2023
Ang Kapangyarihan ni Jesucristo sa Ating Buhay Araw-Araw
Nobyembre 2023


10:17

Ang Kapangyarihan ni Jesucristo sa Ating Buhay Araw-Araw

Ang pinagmumulan ng ating lakas ay pananampalataya kay Jesucristo habang sadya nating sinisikap na lumapit sa Kanya araw-araw.

Mahal na mga kapatid, ito ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kaylaking kagalakan ang matipon bilang Kanyang Simbahan. Nagpapasalamat ako na naipaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na gamitin nang madalas ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon upang maalala natin kung kanino ang Simbahang ito at kung kaninong mga turo ang sinusunod natin.

Ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman. … Magkakaloob Siya ng napakaraming pribilehiyo, pagpapala, at himala sa matatapat.”1

Isa sa mga pinakadakilang pribilehiyo namin ng aking asawang si Renee ang makilala ang mga Banal kung saan kami naglilingkod. Kami ay nakikinig sa kanilang mga kuwento, sumasaksi sa kanilang mga kawalan, nakikibahagi sa kanilang dalamhati, at nagagalak sa kanilang tagumpay. Nasaksihan namin ang marami sa mga pagpapala at himalang naipagkaloob ng Tagapagligtas sa matatapat. Nakakilala kami ng mga taong dumaan sa mga bagay na imposible, nagdusa ng mga bagay na hindi maarok ng isip.

Si Pangulong José Batalla at ang kanyang asawa na si Sister Valeria Batalla.
Si Flavia Cruzado at ang kanyang ama.

Nakita namin ang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa isang balo na nawalan ng asawa habang sila ay nagsasagawa ng gawain ng Panginoon sa Bolivia.2 Nakita namin iyon sa isang dalagita sa Argentina na nahulog sa ilalim ng isang tren at naputulan ng binti, dahil lang gustong nakawin ng isang tao ang kanyang cell phone.3 At sa kanyang single na ama, na kailangan na ngayong mapabuti ang sitwasyon at palakasin ang kanyang anak pagkatapos ng di-maipaliwanag na kalupitang iyon. Nakita namin iyon sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at lahat ng pag-aari sa mga sunog sa Chile dalawang araw lang bago ang Pasko noong 2022.4 Nakita namin iyon sa mga nagdusa pagkatapos ng isang napakasakit na diborsyo at sa mga inosenteng biktima ng pang-aabuso.

Mga sunog sa Chile.

Ano ang nagbibigay sa kanila ng lakas na pagdaanan ang mahihirap na bagay? Ano ang nagbibigay sa kanila ng karagdagang lakas na magpatuloy kapag tila naglaho na ang lahat?

Nalaman ko na ang pinagmumulan ng lakas na iyon ay pananampalataya kay Jesucristo habang sadya nating sinisikap na lumapit sa Kanya araw-araw.

Itinuro ng propetang si Jacob, “At siya ay paparito sa daigdig upang kanyang mailigtas ang lahat ng tao kung sila ay makikinig sa kanyang tinig; sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa [mga lalaki, babae, at bata], na kabilang sa mag-anak ni Adan.”5

Kung minsan, tila imposible at mahirap magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Maaaring iniisip natin na ang paglapit kay Cristo ay nangangailangan ng lakas, kapangyarihan, at kasakdalan na hindi natin taglay, at hindi tayo makahanap ng lakas na gawin ang lahat ng iyon. Ngunit ang natutuhan ko sa lahat ng taong ito ay na ang pananampalataya kay Jesucristo ang nagbibigay sa atin ng siglang magsimula sa paglalakbay. Kung minsa’y iniisip natin, “Kailangan kong ayusin ang buhay ko bago ako lumapit kay Jesus,” ngunit ang totoo ay lumalapit tayo kay Jesus upang maayos ang ating buhay sa pamamagitan Niya.

