Mga Pahiwatig ng Espiritu
Ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo ay isa sa mga pinakadakilang espirituwal na kaloob na tinatamasa ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Pambungad
Kamakailan, tinutukan ng buong mundo ang 2023 FIFA Women’s World Cup na pinangasiwaan ng Australia at New Zealand. Ang pinakamahuhusay na atleta na sinala mula sa mahigit 200 pambansang koponan mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagpakita ng kanilang determinasyon, dedikasyon, talento, at galing sa atletika habang nakikipagpaligsahan sila para sa pinakamataas na karangalan sa mundo ng soccer.
Humahanga tayo sa mga kalahok sa maraming isport at iba pang mga larangan na nakakamit ang pinakamataas na antas ng kanilang sining. Pinag-uusapan natin ang kanilang mga talento o kaloob na bigay ng Diyos. Kabilang dito ang yaong mga may kaloob sa sayaw, himnastiko o gymnastics, musika, sining, drama, matematika, agham, at iba pa. Ang bawat isa sa mga taong iyon ay nagpapakita ng mga kaloob na bigay ng Diyos na nilinang at hinasa ng tuluy-tuloy na pagsisikap, pag-aaral, at pagsasanay. Ang mga kaloob na bigay ng Diyos ay gumagawa ng mga taong may kaloob.
Paggamit ng mga Espirituwal na Kaloob
Sa pananaw na ayon sa ebanghelyo, pinagkakalooban ng Diyos ang Kanyang mga anak ng maraming espirituwal na kaloob, na ginagawa silang mga taong may espirituwal na kaloob. Ang mga miyembro ng Simbahan na tumutupad sa mga tipan ay pinagkalooban ng mga kaloob ng Espiritu, na kinabibilangan ng kaloob na patotoo tungkol kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas, kaloob na Espiritu Santo, kaloob na pananampalataya na magpagaling at mapagaling, kaloob na makahiwatig, kaloob na makatanggap ng mga himala, at mga kaloob na karunungan at kaalaman.1 Inaanyayahan tayo ng Panginoon na masigasig na hangarin ang pinakamahuhusay na kaloob, maging ang mga espirituwal na kaloob. Nagbibigay Siya ng mga espirituwal na kaloob upang pagpalain tayo at upang gamitin sa pagpapala sa iba.2
Balikan natin ang ating analohiya ng mga kalahok na may kaloob, mahalagang tandaan na hindi sapat na may kaloob lamang kayo upang maging bihasa. Kahit pa may pambihirang angking talento, sa pamamagitan ng masusi at masigasig na pagsasanay at pagsisikap nililinang ng mga kalahok ang kanilang larangan upang makamit ang pinakamataas na antas ng sining at kasanayan. Kahit ang mga regalo na natanggap at binuksan ay kadalasang may kasamang tagubilin na “kailangan munang buuin.”
Gayundin, naobserbahan ko na mahirap sa simula na makagawian ang mga espirituwal na kaloob. Ang paggamit ng mga espirituwal na kaloob ay nangangailangan ng espirituwal na pagsasanay. “Ang pagkakaroon ng patnubay ng Espiritu Santo sa iyong buhay ay nangangailangan ng espirituwal na pagkilos. Kabilang sa pagkilos na ito ang tapat na panalangin at palagiang pag-aaral ng banal na kasulatan. Kabilang din dito ang pagtupad sa iyong mga tipan at sa mga kautusan ng Diyos. … Kabilang dito ang marapat na pagtanggap ng sakramento bawat linggo.”3
Ano ang mga bunga ng paggamit ng mga espirituwal na kaloob? Kabilang sa mga ito ang mga pahiwatig mula sa Espiritu na tumutulong sa ating pang-araw-araw na pangangailangan at nagpapakita sa atin kung ano ang gagawin at sasabihin at ang mga pagpapala ng kapayapaan at kapanatagan. Habang nakikinig at kumikilos tayo ayon sa mga espirituwal na pahiwatig, dinaragdagan ng Espiritu Santo ang ating mga kakayahan at kapasidad upang magawa natin ang hindi natin kayang gawin nang mag-isa. Ang mahahalagang espirituwal na kaloob na ito ay tutulong sa atin sa bawat aspekto ng ating mga buhay.4
Ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo ay isa sa mga pinakadakilang espirituwal na kaloob na tinatamasa ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Gaano kahalaga ang kaloob na ito? Sinagot ni Pangulong Russell M. Nelson ang tanong na ito nang malinaw at tahasan noong sinabi niya na “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”5
Paano Maaanyayahan at Matutukoy ang mga Pahiwatig ng Espiritu
Sa buong paglilingkod ko, nakita ko sa mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo ang kagustuhang malaman kung paano maanyayahan at matukoy ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang mga pahiwatig ng Espiritu ay napakapersonal at dumarating sa iba’t ibang paraan. Tayo, gayunman, ay mapalad na mayroong mga salita ng mga propeta, kapwa noon at ngayon, na nagbibigay sa atin ng mahahalagang kabatiran tungkol sa kung paano tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu.
