2023
Higit Pa sa Isang Bayani
Nobyembre 2023


10:8

Higit Pa sa Isang Bayani

Si Jesucristo ay hindi lamang ating bayani; Siya ang ating Panginoon at Hari, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan.

Mula 1856 hanggang 1860, libu-libong mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw ang naghatak ng kanilang mga kariton na kargado ng kanilang mga kagamitan sa mahigit 1,000 milya sa paglalakbay nila papunta sa Salt Lake Valley. Isandaan animnapu’t pitong taon na ang nakalipas sa mismong linggong ito, noong Oktubre 4, 1856, nabigla si Pangulong Brigham Young na malamang dalawang grupo ng handcart company, na pinamumunuan nina Edward Martin at James Willie, ang daan-daang milya pa ang layo sa Salt Lake, habang papalapit na ang taglamig.1 Kinabukasan mismo, hindi kalayuan kung saan tayo nagpupulong ngayon, tumayo si Pangulong Young sa harapan ng mga Banal at sinabing: “Marami sa ating mga kapatid na lalaki at babae na may hila-hilang kariton ang nasa mga kapatagan, at dapat na madala rito. … Humayo kayo at dalhin ang mga taong iyon na nasa mga kapatagan.”2

Makalipas lamang ang dalawang araw, umalis ang mga unang pangkat ng mga tagasagip upang hanapin ang mga handcart pioneer.

Inilarawan ng isang miyembro ng Willie company ang desperadong sitwasyon bago dumating ang pangunahing pangkat ng tagasagip. Sabi niya: “Nang tila mawawala na ang lahat, … at tila kakaunti lang ang natitirang dahilan para mabuhay pa, tulad ng isang kulog mula sa maaliwalas na kalangitan, sinagot ng Diyos ang aming mga dasal. Isang grupo ng mga tagasagip, na may dalang pagkain at mga supply … , ang natanaw. … Laking pasalamat namin sa Diyos sa pagsagip sa amin.”3

Ang mga tagasagip na ito ay mga bayani sa mga pioneer, inilagay ang sariling buhay sa panganib na dulot ng matinding sama ng panahon upang maiuwi nang ligtas ang lahat hangga’t maaari. Isa sa mga bayaning iyon si Ephraim Hanks.

Sa kalagitnaan ng Oktubre, umuwi si Hanks sa kanyang tahanan sa Salt Lake pagkatapos ng paglalakbay na wala pang kaalam-alam sa masamang nangyari sa mga taong naka-kariton. Nang gabing iyon, ginising siya ng isang tinig, na nagsasabing, “Nasa masamang kalagayan ang mga taong naka-kariton, at kailangan ka nila; pupuntahan mo ba sila at tutulungan?”

Habang naiisip ang tanong na iyon, nagmadali siyang nagbalik sa Salt Lake City. At nang marinig niya si Pangulong Heber C. Kimball na nananawagan ng karagdagang mga boluntaryo, umalis si Hanks kinabukasan, nang mag-isa, para sumagip. Sa mabilis na pagkilos, naunahan niya ang iba pang mga sasagip, at nang makarating siya sa Martin company, ginunita ni Hanks, “Ang tagpong tumambad sa akin nang pumasok ako sa kanilang kampo ay hindi na mabubura sa aking alaala … [at] sapat na upang maantig ang pinakamatatag na puso.”4

Gumugol si Ephraim Hanks ng maraming araw nang palipat-lipat sa mga tolda para basbasan ang mga maysakit. Isinalaysay niya na “sa maraming pagkakataon, nang nagbasbas kami sa maysakit, at itinaboy ang karamdaman sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, ang mga nagdurusa ay kaagad nakakabawi ng lakas; halos kaagad silang nagsigaling.”5 Si Ephraim Hanks ay magiging bayani magpakailanman sa mga handcart pioneer na iyon.

Tulad sa pambihirang pagliligtas na iyon, ang mga pangyayaring may epekto sa ating buhay at kahit sa kasaysayan ay madalas na bunga ng mga desisyon at nagawa ng bawat lalaki at babae—magagaling na artist, siyentipiko, lider ng negosyo, at pulitiko. Ang mga pambihirang taong ito ay kadalasang pinaparangalan bilang mga bayani, na may mga bantayog at alaala na itinayo upang gunitain ang kanilang mga kabayanihan.

