Kabanata 19
Mag-ukol ng Panahon Upang Maging Banal
Paano ang gagawin natin sa araw-araw upang espirituwal na mapakain ang ating sarili?
Pambungad
Madalas na ituro ni Pangulong Harold B. Lee ang kahalagahan ng espirituwal na pangangalaga sa ating sarili. Sinabi niya na ang katawan natin ay maihahambing sa mga kutang tanggulan (fortress) na kailangang palaging tustusan ng pangangailangan upang manatili itong malakas sa sandaling sumalakay ang kalaban.
“Ang mga kalaban ng inyong sariling ‘kutang tanggulan’ ay kapwa pisikal at espirituwal,” paliwanag niya. Maaaring kabilang dito ang “di-inaasahang kalungkutan, kahihiyan ng pamilya, dagok sa inyong pananalapi, [kataksikan] ng isang itinuturing na kaibigan, o lihim na paglabag sa mga batas ng Diyos.” Kapag nagaganap ang ganito sa ating buhay, kailangan natin ng “karagdagang panustos mula sa ating espirituwal na pinagkukunan. … Kung wala na kayong kaugnayan sa Simbahan dahil sa kapabayaan at nabawasan ang inyong pananampalataya sa Diyos, kung hindi ninyo naunawaan sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkatuto ang paraan ng kapatawaran ng inyong kasalanan, o hindi ninyo nakamtan sa pamamagitan ng panalangin ang pang-unawa sa katiyakan ng gantimpala sa mga sakripisyo at pagdurusa, kung gayon ay nawalay kayo sa espirituwal na patnubay at ang lakas na kailangan ng inyong kaluluwa ay naubos na. … Ang inyong kutang tanggulan ay tiyak nang mabibihag ng mga puwersa ni Satanas. Sa gayo’y tulad kayo ng taong mangmang na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan, at nang dumating ang mga unos ay kakila-kilabot ang pagbagsak nito. [Tingnan sa Mateo 7:24–27.]
“Kung kaya sumasamo ako sa inyo … na mamuhay nang maayos sa araw-araw upang makatanggap kayo mula sa bukal ng liwanag [ng] sapat na pangangalaga at lakas sa araw-araw na pangangailangan. Mag-ukol ng panahon upang maging banal sa bawat araw ng inyong buhay.”1
Mga Turo ni Harold B. Lee
Paano natin mapangangalagaan ang espiritu?
Sa loob ng bawat isa sa inyo ay may nananahan na espiritu na kamukhang-kamukha ng kabuuan ng inyong katawang pisikal. Upang mapanatili ang lakas at lusog ng inyong katawang pisikal, kailangan itong bigyan ng pagkain at inumin tuwi-tuwina. Ang bawat pangunahing selula ng inyong katawan ay kailangang konektado sa ugat upang mapanatili ang mahahalagang proseso ng buhay. Ang di pagpapanatili ng mga koneksiyong ito sa ugat o di pagtustos ng kailangang pagkain ay nagdudulot ng panghihina, pagtigil sa pag-unlad, karamdaman at sa huli’y kamatayan ng katawang pisikal.
