Kabanata 15
Pagtatatag ng Kapakanan ng Sion
“Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito’y paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote, at hari nang may kakaibang galak.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Noong unang bahagi ng Hunyo 1831, ilang linggo pa lamang nakukumpleto ang pagtitipon mula sa New York papuntang Ohio, nagtipun-tipon ang mga Banal sa Kirtland para sa isang kumperensya ng Simbahan. Noong Hunyo 7, ang araw pagkatapos ng kumperensya, tumanggap ng paghahayag si Joseph Smith na naging dahilan para matuon ang pag-iisip ng mga Banal sa Sion: “[Ang] susunod na pagpupulong … [ay] gaganapin sa Missouri, sa lupain na aking ilalaan sa aking mga tao” (D at T 52:2).
Masidhi ang interes ng mga Banal na maitatag ang Sion—isang banal na lungsod, isang payapang kanlungan para sa mga matwid na tumatakas sa kasamaan ng mundo. Para maihanda ang mga Banal, paulit-ulit silang pinayuhan ng Panginoon na “hangaring ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion” (D at T 6:6; 11:6; 12:6; tingnan din sa 14:6). Ngayon ay agad nang aalis ang mga lider ng Simbahan para alamin ang paglulugaran ng Sion. Sinimulan nina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at ng iba pa ang 900-milyang paglalakbay patungong Jackson County, Missouri, noong Hunyo 19, sa karagatan, sa karwahe, at madalas ay sa paglalakad. Mahirap at nakakapagod ang paglalakbay, ngunit nadama ng Propeta ang mapangalagang pagkalinga ng Panginoon: “Sa kabila ng mga katiwalian at nakasusuklam na pangyayari noon, at sa masamang pakikitungong ipinakita sa amin ng maraming tao sa maraming lugar dahil sa paniniwala namin sa Aklat ni Mormon, patuloy kaming binantayan ng Panginoon nang may mapagmahal na pagkalinga sa araw-araw; at ginawa naming panuntunan saanman may pagkakataon, na magbasa ng isang kabanata sa Biblia, at manalangin; at ang mga panahong ito ng pagsamba ay nagbigay sa amin ng kaaliwan.”1
Noong kalagitnaan ng Hulyo, dumating ang Propeta sa kanlurang Missouri, isang magandang lugar ng mahaba at mayabong na kaparangan, na hitik sa mga bulaklak. Doon, bilang tugon sa pagsusumamo niyang malaman ang tiyak na paglulugaran ng Sion, inihayag ng Panginoon, “ang lugar na ngayon ay tinatawag na Independence ang tampok na lugar; at ang dako para sa templo ay nasa gawing kanluran, sa lote na hindi malayo mula sa bahay-hukuman” (D at T 57:3) at ang loteng iyon ay dapat bilhin. Noong Agosto 2, nagpulong si Joseph Smith at ang iba pa upang simulan ang pagtatayo ng Sion. Itinala ng Propeta: “Tinulungan ko ang Colesville branch ng Simbahan sa paglalatag ng unang troso, para sa isang bahay, bilang pundasyon ng Sion sa bayan ng Kaw, labingsiyam na kilometro pakanluran ng Independence. Binuhat at inilatag ng labindalawang kalalakihan ang troso, bilang parangal sa labindalawang lipi ng Israel. Kasabay niyon, sa pamamagitan ng panalangin, ang lupain ng Sion ay inihandog at inilaan ni Elder Sidney Rigdon para sa pagtitipon ng mga Banal. Panahon iyon ng kagalakan sa mga naroon, at nasulyapan nila ang hinaharap, ang panahong kailangan pang ihayag sa kaluguran ng matatapat.”2 Kinabukasan, inilaan ng Propeta ang pagtatayuan ng templo.
