Purihin ang Propeta
Napakapalad nating malaman ang lahat ng alam natin dahil kay Joseph Smith, ang propeta ng huling dispensasyong ito ng panahon.
Mahal kong mga kapatid, karangalan kong makasama kayo ngayong umaga. Sana’y pagpalain ako ng Panginoon.
Hindi na katulad ng dati ang aking mga mata. Nakipagkita ako sa doktor sa mata, at sabi ko, “Hindi ko makita ang teleprompter.”
At sabi niya, “Matanda na po kasi ang mga mata n’yo. Hindi na po lilinaw ang mga ‘yan.”
Kaya gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.
Gusto kong ibahagi sa inyo ang ilang bagay na matagal ko nang iniisip. Tila palagi kong naiisip si Propetang Joseph nitong huling ilang buwan. Naupo ako at pinag-isipan ko ang kanyang maluwalhating responsibilidad sa pagiging propeta sa dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon.
Iniisip ko na lubos tayong nagpapasalamat bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na si Joseph Smith, isang batang naghangad na malaman kung ano ang kailangan niyang gawin para mapatawad ang kanyang mga kasalanan, ay naglakas-loob na pumunta sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York, at doo’y lumuhod sa panalangin at—sa sarili niyang pahayag—nanalangin nang malakas sa unang pagkakataon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14).
Sa sandaling iyon, nang lumuhod si Joseph sa tinatawag nating Sagradong Kakahuyan, nabuksan ang kalangitan. Nagpakita ang dalawang personahe, na mas maningning kaysa sa araw sa katanghaliang-tapat, sa kanyang harapan. Nangusap sa kanya ang isa at sinabi, “[Joseph,] ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Sa gayon nagsimula ang Pagpapanumbalik ng kaganapan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo.
Dahil nangusap si Jesus, na ating Tagapagligtas at ating Manunubos, sa batang si Joseph at binuksan ang dispensasyong ito kung kailan tayo ngayon ay nabubuhay, umaawit tayo ng, “Purihin s’yang kaniig ni Jehova!” (“Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21). Pinasasalamatan natin ang Panginoon para kay Joseph Smith at sa lakas-ng-loob niyang pumunta sa kakahuyang iyon noong 1820, malapit sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York.
Matagal ko nang iniisip ang tungkol sa lahat ng kamangha-manghang mga bagay na alam natin at ang lahat ng bagay na mayroon tayo. Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko sa inyo ngayong umaga na napakapalad nating malaman ang lahat ng alam natin dahil kay Joseph Smith, ang propeta ng huling dispensasyong ito ng panahon.
Nauunawaan natin ang layunin ng buhay, kung sino tayo.
Alam natin kung sino ang Diyos; alam natin kung sino ang Tagapagligtas, dahil kay Joseph, na nagpunta sa kakahuyan noong bata pa, na naghahangad na mapatawad ang kanyang mga kasalanan.
Palagay ko ito ang isa sa mga pinakamaluwalhati at kahanga-hangang bagay na maaaring malaman ng sinuman sa mundong ito—na inihayag mismo ng ating Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo ang Kanilang sarili sa mga huling araw na ito at na lumaking marapat si Joseph na ipanumbalik ang kaganapan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo.
Nasa atin ang Aklat ni Mormon. Napakaganda at kahanga-hangang regalo ang Aklat ni Mormon sa mga miyembro ng Simbahan. Ito ay isa pang saksi, isa pang patunay na si Jesus ang Cristo. Nasa atin ito dahil si Joseph ay naging marapat na humayo at kunin ang mga lamina, binigyang-inspirasyon ng langit na isalin ang mga iyon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos at ibigay ang aklat sa mundo.
Bagama’t ang mensahe ko ngayong umaga ay simple, ito ay malalim, at puno ng pagmamahal kay Propetang Joseph Smith at sa lahat, aking mga kapatid, na sumuporta sa kanya at handang suportahan siya sa kanyang kabataan.
Gusto kong magbigay-pugay ngayong umaga sa kanyang ina. Noon ko pa naiisip na talagang kahanga-hanga na nang umuwi si Joseph mula sa karanasang iyon sa Sagradong Kakahuyan at ikinuwento niya sa kanyang ina ang nangyari, naniwala sa kanya si Lucy Mack Smith.
Nagpapasalamat ako sa kanyang ama at kanyang mga kapatid at kanyang pamilya, na sumuporta sa kanya sa napakalaking responsibilidad na ito na ipinagawa sa kanya ng Panginoon na maging propeta para ipanumbalik na muli ang kaganapan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa.
Kaya pinatototohanan ko ngayong umaga na alam ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo. Alam ko rin na nagpakita at nangusap ang ating Ama sa Langit at ang Panginoong Jesucristo kay Joseph at inihanda siya para maging propeta.
Namamangha ako, at tiyak kong gayon din ang marami sa inyo, na napakapalad nating malaman ang alam natin tungkol sa ating layunin sa buhay, kung bakit tayo narito, at kung ano ang dapat nating sikaping gawin at isakatuparan sa ating pang-araw-araw na buhay. Nasa proseso tayo ng pagsisikap na ihanda ang ating sarili, bawat araw, na maging mas mabuti, mas mabait, mas handa para sa araw na iyon, na tiyak na darating, na babalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo.
Medyo mas malapit na iyon para sa akin. Malapit na akong mag-95. Sinasabi sa akin ng mga anak ko na parang mas matanda raw ako kaysa riyan kung minsan, pero OK lang iyon. Ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko.
Pero sa loob ng halos ng 50 taon, mga kapatid, nagkaroon ako ng pribilehiyong libutin ang mundo sa aking tungkulin bilang General Authority ng Simbahan. Napakalaking pagpapala niyan. Palagay ko medyo napalapit ako sa halos lahat ng bahagi ng mundo. Nakilala ko ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mahal na mahal ko kayo. Napakagandang karanasan niyon—na matingnan ang inyong mukha, makapiling kayo, at madama ang pagmamahal ninyo sa Panginoon at sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Nawa’y bantayan tayo ngayon ng ating Ama sa Langit at pagpalain ang lahat ng kaganapan sa kumperensya. At nawa’y mapuspos ng Espiritu ng Panginoon ang ating puso, at nawa’y lumago ang ating pagmamahal sa ebanghelyo ni Jesucristo—ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo—habang nagsisikap tayong paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga utos at maging higit na katulad Niya bilang resulta ng pagdalo natin sa pangkalahatang kumperensya. Saanman kayo naroon sa mundong ito, nawa’y pagpalain kayo ng Diyos. Nawa’y mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon. Nawa’y madama natin ang kapangyarihan ng langit habang sama-sama tayong sumasamba sa sesyong ito ng kumperensya.
Iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na alam ko na si Jesus ang Cristo. Siya ang ating Tagapagligtas, ating Manunubos. Siya ang ating matalik na kaibigan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.