“Kabanata 3: Lesson 1—Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 3: Lesson 1,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 3: Lesson 1
Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Mula sa simula ng mundo, inihayag na ng Diyos ang kanyang ebanghelyo sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Noong unang panahon, inihayag ni Jesus ang ebanghelyo sa mga propetang tulad nina Adan, Noe, Abraham, at Moises. Pero tinanggihan ito ng maraming tao.
Dalawang libong taon na ang nakalipas, itinuro mismo ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo at itinatag ang Kanyang Simbahan. Kahit si Jesus ay tinanggihan ng mga tao. Hindi katagalan pagkatapos ng Kanyang kamatayan, nagkaroon ng laganap na pagtalikod mula sa katotohanan at Simbahan ng Panginoon. Ang kabuuan ng ebanghelyo at ang awtoridad ng priesthood ay nawala sa lupa.
Makalipas ang ilang daang taon, tumawag muli ang Diyos ng propeta, si Joseph Smith. Ipinanumbalik ng Diyos ang kaganapan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith at binigyan siya ng awtoridad na muling iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo.
Ang pagkakaroon ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ngayon dito sa lupa ay isa sa pinakamalalaking pagpapala sa ating panahon. Tinutulungan tayo ng ebanghelyo na masagot ang pinakamalalalim na tanong sa buhay. Ginagabayan tayo ng mga buhay na propeta sa mahihirap na panahon. Ang awtoridad ng priesthood ng Diyos ay muling narito sa lupa para pagpalain ang Kanyang mga anak.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang bahaging ito ay naglalaman ng isang simpleng balangkas na tutulong sa inyo na maghandang magturo. Kabilang din dito ang mga halimbawa ng mga tanong at paanyaya na magagamit ninyo.
Habang naghahanda kayong magturo, mapanalanging isaalang-alang ang sitwasyon at espirituwal na mga pangangailangan ng bawat tao. Magpasiya kung ano ang ituturo ninyo na pinakamakatutulong sa tinuturuan ninyo. Maghandang ipaliwanag ang mga kataga na maaaring hindi nauunawaan ng mga tao. Planuhin kung gaano karaming oras ang mayroon kayo, at tandaan na panatilihing maikli ang mga lesson.
Pumili ng mga banal na kasulatan na gagamitin ninyo sa pagtuturo. Ang bahaging “Pinagbatayang Doktrina” ng lesson ay naglalaman ng maraming makatutulong na banal na kasulatan.
Isipin kung ano ang mga itatanong ninyo habang kayo ay nagtuturo. Planuhin ang mga paanyayang ibibigay ninyo na maghihikayat sa bawat tao na kumilos.
Bigyang-diin ang mga ipinangakong pagpapala ng Diyos, at ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa itinuturo ninyo.
Ang Maaari Ninyong Ituro sa mga Tao sa Loob ng 15–25 Minuto
Pumili sa ibaba ng isa o higit pang alituntunin na ituturo ninyo. Ang pinagbatayang doktrina para sa bawat alituntunin ay makikita pagkatapos ng balangkas na ito.
Ang Diyos ay ang Ating Mapagmahal na Ama sa Langit
-
Ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit at tayo ay mga anak Niya. Nilikha Niya tayo sa Kanyang sariling wangis.
-
Kilala tayo ng Diyos nang personal at mahal Niya tayo.
-
Siya ay may niluwalhati at perpektong katawang may laman at buto.
-
Nais ng Diyos na pagpalain tayo ng kapayapaan at ganap na kagalakan sa buong kawalang-hanggan.
-
Dahil mahal tayo ng Diyos, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan.
Inihahayag ng Diyos ang Ebanghelyo sa Bawat Dispensasyon sa Pamamagitan ng mga Propeta
-
Ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta upang maging kinatawan Niya dito sa lupa.
-
Noong unang panahon, tumawag ang Diyos ng mga propetang tulad nina Adan, Noe, Abraham, at Moises.
-
Ang isang buhay na propeta ay tumatanggap ng paghahayag mula sa Diyos para turuan at gabayan tayo ngayon.
Ang Ministeryo sa Lupa at Pagbabayad-sala ni Jesucristo
-
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
-
Noong Kanyang ministeryo dito sa lupa, itinuro ni Jesus ang Kanyang ebanghelyo at itinatag ang Kanyang Simbahan.
