Kabanata 11
Ang Organisasyon at Tadhana ng Tunay at Buhay na Simbahan
“Ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahan at kahariang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo ito nauunawaan. … Pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika— pupunuin nito ang buong mundo.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Noong Hunyo 1829, natapos ni Propetang Joseph Smith ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. “Noong malapit nang matapos ang aming pagsasalin,” pahayag ng propeta, “nagpunta kami sa Palmyra, Wayne County, New York, kinuha ang karapatang-sipi, at nakipagkasundo kay Ginoong Egbert B. Grandin na maglimbag ng limang libong kopya sa halagang tatlong libong dolyar.”1 Si Egbert B. Grandin, na nagmamay-ari ng isang limbagan sa Palmyra, ay mas bata nang isang taon kaysa kay Joseph Smith. Kabibili pa lamang niya ng isang bagong limbagan na may teknolohiyang nagpapabilis sa paglilimbag. Kamangha-mangha na nakakita ng limbagan ang Propeta sa bukiring bayan ng Palmyra na kayang maglimbag ng napakaraming kopya ng isang makapal na aklat na tulad ng Aklat ni Mormon. Dahil malaki at magastos na proyekto ang magpalimbag ng Aklat ni Mormon, isinangla ni Martin Harris ang kanyang bukid kay Ginoong Grandin para mabayaran ang paglilimbag.
Noong huling bahagi ng tag-init ng 1829, nagtipon sina Joseph Smith, Martin Harris, at marami pang iba sa limbagan para tingnan kung maayos na ang kopya ng pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, ang unang pahina ng aklat na ililimbag. Nang sabihin ng Propeta na nasisiyahan siya sa kinalabasan ng pahina, mabilis itong inilimbag. Inabot ng pitong buwan ang paglilimbag, at nakakuha na ng mga kopya ng Aklat ni Mormon ang mga tao noong Marso 26, 1830.
Nang matapos ang pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon, sinimulan na ni Joseph Smith ang pagtatatag ng Simbahan. Sa paghahayag na matatagpuan ngayon sa bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan, inihayag ng Panginoon sa Propeta “ang tiyak na araw kung kailan, alinsunod sa Kanyang kalooban at kautusan nararapat naming itatag muli ang Kanyang Simbahan dito sa ibabaw ng mundo.”2 Ang takdang araw ay Abril 6, 1830.
“Ating … ipinaaalam sa ating mga kapatid,” sabi ng Propeta, “na nakatanggap kami ng utos na itatag ang Simbahan; at ayon dito ay nagtipon kami [anim kaming lahat] para sa layuning iyon, sa bahay ni Ginoong Peter Whitmer, Sen., noong Martes, ikaanim ng Abril, A.D., isang libo walong daan at tatlumpu.”3 Tinatayang 60 katao ang nagsiksikan sa bahay ng mga Whitmer sa Fayette, New York, na pumuno ng dalawang silid sa loob ng bahay. Anim sa mga kalalakihang nagtipon ay natukoy na mga tagapagtatag ng bagong Simbahan para umayon sa batas ng New York—sina Propetang Joseph Smith, Oliver Cowdery, Hyrum Smith, Peter Whitmer Jr., Samuel Smith, at David Whitmer.4
Bagaman nagsimula sa napakaliit ang Simbahan, nahiwatigan na ni Joseph Smith bilang propeta ang maringal na tadhana nito. Nagunita ni Wilford Woodruff na sa isang priesthood meeting sa Kirtland, Ohio, noong Abril 1834, sinikap ipaunawa ng Propeta sa mga kapatid ang magiging kalagayan ng kaharian ng Diyos sa mundo:
“Pinagtipon ng Propeta ang lahat ng maytaglay ng Priesthood sa munting paaralang yari sa troso na naroon. Maliit ang bahay na iyon, mga 4.25 metro kuwadrado marahil. Gayunman nagkasya roon ang buong Priesthood ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na noon ay nasa bayan ng Kirtland. … Nang magkasama-sama kami nanawagan ang Propeta sa mga Elder ng Israel na patotohanan ang gawaing ito. … Nang matapos sila sinabi ng Propeta, ‘Mga kapatid, lubos akong nabigyan ng inspirasyon at natuto sa inyong mga patotoo ngayong gabi, ngunit gusto kong sabihin sa inyo sa harap ng Panginoon, na ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo ito nauunawaan.’ Medyo nagulat ako. Sabi niya, ‘Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga Priesthood ngayong gabi, ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo.’ ”5
