2023
Mga Tanda ng Kaligayahan
Nobyembre 2023


12:15

Mga Tanda ng Kaligayahan

Ang pagsandig sa saligan ni Jesucristo ay mahalaga sa ating kaligayahan.

Habang nasa isang business flight ilang taon na ang nakalipas, nakatabi ko sa upuan ang isang lalaking taga-Netherlands. Nasabik akong makausap siya dahil naglingkod ako sa Belgium at Netherlands noong binata pa akong missionary.

Nang magkakilala kami, ibinigay niya sa akin ang kanyang business card na may kakaibang katungkulan sa trabaho na “propesor ng kaligayahan.”  Pinuna ko ang kanyang kamangha-manghang propesyon at tinanong ko siya kung ano ang ginagawa ng isang propesor ng kaligayahan. Itinuturo daw niya sa mga tao kung paano mabuhay nang maligaya sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga makabuluhang ugnayan at mithiin. Sumagot ako, “Kahanga-hanga iyan, pero paano kaya kung ituro mo rin kung paano maaaring magpatuloy ang mga ugnayang iyon sa kabilang buhay at sagutin ang iba pang mga tanong sa isipan ng mga tao, tulad ng ano ang layunin ng buhay, paano natin madaraig ang ating mga kahinaan, at saan tayo pupunta pagkamatay natin?” Inamin niya na magiging kamangha-mangha kung alam natin ang mga sagot sa mga tanong na iyon, at nasiyahan akong ibahagi sa kanya ang ginagawa natin.

Ngayon, gusto kong rebyuhin ang ilang mahalagang alituntunin para sa tunay na kaligayahang tila mailap sa napakarami sa nakalilitong mundong ito, kung saan maraming nakatutuwang bagay ngunit kakaunti ang talagang mahalaga.

Itinuro ni Alma sa mga tao sa kanyang panahon, “Sapagkat masdan, sinasabi ko sa inyo na maraming bagay ang darating; at masdan, may isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito—sapagkat masdan, ang panahon ay hindi na nalalayo na ang Manunubos ay mabubuhay at paroroon sa kanyang mga tao.”1

Gayon din kahalaga ang pahayag na ito sa atin ngayon habang inaasam at pinaghahandaan natin ang Ikalawang Pagparito ni Cristo!

Samakatwid, ang unang obserbasyon ko ay mahalaga ang pagsandig sa saligan ni Jesucristo para sa ating kaligayahan. Ito ang tunay na saligan, “isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”2 Ang paggawa nito ay inihahanda tayo sa mga hamon ng buhay, anuman ang mangyari.

Maraming taon na ang nakalipas, nagtungo kami ng anak kong si Justin sa isang summer Scout camp. Nang magsimula ang mga aktibidad, tuwang-tuwa niyang ibinalita na gusto nila ng kanyang mga kaibigan na makamtan ang archery merit badge. Para magawa ito, kinailangan ng mga batang lalaki na makapasa sa isang maikling nakasulat na pagsusulit at tamaan ng kanilang palaso ang target.

Nalungkot ako. Sa panahong iyon, medyo mahina si Justin dahil sa cystic fibrosis, isang sakit na pinaglabanan niya mula pa nang ipanganak siya. Inisip ko kung kaya niyang hilahin nang sapat ang pana para tumama ang palaso sa target.

Nang umalis sila ng mga kaibigan niya papunta sa archery class, tahimik kong ipinagdasal na hindi siya mapahiya sa karanasang iyon. Pagkaraan ng ilang nakababalisang oras, nakita ko siyang paakyat papunta sa akin na may malaking ngiti. “‘Tay!” bulalas niya. “Nakuha ko ang merit badge! Nag-bull’s-eye ako; sa isang target iyon na katabi ng sa akin, pero tinamaan ko ang bull’s-eye!” Nahila niya nang todo ang pana at napawalan ang palaso, pero hindi nakontrol ang pagtilapon niyon. Labis akong nagpapasalamat sa maunawaing archery instructor na iyon, na hindi sinabi kailanman na, “Sori, maling target!” Sa halip, nang makita ang malinaw na mga limitasyon at taimtim na pagsisikap ni Justin, mabait itong tumugon ng, “Magaling!”

