2023
Isipin ang Kahariang Selestiyal!
Nobyembre 2023


19:15

Isipin ang Kahariang Selestiyal!

Ang mga pagpili ninyo ang magtatakda kung saan kayo mananahanan sa buong kawalang-hanggan, ang uri ng katawan na tataglayin ninyo sa muling pagkabuhay, at ang mga taong makakasama ninyo sa buhay magpakailanman.

Minamahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako nang lubos na makapagsalita sa inyo ngayon. Sa edad ko, bawat bagong araw ay naghahatid ng maganda at mapaghamong sorpresa. Tatlong linggo na ang nakararaan, napinsala ko ang mga kalamnan ng aking likod. Kaya, kahit nakapaghatid na ako ng mahigit 100 mensahe sa pangkalahatang kumperensya nang nakatayo, ngayon ay gagawin ko ito nang nakaupo. Dalangin ko na maitimo ng Espiritu ang aking mensahe sa inyong mga puso ngayon.

Kamakailan ay ipinagdiwang ko ang aking ika-99 na kaarawan kaya ngayon ay nagsisimula na ang aking ika-100 taon ng pamumuhay. Madalas itanong sa akin ang sikreto ng mahabang buhay. Ang mas magandang tanong ay “Ano ang natutuhan ko sa halos isang siglo ng pamumuhay?”

Kulang ang oras para masagot ko nang ganap ang tanong na iyan, ngunit magbabahagi ako ng isa sa pinakamahahalagang aral na natutuhan ko.

Nalaman ko na ang plano ng Ama sa Langit para sa atin ay kamangha-mangha, na ang ginagawa natin sa buhay na ito ay sadyang mahalaga, at na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang naging dahilan para maging posible ang plano ng ating Ama.1

Habang tinitiis ko ang matinding sakit na dulot ng aking pinsala kamakailan, nakadama ako ng mas malalim na pagpapahalaga kay Jesucristo at sa di-maunawaang kaloob ng Kanyang Pagbabayad-sala. Isipin ninyo ito! Dumanas ang Tagapagligtas ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso”2 upang tayo ay Kanyang mapanatag, mapagaling, masagip sa oras ng mga pangangailangan.3 Inilarawan ni Jesucristo ang Kanyang karanasan sa Getsemani at sa Kalbaryo: “Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat.”4 Dahil sa aking pinsala, paulit-ulit kong pinagnilayan ang “kadakilaan ng Banal ng Israel.”5 Sa aking pagpapagaling, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang banal na kapangyarihan sa mapayapa at di-mapag-aalinlanganang mga paraan.

Dahil sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang plano ng ating Ama sa Langit ay isang perpektong plano! Ang pag-unawa sa kamangha-manghang plano ng Diyos ay nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap. Tinutulutan nito ang bawat isa sa atin na piliin kung paano tayo mamumuhay dito sa lupa at saan tayo mananahanan magpakailanman. Ang walang basehang paniniwala na dapat tayong “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas; at ito ay makabubuti sa atin”6 ay isa sa mga kasinungalingang walang kabuluhan sa sansinukob.

Narito ang napakagandang balita ng plano ng Diyos: ang mismong mga bagay na magpapabuti sa inyong mortalidad sa pinakamainam na matatamo nito ay siya ring magpapabago sa inyong buhay sa buong kawalang-hanggan sa pinakamainam na matatamo nito! Ngayon, upang tulungan kayong maging karapat-dapat sa saganang mga pagpapala ng Ama sa Langit para sa inyo, inaanyayahan ko kayong sanayin ang “pag-iisip nang selestiyal”!7 Ang pag-iisip na selestiyal ay nangangahulugang pagiging espirituwal sa kaisipan. Nalaman natin mula sa propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob na “ang maging espirituwal sa kaisipan ay buhay na walang hanggan.”8

Ang mortalidad ay isang klase na nagtuturo sa ating piliin ang mga bagay na may napakalaking kahalagahan sa kawalang-hanggan. Napakaraming tao ang namumuhay na para bang wala ng ibang buhay kundi ito. Gayunman, ang mga pagpili ninyo ngayon ang magtatakda ng tatlong bagay: ang lugar kung saan kayo mananahanan sa buong kawalang-hanggan, ang uri ng katawan na tataglayin ninyo sa muling pagkabuhay, at ang mga taong makakasama ninyo magpakailanman. Kaya mag-isip nang selestiyal.

