KABANATA 16
Paghahayag at ang Buhay na Propeta
“Ang punong patakaran ng Diyos [ay] na walang dapat isagawa sa mundo hangga’t hindi niya inihahayag ang lihim sa kanyang mga lingkod na propeta.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Sa Kirtland, Ohio, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng napakaraming paghahayag sa maikling panahon, kaya’t naging napakahalaga ng panahong ito sa pagtatatag ng doktrina at pamahalaan ng Simbahan. Nang matanggap ng Propeta ang mga paghahayag na ito, madalas niyang kasama ang iba pang mga lider ng Simbahan, at may isang nagtatala ng kanyang mga sinasabi habang tinatanggap niya ang mga ito mula sa Panginoon. Kadalasan ay dumarating sa kanya ang mga paghahayag bilang sagot sa mga panalangin. Si Parley P. Pratt, na kalaunan ay naging miyembro ng Labindalawa, ay naroon nang matanggap ng Propeta ang paghahayag na ngayon ay naging Doktrina at mga Tipan 50. Nagunita ni Elder Pratt:
“Matapos kaming sama-samang manalangin sa silid kung saan siya nagsasalin, idinikta niya sa harapan namin ang sumusunod na pahayag. Bawat pangungusap ay sinambit nang dahan-dahan at napakalinaw, at pahintu-hinto sa pagitan ng mga salita nang sapat para maitala ito, ng isang karaniwang tagasulat, sa kanyang sulat-kamay. … Walang anumang pag-aalinlangan, pagrerepaso, o pagbabasang muli, para tuluy-tuloy ang pagdaloy ng paksa.”1
Bagaman kinopya sa sulat-kamay ang ilang paghahayag para sa personal na gamit, karaniwan ay walang kopya ng mga ito ang mga miyembro ng Simbahan. Alam ni Joseph Smith na napakahalaga ng mga paghahayag ng Diyos kaya kailangan itong ingatang mabuti at ipaalam sa buong mundo. Noong Nobyembre 1831, sa isang espesyal na kumperensyang ginanap sa Hiram, Ohio, nagpasiya ang Propeta at iba pang mga lider ng Simbahan na ilathala ang ilang piling paghahayag na natanggap ng Propeta hanggang sa oras na iyon. Matapos itong pagpasiyahan, tumanggap ng banal na paghahayag ang Propeta na tinawag ng Panginoon na “aking paunang salita sa aklat ng aking mga kautusan” (D at T 1:6). Ang paghahayag na ito, na ngayon ay naging Doktrina at mga Tipan bahagi 1, ay tanda ng pagsang-ayon ng Panginoon sa paglalathala ng mga paghahayag at nagpapaliwanag ng Kanyang mga layunin sa pagbibigay nito. “Saliksikin ang mga kautusang ito,” pahayag ng Panginoon, “sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat” (D at T 1:37). Matapos basahin sa kanya ang mga paghahayag sa ikalawang araw ng kumperensya, “tumayo at nagpasalamat” ang Propeta para sa pahiwatig na ito ng pagsang-ayon ng Panginoon.2
Kasunod ng kumperensyang ito, naalala ng Propeta, “halos dalawang linggo akong naging abala sa pagrerepaso ng mga kautusan at pagdalo sa kumperensya; dahil mula sa unang araw hanggang ikalabindalawa ng Nobyembre apat na espesyal na kumperensya ang idinaos namin. Sa pinakahuli … sumang-ayon ang mga dumalo sa kumperensya na ang mga paghahayag ay singhalagan … ng mga yaman ng buong mundo.” Ipinahayag din sa kumperensya na ang mga paghahayag “ang pundasyon ng Simbahan sa mga huling araw na ito, at kapaki-pakinabang sa mundo, na ipinakikita na ang mga susi ng hiwaga ng kaharian ng ating Tagapagligtas ay muling ipinagkatiwala sa tao; at ang yaman ng kawalang-hanggan [ay] abot ng mga yaong handang mamuhay sa bawat salitang nanggagaling sa bibig ng Diyos.”3
Ang mga kopya ng mga paghahayag na sulat-kamay ay dinala kay William W. Phelps sa Missouri, para ilathala bilang Aklat ng mga Kautusan. Si Brother Phelps, na inutusan ng Panginoon na pumunta sa Missouri at maging manlilimbag ng Simbahan (tingnan sa D at T 57:11), ay agad sinimulan ang pagsasaayos sa aklat. Gayunman, noong Hulyo 20, 1833, sinira ng mga mandurumog ang limbagan at karamihan sa nalimbag na mga kopya. Nailigtas ng mga miyembro ng Simbahan ang ilan sa nagliparang mga pahina at isa-isang pinagtahi-tahi ang mga ito, ngunit hindi opisyal na nailathala ang aklat kailanman. Noong 1835, ang mga paghahayag na nilayon para sa Aklat ng mga Kautusan at marami pang karagdagang paghahayag ay inilathala sa Kirtland bilang Doktrina at mga Tipan. Kasama ang iba pang mga paghahayag na nadagdag mula noong 1835, ang aklat na ito ay nagsisilbing saksi na ang Diyos ay nagsasalita ngayon sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta, ang Pangulo ng Simbahan, para mapagpala at mapatnubayan ang Kanyang Simbahan.
