Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Manatiling Tapat sa mga Unos ng Buhay


Kabanata 19

Manatiling Tapat sa mga Unos ng Buhay

“Manatiling tapat, mga Banal ng Diyos, magtiis pa nang kaunti, at lilipas din ang unos ng buhay, at kayo ay gagantimpalaan ng Diyos na iyon na inyong pinaglilingkuran.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong gabi ng Marso 24, 1832, hatinggabi na’y gising pa si Joseph Smith sa pagbabantay sa kanyang 11-buwang anak na si Joseph, na noon ay may tigdas. Ang pamilyang Smith ay nakatira noon sa tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio. Katutulog pa lamang ng Propeta sa mababang kama nang pasukin ang bahay ng mga isang dosenang mandurumog na nakainom ng alak. Kalaunan ay inilarawan ng Propeta ang mga nangyari noong nakakakilabot na gabing iyon:

“Tinadyakan ng mga mandurumog ang pinto para mabuksan at agad nilang pinaligiran ang kama, at … namalayan ko na lamang na inilalabas ako sa pinto ng galit na galit na mga mandurumog. Nagpapalag ako, nang sapilitan nila akong ilabas, ngunit isang paa ko lamang ang nakapiglas, kaya’t nasipa ko nito ang isang lalaki, at bumagsak siya sa may pintuan. Agad nila akong napigilan; at sumumpa sila … na papatayin nila ako kung hindi ako titigil, kaya tumahimik ako . …

“Pagkatapos ay sinakal nila ako at hindi ako tinigilan hanggang sa mawalan ako ng malay. Nang magkamalay ako, at habang lumalakad kami, mga 150 metro mula sa bahay, nakita kong nakabulagta sa daan si Elder Rigdon, kung saan nila siya kinaladkad. Akala ko patay na siya. Sinimulan kong magsusamo sa kanila, na sinasabing, ‘Maawa naman sana kayo sa akin at huwag ninyo akong patayin.’ Na sinagot nila ng, ‘… Magdasal ka sa Diyos mo na tulungan ka, hindi kami maaawa sa iyo.’ ”

Matapos ang ilang pagtatalo, “ipinasiya [ng mga mandurumog] na huwag akong patayin,” pagsasalaysay ng Propeta, “kundi bugbugin ako at pagkakalmutin, at punitin ang aking kamisadentro at pantalon, at iwanan akong hubad. … Patakbo silang bumalik at kinuha ang timbang puno ng alkitran, nang ibulalas ng isa, na sumusumpa, ‘Lagyan natin ng alkitran ang bibig niya;’at pilit nilang ipinasok ang sandok ng alkitran sa bibig ko; pinilig-pilig ko ang ulo ko, para hindi nila ito magawa; at sumigaw sila, ‘… Huwag mong ipilig ang ulo mo at nang malagyan ka namin ng alkitran.’ Pagkatapos ay sinubukan nilang ipasok ang isang maliit na bote sa bibig ko, at binasag ito sa aking mga ngipin. Lahat ng damit ko ay winarak nila maliban sa kuwelyo ng aking kamisadentro; at dinaluhong ako ng isang lalaki at pinagkakalmot ng kanyang mga kuko ang aking katawan na parang pusang galit na galit. …

“Pagkatapos ay iniwanan nila ako, at sinubukan kong tumayo, ngunit natumba akong muli; tinanggal ko ang alkitran sa aking mga labi, para mas malaya akong makahinga, at maya-maya pa ay nagsimula nang bumalik ang lakas ko, at tumayo ako, at pagdaka’y nakakita ako ng dalawang liwanag. Pinuntahan ko ang isa sa mga ito, at nalaman ko na bahay pala iyon ni Amang Johnson. Pagdating ko sa pintuan … mukhang duguan ang buong katawan ko dahil sa alkitran, at pagkakita sa akin ng asawa ko, akala niya nabugbog ako nang husto, kaya nawalan siya ng malay. …

“Ginugol ng mga kaibigan ko ang buong gabi sa pagkayod at pagtanggal ng alkitran, at paghuhugas at paglilinis sa aking katawan; kaya nang mag-umaga ay handa na akong magbihis na muli.”

Kahit dumaan sa pagsubok na ito, nanatiling tapat ang Propeta sa pagsasakatuparan ng kanyang mga responsibilidad sa Panginoon. Kinabukasan ay Sabbath. “Nagtipon ang mga tao para magpulong sa dating oras ng pagsamba,” pagtatala ng Propeta, “at kasama nilang dumating ang mga mandurumog. … Kahit puno ng kalmot at sugat ang buong katawan ko, nangaral ako sa kongregasyon gaya ng dati, at pagsapit ng hapon sa araw na iyon ay nagbinyag ako ng tatlong tao.”1 Ang anak nina Joseph at Emma na si Joseph ay namatay limang araw pagkaraang sumalakay ang mga mandurumog dahil sa pagkalantad sa malamig na hangin ng gabi habang may tigdas.

Si Wilford Woodruff, ang ikaapat na Pangulo ng Simbahan, ay nagsabi: “Sinabi ng Panginoon kay Joseph na siya ay susubukin, kung siya ay susunod sa Kanyang tipan o hindi, maging hanggang kamatayan. Kanya ngang sinubukan siya; at bagaman kalaban [ni Joseph] ang buong mundo at kailangan niyang tiisin ang kataksilan ng mga huwad na kaibigan, kahit buong buhay niya ay puno ng problema at kaligaligan at pag-aalala, sa kabila ng lahat ng kanyang kasawian, pagkabilanggo, dinanas na pandurumog at masamang pakikitungo, nanatili siyang tapat sa kanyang Diyos.”2

Mga Turo ni Joseph Smith

Yaong mga sumusunod kay Jesucristo ay susubukin at kailangang mapatunayan sa kanilang katapatan sa Diyos.