Mga Turo ni Joseph Smith
Ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay itinatag ni Joseph Smith sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Iniulat ni Joseph Smith ang mga naganap sa pulong na idinaos noong Abril 6, 1830, sa pagtatatag ng Simbahan: “Matapos simulan ang pagtitipon sa pamamagitan ng taospusong panalangin sa ating Ama sa Langit, nagpatuloy kami, alinsunod sa nakaraang utos, na tumawag sa mga kapatid namin upang malaman kung tinatanggap nila kami bilang mga guro nila sa mga bagay ng Kaharian ng Diyos, at kung ikinalulugod nilang kami ay matatag bilang isang Simbahan ayon sa nabanggit nang kautusan na natanggap namin. Buong pagkakaisa silang sumangayon sa lahat ng mungkahing ito.
“Pagkatapos ay ipinatong ko ang aking mga kamay sa ulunan ni Oliver Cowdery, at inorden siyang Elder ng ‘Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw;’ kasunod nito, inorden niya rin ako sa katungkulan ng isang Elder ng Simbahan ding iyon. Pagkatapos ay kumuha kami ng tinapay, binasbasan ito, at pinagpira-piraso para sa aming lahat; gayundin ang alak, binasbasan ito, at ininom naming lahat ito. Pagkatapos ay ipinatong namin ang aming mga kamay sa bawat miyembro ng Simbahan na naroon, upang matanggap nila ang kaloob na Espiritu Santo, at makumpirma silang miyembro ng Simbahan ni Cristo. Ang Espiritu Santo ay ibinuhos nang lubus-lubos sa amin—ang ilan ay nagpropesiya, habang lahat kami ay pumupuri sa Panginoon, at labis na nagagalak….
“Pagkatapos ay sinimulan na naming tumawag at mag-orden ng ilan sa mga kapatid sa iba’t ibang katungkulan sa Priesthood, ayon sa ipinadama sa amin ng Espiritu: at matapos matamasa ang saya sa pagsaksi at pagdama namin mismo ng mga kapangyarihan at pagpapala ng Espiritu Santo, sa awa ng Diyos na ipinagkaloob sa amin, nagtapos kami na may malugod na kaalamang bawat isa sa amin ay miyembro na ng ‘Ang Simbahan ni Jesucristo,’ at kinikilala ng Diyos, inorganisa ayon sa mga utos at paghahayag na ibinigay Niya sa amin sa mga huling araw na ito, gayundin ayon sa kaayusan ng Simbahan na nakatala sa Bagong Tipan.”6
Sa unang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, na idinaos sa Fayette, New York, noong Hunyo 9, 1830, pinangasiwaan ang sacrament, kinumpirmang miyembro ng Simbahan ang ilang tao, inorden ang iba sa mga katungkulan sa priesthood, at ibinuhos ang Espiritu Santo sa mga Banal. Itinala ng Propeta: “Ang gayong mga tagpo ay ipinlanong maghatid ng dimaipaliwanag na galak sa aming puso, at puspusin kami ng paggalang at pagpipitagan sa Makapangyarihang Nilalang na iyon, na sa Kanyang awa ay natawag kaming maging kasangkapan sa paghahatid, sa mga anak ng tao, ng kagalakang dulot ng mga pagpapalang iyon na ngayo’y ibinuhos sa amin. Upang makagawa kami sa gayunding kaayusan ng mga bagay na sinunod ng mga banal na Apostol noong unang panahon; upang matanto ang kahalagahan at kabanalan ng gayong mga pangyayari; at masaksihan at madama namin mismo, ang gayon kaluwalhating pagpapakita ng mga kapangyarihan ng Priesthood, ng mga kaloob at pagpapala ng Espiritu Santo, at ng kabutihan at pagpapakababababa ng maawaing Diyos sa mga yaong sumusunod sa walang hanggang Ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo, na nagkaisa upang magkaroon kami ng malugod na pasasalamat sa aming kalooban, at bigyan kami ng panibagong lakas at sigla sa katotohanan.”7
Ang Simbahan ni Cristo ay itinatag ayon sa orden ng Diyos.