Magbibigay ako ng apat na gabay na alituntunin na maaaring makatulong sa inyo sa pag-anyaya at pagtukoy sa mga pahiwatig ng Espiritu.
Tumayo sa mga Banal na Lugar
Ang una ay tumayo sa mga banal na lugar.6 Kamakailan ay nakasama ako sa Tokyo Japan Temple open house. Ang tugon sa mga pormal na paanyayang ipinadala sa mga media at VIP ay higit pa sa inasahan. Daan-daan ang sumama sa mga ginabayang temple tour na ito. Ang mga panauhin ay lubos na naantig sa kagandahan ng templo, kabilang na ang mga pattern at motif na may kaugnayan sa malalim na tradisyon ng mga Hapon. Ang mas nakaaantig gayunman ay ang mapitagan at magalang na reaksyon ng mga panauhin habang inilalarawan ang mga sinaunang ordenansa sa mga silid kung saan mangyayari ang mga ito. Ngunit ang pinakanakaaantig ay ang mga inspirasyon ng Espiritu.
Ang isang sandali na hindi ko malilimutan ay noong kasama ko ang isang kilalang opisyal ng pamahalaan. Pagkatapos ng ilang sandali ng pagninilay-nilay sa silid-selestiyal, puno ng emosyon at lubos na naantig na ibinulong niya sa akin, “Maging ang hangin na hinihinga ko sa silid na ito ay tila naiiba.” Natanto ko na sinisikap niyang ilarawan ang presensya ng Banal na Espiritu, na talagang nananahan sa mga sagradong lugar. Kung umaasa kayong madama ang Espiritu, pumasok sa isang lugar kung saan madaling makapananahanan ang Espiritu.
Ang ating mga templo at tahanan ang pinakasagrado sa mga inilaang lugar na ito. Sa mga ito ay mas madali nating naaanyayahan at nadarama ang Espiritu. Kabilang sa iba pang mga banal na lugar ang mga meetinghouse, mga gusali ng seminary at institute, at mga makasaysayang lugar ng Simbahan at mga visitor’s center. Tumayo sa mga banal na lugar.
Makiisa sa mga Banal na Tao
Pangalawa, makiisa sa mga banal na tao. Ilalarawan ko ang pangalawang gabay na alituntunin gamit ang isa pang alaala.
Hinding-hindi ko malilimutan ang pakikibahagi ko sa isang debosyonal na idinaos sa isang sikat na sports arena. Kadalasan, ang arena na ito ay puno ng mga naghihiyawang tagahanga na ipinagbubunyi ang kanilang home team at marahil ay kinukutya rin ang kanilang kalaban. Ngunit sa gabing ito, ibang-iba ang kapaligiran. Ang arena ay puno ng libu-libong kabataan na nagtipon upang parangalan at gunitain ang buhay ni Propetang Joseph Smith. Ang kanilang mapitagan at mapayapang pagkilos; pasasalamat; at mga mapanalanging puso ay pumuno sa arena ng presensya ng Banal na Espiritu. Literal kong nakikita iyon sa kanilang mga mukha. Ito ang kaloob na Espiritu Santo na kumikilos, pinagtitibay ang mga patotoong ibinibigay tungkol kay Joseph Smith at sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
Hindi mapipigil ang Espiritu na magpadama kapag nagtitipon ang mga banal na tao. Kung umaasa kayong madama ang Espiritu, sumama sa mga tao kung kanino madaling makapananahanan ang Espiritu. Ganito ito sinabi ng Panginoon, “Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”7 Para sa mga kabataan, isipin ang inyong mga pagtitipon ng mga banal na tao: mga korum at klase, FSY at seminary, mga aktibidad sa ward at stake—at maging sa mga ward choir. Piliing makasama ang mga tao at pumunta sa mga lugar kung saan matatagpuan ang kabutihan. Maghanap ng lakas mula sa maraming bilang. Maghanap ng mabubuting kaibigan. Maging mabubuting kaibigan. Suportahan ang isa’t isa saanman kayo naroroon. Makiisa sa mga banal na tao.