Noong bata pa ako, ang mga unang bayani ko ay mga atleta. Naaalala ko na nag-iipon ako ng mga baseball card na may mga larawan at estatistika ng mga manlalaro sa Major League Baseball. Ang “labis na paghanga” kapag bata ka ay nagpapadama ng saya at kainosentihan, tulad ng kapag ang mga bata ay nagbibihis ng damit na katulad ng kanilang paboritong superhero para sa Halloween. Bagama’t hinahangaan at nirerespeto natin ang maraming matatalino at kahanga-hangang kalalakihan at kababaihan dahil sa kanilang mga kakayahan at kontribusyon, ang antas ng paghanga sa kanila ay maaaring lumabis, at maihahalintulad sa mga anak ni Israel na sumasamba sa ginintuang guya sa disyerto ng Sinai.

Bilang nakatatanda, ang dating inosenteng kasiyahan noong bata pa ay maaaring maging sagabal kapag ang “labis na paghanga” sa mga pulitiko, blogger, influencer, atleta, o musikero ang nagiging dahilan para tumingin tayo “nang lampas sa tanda,”6 at hindi na makita ang tunay na mahalaga.

Para sa mga anak ni Israel, ang hamon ay hindi ang ginto na dinala nila sa kanilang pagpunta sa lupang pangako, kundi hinayaan nila ang ginto na maging: diyus-diyosan, na kanilang sinamba, at naglayo sa kanila kay Jehova, na naghati ng Dagat na Pula at nagligtas sa kanila sa pagkaalipin. Ang pagtutuon nila sa guya ay nakaapekto sa kakayahan nilang sambahin ang tunay na Diyos.7

Ang bayani— ang bayani natin, ngayon at sa tuwina—ay si Jesucristo, at anuman o sinuman na naglilihis sa atin palayo sa Kanyang mga turo, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta, ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating pag-unlad sa landas ng tipan. Bago pa ang Paglikha ng mundong ito, umasa tayo kay Jesucristo nang matanto natin na ang planong iminungkahi ng Ama sa Langit, na kinapalooban ng pagkakataon nating umunlad at maging katulad Niya, ay hinahamon.

Hindi lamang nanguna si Jesucristo sa pagtatanggol sa plano ng ating Ama, kundi gagampanan din Niya ang pinakamahalagang papel sa pagpapatupad nito. Tumugon Siya sa Ama at kusang inialay ang Kanyang sarili bilang “pantubos sa lahat,”8 upang bayaran ang utang na bunga ng ating pagkakasala pero hindi natin kayang bayaran nang mag-isa.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ginawa [ni Jesucristo] ang lahat ng mahalaga para sa ating paglalakbay sa mortalidad patungo sa tadhanang nakabalangkas sa plano ng ating Ama sa Langit.”9

Sa Halamanan ng Getsemani, nang maharap sa napakabigat na gawain, magiting na sinabi ng Tagapagligtas, “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo,” at nagpatuloy Siya sa pag-ako ng lahat ng pinagsamang pasakit, karamdaman, at pagdurusa para sa mga kasalanan ng lahat ng taong mabubuhay.10 Sa ganap na pagsunod at katapatan, natapos ni Jesucristo ang pinakadakilang kabayanihang makikita sa lahat ng nilikha, na nagwakas sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.

Nitong huling pangkalahatang kumperensya, ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!”11 At idaragdag ko, “Piliin Siya.”

Sa ating kumplikadong mundo, maaaring nakatutuksong bumaling sa mga bayani ng lipunan sa pagsisikap na bigyan ng kalinawan ang buhay kapag tila nakalilito o nakakalungkot ito. Binibili natin ang mga damit na kanilang tinatangkilik, tinatanggap natin ang mga ideolohiyang pinaniniwalaan nila, at sinusunod natin ang mga mungkahi nila sa social media. Maaaring maganda ito para sa pansamantalang libangan, pero dapat tayong maging maingat na ang ganitong paghanga ay hindi maging ginintuang guya natin. Ang pagpili ng tamang bayani ay walang-hanggan ang epekto.

