2023
Si Jesucristo ang Kayamanan
Nobyembre 2023


12:24

Si Jesucristo ang Kayamanan

Magtuon kay Jesucristo. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ang “tanda” na dapat nating tingnan, at ang ating pinakamahalagang kayamanan.

Noong 1907, isang mayamang Englishman, si George Herbert, ang ikalimang Earl ng Carnarvon,1 ang lumipat sa Egipto at naging interesado sa arkeolohiya. Nilapitan niya ang isang kilalang Egyptologist na si Howard Carter, at nagmungkahi na maging partner sila. Si Carter ang mangangasiwa sa kanilang mga paghuhukay, at si Carnarvon ang magpopondo.

Magkasama nilang matagumpay na nagalugad ang iba’t ibang lugar. Kasunod nito ay natanggap nila ang pahintulot na maghukay sa Valley of the Kings, na malapit sa makabagong Luxor, kung saan natagpuan ang mga libingan ng maraming faraon. Nagpasiya silang hanapin ang libingan ni Haring Tutankhamun. Mahigit 3,000 taon na ang nakalipas nang maluklok sa trono ng Egipto si Tutankhamun at naghari sa loob ng 10 taon bago siya namatay nang hindi inaasahan.2 Nabalita na inilibing siya sa Valley of the Kings,3 pero walang nakaaalam sa lokasyon ng kanyang libingan.

Limang taon ang ginugol nina Carter at Carnarvon sa bigong paghahanap sa libingan ni Tutankhamun. Kalaunan, sinabi ni Carnarvon kay Carter na suko na siya sa walang-saysay na paghahanap. Nakiusap si Carter na bigyan pa ng panahon ang paghuhukay, at sumang-ayon si Carnarvon at pumayag na magbigay ng pondo.

Natanto ni Carter na ang buong kapatagan ng Valley of the Kings ay hinukay ayon sa sistematikong paraan—maliban sa lugar ng kanilang base camp. Sa loob ng ilang araw na paghuhukay roon, natagpuan nila ang mga unang baitang pababa sa libingan.4

Nang sa wakas ay nasilip na ni Carter ang antechamber o waiting room ng libingan ni Tutankhamun, nakakita siya ng ginto sa buong paligid nito. Matapos ang tatlong buwang pag-catalog sa mga nilalaman ng antechamber, binuksan nila ang selyadong silid ng libingan noong Pebrero 1923—100 taon na ang nakalipas. Ito ang pinakatanyag na tuklas sa arkeolohiya ng ika-20 siglo.

Sa mga taon na iyon ng bigong paghahanap, hindi napansin nina Carter at Carnarvon ang mismong kinatatayuan nila. Mga limang siglo bago isinilang ang Tagapagligtas, tinukoy ng propetang si Jacob ng Aklat ni Mormon ang pagwawalang-bahala o hindi pagpapahalaga sa mga bagay na nasa ating tabi na “pagtingin nang lampas sa tanda.” Nakita ni Jacob na hindi makikilala ng mga tao sa Jerusalem ang ipinangakong Mesiyas kapag dumating Siya. Ipinropesiya ni Jacob na sila ay magiging “mga taong [humahamak] sa mga salita ng kalinawan … at [maghahangad] ng mga bagay na hindi nila [nauunawaan]. Samakatwid, dahil sa kanilang pagkabulag, kung aling pagkabulag na ito ay [darating] sa pamamagitan ng pagtingin nang lampas sa tanda, talagang kinakailangan silang bumagsak.”5 Sa madaling salita, matitisod sila.

Ang ibinadya ni Jacob ay napatunayang tumpak. Noong mortal na ministeryo ni Jesus, marami ang tumingin nang lampas sa tanda, lampas sa Kanya. Nilampasan nila ng tingin ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Sa halip na kilalanin ang tungkuling ginampanan Niya sa pagtupad sa plano ng Ama sa Langit, kanilang hinatulan at ipinako Siya sa krus. Sila ay naghanap at naghintay ng ibang tao na magdadala sa kanila ng kaligtasan.