Kabilang ang mga Banal mula sa Colesville, New York, sa mga unang miyembro ng Simbahan na nanirahan sa Missouri. Nagpakahirap silang maglakbay mula New York papuntang Kirtland, Ohio, ngunit sasandali pa lamang silang nakapanirahan sa Ohio nang utusan silang maglakbay patungong Missouri. Si Polly Knight, isang miyembro ng Colesville branch, ay naglakbay papuntang lupain ng Sion, para lamang mamatay roon pagkaraan ng isang linggo. Kahit masama ang katawan, determinado siyang makarating nang buhay. Isinulat ng kanyang anak: “Payapa siyang pumanaw, na nagagalak sa bago at walang hanggang tipan ng ebanghelyo at pinupuri ang Diyos na nanatili siyang buhay hanggang makita ang lupain ng Sion. … Dumalo si Brother Joseph Smith sa libing ng aking ina at nagsalita sa amin sa napakahusay at nakaaalong paraan.”3 Bagaman agad bumalik sa Kirtland ang Propeta at patuloy na pinamunuan ang Simbahan mula roon hanggang 1838, maraming Banal ang patuloy na naglipatan sa Missouri.
Masigasig na itinatag ng mga Banal ang Sion, ngunit noong huling bahagi ng 1833, matinding pag-uusig ang nagtaboy sa kanila mula sa kanilang mga tahanan sa Jackson County, at naiwan ang kanilang mga pangarap na maitatag ang Sion at magtayo ng templo roon. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon na hindi pa naisasakatuparan ang kundisyon para sa ikatutubos ng Sion sa lupaing iyon at ang pagtatatag ng Sion ay kailangan pang “maghintay ng maikling panahon” (D at T 105:9).
Mga Turo ni Joseph Smith
Itinalaga ng Panginoon ang Jackson County, Missouri, bilang lupain ng Sion—isang lugar kung saan ang mga Banal noong panahon ni Joseph Smith ay magtitipon at ang banal na lungsod ng Sion ay itatayo kalaunan.
“Nakatanggap ako ng pangitain mula sa langit, isang utos noong Hunyo [1831], na maglakbay sa kanlurang hangganan ng Estado ng Missouri, at doon ay italaga ang eksaktong lugar na magiging sentro ng pagsisimulan ng pagtitipon ng mga nagsitanggap ng kabuuan ng walang katapusang Ebanghelyo. Alinsunod dito nagsimula akong maglakbay, kasama ang ilan sa aking mga kapatid na lalaki sa Simbahan, at matapos ang mahaba at nakakapagod na paglalakbay, pagdanas ng maraming gutom at hirap, nakarating kami sa Jackson County, Missouri, at matapos tingnan ang bansa, sa masigasig na pagsamo sa patnubay ng Diyos, nagparamdam Siya sa amin, at ipinakita, sa akin at sa iba, ang mismong lugar na nilayon Niyang pagsimulaan ng pagtitipon, at ang pagtatayo ng isang ‘banal na lungsod,’ na tatawaging Sion—Sion, dahil ito ay lugar ng katuwiran, at lahat ng nagtatayo roon ay sasambahin ang tunay at buhay na Diyos, at lahat ay naniniwala sa iisang doktrina, maging ang doktrina ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. ‘Ang tinig ng iyong mga bantay! sila’y naglalakas ng tinig, na magkakasamang nagsi-siawit, sapagka’t sila’y makakakita ng mukhaan pagka ang Panginoon ay bumalik sa Sion’ [Isaias 52:8].”Isaiah 52:8].”4
Noong mga unang bahagi ng 1830s, tinangkang ilatag ng mga Banal ang pundasyon ng Sion sa Jackson County, Missouri, tulad ng utos ng Panginoon, ngunit hindi nila ito nagawa dahil hindi sila espirituwal na handa. Sinabi ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa panahon na itatatag na ang Sion: “Walang ipinarating sa akin ang Espiritu na nagsasabing nawalan ng oportunidad ang Sion na matanggap sa kaluwalhati-ang selestiyal, sa kabila ng paghihirap na ipinadanas sa kanya ng Panginoon, maliban sa ilang tao, na naging masuwayin, at tuma-likod sa bagong tipan; makikilala ang gayong mga tao sa pama-magitan ng kanilang gawain. Inaasahan ko noon pa man na dara-nas ng hirap ang Sion, na nalaman ko sa mga utos na ibinigay. Ngunit ipaaalala ko sa inyo ang isang talatang nagsasabi na pag-katapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala [tingnan sa D at T 58:4]. Dahil dito, at sa iba pang dahilan, at sa isa pang katatanggap lamang namin, alam ko na ang Sion, sa tak-dang panahon ng Panginoon, ay matutubos; ngunit hindi ipinaa-lam sa akin ng Panginoon kung ilang araw daranas ng pagpapa-dalisay, paghihinagpis, at paghihirap ang Sion; at kapag nagtatanong ako tungkol dito, ang sinasabi ng Panginoon ay: Mapanatag at malaman na ako ang Diyos! Lahat ng nagsasakri-pisyo para sa aking pangalan ay maghaharing kasama ko, at siya na maghahain ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay muli itong matatagpuan…. Nawa’y itulot ng Diyos na sa kabila ng [ating] matitinding hirap at dusa, ay walang makapaghiwalay sa atin [sa] pag-ibig ng Diyos [tingnan sa Mga Taga Roma 8:35–39].”5
Itinataguyod natin ang adhikain ng Sion sa pamamagitan ng pagiging mga taong dalisay ang puso at masigasig sa paggawa na may iisang puso at isipan.
Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; ngunit namatay sila na hindi ito nasaksihan; tayo ang mga taong hinirang ng Diyos upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa mga huling araw; tayo ang sasaksi, makikibahagi at tutulong na maisulong ang kaluwalhatian sa mga huling araw.”6
“Saanmang lugar magtipon ang mga Banal ay Sion, na itatayo ng bawat taong matwid para sa kaligtasan ng kanyang mga anak.”7
“Sa iba’t ibang lugar ay may itatayong Stake ng [Sion] para sa pagtitipon ng mga Banal. … Doon ay pagpapalain ang inyong mga anak, at kayo sa piling ng inyong mga kaibigan ay pagpapalain din. Ang lambat ng Ebanghelyo ay tinitipon ang lahat ng uri ng tao.
“… Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin. … Malapit nang dumating ang panahon, na hindi makatatagpo ng kapayapaan ang sinuman maliban sa Sion at sa kanyang mga stake.”8
“Patungkol sa pagtatayo ng Sion, dapat itong gawin sa patnubay ni Jehova, sa pamamagitan ng paghahayag mula sa langit.”9
“Kung hindi padadalisayin ng Sion ang kanyang sarili upang masang-ayunan sa lahat ng bagay, sa Kanyang paningin, hahanap Siya ng ibang grupo; sapagkat magpapatuloy ang Kanyang gawain hanggang sa matipon ang Israel, at sila na hindi makikinig sa Kanyang tinig, ay dapat umasang madama ang Kanyang poot. Sinasabi ko sa inyo, hangaring mapadalisay ang inyong sarili, at gayundin ang lahat ng naninirahan sa Sion, kung hindi ay magiging mabangis ang galit ng Panginoon. Magsisi, magsisi, ang sabi ng Diyos sa Sion; at kakatwa mang isipin, ito ay totoo, pilit na mangangatwiran ang sangkatauhan hanggang sa malantad ang kanilang kasamaan, at maging napakasama na hindi na sila matutubos pa, at matambad sa paningin ng mga tao ang mga pinahahalagahan nila sa kanilang puso. Sinasabi ko sa inyo (at sinasabi ko rin ito sa lahat ng tao,) dinggin ang tinig ng babala ng Diyos, kung hindi ay babagsak ang Sion, at isinusumpa ng Panginoon sa Kanyang kapootan na ang mga naninirahan sa Sion ay hindi makapapasok sa Kanyang kapahingahan.”10
“Hangga’t pinahihintulutan ang masasamang gawain sa Simbahan, hindi ito mapapabanal, ni hindi matutubos ang Sion.”11
“Pakilusin ang bawat isa upang maihanda ang kanyang sarili para sa ubasan, na nag-uukol ng kaunting panahon upang aliwin ang mga nagdadalamhati; gamutin ang mga bagbag na puso; bawiin ang mga nagsitalikod; ibalik ang mga naliligaw; anyayahang muli sa kaharian ang yaong mga natiwalag, sa paghihikayat sa kanila na magsumigasig habang may oras pa, at gumawa ng kabutihan, at, taglay ang isang puso at isang isipan, ay maghandang tumulong na tubusin ang Sion, ang butihing lupain ng pangako, kung saan ay pagpapalain ang mga nagkukusa at masunurin. …
“Dalangin [namin] sa ating Ama sa langit na kayo ay maging madasalin, mapagpakumbaba, at mapagkawanggawa; masigasig na gumagawa, sa espirituwal at sa temporal, para matubos ang Sion, nang ang mga dalisay ang puso ay magbalik na may awit ng walang hanggang kagalakan upang itayo ang kanyang sira-sirang lugar, at salubungin ang Panginoon kapag siya ay dumating sa Kanyang kaluwalhatian [tingnan sa D at T 101:18].”12
Ang Sion, ang bagong Jerusalem, ay itatayo sa lupalop ng Amerika.