Patotohanan ang mga Banal na Katotohanan
Pangatlo, patotohanan ang mga banal na katotohanan nang madalas hangga’t kaya ninyo. Ang Mang-aaliw ay palaging nagbabahagi ng Kanyang tinig kapag nagpapatotoo tayo gamit ang ating tinig. Ang Espiritu ay kapwa nagpapatotoo sa nagsasalita at nakikinig.
Naaalala ko noong minsang nakasakay ako sa loob ng taxi nang 45 minuto papunta sa New York City. Matapos magkaroon ng masayang kuwentuhan kasama ang drayber habang nakasakay ako papunta sa paliparan, binayaran ko siya at naghanda na akong lumabas ng taxi. Ngunit bigla kong natanto na hindi pa ako nagbibigay ng patotoo tungkol sa ibinahagi ko. Tumigil ako sandali, nagbahagi ng isang simple at maikling patotoo, na nakapag-anyaya sa Espiritu at nagpaluha sa aming mga mata.
Kapag hinanap at sinamantala ninyo ang mga pagkakataong maibahagi ang inyong patotoo sa iba, magkakaroon kayo ng mga sandali na makikilala ninyo ang Espiritu.
Pakinggan ang Banal na Espiritu
Ang huling alituntunin ay pakinggan ang Banal na Espiritu. Maaari natin Siyang makasama sa tuwina ngunit banayad at tahimik lamang Siyang nangungusap. Natuklasan ng propetang si Elias na ang tinig ng Panginoon ay wala sa hangin, lindol, o apoy kundi sa “isang banayad at munting tinig.”8 Hindi ito “tinig ng kulog” kundi “ito ay tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong,” at ito ay maaaring “tumagos maging sa buong kaluluwa.”9
Ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, “Hindi kinukuha ng Espiritu ang ating pansin sa pagsigaw o pagyugyog sa atin gamit ang mabigat na kamay. Sa halip ay bumubulong ito. Mahinahon tayong hinahaplos nito kaya maaaring hindi natin ito madama kapag abala tayo.”10 Naobserbahan ko na kung minsan ang Kanyang tinig ay lubhang banayad, o masyado akong abala, kaya isa sa nagmamahal sa akin ang nakaririnig nito para sa akin. Maraming pagkakataon kung kailan dumarating sa akin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng aking asawang si Lesa. Ang mabubuting magulang o lider ay maaari ring tumanggap ng inspiradong patnubay para sa inyo.
Ang ingay, hiyawan, at alitan na laganap sa mundo ay maaaring sumapaw sa mga tahimik na impresyon ng Banal na Espiritu. Humanap ng isang tahimik na lugar, isang banal na lugar kung saan maaari ninyong hangarin na makatanggap ng patnubay mula sa Espiritu.
Ilang mga Paalala
Habang pinag-iisipan ninyo ang mga alituntuning ito upang maanyayahan at matukoy ang Espiritu, isaalang-alang ang mga sumusunod na nagbababalang paalala.11
Kumpirmahin ang inyong mga espirituwal na impresyon. Halimbawa, ang mga impresyon mula sa Espiritu ay aayon sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga buhay na propeta.
Tiyakin na ang ipinadarama sa inyo ay naaayon sa inyong tungkulin. Maliban kung kayo ay tinawag ng wastong awtoridad, hindi ibinibigay sa inyo ang mga impresyon mula sa Espiritu upang payuhan o iwasto ang iba.