-
Tumawag si Jesus ng labindalawang Apostol at binigyan Niya sila ng awtoridad na pamunuan ang Kanyang Simbahan.
-
Sa huling bahagi ng Kanyang buhay, si Jesus ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa sa Halamanan sa Getsemani at sa Pagpapako sa Krus. Pagkatapos mamatay ni Jesus, Siya ay nabuhay na mag-uli.
-
Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, tayo ay mapapatawad at malilinis mula sa ating mga kasalanan kapag tayo ay nagsisi. Maghahatid ito sa atin ng kapayapaan at gagawin nitong posible na makabalik tayo sa presensya ng Diyos at makatanggap ng ganap na kagalakan.
-
Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, lahat tayo ay muling mabubuhay pagkatapos nating mamatay. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli at mabubuhay nang walang-hanggan.
Ang Pagtalikod
-
Pagkatapos mamatay ng mga Apostol ni Jesus, nagkaroon ng laganap na pagtalikod sa ebanghelyo at sa Simbahan ni Jesucristo.
-
Sa panahong ito, binago ng mga tao ang marami sa mga turo ng ebanghelyo. Binago rin ng mga tao ang mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag. Ang awtoridad ng priesthood at ang Simbahan na itinatag ni Jesus ay nawala sa lupa.
Ang Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa Pamamagitan ni Joseph Smith
-
Nais malaman ni Joseph Smith kung aling simbahan ang tunay na Simbahan ng Diyos para makasapi siya rito. Nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesucristo noong 1820. Ang pangyayaring ito ay tinatawag na Unang Pangitain.
-
Tinawag ng Diyos si Joseph Smith na maging isang propeta, tulad ng mga propetang tinawag Niya noong unang panahon.
-
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith.
-
Ipinanumbalik ng mga sugo ng langit ang priesthood, at si Joseph ay binigyan ng awtorisasyon na iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo.
-
Patuloy na pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan ngayon sa pamamagitan ng mga propeta at apostol.
Ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo
-
Ang Aklat ni Mormon ay isang banal na kasulatan na isinulat noong unang panahon ng mga propeta sa lupain ng Amerika. Isinalin ito ni Joseph Smith sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
-
Kasama ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay sumasaksi sa ministeryo, mga turo, at misyon ni Jesus bilang ating Tagapagligtas.
-
Mapapalapit tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pagsunod sa mga tuntunin nito.
-
Malalaman natin na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa nito, pagninilay ng nilalaman nito, at pananalangin tungkol dito. Ang prosesong ito ay tutulong sa atin na malaman na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.
Manalangin para Malaman ang Katotohanan sa Pamamagitan ng Espiritu Santo
-
Ang panalangin ay ang paraan ng komunikasyon sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak kung saan kapwa sila nakikipag-usap sa isa’t isa.
-
Sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, malalaman natin na totoo ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Kapag tayo ay nanalangin, ituturo at pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan sa atin.
Mga Maaari Ninyong Itanong sa mga Tao
Ang sumusunod na mga tanong ay mga halimbawa ng maaari ninyong itanong sa mga tao. Ang mga tanong na ito ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng makabuluhang mga pag-uusap at maunawaan ang mga pangangailangan at pananaw ng mga tao.
-
Ano ang pinaniniwalaan ninyo tungkol sa Diyos?
-
Paano kayo matutulungan ng pagkakaroon ng pakiramdam na malapit kayo sa Diyos?
-
Ano ang alam ninyo tungkol kay Jesucristo? Paano nakaimpluwensya sa inyo ang Kanyang buhay at mga turo?
-
Paano kayo nakakahanap ng mapagkakatiwalaang sagot sa nakakalitong mundo ngayon?
-
Paano kaya makakatulong sa inyo ang kaalamang mayroong isang buhay na propeta sa mundo ngayon?
-
Narinig na ba ninyo ang tungkol sa Aklat ni Mormon? Maaari ba naming ibahagi kung bakit ito mahalaga?
-
Maaari ba ninyong ibahagi ang mga paniniwala ninyo tungkol sa panalagin? Maaari ba naming ibahagi ang mga paniniwala namin tungkol sa panalagin?
Mga Paanyayang Maaari Ninyong Ibigay
-
Hihilingin ba ninyo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin na tulungan kayong malaman kung totoo ang itinuro namin? (Tingnan sa “Tulong sa Pagtuturo: Panalangin” sa huling bahagi ng lesson na ito.)