Ang inyong katawang espirituwal ay nangangailangan ng pagkain sa tuwi-tuwina upang matiyak na malusog at malakas ito. Hindi matutugunan ng pagkain ng mundo ang pangangailangang ito. Ang pagkaing makatutugon sa inyong mga espirituwal na pangangailangan ay dapat magmula sa mga espirituwal na mapagkukunan. Ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan, na nakapaloob sa ebanghelyo, at ang angkop na ehersisyo sa pamamagitan ng pakikisali sa mga espirituwal na gawain ay kailangan upang mabigyang-kasiyahan ang espiritu. Ang mahahalagang proseso ng espiritu ay pinananatili din sa pamamagitan lamang ng matalinong koneksiyon sa mga espirituwal na bukal ng katotohanan. Ang espirituwal na karamdaman at kamatayan, na nangangahulugan ng pagkawalay sa espirituwal na liwanag, ang tiyak na kasunod ng pagkawala ng inyong koneksiyon sa espirituwal na sentrong ugat, ang Simbahan ni Jesucristo.2
Napagbubuti natin ang ating espiritu sa pamamagitan ng pagsasanay. … Kailangan nating sanayin ang ating espiritu nang may pag-iingat tulad ng pagsasanay natin sa ating katawang pisikal, upang ganap tayong umunlad. Kailangan ng ating espiritu ang ehersisyo araw-araw sa pamamagitan ng panalangin, sa paggawa nang mabuti araw-araw, sa pagbabahagi sa iba. Kailangan nating pakainin ang ating espiritu araw-araw sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, ng [gabing pantahanan ng mag-anak], ng pagdalo sa mga pulong, ng pagtanggap ng sakramento. Kailangan nating iwasan ang masasamang epekto na dumarating sa ating buhay kapag nalalabag natin ang isa sa mga utos ng Diyos. Ito’y parang lason sa ating katawang espirituwal. …
Ang mga pagsusuri sa ating espiritu ay dumarating kapag nakakaharap natin ang mga espirituwal na doktor ng Diyos—ang ating mga obispo, ating mga pangulo ng istaka, at paminsanminsan ang mga Pangkalahatang Awtoridad sa mga panayam na palaging isinasagawa sa layuning tumulong sa paghahanda sa atin para sa espirituwal na pagsulong. Kailangan minsan, bilang resulta ng mga panayam na ito, na may isagawang ilang malalaking operasyon sa ating espiritu.3
Ang lahat ng labag sa kalooban ng Diyos ay tulad din ng lason sa inyong buhay espirituwal at kailangang talikuran tulad ng pagiwas ninyo sa mga may tatak na lason sa mga lagayan ninyo ng gamot sa tahanan.4
Sinisikap ng taong matwid na pagbutihin ang kanyang sarili dahil alam niyang kailangan niyang pagsisihan araw-araw ang kanyang mga pagkakamali o kapabayaan. Hindi siya gaanong nababagabag sa kung ano ang makukuha niya kundi higit sa kung gaano ang maibibigay niya sa iba, dahil alam niyang tanging sa landas na iyon niya matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Sinisikap niyang gawin ang pinakamabuti sa araw-araw upang sa pagtatapos ng gabi ay mapatunayan niya sa kanyang kaluluwa at sa kanyang Diyos na lahat ng ginawa niya sa araw na iyon ay ginawa niya sa abot ng kanyang makakaya.5
Paano napangangalagaan ang espiritu ng pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath?
Ang Linggo ay hindi lamang araw ng pamamahinga mula sa mga karaniwang pang-araw-araw na gawain. Hindi ito dapat ituring lamang na araw ng pagiging batugan at katamaran o kaya’y para sa kasiyahan at pagpapalayaw sa sarili. Ito’y araw ng piging para sa ating katawang espirituwal. Ang lugar sa espirituwal na piging ay sa bahay ng pagsamba. Dito’y matatagpuan ninyo ang pakikipagkapatiran sa mga taong tulad ninyo’y naghahangad din ng espirituwal na pagkain. Sama-sama kayong aawit at maguukol ng panalangin sa Kataas-taasan, at tatanggap ng banal na sakramento bilang paggunita sa inyong mga tungkulin bilang anak ng Diyos dito sa mortalidad at sa pag-alaala sa pagbabayadsala ng Tagapagligtas at upang muling mangako ng inyong katapatan sa kanyang pangalan. …