Ganyan ang mangyayari sa atin kung gagawin natin ang lahat para sundin si Cristo at ang Kanyang mga propeta sa kabila ng ating mga limitasyon. Kung lalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan at pagsisisi sa ating mga kasalanan, masaya nating maririnig ang papuri ng ating Tagapagligtas: “Magaling[, mabuti] at tapat na [lingkod].”3

Pinatototohanan ko sa inyo ang kabanalan ng Tagapagligtas ng mundo at ang Kanyang nakatutubos na pagmamahal at kapangyarihang magpagaling, magpalakas, at magpasigla sa atin kapag taimtim tayong nagsisikap na lumapit sa Kanya. Sa kabilang dako, hindi tayo maaaring sumunod sa madla at sumunod din kay Jesus. Nagtagumpay ang Tagapagligtas laban sa kamatayan, sakit, at pagkakasala at naglaan ng paraan para sa ating pagiging perpekto sa huli kung susunod tayo sa Kanya nang buong puso.4

Ang pangalawang obserbasyon ko ay mahalaga sa ating kaligayahan na tandaan natin na tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Binabago ng pagkaalam at pagtitiwala sa katotohanang ito ang lahat.

Ilang taon na ang nakalipas, habang sakay ng eroplano pauwi mula sa isang assignment ng Simbahan, nakaharap namin ni Sister Sabin sa upuan ang isang napakalaking lalaki na may malaki at galit na mukhang nakatato sa likod ng kalbo niyang ulo gayundin ang numerong 439.

Nang makalapag kami, sinabi ko, “Paumanhin, ginoo. Maaari ko bang malaman ang kahulugan ng numerong nakatato sa likod ng ulo mo?” Hindi ako nangahas na magtanong tungkol sa galit na mukha.

Sabi niya, “Ako ‘yan. ‘Yan ang kung sino ako. Pag-aari ko ang teritoryong iyan: 219!”

Apat na raan at tatlumpu’t siyam ang aktuwal na numero sa ulo niya, kaya nagulat ako na nagkamali siya dahil napakahalaga niyon sa kanya.

Inisip ko kung gaano kalungkot na ang pagkatao at paggalang sa sarili ng lalaking ito ay nakabatay sa isang numerong may kaugnayan sa teritoryo ng isang gang. Inisip ko sa sarili ko: Minsa’y naging isang musmos na anak ang mukhang tigasing lalaking ito na kailangan pa ring madama na siya ay mahalaga at kabilang. Kung alam lang niya kung sino siya talaga at kung kanino siya talaga, dahil lahat tayo ay “binili sa isang halaga.”5

May isang matalinong linya sa isang awitin mula sa pelikulang The Prince of Egypt na nagsasabing, “Unawain ang buhay ninyo ayon sa pag-unawa ng Diyos.”6 Kapag pinag-isipan natin nang malalim ang kaalaman tungkol sa ating banal na angkan at walang-hanggang potensyal, maiisip natin na ang buhay ay isang pakikipagsapalaran na may layunin, na unti-unting sinusuong para matuto tayo at umunlad, kahit “malabo [ang tingin natin sa] salamin,”7 sa maikling panahon.

Ang pangatlong tanda ng kaligayahan ay laging alalahanin ang kahalagahan ng isang kaluluwa. Ginagawa natin ang lahat sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Tagapagligtas na: “Kayo’y magmahalan sa isa’t isa, kung paanong minahal ko kayo.”8

Itinuro din Niya, “Yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.”9

Ipinapayo nang may katalinuhan sa aklat ng Mga Kawikaan, “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, kapag ito’y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay.”10

Hinding-hindi natin pagsisisihan ang pagiging napakabait. Sa pananaw ng Diyos, ang kabaitan ay kasingkahulugan ng kadakilaan. Bahagi ng pagiging mabait ang pagiging mapagpatawad at hindi mapanghusga.