Mga Turo ni Joseph Smith
Lagi nang ginagabayan ng Diyos ang Kanyang mga tao at Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag.
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9: “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos.”4
“Hindi natin mauunawaan kailanman ang mga bagay ng Diyos at ng langit, kung hindi sa pamamagitan ng paghahayag. Maaari tayong magpahayag ng mga espirituwal na bagay at magbigay ng mga opinyon nang walang humpay; ngunit wala tayong awtoridad.”5
“Ang doktrina ng paghahayag ay lubos na nakahihigit sa doktrinang walang paghahayag; sapagkat ang isang katotohanang inihayag mula sa langit ay katumbas ng lahat ng umiiral na paniniwala ng mga sekta sa mundo.”6
“Hindi darating ang kaligtasan kung walang paghahayag; walang kabuluhan para sa sinuman na maglingkod kung wala ito. … Walang sinumang maaaring maging lingkod ni Jesucristo maliban kung may patotoo siya kay Jesus; at ito ang diwa ng propesiya [tingnan sa Apocalipsis 19:10]. Tuwing ipangangaral ang kaligtasan, ito ay sa pamamagitan ng patotoo. Ang mga tao sa kasalukuyan ay nagpapatotoo sa langit at impiyerno, na hindi nila nakita kailanman; at sasabihin ko na walang taong nakaaalam ng mga bagay na ito nang walang paghahayag.”7
“Itinuro ni Jesus, ‘Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.’ [Mateo 16:18.] Anong bato? Paghahayag.”8
“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isinalig sa tuwirang paghahayag, katulad ng tunay na Simbahan ng Diyos noon pa man, ayon sa mga Banal na Kasulatan (Amos 3:7, at Mga Gawa 1:2); at dahil sa kagustuhan at mga pagpapala ng Diyos, naging kasangkapan ako sa Kanyang mga kamay, hanggang ngayon, upang isulong ang gawain ng Sion.”9
Nagsalita ang Propeta sa isang kumperensya ng Simbahan noong Abril 1834: “Binasa ni Pangulong Joseph Smith, Jun., ang ikalawang kabanata ng propesiya ni Joel, nanalangin, at sinabi ito sa kumperensya: … ‘Iba ang ating kalagayan sa ibang mga taong nabubuhay sa mundong ito; dahil dito ang mga naunang paghahayag ay hindi akma sa ating mga kalagayan; ibinigay ang mga ito sa ibang tao, na nauna sa atin; ngunit sa mga huling araw, titipunin ng Diyos ang mga labi ng mga anak ni Israel, na magkakaroon ng kaligtasan, gayundin sa Jerusalem at Sion [tingnan sa Joel 2:32]. Ngayon kung hindi na magbibigay ng mga paghahayag ang Diyos, saan natin matatagpuan ang Sion at ang mga labing ito?…’
“Pagkatapos ay isinalaysay ng Pangulo kung paano nakuha at naisalin ang Aklat ni Mormon, ang paghahayag ng Priesthood ni Aaron, ang pagtatatag ng Simbahan noong 1830, ang paghahayag tungkol sa High Priesthood, at ang kaloob na Espiritu Santo na ibinuhos sa Simbahan, at sinabi: “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon? Wala.’ ”10
Ang Pangulo ng Simbahan ay hinirang upang tumanggap ng paghahayag mula sa Diyos para sa Simbahan; ang mga tao ay maaaring tumanggap ng paghahayag para sa sarili nilang mga responsibilidad.