Tulad ng mga tao sa Jerusalem, at tulad nina Carter at Carnarvon, maaari din tayong mapatingin nang lampas sa tanda. Kailangan nating maging maingat upang maiwasan ang pag-uugaling ito at baka makaligtaan natin si Jesucristo sa ating buhay at mabigong makilala ang maraming pagpapalang ibinibigay Niya sa atin. Kailangan natin Siya. Pinapayuhan tayo na umasa “nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.”6

Siya ang ating tanda. Kung inaakala natin na may bagay na kailangan tayo na higit pa sa ibinibigay Niya, tinatanggihan o binabawasan natin ang kakayahan at lakas na maibibigay Niya sa ating buhay. Inangkin Niya ang mga karapatan ng awa at ipinararating ang awang iyon sa atin.7 Siya ang tunay na “saligan [kung kanino tayo] makaaasa para sa kapatawaran ng [ating] mga kasalanan.”8 Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama at nagtataguyod sa nais ng Ama: ang makabalik tayo sa Kanya bilang mga tagapagmana sa Kanyang kaharian. Ayon sa mga salita ni Alma, kailangan nating “[ibaling] ang [ating] mga mata at [magsimulang] maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa [ating] mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli.”9 Si Jesucristo ang ating kayamanan.

Ang Tagapagligtas ay nagbigay sa atin ng maraming paraan upang magkusa tayong magtuon sa Kanya, kabilang na rito ang araw-araw na pagkakataong magsisi. Kung minsan, minamaliit natin ang kahalagahan ng pagpapalang ito na ibinibigay sa atin. Noong walong taong gulang pa lamang ako, bininyagan ako ng tatay ko. Pagkatapos, humawak ako sa kanyang kamay nang papatawid kami sa isang mataong kalsada. Walang lingun-lingon na humakbang ako mula sa gilid ng bangketa patawid nang may isang malaking trak ang dumadagundong na dumaan. Bigla akong hinatak ng tatay ko, palayo sa kalsada at pabalik sa gilid ng bangketa. Kung hindi niya ginawa iyon, nasagasaan na sana ako ng trak. Likas na may kapilyuhan, naisip ko, “Siguro mas mabuti kung napatay ako ng trak dahil kahit kailan ay hindi na ako magiging kasinglinis tulad ngayon pagkatapos ng binyag ko.”

Noong walong taong gulang ako, mali ako sa pag-aakalang nahuhugasan ng tubig sa binyag ang mga kasalanan. Hindi ganoon. Sa paglipas ng mga taon mula nang mabinyagan ako, nalaman ko na nalilinis ang mga kasalanan ng kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa binyag.10 Pagkatapos, sa pamamagitan ng kaloob na pagsisisi, maaari tayong manatiling malinis. Nalaman ko rin na nagbibigay ng patuloy na lakas sa ating buhay ang sakramento, nagagawa nitong mapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.11

Tulad ng kayamanang nasa paanan nina Carter at Carnarvon, ang mahahalagang pagpapala ng sakramento ay natatamo natin sa tuwing dumadalo tayo sa sacrament meeting. Pinangakuan tayo ng palagiang patnubay ng Espiritu Santo kung ituturing natin ang sakramento sa paraan ng pagturing ng isang bagong miyembro sa binyag at kumpirmasyon, nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at determinasyong mamuhay ayon sa tipan sa binyag na iyon. Pinagpapala tayo ng Espiritu Santo ng Kanyang nagpapabanal na kapangyarihan upang palaging mapatawad ang ating mga kasalanan, linggu-linggo.12

Ang espirituwal na pundasyon natin ay tumitibay sa pamamagitan ng pagsisisi, at ng matamang paghahanda at pagiging karapat-dapat na tumanggap ng sakramento. Tanging sa matibay na espirituwal na pundasyon natin mahaharap ang mga pagsubok na tila ulan, hangin, at baha na humahagupit sa ating buhay.13 Kabaligtaran nito, ang ating espirituwal na pundasyon ay humihina kapag sadya tayong lumiliban sa sacrament meeting o hindi tayo nakatuon sa Tagapagligtas sa oras ng sakramento. Maaaring hindi natin namamalayan na “inilalayo [natin ang] sarili sa Espiritu ng Panginoon, upang yaon ay mawalan ng puwang sa [atin] na [tayo] ay patnubayan sa mga landas ng karunungan nang [tayo] ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan.”14

Kapag nasa atin ang Espiritu Santo, tayo ay mahihikayat at gagabayang gumawa at tumupad ng iba pang mga tipan, tulad ng mga tipang ginawa natin sa mga templo. Ang paggawa nito ay nagpapalalim sa ating ugnayan sa Diyos.15 Mapapansin ninyo na maraming templo na ang ibinalita nitong mga nakaraang taon, na inilalapit ang mga templo sa mga miyembro.16 Sa kabalintunaan, kapag mas madali na nating mapuntahan ang mga templo, baka mas madali para sa atin na maging mas kaswal sa pagdalo sa templo. Kapag malayo sa atin ang templo, pinaplano natin ang oras at mga pangangailangan sa biyahe papunta sa templo para sumamba roon. Inuuna natin ang mga paglalakbay na ito.