-
Magsisimba ba kayo kasama namin ngayong Linggo para mas matutuhan ninyo ang mga itinuro namin?
-
Babasahin ba ninyo ang Aklat ni Mormon at mananalangin para malaman na ito ay salita ng Diyos? (Maaari kayong magmungkahi ng partikular na mga kabanata o talata.)
-
Susundin ba ninyo ang halimbawa ni Jesus at magpapabinyag? (Tingnan ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma,” na nasa naunang lesson.)
-
Maaari ba tayong mag-iskedyul ng susunod naming pagbisita?
Pinagbatayang Doktrina
Ang bahaging ito ay nagbibigay ng doktrina at mga banal na kasulatan na mapag-aaralan ninyo para lumago ang inyong kaalaman at patotoo sa ebanghelyo at para matulungan kayong magturo.
Ang Diyos ay ang Ating Mapagmahal na Ama sa Langit
Ang Diyos ay ang ating Ama sa Langit at tayo ay mga anak Niya. Nilikha Niya tayo sa Kanyang sariling wangis. Siya ay may niluwalhati at perpekong “katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao” (Doktrina at mga Tipan 130:22).
Kilala tayo nang personal ng Diyos at mahal Niya tayo nang higit kaysa kaya nating unawain. Nauunawan Niya ang ating mga pagsubok, kalungkutan, at kahinaan, at nag-aalok Siya na tulungan tayo sa mga ito. Nagagalak Siya sa ating pag-unlad at tutulungan Niya tayong piliin ang tama. Nais Niyang makipag-ugnayan sa atin, at maaari tayong makipag-ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin.
Ibinigay ng Diyos sa atin ang karansang ito sa lupa upang tayo ay matuto, umunlad, at maging higit na katulad Niya. Nang may ganap na pagmamahal, nais Niyang makabalik tayo sa Kanya pagkamatay natin. Gayunman, hindi natin ito magagawang mag-isa. Dahil mahal tayo ng Diyos, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tubusin tayo. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, … upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” (Juan 3:16–17).
Nais ng Diyos na pagpalain tayo ng kapayapaan at ganap na kagalakan sa buong kawalang-hanggan. Naglaan Siya ng plano na magbibigay sa atin ng oportunidad na matanggap ang mga pagpapalang ito. Ang planong ito ay tinatawag na plano ng kaligtasan (tingnan sa lesson 2).
Inihahayag ng Diyos ang Ebanghelyo sa Bawat Dispensasyon sa Pamamagitan ng mga Propeta
Ang mga Propeta ay mga Kinatawan ng Diyos sa Lupa
Ang isang mahalagang paraan na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa atin ay sa pamamagitan ng pagtawag ng mga propeta, pagbibigay sa kanilang ng awtoridad ng priesthood, at pagbibigay ng inspirsayon sa kanila na magsalita para sa Kanya. Ang mga Propeta ay mga kinatawan ng Diyos sa lupa. Sinabi ng propeta sa Lumang Tipan na si Amos, “Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7). Ang ilan sa mga pagpapalang natatanggap natin mula sa mga buhay na propeta ay nakabalangkas sa ibaba.
Mga Saksi ni Jesucristo. Ang mga propeta ay espesyal na mga saksi ni Jesucristo, na nagpapatotoo na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos.
Mga Turo. Ang mga propeta ay nakatatanggap ng mga tagubilin mula sa Diyos para tulungan tayong malaman ang katotohanan sa kamalian. Tinuturuan nila tayong sundin ang mga kautusan ng Diyos at magsisi kapag tayo ay nagkulang. Kinukondena nila ang kasalanan at nagbababala sa mga ibubunga nito.
Ang mga turo ng mga propeta ay naglalapit sa atin sa Diyos at tinutulungan tayong matanggap ang mga pagpapalang nais Niya para sa atin. Ang ating lubos na kaligtasan ay nakasalalay sa pagsunod sa salitang ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Awtoridad ng Priesthood. Ang kasalukuyang propeta ay ang namumunong mayhawak ng priesthood sa buong mundo. Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ang propeta ay mayroong awtoridad na magsalita at kumilos sa ngalan ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak.
Patnubay sa Simbahan. Ang Simbahan ni Jesucristo ay itinayo sa pundasyon ng mga propeta at mga apostol (tingnan sa Efeso 2:19–20; 4:11–14).
