2023
Pagtingin sa Pamilya ng Diyos Ayon sa Kanyang Pananaw
Nobyembre 2023


11:30

Pagtingin sa Pamilya ng Diyos Ayon sa Kanyang Pananaw

Sa palagay ko, sa mata ng pananampalataya, kaya nating makita ang ating sarili at mga pamilya sa mas malawak na pananaw nang may pag-asa at kagalakan.

Noong maliit pa ang aming bunsong anak na si Berkeley, nagsimula akong gumamit ng salamin—iyong nagpapalaki ng anumang bagay na tingnan ko. Isang araw, habang magkatabi kaming nagbabasa ng libro, tiningnan ko siya nang may pagmamahal pero may lungkot din, dahil tila bigla siyang lumaki. Naisip ko, “Ang bilis ng panahon, ano? Ang laki na niya!”

Nang inalis ko ang aking salamin para punasan ang luha ko, naisip ko bigla, “Ay teka—nagmukha lang pala siyang malaki dahil sa salamin ko! Hindi bale na!”

Kung minsan ang nakikita lamang natin sa ating mga mahal sa buhay ay ang maliliit na detalye ng kanilang buhay. Ngayong gabi, inaanyayahan ko kayo na tingnan sila sa ibang pananaw—sa walang-hanggang pananaw na nakakakita sa kabuuan ng inyong kwento.

Noong unang subukan ng tao na magpunta sa kalawakan, ang mga rocket na walang sakay na tao ay walang mga bintana. Pero pagdating ng Apollo 8 mission papunta sa buwan, may bintana na ang mga astronaut. Habang palutang-lutang sa kalawakan, sila ay naantig ng kakayahang makita ang ating mundo at kinuha ang kagila-gilalas na retratong ito, na nakaagaw sa atensyon ng buong mundo! Ang mga astronaut na iyon ay nakaranas ng damdaming lubhang makapangyarihan na nabigyan pa ito ng sariling pangalan: ang overview effect.

Ang mundo na tanaw mula sa kalawakan.

NASA

Ang pagtingin mula sa isang bago at mas malawak na pananaw ay nagpapabago sa lahat. Sinabi ng isang taong nakapunta sa kalawakan na “ginagawa nitong magmukhang maliit ang mga bagay-bagay at iisipin mo na kayang maisakatuparan ang lahat. … Magagawa natin ito. Kapayapaan sa mundo—kayang-kaya iyan. Nagbibigay ito sa mga tao ng ganyang uri ng lakas … ganyang uri ng kapangyarihan.”1

Bilang mga tao, ang pananaw natin ay nakatutok sa mundo, pero nakikita ng Diyos ang buong sansinukob. Nakikita Niya ang lahat ng nilalang, tayong lahat, at Siya ay puspos ng pag-asa.

Posible kayang unti-unti nating makita kung ano ang nakikita ng Diyos habang nakatira tayo sa planetang ito—ang madama ang overview effect na ito? Sa palagay ko, sa mata ng pananampalataya, kaya nating makita ang ating sarili at mga pamilya sa mas malawak na pananaw nang may pag-asa at kagalakan.

Sang-ayon dito ang mga banal na kasulatan. Binanggit ni Moroni ang tungkol sa mga may pananampalataya na lubhang “napakalakas” na “tunay [nilang nakita] … sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, at sila ay nagalak.”2

Nakatuon ang mata sa Tagapagligtas, nakadama sila ng kagalakan at nalaman ang katotohanang ito: dahil kay Cristo, ang lahat ng bagay ay magiging maayos. Ang lahat ng bagay na ipinag-aalala ng bawat isa sa inyo—ay magiging Maayos! Ang mga tumitingin gamit ang mata ng pananampalataya ay madarama na magiging Maayos ang ngayon.

Nakaranas ako ng matinding problema noong huling taon ko sa hayskul nang hindi magaganda ang mga pagpiling ginawa ko. Naaalala ko pa na nakita kong umiiyak ang aking ina at napaisip ako kung nabigo ko siya. Sa panahong iyon, nag-aalala ako na ang mga luha niya ay nagpapahiwatig na nawalan na siya ng pag-asa sa akin, at kung nadarama niyang wala na akong pag-asa, baka wala na ngang paraan para makabalik pa ako.

Pero ang aking ama ay may mas malawak na pananaw. Natutuhan niya mula sa kanyang karanasan na ang pag-aalala ay parang pagmamahal, pero hindi sila magkapareho.3 Ginamit niya ang mata ng pananampalataya para makita na magiging maayos ang lahat, at ang kanyang pagharap sa problema nang may pag-asa ay nagpabago sa akin.