“Si Cristo ang ulo ng Simbahang ito, ang pangulong bato sa panulok, ang espirituwal na batong pinagsaligan ng Simbahan, at hindi mananaig ang kasamaan laban dito [tingnan sa Mateo 16:18; Mga Taga Efeso 2:20]. Itinatag Niya ang Kaharian, pinili ang mga Apostol at inorden sila sa Melchizedek Priesthood, at binigyan sila ng kapangyarihang mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo.”8
“[Pinagkalooban] ni Cristo … ang mga iba na maging mga Apostol; at ang mga iba’y Propeta; at ang mga iba’y Evangelista; at ang mga iba’y Pastor at mga Guro.’ [Mga taga Efeso 4:11]. At paano pinili ang mga Apostol, Propeta, Pastor, Guro at Evangelista? Sa pamamagitan ng propesiya (paghahayag) at pagpapatong ng mga kamay:—sa isang banal na pakikipag-ugnayan, at ordenansang itinalaga ng langit—sa tulong ng Priesthood, na inorganisa ayon sa orden ng Diyos, sa pagtatalaga ng langit.”9
“Sinasabi sa atin [ng Aklat ni Mormon] na nagpakita ang ating Tagapagligtas sa kontinenteng ito [ng Amerika] nang Siya ay mabuhay na mag-uli; na itinatag Niya ang Ebanghelyo rito sa kabuuan nito, at sa kasaganaan, at kapangyarihan, at pagpapala nito; na nagkaroon sila ng mga Apostol, Propeta, Pastor, Guro, at Evangelista; sa gayunding orden, gayunding priesthood, gayunding mga ordenansa, kaloob, kapangyarihan, at mga pagpapala, na tinamasa sa kontinente sa silangan.”10
“Ang evangelista ay isang Patriarch. … Saanman nakatayo ang Simbahan ni Cristo [sa mundo], dapat ay mayroong Patriarch para sa kapakanan ng mga inapo ng mga Banal, gaya ni Jacob nang bigyan niya ng patriarchal blessing ang kanyang mga anak.”11
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6: “Naniniwala kami sa samahan ding yaon na umiral sa Sinaunang Simbahan, alalaong baga’y mga apostol, propeta, pastor, guro, ebanghelista, at iba pa.”12
Ang Simbahan ay pinamumunuan ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ng mga Korum ng Pitumpu.