Mga Propeta Noong Unang Panahon
Si Adan ang unang propeta sa lupa. Inihayag ng Diyos ang ebanghelyo ni Jesucristo kay Adan at binigyan siya ng awtoridad ng priesthood. Itinuro nina Adan at Eva sa kanilang mga anak ang katotohanang ito at hinikayat silang magkaroon ng pananampalataya at ipamuhay ang ebanghelyo.
Kalaunan, ang mga inapo nina Adan at Eva ay naghimagsik at tinalikuran ang ebanghelyo. Ito ay humantong sa kalagayang tinatawag na apostasiya, o pagtalikod. Kapag nagkaroon ng laganap na apostasiya, inaalis ng Diyos ang Kanyang awtoridad ng priesthood, na kailangan sa pagtuturo at pangangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo.
Naitala sa Lumang Tipan ang maraming pagkakataon na nangyari ang laganap na apostasiya. Para mawakasan ang mga panahong ito, nakipag-ugnayan ang Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng isa pang propeta. Muli Niyang inihayag ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga propetang ito at binigyan sila ng awtoridad ng priesthood. Ang ilan sa mga propetang ito ay sina Noe, Abraham, at Moises. Nakalulungkot na sa pagdaan ng panahon, paulit-ulit na tinanggihan ng mga tao ang mga propeta at tumalikod.
Ang Ministeryo sa Lupa at Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala ay sentro sa plano ng Diyos para sa atin. Kasama sa Kanyang Pagbabayad-sala ang Kanyang paghihirap sa Halamanan ng Getsemani, ang Kanyang pagdurusa at pagkamatay sa krus, at ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
Mula sa panahon nina Adan at Eva, inaabangan na ng mga tao ang pagparito ni Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas at Manunubos. Isinugo ng Ama sa Langit si Jesus sa lupa mahigit 2,000 taon na ang nakalipas.
Namuhay Siya nang perpekto at walang kasalanan. Itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo at itinatag ang Kanyang Simbahan. Siya ay tumawag ng Labindalawang Apostol at binigyan sila ng awtoridad ng priesthood na magturo at magsagawa ng mga sagradong ordenansa na tulad ng binyag. Binigyan Niya rin sila ng awtoridad na pamunuan ang Kanyang Simbahan.
Sa huling bahagi ng Kanyang buhay, si Jesus ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa Pagpapako sa Kanya sa Krus. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, malilinis tayo sa ating mga kasalanan kapag nagsisi tayo. Ginagawa nitong posible na tayo ay makabalik sa piling ng Diyos at makatanggap ng ganap na kagalakan.
Pagkatapos ipako sa krus si Jesus, Siya ay nabuhay na mag-uli, at nadaig Niya ang kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama sa Langit. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos natin mamatay. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli, at bawat isa sa atin ay mabubuhay nang walang-hanggan na may perpekto at nabuhay na mag-uling katawan. (Tingnan sa “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” sa lesson 2.)
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 58).
Ang Pagtalikod
Pagkatapos mamatay ni Jesucristo, sinikap ng Kanyang mga Apostol na panatilihing dalisay ang doktrina ni Cristo at mapanatili ang kaayusan sa Simbahan. Gayunman, maraming miyembro ng Simbahan ang tumalikod sa mga Apostol at sa doktrinang itinuro ni Jesus.
Pagkatapos patayin ang mga Apostol, nagkaroon ng laganap na pagtalikod sa ebanghelyo at Simbahan ni Jesucristo. Ang pagtalikod na ito ay tinatawag kung minsan na Malawakang Apostasiya. Dahil dito, kinuha ng Diyos ang awtoridad ng priesthood mula sa lupa. Nawala rin kasama nito ang awtoridad na kinakailangan para mapamunuan ang Simbahan. Bilang resulta, nawala sa lupa ang Simbahang itinatag ni Cristo.
Sa panahong ito, binago ng mga tao ang marami sa mga turo ng ebanghelyo. Marami sa kaalaman tungkol sa tunay na katangian ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng Espiritu Santo ay binago o nawala. Binago rin ng mga tao ang mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag.
Makalipas ang daan-daang taon, ang mga kalalakihan at kababaihan na naghahanap ng katotohanan ay nagsikap na repormahin ang mga turo at kaugalian na binago. Naghangad sila ng dagdag na espirituwal na liwanag, at ang ilan sa kanila ay nagsabing kailangang maibalik ang katotohanan. Ang mga pagsisikap nila ay humantong sa pagkabuo ng maraming simbahan.