Nang makatapos ako ng hayskul at nag-aral sa BYU, ang aking ama ay nagpadala ng mga liham na nagpapaalala sa akin kung sino ako. Naging cheerleader ko siya, at lahat tayo ay kailangan ng isang cheerleader—isang taong hindi magsasabi sa iyo na, “Kulang pa ang bilis ng takbo mo”; bagkus, nagpapaalala sila sa iyo na kaya mo itong gawin.

Isinabuhay ni Itay ang panaginip ni Lehi. Tulad ni Lehi, alam niya na hindi natin kailangang habulin ang mga mahal natin sa buhay na naliligaw ng landas. “Ikaw ay mananatili sa kinaroroonan mo at tatawagin mo sila. Pupunta ka sa punungkahoy, mananatili roon, patuloy na kakain ng bunga at, habang nakangiti, ay patuloy na tatawagin ang mga mahal mo sa buhay at ipapakita sa kanila na masaya ang pagkain sa bunga!”4

Ang paglalarawang ito ay nakatulong sa akin noong malungkot ako at natagpuan ang sarili ko na nasa puno, kumakain ng bunga at umiiyak dahil ako ay nag-aalala; at sa totoo lang, gaano ba talaga nakatulong iyon? Sa halip, piliin natin ang pag-asa—pag-asa sa ating Manlilikha at sa isa’t isa, na tutulong sa atin na maging mas mabuti at mas humusay.

Pagkatapos pumanaw ni Elder Neal A. Maxwell, tinanong ng isang reporter ang kanyang anak na lalaki kung ano ang hahanap-hanapin niya sa namayapa niyang ama. Sabi niya ang pagkain nila ng hapunan sa bahay ng kanyang mga magulang, dahil kapag umaalis siya ay palagi niyang nadarama na naniniwala sa kanya ang kanyang ama.

Halos kasabay nito ang panahon na nagpupunta ang aming mga anak at kanilang mga asawa sa aming tahanan sa araw ng Linggo para kumain ng hapunan. Napaisip ako sa buong linggo kung anu-ano kaya ang mga ipapaalala ko sa kanila sa araw ng Linggo na iyon, tulad ng “Baka pwede kang tumulong sa pag-aalaga ng mga bata kapag nasa bahay ka” o “Huwag kalimutang maging mabuting tagapakinig.”

Nang mabasa ko ang komento ni Brother Maxwell, itinabi ko ang mga ideyang naisip ko, kaya nang makita ko ang mga anak ko sa sandaling panahong iyon bawat linggo, nagtuon ako sa magagandang bagay na ginagawa na nila. Nang yumao ang aming panganay na anak na si Ryan, ilang taon na ang nakalipas, naalala ko na nagpasalamat ako na naging mas masaya at positibo ang mga oras na kami ay magkasama.

Bago natin kausapin ang isang mahal sa buhay, maaari nating itanong sa ating sarili “Ang gagawin o sasabihin ko ba ay makatutulong o makasasakit?” May angking kapangyarihan ang ating mga salita, at ang ating mga kapamilya ay parang mga pisara na nasa ating harapan na nagsasabing, “Isulat mo ang iniisip mo tungkol sa akin!” Ang mga mensaheng ito, sinasadya man o hindi, ay dapat puspos ng pag-asa at panghihikayat.5

Ang ating responsibilidad ay hindi ang sabihin sa taong nagdurusa na sila ay masama o nakadidismaya. Sa ilang pambihirang pagkakataon, maaaring madama natin na dapat nating itama ang mali, pero mas madalas ay sabihin at ipadama natin sa ating mga mahal sa buhay ang mensaheng nais nilang marinig: “Buo at kumpleto ang ating pamilya dahil narito ka.” “Mamahalin ka habambuhay—anuman ang mangyari.”

Kung minsan mas kailangan natin ang pagdamay kaysa payo; pakikinig kaysa sermon; isang taong nakikinig at nag-iisip, “Ano kaya ang dapat na madama ko sa kanilang sinabi?”

Tandaan na ang pamilya ay isang laboratoryo na ibinigay ng Diyos kung saan maaari tayong sumubok at matuto, kaya posible at malamang na makagawa tayo ng mga maling hakbang at desisyon. At hindi ba maganda kung sa dulo ng ating buhay ay makikita natin na ang mga ugnayang iyon, pati na ang mahihirap na sandali, ang mismong nakatulong sa atin na maging higit na tulad ng ating Tagapagligtas? Ang bawat mahihirap na interaksyon ay pagkakataong matuto kung paano higit na magmahal—na tulad ng Diyos.6

Tingnan natin ang mga ugnayan ng pamilya bilang isang napakahusay na kasangkapan na magtuturo sa atin ng mga aral na dapat nating matutuhan dito sa lupa kapag bumabaling tayo sa Tagapagligtas.

