Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Panalangin at Personal na Paghahayag


Kabanata 10

Panalangin at Personal na Paghahayag

“Pribilehiyo ng mga anak ng Diyos na lumapit sa Diyos at makatanggap ng paghahayag.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Pagsapit ng Hunyo 1829, marami nang mahahalagang kaganapan ang nangyari sa pagpapatuloy ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Nabuksan ang kalangitan sa panahon ng Unang Pangitain at ang Diyos ay muling nakipag-usap sa mga tao sa mundo. Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang mga lamina ng Aklat ni Mormon at isinasalin na ang sagradong mensahe nito. Naipanumbalik na ang banal na priesthood, at maaari nang maisagawa ang ordenansa ng binyag sa mga anak ng Diyos. Bawat isa sa mga kaganapang ito ay nangyari bilang sagot sa panalangin nang humingi ng patnubay ang Propeta sa Panginoon.

Nang patapos na ang pagsasalin, muling humingi ng patnubay ang Propeta sa Panginoon. Dahil pinagbilinan ni Moroni si Joseph na huwag ipakita ang mga lamina kaninuman maliban kung utusan siyang gawin ito, lubhang nadama ni Joseph ang pag-iisa at nabigatan sa responsibilidad niyang isalin ang mga lamina. Gayunman, natuklasan niya mula sa mga talaan mismo na ang Panginoon ay maglalaan ng tatlong natatanging saksi na magpapatotoo sa mundo na ang Aklat ni Mormon ay totoo (tingnan sa 2 Nephi 11:3; Eter 5:2–4).

“Halos kaagad matapos namin itong matuklasan,” paggunita ni Joseph Smith, “naisip nina Oliver Cowdery, David Whitmer at … Martin Harris (na nagpunta para alamin ang progreso namin sa gawain) na ipatanong sa akin sa Panginoon kung maaari silang bigyan ng pribilehiyo na sila ang maging tatlong natatanging saksing ito.”1 Humiling ng patnubay ang Propeta sa panalangin at tumanggap ng paghahayag na nagsasabing pahihintulutan ang tatlong lalaking ito na makita ang mga lamina, gayundin ang espada ni Laban, ang Urim at Tummim, at ang Liahona (tingnan sa D at T 17).

Pagkaraan ng ilang araw, nagtungo sa kakahuyan ang Propeta at ang tatlong lalaking ito malapit sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York, at nagsimulang ipagdasal na maipagkaloob sa kanila ang dakilang pribilehiyong ito. Nagbago ng isip si Martin, dahil nadama niyang hindi siya karapat-dapat. Itinala ng Propeta ang nangyari pagkatapos: “Hindi pa kami … natatagalan sa pagdarasal, nang maya-maya ay nakita namin ang isang liwanag sa aming ulunan, na napakaliwanag; at masdan, nakatayo sa aming harapan ang isang anghel [si Moroni]. Hawak niya ang mga laminang ipinagdarasal naming makita ng mga lalaking ito. Isa-isa niyang binuklat ang mga pahina, para makita namin ang mga ito, at malinaw na maunawaan ang mga nakaukit doon.”2 Narinig din ng mga lalaking ito ang tinig ng Diyos na sumasaksi sa katotohanan ng pagsasalin at inuutusan silang itala ang kanilang nakita at narinig. Pagkatapos ay hinanap ni Joseph si Martin, na nagdarasal sa ibang lugar sa kakahuyan. Magkasama silang nanalangin at nakita rin ang pangitaing iyon at narinig ang tinig na iyon.