“Matibay ang paniniwala ko sa mga propeta at apostol, at kay Jesucristo bilang pangulong bato sa panulok, at nagsasalita bilang isang may karapatang pamahalaan sila, at hindi gaya ng mga eskriba.”13
“Ang mga Pangulo o [Unang] Panguluhan ang namamahala sa Simbahan; at ang mga paghahayag ng isipan at kalooban ng Diyos sa Simbahan, ay ipararating sa pamamagitan ng Panguluhan. Ito ang kaayusan ng langit, at ang kapangyarihan at pribilehiyo ng [Melchizedek] Priesthood.”14
“Anong kahalagahan ang nakalakip sa tungkulin ng Labindalawang Apostol, na kaiba sa iba pang mga katungkulan o pinuno sa Simbahan? … Sila ang Labindalawang Apostol, na tinawag sa katungkulan ng Naglalakbay na Mataas na Kapulungan, na namumuno sa mga simbahan ng mga Banal. … Sila ang mayhawak ng mga susi ng ministeryong ito, upang magbukas ng pintuan ng Kaharian ng langit sa lahat ng bansa, at ipangaral ang Ebanghelyo sa bawat nilikha. Ito ang kapangyarihan, awtoridad, at dangal ng kanilang pagiging apostol.”15
Iniulat ni Orson Pratt na naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol: “Nagbilin ang Panginoon … na dapat magbuo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ang gawain ay ipangaral ang Ebanghelyo sa mga bansa, una sa mga Gentil at pagkatapos ay sa mga Judio. Tinipon nila ang mga maytaglay ng Priesthood matapos itayo ang Kirtland Temple, at, sa pagtukoy sa Labindalawang Apostol, sinabi ni Propetang Joseph na natanggap nila ang pagiging Apostol lakip ang lahat ng kapangyarihang nauukol dito, katulad ng mga sinaunang Apostol.”16
Iniulat ni Wilford Woodruff, ikaapat na Pangulo ng Simbahan: “Tumawag si Joseph ng Labindalawang Apostol. Sinu-sino sila? Sabi sa kanya ng Panginoon: ‘Ang Labindalawa ay silang magnanais na taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso; sila ay tinatawag na humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang aking ebanghelyo sa bawat nilikha.’ [D at T 18:27–28.] Nang buuin ni Propetang Joseph ang Korum ng Labindalawang Apostol, itinuro niya sa kanila [ang] alituntunin ng pagkakaisa. Ipinaunawa niya sa kanila na dapat silang magkaisa sa puso at isipan, at dapat nilang lubos na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo; na kung may ipagawang anumang bagay sa kanila ang Diyos dapat silang kumilos at gawin ito.”17
“Ang mga Pitumpu ang bubuo ng mga naglalakbay na korum, na hahayo sa buong daigdig, saanman sila papuntahin ng Labindalawang Apostol.”18
“Ang mga Pitumpu ay hindi tinawag para maglingkod sa mga dulang [tingnan sa Mga Gawa 6:1–2], … kundi upang ipangaral ang Ebanghelyo at itatag [ang mga simbahan], at ihanda ang iba, na hindi kabilang sa mga korum na ito, na mangulo [sa mga simbahan], at sila ang mga High Priest. Ang Labindalawa rin ang … mayhawak ng mga susi ng Kaharian sa lahat ng bansa, at magbubukas ng pintuan ng Ebanghelyo sa kanila, at tatawag ng mga Pitumpung susunod sa kanila, at tutulong sa kanila.”19
Bagaman maaaring hangarin ng mga puwersa ng kasamaan na wasakin ang Simbahan, “walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain.”
“Mula nang itatag ang Simbahan ni Cristo, … noong ika-6 ng Abril, 1830, nasiyahan na kaming saksihan ang paglaganap ng katotohanan sa iba’t ibang bahagi ng ating lupain, sa kabila ng walang puknat na pagpupumilit ng mga kalaban na pigilin ang pagsulong at hadlangan ang pag-unlad nito; kahit nagkaisa ang masasama at mapanlinlang na mga tao upang lipulin ang mga walang malay, … ang maluwalhating Ebanghelyo sa kabuuan nito ay lumalaganap at araw-araw na nadaragdagan ang mga miyembro; at dalangin namin sa Diyos na magpatuloy ito, at maragdagan ang mga miyembrong maliligtas sa kawalanghanggan.” 20
“Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”21
“At muli, isa pang talinghaga ang binanggit sa kanila [ng Tagapagligtas], patungkol sa Kahariang itatayo bago sumapit o kapag sumapit na ang anihan, na nagsasabing—‘ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid: na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa’t nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa’t nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga.’ [Mateo 13:31–32.] Ngayon ay malinaw nating malalaman na kinakatawan ng simbolong ito ang Simbahan na lalabas sa mga huling araw. Masdan, ang Kaharian ng Langit ay maihahalintulad dito. Ngayon, ano ang katulad nito?
