2023
Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas sa mga Pulo ng Dagat
Nobyembre 2023


10:27

Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas sa mga Pulo ng Dagat

Sa pamamagitan ng mga pagpapala ng templo, napapagaling ng Tagapagligtas ang mga indibiduwal, pamilya, at bansa.

Noong 1960s, nagturo ang aking ama sa Church College of Hawaii sa Laie, kung saan ako ipinanganak. Ipinagpilitan ng pitong mga ate ko sa aking mga magulang na pangalanan ako ng “Kimo,” isang Hawaiian na pangalan. Nanirahan kami malapit sa Laie Hawaii Temple noong karamihan ng mga miyembro ng Simbahan sa Asia Pacific Area, kabilang na ang Japan ay nagpupunta sa templong ito.1 Sa panahong ito, nagsimulang pumunta sa Hawaii ang mga grupo ng mga Hapones na Banal upang matanggap ang mga pagpapala ng templo.

Ang isa sa mga miyembrong ito ay isang babae mula sa magandang pulo ng Okinawa. Ang kuwento ng kanyang paglalakabay papunta sa Hawaii Temple ay pambihira. Dalawang dekada na ang nakalipas, siya ay ipinagkasundo na ikasal, na tradisyon sa Buddhist. Ilang buwan lang pagkalipas noon, inatake ng Japan ang Pearl Harbor, Hawaii, na nagtulak sa Estados Unidos na makipagdigma sa Japan. Matapos ang mga digmaang tulad ng Midway at Iwo Jima, ang pabagu-bagong resulta ng digmaan ay nagpaurong sa mga puwersa ng Hapones pabalik sa baybayin ng kanilang pulo, ang Okinawa, ang huling linya ng depensa laban sa mga Alyadong puwersa bago makapasok sa mga pangunahing lugar ng Japan.

Sa nakapanlulumong tatlong buwan noong 1945, nagpatuloy ang matinding Digmaan sa Okinawa. Pinaikutan at binomba ng isang grupo ng 1,300 barkong pandigma ng Amerika ang pulo. Napakaraming nasawing mga sundalo at sibilyan. Ngayon, nakatala sa isang kapita-pitagang monumento sa Okinawa ang natukoy na mahigit 240,000 mga pangalan ng mga nasawi sa digmaan.2

Dahil desperadong makatakas sa marahas at malupit na pagsalakay, ang babaeng ito na taga-Okinawa, ang kanyang asawa, at kanilang dalawang maliliit na anak ay pumunta sa isang kuweba sa bundok upang magtago. Tiniis nila ang hindi mailarawang paghihirap sa sumunod na mga linggo at buwan.

Isang mapanganib na gabi sa gitna ng digmaan, habang nagugutom ang kanyang pamilya at walang-malay ang kanyang asawa, naisip niyang tapusin na ang kanilang mga pagdurusa gamit ang isang granada, na ibinigay sa kanya ng mga awtoridad at ng iba pa para sa layuning iyon. Gayunpaman, habang naghahanda siyang gawin ito, may nangyaring isang pambihirang espirituwal na karanasan na nagpadama sa kanya na totoo ang Diyos at ang Kanyang pagmamahal para sa kanya, na nagbigay sa kanya ng lakas na magpatuloy sa buhay. Sa mga sumunod na araw, nagkamalay na ang kanyang asawa at pinakain niya ang kanyang pamilya ng mga damo, pulot mula sa pukyutan sa gubat, at mga hayop na nahuli sa kalapit na sapa. Kamangha-mangha, nakatagal sila sa kuweba nang anim na buwan hanggang sa sabihan sila ng mga taganayon na tapos na ang digmaan.

Nang makabalik ang pamilya sa tahanan at simulang buuin muli ang kanilang buhay, ang Haponesang ito ay nag-umpisang maghanap ng mga sagot tungkol sa Diyos. Unti-unti siyang nagkaroon ng paniniwala kay Jesucristo at ng hangarin na mabinyagan. Gayunpaman, nag-aalala siya tungkol sa kanyang mga mahal sa buhay na namatay nang walang kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa binyag, kabilang na ang kanyang ina, na namatay sa panganganak sa kanya.