Naalala ng ina ni Joseph Smith, na bumibisita sa oras na iyon sa Propeta, ang galak at ginhawa ng kanyang anak pagkatapos ang pagpapakitang ito: “Pagpasok ni Joseph [sa tahanan ng mga Whitmer], umupo siya sa tabi ko. ‘Itay! Inay!’ sabi niya, ‘hindi ninyo alam kung gaano ako kasaya. Ipinakita ng Panginoon ang mga lamina sa tatlo pang tao maliban sa akin, na nakakita rin ng isang anghel at kailangang sumaksi sa katotohanan ng aking sinabi, sapagkat alam nila sa kanilang sarili na hindi ko nililinlang ang mga tao. At talagang nadarama ko na parang naginhawahan ako sa mabigat na pasaning halos hindi ko na makayang tiisin. Ngunit ngayon ay kabahagi na sila sa pasaning ito, at nagagalak ang aking kaluluwa na hindi na ako lubos na nag-iisa sa mundo.’ ”3

Sa buong buhay niya, bumaling si Joseph Smith sa Diyos sa panalangin upang humingi ng tulong at patnubay na kailangan niya. Naalaala ng isang miyembro ng Simbahan na narinig niya itong manalangin sa Kirtland, Ohio, sa oras ng matinding paghihirap: “Di ako kailanman nakarinig ng taong tulad niya na kinausap ang kanyang Manlilikha na tila ba Siya’y naroroon na nakikinig gaya ng isang mabuting ama na nakikinig sa mga pighati ng masunuring anak. … Walang pagmamagaling, walang pagtataas ng tinig, kundi simpleng tono ng pakikipag-usap, tulad ng pakikipag-usap ng tao sa kanyang kaibigan. Para sa akin ay tila ba kung sakaling aalisin ang tabing, makikita kong nakatayo ang Panginoon sa harap ng Kanyang tagapaglingkod na pinakamapagpakumbaba sa lahat, na noon ko lamang nakita.”4

Mga Turo ni Joseph Smith

Pakikinggan ng Diyos ang ating mga dalangin at magsasalita sa atin ngayon, tulad ng pagsasalita Niya sa mga Banal noong unang panahon.

“Dahil kailanman ay hindi sinabi ng Panginoon sa mundo sa anumang paghahayag noong araw na hindi na siya makikipagusap magpakailanman sa kanyang mga nilikha kapag hinangad ito sa wastong paraan, bakit natin iisipin na imposibleng malugod siya na magsalitang muli sa mga huling araw na ito para sa kanilang kaligtasan?

“Marahil ay magugulat kayo sa pahayag na ito, na dapat kong sabihin para sa kaligtasan ng kanyang mga nilalang sa mga huling araw na ito, dahil napasaatin na ang malaking bahagi ng kanyang salita na ibinigay niya noon. Ngunit aaminin ninyo na hindi sapat para kay Abraham ang sinabi kay Noe, o hindi pinaalis si Abraham sa kanyang lupang sinilangan at pinaghanap ng pamana sa ibang bansa ayon sa sinabi kay Noe, kundi para sa kanyang sarili nagtamo siya ng mga pangako sa kamay ng Panginoon at lumakad sa kasakdalang iyon kaya nga siya tinawag na kaibigan ng Diyos. Si Isaac, ang pangakong binhi, ay hindi pinaasa sa mga pangako sa kanyang amang si Abraham, kundi nagkaroon ng pribilehiyong tuwirang mabigyan ng katiyakan ng tinig ng Panginoon na sasang-ayunan siya sa paningin ng langit.

“Kung mabubuhay ang isang tao ayon sa mga paghahayag na ibinigay sa ibang tao, hindi kaya nararapat lamang na itanong ko, bakit kailangan pa, kung gayon, na kausapin ng Panginoon si Isaac na tulad ng ginawa niya, ayon sa nakatala sa ika-26 na kabanata ng Genesis? Sapagkat doon ay inulit ng Panginoon, o sa madaling salita ay muling nangako, na isasagawa ang sinumpaan niya noon kay Abraham. At bakit niya ito inulit kay Isaac? Bakit hindi tiyak ang unang pangako kay Isaac na tulad ng kay Abraham? Hindi ba’t anak ni Abraham si Isaac? At hindi ba niya lubusang mapagkakatiwalaan ang salita ng kanyang ama bilang alagad ng Diyos? Marahil sasabihin ninyo na lubhang kakaiba ang pagkatao niya at naiiba sa mga tao sa mga huling araw na ito; sa gayon, binigyan siya ng Panginoon ng mga pagpapalang kakaiba at naiiba, dahil naiiba siya sa mga tao sa panahong ito. Inaamin ko na kakaiba siyang tao at hindi lamang kakaiba ang mga pagpapala niya, kundi talagang pinagpala siya. Ngunit lahat ng kaibhang matutuklasan ko sa taong ito, o ang tanging kaibhan niya sa mga tao sa panahong ito, ay higit siyang banal at higit na sakdal sa harapan ng Diyos at lumapit sa kanya na mas dalisay ang puso at higit ang pananampalataya kaysa mga tao sa panahong ito.