“Si Jesus … ay nagtalaga sa Simbahan unang-una ng mga Apostol, at ikalawa mga propeta, para sa gawain ng ministeryo, pagpapasakdal sa mga banal, at iba pa; … ang punong patakaran ng Diyos [ay] na walang dapat maisagawa sa mundo nang hindi niya inihahayag ang lihim sa kanyang lingkod na mga propeta, gaya ng sinabi sa Amos 3:7.”11
Noong Setyembre 1830 lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Fayette, New York, mula Harmony, Pennsylvania. Pagdating nila roon, nalaman nila na may ilang Banal na nalilinlang ng mga maling paghahayag: “Laking hinagpis namin, … di nagtagal at nalaman namin na si Satanas ay naghihintay na makapanlinlang, at naghahanap ng mabibiktima. Si Brother Hiram Page ay may isang bato, na pinagkunan niya ng ilang ‘paghahayag’ hinggil sa pagtatayo ng Sion, ang kaayusan ng Simbahan, at kung anu-ano pa, at lahat ng ito ay lubos na kakaiba sa kaayusan ng bahay ng Diyos, alinsunod sa nakalahad sa Bagong Tipan, gayundin sa mga huling paghahayag sa amin. Dahil nakatakda ang isang kumperensya sa ika-26 ng Setyembre, naisip ko na makabubuting kausapin ko na lamang ang mga kapatid tungkol sa paksang ito, hanggang sa sumapit ang kumperensya. Gayunman, nang malaman namin na maraming tao, lalo na ang pamilyang Whitmer at si Oliver Cowdery, ang labis nang naniniwala sa mga bagay na sinasabi ng batong ito, naisip namin na makabubuting tanungin ang Panginoon hinggil sa napakahalagang bagay na ito; at bago nagsimula [ang] kumperensya, natanggap namin ang sumusunod:
“Paghahayag na ibinigay kay Oliver Cowdery, sa Fayette New York, Setyembre, 1830.
“ ‘… Masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa Simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sapagkat tinanggap niya ang mga yaon maging tulad ni Moises. At ikaw ay maging masunurin sa mga bagay na ipagkakaloob ko sa kanya. …
“ ‘At huwag kang mag-uutos sa kanya na siya mong pinuno, at pinuno ng simbahan; sapagkat ipinagkaloob ko sa kanya ang mga susi ng mga hiwaga, at ang mga paghahayag na tinatakan, hanggang sa maitalaga ko sa kanila ang hahalili sa kanya. …
“ ‘At muli, ipagsama mo ang iyong kapatid, na si Hiram Page, siya at ikaw lamang, sabihin sa kanya na ang mga bagay na yaon na kanyang isinulat mula sa bato ay hindi mula sa akin, at si Satanas ay nalinlang siya; sapagkat masdan, ang mga bagay na ito ay hindi itatakda sa kanya, ni alinmang bagay ay hindi itatakda kaninuman sa simbahang ito na taliwas sa mga tipan ng simbahan.
“ ‘Sapagkat lahat ng bagay ay kailangang maisagawa nang may kaayusan, at sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan, sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya.’ [D at T 28:2–3, 6–7, 11–13.] …
“At sa wakas ay nagtipon kami sa kumperensya. Tinalakay ang batong nabanggit noong una, at matapos ang masusing pagsisiyasat, si Brother Page, gayundin ang mga miyembro ng Simbahan na naroon, ay iwinaksi na ang nasabing bato, at lahat ng bagay na may kaugnayan dito, na lubos naming ikinasiya.”12
“Ang mga Pangulo o [Unang] Panguluhan ay nasa buong Simbahan; at ang mga paghahayag ng isipan at kalooban ng Diyos sa Simbahan, ay ipararating sa pamamagitan ng Panguluhan. Ito ang kaayusan ng langit, at ang kapangyarihan at pribilehiyo ng [Melchizedek] Priesthood. Pribilehiyo rin ito ng sinumang pinuno ng Simbahang ito na tumanggap ng mga paghahayag, basta’t patungkol sa kanyang katungkulan at tungkulin sa Simbahan.”13
“Hindi namin itinuturing ang aming sarili na may karapatang tumanggap ng anumang paghahayag mula sa sinumang lalaki o babae na hindi legal na itinalaga at inorden sa awtoridad na iyon, at nagbibigay ng sapat na katibayan nito.