Hindi tayo lumalapit kay Jesus dahil perpekto tayo. Lumalapit tayo sa Kanya dahil may kapintasan tayo at sa Kanya ay maaari tayong “maging ganap.”6

Paano natin sisimulang manampalataya nang paunti-unti araw-araw? Para sa akin, nagsisimula ito sa umaga: Pagkagising ko, sa halip na tumingin sa cell phone ko, umuusal ako ng panalangin. Kahit simpleng panalangin lang. Pagkatapos ay nagbabasa ako ng banal na kasulatan. Nakatutulong ito sa lingguhang tipan na ginagawa ko kapag tumatanggap ako ng sakramento na “sa tuwina ay aalalahanin siya.”7 Kapag sinimulan ko ang araw ko sa panalangin at banal na kasulatan, magagawa kong “[alalahanin] Siya” kapag tumingin na ako sa cell phone ko. Magagawa kong “[alalahanin] Siya” kapag naharap ako sa mga problema at alitan, at sinisikap kong harapin ang mga ito na tulad ng gagawin ni Jesus.

Kapag ginawa kong “[alalahanin] Siya,” nagkakaroon ako ng hangaring magbago, magsisi. Nagkakaroon ako ng siglang tuparin ang aking mga tipan, at nadarama ko ang impluwensya ng Espiritu Santo sa aking buhay “at [sinusunod ko] ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa [akin]; nang sa tuwina ay [mapasaakin] ang kanyang Espiritu.”8 Tinutulungan ako nitong magtiis hanggang wakas.9 O kahit man lang hanggang matapos ang maghapon! At sa mga araw na nabigo akong alalahanin Siya sa buong maghapon, naroon pa rin Siya, minamahal ako at nagwiwikang, “Ayos lang, maaari mong subukan ulit bukas.”

Bagama’t hindi tayo perpekto sa pag-alaala sa Kanya, kailanma’y hindi tayo kinaliligtaang alalahanin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.

Ang isa sa mga pagkakamaling madalas nating nagagawa ay ang isipin na ang pagtupad sa mga tipan, o sa mga pangako natin sa Diyos, ay isang pakikipagtransaksyon natin sa Kanya: susunod ako, at poprotektahan Niya ako mula sa anumang masamang maaaring mangyari sa akin. Magbabayad ako ng ikapu, at hinding-hindi ako matatanggal sa trabaho o masusunugan ng bahay. Ngunit kapag hindi umaayon ang mga bagay-bagay sa ating inasahan, nagsusumamo tayo sa Panginoon, “Hindi ka ba nababahala na mapapahamak ako?”10

Ang ating mga tipan ay hindi lamang transaksyonal; ang mga ito ay nagpapabago.11 Sa pamamagitan ng aking mga tipan, nakatatanggap ako ng nagpapabanal at nagpapalakas na kapangyarihan ni Jesucristo, na nagtutulot sa akin na maging isang bagong tao, na patawarin ang tila hindi kapata-patawad, na daigin ang imposible. Ang sadyang pag-alaala kay Jesucristo ay palaging makapangyarihan; binibigyan ako nito ng dagdag na lakas na “sundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa [akin].”12 Tinutulungan ako nitong maging mas mabait, ngumiti nang walang dahilan, maging isang tagapamayapa,13 umiwas sa alitan, hayaang manaig ang Diyos sa aking buhay.14

Kapag napakatindi ng pasakit natin o ng isang taong mahal natin at hindi na natin ito makayanan, ang pag-alaala kay Jesucristo at paglapit sa Kanya ay makapagpapagaan sa pasanin, makapagpapalambot sa puso, at makababawas sa sakit. Ito ang kapangyarihang nagbigay-kakayahan sa isang ama na suportahan ang kanyang anak nang higit sa kanyang likas na kapasidad na matiis ang pisikal at emosyonal na sakit ng maputulan ng binti.

Si Flavia Cruzado kasama si Elder Ulisses Soares.