Nang dumating ang aming pamilya sa Espanya para simulan ang aming serbisyo bilang mga mission leader, nakakita kami ng nakakuwadrong sipi na ibinahagi ni Elder Neal A. Maxwell na may kaugnayan sa mga bayani na pinipili nating sundin. Sabi niya, “Kung hindi ninyo piniling unahin ang kaharian ng Diyos, sa huli ay hindi na mahalaga kung ano man ang pinili ninyo.”12 Mga kapatid, sa pagpili kay Jesucristo, ang Hari ng mga Hari, pinipili natin ang kaharian ng Diyos. Anumang iba pang pagpili ay katumbas ng pagpili sa bisig ng laman, o ng isang ginintuang guya, at sa huli ay magpapahamak sa atin.

Sa Lumang Tipan sa Aklat ni Daniel, mababasa natin ang salaysay tungkol kina Shadrac, Meshac, at Abednego. na alam na alam kung aling bayani ang pipiliin—at wala rito ang alinman sa mga diyos ni Haring Nebukadnezar. Buong pananalig nilang ipinahayag:

“Ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy. …

“Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto.”13

Gaya ng itinuro ni Apostol Pablo, “Maraming mga diyos,”14 at, idaragdag ko, maraming tinatawag na bayani, na nais nilang yukuan, sambahin, at tanggapin natin. Ngunit tulad ng alam ng tatlong kaibigan ni Daniel, mayroon lamang Isang tiyak na makapagliligtas—dahil nagawa na Niya iyon at lagi Niya itong gagawin.

Para sa paglalakbay natin pabalik sa presensya ng Diyos, sa ating lupang pangako, hindi ang pulitiko, musikero, atleta, o vlogger ang hadlang, kundi ang piliing sila ang maging pangunahing bagay na ating papansinin at pagtutuunan sa halip na magtuon sa ating Tagapagligtas at Manunubos.

Pinipili natin Siya, si Jesucristo, kapag pinipili nating igalang ang Kanyang araw, nasa bahay man tayo o bumibiyahe para magbakasyon. Pinipili natin Siya kapag pinipili natin ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga buhay na propeta. Pinipili natin Siya kapag pinipili nating magkaroon ng temple recommend at namumuhay nang marapat sa paggamit nito. Pinipili natin Siya kapag tayo ay mga tagapamayapa at hindi palakontra, “lalo na kapag magkakaiba ang ating opinyon.”15

Wala pang lider ang nakapagpakita ng higit na katapangan, wala pang pagkakawanggawa ang kinakitaan ng higit na kabutihan, wala pang manggagamot ang nakapagpagaling ng mas maraming sakit, at walang alagad ng sining na mas malikhain kaysa kay Jesucristo.

Sa mundo ng mga bayani, na may mga bantayog at museo na nakatuon sa mga kabayanihan ng mortal na kalalakihan at kababaihan, may Isang nangingibabaw sa lahat. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay hindi lamang natin bayani, Siya ang ating Panginoon at Hari, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Kabilang sa mga pag-aaral na nakatuon sa Willie at Martin handcart companies ang LeRoy R. Hafen at Ann W. Hafen, Handcarts to Zion: The Story of a Unique Western Migration, 1856–1860 (1960); Rebecca Cornwall and Leonard J. Arrington, Rescue of the 1856 Handcart Companies (1981); Howard K. Bangerter and Cory W. Bangerter, Tragedy and Triumph: Your Guide to the Rescue of the 1856 Willie and Martin Handcart Companies, 2nd ed. (2006); and Andrew D. Olsen, The Price We Paid: The Extraordinary Story of the Willie Martin Handcart Pioneers (2006).

  2. Brigham Young, “Remarks,” Deseret News, Okt. 15, 1856, 252.

  3. John Oborn, “Brief History of the Life of John Oborn, Pioneer of 1856,” 2, sa John Oborn reminiscences and diary, circa 1862–1901, Church History Library, Salt Lake City.

  4. Salaysay ni Ephraim K. Hanks, sa Andrew Jenson, “Church Emigration,” The Contributor, Marso 1893, 202–3.

  5. Hanks, sa Jenson, “Church Emigration,” 204.

  6. Jacob 4:14.

  7. Tingnan sa Exodo 32.

  8. 1 Timoteo 2:6; tingnan din sa Mateo 20:28.

  9. Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 75.

  10. Tingnan sa Lucas 22:39–44.

  11. Russell M. Nelson, “Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127.

  12. Iniuugnay sa 18th-century na English clergyman na si William Law; sinipi sa Neal A. Maxwell, “Response to a Call,” Ensign, Mayo 1974, 112.

  13. Tingnan sa Daniel 3:13–18.

  14. 1 Corinto 8:5.

  15. Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 98.