Aminin natin na sa isang mundong makasalanan, hindi maaaring maging perpektong asawa, magulang, anak, apo, guro, o kaibigan—pero napakaraming paraan para maging mabuting tao.7 Manatili tayo sa puno, tanggapin ang pag-ibig ng Diyos, at ibahagi ito. Sa pagtulong natin sa mga taong nakapaligid sa atin, sabay-sabay tayong aangat.

Sa kasamaang palad, ang alaala ng pagkain sa bunga ay hindi sapat; kailangang paulit-ulit natin itong kainin hanggang sa magkaroon tayo ng pananaw na tulad ng sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, na puno ng liwanag na papawi sa kadiliman, at patuloy na pananalangin hanggang sa magkaroon ito ng kapangyarihan. Ito ang sandali na lumalambot ang mga puso, at unti-unti tayong nagkakaroon ng pananaw na tulad ng sa Diyos.

Sa mga huling araw na ito, marahil ang pinakadakilang gawain natin ay sa ating mga mahal sa buhay—mabubuting tao na namumuhay sa isang masamang mundo. Ang ating pag-asa ay nagpapabago sa kanilang pagtingin sa kanilang sarili at kung sino talaga sila. At sa pamamagitan ng pananaw na ito ay makikita nila kung ano ang kanilang kahihinatnan.

Pero ayaw ng kaaway na tayo at ang ating mga mahal sa buhay ay magkasamang makauwi. At dahil nakatira tayo sa planeta na sakop ng oras at limitadong bilang ng mga taon,8 ang kalaban ay nagpapalaganap ng takot at pagkabahala sa atin. Mahirap makita, kapag limitado ang ating pananaw, na ang ating direksyon ay mas mahalaga kaysa sa bilis ng ating paglalakbay.

Tandaan na, “Kung gusto ninyong maglakbay nang mabilis, gawin ito nang mag-isa. Kung gusto ninyong malayo ang inyong marating, maglakbay nang magkakasama.”9 Buti na lamang at ang Diyos na sinasamba natin ay hindi saklaw ng oras. Nakikita Niya kung sino talaga ang mga mahal natin sa buhay at kung sino tayo talaga.10 Kaya matiyaga Siya sa atin, umaasa na magiging matiyaga tayo sa bawat isa.

Inaamin ko na minsan ang mundo, na ating pansamantalang tirahan, ay parang isla ng kalungkutan—sa mga panahong pareho akong may pananampalataya at lumuluha sa pag-aalala.11 Alam ba ninyo ang pakiramdam na ito?

Nadama ko ito noong Martes.

Maaari ba nating tularan ang matapat na paninindigan ng ating propeta kapag siya ay nangangako ng mga himala para sa ating mga pamilya? Kung gagawin natin ito, madaragdagan ang ating kagalakan kahit na mas tumitindi ang mga pagsubok. Nangako siya na maaari nating maranasan ngayon, ang tulad ng overview effect, anuman ang ating kalagayan.12

Ang pagkakaroon ng mata ng pananampalataya ngayon ay ang muling pagbabalik ng pananampalatayang mayroon tayo noon bago tayo pumarito sa planetang ito. Nakikita nito kung ano ang mayroon pagkatapos ng pagsubok, na tumutulong sa atin na “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos … ay makatayong hindi natitinag.”13

Mayroon ba kayong pinagdaraanan ngayon sa buhay, isang bagay na ipinag-aalala ninyo na hindi malulutas? Kung wala ang mata ng pananampalataya, maaaring maisip natin na nawalan na ng kontrol ang Diyos sa mga bagay-bagay, at totoo ba ito?

O baka mas inaalala ninyo na mag-isa kayong haharap sa kahirapang ito, na ibig sabihin ay iniwan na kayo ng Diyos, at totoo ba ito?

Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay may kakayahan, dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, na pawiin ang anumang bangungot ninyo ngayon at gawin itong pagpapala. Nangako Siya sa atin “nang may hindi mababagong tipan” na kapag sinisikap nating mahalin at sundin Siya, “lahat ng bagay na kung saan [tayo] pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti.”14 Lahat ng bagay.

At dahil tayo ay mga anak ng tipan, maaari nating hilingin ang pag-asang ito ngayon!