Maging sa tahanan man o sa simbahan, ang inyong kaisipan at kilos ay dapat palaging naaayon sa diwa at layunin ng Sabbath. Ang mga lugar ng libangan at aliwan, bagamat sa mga tamang pagkakataon ay nakatutugon sa pangangailangan, ay hindi naaayon sa espirituwal na pag-unlad. Ang gayong mga lugar ay hindi magpapanatili sa inyong “walang-bahid-dungis mula sa sanlibutan” at sa halip ay ipagkakait nito sa inyo ang “kabuuan ng mundo” na ipinangako sa mga sumusunod sa batas ng Sabbath. [Tingnan sa D at T 59:9, 16.] Kayo na naging ugali na ang paglabag sa Sabbath, sa kabiguan ninyong “panatilihin itong banal,” ay nawawalan ng kaluluwang puno ng kagalakan bilang kapalit ng kaunting kasiyahan. Masyado ninyong binibigyang-pansin ang inyong mga pisikal na hangarin bilang kapalit ng inyong espirituwal na kalusugan. Ipinakikita kaagad ng mga lumalabag sa Sabbath ang mga palatandaan ng paghina ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapabaya sa kanilang araw-araw na panalangin ng maganak, sa paghahanap ng kamalian, sa hindi pagbabayad ng kanilang mga ikapu at mga handog. Ang gayong tao na nagsisimula nang magdilim ang isipan dahil sa espirituwal na pagkagutom ay nagsisimula na ring magkaroon ng mga pag-aalinlangan at takot na siyang dahilan ng kanyang pagiging di-karapat-dapat sa espirituwal na pagkatuto o pagsulong sa kabutihan. Ito ang mga palatandaan ng espirituwal na panghihina at espirituwal na karamdaman na magagamot lamang ng wastong pagpapakain sa espiritu.
Nawa’y huwag nating hangarin na bilang karagdagan sa ating mga gawain sa pagsamba sa Araw ng Panginoon ay mabawasan din ang nakayayamot na gawain sa tahanan, at sa labas ng tahanan lamang gawin ang mahahalagang gawain. Gawin itong araw na may panalangin at taimtim na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng iba pang mabubuting aklat. Habang napupuno ng kagalakan sa Sabbath, sumulat ng liham sa inyong kasintahan o sa mahal sa buhay o kaibigan na nasa malayo na maaaring nangangailangan ng inyong espirituwal na kalakasan. Gawing lugar ng pag-aawitan at pagtugtog ng magagandang musika na naaayon sa diwa ng araw na iyon ang inyong mga tahanan. Sa pagtatapos ng gabi habang nagtitipon kayong pamilya o kasama ang mga kaibigan, talakayin ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo at tapusin ito sa pamamagitan ng panalangin ng mag-anak. Napag-alaman ko batay sa aking karanasan na ang paramdam ng konsiyensiya sa matapat na miyembro ng Simbahan ang pinakaligtas na palatandaan ng kung ano ang labag sa diwa ng pagsamba sa Araw ng Sabbath.
… Ngunit huwag ninyong akalain na ang mahigpit na pagtupad sa batas ng Sabbath lamang ay sapat na upang panatilihing malusog ang inyong espiritu. Ang bawat araw ng linggo ay kailangang magbigay ng pagkain sa inyong espiritu. Ang mga lihim at pangmag-anak na panalangin, ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagmamahalan sa inyong tahanan at ang araw-araw na di-makasariling paglilingkod sa iba ay tulad ng tinapay na mula sa langit na magpapakain sa inyong kaluluwa. Ang pagdaraos ng lingguhang Gabing Pantahanan ng Mag-anak ay isa pang malakas na puwersa sa kabutihan sa tahanan. …
Kung kaya sumasamo ako sa inyo na huwag ipagkait sa inyong espiritu ang mahalagang kalakasan na iyon sa pamamagitan ng paglabag sa Araw ng Sabbath, sa halip ay taos-puso ko kayong hinihimok na mamuhay nang karapat-dapat sa bawat araw upang makatanggap kayo mula sa bukal ng liwanag, ng sapat na pangangalaga at kalakasan sa araw-araw na pangangailangan.6
Paano tayo espirituwal na nabibiyayaan ng pag-aayuno at pagbabayad ng handog mula sa ayuno?
