Dito ay May Pag-ibig
Sana ay matutuhan nating ipahayag at pakinggan ang Kanyang pag-ibig dito, sa ating puso at tahanan, at sa ating mga tungkulin sa ebanghelyo, aktibidad, ministering, at paglilingkod.
Kinakanta ng mga bata natin sa Primary ang, “Dito ay May Pag-ibig.”1
Minsan ay binigyan ko si Sister Gong ng maliit na locket. Pinaukitan ko ito ng dot-dot, dot-dot, dot-dot-dash. Matutukoy ng mga taong pamilyar sa Morse code ang mga letrang I, I, U. Pero sinamahan ko ito ng pangalawang code. Sa Mandarin Chinese, ang ibig sabihin ng “ai” ay “pag-ibig.” Kaya, kapag nag-double-decode, ang mensahe ay “Iniibig kita.” Mahal kong Susan, “I, ai (爱), U.”
Nabibigkas natin ang pag-ibig sa maraming wika. Sinabi sa akin na ang sangkatuhan ay mayroong 7,168 na mga wika.2 Sa Simbahan, gumagamit tayo ng 575 dokumentadong pangunahing mga wika, na may maraming diyalekto. Nagpapabatid din tayo ng layunin, impleksyon, at emosyon sa sining, musika, sayaw, mga lohikal na simbolo, at pagpapahayag sa sarili at sa kapwa.3
Ngayon, pag-usapan natin ang tungkol sa tatlong wikang gamit ng ebanghelyo sa pag-ibig: ang wika ng pagkamagiliw at pagpipitagan, ang wika ng paglilingkod at sakripisyo, at ang wika ng pagiging kabilang sa tipan.
Una, ang wika ng ebanghelyo na pagkamagiliw at pagpipitagan.
Nang magiliw at mapitagan, tinanong ni Sister Gong ang mga bata at kabataan, “Paano ninyo nalalaman na mahal kayo ng inyong mga magulang at pamilya?”
Sa Guatemala, sabi ng mga bata, “Nagtatrabahong mabuti ang mga magulang ko para mapakain ang aming pamilya.” Sa Hilagang Amerika, sabi ng mga bata, “Nagbabasa ng mga kuwento ang mga magulang ko at pinatutulog nila ako sa gabi.” Sa Banal na Lupain, sabi ng mga bata, “Palagi akong pinangangalagaan ng mga magulang ko.” Sa Ghana, West Africa, sabi ng mga bata, “Tinutulungan ako ng mga magulang ko sa mga mithiin ko sa Mga Bata at Kabataan.”
Sabi ng isang bata, “Kahit pagod na pagod na ang nanay ko matapos magtrabaho buong araw, lumalabas siya para makipaglaro sa akin.” Umiyak ang kanyang ina nang marinig nito na makabuluhan ang mga sakripisyo nito sa araw-araw. Sabi ng isang dalagita, “Kahit nagtatalo kami kung minsan ni Inay, may tiwala ako sa aking ina.” Umiyak din ang kanyang ina.
Kung minsan ay kailangan nating malaman na ang pag-ibig na ipinapahayag dito ay naririnig at pinapahalagahan.
Nang magiliw at mapitagan, ang ating sacrament at iba pang mga miting ay nakatuon kay Jesucristo. Mapitagan nating binabanggit ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na personal at tunay, hindi bilang isang teoretikal na konsepto lamang. Tinatawag natin ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa Kanyang pangalan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gumagamit tayo ng mapitagang wika sa panalangin kapag kinakausap natin ang Ama sa Langit at magiliw at magalang kapag kausap natin ang isa’t isa. Kapag kinikilala natin na si Jesucristo ang pinakamahalagang bahagi ng mga tipan sa templo, hindi na natin sinasabing “pupunta sa templo” kundi “lalapit kay Jesucristo sa bahay ng Panginoon.” Ang bawat tipan ay bumubulong na, “Dito ay may pag-ibig.”
Sinasabi ng mga bagong miyembro na ang mga salitang gamit sa Simbahan ay kadalasang kailangang i-decode. Natatawa tayo sa ideyang ang “stake house” ay maaaring isang kainan ng masarap na karne, ang “ward building” ay maaaring isang gusali ng ospital, ang “opening exercises” ay maaaring pag-eehersisyo ng ulo, mga balikat, tuhod, at paa sa paradahan ng simbahan. Pero, pakiusap, maging maunawain at mabait tayo habang sama-sama tayong natututo ng mga bagong wika ng pag-ibig. Bago pa lang sa simbahan, isang bagong binyag ang sinabihan na masyadong maikli ang kanyang palda. Sa halip na sumama-ang-loob, sabi niya, “Ang puso ko ay nagbalik-loob na; pakihintay nating makahabol ang aking palda.”4
Ang mga salitang ginagamit natin ay maaaring maglapit o maglayo sa atin sa iba pang mga Kristiyano at kaibigan. Kung minsan ay binabanggit natin ang gawaing misyonero, gawain sa templo, gawaing pantao at gawaing pangkapakanan sa mga paraan na maaaring isipin ng iba na naniniwala tayo na mag-isa tayong gumagawa. Palagi tayong magsalita nang may magiliw at mapitagang pasasalamat para sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos at sa kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.5
Pangalawa, ang wika ng ebanghelyo na paglilingkod at sakripisyo.