Maraming taon na ang nakalipas, manonood kaming mag-asawa ng sine noon kasama ang bata pa naming mga anak para sa family home evening. Nasa van na kaming lahat maliban sa isa sa aming mga anak at sa asawa kong si Valerie. Madilim na sa labas, at nang buksan ng aming anak na lalaki ang pinto at tumakbo papunta sa kotse, di-sinasadyang nasipa niya ang akala niya’y pusa namin sa beranda. Sa kamalasan ng aming anak at aking asawa, na nasa likod niya, hindi pala ang pusa namin iyon kundi isang hindi natuwa na skunk, na nagpasabog ng baho sa kanila! Bumalik kaming lahat sa bahay, kung saan pareho silang naligo at hinugasan ang buhok nila ng tomato juice, ang inaakalang siguradong lunas para maalis ang mabahong amoy ng skunk. Nang makaligo at makapagbihis na sila, wala na kaming naamoy na anumang baho, kaya nagpasiya kami na OK na talagang manood ng sine. 

Nang makaupo na kami sa bandang likod ng sinehan, isa-isang naglabasan ang mga tao sa paligid namin para bumili ng popcorn. Gayunman, pagbalik nila, walang nagbalik sa dati nilang upuan.

Nagtawanan kami nang maalala namin ang karanasang iyon, ngunit paano kaya kung may amoy ang lahat ng kasalanan natin? Paano kung naaamoy natin ang kawalan ng katapatan, pagnanasa, inggit, o kayabangan? Sa nahayag na sarili nating mga kahinaan, sana’y maging mas mapagbigay tayo at maingat sa iba at sila rin sa atin habang binabago natin ang kailangang baguhin sa ating buhay. Gustung-gusto ko talaga ang amoy ng tabako sa simbahan, dahil nagpapahiwatig iyon na may isang taong nagsisikap na magbago. Kailangan nila ang malugod na pagtanggap natin sa kanila.

Matalinong sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Isa sa pinakamadadaling paraan para makilala ang isang tunay na [alagad] ni Jesucristo ay kung gaano niya tinatrato nang may pagkahabag ang ibang tao.”11

Isinulat ni Pablo sa mga taga-Efeso, “At maging mabait kayo sa isa’t isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa’t isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.”12

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, hinihilingan tayong magtiwala sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas at huwag tangkaing palitan Sila. Alam na alam ni Jesucristo ang depekto ng lahat at hahatulan sila nang perpekto.

Ang aking pang-apat na tanda ay magpanatili ng walang-hanggang pananaw. Ang plano ng ating Ama ay umaabot hanggang kawalang-hanggan; madaling magtuon sa kasalukuyan at malimutan ang kabilang buhay.

Mabisang itinuro sa akin ng aming anak na si Jennifer, na noon ay 16 na taong gulang, ang aral na ito ilang taon na ang nakararaan. Sasailalim siya noon sa double lung transplant, kung saan ganap na tatanggalin ang limang sirang lobe ng kanyang mga baga at papalitan ng dalawang malulusog at mas maliliit na lobe, na bigay ng dalawang kamangha-manghang kaibigan na kasimbait ni Cristo. Napakadelikado ng operasyong iyon, subalit noong gabi bago siya operahan, halos pangaralan ako ni Jennifer nang buong pananampalataya, siya na tumitimbang lamang ng 90 pounds (41 kg), sinasabing, “Huwag kang mag-alala, ‘Tay! Bukas ay magigising ako na may panibagong mga baga o magigising ako sa isang mas mainam na lugar. Alinman sa dalawang iyon ay mabuti.” Iyan ang pananampalataya; iyan ang walang-hanggang pananaw! Ang pagtingin sa buhay mula sa walang-hanggang pananaw ay nagbibigay ng kalinawan, aliw, tapang, at pag-asa.