Nang bisitahin ni Elder Soares ang Argentina noong Hunyo at tanungin niya si Flavia tungkol sa kanyang nakalulunos na aksidente, matapat itong tumugon, “Ako po ay nahirapan, nasaktan, nagalit, at namuhi nang [mangyari ito]. Ang isang bagay na nakatulong po sa akin ay ang hindi pagtatanong ng, ‘bakit ako?’ kundi ‘para saan?’ … Isang bagay po ito na lalong naglapit sa akin sa iba at sa Panginoon. … Sa halip na lumayo ako sa Kanya, kinailangan kong kumapit sa Kanya.”15

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. … Sa gayon, ang mga tumutupad sa tipan ay nagiging karapat-dapat sa isang espesyal na uri ng kapahingahan.”16 Ito ang uri ng kapahingahan at kapayapaang nakita ko sa mga mata ng balo, sa kabila ng nadama niyang pighati dahil sa pangungulila sa kanyang asawa araw-araw.

Storm on the Sea of Galilee [Unos sa Dagat ng Galilea].

Ikinukuwento sa Bagong Tipan ang isang pagkakataon na nasa isang bangka si Jesus at ang Kanyang mga disipulo:

“At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka. …

“At [siya’y] natutulog na may inuunan[: at] siya’y ginising nila, at sinabi sa kanya, ‘Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?’

“[At gumising siya, at] sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, ‘Pumayapa ka[, t]umahimik ka!’ …

“[At] sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?’”17

Noon pa ako naiintriga sa kuwentong ito. Inasahan ba ng Panginoon na gamitin nila ang kanilang pananampalataya upang pakalmahin ang unos? Upang sawayin ang mga hangin? Ang pananampalataya kay Jesucristo ay ang kapayapaang nadarama upang tiisin ang unos, batid na hindi tayo mapapahamak dahil kasama natin Siya sa bangka.

Ito ang uri ng pananampalatayang nakita namin nang bisitahin namin ang mga pamilya pagkatapos ng mga sunog sa Chile. Natupok ang kanilang mga bahay; nawala sa kanila ang lahat. Subalit habang naglalakad kami sa kanilang mga dating tahanan at ikinukuwento nila sa amin ang kanilang mga karanasan, nadama namin na ang kinatatayuan namin ay banal na lugar. Sinabi ng isang sister sa aking asawa, “Nang makita kong nasusunog ang mga kalapit na bahay, nagkaroon ako ng impresyon na masusunog ang aming bahay, na mawawala sa amin ang lahat. Sa halip na maging desperado, nakadama ako ng di-mailarawang kapayapaan. Kahit paano, nadama ko na magiging ayos ang lahat.” Ang pagtitiwala sa Diyos at pagtupad sa ating mga tipan sa Kanya ay naghahatid ng lakas sa ating mga kahinaan at aliw sa ating mga kalungkutan.

Nagpapasalamat ako sa pagkakataon namin ni Renee na makilala ang ilan sa mga pambihirang Banal na ito, sa maraming halimbawa ng kanilang pananampalataya, lakas, at tiyaga. Sa mga kuwento ng dalamhati at kabiguan na hindi maitatampok sa pinakaunang pahina ng pahayagan o hinding-hindi magiging viral. Sa mga hindi nakukunang larawan ng mga luhang pumatak at mga panalanging inusal pagkatapos makaranas ng kawalan o napakasakit na diborsyo; sa mga post na hindi naisusulat patungkol sa takot, kalungkutan, at pasakit na nakakayanan dahil sa pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Pinalalakas ng mga taong ito ang sarili kong pananampalataya, at lubos kong ipinagpapasalamat iyan.

Alam ko na ito ang Simbahan ni Jesucristo. Alam ko na handa Siyang ipagkaloob sa atin ang Kanyang kapangyarihan kung lalapit tayo sa Kanya araw-araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.