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10: “Naniniwala kami sa literal na pagtitipon ng Israel at sa pagpapanumbalik ng Sampung Lipi; na ang Sion (ang Bagong Jerusalem) ay itatayo sa lupalop ng Amerika.”13
“Ang lungsod ng Sion na binanggit ni David, sa ikasandaan at dalawa ng Mga Awit, ay itatayo sa lupalop ng Amerika, ‘At ang pinagtutubos ng Panginoon ay mangagbabalik, at magsisiparoong nagaawitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo’ [Isaias 35:10]; at pagkatapos sila ay ililigtas sa mahigpit na kasakunaang daraan sa lupain. Ngunit matatamo ng Juda ang kaligtasan sa Jerusalem. [Tingnan sa Joel 2:32; Isaias 26:20–21; Jeremias 31:12; Awit 1:5; Ezekiel 34:11–13.] Ito ay mga patotoo na ang Mabuting Pastol ay ilalabas ang Kanyang sariling mga tupa, at aakayin sila sa lahat ng bansa kung saan sila ikinalat sa maulap at madilim na araw, sa Sion, at sa Jerusalem.”14
“Magsisimula ako sa pagbanggit mula sa propesiya ni Enoc, na tinutukoy ang mga huling araw: ‘Kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, upang magpatotoo sa aking Bugtong na Anak; ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay [ang pag-unawa ko rito ay pagkabuhay na mag-uli ng katawan]; oo, at ang pagkabuhay na mag-uli rin ng lahat ng tao; at kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya ng isang baha, upang tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo; sa isang lugar na aking ihahanda, isang Banal na Lunsod, upang ang aking mga tao ay makapagbigkis ng kanilang mga balakang, at umasa sa araw ng aking pagparito; sapagkat doon ang aking magiging tabernakulo, at ito ay tatawaging Sion, ang Bagong Jerusalem’ [Moises 7:62].
“Ngayon nauunawaan ko sa siping ito, na … ang kabutihan at katotohanan ay babaha sa mundo. At ngayon, itatanong ko, paanong babaha sa mundo ang kabutihan at katotohanan? Sasagutin ko ito. Ang mga tao at mga anghel ay magtutulungan sa pagsasakatuparan ng dakilang gawaing ito at ang Sion ay ihahanda, maging ang bagong Jesusalem, para sa mga hinirang na titipunin mula sa apat na sulok ng mundo, at ipagtatatag ng isang banal na lungsod, sapagkat ang tabernakulo ng Panginoon ay mapapasa kanila. …
“… ‘Masdan aking itatatag ang mga taong ito sa lupaing ito, sa ikatutupad ng tipang aking ginawa sa inyong amang si Jacob; at ito ay magiging isang Bagong Jerusalem.’ [3 Nephi 20:22.] Ngayon ay nalaman natin mula sa Aklat ni Mormon ang katulad na katulad na lupalop at lupaing pagtatayuan ng Bagong Jerusalem, at iyon ay nakita ayon sa pangitain ni Juan sa pulo na tinatawag na Patmos.