Isipin ang kanyang kagalakan nang magpunta isang araw ang dalawang babaeng misyonero mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanyang bahay at nagturo sa kanya na ang mga tao ay maaaring matuto tungkol kay Jesucristo sa mundo ng mga espiritu. Naantig siya sa turo na maaaring piliin ng kanyang mga magulang na sundin si Jesucristo sa kabilang-buhay at tanggapin ang binyag para sa kanila sa mga banal na lugar na tinatawag na mga templo. Siya at ang kanyang pamilya ay nagbalik-loob sa Tagapagligtas at nabinyagan.

Ang kanyang pamilya ay nagtrabahong mabuti at nagsimulang umunlad, at nadagdagan ng tatlo pang anak. Sila ay naging matapat at aktibo sa Simbahan. At, sa hindi inaasahan, ang kanyang asawa ay na-stroke at namatay, kaya napilitan siyang magtrabaho nang mas mahabang oras sa loob ng maraming taon upang maitaguyod ang kanyang limang anak.

Pinintasan siya ng ilang kapamilya at kapitbahay. Isinisi nila ang kanyang mga paghihirap sa kanyang desisyon na sumapi sa isang simbahang Kristiyano. Hindi nagpatinag sa matinding trahedya at matinding pamimintas, pinanghawakan niya ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo, determinadong sumulong, nagtitiwalang kilala siya ng Diyos at na magkakaroon pa ng mas masasayang araw sa kanyang buhay.3

Ilang taon pagkalipas ng biglaang pagkamatay ng kanyang asawa, nakadama ng inspirasyon ang mission president ng Japan na hikayatin ang mga miyembrong Hapones na dumalo sa templo. Ang mission president ay Amerikanong beterano ng Digmaan sa Okinawa, kung saan ang babaeng taga Okinawa at ang kanyang pamilya ay labis na nagdusa.4 Gayunpaman, sinabi ng mapagpakumbabang babae tungkol sa kanya: “Isa siya sa kinasusuklaman naming kaaway, pero ngayon ay narito siya dala ang ebanghelyo ng pagmamahal at kapayapaan. Ito, para sa akin, ay isang himala.”5

Nang marinig ang mensahe ng mission president, ang babaeng balo ay nagkaroon ng hangaring mabuklod sa kanyang pamilya sa templo balang-araw. Gayunpaman, imposible ito para sa kanya, dahil gipit siya sa pera at mahihirapan siya dahil sa kanyang wika.

At may lumitaw na ilang magandang solusyon. Ang gastos ay maaaring mabawasan ng kalahati kung aarkilahin ng mga miyembro sa Japan ang buong eroplano na lilipad papunta sa Hawaii kapag walang gaanong bumibiyahe.6 Ang mga miyembro ay nag-record din at nagbenta ng mga vinyl record na may pamagat na Japanese Saints Sing. Ang ilang miyembro ay nagbenta pa nga ng mga bahay. Ang iba naman ay nagbitiw sa trabaho para makasama sa biyahe.7

Ang isa pang hamon sa mga miyembro ay walang temple presentation sa wikang Hapones. Tumawag ang mga lider ng Simbahan ng isang brother na Hapones para magpunta sa templo sa Hawaii para isalin ang seremonya ng endowment.8 Siya ang unang Japanese convert pagkatapos ng giyera, na naturuan at nabinyagan ng matatapat na sundalong Amerikano.9

Nang unang marinig ng mga na-endow na miyembrong Hapones na naninirahan sa Hawaii ang pagkakasalin, napaiyak sila. Isinulat ng isang miyembro: “Maraming beses na kaming nakapunta sa templo. Narinig na namin ang mga seremonya sa wikang Ingles. [Pero] hindi pa namin nadama nang gayon ang diwa ng … gawain sa templo tulad ng nadarama namin ngayon [matapos itong marinig] sa aming katutubong wika.”10

