Welcome sa Isyung Ito
Mga Tampok mula sa Ika-193 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya
Nanatiling bakante ang upuan ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya, ngunit nagalak ang mga miyembro ng Simbahan na tumanggap ng payo at patotoo mula sa kanilang 99-na-taong-gulang na propeta sa pagtatapos ng huling sesyon sa pamamagitan ng isang nakarekord na mensahe.
Sinabi ni Pangulong Nelson na ang sakit na may kaugnayan sa pinsala sa likod kamakailan ay nakaragdag sa kanyang “pagpapahalaga kay Jesucristo at sa hindi maunawaang kaloob na Kanyang Pagbabayad-sala.” Sa paghihikayat sa mga miyembro na “isipin ang kahariang selestiyal,” ibinahagi niya ang mga bagay na natutuhan niya tungkol sa “perpektong plano” ng Ama sa Langit:
-
“Ang mismong mga bagay na magpapabuti sa inyong mortalidad sa pinakamainam na matatamo nito ay siya ring magpapabago sa inyong buhay sa buong kawalang-hanggan sa pinakamainam na matatamo nito!”
-
“Ang mga pagpili ninyo ngayon ang magtatakda ng tatlong bagay: kung saan kayo mananahanan sa buong kawalang-hanggan, ang uri ng katawan na tataglayin ninyo sa [pagkabuhay na mag-uli], at ang mga taong makakasama ninyo magpakailanman” (pahina 117).
Nagpatotoo si Pangulong Dallin H. Oaks tungkol sa kadakilaang naghihintay sa matatapat na Banal (tingnan sa pahina 26). Pinatotohanan ni Pangulong Henry B. Eyring ang patnubay mula sa Espiritu Santo na ipinangako sa mga karapat-dapat na Banal (tingnan sa pahina 92; tingnan din kay Elder Stevenson, pahina 42). At nagbigay ng malakas na patotoo si Pangulong M. Russell Ballard tungkol sa “maluwalhating responsibilidad [ni Propetang Joseph Smith] sa pagiging propeta ng … ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon” (pahina 74).
Itinuro ng mga tagapagsalita sa kumperensya na ang mga pinakamahalagang pagpapasiya natin sa mortalidad ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at sa pagsunod sa Kanyang mga utos, kabilang na ang batas ng ikapu (tingnan kina Pangulong Nelson at Elder Andersen, mga pahina 117 at 32). Itinuro din nila na magkakaroon din tayo ng kaligayahan, paggaling, at pag-asa sa pamamagitan ng Tagapagligtas habang sumusulong tayo sa landas ng tipan (tingnan kina Elder Bednar, Godoy, Choi, at Cook, mga pahina 6, 16, 46, at 82; kay Brother Newman, pahina 36; at kina Sister Wright, Freeman, at Runia, mga pahina 9, 76, at 62) at “ipahayag sa oras ng sakramento ang katapatan natin sa ating tipan kay Jesucristo at sa isa’t isa sa ating mga tungkulin sa Simbahan, kapatiran, pakikisalamuha, at paglilingkod” (Elder Gong, pahina 111).
Hinikayat ng mga pinuno ng Simbahan ang mga miyembro na tanggapin “ang kaloob na pagsisisi” (Elder Renlund, pahina 96; tingnan din kina Pangulong Eyring at Elder Uchtdorf, mga pahina 92 at 86). Itinuro nila na ang Pagpapanumbalik ay nagbibigay-liwanag sa ating “banal na katangian, pamana, at potensyal” (Elder Soares, pahina 70; tingnan din kina Elder Phillips, Giraud-Carrier, at Sabin, mga pahina 49, 114, at 56). At ipinaalala nila sa mga Banal sa mga Huling Araw na “upang matipon ang Israel, kailangan natin ng mga misyonero—higit pa sa kasalukuyang naglilingkod,” lalo na ng mga senior couple (Elder Rasband, pahina 52; tingnan din kay Elder Parrella, pahina 80).
Sa pagbabalita ng mga planong magtayo ng 20 bagong templo, sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang inyong paglilingkod at pagsamba sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal” (pahina 117; tingnan din kina Elder Christofferson at Esplin, mga pahina 19 at 108).