“Masasabi rin ito tungkol sa kasaysayan ni Jacob. Bakit siya kinausap ng Panginoon hinggil sa pangako ring iyon matapos niya itong ipangako kay Abraham at ulitin kay Isaac? Bakit hindi makuntento si Jacob sa salitang sinabi sa kanyang mga ama?

“Nang malapit nang matupad ang pangakong pagliligtas sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Egipto, bakit kinailangang magsalita sa kanila ang Panginoon? Pinangakuan o sinabihan si Abraham na ang kanyang binhi ay magiging mga alipin at mahihirapan nang apat na raang taon, at pagkaraan noon ay aalis silang may malaking pag-aari. Bakit sila hindi umasa sa pangakong ito at, nang manatili sila sa pagkaalipin sa Egipto nang apat na raang taon, umalis nang hindi hinihintay ang iba pang paghahayag, kundi kumilos ayon lamang sa pangakong ibinigay kay Abraham na dapat silang umalis?…

“… Maaaring naniniwala ako na sumunod si Enoc sa Diyos. Maaaring naniniwala ako na nakausap ni Abraham ang Diyos at mga anghel. Maaaring naniniwala ako na napanibago ni Isaac ang tipang ginawa kay Abraham sa tuwirang pakikipag-usap sa Panginoon. Maaaring naniniwala ako na nakipag-usap si Jacob sa mga banal na anghel at narinig ang salita ng kanyang Tagapaglikha, na nakipagbuno siya sa anghel hanggang manaig siya at magtamo ng isang pagpapala. Maaaring naniniwala ako na iniakyat sa langit si Elias sa isang karong apoy na may mga kabayong nag-aapoy. Maaaring naniniwala ako na nakita ng mga banal ang Panginoon at nakipag-usap nang harapan sa kanya matapos siyang mabuhay na mag-uli. Maaaring naniniwala ako na ang simbahan ng mga Hebreo ay lumapit sa Bundok ng Sion at sa bayan ng buhay na Diyos, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa di mabilang na hukbo ng mga anghel. Maaaring naniniwala ako na nakita nila ang kawalang-hanggan at nakita ang Hukom ng lahat, at si Jesus, ang Tagapamagitan ng bagong tipan.

“Ngunit magbibigay-katiyakan ba sa akin ang lahat ng ito, o tatangayin ako sa mga lugar sa kawalang-hanggan na ang mga kasuotan ko ay walang bahid-dungis, dalisay, at maputi? O, hindi kaya mas mabuting magtamo ako, sa pamamagitan ng sarili kong pananampalataya at kasigasigan sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon, ng katiyakan ng kaligtasan para sa aking sarili? At wala ba akong pribilehiyong kapantay ng mga banal noong una? At hindi ba kaagad diringgin ng Panginoon ang aking mga dalangin at makikinig sa aking mga hinaing katulad ng ginawa niya sa kanila kung lalapit ako sa kanya sa paraang ginamit nila?”5

Maaari nating ipagdasal ang lahat ng ginagawa natin.