Kalaunan ng taon ding iyon, 161 mga adult at mga bata ang bumiyahe mula Tokyo papunta sa Hawaii Temple. Ginunita ng isang lalaking Hapones ang tungkol sa biyahe: “Nang dumungaw ako sa labas ng eroplano at makita ko ang Pearl Harbor, at maalala ang ginawa ng aming bansa sa mga taong ito noong Disyembre 7, 1941, natakot ako. Tatanggapin ba nila kami? Pero nagulat ako dahil pinakitaan nila kami ng labis na pagmamahal at kabaitan na hindi ko pa nakita noon sa aking buhay.”11

Ang mga Banal na Hapones ay malugod na sinalubong at binigyan ng mga kuwintas na bulaklak.

Pagdating ng mga Hapones na Banal, sinalubong sila ng mga miyembrong Hawaiian at binigyan ng napakaraming kuwintas na bulaklak habang niyayakap at hinahalikan sila sa pisngi, isang kaugaliang naiiba sa kultura ng mga Hapones. Matapos gumugol ng nakapagpapabago ng buhay na 10 araw sa Hawaii, nagpaalam ang mga Hapones na Banal habang kumakanta ang mga Hawaiian na Banal ng “Aloha Oe.”12

Kasama sa pangalawang biyahe papunta sa templo na inorganisa para sa mga miyembrong Hapones ang balong babae mula sa Okinawa. Naglakbay siya nang 10,000-milya (16,000-km), at dahil ito sa malaking regalo ng mga misyonerong naglingkod sa kanyang branch at kumain nang maraming beses sa kanyang tahanan. Habang nasa templo, naiyak siya sa tuwa habang nagsisilbi siyang proxy para sa binyag ng kanyang ina at nabuklod siya sa kanyang yumaong asawa.

Ang mga biyahe sa templo papunta sa Hawaii mula sa Japan ay regular na nagpatuloy hanggang sa mailaan ang Tokyo Japan Temple noong 1980, na naging ika-18 templo na ginagamit ng mga miyembro. Sa Nobyembre ngayong taon, ang ika-186 na templo ay ilalaan sa Okinawa, Japan. Matatagpuan ito malapit sa kuweba sa gitnang Okinawa kung saan nanirahan ang babaeng ito at ang kanyang pamilya.13

Bagama’t hindi ko kailanman nakita ang kahanga-hangang babae na ito mula sa Okinawa, ang kanyang pamana ay nagpapatuloy sa kanyang matapat na salinlahi, na karamihan sa kanila ay kilala at mahal ko.14

Ang tatay ko, na isang World War II veteran ng Pacific, ay tuwang-tuwa nang matanggap ko ang tawag na maglingkod sa Japan bilang bata pang missionary. Dumating ako sa Japan noong kalalaan lang ng Tokyo Temple at nakita ko mismo ang pagmamahal nila para sa templo.

Ang mga tipan sa templo ay mga kaloob mula sa ating Ama sa Langit sa matatapat na tagasunod ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa pamamagitan ng templo, ibinibigkis ng ating Ama sa Langit ang mga indibiduwal at pamilya sa Tagapagligtas at sa isa’t isa.

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson noong nakaraang taon:

“Ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nagtatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo. …

“Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang mga pagsubok, tukso, at dalamhati sa ating buhay. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang landas ng ating buhay.”15

Sa pamamagitan ng mga pagpapala ng templo, napapagaling ng Tagapagligtas ang mga indibiduwal, pamilya, at bansa—maging ang mga taong dating magkaaway. Sinabi ng nabuhay na muling Panginoon sa magulong lipunan sa Aklat ni Mormon na sa mga gumagalang sa “aking pangalan, ay babangon ang Anak ng Kabutihan na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis.”16

Nagpapasalamat akong masaksihan ang patuloy na katuparan ng pangako ng Panginoon na “ang panahon ay darating na ang kaalaman ng isang Tagapagligtas ay kakalat sa bawat bansa, lahi, wika, at tao,”17 pati sa mga tao na nasa mga “pulo ng dagat.”18

Pinatototohanan ko ang Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang propeta at mga apostol sa mga huling araw na ito. Taimtim kong pinatototohanan ang makalangit na kapangyarihan na anumang ibuklod sa lupa ay mabubuklod sa langit.