Ang mga espirituwal na bagay ay hindi maipipilit. Maaaring makapaglinang kayo ng pag-uugali at kapaligiran na nag-aanyaya sa Espiritu, at maihahanda ninyo ang inyong sarili, ngunit hindi ninyo maididikta kung paano o kailan darating ang inspirasyon. Maging matiyaga at magtiwala na matatanggap ninyo ang kailangan ninyo sa tamang panahon.
Gamitin ang inyong pinakamainam na paghatol. Kung minsan ay nais nating akayin tayo ng Espiritu sa lahat ng bagay. Gayunman, kadalasan ay nais ng Panginoon na gamitin natin ang katalinuhang bigay sa atin ng Diyos at kumilos tayo sa mga paraang naaayon sa ating lubos na nauunawaan. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:
“Ang hangaring maakay ng Panginoon ay isang kalakasan, pero kailangang may kasama itong pang-unawa na hinahayaan ng ating Ama sa Langit na tayo ang magdesisyon sa maraming pagpili natin. … Ang mga taong nag-iisip na ipabahala ang lahat ng desisyon sa Panginoon at humihingi ng paghahayag sa bawat pagpili ay malalagay sa katayuan na kung saan nagdarasal sila at humihingi ng gabay pero hindi ito natatanggap. …
“Dapat nating pag-aralan ito sa ating mga isipan. … Pagkatapos ay manalangin tayo para sa gabay at kumilos ayon dito. … Kung hindi tayo makatatanggap ng gabay, kailangang kumilos tayo ayon sa pinakamainam nating paghatol.”12
Pagtatapos na may Paanyaya
Bilang pagtatapos, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat maging mga pinagtipang taong may kaloob. Gayunpaman, mahalaga pa rin para sa bawat isa sa atin na hangaring gamitin ang ating mga espirituwal na kaloob at pagkatapos ay anyayahan at matutong tukuyin ang mga pahiwatig ng Espiritu. Ang apat na gabay na alituntunin na tutulong sa atin sa mahalagang espirituwal na gawaing ito ay:
-
Tumayo sa mga banal na lugar.
-
Makiisa sa mga banal na tao.
-
Patotohanan ang mga banal na katotohanan.
-
Makinig sa Espiritu Santo.
Ang kakayahan ninyong anyayahan at tukuyin ang mga pahiwatig ng Espiritu ay malilinang nang paunti-unti. “Ang pagiging mas nakaayon sa wika ng Espiritu ay parang pag-aaral ng ibang wika. Ito ay unti-unting proseso na nangangailangan ng masigasig at matiising pagsisikap.”13
Tulad ng nabanggit sa simula ng mensahe, alalahanin sana ninyo na bilang Banal sa mga Huling Araw, kayo ay may kaloob. Isipin ninyo ang pamilyar na tagpong ito sa Linggo ng ayuno, na inilarawan kamakailan sa akin. Isang batang musmos, na nakatayo sa isang bangkito, ang halos hindi na nakikita sa pulpito. Katabi niyang nakatayo ang kanyang ama na naghihikayat at pabulong na tumutulong habang ipinagmalalaki niyang sabihing, “Ako ay anak ng Diyos.”
Ang sumunod na patotoo ay nagmula sa isang young adult na kinakabahang nagsalita: “Sana may bumubulong din sa akin na katulad niyon.” Pagkatapos ay bigla siyang nakatanggap ng inspirasyon at nagpatotoo, “May bumubulong nga sa akin na katulad niyon—ang Espiritu Santo!”
Magtatapos ako sa paanyaya lalong-lalo na para sa lahat ng kabataan! Marami sa inyo ang sinisimulan ang araw sa pagtayo sa harap ng salamin. Bukas, sa linggong ito, sa taong ito, sa tuwina, tumigil sandali habang tinitingnan ninyo ang inyong sarili sa salamin. Isipin sa inyong sarili, o sabihin nang malakas kung gusto ninyo, “Aba, tingnan mo nga naman! Ako ay magaling! Anak ako ng Diyos! Kilala Niya ako! Mahal Niya ako! Ako ay may kaloob—kaloob na Espiritu Santo na makakasama ko sa tuwina!”
Idinaragdag ko ang aking patotoo sa inyong mga Banal sa mga Huling Araw na may kaloob, tungkol sa Diyos Ama, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa Kanila. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.