“… Salungat sa pamahalaan ng Diyos na ang sinumang miyembro ng Simbahan, o sinuman na makatanggap ng tagubilin para sa mga taong may awtoridad na mas mataas kaysa sa kanila; samakatwid makikita ninyong hindi angkop na pakinggan sila; ngunit kung ang isang tao ay may pangitain o dalawin ng mga sugo mula sa langit, iyon ay para sa kanyang sariling kapakinabangan at patnubay; sapagkat ang mga pangunahing alituntunin, pamahalaan, at doktrina ng Simbahan ay napapailalim sa mga susi ng kaharian.”14
Ipinahahayag ng Pangulo ng Simbahan ang salita ng Diyos para sa ating panahon at henerasyon.
Iniulat ni Heber C. Kimball, noong naglilingkod pa siya bilang tagapayo ni Pangulong Brigham Young: “Maraming ulit na sinabi ni Brother Joseph Smith kay Brother Brigham at sa akin, at pati na sa iba, na siya ay kinatawan ng Diyos para turuan at gabayan tayo at pagsabihan ang mga gumagawa ng kamalian.”15
Iniulat ni Wilford Wodruff, ikaapat na Pangulo ng Simbahan: “Babanggitin ko ang isang pulong na dinaluhan ko sa bayan ng Kirtland noong bata pa ako. Sa pulong na iyon may nabanggit na ilang bagay … tungkol sa mga buhay na orakulo at sa mga nakasulat na salita ng Diyos. … Tumayo ang isa sa mga namumuno sa Simbahan at nagsalita tungkol sa paksa, at sinabi: ‘Nasa harapan ninyo ang salita ng Diyos dito sa Biblia, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan; nasa inyo ang nakasulat na salita ng Diyos, at kayo na tumatanggap ng paghahayag ay dapat ibigay ang mga paghahayag ayon sa mga aklat na iyon, dahil ang nakasulat sa mga aklat na iyon ang siyang salita ng Diyos. Ang mga aklat na iyon lamang ang dapat nating gamitin.
“Nang makatapos sa pagsasalita ang taong iyon, bumaling si Brother Joseph kay Brother Brigham Young at sinabi, ‘Brother Brigham, nais kong tumayo ka sa harapan at sabihin sa amin ang iyong mga pananaw hinggil sa mga buhay na orakulo at sa nakasulat na salita ng Diyos.’ Tumayo sa harapan si Brother Brigham, at kinuha ang Biblia, at inilapag iyon; kinuha niya ang Aklat ni Mormon, at inilapag iyon; at kinuha niya ang Doktrina at mga Tipan at inilapag iyon sa kanyang harapan, at sinabi: ‘Narito ang nakasulat na salita ng Diyos sa atin, hinggil sa gawain ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig, halos hanggang sa ating panahon. At ngayon,’ wika niya, ‘kung ihahambing sa mga [buhay na] orakulo walang halaga sa akin ang mga aklat na ito; ang mga aklat na iyon ay hindi tuwirang ipinahahayag sa atin ang salita ng Diyos, na tulad ng mga salita ng isang Propeta o isang taong nagtataglay ng Banal na Priesthood sa ating panahon at henerasyon. Mas gugustuhin ko pa ang mga buhay na orakulo kaysa lahat ng nakasulat sa mga aklat.’ Iyon ang naging paghahayag niya. Nang matapos siya, sinabi ni Brother Joseph sa kongregasyon: ‘Sinabi sa inyo ni Brother Brigham ang salita ng Panginoon, at katotohanan ang sinabi niya sa inyo.’ ”16
Nagunita ni Brigham Young, ikalawang Pangulo ng Simbahan: “Maraming taon na ang nakalilipas sinabi ni Propetang Joseph na kung matatanggap lamang ng mga tao ang mga paghahayag na natanggap niya at matalinong susundin ito, ayon sa dikta ng Panginoon, mas may kakayahan sana silang makakilos at makaunawa kaysa noon.”17
Sinasang-ayunan natin ang Pangulo at iba pang mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng pagdarasal para sa kanila at pakikinig sa kanilang payo.