Ang panahong ito ay nagresulta sa dagdag na pagbibigay-diin sa kalayaang panrelihiyon, na nagbigay-daan para sa pagpapanumbalik ng katotohanan at awtoridad mula sa Diyos.
Ipinropesiya ng mga propeta at apostol ang pagtalikod (tingnan sa 2 Tesalonica 2:1–3). Ipinropesiya rin nila na ang ebanghelyo at Simbahan ni Jesucristo ay ipanunumbalik sa lupa (tingnan sa Mga Gawa 3:20–21). Kung walang nangyaring pagtalikod, hindi kakailanganin ang pagpapanumbalik.
Ang Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa Pamamagitan ni Joseph Smith
Ang Unang Pangitain at ang Tungkulin ni Joseph Smith bilang Propeta
Sa loob ng daan-daang taon na wala sa lupa ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang Ama sa Langit ay patuloy na nakipag-ugnayan sa Kanyang mga anak. Sa paglipas ng panahon, naghanda Siya ng paraan para muli nilang matanggap ang mga pagpapala ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo. Noong tama na ang panahon, tinawag Niya si Joseph Smith na maging propeta na siyang magiging daan para maipanumbalik ang ebanghelyo at Simbahan ni Jesucristo.
Si Joseph Smith ay namuhay sa silangang Estados Unidos sa panahon ng matinding kasabikan sa relihiyon. Ang kanyang pamilya ay sumasampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan. Marami sa mga simbahan ang nagsasabing nasa kanila ang katotohanan, at ninais ni Joseph na malaman kung alin sa kanila ang tama (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:18). Itinuro ng Biblia na may “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo” (Efeso 4:5). Habang dinadaluhan ni Joseph ang iba’t ibang simbahan, nalito siya kung alin sa mga ito ang dapat niyang salihan. Kalaunan ay sinabi niya:
“Napakalaki ng kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta, na hindi maaari para sa isang tao na kasimbata ko … na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali. …
“Sa gitna nitong labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka, madalas kong sabihin sa aking sarili: Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:8, 10).
Tulad ng maraming tao, si Joseph Smith ay mayroong mga tanong tungkol sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa. Nais niyang mapatawad sa kanyang mga kasalanan at maging malinis sa harapan ng Diyos. Habang naghahanap siya ng katotohanan sa iba’t ibang simbahan, nabasa niya ang Biblia, “kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya” (Santiago 1:5).
Dahil sa talatang ito, naisip ni Joseph na magtanong sa Diyos kung ano ang dapat niyang gawin. Noong tagsibol ng 1820, nagtungo si Joseph sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at lumuhod at nanalangin. Mayroong apat na tala ng pangitain na nangyari, na itinala ni Joseph Smith o ng ibang tagasulat sa ilalim ng kanyang pamamahala (tingnan sa Gospel Topics Essays, “Mga Salaysay tungkol sa Unang Pangitain”). Sa tala na naging bahagi ng banal na kasulatan, ganito niya inilarawan ang kanyang karanasan:
“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin. … Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).
Sa pangitaing ito ay nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, kay Joseph Smith. Sinabi ng Tagapagligtas kay Joseph na huwag sumapi sa alinman sa mga simbahan.
Sa isa pang tala tungkol sa pangitaing ito, ibinahagi ni Joseph na sinabi rin sa kanya ng Tagapaglitas: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na. … Masdan, ako ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ipinako ako sa krus para sa sanlibutan nang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Pagkatapos ng pangitain, sinabi ni Joseph, “Ang aking kaluluwa ay napuspos ng pagmamahal, at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan at napasaakin ang Panginoon” (Joseph Smith History, circa Summer 1832, 3, josephsmithpapers.org; ang baybay at mga bantas ay ginawang makabago).
Sa pamamagitan ng pangitaing ito, si Joseph Smith ay naging saksi ni Jesucristo at natutuhan niya ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos. Halimbawa, natutuhan niya na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay magkahiwalay na katauhan. Nang tinawag Nila siya sa kanyang pangalan, natutuhan niya na kilala Nila siya nang personal. Nang sinabihan si Josepn na napatawad na ang kanyang mga kasalanan, natutuhan niya na ang Diyos ay mahabagin. Napuspos siya ng kagalakan ng karanasang ito.