Iniulat ni Sarah Granger Kimball: “Sa Paaralan ng mga Propeta …, nang nagbibilin si Joseph Smith sa mga kalalakihan, sinabihan niya sila na ipagdasal ang lahat ng ginagawa nila.”6

“Hangaring makilala ang inyong Diyos sa inyong mga silid, manawagan sa kanya sa mga kaparangan. Sundin ang patnubay ng Aklat ni Mormon, at manalangin, at para sa inyong mga pamilya, mga baka, kawan, tupa, maisan, at lahat ng bagay na pagaari ninyo [tingnan sa Alma 34:18–27]; hilingin ang biyaya ng Diyos sa lahat ng inyong pagsisikap, at lahat ng inyong ginagawa.” 7

“Huwag maging pabaya sa mga tungkulin ninyo sa inyong pamilya, kundi manalangin sa Diyos para sa kanyang mga pagpapala sa inyo, at sa inyong pamilya, mga kawan at tupa, at lahat ng nauukol sa inyo—nang magkaroon kayo ng kapayapaan at kasaganaan—at habang ginagawa ninyo ito, ‘ipagdasal ninyo ang kapayapaan ng Sion, sapagkat silang nagmamahal dito ay uunlad.’ [Tingnan sa Awit 122:6.]”8

Makikita sa isang panalanging itinala ng Propeta noong Agosto 1842 ang paghahangad niya ng karunungan mula sa Diyos: “O Kayo, na nakakakita at nakakakilala sa puso ng lahat ng tao … , tunghayan ang Inyong tagapaglingkod na si Joseph sa oras na ito; at nawa ang pananampalataya sa pangalan ng Inyong Anak na si Jesucristo, na higit kaysa natamasa ng Inyong tagapaglingkod, ay maigawad sa kanya, maging ang pananampalataya ni Elijah; at ang tanglaw ng buhay na walang hanggan ay magningas sa kanyang puso, at huwag maglaho kailanman; at ang mga salita ng buhay na walang hanggan ay mabuhos sa kaluluwa ng Inyong tagapaglingkod, nang malaman niya ang Inyong kalooban, Inyong mga batas, at Inyong mga utos, at Inyong mga paghatol, na gawin ang mga ito. Gaya ng hamog sa Bundok Hermon, nawa’y mabuhos sa ulo ng Inyong tagapaglingkod ang mga kaloob ng Inyong banal na biyaya, kaluwalhatian, at karangalan, sa kaganapan ng Inyong awa, at kapangyarihan, at kabutihan.”9

Kapag tayo ay nagdarasal nang simple at may pananampalataya, tumatanggap tayo ng mga pagpapalang angkop na ipagkaloob sa atin ng Diyos.

“Magsumamo sa luklukan ng biyaya, na ang Espiritu ng Panginoon ay mamalagi sa inyo. Alalahanin na wala tayong matatanggap kung hindi tayo hihingi; samakatwid, humingi nang may pananampalataya, at tatanggap kayo ng mga biyayang angkop na ipagkaloob sa inyo ng Diyos. Huwag manalangin nang may pusong sakim para mabigyang-kasiyahan ang inyong mga pagnanasa, kundi taimtim na manalangin para sa pinakadakilang mga kaloob [tingnan sa D at T 46:8–9].”10

“Ang kabutihang-asal ay isa sa pinakatanyag na mga alituntuning nagbibigay sa atin ng tiwala sa sarili sa paglapit sa ating Ama na nasa langit upang humingi ng karunungan sa kanyang kamay. Samakatwid, kung inyong itatangi ang alituntuning ito sa inyong puso, makahihingi kayo nang buong pagtitiwala sa kanyang harapan at ibubuhos ito sa inyong ulunan [tingnan sa D&C 121:45–46].”11

“Manalangin sa langit ang mga Banal, nang marinig ng Panginoon ng mga hukbo, sapagkat malaki ang nagagawa ng mga taimtim na panalangin ng mabubuti [tingnan sa Santiago 5:16].”12

Paggunita ni Henry W. Bigler: “Nang magsalita si Joseph Smith tungkol sa pagdarasal sa ating Ama sa langit, minsan ay narinig kong sinabi niya, ‘Gawin itong malinaw at simple at hingin ang nais ninyo, gaya ng pagpunta ninyo sa kapitbahay at pagsasabing, Gusto kong hiramin ang kabayo mo papuntang kiskisan.’ ”13

Makatatanggap tayo ng personal na paghahayag sa - pamamagitan ng Espiritu Santo.