“Ngayon maraming magsasabi, na ang nabanggit na Bagong Jerusalem na ito, ay ang Jerusalem na itinayo ng mga Judio sa silangang lupalop. Ngunit makikita ninyo, sa Apocalipsis 21:2, na may Bagong Jerusalem na ibababa ng Diyos mula sa langit, na nagagayakang tulad ng isang babaing kasintahan para sa kanyang magiging asawa; na pagkatapos nito, ang Tagapaghayag ay tinangay sa Espiritu, sa isang malaki at mataas na bundok, at nakita ang dakila at banal na lungsod na ibinababa ng Diyos mula sa langit. Ngayon may dalawang lungsod na nabanggit dito. Dahil hindi maisusulat sa isang liham ang lahat ng bagay sa paksang ito, maikli lamang ang sasabihin ko, na may Bagong Jerusalem na itatayo sa lupalop na ito, at gayundin muling itatayo ang Jerusalem sa silangang lupalop [tingnan sa Eter 13:1–12]. ‘Masdan, nakita ni Eter ang mga araw ni Cristo, … at siya ay nangusap din hinggil sa sambahayan ni Israel, at sa Jerusalem kung saan nagmula si Lehi; matapos itong mawasak ay muli itong itatayo, isang banal na lunsod sa Panginoon; kaya nga, hindi ito maaaring maging bagong Jerusalem sapagkat ito ay naroon noong unang panahon.’ [Eter 13:4–5.]”15
“Sinabi ng mga propeta hinggil sa Sion sa mga huling araw: kung paano darating sa kanya ang kaluwalhatian ng Libano; ang puno ng abeto, ng pino, at ng boj, na magkakasama, upang pagandahin ang dako ng Kanyang santuario, nang mapaluwalhati Niya ang dako ng Kanyang mga paa [tingnan sa Isaias 60:13]. Kahalili ng tanso ay magdadala Siya ng ginto; at kahalili ng bakal ay magdadala siya ng pilak; at ng kahoy ay tanso; at ng mga bato ay bakal [tingnan sa Isaias 60:17]; at ang kapistahan ng matatabang bagay ay ibibigay sa mga matwid [tingnan sa Isaias 25:6]; oo, kapag ang kaningningan ng Panginoon ay ipasaalang-alang sa atin para sa kabutihan ng Kanyang mga tao, ang mga panlilinlang ng mga tao at walang kabuluhang ringal ng daigdig ay maglalaho, at ating ibubulalas, ‘Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios.’ [Awit 50:2.]16
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Sa kabanatang ito, pansinin kung paano ginamit ni Joseph Smith ang salitang Sion sa pagtukoy sa ilang tiyak na lugar at sa mga tao ng Panginoon. Paano naipaunawa sa inyo sa mga paggamit ng salitang ito kung ano ang kahulugan ng magtayo ng Sion? (Habang iniisip o tinatalakay ninyo ang tanong na ito, isaalang-alang na basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:21.)
-
Sa talatang nagsisimula sa unang buong talata ng pahina 215, sinabi ni Joseph Smith ang hangarin niyang malaman kung kailan itatatag ang lungsod ng Sion sa Jackson County, Missouri. Ano ang matututuhan natin sa tugon ng Panginoon sa mga dalangin ni Joseph Smith?
-
Basahin ang unang buong talata sa pahina 216, at pagkatapos ay tukuyin ang ilang lugar na pinagtitipunan ng mga Banal. Paano natin maitatatag ang Sion sa mga lugar na ito?
-
Repasuhin ang ikalawa at ikatlong buong talata sa pahina 216, at pag-isipan kung paano naglalaan ng kaligtasan at kapayapaan ang mga stake ng Simbahan. Sa anong mga paraan kayo nabiyayaan sa pakikipagtipon ninyo sa ibang miyembro ng inyong stake?
-
Sa anong mga paraan naaangkop sa ating mga tahanan ang payo ng Propeta tungkol sa pagtatayo ng Sion?
-
Itinuro ni Propetang Joseph na bilang bahagi ng pagsisikap na itayo ang Sion, dapat nating mapadalisay ang ating mga sarili. Ano ang ilang paraan para masunod natin ang payong ito? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 215–18.) Sa inyong palagay bakit kailangang maging dalisay ang mga tao bago matubos ang Sion?
-
Repasuhin ang mga propesiya ni Joseph Smith tungkol sa dalawang banal na lungsod (mga pahina 218–20). Anong papel ang ginagampanan natin sa pagsasakatuparan ng mga propesiyang ito?
Kaugnay na banal na mga kasulatan:Apocalipsis 21:1–27; D at T 45:65–71; 97:18–25; 103:1–7; Moises 7:16–21, 62–69