“Gawin nating halimbawa ang Aklat ni Mormon, na kinuha ng isang lalaki at itinago sa kanyang bukid, iningatan ito nang may pananampalataya, nang ito ay sumibol sa mga huling araw, o sa tamang panahon; masdan natin ang paglabas nito mula sa lupa, na itinuring na maliit sa lahat ng binhi, ngunit masdan nagkakaroon na ito ng mga sanga, oo, matataas at naglalakihang mga sanga at may karingalang tulad ng sa Diyos, hanggang sa, tulad ng binhi ng mostasa, ay naging pinakamalaki kaysa sa lahat ng gulay. At ito ay katotohanan, at ito ay umusbong at lumabas mula sa lupa, at nagsimulang tumingin mula sa langit ang kabutihan [tingnan sa Awit 85:11; Moises 7:62], at ipinadadala ng Diyos ang Kanyang mga kapangyarihan, kaloob, at mga anghel upang sumilong sa mga sanga niyon.
“Ang Kaharian ng Langit ay parang binhi ng mustasa. Masdan, hindi ba’t ito ang Kaharian ng Langit na nag-aangat ng kanyang ulo sa mga huling araw sa karingalan ng Diyos, maging ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw, tulad ng isang di matatagusan, di matitinag na bato sa gitna ng malawak na kailaliman, lantad sa mga hagupit at pananalasa ni Satanas, at magpahanggang ngayon ay nananatiling matatag, at patuloy na hinaharap ang gabundok na mga alon ng pagsalungat, na itinutulak ng hampas ng nagngangalit na hangin ng panlilinlang, na [rumagasa] at patuloy na rumaragasa sa makapal na bula mula sa kabilang ibayo ng mapagharing taluktok, na lalo pang pinagngingitngit ng kaaway ng kabutihan?”22
Bilang bahagi ng kanyang panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 109:72–76, sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Alalahanin ang inyong buong simbahan, O Panginoon, kasama ang lahat ng kanilang mag-anak, at lahat ng kanilang pinakamalapit na kamaganak, kasama ang lahat ng kanilang maysakit at nagdurusa, kasama ang lahat ng maralita at mapagkumbaba ng mundo; upang ang kaharian, na inyong ginawa nang walang mga kamay, ay maging isang malaking bundok at punuin ang buong mundo; nang ang inyong simbahan ay lumabas mula sa ilang ng kadiliman, at magliwanag na maganda gaya ng buwan, maliwanag gaya ng araw, at kakila-kilabot gaya ng isang hukbo na may mga bandila; at mapalamutian gaya ng isang kasintahang babae para sa araw na inyong aalisin ang tabing ng langit, at papangyarihing umagos ang bundok sa inyong harapan, at mapataas ang mga libis, at ang mga baku-bakong lugar ay magawang patag; nang ang inyong kaluwalhatian ay punuin ang mundo; na kapag tumunog ang pakakak para sa mga patay, kami ay papaitaas sa alapaap upang salubungin kayo, upang kami ay mapasa Panginoon magpakailanman; nang ang aming mga kasuotan ay maging busilak, nang kami ay madamitan ng balabal ng kabutihan, na may mga palaspas sa aming mga kamay, at mga putong ng kaluwalhatian sa aming mga ulo, at umani ng walang hanggang kagalakan para sa lahat ng aming pagdurusa.”23
Tayong lahat ay may responsibilidad na patatagin ang Simbahan at gawin ang ating bahagi sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
“Ang gawain ng Diyos ay gawain ng lahat, na siyang gustong gawin ng lahat ng Banal; tayong lahat ay mga bahagi ng iisang katawan, at lahat ay iisa ang nadarama, at nabinyagan sa iisang pagbibinyag at nag-aangkin ng maluwalhating pag-asa. Ang pagsulong ng layon ng Diyos at ang pagtatayo ng Sion ay mahalaga sa bawat isa. Ang kaiba lamang ay, tinatawag ang isang tao sa isang tungkulin, at ang iba ay sa iba namang tungkulin; ‘at kung ang isang [bahagi] ay nagdaramdam, ang lahat ng [bahagi] ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang [bahagi] ay nagkakapuri, ang lahat ng [bahagi] ay nangangagalak na kasama niya, at hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan;’ ang magkakasalungat na damdamin, iba’t ibang interes, ang kani-kanyang hakbangin ay dapat iwaksi para sa iisang adhikain, sa kapakanan ng lahat [tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:21, 26].”24