Tulad ng ginawa ng Diyos sa mga propeta noong unang panahon, tinawag Niya si Joseph Smith na maging propeta na siyang magiging daan para maipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo sa lupa. Ang pagpapanumbalik na ito ay tutulong sa mga anak ng Diyos na magkaroon ng kagalakan sa mundong ito at buhay na walang hanggan sa mundong darating—sa pamamagitan ni Jesucristo.
Ang Pagpapanumbalik ng Priesthood at mga Susi ng Priesthood
Matapos magpakita ang Ama at ang Anak, ipinadala ang iba pang mga sugo ng langit kay Joseph Smith at sa kanyang kasamang si Oliver Cowdery. Si Juan Bautista ay nagpakita bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood at ang mga susi nito. Kasama sa Aaronic Priesthood ang awtoridad na magbinyag.
Hindi nagtagal ay nagpakita naman sina Pedro, Santiago, at Juan—tatlo sa orihinal na mga Apostol ni Cristo—bilang mga nabuhay na mag-uling nilalang at iginawad kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Melchizedek Priesthood at mga susi nito. Ang priesthood na ito ay ang kaparehong awtoridad na ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga Apostol noong unang panahon.
Sa Kirtland Temple, nagpakita naman kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sina Moises, Elias, at Elijah at ipinagkaloob sa kanila ang karagdagang mga awtoridad at mga susi ng priesthood na kinakailangan upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Iginawad ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. Iginawad ni Elias ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham. Iginawad ni Elijah ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk, 3.1.)
Pag-organisa ng Simbahan
Inatasan si Joseph Smith na muling iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Sa pamamagitan niya, tumawag si Jesucristo ng labindalawang Apostol.
Ang mga propeta sa panahon ng Biblia ay tinawag ang ating panahon ngayon bilang mga huling araw. Ito ang panahon bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ito ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay pinangalanan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 115:3–4; tingnan din sa 3 Nephi 27:3–8).
Mga Buhay na Propeta at Apostol Ngayon
Tulad ng pagtawag ni Jesus ng mga Apostol noong Kanyang ministeryo dito sa lupa para pamunuan ang Kanyang Simbahan, Siya ay tumawag din ng mga Apostol para pamunuan ang Kanyang Simbahan ngayon. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
Tanging ang senior na Apostol lamang ang tinatawag na propeta dahil siya ang namumuno sa buong Simbahan at siya lamang ang may natatanging awtorisasyon na magsalita para sa Panginoon. Siya ang awtorisadong kahalili ni Joseph Smith. Matutunton niya at ng kasalukuyang mga Apostol ang kanilang awtoridad kay Jesucristo sa isang tuluy-tuloy na ordinasyong nagsimula noong inordenan si Joseph Smith sa ilalim ng mga kamay ng mga sugo ng langit.
Ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo
Ang Aklat ni Mormon ay isang sinaunang banal na kasulatan na kahalintulad ng Biblia. Ang Biblia ay isang saksi ni Jesucristo, at ang Aklat ni Mormon ay pangalawang saksi ng Kanyang ministeryo, Kanyang mga turo, at Kanyang misyon bilang ating Tagapagligtas.
Si Joseph Smith ay itinuro ng isang sugo ng langit na nagngangalang Moroni sa isang burol kung saan nakabaon ang isang sinaunang talaan sa loob ng daan-daang taon. Ang talaang ito na nakaukit sa mga laminang ginto (maninipis na pahina ng ginto), ay naglalaman ng kasulatan ng mga propeta tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa ilang mga naninirahan noong unang panahon sa lupain ng Amerika. Isinalin ni Propetang Joseph Smith ang talaang ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
Alam ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa misyon ni Jesucristo at itinuro nila ang Kanyang ebanghelyo. Matapos mabuhay na mag-uli si Jesus, Siya ay nagpakita sa mga taong ito at personal na nagministeryo sa kanila. Tinuruan Niya sila at itinatag ang Kanyang Simbahan.
Tinutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos habang inaaral, inuunawa, at ipinamumuhay natin ang mga turo nito. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na “ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin [ng aklat na ito], nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 74).
Para malaman na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, kailangang basahin natin ito, pagnilayan ang nilalaman nito, at ipanalangin ito. Ang isang propeta sa Aklat ni Mormon ay nangako na ihahayag ng Diyos sa atin ang katotohanan ng aklat na ito kapag tayo ay nanalangin nang may matapat na puso, may tunay na layunin, at may pananampalataya kay Cristo (tingnan sa Moroni 10:3–5). Ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay mahalaga para sa tunay at nagtatagal na pagbabalik-loob.
