Magkakapatid kay Cristo
Nawa’y mas ikalugod natin ang espirituwal na ugnayan na namamagitan sa atin at pahalagahan ang iba-ibang katangian at sari-saring kaloob na mayroon tayong lahat.
Mahal kong mga kaibigan, nagkaroon tayo ng mga kahanga-hangang sesyon ng kumperensya ngayong araw. Nadama nating lahat ang Espiritu ng Panginoon at ang Kanyang pagmamahal sa mga kahanga-hangang mensahe na ibinahagi ng ating mga lider. Isang malaking pribilehiyo ang makapagsalita sa inyo ngayong gabi bilang panghuling tagapagsalita sa sesyon na ito. Dalangin kong ang Espiritu ng Panginoon ay patuloy na mapasaatin habang sama-sama tayong nagagalak bilang mga tunay na magkakapatid kay Cristo.
Ipinahayag ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwawaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo. Nakikiusap ako sa inyo na itaguyod ang respeto para sa lahat ng anak ng Diyos.”1 Bilang pandaigdigan at lumalagong Simbahan, ang pagsunod sa paanyayang ito mula sa ating propeta ay talagang kailangan para sa pagtatatag ng kaharian ng Tagapagligtas sa bawat bansa sa mundo.
Itinuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo na tayong lahat ay natatanging espiritung anak ng mga magulang sa langit na tunay na nagmamahal sa atin2 at na namuhay tayo bilang isang pamilya sa piling ng Diyos bago tayo isinilang sa mundong ito. Itinuturo din ng ebanghelyo na tayong lahat ay nilalang sa larawan at wangis ng Diyos.3 Samakatwid, pantay-pantay tayong lahat sa Kanyang paningin,4 sapagkat “Nilikha niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao.”5 Kung kaya’t tayong lahat ay nagtataglay ng banal na katangian, pamana, at potensyal dahil may “isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa [ating] lahat.”6
Bilang mga disipulo ni Cristo, inaanyayahan tayo na paigtingin ang ating pananalig at pagmamahal para sa ating espirituwal na kapatiran sa pamamagitan ng tapat na pagsasama-sama ng ating mga puso sa pagkakaisa at pagmamahal, hindi alintana ang ating mga pagkakaiba, sa gayon nadaragdagan ang ating kakayahang isulong ang respeto para sa dignidad ng lahat ng anak ng Diyos.7
Hindi ba iyon mismo ang kondisyon na naranasan ng mga tao ni Nephi sa loob ng halos dalawang siglo matapos magministeryo si Cristo sa kanila?
“At tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos. …
“Ni nagkaroon ng mga Lamanita, ni anumang uri ng mga ‘ita’; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.
“O labis silang pinagpala!”8
Lalo pang binigyang-diin ni Pangulong Nelson ang kahalagahan ng pagpapalaganap ng dignidad at respeto para sa ating kapwa-tao nang sabihin niyang: “Ang Lumikha sa ating lahat ay nananawagan sa bawat isa sa atin na talikdan ang mga kaugalian ng di-pantay na pakikitungo sa anumang grupo ng mga anak ng Diyos. Sinuman sa atin na mapanghusga sa ibang lahi ay kailangang magsisi! … Kailangang gawin ng bawat isa sa atin ang anumang magagawa natin sa saklaw ng ating impluwensya upang mapangalagaan ang dignidad at respeto na nararapat para sa bawat anak ng Diyos.”9 Sa tunay na buhay, upang mapakitunguhan natin ang lahat ng tao nang may dignidad, kailangan muna nating respetuhin ang ating mga pagkakaiba.10
Kung isasaalang-alang ang sagradong bigkis na nag-uugnay sa atin sa Diyos bilang Kanyang mga anak, ang utos na ito ng propeta na ibinigay ni Pangulong Nelson ay walang kaduda-dudang isang hakbang sa pagtatayo ng mga tulay ng pang-unawa sa halip na paglikha ng mga pader ng panghuhusga at pagkakahiwa-hiwalay sa atin.11 Gayunpaman, tulad ng babala noon ni Pablo sa mga taga-Efeso, dapat nating mapagtanto na upang makamit ang layuning ito, kakailanganin ang indibiduwal at sama-samang pagsisikap na kumilos nang may kapakumbabaan, kaamuan, at pagtitiyaga sa isa’t isa.12
May kuwento tungkol sa isang Judiong guro na masayang pinanonood ang pagsikat ng araw kasama ang dalawang kaibigan. Tinanong niya sila, “Paano ninyo nalalaman kapag natapos na ang gabi at nagsimula na ang isang bagong araw?”