Sa pagtitipon natin bawat linggo para gumalang at magalak sa araw ng Sabbath, maaari nating ipahayag sa oras ng sakramento ang katapatan natin sa ating tipan kay Jesucristo at sa isa’t isa sa ating mga tungkulin sa Simbahan, kapatiran, pakikisalamuha, at paglilingkod.
Kapag tinatanong ko ang mga lokal na lider ng Simbahan kung ano ang ikinababahala nila, kapwa nila sinasabi na, “Ang ilan sa ating mga miyembro ay hindi tumatanggap ng mga tungkulin sa Simbahan.” Ang mga tawag na maglingkod sa Panginoon at sa isa’t isa sa Kanyang Simbahan ay nagbibigay ng pagkakataon na madagdagan ang pagkahabag, kakayahan, at kababaang-loob. Kapag tayo ay na-set apart, matatanggap natin ang inspirasyon ng Panginoon na pasiglahin at palakasin ang iba at ang ating sarili. Mangyari pa, ang mga nagbabagong kalagayan at panahon ng ating mga buhay ay maaaring makaapekto sa ating kakayahang maglingkod, pero sana hindi kailanman sa ating hangarin. Kasama ni Haring Benjamin, sinasabi nating, “Kung ako ay mayroon ako ay magbibigay”6 at inaalay natin ang lahat ng ating makakaya.
Mga lider ng stake at ward, gawin natin ang ating bahagi. Kapag tumatawag (at nagre-release) tayo ng mga brother at sister sa paglilingkod sa Simbahan ng Panginoon, mangyaring gawin natin ito nang may dignidad at inspirasyon. Tulungan ang bawat isa na madamang pinapahalagahan sila at na kaya nilang magtagumpay. Mangyaring sumangguni at makinig sa mga sister na lider. Nawa’y maalala natin, tulad ng itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark, sa Simbahan ng Panginoon, naglilingkod tayo kung saan tayo tinawag, “tungkuling hindi … dapat hangarin o tanggihan.”7
Nang ikasal kami ni Sister Gong, ipinayo ni Elder David B. Haight: “Palaging magkaroon ng tungkulin sa Simbahan. Lalo na kapag abala sa buhay,” sabi niya, “kailangan ninyong madama ang pag-ibig ng Panginoon para sa mga pinaglilingkuran ninyo at para sa inyo habang naglilingkod kayo.” Nangangako ako na may pag-ibig dito, doon, at sa lahat ng dako kapag sumasagot tayo ng “oo” sa mga lider ng Simbahan para maglingkod sa Panginoon sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at ng ating mga tipan.
Ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ay maaaring maging incubator para sa komunidad ng Sion. Kapag tayo ay sama-samang sumasamba, naglilingkod, nagsasaya, at natututo tungkol sa Kanyang pag-ibig, inaangkla natin ang isa’t isa sa Kanyang ebanghelyo. Maaaring hindi tayo magkasundo tungkol sa pulitika o sa mga isyu sa lipunan ngunit makasusumpong tayo ng pagkakaisa habang sama-sama tayong kumakanta sa koro ng ward. Pinalalakas natin ang ugnayan at dinadaig ang pagkakahati-hati kapag tayo ay regular na nagmi-minister nang taos-puso sa mga tahanan ng isa’t isa at sa komunidad.
Sa mga pagbisita sa miyembro kasama ng mga stake president, nadarama ko ang kanilang malalim na pagmamahal sa mga miyembro sa bawat pagkakataon. Habang dumadaan kami sa mga tahanan ng mga miyembro sa kanyang stake, sinabi ng isang stake president na nakatira man tayo sa isang tahanang mayroong swimming pool o sa tahanang lupa ang sahig, ang paglilingkod sa Simbahan ay pribilehiyo na kadalasang may kasamang sakripisyo. Gayunpaman, matalino niyang napansin, kapag sama-sama tayong naglilingkod at nagsasakripisyo sa ebanghelyo, mas kaunti ang nakikita nating kamalian at higit ang kapayapaan. Kapag hinahayaan natin Siya, tinutulungan tayo ni Jesucristo na maipadama ang Kanyang pag-ibig dito.
