2023
Nasa Landas ng Kanilang Tungkulin
Nobyembre 2023


14:29

Nasa Landas ng Kanilang Tungkulin

Kayo na sumusulong ngayon sa landas ng inyong tungkulin ang lakas ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas.

Taimtim kong idinadalangin ang tulong ng Espiritu Santo habang ipinahahayag ko ang aking pagmamahal, paghanga, at pasasalamat para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sila na Nasa Huling Bagon

Ang taong 1947 ang ika-100 anibersaryo ng unang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw na dumating sa Salt Lake Valley. Maraming di-malilimutang pagdiriwang ang idinaos noong taong iyon, at di-mabilang na pasasalamat ang ipinahayag para sa matatapat na disipulo ni Jesucristo na gumawa ng mga daan, nagtayo ng mga bahay, nagtanim sa tigang na disyerto, at nagtatag ng mga komunidad.

Si Pangulong J. Reuben Clark, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagbigay ng isa sa pinaka-hindi malilimutan at pinaka-nakakaantig na parangal sa matatapat na pioneer na ito noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1947.

Sa kanyang mensahe, sandaling kinilala ni Pangulong Clark ang mga kilalang lider na gumabay sa pandarayuhan pakanluran, tulad nina Brigham Young, Heber C. Kimball, Wilford Woodruff, Parley P. Pratt, at marami pang iba. Gayunman, ang pangunahing layunin niya ay hindi ang isalaysay ang mga nagawa ng mga kahanga-hangang taong ito. Sa halip, itinuon niya ang kanyang mensahe sa masisigasig na indibiduwal na ang mga pangalan ay hindi kilala ni opisyal na nakatala sa kasaysayan ng Simbahan. Ang makabuluhang pamagat ng kanyang mensahe ay, “Sila na Nasa Huling Bagon.”1

Inilarawan nang detalyado ni Pangulong Clark ang mga katangian at ang mga hamon na naranasan ng mga nandarayuhan na naglakbay sa huling bagon sa bawat isa sa mahahabang hanay ng mga bagon na tumawid sa kapatagan. Pinuri niya ang hindi kilala at hindi naparangalan na mga bayaning ito, araw-araw, linggu-linggo, at buwan-buwan, na naalikabukan ng lahat ng mga bagon na nauna sa kanila—at nadaig ang walang humpay na mga balakid na naranasan nila sa paglalakbay.

Ipinahayag ni Pangulong Clark, “Sila na nasa huling bagon ay patuloy na naglakbay, pagal at pagod, sugat-sugat ang mga paa, kung minsan ay halos mawalan na ng pag-asa, ay napalakas ng kanilang pananampalataya na mahal sila ng Diyos, na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo, at na pinamumunuan at ginagabayan ng Panginoon ang mga Kapatid na nasa unahan.”2

Tinapos niya ang kanyang mensahe sa nakahihikayat na papuring ito: “Sa mga mapagpakumbabang indibiduwal na ito, na may malaking pananampalataya, dakila sa paggawa, kahanga-hanga sa matwid na pamumuhay, mahusay sa paghubog sa ating walang-katumbas na pamana, ay mapagpakumbaba kong ipinahahayag ang aking pagmamahal, paggalang, pagpipitagan.”3

Hindi Nakabababa ng Kapakinabangan

Noong 1990, si Pangulong Howard W. Hunter, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagbigay ng mensahe tungkol sa napakahalagang kontribusyon ng hindi mabilang na mga miyembro ng Simbahan na masigasig at tapat na naglingkod at kakaunti o walang natanggap na pagkilala sa publiko.

Ipinaliwanag ni Pangulong Hunter:

“Ganito ang sinabi tungkol sa bata pa at magiting na si Kapitan Moroni:

“‘Kung ang lahat ng tao ay naging, at matutulad, at maaaring maging katulad ni Moroni, masdan, ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman; oo, ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao’ (Alma 48:17).

“Isang napakagandang papuri sa isang kilala at makapangyarihang tao. … Pagkatapos ng dalawang talata ay ang isang pahayag tungkol kay Helaman at sa kanyang mga kapatid, na gumanap ng tungkulin na hindi gaanong pansin kaysa kay Moroni, na mababasa nang ganito:

“‘Ngayon masdan, si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay hindi nakabababa ng kapakinabangan sa mga tao kaysa kay Moroni.’ (Alma 48:19).”