Iniulat ni Joseph Smith na ang sumusunod ay nangyari sa paglalaan ng Kirtland Temple noong Marso 27, 1836: “Pagkatapos ay nagbigay ako ng maikling pananalita, at nanawagan sa ilang korum, at sa buong kongregasyon ng mga Banal, na kilalanin ang [Unang] Panguluhan bilang mga Propeta at Tagakita, at suportahan sila sa kanilang mga dalangin. Nakipagtipan silang lahat na gagawin nila iyon, sa pamamagitan ng pagtayo.
“Pagkatapos ay nanawagan ako sa mga korum at kongregasyon ng mga Banal na kilalanin ang Labindalawang Apostol, na naroon, bilang mga Propeta, Tagakita, Tagapaghayag, at mga natatanging saksi sa lahat ng bansa sa mundo, na mayhawak ng mga susi ng kaharian, upang buksan ito, o pahintulutang magawa iyon, para sa kanila, at suportahan sila sa kanilang mga dalangin, na sinang-ayunan nila sa pamamagitan ng pagtayo.
“Sumunod ay nanawagan ako sa mga korum at kongregasyon ng mga Banal na kilalanin ang mga pangulo ng Pitumpu … at suportahan sila sa kanilang mga dalangin, na ginawa nila sa pamamagitan ng pagtayo. …
“Lahat ay bumoto ng pagsang-ayon sa bawat panawagan, at nagpropesiya ako sa lahat, na hangga’t sinusuportahan nila ang mga kalalakihang ito sa kanilang mga tungkulin,… pagpapalain sila ng Panginoon; oo, sa pangalan ni Cristo, ang mga pagpapala ng langit ay mapapasakanila.”18
“Tulad ng mga nag-angat ng mga kamay ni Moises [tingnan sa Exodo 17:8–13], iangat din natin ang mga kamay ng mga nahirang na pangasiwaan ang mga gawain ng Kaharian, upang sila ay mapalakas, at maisagawa ang kanilang magagandang plano, at maging kasangkapan sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain sa mga huling araw.”19
“Ngayon kung gagawin ng mga tao ang mga bagay-bagay, dahil lamang sa ipinayo ito sa kanila, subalit bumubulung-bulong habang ginagawa iyon, wala itong saysay; mabuti pang huwag na nilang gawin iyon. May mga nagsasabing sila ay mga Banal na mahilig bumulung-bulong, at maghanap ng mali, kapag may anumang payong ibinigay, na taliwas sa kanilang nadarama, gayong sila mismo ang humihingi ng payo; lalo na kapag pinayuhan sila nang hindi naman sila humihingi, na hindi naaayon sa paniwala nila sa mga bagay-bagay, ngunit mga kapatid, mas mabuti pa rito ang inaasahan namin sa karamihan sa inyo; tiwala kami na hangad ninyong mapayuhan, paminsan-minsan, at malugod ninyo itong susundin, tuwing matatanggap ninyo ito mula sa tamang pinagmulan.”20
Iniulat ni Eliza R. Snow: “Sinabi ni [Joseph Smith], kung hinirang siya ng Diyos, at pinili siyang maging kasangkapan para pamunuan ang Simbahan, bakit hindi ninyo siya hayaang pamunuan ito? Bakit ninyo siya hahadlangan gayong hinirang siyang gawin ang isang bagay? Sino ang nakaaalam ng isipan ng Diyos? Hindi nga ba’t inihahayag Niya ang mga bagay na kaiba sa ating inaasahan? Sinabi [ng Propeta] na patuloy siyang bumabangon, kahit lahat ay nagpapabigat sa kanya, humahadlang sa kanya, at sumasalungat; sa kabila ng lahat ng pagsalungat na ito, lagi siyang nagwawagi sa huli. …
“Pinagsabihan niya ang mahihilig maghanap ng mali sa pamamahala sa mga pananagutan ng Simbahan, na sinasabing tinawag siya ng Diyos na pamunuan ang Simbahan, at pamumunuan niya ito nang wasto; yaong mga nagtatangkang manghimasok ay mapapahiya kapag napatunayan ang sarili nilang kamalian.”21
Yaong mga hindi tumatanggap sa buhay na propeta ay hindi uunlad at ipapataw sa kanila ang mga kahatulan ng Diyos.
