2023
Ibigin Mo ang Iyong Kapwa
Nobyembre 2023


10:43

Ibigin Mo ang Iyong Kapwa

Ang pagiging mahabagin ay isang katangian ni Cristo. Ito ay nagmumula sa pagmamahal sa kapwa at walang limitasyon.

Sa umagang ito, inaanyayahan ko kayong samahan ako sa paglalakbay sa Africa. Hindi kayo makakakita ng mga leon, zebra, o elepante, ngunit marahil, sa pagtatapos ng paglalakbay, makikita ninyo kung gaano karaming miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang sumusunod sa pangalawang dakilang utos ni Cristo na “ibigin mo ang iyong kapwa” (Marcos 12:31).

Sandaling ilarawan sa isipan ang kanayunan at pulang kalupaan ng Africa. Nakita ninyo na ang tuyo at tigang na lupa ay hindi napatakan ng kahit kaunting ulan sa loob ng napakaraming taon. Ang iilang baka na nasalubong ninyo ay buto’t balat na at ipinapastol ng isang Karamojong na nakatalukbong ng kumot at nakasuot ng sandalyas, na naglalakad at umaasang makahanap ng mga halaman at tubig.

Habang tinatahak ninyo ang malubak at mabatong daan, nakakita kayo ng ilang grupo ng magagandang bata at nagtaka kung bakit hindi sila pumapasok sa eskwelahan. Ang mga bata ay ngumiti at kumaway, at kumaway rin kayo nang may luha at ngiti. Siyamnapu’t dalawang porsiyento ng pinakabatang mga batang nakita ninyo sa paglalakbay na ito ay kulang sa pagkain, at namighati ang iyong puso.

Sa unahan pa, nakita ninyo ang isang ina na may dalang lalagyan na may limang galong (19 L) tubig sa kanyang ulunan at isa pa sa kanyang kamay. Kinakatawan niya ang isa sa bawat dalawang pamilya sa lugar na ito kung saan ang kababaihan, bata at matanda, ay naglalakad nang mahigit 30 minuto kada araw papunta sa pinagkukunan ng tubig para sa kanilang pamilya. Bigla kayong nakadama ng matinding kalungkutan.

babaeng taga-Africa na may bitbit na tubig.

Dalawang oras ang lumipas at nakarating kayo sa isang liblib at malilim na lugar. Ang lugar para sa pagpupulong ay hindi isang gusali o tolda kundi sa ilalim ng iilang malalaking puno na nagbibigay ng lilim mula sa napakatinding sikat ng araw. Sa lugar na ito, napansin ninyo na walang dumadaloy na tubig, kuryente, at walang flush ang mga inidoro. Tumingin kayo sa inyong paligid at nabatid na kasama ninyo ang mga taong nagmamahal sa Diyos, at agad ninyong nadama ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila. Nagtipon sila para tumanggap ng tulong at pag-asa, at dumating kayo para ibahagi ito.

Ganito ang naging paglalakbay namin ni Sister Ardern, kasama si Sister Camille Johnson, ang ating General Relief Society President, at kanyang asawang si Doug, at si Sister Sharon Eubank, director ng Humanitarian Services ng Simbahan, nang magpunta kami sa Uganda, isang bansa na may 47 milyong tao sa Africa Central Area ng Simbahan. Sa araw na iyon, sa lilim ng mga puno, binisita namin ang isang proyektong pangkalusugan ng komunidad na magkasamang pinondohan ng Church Humanitarian Services, UNICEF, at ng Ministry of Health ng pamahalaan ng Uganda. Ang mga ito ay mapagkakatiwalaang organisasyon na maingat na pinili upang matiyak na ang donasyong pondo para sa tulong-pantao ng mga miyembro ng Simbahan ay angkop na nagagamit.

batang taga-Africa na tumatanggap ng kalinga.

Bagama’t nakadudurog ng puso na makita ang mga batang kulang sa nutrisyon at ang mga epekto ng tuberkulosis, malarya, at patuloy na diarrhea, nakadama kami ng ibayong pag-asa para sa mas magandang bukas para sa mga nakilala namin.

Ina na pinapakain ang kanyang anak.

Ang isang dahilan ng pag-asang iyan ay nagmula sa kabutihan ng mga miyembro ng Simbahan mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nagbigay ng oras at pera sa pagsisikap para sa tulong-pantao ng Simbahan. Nang makita ko na natutulungan at napapalakas ang mga nahihirapan, napayuko ako sa pasasalamat. Sa sandaling iyon, mas naunawaan ko ang ibig sabihin ng Hari ng mga hari, na nagsabing:

“Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo … :

“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at akoʼy inyong pinainom: ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy” (Mateo 25:34–35).

Ang pakiusap ng ating Tagapagligtas ay “paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16; tingnan din ang mga talata 14–15). Sa liblib at napakalayong lugar na iyon, ang inyong mabubuting gawa ay nagbigay-liwanag sa mga buhay at nagpagaan sa pasanin ng mga taong lubos na nangangailangan, at naluwalhati ang Ama.

Sa mainit at maalikabok na araw na iyon, sana narinig ninyo ang kanilang mga panalangin ng papuri at pasasalamat sa Diyos. Nais nilang sabihin ko sa inyo sa kanilang wikang Karamojong, “Alakara.” Salamat sa inyo.

Ang aming paglalakbay ay nagpaalala sa akin sa talinghaga ng mabuting Samaritano, na sa kanyang paglalakbay ay nakarating sa isang maalikabok na daan, katulad ng daang inilarawan ko, isang daan na patungo sa Jerico mula sa Jerusalem. Itinuro sa atin ng naglingkod na Samaritanong ito kung ano ang ibig sabihin ng “ibigin ang inyong kapwa.”