Kapag malapit lamang ang templo, maaaring madaling hayaan ang maliliit na bagay na humadlang sa pagdalo, sinasabi natin sa ating sarili, “Sige, pupunta na lang ako sa ibang araw.” Mas madali ang pagpapaiskedyul ng oras sa templo kapag malapit dito ang tirahan, pero dahil madali na itong gawin ay mas madali ring isantabi ang templo. Kapag ginagawa natin ito, hindi natin “nakikita o napapansin ang tanda,” hindi pinahahalagahan ang oportunidad na mas mapalapit sa Tagapagligtas sa Kanyang banal na bahay. Ang ating katapatan sa pagdalo sa templo kapag nasa malapit lamang ito ay dapat na kasingtibay rin kapag nasa malayo ito.

Matapos maghukay kung saan-saan sina Carter at Carnarvon sa Valley of the Kings sa paghahanap sa libingan ni Tutankhamun, saka nila napagtanto ang nakaligtaan nila. Hindi natin kailangang magpagal nang walang kahihinatnan, na tulad nila nang ilang panahon, para mahanap ang ating kayamanan. Ni hindi natin kailangang humingi ng payo sa mga hindi pamilyar na sources, pinahahalagahan ang pagiging katangi-tangi nito at iniisip na mas maliliwanagan sa mga payo na iyon kaysa sa matatanggap natin mula sa isang mapagpakumbabang propeta ng Diyos.

Tulad ng nakatala sa Lumang Tipan, noong naghanap ng lunas si Naaman sa kanyang ketong, nagalit siya nang sabihang ilubog ang sarili nang pitong beses sa isang karaniwang ilog. Ngunit nahikayat siyang sundin ang payo ng propetang si Eliseo sa halip na umasa sa sarili niyang mga ideya kung paano dapat mangyari ang himala. Resulta nito, gumaling si Naaman.17 Kapag nagtitiwala tayo sa propeta ng Diyos na nasa mundo ngayon at kumikilos ayon sa kanyang payo, matatagpuan natin ang kaligayahan, at tayo rin ay mapagagaling. Hindi natin kailangang humanap pa ng iba.

Mga kapatid, hinihikayat ko kayong alalahanin si Jesucristo at palaging magtuon sa Kanya. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ang “tanda” na dapat nating tingnan, at ang ating pinakamahalagang kayamanan. Sa paglapit ninyo sa Kanya, gagantimpalaan kayo ng lakas na harapin ang mga hamon ng buhay, tapang na gawin ang tama, at kakayahang gampanan ang inyong misyon sa buhay na ito. Pahalagahan ang pagkakataong makapagsisi, ang pribilehiyo na tumanggap ng sakramento, ang pagpapala na makagawa at makatupad ng mga tipan sa templo, ang kaluguran sa pagsamba sa templo, at ang kagalakan sa pagkakaroon ng buhay na propeta.

Ibinibigay ko ang aking tapat at matibay na patotoo na ang Diyos Amang Walang Hanggan, ang ating Ama sa Langit at Siya ay buhay; si Jesus ang Cristo; Siya ang ating mabait, matalinong Kaibigan sa langit,18 at ito ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Salamat sa inyong pananampalataya at katapatan. Dalangin ko na kayo ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang buong pangalan ng ikalimang Earl ng Carnarvon ay George Edward Stanhope Molyneux Herbert.

  2. Ipinakita sa isang computed tomography (CT) scan na ginawa noong 2005 na si Haring Tutankhamun ay maaaring nakaranas ng compound fracture sa isa sa kanyang mga buto sa binti, na humantong, marahil, sa impeksyon at kamatayan.

  3. Karamihan sa mga faraon ng Bagong Kaharian ng Egipto ay inilibing sa Valley of the Kings. Karamihan sa mga libingang iyon ay natagpuan at ninakawan daan-daang taon na ang nakalipas.