“Sa kabila ng katotohanan na lahat ng kaalaman ay literal na nagmumula sa Diyos, nang ito ay maihayag, hindi pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ito ay paghahayag noong panahong iyon. …
“Si Noe ay isang taong sakdal, at ang kanyang kaalaman o paghahayag tungkol sa magaganap sa mundo ay nagbigay sa kanya ng kapangyarihang maghanda at iligtas ang kanyang pamilya sa pagkalipol sa baha. Ang kaalamang ito, o paghahayag, … ay hindi pinaniwalaan ng mga tao noon sa mundo. Alam nilang si Adan ang unang tao, nilikha sa larawan ng Diyos, na siya ay isang mabuting tao; na lumakad si Enoc na kasama ang Diyos sa loob ng tatlong daan at animnapu’t limang taon, at dinala sa langit nang hindi nakatikim ng kamatayan. Ngunit hindi nila matanggap ang bagong paghahayag: naniniwala kami sa mga dati nang paghahayag dahil pinaniwalaan ito ng aming mga ninuno, ngunit hindi ang mga bagong paghahayag. At tinangay sila ng baha. …
“Ang alituntunin ding ito … ay kitang-kita sa mga Judio nang isilang ang Tagapagligtas. Ipinagyabang [nila] ang mga dati nang paghahayag, pinalamutian ang mga puntod ng mga patay, nagbigay ng ikapu na yerbabuena at anis, nag-alay ng mahahabang panalangin para magpakitang-tao, at tinawid ang karagatan at lupa para makapagturo sa mga magbabalik-loob, subalit nang magmula sa bibig mismo ng Dakilang Ako Nga ang bagong paghahayag, hindi nila ito matanggap—mabigat ito para sa kanila. Nakita rito ang mga katiwalian ng henerasyong iyon, na katulad noong mga nakaraang henerasyon, at isinigaw nila, alisin siya; ipako siya sa krus! …
“Minsan pa, gayunding mga kataga at pananalita ang ginamit pagdating ng Aklat ni Mormon sa henerasyong ito. Ang dati nang paghahayag, mga dating patriarch, peregrino [pilgrim] at apostol, ay pinagpala. Naniniwala tayo sa kanila, ngunit hindi natin kayang paniwalaan ang mga bagong paghahayag.”22
“Lagi nang napagkakamalan ng mga tao na tunay ang mga huwad na propeta, at yaong mga sugo ng Diyos, ang itinuring nilang huwad, kaya pinatay nila, binato, pinarusahan at ikinulong ang mga tunay na propeta, at ang mga ito ay nagtago sa mga ilang at yungib, at sa mga lungga ng lupa [tingnan sa Mga Hebreo 11:38], at kahit pinakamararangal na tao pa sa mundo, ay itinaboy nila mula sa kanilang lipunan bilang mga palaboy, samantalang kanilang pinahalagahan, pinarangalan at sinuportahan ang mga taong mandaraya, palaboy, mapagkunwari, impostor, at pinakaaba ang pagkatao.”23
“Wala ako ni katiting na ideya, kung pagdating ni Cristo ay ipangangaral Niya ang malulupit na bagay na iyon na ipinangaral Niya sa mga Judio, maliban sa tatanggihan Siya ng henerasyong ito sa pagiging malupit. … Maraming magsasabi, ‘Hindi kita iiwan, kundi mananatili ako sa iyong tabi sa lahat ng oras.’ Ngunit sa sandaling ituro mo sa kanila ang ilan sa mga hiwaga ng kaharian ng Diyos na nananatili sa kalangitan at ihahayag sa mga anak ng tao kapag sila ay handa na para dito, sila ang unang babato at papatay sa iyo. Ito rin ang dahilan kaya ipinako sa krus ang Panginoong Jesucristo, at siya ring magiging dahilan para patayin ng mga tao ang mga propeta sa henerasyong ito.
“Maraming bagay na [mahirap ipaliwanag] sa mga anak ng tao sa mga huling araw na ito: halimbawa, kailangang buhayin ng Diyos ang mga patay; [nalilimutan nila] na itinago ang mga bagay-bagay bago pa nilikha ang daigdig, na ihahayag sa mga batang musmos sa mga huling araw.