Tinanong ko ang sarili ko, “Ano ang batas ng pag-aayuno?” at nakita kong ipinaliwanag ito ni Pangulong Joseph F. Smith sa mga salitang ito na sa palagay ko ay binigyan ng higit na napakainam na pakahulugan:
“Samakatwid ay tungkulin ng bawat Banal sa mga Huling Araw na ibigay sa kanyang obispo, sa araw ng ayuno, ang pagkain na kakainin sana niya at ng kanyang pamilya sa araw na iyon, upang maibigay ito sa mga maralita para sa kanilang kapakinabangan at pagpapala; o kaya, bilang kapalit ng pagkain, ang halagang katumbas nito, o, kung mayaman naman ang tao, ang bukas-palad na donasyon, sa salapi, ay dapat itabi at ilaan sa mga maralita.” [Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 243.]
Matapos iyon ay tinanong ko ang aking sarili, “Ano ang mga pagpapalang ipinangako sa atin ng Panginoon dahil sa pagaayuno at pagbabayad ng handog mula sa ayuno?” Ibinigay sa akin ni Pangulong [Heber J.] Grant sa isang pahiwatig na nakatala, ang mga sagot na ito: una, ang pinansiyal na pagpapala at kasunod nito, ang espirituwal. Ito ang sabi niya, hinggil sa pinansiyal na pagpapala:
“Hayaan ninyong ipangako ko sa inyo ngayong araw na ito na kung mula sa araw na ito ang mga Banal sa mga Huling Araw ay buong katapatan at may-kaalamang susundin ang buwanang pag-aayuno at babayaran sa kamay ng kanilang mga obispo ang totoong halaga na gagastusin sana nila sa pagkain ng dalawang kainan na kanilang ipinagpaliban … ay mapapasaatin ang lahat ng salaping kailangan upang mapangalagaan ang lahat ng tamad at mga maralita.” [Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 123.]
Ito naman ang sabi niya hinggil sa mga espirituwal na pagpapala:
“Ang bawat nabubuhay na kaluluwa sa mga Banal sa mga Huling araw na nag-aayuno sa loob ng dalawang kainan minsan sa isang buwan ay magkakaroon ng espirituwal na pakinabang at magkakaroon ng pananampalataya sa ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo—espirituwal na makikinabang sa kagilagilalas na paraan.” [Gospel Standards, 123.]
Habang binabasa ko ang pahayag na iyon, naalala ko ang sinabi ng Propetang Isaias hinggil sa mga pagpapalang darating sa taong mag-aayuno at magbabahagi ng tinapay sa nagugutom. … Narito ang apat na kagila-gilalas na mga espirituwal na pangako na ginawa ng Panginoon sa mga mag-aayuno at magbabahagi ng kanilang tinapay sa mga nagugutom; batay sa nakasulat sa Isaias, ang unang pangako:
“Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.”
Pagkatapos ay nangako ang Panginoon:
“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako.”
At muling nangako ang Panginoon:
“At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo’y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat.”
At sa huli, ang pangakong ito:
“At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat.” [Isaias 58:8–11.]