Sa unang mensahe ko bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat ko kayong magsimula na isinasaisip ang nasa dulo. Ibig sabihin ang kahariang selestiyal ang magiging walang hanggang mithiin ninyo at pagkatapos ay pag-isipan nang mabuti kung saan kayo dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon ninyo sa mundong ito.9

Malinaw na itinuro ng Panginoon na tanging ang kalalakihan at kababaihang nabuklod bilang mag-asawa sa templo, at tumutupad sa kanilang mga tipan, ang magkakasama sa buong kawalang-hanggan. Sabi niya, “Lahat ng tipan, kasunduan, pagkakabigkis, pananagutan, sumpaan, panata, gawain, kaugnayan, samahan, o inaasahan, na hindi ginawa at ipinasok sa at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako … ay may katapusan kapag ang mga tao ay patay na.”10

Kaya nga, kung pinipili natin nang di-matalino na ipamuhay ang mga batas ng telestiyal ngayon, pinipili nating mabuhay na mag-uli na may katawang telestiyal. Pinipili nating hindi mamuhay kasama ang ating pamilya magpakailanman.

Kaya, mahal kong mga kapatid, paano at saan at sino ang gusto ninyong makasama sa buhay magpakailanman? Kayo ang magpapasiya.11

Kapag gumagawa kayo ng pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw. Unahin si Jesucristo, dahil ang inyong buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala.12 Nakasalalay din ito sa inyong pagsunod sa Kanyang mga batas. Ang pagsunod ay naglalaan ng daan para sa masayang buhay para sa inyo ngayon at sa isang maringal at walang-hanggang gantimpala bukas.

Kapag hindi maganda ang inyong sitwasyon, mag-isip nang selestiyal! Kapag tinutukso, mag-isip nang selestiyal! Kapag binigo kayo ng inyong mga mahal sa buhay, mag-isip nang selestiyal! Kapag namatay ang isang tao nang maaga, mag-isip nang selestiyal. Kapag may isang taong may malubhang sakit, mag-isip nang selestiyal. Kapag hindi mapahinga ang isip ninyo sa problema, mag-isip nang selestiyal! Habang gumagaling kayo mula sa isang aksidente o pinsala, tulad ng ginagawa ko ngayon, mag-isip nang selestiyal!

Habang nagtutuon kayo sa pag-iisip nang selestiyal, asahang makararanas kayo ng oposisyon.13 Ilang dekada na ang nakararaan, isang propesyonal na kasamahan ang bumatikos sa akin dahil sa “puro templo ang nasa isip ko” at hindi lang isang supervisor ang nagpataw ng penalty sa akin dahil sa aking pananampalataya. Gayunman, naniniwala ako, na ang pag-iisip nang selestiyal ay nagpahusay sa aking propesyon.

Sa pag-iisip ninyo nang selestiyal, unti-unting nagbabago ang inyong puso. Nanaisin ninyong manalangin nang mas madalas at mas taos-puso. Nakikiusap ako na huwag puro paghiling ang laman ng inyong panalangin. Ang pananaw ng Panginoon ay nakahihigit sa inyong mortal na karunungan. Ang sagot Niya sa inyong mga panalangin ay maaaring makagulat sa inyo at tutulungan kayong mag-isip nang selestiyal.

Isipin ang tugon ng Panginoon kay Joseph Smith nang humiling ito ng tulong sa Piitan ng Liberty. Itinuro ng Panginoon sa Propeta na ang hindi makataong pagtrato sa kanya ay magbibigay sa kanya ng karanasan at para sa kanyang ikabubuti.14 “Kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti,” pangako ng Panginoon, “ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.”15 Itinuro ng Panginoon kay Joseph na isipin ang selestiyal at isipin ang walang hanggang gantimpala sa halip na magtuon sa napakatinding paghihirap na nararanasan sa oras na iyon. Ang ating mga panalangin ay maaaring maging—at dapat maging—masiglang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.

Kapag selestiyal ang pag-iisip ninyo, nanaisin ninyong iwasan ang anumang bagay na humahadlang sa inyong kalayaang pumili. Anumang adiksyon—ito man ay paglalaro, pagsusugal, utang, droga, alak, galit, pornograpiya, seks, o maging pagkain—ay hindi nakalulugod sa Diyos. Bakit? Dahil ang kinahuhumalingan ninyo ay nagiging diyos ninyo. Umaasa kayo rito sa halip na sa Kanya para mapanatag. Kung nahihirapan kayo sa adiksiyon, hingin ang espirituwal at propesyonal na tulong na kailangan ninyo. Huwag sana ninyong hayaang mawala sa inyo ang inyong kalayaang sundin ang kamangha-manghang plano ng Diyos.