“Mga kapatid, maging tapat, masigasig, sikaping ipaglaban ang pananampalatayang minsan ay ibinigay sa mga Banal [tingnan sa Judas 1:3]; ipaunawa sa bawat lalaki, babae at bata ang kahalagahan ng gawain, at kumilos na para bagang sa kanyang pagsisikap lamang nakasalalay ang tagumpay; pagawin ang lahat dito, at pagkatapos ay ipaturing sa kanila na isang araw lamang sila mabubuhay, isang kaisipang umantig sa kalooban ng mga hari, Propeta, at mga taong matwid libu-libong taon na ang nakararaan—ang pag-asa natin ngayon ang nagbigay-inspirasyon sa pinakamatatamis nilang himig, at pinakadakilang mga awit, kaya kaysigla nilang magsalita tulad nang nakasaad sa mga Banal na kasulatan; at di maglalaon bubulalas tayo, sa wikang puno ng inspirasyon—
“ ‘Dinala muli ng Panginoon ang Sion,
Tinubos ng Panginoon ang kanyang mga tao, ang Israel.’ [D at T 84:99.]”25
Ayon sa nagunita ni Wilford Woodruff, ipinahayag ni Joseph Smith ang sumusunod sa mga miyembro ng Labindalawa na papuntang misyon sa Great Britain noong 1839: “Anuman ang mangyari sa inyo, ihanda ang inyong sarili at harapin ito, at laging pangalagaan at ipaglaban ang kapakanan ng Simbahan at Kaharian ng Diyos.”26
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Isipin kung ano ang pakiramdam ng dumalo sa priesthood meeting na inilarawan sa mga pahina 159–60. Ano sa palagay ninyo ang inyong madarama kung marinig ninyo si Joseph Smith na magpropesiya na balang araw ay pupunuin ng Simbahan ang mundo? Sa pagbabalik-tanaw ngayon sa propesiyang iyon, ano ang naiisip at nadarama ninyo?
-
Repasuhin ang mga pahina 160–61, at pansinin ang mga hakbang na isinagawa sa pagtatatag ng Simbahan at sa unang pangkalahatang kumperensya. Sabi ni Joseph Smith, “Ang gayong mga tagpo ay ipinlanong maghatid ng di-maipaliwanag na galak sa aming puso, at puspusin kami ng paggalang at pagpipitagan sa [Diyos]” (pahina 161). Kailan ninyo nadama ang damdaming inilarawan ni Joseph Smith?
-
Repasuhin ang mga turo ni Joseph Smith tungkol sa Simbahan sa panahon ni Jesus at ng Aklat ni Mormon (mga pahina 161–63). Paano sinusunod ng Simbahan ang gayunding pamantayan ngayon?
-
Sa inyong palagay bakit natin kailangan ng mga lider na nangungulo sa pandaigdigang Simbahan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 163–65.) Paano kayo napagpala ng paglilingkod ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawang Apostol, ng Korum ng Pitumpu, at ng Presiding Bishopric?
-
Ano ang naiisip at nadarama ninyo habang binabasa ninyo ang mga propesiya ni Joseph Smith tungkol sa tadhana ng Simbahan? (tingnan sa mga pahina 165–67.) Sa anong mga paraan tayo makababahagi sa gawaing ito? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 167–69.)
-
Itinuro ni Joseph Smith, “Ipaunawa sa bawat lalaki, babae at bata ang kahalagahan ng gawain, at kumilos na para bagang sa kanyang pagsisikap lamang nakasalalay ang tagumpay” (pahina 168). Mag-isip ng ilang partikular na paraan para maiangkop ninyo ang payong ito sa inyong buhay.
-
Kung may magtanong sa inyo kung bakit kayo naging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ano ang sasabihin ninyo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Daniel 2:31–45; Mosias 18:17–29; D at T 20:1–4; 65:1–6; 115:4–5