Ang mga pagpapalang iyon na isinalin sa mga kaganapan at problema ng buhay ay maliwanag na inilalarawan sa isang pangyayaring isinalaysay ng isa sa ating mga pangulo sa misyon sa mga Pangkalahatang Awtoridad ilang taon na ang nakalilipas. Samantalang nabubuhay kaming balisa noong mga panahong iyon ng digmaan, ikinuwento ng amang ito ang pangyayari:
Araw ng ayuno noon. Maaga siyang gumising, ginawa ang mga trabaho sa bukid, at nag-uukol na siya ngayon ng ilang minuto, sa kanyang bukirin bago sumapit ang oras ng pagpunta sa maagang pulong ng Pagkasaserdote. …
Nang umagang iyon habang naglalakad siya sa bukid, hindi nakatuon ang kanyang isipan sa kanyang dalawang anak na lalaki na nasa digmaan, ngunit, walang anu-ano, may nagpatigil sa kanya habang naglalakad siya sa bukid. May nadama siyang napakasamang impresyon, na may masamang nangyayari sa isa sa mga anak na lalaki. Bumalik siya sa bahay. Sabi niya, “Hindi lamang ako lumakad, tumakbo pa ako, at tinawag ko ang aking pamilya sa sala, at sinabi sa kanila, ‘Ngayon, ayaw kong ang sinuman sa aking pamilya ay kakain ng kahit isang subo sa araw na ito, gusto kong mag-ayuno kayo, at gusto kong manalangin kayo, at gusto kong lumuhod kayo dito na kasama ko at manalangin tayong mag-anak. Nagkaroon kasi ako ng impresyon na may masamang nangyayari sa isa sa mga anak ko na nasa digmaan.’ ”
Kaya nagtipon sila at umusal ng kanilang pang-umagang panalangin. Nag-ayuno sila, at hindi tumigil sa kanilang pagaayuno, sa halip ay nagpatuloy sila sa pag-aayuno pagkatapos ng araw na iyon. Lumipas ang sampung araw ng pagkabalisa, pagkatapos ay dumating, sa pamamagitan ng Red Cross, ang balita na kinaumagahan (at nang matantiya nila ang kaibahan sa oras, iyon din mismo ang sandaling nakatanggap ng impresyon ang ama), ang kanyang anak na lalaki pati na ang kasamahan nito’y nahulog sa “patibong” at ang katawan ng kanyang kasama ay talagang sumambulat, at ang batang ito’y lubhang nasalanta at nalagay sa bingit ng kamatayan.
Pag-aayuno at panalangin—“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako.”7
Paano tayo higit na inilalapit sa Panginoon ng pagmumuni-muni?
Sabi ni Pangulong [David O.] McKay, “Hindi tayo nag-uukol ng sapat na oras sa pagmumuni-muni.” Gumigising ako nang maaga …, mga alas singko, habang malinaw pa at nakapahinga ang utak ko at espiritu. Pagkatapos ako ay nagmumuni-muni. Mas magiging malapit kayo sa Panginoon kapag natuto kayong magmuni-muni. Hayaan ninyong maturuan ng Espiritu ang inyong espiritu.8
Hindi malilimutan ng Labindalawa ang payo ni Pangulong David O. McKay sa aming pulong ng kapulungan isang umaga nang binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-uukol ng oras sa pagmumuni-mini upang manatili tayong naaayon sa espiritu. … “Mahalagang tumugon sa mga bulong ng Espiritu at alam natin na kapag dumating ang mga bulong na ito, ito’y kaloob at ating pribilehiyo na dapat nating tanggapin. Dumarating ang mga ito kapag nakapahinga tayo at hindi nagagambala ng mga tipanan.”
Matapos iyon ay isinalaysay ng Pangulo ang isang karanasan sa buhay ni Bishop John Wells, dating miyembro ng Namumunong Obispado. Ang isang anak na lalaki ni Bishop Wells ay napatay sa Emigration Canyon sa riles ng tren. … Nasagasaan ng tren ang kanyang anak. Hindi mapanatag si Sister Wells. Nagdalamhati siya sa loob ng tatlong araw bago ang libing, walang natanggap na kaaliwan sa libing, at tila mabigat ang iniisip. Isang araw matapos ang libing, habang nakahiga siya sa kanyang kama na nagpapahinga, at nagdadalamhati pa rin, sinabi niyang nagpakita sa kanya ang kanyang anak at nagsabing, “Inay, huwag kayong magdalamhati. Huwag kayong umiyak. Nasa maayos po akong kalagayan.” Sinabi niya sa ina na hindi nito nauunawaan kung paano naganap ang sakuna. Ipinaliwanag niya na nagbigay siya ng hudyat sa inhinyero na magpatuloy at pagkatapos tulad ng dati ay sinikap niyang abutin ang hawakan ng tren, ngunit nang tangkain niyang gawin iyon ay naipit ang kanyang paa sa isang kahoy at hindi niya nagawang abutin ang hawakan at ang kanyang katawan ay pumasok sa ilalim ng tren. Malinaw na aksidente iyon. Sinabi niya na noong sandaling malaman niya na nasa ibang kapaligiran siya ay sinubukan niyang hanapin ang kanyang ama ngunit hindi niya makausap ito. Masyadong abala ang kanyang ama sa mga gawain sa opisina kung kaya hindi siya makatugon sa kanyang tawag; kung kaya nagpunta siya sa kanyang ina at sinabi niya sa ina na, “Sabihin n’yo po sa Itay na nasa maayos akong kalagayan. Ayaw ko na pong mamighati pa kayo.”