Ang pag-iisip nang selestiyal ay makatutulong din sa inyo na sundin ang batas ng kalinisang-puri. Ang paglabag sa banal na batas na ito ay magpapakumplikado nang mas mabilis sa inyong buhay kaysa sa halos lahat ng bagay. Para sa mga nakipagtipan sa Diyos, ang imoralidad ay isa sa mga pinakamabilis na paraan para mawala ang inyong patotoo.

Marami sa mga pinakamatinding panunukso ng kaaway ay paglabag sa kadalisayan ng moralidad. Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay isang pribilehiyo ng pagiging diyos na pinapayagan ng Ama sa Langit na gamitin ng Kanyang mga mortal na anak. Kaya nga, nagtakda ang Diyos ng malinaw na mga tuntunin para gamitin ang buhay at banal na kapangyarihang ito. Ang pisikal na intimasiya ay para lamang sa isang lalaki at isang babae na ikinasal sa isa’t isa.

Karamihan sa mundo ay hindi naniniwala rito, ngunit ang opinyon ng publiko ay hindi ang tagapagpasiya sa kung ano ang totoo. Ipinahayag ng Panginoon na walang taong imoral ang magtatamo ng kahariang selestiyal. Kaya kapag gumagawa kayo ng mga desisyon tungkol sa moralidad, mangyaring isipin ang selestiyal. At kung hindi kayo naging malinis, nakikiusap ako sa inyo na magsisi. Lumapit kay Cristo at tanggapin ang Kanyang pangako ng lubos na kapatawaran kapag lubos kayong nagsisisi sa inyong mga kasalanan.16

Habang nag-iisip kayo nang selestiyal, makikita ninyo ang mga pagsubok at oposisyon nang may bagong pananaw. Kapag tinutuligsa ng isang taong mahal ninyo ang katotohanan, mag-isip nang selestiyal, at huwag pagdudahan ang inyong patotoo. Ipinropesiya ni Apostol Pablo na “sa mga huling panahon ang iba’y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo.”17

Walang katapusan ang mga panlilinlang ng kaaway. Mangyaring maging handa. Huwag humingi ng payo sa mga taong hindi naniniwala. Humingi ng patnubay mula sa mga tinig na mapagkakatiwalaan ninyo—mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at mula sa mga bulong ng Espiritu Santo, na “magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.”18 Mangyaring gawin ang espirituwal na gawain para madagdagan ang kakayahan ninyong tumanggap ng personal na paghahayag.19

Habang nag-iisip kayo nang selestiyal, madaragdagan ang inyong pananampalataya. Noong bagong intern ako, ang kita ko ay $15 kada buwan. Isang gabi, itinanong ng asawa kong si Dantzel kung nagbabayad ako ng ikapu sa kakaunting kita na iyon. Hindi ako nagbabayad. Agad akong nagsisi at nagsimulang magbayad ng karagdagang $1.50 sa buwanang ikapu.

May nabago ba sa Simbahan dahil dinagdagan namin ang aming ikapu? Siyempre wala. Gayunman, binago ako ng pagiging full-tithe payer ko. Doon ko nalaman na ang pagbabayad ng ikapu ay tungkol sa pananampalataya, hindi sa pera. Nang maging full-tithe payer ako, nagsimulang mabuksan sa akin ang mga dungawan ng langit. Naniniwala ako na nabigyan ako ng maraming oportunidad sa aking propesyon dahil sa matapat naming pagbabayad ng ikapu.20

Ang pagbabayad ng ikapu ay nangangailangan ng pananampalataya, at nagpapatatag din ito ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Ang pagpiling mamuhay nang matwid sa kabila ng kamunduhan at mapulitikong kapaligiran ay nagpapatatag ng pananampalataya.

Ang pag-uukol ng mas maraming oras sa templo ay nagpapatatag ng pananampalataya. At ang inyong paglilingkod at pagsamba sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal. Ang templo ay isang lugar ng paghahayag. Doon ay ipinapakita sa inyo kung paano sumulong tungo sa selestiyal na buhay. Doon ay mas napapalapit kayo sa Tagapagligtas at mas nakahuhugot ng lakas sa Kanyang kapangyarihan. Doon ay ginagabayan kayo sa paglutas ng mga problema sa buhay, maging ang mga labis na nakababagabag sa inyo.