Sagot ng isa sa kanila, “Kapag tumingin ka sa silangan at kaya mong tukuyin ang tupa sa kambing.”
Sagot ng isa pa, “Kapag tumingin ka sa kakahuyan at kaya mong tukuyin ang puno ng olibo sa puno ng igos.”
Pagkatapos ay bumaling naman sila sa matalinong guro at tinanong nila siya ng parehong katanungan. Matapos ang mahabang pagninilay, sumagot siya, “Kapag tumingin ka sa silangan at nakakita ka ng mukha ng isang babae o ng mukha ng isang lalaki at kaya mong sabihing, ‘Siya ay aking kapatid.’”13
Mahal kong mga kaibigan, matitiyak ko sa inyo na ang ilaw ng isang bagong araw ay nagniningning nang mas maliwanag sa ating buhay kapag tinitingnan at pinakikitunguhan natin ang ating kapwa-tao nang may respeto at dignidad at bilang mga tunay na kapatid kay Cristo.
Sa Kanyang ministeryo sa mundo, nagpakita si Jesus ng perpektong halimbawa ng alituntuning ito habang “nag[li]libot siya na gumagawa ng mabuti”14 sa lahat ng tao, inaanyayahan silang lumapit sa Kanya at makibahagi sa Kanyang kabutihan, hindi alintana ang kanilang pinanggalingan, katayuan sa lipunan, o katangian ng kultura. Siya ay nagministeryo, nagpagaling, at palaging nakaukol ang pansin sa pangangailangan ng lahat ng tao, lalo na sa mga tao noong panahong iyon na itinuturing na naiiba, minamaliit, o isinasantabi. Siya ay walang tinanggihan datapuwat pinakitunguhan Niya sila nang may katarungan at pagmamahal, sapagkat nakita Niya sila bilang Kanyang mga kapatid, mga anak ng parehong Ama.15
Isa sa pinakakapansin-pansing pagkakataon kung kailan nangyari ito ay noong naglakbay ang Tagapagligtas papuntang Galilea, na sadyang tinahak ang ruta na dadaan sa Samaria.16 Pagkatapos ay nagpasiya si Jesus na umupo sa tabi ng balon ni Jacob. Habang naroon, lumapit ang isang babaeng Samaritana upang igiban ng tubig ang kanyang pitsel. Nalalaman ang lahat ng bagay, kinausap siya ni Jesus, nagsasabing, “Bigyan mo ako ng inumin.”17
Namangha ang babaeng ito na humingi ng tulong ang isang Judio sa isang Samaritana at ipinahayag niya ang kanyang pagkagulat, nagsasabing, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.”18
Ngunit si Jesus, na iwinawaksi ang matagal nang tradisyon ng poot sa pagitan ng mga Samaritano at Judio, ay mapagmahal na nagministeryo sa babaeng ito, tinutulungan siyang maunawaan kung sino talaga Siya—na Siya ang Mesiyas na maghahayag ng lahat ng bagay at na kung kaninong pagdating ay hinihintay niya.19 Ang epekto ng magiliw na pagministeryong iyon ay humikayat sa babae na tumakbo papunta sa lungsod upang ipahayag sa lahat ng tao kung ano ang nangyari, nagsasabing, “Ito na nga kaya ang Cristo?”20
Nakadarama ako ng matinding pagkahabag para sa mga taong minaltrato, minaliit, o inapi ng mga taong walang pakiramdam at hindi nag-iisip, dahil, sa buhay ko, nakita ko mismo ang pasakit na pinagdurusahan ng mabubuting tao matapos husgahan o balewalain dahil nagkataong iba ang kanilang pananalita, itsura, o pamumuhay. Nakadarama rin ako ng tunay na kalungkutan sa aking puso para sa mga taong nananatiling madilim ang mga pang-unawa, limitado ang paningin, at may mga pusong pinatitigas pa rin ng paniniwalang mas mababa ang mga taong naiiba sa kanila. Ang kanilang limitadong pananaw sa iba ay talagang nakahahadlang sa kanilang kakayahan na makita kung sino sila bilang mga anak ng Diyos.