“Napakaraming matalinong lalaki at babae rin sa ating kalipunan na sobra ang talino para turuan pa; samakatwid mamamatay sila sa kawalan ng muwang, at sa pagkabuhay na mag-uli ay matutuklasan nila ang kanilang pagkakamali. Marami ang napagsarhan ng pintuan ng langit sa pagsasabing, Maaaring maghayag ng ilang bagay ang Diyos na paniniwalaan ko. …
“Lagi na lamang nangyayari na kapag ang Diyos ay nagpadala ng isang taong may priesthood at sinimulan nitong ipangaral ang kabuuan ng ebanghelyo, itinataboy siya ng kanyang mga kaibigan, na handa siyang katayin kung magtuturo siya ng mga bagay na inaakala nilang masama; at si Jesus ay ipinako sa krus dahil sa paniniwalang iyan.”24
“Sa aba, sa aba sa taong iyon o pangkat ng mga tao na sumasalungat sa Diyos at Kanyang mga saksi sa mga huling araw na ito; sapagkat halos malilinlang nila maging ang mga taong pinili!
“… Kapag nagpopropesiya ang isang tao, at inuutusan ang mga tao na sundin ang kanyang mga turo, maaaring siya ay isang tunay o huwad na propeta. Ang mga huwad na propeta ay laging sinasalungat ang mga tunay na propeta at magpopropesiya sila nang napakalapit sa katotohanan kung kaya’t malilinlang nila ang mismong mga taong pinili.”25
“Bunga ng pagtanggi sa Ebanghelyo ni Jesucristo at sa propetang isinugo ng Diyos, ang mga kahatulan ng Diyos ay nasa mga tao, lungsod, at bansa, sa iba’t ibang panahon sa daigdig, na siyang nangyari sa mga lungsod ng Sodoma at Gomorra, na nalipol dahil sa hindi nila pagtanggap sa mga Propeta.”26
Iniulat ni William P. McIntire: “[Si Joseph Smith] ay nagpropesiya na lahat ng tao na nagbalewala sa mga paghahayag na ibinigay, at sa kanya at sa kanyang mga salita, di magtatagal ay mananangis at mananaghoy,… na nagsasabing, Ah! kung nakinig lamang kami sa mga salita ng Diyos at mga paghahayag na ibinigay.”27
Mga Mungkahi sa pag-aaral at pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Repasuhin ang mga tala sa mga pahina 223–26, na pinapansin kung ano ang nadama ng mga unang miyembro ng Simbahan tungkol sa mga paghahayag na natanggap sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ano ang nadarama ninyo tungkol sa Doktrina at mga Tipan?
-
Basahin ang huling talata sa pahina 226. Sa inyong palagay bakit “hindi darating ang kaligtasan kung walang paghahayag”?
-
Repasuhin ang mga pahina 227–29. Sa inyong palagay bakit nagpapalinlang ang mga tao kung minsan, tulad ng kuwento tungkol kay Hiram Page? Ano ang magagawa natin para maiwasang malinlang ng mga huwad na propeta o ng mga maling turo?
-
Repasuhin ang huling tatlong buong talata sa pahina 229. Paano tayo makikinabang sa pagkakaroon ng iisang tao lamang na maaaring tumanggap ng mga paghahayag para sa buong Simbahan? Anong mga karanasan ang maibabahagi ninyo kung kailan pinatnubayan kayo ng Panginoon sa inyong mga natatanging responsibilidad?
-
Sa mga pahina 230–31, basahin kung paano tumugon sina Joseph Smith at Brigham Young nang sabihin ng isang tao na ang mga paghahayag lamang na nakasulat sa mga banal na kasulatan ang dapat nating gamitin. Ano ang magkukulang sa inyong buhay kung mga pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan lamang ang gagamitin ninyo, at hindi na kayo makikinig sa mga salita ng buhay na propeta? Ano ang magagawa natin para masunod ang diwa ng payo ni Brigham Young?
-
Ano ang magagawa natin upang masuportahan ang Pangulo at iba pang mga lider ng Simbahan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 231–33.) Anong payo ang ibinigay ng Pangulo ng Simbahan nitong huling pangkalahatang kumperensya? Sa anong mga paraan kayo napagpala sa pagsunod sa propeta at iba pang mga lider ng Simbahan?
-
Sa anong mga paraan tinatanggihan ng mga tao ang mga propeta ng Diyos? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 233–36.) Ano ang ilang posibleng kahihinatnan ng pagpili na huwag sundin ang payo ng mga pinili ng Panginoon na mamuno sa Kanyang Simbahan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mga Kawikaan 29:18; Jacob 4:8; 3 Nephi 28:34; Mormon 9:7–9; D at T 21:1–6