercy,” Apostolic Letters, vatican.va.

  24. Ito ay mahalagang tema. Hindi lamang ito ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan kundi ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2, Gospel Library). Hindi lang basta templo ang pinupuntahan ko kundi bahay ng Panginoon; hindi ito Simbahan ni Mormon kundi Simbahan ni Jesucristo (tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob 2018, 87–89). Inaakay tayo ng ating mga lider tungo sa Kanya at pinaaalalahanan din nila tayo na “walang entidad na walang hugis na tinatawag na ‘Pagbabayad-sala’ na maaari nating hingan ng tulong, pagpapagaling, kapatawaran, o kapangyarihan. Si Jesucristo ang pinagmumulan nito” (Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40).

  25. “Ang landas ng tipan ay tungkol sa ating ugnayan sa Diyos”; ito ay “landas ng pagmamahal— … ang mahabaging pangangalaga at pagtulong sa isa’t isa” (Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 11).

    Tingnan sa David A. Bednar, “The Blessed and Happy State” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 24, 2022); Scott Taylor, “Elder Bednar Shares 7 Lessons on ‘the Blessed and Happy State’ of Obedience,” Church News, Hunyo 27, 2022, thechurchnews.com.

    “Ang pagpasok sa mga sagradong tipan at marapat na pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood ay nag-uugnay at nagbibigkis sa atin sa Panginoong Jesucristo at sa Ama sa Langit. Nangangahulugan lamang ito na nagtitiwala tayo sa Tagapagligtas bilang ating Tagapagtanggol at Tagapamagitan at umaasa sa Kanyang mga kabutihan, awa, at biyaya sa paglalakbay sa buhay na ito. …

    Ang pagsasabuhay at pagmamahal sa mga pangako sa tipan ay lumilikha ng koneksyon sa Panginoon na lubhang personal at espirituwal na makapangyarihan. … Sa gayo’y nagiging higit pa si Jesus sa pangunahing tauhan sa mga kuwento sa banal na kasulatan; naiimpluwensyahan ng Kanyang halimbawa at mga turo ang bawat naisin, isipin, at kilos natin” (David A. Bednar, “Subalit Hindi Namin Sila Pinansin,” Liahona, Mayo 2022, 15).

    Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos,” Liahona, Mayo 2022, 78–80.

  26. “At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi makikita ng mga tao sa laman;

    “Sapagkat kung wala nito walang tao ang makakikita sa mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay” (Doktrina at mga Tipan 84:21–22).

  27. Patricia Holland, “Isang Hinaharap na Puno ng Pag-asa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2023), Gospel Library:

    “Hindi ninyo kailangang habulin ang [pag-asa na tutulong sa inyo]; hindi ninyo magagawang likhain ito para sa sarili ninyo. Tulad ng pagtatamo ng biyaya, hindi ninyo ito matatamo kung aasa lang kayo sa sarili ninyong lakas o sa iba pang mga tao. Walang sikretong pormula o mahika na kailangan dito. …

    “Sa katunayan, mahalaga ang papel na ginagampanan natin ngunit napakaliit; nasa Diyos ang mas malaking bahagi ng gawain. Ang inaasahan sa atin ay lumapit sa Kanya sa kababaan nang loob at kasimplehan, at pagkatapos ay huwag nang mag-aala at matakot.”

  28. Mosias 5:13; tingnan din sa Juan 17:3.

  29. Paulit-ulit na sinasabi sa atin ni Pangulong Nelson na “palawakin ang ating pagmamahalan upang mayakap ang buong sangkatauhan” (“Mapapalad ang mga Mapagpayapa,” Liahona, Nob. 2002, 41). Noong Mayo 2022 sinabi niya sa mga young adult na “ang mga titulo ay maaaring humantong sa panghuhusga at pagkapoot. Anumang pang-aabuso o pagtatangi sa iba dahil sa nasyonalidad, lahi, seksuwal na oryentasyon, kasarian, mga degree sa pag-aaral, kultura, o iba pang makabuluhang mga pantukoy ay labag sa ating Maykapal” (“Choices for Eternity” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], Gospel Library). At higit sa lahat, sinabi niya: “Nalulungkot ako na nararanasan ng mga kapatid nating Itim sa buong mundo ang pait na dulot ng rasismo at diskriminasyon. Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo. Nakikiusap ako sa inyo na itaguyod ang respeto para sa lahat ng anak ng Diyos” (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94).

    “Ang panghuhusga nang walang katwiran ay hindi naaayon sa inihayag na salita ng Diyos. Ang pagsang-ayon at hindi pagsang-ayon ng Diyos ay nakabatay sa katapatan ng tao sa Kanya at sa Kanyang mga kautusan, at hindi sa kulay ng balat o iba pang mga katangian ng tao.

    Kabilang dito ang panghuhusga batay sa lahi, etnisidad, nasyonalidad, tribo, kasarian, edad, kapansanan, katayuan sa lipunan, paniniwala o hindi paniniwala sa relihiyon, at seksuwal na oryentasyon” (Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.14, Gospel Library).

  30. Tingnan sa 1 Nephi 11:25.

  31. Manunubos ng Israel,” Mga Himno, blg. 5.

  32. Tingnan sa Roma 9:23.