Tulad ng ipinropesiya ng mga propeta, tayo ay nabubuhay sa mapanganib na panahon patungo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.21 Ang mundo sa pangkalahatan ay nagkakawatak-watak dahil sa matitinding pagkakahati, na pinapalala pa ng tunggalian sa lahi, pulitika, at kabuhayan. Ang mga gayong pagkakahati kung minsan ay nakaiimpluwensya sa iniisip at ikinikilos ng mga tao sa kanilang kapwa. Sa kadahilanang ito, hindi bihirang makita na itinuturing ng mga tao ang paraan ng pag-iisip, pagkilos, at pagsasalita ng ibang kultura, lahi, at etnisidad na mas mababa, gamit ang mga maling akala at kadalasang mapanuyang ideya, na lumilikha ng mga saloobin ng panghahamak, pagwawalang-bahala, kawalan ng respeto, at maging ng di-pantay na pakikitungo sa kanila. Ang mga gayong saloobin ay nag-uugat sa kapalaluhan, kayabangan, inggit, at selos, mga katangian ng likas na kamunduhan,22 na talaga namang salungat sa mga katangiang tulad ng kay Cristo. Ang gawing ito ay hindi angkop para sa mga taong nagsisikap na maging Kanyang mga tunay na disipulo.23 Sa katunayan, mahal kong mga kapatid, walang lugar para sa mga mapanghusgang kaisipan o gawain sa komunidad ng mga Banal.
Bilang mga anak ng tipan, makatutulong tayo para maalis ang ganitong uri ng pag-uugali sa pamamagitan ng pagtingin sa malinaw na pagkakaiba sa pagitan natin gamit ang paningin ng Tagapagligtas24 at batay sa kung ano ang parehong mayroon tayo—ang ating banal na pagkakakilanlan at ugnayan. Dagdag pa rito, maaari tayong magsikap na makita ang ating sarili na nasasalamin sa mga pangarap, pag-asa, pighati, at pasakit ng ating kapwa. Tayong lahat ay kapwa manlalakbay bilang mga anak ng Diyos, pantay-pantay sa ating di-perpektong kalagayan at sa ating kakayahang umunlad. Inaanyayahan tayo na sama-samang lumakad, nang mapayapa, na ang mga puso ay puno ng pagmamahal sa Diyos at sa lahat ng tao—o tulad ng sinabi ni Abraham Lincoln, “nang walang masamang hangarin sa sinuman; nang may pagmamahal para sa lahat.”25
Napagnilayan na ba ninyo kung paano ipinapakita ang alituntunin ng respeto para sa dignidad at pagkakapantay ng tao sa pamamagitan ng simpleng paraan ng pananamit natin sa bahay ng Panginoon? Tayong lahat ay pumupunta sa templo nang may iisang layunin at puno ng hangaring maging dalisay at banal sa Kanyang banal na presensya. Nakasuot ng puti, tayong lahat ay tinatanggap ng Panginoon Mismo bilang Kanyang mahal na mga anak na lalaki at babae ng Diyos, inapo ni Cristo.26 Isang malaking pribilehiyo para sa atin na magsagawa ng mga parehong ordenansa, gumawa ng mga parehong tipan, magsikap na magkaroon ng mas mataas at mas banal na uri ng pamumuhay, at makatanggap ng mga parehong walang-hanggang pangako. Nagkakaisa sa layunin, nakikita natin ang isa’t isa sa bagong pananaw, at sa ating pagkakaisa, ipinagdiriwang natin ang ating mga pagkakaiba bilang mga banal na anak ng Diyos.