  4. Ang salaysay sa pagkatuklas sa libingan ni Tutankhamun ay batay sa “King Tut’s Tomb,” ni Eric H. Cline, sa Archaeology: An Introduction to the World’s Greatest Sites (2016), 60–66.

    Maraming bagay ang nakatulong sa mga pasiya nina Carter at Carnarvon kung saan maghuhukay—at kung saan hindi maghuhukay—sa Valley of the Kings. Ang area sa paligid ng base camp ay hindi kaagad naging kaiga-igaya para sa paghuhukay. Ang tatsulok na area ay nagbigay ng access sa pagbisita sa libingan ni Ramses VI, kaya ang mga paghuhukay roon ay talagang makakagulo. Ayon sa mga salita ni Carter, ang area ay, “puno ng kubo ng mga trabahador na bara-barang itinayo, na marahil ay ginamit ng mga gumagawa sa libingan ni Rameses[,] … [at] tatlong talampakan ng lupa ang kinatatayuan ng mga ito.” Tila hindi itinayo ang mga kubo sa ibabaw ng pasukan papunta sa libingan (tingnan sa Howard Carter and A. C. Mace, The Tomb of Tut-ankh-Amen: Discovered by the Late Earl of Carnarvon and Howard Carter, vol. 1 [1923], 124–28, 132).

    Para sa iba pang mga salaysay tungkol sa pagkatuklas sa libingan ni Tutankhamun, tingnan sa Zahi Hawass, Tutankhamun and the Golden Age of the Pharaohs (2005); Nicholas Reeves, The Complete Tutankhamun: The King, the Tomb, the Royal Treasure (1990), 80–83; at Nicholas Reeves at Richard H. Wilkinson, The Complete Valley of the Kings: Tombs and Treasures of Egypt’s Greatest Pharaohs (1996), 81–82.

  5. Jacob 4:14.

  6. 2 Nephi 31:19.

  7. Tingnan sa Moroni 7:27–28.

  8. 2 Nephi 25:26.

  9. Alma 33:22.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:52.

  11. Tingnan sa David A. Bednar, “Teach to Build Faith in Jesus Christ” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 23, 2023); Rachel Sterzer Gibson, “Teach to Build Faith in Jesus Christ, Elder Bednar Instructs,” Church News, Hunyo 23, 2023, thechurchnews.com.

  12. Gayunpaman, hindi pinasimulan ang sakramento bilang partikular na paraan ng pagtatamo ng kapatawaran ng ating mga kasalanan (tingnan sa James E. Talmage, The Articles of Faith, ika-12 edisyon, [1924], 175). Ang isang tao ay hindi maaaring sadyang magkasala sa Sabado ng gabi at umasa na ang kailangan lamang niyang gawin ay kumain ng isang piraso ng tinapay at uminom ng isang tasa ng tubig sa araw ng Linggo at mahimalang magiging malinis na. Ngunit ang pagpapabanal na nagagawa ng Espiritu Santo ay makalilinis sa lahat ng nagsisisi nang buong puso at may tunay na layunin.

  13. Tingnan sa 3 Nephi 18:12–13.

  14. Mosias 2:36.

  15. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “May espesyal na pagmamahal ang Diyos para sa bawat taong nakikipagtipan sa Kanya sa mga tubig ng binyag. At ang banal na pagmamahal na iyan ay lumalalim habang gumagawa at tumutupad kayo ng mga karagdagang tipan” (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], Gospel Library). Ang maraming tipan sa landas ng tipan ay hindi lamang sunud-sunod kundi pandagdag at synergistic din. Ang mga ito ay tumutulong para mas mapalapit sa Diyos at mas mapatibay ang ugnayan sa Kanya. Ang gayong ugnayan ay nagtutulot sa atin na magbago hanggang sa matanggap natin ang Kanyang larawan sa ating mukha at ang ating puso ay naging malakas at permanenteng nagbago (tingnan sa Alma 5:14).

  16. Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson na ang Panginoon ay “pinadadali ang pagpunta sa Kanyang mga templo. Pinabibilis Niya ang pagtatayo natin ng mga templo. Dinaragdagan Niya ang ating abilidad na tumulong sa pagtipon ng Israel. Ginagawa rin Niyang mas madali para sa bawat isa sa atin na maging dalisay sa espirituwal” (“Magtuon sa Templo,” Liahona, Nob. 2022, 121).

  17. Tingnan sa 2 Mga Hari 5:9–14.

  18. Tingnan sa “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78.