Kapag binasa natin ang Aklat ni Mormon at ipinanalangin natin ito, matututuhan natin ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na magpapala sa ating buhay. Malalaman din natin na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at na ang ebanghelyo at Simbahan ni Jesucristo ay ipinanumbalik sa pamamagitan niya.
“Ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon” (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62-63).
Manalangin para Malaman ang Katotohanan sa Pamamagitan ng Espiritu Santo
Dahil ang Diyos ay ating Ama, tutulungan Niya tayong malaman ang katotohanan. Malalaman natin na totoo ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo kapag binasa natin ang Aklat ni Mormon at nanalangin tayo sa Diyos. Kapag nanalangin tayo nang may pananampalataya at tunay na layunin, sasagutin Niya ang ating mga tanong at gagabayan Niya ang ating buhay.
Kadalasang sinasagot ng Diyos ang ating mga tanong sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kapag tayo ay nanalangin, ituturo at pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan. Makapangyarihan ang mga pahiwatig sa atin ng Espiritu Santo. Dumarating ang mga ito bilang tahimik na kapanatagan sa ating damdamin, isipan, at mga impresyon (tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12; Helaman 5:30; Doktrina at mga Tipan 8:2).
Ang patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan (lalo na ng Aklat ni Mormon), pagdalo sa sacrament meeting linggu-linggo, at taos-pusong pananalangin ay tutulong sa atin na madama ang kapangyarihan ng Espiritu Santo at matuklasan ang katotohanan.
Balangkas ng Maikli hanggang Katamtamang Haba ng Lesson
Ang sumusunod na balangkas ay isang halimbawa ng maaari ninyong ituro sa isang tao kung kakaunti lamang ang inyong oras. Kapag ginagamit ito, pumili ng isa o higit pang alituntunin na ituturo ninyo. Ang pinagbatayang doktrina para sa bawat alituntunin ay naibigay na sa simula ng lesson.
Habang nagtuturo kayo, magtanong at makinig. Magbigay ng mga paanyaya na tutulong sa mga tao na matuto kung paano mas mapalapit sa Diyos. Ang isang mahalagang paanyaya ay ang muling makipagkita sa inyo ang tao. Ang haba ng lesson ay nakadepende sa mga itatanong ninyo at sa inyong pakikinig.
Ang Maaari Ninyong Ituro sa mga Tao sa Loob ng 3–10 Minuto
-
Ang Diyos ang ating Ama sa Langit, at nilikha Niya tayo sa Kanyang wangis. Kilala Niya tayo nang personal at mahal Niya tayo. Nais ng Niya na pagpalain tayo ng kapayapaan at ganap na kagalakan sa buong kawalang-hanggan.
-
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Ang Kanyang misyon ay gawing posible na malinis tayo mula sa ating mga kasalanan, mapagtagumpayan natin ang kamatayan, at makatanggap tayo ng buhay na walang hanggan.
-
Ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta upang maging kinatawan Niya dito sa lupa. Noong unang panahon, Siya ay tumawag ng mga propetang tulad nina Adan, Noe, Abraham, at Moises. Ang isang buhay na propeta ay nakatatanggap ng paghahayag mula sa Diyos para turuan at gabayan tayo ngayon.
-
Noong nagministeryo si Jesus sa lupa, itinatag Niya ang Kanyang Simbahan. Pagkatapos mamatay ng mga Apostol ni Jesus, nagkaroon ng laganap na pagtalikod sa ebanghelyo at sa Simbahan ni Jesucristo. Binago ng mga tao ang marami sa mga turo ng ebanghelyo at ang mga ordenansa ng priesthood.
-
Tinawag ng Diyos si Joseph Smith na maging isang propeta, tulad ng mga propetang tinawag Niya noong unang panahon. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpakita sa kanya. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik sa pamamagitan niya.
-
Ang Aklat ni Mormon ay isang aklat ng banal na kasulatan. Tulad ng Biblia, ito ay isa pang tipan ni Jesucristo na tutulong sa atin na mas mapalapit sa Diyos habang binabasa natin ito at ipinamumuhay ang mga turo nito. Isinalin ito ni Joseph Smith sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
-
Sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin, maaari nating makausap ang Diyos. Malalaman natin na totoo ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.