Pagkatapos ng operasyon, pagsapit ng pinakahihintay na araw para tanggalin ang breathing tube at patayin ang ventilator na tumulong kay Jennifer na makahinga, balisa kaming naghintay na malaman kung gagana ang kanyang dalawang mas maliliit na lobe. Sa unang paghinga niya, agad siyang nagsimulang umiyak. Nang makitang nag-aalala kami, bigla siyang bumulalas, “Napakasarap huminga.” 

Mula noong araw na iyon, pinasasalamatan ko ang Ama sa Langit gabi’t araw para sa kakayahan kong huminga. Napaliligiran tayo ng napakaraming pagpapalang madali nating mababalewala kung hindi tayo maingat. Sa kabilang banda, kapag walang inaasahan at lahat ay pinahahalagahan, nagiging mahiwaga ang buhay.

Sinabi na ni Pangulong Nelson: “Bawat bagong umaga ay isang kaloob mula sa Diyos. Kahit ang hanging nilalanghap natin ay mapagmahal Niyang ibinibigay. Iniingatan Niya tayo sa araw-araw at sinusuportahan tayo sa bawat sandali. Samakatwid, ang dapat na una nating marangal na gawin sa umaga ay mapagkumbabang magpasalamat sa panalangin.”13

Iyan ang naghahantong sa akin sa panlima at huli kong obserbasyon, na kailanman ay hindi hihigit ang antas ng inyong kaligayahan sa antas ng inyong pasasalamat.

Ipinahayag ng Panginoon, “At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati.”14 Dahil siguro ang pasasalamat ay humahantong sa maraming iba pang magagandang katangian.

Lubhang magbabago ang ating kamalayan kung gigising tayo bawat umaga na tanging mga pagpapalang pinasalamatan natin sa nakaraang gabi ang nasasaloob natin. Ang kabiguang pasalamatan ang ating mga pagpapala ay maaaring magresulta sa kawalan ng kasiyahan, na maaaring magpawala ng ating kagalakan at kaligayahan na ibinubunga ng pasasalamat. Inaakit tayo ng mga nasa malaki at maluwang na gusali na tumingin nang lagpas sa tanda, sa gayo’y lubusang makalagpas sa atin ang tanda.

Ang totoo, ang pinakamalaking kaligayahan at pagpapala ng mortalidad ay matatagpuan sa ating kinahinatnan sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos habang gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Kanya. Kikinisin at pipinuhin tayo ng ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at sinabi Niya patungkol sa mga kusang sumusunod sa Kanya, “Sila ay magiging akin sa araw na yaon kung kailan ako paparito upang buuin ang aking mga alahas.”15

Nangangako ako sa inyo na kung isasandig natin ang ating buhay sa saligan ni Jesucristo; pahahalagahan ang ating tunay na pagkatao bilang mga anak ng Diyos; aalalahanin ang halaga ng isang kaluluwa; pananatilihin ang walang-hanggang pananaw; at pasasalamatan ang ating maraming pagpapala, lalo na ang paanyaya ni Cristo na lumapit sa Kanya, masusumpungan natin ang tunay na kaligayahang hinahanap natin sa mortal na pakikipagsapalarang ito. Magkakaroon pa rin ng mga hamon ang buhay, ngunit mas makakaya nating harapin ang mga iyon nang may layunin at kapayapaan dahil sa mga walang-hanggang katotohanang nauunawaan at ipinamumuhay natin.

Pinatototohanan ko sa inyo ang katotohanan ng Diyos, ang ating mapagmahal na Ama, at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Pinatototohanan ko rin ang mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Kaylaking pagpapala ang tumanggap ng payo ng langit sa pamamagitan nila. Tulad ng malinaw na ipinahayag ng Tagapagligtas, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”16 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.