Ang mga ordenansa at tipan ng templo ay walang hanggan ang kahalagahan. Patuloy tayong magtatayo ng mas maraming templo para maging makatotohanan ang mga sagradong posibilidad na ito sa buhay ng bawat isa sa inyo. Nagpapasalamat kaming ibalita ang ating mga plano na magtayo ng bagong templo sa bawat isa sa mga sumusunod na 20 lugar:

  • Savai’i, Samoa

  • Cancún, Mexico

  • Piura, Peru

  • Huancayo, Peru

  • Viña del Mar, Chile

  • Goiânia, Brazil

  • João Pessoa, Brazil

  • Calabar, Nigeria

  • Cape Coast, Ghana

  • Luanda, Angola

  • Mbuji-Mayi, Democratic Republic of the Congo

  • Laoag, Philippines

  • Osaka, Japan

  • Kahului, Maui, Hawaii

  • Fairbanks, Alaska

  • Vancouver, Washington

  • Colorado Springs, Colorado

  • Tulsa, Oklahoma

  • Roanoke, Virginia

  • Ulaanbaatar, Mongolia

Inatasan tayo ng Panginoon na itayo ang mga templong ito para tulungan tayong mag-isip nang selestiyal. Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik upang pagpalain ang lahat ng mga anak ng Diyos. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Juan 6:38.

  2. Alma 7:11.

  3. Tingnan sa Alma 7:12.

  4. Doktrina at mga Tipan 19:18.

  5. 2 Nephi 9:40.

  6. 2 Nephi 28:7.

  7. Maaaring mas madaling magsisi at umunlad sa espirituwal dito sa mundo, habang ang ating espiritu at katawan ay magkasama pa, kaysa sa kabilang-buhay sa pagitan ng panahong namatay tayo at mabubuhay na mag-uli. Tulad ng itinuro ni Amulek sa mga Zoramita na nag-apostasiya, “Ang buhay na ito ang panahon … [para] maghanda sa pagharap sa Diyos” (tingnan sa Alma 34:32–35).

  8. 2 Nephi 9:39.

  9. Tingnan sa Mosias 4:30, kung saan pinayuhan ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao, “Kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya … , kayo ay tiyak na masasawi.”

  10. Doktrina at mga Tipan 132:7; idinagdag ang diin.

  11. Mangyari pa, hindi mapipigilan ng inyong kalayaang pumili ang kalayaan ng iba na pumili at ang mga kaakibat na bunga nito. Desperado akong maibuklod sa mga magulang ko. Gayunman, kinailangan kong maghintay hanggang sa piliin nilang ma-endow, noong mahigit 80 taong gulang sila. Pagkatapos ay nabuklod sila bilang mag-asawa, at kaming mga anak ay nabuklod sa kanila.

  12. Paulit-ulit na pinatototohanan sa mga banal na kasulatan na ang kaloob na buhay na walang hanggan ay posible lamang sa pamamagitan ng kabutihan, awa, at biyaya ng Tagapagligtas na si Jesucristo (tingnan, halimbawa, sa Moroni 7:41; tingnan din sa 2 Nephi 2:6–8, 27).

  13. Tingnan sa 2 Nephi 2:11.

  14. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7.

  15. Doktrina at mga Tipan 121:8.

  16. Tingnan sa Isaias 1:16–18; Doktrina at mga Tipan 58:42–43.

  17. 1 Timoteo 4:1. Nakasaad sa kasunod na talata, “Mga nagsasalita ng mga kasinungalingan, na ang mga budhi ay tinatakan ng nagbabagang bakal” (talata 2). Isinulat ni Pablo na “ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12).

  18. 2 Nephi 32:5; idinagdag ang diin. Kung tayo ay hihingi, tayo ay “makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 42:61).

  19. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  20. Ito ay hindi para ipahiwatig na lahat ng ginawa ay may aasahang resulta. Ang ilan na hindi nagbabayad ng ikapu ay nagkakaroon ng mga oportunidad sa trabaho o propesyon, samantalang ang ilan na nagbabayad ng ikapu ay hindi ganoon ang nangyayari. Ang pangako ay mabubuksan ang mga dungawan sa langit sa nagbabayad ng ikapu. Ang likas na katangian ng mga pagpapala ay magkakaiba.