Nakita niya ang “isang taong … nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay” (Lucas 10:30). Ang Samaritano “ay nahabag [sa kanya]” (Lucas 10:33).

Ang pagiging mahabagin ay isang katangian ni Cristo. Ito ay nagmumula sa pagmamahal sa kapwa at walang limitasyon. Si Jesus, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, ay uliran sa pagiging mahabagin. Nang mabasa natin na “umiyak si Jesus” (Juan 11:35), tayo ay mga saksi, tulad nina Maria at Marta, ng Kanyang pagkahabag na dahilan upang Siya muna ay mabagabag sa espiritu at mabahala (tingnan sa Juan 11:33). Sa isang halimbawa ng pagkahabag ni Cristo na makikita sa Aklat ni Mormon, nagpakita si Jesus sa maraming tao at sinabing:

“Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, … o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo. …

“… At pinagaling niya ang bawat isa sa kanila” (3 Nephi 17:7, 9).

Sa kabila ng bawat pagsisikap natin, hindi natin mapagagaling ang lahat, ngunit ang bawat isa sa atin ay maaaring makagawa ng kaibhan para sa kabutihan sa buhay ng isang tao. Isang batang lalaki lamang ang nagbigay ng limang tinapay at dalawang isda para pakainin ang limang libong tao. Maaaring magtanong tayo tungkol sa ating ibinigay, tulad ng disipulong si Andres tungkol sa mga tinapay at isda, “Gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?” (Juan 6:9). Tinitiyak ko sa inyo; sapat na ang ibigay o gawin ang makakaya ninyo, at pagkatapos ay hayaan si Cristo na palakihin ang inyong pagsisikap.

Sa puntong ito, inanyayahan tayo ni Elder Jeffrey R. Holland, “mayaman man o mahirap, … na ‘gawin ang ating makakaya’ kapag nangailangan ang iba.” Nagpatotoo siya noon, tulad ng ginagawa ko ngayon, na ang Diyos ay “tutulungan at gagabayan kayo sa [inyong] mahabaging paglilingkod bilang disipulo” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?Liahona, Nob. 2014, 41).

Sa malayong lugar na iyon, sa di-malilimutang araw na iyon, tumayo ako at tumatayo ako ngayong saksi ng makabagbag-damdamin at nagpapabago-ng-buhay na pagkahabag ng mga miyembro ng Simbahan, kapwa mayaman at mahirap.

Ang talinghaga ng mabuting Samaritano ay nagpatuloy nang kanyang “tinalian ang mga sugat [ng lalaki] … at inalagaan [ito].” (Lucas 10:34). Ang pagsisikap sa tulong-pantao ng ating Simbahan ay kaagad na tumutugon sa mga kalamidad at tumutulong sa laganap na mga karamdaman, gutom, pagkamatay ng mga sanggol, malnutrisyon, kawalan ng tirahan, at sa madalas na hindi napapansing panghihina ng loob, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa.

Pagkatapos ay “dumukot [ang Samaritano] ng dalawang denario at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, ‘Alagaan mo siya’” (Lucas 10:35). Bilang simbahan, nagpapasalamat tayo sa pakikipagtulungan ng iba pang mga “host” o organisasyon tulad ng Catholic Relief Services, UNICEF, at ng Red Cross/Red Crescent, sa ating mga pagsisikap na tumulong sa mga tao. Nagpapasalamat din kami sa inyong “dalawang denario” o dalawang euro, dalawang piso, o dalawang shilling na nagpapagaan sa mga pasanin ng napakaraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Malamang na hindi ninyo makilala ang tatanggap ng inyong oras, mga dolyar, at mga barya, ngunit hindi hinihiling ng pagkahabag na makilala natin sila; ang tanging hinihingi nito ay mahalin natin sila.

Salamat, Pangulong Russell M. Nelson, sa pagpapaalala sa amin na “kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, ibinabaling Niya ang ating mga puso sa kapakanan ng iba” (“Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 97). Pinatototohanan ko na bawat isa sa atin ay madaragdagan ang kagalakan, kapayapaan, pagpapakumbaba, at pagmamahal kapag tumugon tayo sa panawagan ni Pangulong Nelson na ibaling ang ating mga puso sa kapakanan ng ibang tao at sa pakiusap ni Joseph Smith na “pakainin ang nagugutom, damitan ang hubad, tulungan ang mga balo, pahirin ang luha ng mga ulila, [at] aliwin ang nagdurusa, sa simbahan mang ito, o sa iba pa, o sa walang kinabibilangang simbahan, saanman [natin] makita sila” (Joseph Smith, Times and Seasons, Mar. 15, 1842, 732).

Sina Elder Ardern at President Camille N. Johnson kasama ang mga bata sa Africa.

Maraming buwan na ang nakalipas, nahanap namin ang mga gutom at nahihirapan sa tuyo at maalikabok na kapatagang iyon at ang mga matang nagmamakaawa na tulungan sila. Sa aming sariling paraan, kami ay nabagabag sa espiritu at nabahala (tingnan sa Juan 11:33), gayunpaman kami ay napanatag nang makita namin ang mga miyembro ng Simbahan na kumikilos upang pakainin ang mga nagugutom, tulungan ang mga balo, at panatagin ang nagdurusa at pahirin ang kanilang mga luha.

Nawa’y patuloy tayong tumulong para sa kapakanan ng iba at ipakita sa salita at gawa na tayo ay “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa” (Mosias 18:8), “gamutin ang mga bagbag na puso,” (Doktrina at mga Tipan 138:42), at sundin ang pangalawang dakilang utos ni Cristo na “ibigin mo ang iyong kapwa” (Marcos 12:31). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.