Sinabi pa ni Pangulong Hunter, “Sa madaling salita, bagama’t hindi gaanong kilala at napapansin si Helaman tulad ni Moroni, siya ay kapaki-pakinabang; ibig sabihin, siya ay nakatutulong o kapaki-pakinabang na tulad ni Moroni.”4

Pagkatapos ay ipinayo ni Pangulong Hunter sa ating lahat na maging hindi nakabababa ng kapakinabangan. Sabi niya: “Kung nadarama ninyo na karamihan sa ginagawa ninyo sa taon na ito o sa darating na mga taon ay hindi nagtatanyag sa inyo, huwag panghinaan ng loob. Karamihan sa mga pinakamahusay na tao na nabuhay ay hindi rin gaanong kilala. Maglingkod at umunlad, nang tapat at tahimik.”5

Nasa Landas ng Kanilang Tungkulin

Nagpapasalamat ako para sa napakaraming miyembro ng Simbahan na lumalapit ngayon sa Tagapagligtas6 at sumusulong sa landas ng tipan sa mga huling bagon ng ating mahahabang hanay ng mga bagon sa kasalukuyan—at talagang hindi nakabababa ng kapakinabangan. Ang inyong malakas na pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo at ang inyong hindi mapagkunwari at inilaang buhay ay nagbibigay ng inspirasyon sa akin na maging mas mabuting tao at disipulo.

Mahal ko kayo. Hinahangaan ko kayo. Nagpapasalamat ako sa inyo. At pinupuri ko kayo.

Ang isang pahayag ni Samuel na Lamanita sa Aklat ni Mormon ay pinakamainam na nagbubuod sa nadarama ko para sa inyo.

“[Masdan] ang malaking bahagi nila ay nasa landas ng kanilang tungkulin, at sila ay lumalakad nang maingat sa harapan ng Diyos, at pinagsisikapan nilang sundin ang kanyang mga kautusan at kanyang mga batas. …

“Oo, sinasabi ko sa inyo, na ang malaking bahagi nila ay ginagawa ito, at sila ay nagsisikap nang walang kapagurang pagsusumigasig upang madala ang nalalabi sa kanilang mga kapatid sa kaalaman ng katotohanan.”7

Naniniwala ako na ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa mga kapatid na madaling makahiwatig na naghahanap at umuupo sa tabi ng mga taong nag-iisa sa mga pulong ng Simbahan at sa iba’t ibang sitwasyon. Palagi nilang pinagsisikapang “panatagin ang mga yaong nangangailangan ng kapanatagan,”8 nang hindi umaasam ng pagkilala o papuri.

Ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa mga asawa at mga anak na sumusuporta sa asawa, magulang, o anak na naglilingkod sa isang katungkulan sa pamumuno sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Ang kanilang matibay, tahimik, at karaniwang hindi napapansin at nagpapalakas na impluwensya ay nagpapala sa maraming indibiduwal at pamilya sa mga paraang lubos na malalaman lamang sa kawalang-hanggan.

Ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa mga indibiduwal na matapos tumalikod sa Diyos ay mapagpakumbabang bumabalik muli sa Kanya,9 nagsisisi sa kanilang mga kasalanan, at nagnanais na malinis at mapagaling ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang paglapit kay Cristo10 sa pamamagitan ng pagbalik sa landas ng tipan mula sa makasalanang landas na nauwi sa “mga ipinagbabawal na landas”11 ay mahalaga sa espirituwal at matwid na pagsusumigasig. Habang patuloy silang sumusulong nang may pananampalataya at hindi napapagod sa paggawa ng mabuti, inilalatag nila ang pundasyon ng isang dakilang gawain sa kanilang sariling buhay,12 “sa lahat ng henerasyon at para sa kawalang-hanggan.”13

Ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa mabubuting tao na nagnanais na makiisa sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga awtorisadong tipan at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo—ngunit maaaring mahadlangan sa paggawa nito dahil sa mga bagay na hindi nila kayang kontrolin. Ipinapangako ko na ang inyong personal na kapighatian ay mapagagaan at ang inyong pagsunod at katapatan na matiyagang isuko ang inyong kalooban sa Diyos ay gagantimpalaan sa “sariling takdang panahon ng Panginoon.”14 “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.”15

Ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa mga inspiradong tagapagsalin at interpreter sa iba’t ibang panig ng mundo na naglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kaibigan at miyembro na “marinig ang kabuuan ng ebanghelyo sa [kanilang] sariling wika, at sa [kanilang] sariling salita.”16 Ang kanilang mga tinig, isinenyas na mga salita, at isinalin na mga dokumento ay naghahatid ng mga walang-hanggang katotohanan, subalit kakaunti sa atin ang nakakaalam ng kanilang pangalan o nagpapasalamat. Sa pamamagitan ng kaloob na mga wika na ipinagkaloob sa kanila, ang mga tagasalin at interpreter ay naglilingkod nang masigasig, di-makasarili, at, kadalasan, nang hindi nagpapakilala upang tulungan ang mga tao na matanggap ang espirituwal na kaloob na pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabasa at pakikinig sa salita ng Diyos.17

Ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa matatapat na mag-asawa na tumutupad sa kanilang responsibilidad sa tipan na magpakarami at kalatan ang lupa at nabibiyayaan sila ng lakas at katatagan na makipagbuno sa kanilang mga anak sa mga sacrament meeting. Sa tumitinding kaguluhan sa mundo na puno ng mga kalamidad at maling priyoridad, hindi pinansin ng matatapang na indibiduwal na ito ang mga tinig ng mundo na nagtatanyag ng pagkamakasarili; pinagpipitaganan nila ang kabanalan at kahalagahan ng buhay sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

Maraming mag-asawa ang nagtitiwala rin sa Diyos kapag ang mabubuting hangarin ng kanilang puso ay hindi nakamtan kung paano o kailan nila inasam at pinangarap ang mga ito. Sila ay “naghihintay sa Panginoon”18 at hindi nag-uutos na Kanyang tugunan ito sa panahong itinakda nila. “Sapagkat magmula pa sa simula ng daigdig ay hindi pa narinig ng mga tao ni naunawaan ng tainga, ni ng anumang mata ay nakita, O Diyos, bukod sa inyo, anong mga dakilang bagay ang inyong inihanda para sa [kanila] na naghihintay sa inyo.”19

Ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa napakaraming nursery leader at Primary teacher na nagmamahal at nagtuturo sa mga bata sa Simbahan tuwing Araw ng Sabbath.

Isipin ang walang-hanggang impluwensya ng paglilingkod ng matatapat na disipulo na ito—at ang kagila-gilalas na mga pagpapalang ipinangako sa mga naglilingkod sa mga bata.

“Kinuha [ni Jesus] ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya’y kanyang kinalong at sa kanila’y sinabi,

“Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap, kundi ang nagsugo sa akin.”20

Ang pariralang “nasa landas ng kanilang tungkulin” ay naglalarawan sa matatapat na anak na mapagmahal na inaalagaan ang kanilang matatandang magulang, sa inang kulang sa tulog para panatagin ang isang takot na anak habang nagbabantay na parang “babaeng leon sa pasukan” ng kanyang tahanan,21 sa mga miyembro ng Simbahan na maagang dumarating para mag-ayos at magligpit ng mga upuan, at sa mga inspiradong indibiduwal na nag-aanyaya ng pamilya, mga kaibigan, at kasamahan na pumarito at tingnan, pumarito at tumulong, at pumarito at mamalagi.22

Ang inilarawan ko ay ilang piling halimbawa lamang ng pagtupad sa tipan at matatapat na disipulo ni Jesucristo na katulad ninyo na nagpapatuloy “[sa] landas ng [inyong] tungkulin.” Napakaraming karagdagang halimbawa ng mga Banal sa mga Huling Araw na nag-alay ng kanilang “buong kaluluwa”23 sa Diyos ang matatagpuan sa mga tahanang nakasentro kay Cristo at sa mga unit ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kayo ay nagmamahal at naglilingkod, nakikinig at natututo, nagmamalasakit at nagbibigay ng kapanatagan, nagtuturo at nagpapatotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kayo ay madalas na nag-aayuno at nananalangin, lalong tumitibay sa pagpapakumbaba, at lalong tumatatag sa pananampalataya kay Cristo, “hanggang sa mapuspos ang [inyong] mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng [inyong] mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasa[inyo] dahil sa paghahandog ng [inyong] mga puso sa Diyos.”24

Pangako at Patotoo

Sila na nasa huling bagon, lahat ng yaong hindi nakabababa ng kapakinabangan, at kayo na sumusulong ngayon sa landas ng inyong tungkulin ay ang lakas ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas. At tulad ng ipinangako ng Panginoon, “lahat ng luklukan at nasasakupan, mga pamunuan at kapangyarihan, ay ipahahayag at ipagkakaloob sa lahat ng magiting na nagtiis para sa ebanghelyo ni Jesucristo.”25

Masaya kong pinatototohanan na ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay buhay at ang Kanilang mga pangako ay tiyak, sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.