Kamakailan ay tumulong akong gumabay sa mga dignitaryo at opisyal ng pamahalaan sa open house para sa Brasília Brazil Temple. Tumigil kami ng bise-presidente ng Brazil sa lugar kung saan nagpapalit ng damit, at nagtalakayan kami tungkol sa puting kasuotan na isinusuot ng lahat sa loob ng templo. Ipinaliwanag ko sa kanya na ang pandaigdigang paggamit ng puting kasuotan na ito ay sumisimbolo na tayong lahat ay pantay-pantay sa Diyos at na, sa templo, ang ating pagkakakilanlan ay hindi bise-presidente ng bansa o lider ng simbahan kundi ang ating pagkakakilanlan sa walang hanggan bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit.
Ang Ilog ng Iguaçú ay dumadaloy sa katimugang Brazil at bumubuhos sa talampas na bumubuo ng grupo ng mga talon na kilala sa buong mundo bilang Iguaçú Falls—isa sa pinakamaganda at pinakamaringal na likha ng Diyos sa mundo, itinuturing na isa sa pitong pinakakamangha-manghang mga tanawin sa mundo. Dumadaloy ang napakaraming tubig sa iisang ilog at pagkatapos ay nahahati ito, bumubuo ng daan-daang walang kapantay na talon. Sa matalinghagang pananalita, ang kamangha-manghang grupo ng mga talon na ito ay sumasalamin sa pamilya ng Diyos sa mundo, sapagkat pareho ang ating espirituwal na pinanggalingan at katangian, hango mula sa ating banal na pamana at ugnayan. Gayunpaman, ang bawat isa sa atin ay dumadaloy sa iba’t ibang kultura, etnisidad, at lahi, na may iba’t ibang opinyon, karanasan, at pakiramdam. Sa kabila nito, sumusulong tayo bilang mga anak ng Diyos at bilang magkakapatid kay Cristo, nang hindi nawawala ang ating banal na ugnayan, na ginagawa tayong mga natatanging tao at minamahal na komunidad.27
Mahal kong mga kapatid, nawa’y maiayon natin ang ating mga puso’t isipan sa kaalaman at patotoo na pantay-pantay tayo sa paningin ng Diyos, na tayong lahat ay lubos na pinagkalooban ng parehong potensyal at pamana na walang hanggan. Nawa’y mas ikalugod natin ang espirituwal na ugnayan na namamagitan sa atin at pahalagahan ang iba-ibang katangian at sari-saring kaloob na mayroon tayong lahat. Kung gagawin natin ito, ipinapangako ko sa inyo na dadaloy tayo sa ating sariling paraan, tulad ng tubig sa Iguaçú Falls, nang hindi nawawala ang ating banal na ugnayan na tumutukoy sa atin bilang mga natatanging tao, “mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.”28
Pinatototohanan ko sa inyo na habang patuloy tayong dumadaloy nang ganito sa ating mortal na buhay, isang bagong araw ang magsisimula nang may bagong ilaw na magpapaningning sa ating buhay at magtatampok ng mga kamangha-manghang pagkakataon na mas pahalagahan ang, at mas mapagpala ng, pagkakaiba-iba na likha ng Diyos para sa Kanyang mga anak.29 Siguradong magiging mga kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay upang magsulong ng respeto at dignidad sa lahat ng Kanyang mga anak. Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Si Pangulong Nelson ang buhay na propeta ng Diyos sa ating panahon. Saksi ako sa mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.