Ito ang gawain ng Tagapagligtas, at ang mga templo ang Kanyang banal na bahay.

Nang may hindi natitinag na pananalig, ipinapahayag ko ang mga katotohanang ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang Laie Hawaii Temple ay inilaan ni Pangulong Heber J. Grant noong 1919. Bilang Apostol, binuksan niya ang Simbahan sa Japan noong 1901. Ito ang panlimang ginagamit na templo at ang unang templong itinayo sa labas ng kontinente ng Estados Unidos.

  2. Nitong Marso 2, 2023, mayroong 241,281 mga pangalan na nakaukit sa monumento.

  3. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Keep the Chain Unbroken” (debosyonal sa Brigham Young University, Nob. 30, 1999), 4, speeches.byu.edu.

  4. Si Dwayne N. Andersen ay nasugatan sa Digmaan sa Okinawa. Siya ay naglingkod bilang mission president sa Japan mula 1962 hanggang 1965 at ang unang president ng Tokyo Japan Temple, mula 1980 hanggang 1982.

  5. Nakilala ko ang mga miyembro ng kanyang pamilya habang naglilingkod kaming mag-asawa bilang mga mission leader sa Tokyo. Ibinigay nila sa akin ang impormasyong ito mula sa kanyang personal na family history account.

  6. Tingnan sa Dwayne N. Andersen: An Autobiography for His Posterity, 102–5, Church History Library, Salt Lake City.

  7. Tingnan sa Dwayne N. Andersen, 104.

  8. Tingnan sa Edward L. Clissold, “Translating the Endowment into Japanese,” sa Stories of the Temple in Lā‘ie, Hawai‘i, tinipon ni Clinton D. Christensen (2019), 110–13.

  9. Ang tagapagsalin na si Tatsui Sato ay bininyagan noong Hulyo 7, 1946, ng isang US serviceman na si C. Elliott Richards. Ang asawa ni Tatsui na si Chiyo Sato ay bininyagan sa parehong araw ni Boyd K. Packer. Magkahiwalay, si Neal A. Maxwell ay nakipaglaban sa Digmaan sa Okinawa, at si L. Tom Perry ay kabilang sa unang ipinadalang mga Marine na dumaong sa dalampasigan ng Japan kasunod ng kasunduang pangkapayapaan. Sina Elder Packer, Elder Maxwell, at Elder Perry ay magiging mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

  10. Sa Clissold, “Translating the Endowment into Japanese,” 112.

  11. Sa Dwayne N. Andersen, “1965 Japanese Excursion,” Stories of the Temple in Lā‘ie, Hawai‘i, 114.

  12. Tingnan sa Andersen, “1965 Japanese Excursion,” 114, 117.

  13. Kalaunan sa sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023, ibinalita ni Pangulong Russell M. Nelson ang 20 mga bagong templo, kabilang ang Osaka Japan Temple, na siyang magiging panlimang templo sa Japan.

  14. Sa aming misyon sa Tokyo mula 2018 hanggang 2021, sa gitna ng mga hamon ng pandemyang COVID, ang kanyang pamilya ay nagpaabot ng pagmamahal at pagmamalasakit sa akin at sa aking pamilya, na ipagpapasalamat namin magpakailanman.

  15. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 96.

  16. 3 Nephi 25:2.

  17. Mosias 3:20.

  18. 2 Nephi 29:7.