Pagkatapos ay sinabi ni Pangulong McKay na ang punto niya ay mas madali nating madama ang mga bagay na iyon kapag nagpapahinga tayo sa isang pribadong silid. Sa pagkakaalam niya ang pinakamaiinam na kaisipan ay dumarating pagkagising niya sa umaga habang nagpapahinga at iniisip niya ang mga gagawin sa maghapon. Doon dumarating nang malinaw ang mga impresyon na tila nakaririnig siya ng tinig at ang mga impresyong iyon ay tama. Kapag nababagabag tayo sa isang bagay at balisa ang ating pakiramdam, ang mga impresyong iyon ay hindi dumarating. Kung namumuhay tayo sa paraan na hindi magulo ang ating isipan at malinis ang ating konsiyensiya at maganda ang pakiramdam natin sa isa’t isa, ang pagkilos ng espiritu ng Panginoon sa ating espiritu ay katulad lamang ng pagdampot natin sa telepono; ngunit kapag dumating ang mga ito, tandaan ninyo ito, kailangang malakas ang ating loob upang gawin ang mungkahing hakbang. …
Sana ay matandaan ninyo iyan—gayundin ang gawin ninyo. Mag-ukol ng oras sa pagmumuni-muni. Maraming ulit kayong makasasagupa ng mga problema, na ang mga kalutasan ay malalaman sa espirituwal na paraan.9
Huwag maging masyadong abala na wala na kayong panahon para magmuni-muni. Mag-ukol ng panahon. Ang pinakamahalagang patotoo ay di nakikita ng mga mata, kundi sa pamamagitan ng patotoo sa kalooban. Maaaring mas malapit si Cristo kaysa sa batid natin. “Ako ay nasa gitna ninyo, at hindi ninyo ako nakikita. Ang Espiritu Santo ang nagbibigay ng tiyak na patotoo. Ang aking mga mata ay nakatuon sa inyo. Ang araw ay malapit nang dumating at malalaman ninyo na ako nga.” [Tingnan sa D at T 38:7–8.]10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit kailangan tayong mag-ukol ng panahon na pangalagaan ang ating espiritu? Ano ang maaari nating gawin sa bawat araw upang maragdagan ang ating espirituwalidad?
-
Ano ang maaaring humadlang sa ating pagpupunyaging pangalagaan ang ating espiritu?
-
Paano natin magagawa ang ating tahanan na lugar kung saan pinangangalagaan ang espirituwalidad ng bawat miyembro ng pamilya?
-
Sa anu-anong paraan nakatulong sa inyong espirituwal na pag-unlad ang paggalang sa araw ng Sabbath? Anu-anong gawain sa Sabbath ang nakatutulong sa inyo at sa inyong pamilya sa pagpapanatili ng diwa ng pagsamba sa buong maghapon? Kapag nilalabag natin ang Sabbath, bakit tayo “nawawalan ng kaluluwang puno ng kagalakan bilang kapalit ng kaunting kasiyahan”?
-
Anu-anong pagpapala ang dumarating sa mga nag-aayuno? (Tingnan sa Isaias 58:8–11.) Paano ninyo nakitang natupad ang mga pagpapalang ito?
-
Ano ang natutuhan natin mula sa kuwento ni Bishop John Wells tungkol sa kahalagahan ng pag-uukol ng panahon sa pagmumuni-muni sa mga espirituwal na bagay? Sa anu-anong paraan ninyo naiangkop ang pagmumuni-muni sa mga espirituwal na bagay sa inyong buhay?