Bagama’t hindi perpekto ang ating mga pamilya, maaari nating sikaping maging perpekto ang ating pagmamahal hanggang sa ito ay maging permanente, hindi nagbabago, walang pinipili—ang uri ng pagmamahal na naghihikayat ng pagbabago at paglago at pagbabalik-loob.

Gawain ng Tagapagligtas na ibalik ang ating mga mahal sa buhay. Ito ay Kanyang gawain at Kanyang panahon. Ang gawain natin ay magbigay ng pag-asa at pusong tatanggap sa kanila. “Wala sa atin ang awtoridad ng Diyos na humatol at wala rin sa atin ang Kanyang kapangyarihang magtubos, ngunit binigyan tayo ng awtoridad na ipamalas ang Kanyang pagmamahal.”15 Itinuro din ni Pangulong Nelson na mas kailangan ng ibang tao ang ating pagmamahal kaysa ating paghusga. “Kailangan nilang maranasan ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo na maipapakita sa [ating] mga salita at kilos.”16

Ang pagmamahal ang nagpapabago ng mga puso. Ito ang pinakadalisay na motibo sa lahat, at madarama ito ng ibang tao. Panghawakan natin ang mga salitang ito ng propeta na ipinahayag 50 na ang nakalipas: “Walang bigong tahanan kung titigil ito sa [pagsisikap].”17 Tiyak na ang may pinakamalalim at pinakamatagal na pagmamahal ang siyang magwawagi!

Sa mga pamilya dito sa lupa, ginagawa lang natin ang ginawa ng Diyos para sa atin—ang pagturo sa daan at pag-asa na ang mga mahal natin sa buhay ay susundan ang landas na ito, batid na sila ang pipili ng landas na kanilang tatahakin.

Kapag sila ay nasa kabilang panig na ng tabing at papalapit sa ating tahanan sa langit,18 naniniwala ako na magiging pamilyar ang pakiramdam nila roon dahil sa pagmamahal na nadama nila rito.

Gamitin natin ang ayon sa pananaw ng Diyos at makita ang mga taong mahal natin at kapiling bilang ating mga kasamahan sa magandang planetang ito.

Kayo at ako? Magagawa natin ito! Maaari tayong patuloy na magkaroon ng pag-asa! Maaari tayong manatili sa puno at kainin ang bunga nang may ngiti sa ating mga labi, at hayaan ang Liwanag ni Cristo mula sa ating mga mata na maging liwanag na maaasahan nila sa kadiliman ng mga pagsubok. At kapag nakikita nila ang ating liwanag, lalapit sila rito. Pagkatapos ay matutulungan natin silang muling magtuon sa tunay na pinagmumulan ng pagmamahal at liwanag, “ang maningning na tala sa umaga,” si Jesucristo.19

Pinatototohanan ko ito—ang lahat ng ito—ay hahantong sa isang bagay na higit pa sa kaya nating isipin! Taglay ang mata ng pananampalataya na nakatuon kay Jesucristo, nawa’y makita natin na magiging maayos din ang lahat sa huli, at madama natin na magiging maayos ang lahat ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Anousheh Ansari, sa “The Overview Effect and Other Musings on Earth and Humanity, according to Space Travelers,” cocre.co.

  2. Eter 12:19; idinagdag ang diin.

  3. Tingnan sa Jody Moore, “How to Say Hard Things,” Better than Happy (podcast), Set. 18, 2020, episode 270.

  4. Ronald E. Bartholomew, ginamit nang may pahintulot; tingnan din sa 1 Nephi 8:10; 11:21–22.

  5. Tingnan sa James D. MacArthur, “The Functional Family,” Marriage and Families, vol. 16 (2005), 14.

  6. Magiging posible kapag tayo ay “nananalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48).

  7. Paraphrase ng isang pangungusap na inuugnay kay Jill Churchill.

  8. Tingnan sa Richard Eyre, Life before Life: Origins of the Soul … Knowing Where You Came from and Who You Really Are (2000), 107.

  9. Tradisyunal na sawikain.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:24, 26.

  11. Tingnan sa Robert Frost, “Birches,” sa Mountain Interval (1916), 39.

  12. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 81–84; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95.

  13. Doktrina at mga Tipan 123:17.

  14. Doktrina at mga Tipan 98:3; idinagdag ang diin.

  15. Wayne E. Brickey, Inviting Him In: How the Atonement Can Change Your Family (2003), 144.

  16. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 100.

  17. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2001), 159.

  18. Tingnan sa Paul E. Koelliker, “Talagang Mahal Niya Tayo,” Liahona, Mayo 2012, 18.

  19. Apocalipsis 22:16.