Nitong tag-init, nakilala ng aming pamilya ang mga kahanga-hangang miyembro ng Simbahan at kaibigan sa Loughborough at Oxford, England. Ipinaalala sa akin ng mga makabuluhang pagtitipon na ito kung paanong ang mga social activity at aktibidad sa paglilingkod ng ward ay maaaring makabuo ng bago at nagtatagal na mga ugnayan sa ebanghelyo. Sa loob ng ilang panahon nadama ko na, sa maraming lugar sa Simbahan, ang ilang karagdagang aktibidad ng ward, na tiyak na nakaplano at isinagawa nang may layunin ng ebanghelyo, ay maaaring magbigkis sa atin na nadarama ang higit na pagiging kabilang at pagkakaisa.
Ang inspiradong tagapamahala at komite ng mga aktibidad sa ward ay nangangalaga sa mga indibiduwal at sa komunidad ng mga Banal. Ang mga aktibidad nila na pinagplanuhang mabuti ay nakatutulong para madama ng lahat na sila ay mahalaga, kabilang, at inaanyayahang gampanan ang isang mahalagang tungkulin. Ang mga gayong aktibidad ay nag-uugnay sa mga taong magkakaiba ang edad at karanasan sa buhay, lumilikha ng mga hindi malilimutang alaala, at maisasagawa sa kaunting halaga o nang libre. Ang mga kasiya-siyang aktibidad sa ebanghelyo ay nag-aanyaya rin sa mga kapitbahay at kaibigan.
Ang pakikisalamuha at paglilingkod ay madalas na magkasama. Alam ng mga young adult na kung talagang gusto ninyong makilala ang isang tao, magkasama kayong magpintura sa isang makabuluhang proyekto ng paglilingkod.
Mangyari pa, walang indibiduwal o pamilya na perpekto. Kailangan nating lahat ng tulong para magkaroon ng higit na pag-ibig dito. “Ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot.”8 Ang pananampalataya, paglilingkod, at sakripisyo ay nakatutulong sa atin na mas hindi magtuon sa ating mga sarili kundi mas magtuon sa ating Tagapagligtas. Kapag mas mahabagin, matapat, at walang pag-iimbot ang ating paglilingkod at sakripisyo sa Kanya, mas mauunawaan natin ang walang hanggang nagbabayad-salang awa at biyaya ni Jesucristo para sa atin.
At dadalhin tayo niyan sa wika ng ebanghelyo na pagiging kabilang sa tipan.
Nabubuhay tayo sa isang mundong makasarili. Kadalasan, pinipili ng mga tao ang sarili nilang interes at hangarin kaysa sa iba. Tila ba naniniwala tayo na tayo ang pinaka-nakaaalam sa ating pansariling interes at kung paano ito maisasakatuparan.
Ngunit sa huli ay hindi iyan totoo. Kinakatawan ni Jesucristo ang makapangyarihan at walang hanggang katotohanang ito:
“Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
“Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay?”9
Nagbigay si Jesucristo ng mas mainam na paraan—ang mga ugnayang nakasalig sa banal na tipan na higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan. Ang pagiging kabilang sa tipan sa Diyos at sa isa’t isa ay maaaring magpagaling at magpabanal sa atin at sa ating mga pinakamahalagang ugnayan. Sa katunayan, mas kilala Niya tayo at mas mahal Niya tayo kaysa sa pagkakakilala o pagmamahal natin sa ating sarili. Sa katunayan, kapag nakipagtipan tayo nang buong sarili natin, maaari tayong maging higit sa kung sino tayo. Ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos ay magpapala sa atin ng bawat magandang kaloob, sa Kanyang panahon at paraan.
Ang generative artificial intelligence (AI) ay malaki na ang inihusay sa pagsasalin ng wika. Matagal nang lumipas ang panahon kung saan maaaring isalin ng kompyuter ang matalinghagang parirala na “Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina” bilang “Ang alak ay mainam, pero ang karne ay sira na.” Nakakatuwa na ang pag-uulit ng mga halimbawa ng isang wika ay nakapagtuturo ng isang wika sa kompyuter nang mas mabisa kaysa sa pagtuturo sa kompyuter ng mga tuntunin ng gramatika.
Katulad nito, maaaring ang sarili at paulit-ulit nating mga karanasan ang pinakamainam na espirituwal na paraan para matutuhan natin ang mga wika ng pagkamagiliw at pagpipitagan, paglilingkod at sakripisyo, at pagiging kabilang sa tipan ng ebanghelyo.
Kaya, saan at paano nangungusap sa inyo si Jesucristo nang may pagmamahal?
Saan at paano ninyo naririnig ang Kanyang pag-ibig dito?
Sana ay matutuhan nating ipahayag at pakinggan ang Kanyang pag-ibig dito, sa ating puso at tahanan, at sa ating mga tungkulin sa ebanghelyo, aktibidad, ministering, at paglilingkod.
Sa plano ng Diyos, ang bawat isa sa atin ay pupunta sa kabilang-buhay balang-araw pagkatapos ng buhay na ito. Kapag nakita natin ang Panginoon, naiisip kong sasabihin Niya, nang may tagubilin at pangako, “Dito ay may pag-ibig Ko.” Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.