“Pribilehiyo ng mga anak ng Diyos na lumapit sa Diyos at makatanggap ng paghahayag. … Walang kinikilingan ang Diyos; pare-pareho ang pribilehiyo nating lahat.”14

“Naniniwala kami na may karapatan tayo sa mga paghahayag, pangitain, at panaginip mula sa Diyos, ang ating Ama sa langit; at sa liwanag at katalinuhan, sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, sa pangalan ni Jesucristo, sa lahat ng paksang nauukol sa ating espirituwal na kapakanan; kung kailangang sundin natin ang kanyang mga utos, upang maging karapat-dapat tayo sa kanyang paningin.”15

“Maaaring makinabang ang isang tao sa pagpansin sa unang pahiwatig ng espiritu ng paghahayag; halimbawa, kapag nadarama ninyo ang pagdaloy ng dalisay na talino sa inyo, maaaring may bigla kayong maisip, kaya kapag pinansin ninyo ito, malalaman ninyo na nangyari na ito sa araw ding iyon o sa malao’t madali; (ibig sabihin) yaong mga bagay na itinanghal ng Espiritu ng Diyos sa inyong isipan, ay mangyayari; at sa gayon sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, kayo ay maaaring umunlad sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging sakdal kayo kay Cristo Jesus.”16

“May lumang edisyon ako ng Bagong Tipan sa wikang Latin, Hebreo, Aleman at Griyego. … Pinasasalamatan ko ang Diyos at napasaakin ang lumang aklat na ito; ngunit higit ko siyang pinasasalamatan para sa kaloob na Espiritu Santo. Napasaakin ang pinakalumang aklat sa mundo; ngunit nakakintal sa puso ko ang pinakalumang aklat, maging ang kaloob na Espiritu Santo. … Ang Espiritu Santo … ay nasa aking kalooban, at higit na nakauunawa kaysa buong mundo; at pakikisamahan ko siya.”17

“Walang taong makatatanggap ng Espiritu Santo nang hindi tumatanggap ng mga paghahayag. Ang Espiritu Santo ay isang tagapaghayag.”18

Iniulat ni John Taylor, habang naglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa: “Tandang-tanda ko ang sinabi sa akin ni Joseph Smith mahigit apatnapung taon na ang nakararaan. Sabi niya, ‘Elder Taylor, bininyagan ka, ipinatong ang mga kamay sa iyong ulo upang matanggap mo ang Espiritu Santo, at inordenan ka sa banal na priesthood. Ngayon, kung ipagpapatuloy mo ang pagsunod sa panghihikayat ng espiritung ito, tuwina kang aakayin nito sa tama. Minsan maaaring salungat ito sa iyong pagpapasiya; huwag mong pansinin ito, sundin mo lamang ang sinasabi nito, at kung magiging tapat ka sa mga ibinubulong nito, darating ang panahon ito ay magiging alituntunin ng paghahayag upang iyong malaman ang lahat ng bagay.’ ”19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Pansinin ang kahalagahan ng panalangin sa karanasan ni Joseph Smith at ng Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon (mga pahina 145–48). Paano naimpluwensyahan ng panalangin ang sarili ninyong mga karanasan sa Aklat ni Mormon? Anong iba pang mga aspeto sa buhay ninyo ang naimpluwensyahan ng panalangin?

  • Ano ang naiisip ninyo habang binabasa ninyo ang unang talata sa itaas ng pahina 148? Habang pinagninilay-nilay ninyo ang pahayag na ito, pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo para mapabuti ang paraan ninyo ng “pagtawag sa [inyong] Tagapaglikha.”

  • Bakit tayo hindi maaaring umasa lamang sa mga paghahayag mula sa nakaraan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 148–50.) Bakit natin kailangan ang patuloy na personal na paghahayag?

  • Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 150. Tukuyin ang mga turo ng Propeta hinggil sa kailan tayo dapat manalangin at ano ang dapat nating ipagdasal. Paano kaya makakatulong ang mga turong ito sa inyong personal na mga panalangin? Paano kaya makakatulong ang mga ito sa panalangin ng mga pamilya?

  • Pag-aralan ang mga turo ng Propeta sa pahina 152 tungkol sa paano tayo dapat manalangin. Ano ang halaga ng paggamit ng mga salitang “malinaw at simple” sa ating pagdarasal? Paano tayo nagkakaroon ng tiwala sa sarili sa pagdarasal sa ating Ama sa Langit kapag namumuhay tayo nang matwid? Ano ang nakatulong sa inyo sa pagtatamo ng patotoo na pinakikinggan at sinasagot ng Diyos ang mga panalangin?

  • Basahin ang ikatlong buong talata sa pahina 153. Kailan kayo nakinabang sa pagpansin sa “unang pahiwatig” ng Espiritu na nagdidikta sa inyo? Paano natin matututuhan na agad makilala ang mga bulong ng Espiritu kapag dumarating ang mga ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:I Mga Hari 19:11–12; Santiago 1:5–6; Helaman 5:30; 3 Nephi 18:18–21; D at T 6:22–23; 8:2–3; 88:63–65

Mga Tala

  1. History of the Church, 1:52–53; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 23, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. History of the Church, 1:54; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, pp. 24–25, Church Archives.

  3. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuskrito, book 8, p. 11, Church Archives.

  4. Daniel Tyler, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Peb. 15, 1892, p. 127.

  5. Liham ni Joseph Smith sa kanyang tiyo na si Silas Smith, Set. 26, 1833, Kirtland, Ohio; sa “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” ni Lucy Mack Smith, 1845 manuscript, pp. 229–32, Church Archives.

  6. Sarah Granger Kimball, sa “R. S. Report,” Woman’s Exponent, Ago. 15, 1892, p. 30.

  7. History of the Church, 5:31; mula sa “Gift of the Holy Ghost,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hunyo 15, 1842, p. 825; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  8. “To the Saints of God,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Okt. 15, 1842, p. 952; ginawang makabago ang pagbabantas; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  9. History of the Church, 5:127–28; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ago. 23, 1842, malapit sa Nauvoo, Illinois; mali ang petsang Ago. 22, 1842, sa entry na ito na nasa History of the Church.

  10. Liham nina Joseph Smith at John Whitmer sa mga Banal sa Colesville, New York, Ago. 20, 1830, Harmony, Pennsylvania; sa Autobiography and Journal, ni Newel Knight, ca. 1846–47, p. 129, Church Archives.

  11. Pahayag na isinulat ni Joseph Smith noong Peb. 1840 sa Philadelphia, Pennsylvania; ang orihinal ay nasa pribadong pag-aari.

  12. History of the Church, 6:303; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  13. Henry W. Bigler, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Mar. 1, 1892, pp. 151–52.

  14. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith bandang Hulyo 1839 sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards, sa Pocket Companion, ni Willard Richards, pp. 75, 78–79, Church Archives.

  15. Liham ni Joseph Smith kay Isaac Galland, Mar. 22, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri, inilathala sa Times and Seasons, Peb. 1840, p. 54.

  16. History of the Church, 3:381; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 27, 1839, sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  17. History of the Church, 6:307–8; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  18. History of the Church, 6:58; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Okt. 15, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  19. John Taylor, Deseret News: Semi-Weekly, Ene. 15, 1878, p. 1.

Moroni

Noong Hunyo 1829, nagkaroon ng pribilehiyo sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Joseph Smith na makita si Moroni at ang mga laminang ginto. Hindi nagtagal sa araw ding iyon, nakita rin ni Martin Harris ang anghel at ang mga lamina.

family praying

“Huwag maging pabaya sa mga tungkulin ninyo sa inyong pamilya, kundi manalangin sa Diyos para sa kanyang mga pagpapala sa inyo, at sa inyong pamilya.”