“Walang kaligtasan, maliban sa bisig ni Jehova. Wala nang ibang makapagliligtas, at hindi siya magliligtas hangga’t hindi natin napapatunayan ang ating katapatan sa kanya sa pinakamahirap na problema. Sapagkat siya na nangaghugas ng kanilang mga damit sa dugo ng Kordero ay kailangang magdanas ng malaking kapighatian [tingnan sa Apocalipsis 7:13–14], maging sa pinakamasaklap na kasawian.” 3

“Ang mga tadhana ng lahat ng tao ay nasa mga kamay ng isang makatarungang Diyos, at hindi niya aapihin ang sinuman; at ito ang isang bagay na tiyak, na sila na namumuhay sa kabanalan kay Cristo Jesus, ay magdaranas ng pag-uusig [tingnan sa II Kay Timoteo 3:12]; at bago maging puti ang kanilang mga kasuotan dahil sa dugo ng Kordero, nararapat asahan, ayon kay Juan na Tagapaghayag, na magdaranas sila ng malaking kapighatian [tingnan sa Apocalipsis 7:13–14].” 4

“Kailangang magdanas ng hirap ang mga tao upang maakyat nila ang Bundok ng Sion at mapadakila sa kalangitan.”5

Habang labis na nagdurusa sa kanyang pagkabilanggo sa Liberty Jail noong taglamig ng 1838–39, sumulat si Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan: “Minamahal na mga kapatid, sinasabi namin sa inyo, na yamang sinabi ng Diyos na susubukin Niya ang Kanyang mga tao, na Kanya silang pakikinisin na parang ginto [tingnan sa Malakias 3:3], iniisip namin ngayon na sa pagkakataong ito ay napili Niya mismo ang pinakamahirap na pagsubok, kung saan tayo ay sinubukan; at iniisip namin na kung malalampasan natin ito nang ligtas kahit paano, at mananatili tayong sumasampalataya, magiging tanda ito sa henerasyong ito, na sapat na ang lahat upang hindi nila mabigyan ng katwiran ang kanilang mga kasalanan; at iniisip din namin, na ito ay isang pagsubok sa ating pananampalataya na katumbas ng pagsubok kay Abraham, at sa araw ng paghuhukom ay hindi maipagmamalaki ng sinaunang mga Banal na mas mahirap ang pinagdaanan nila kaysa atin; nang sa gayon ay mahatulan tayo na kasimbuti nila.”6

“Ang mga pagsubok ay magbibigay lamang sa atin ng kaalamang kailangan upang maunawaan ang nasa isipan ng mga sinauna. Para sa akin, palagay ko ay hindi ko madarama ang nadarama ko ngayon, kung hindi ko naranasang mapagmalupitan. Ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Diyos [tingnan sa Mga Taga Roma 8:28].”7

Sinabi ni John Taylor, ang ikatlong Pangulo ng Simbahan: “Narinig kong sinabi ng Propeta, sa pakikipag-usap sa Labindalawa sa isang pagkakataon: ‘Daraan tayo sa lahat ng uri ng pagsubok. At totoong kailangan kayong subukin katulad ni Abraham at ng ibang tao ng Diyos, at (sinabi niya) [susubukin] kayo ng Diyos, at hahawakan niya kayo at [susubukin Niya ang kaibuturan] ng inyong puso, at kung hindi ninyo ito makakaya hindi kayo angkop para sa isang pamana sa Kahariang Selestiyal ng Diyos.’… Hindi kailanman nakaranas ng maraming buwan ng kapayapaan si Joseph Smith matapos niyang matanggap ang katotohanan, at sa huli siya ay pinaslang sa bilangguan ng Carthage.”8

Susuportahan at pagpapalain ng Diyos ang mga yaong nagtitiwala sa Kanya sa oras ng pagsubok.

“Ang kapangyarihan ng Ebanghelyo ay magpapabangon sa atin at matitiis natin ang malaking hirap na darating sa atin mula sa lahat ng panig. … Kapag mas matindi ang pag-uusig mas dakila ang mga kaloob ng Diyos sa kanyang simbahan. Oo, lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa sa ikabubuti nila na handang ialay ang kanilang buhay alang-alang kay Cristo.”9

“Ang tangi kong pag-asa at pinagtitiwalaan ay na ang Diyos na siyang nagbigay sa akin ng buhay, na taglay ang lahat ng kapangyarihan, siya na nasa harapan ko ngayon, at ang aking nadarama at hangarin ay hayag sa kanyang mga mata magpakailanman. Siya ang aking tagaaliw, at hindi niya ako pinababayaan.”10

“Alam ko kung sino ang pinagkakatiwalaan ko; matatag ang aking kinatatayuan; hindi ako kayang igupo, hindi, hindi ako maigugupo ng mga pagbaha.”11

Matapos palayain ang Propeta mula sa kanyang pagkabilanggo sa Liberty Jail, ganito ang sabi niya tungkol sa kanyang karanasan: “Salamat Diyos, kami ay napalaya. At bagaman ang ilan sa mahal naming mga kapatid ay tinatakan ng kanilang dugo ang kanilang patotoo, at namatay na martir alang-alang sa katotohanan—

“Matindi ma’y maikli naman ang sakit na nadama,

Walang hanggang galak ang mapapasakanila.

“Huwag tayong mangalumbay na tulad ng mga ‘walang pagasa’ [tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 4:13]; parating na ang panahon na makikita natin silang muli at sama-sama tayong magagalak, nang hindi natatakot sa masasama. Oo, yaong mga namatay kay Cristo, ay isasama Niya sa Kanya, kapag Siya ay pumarito upang maluwalhati sa Kanyang mga Banal, at hangaan ng lahat ng naniniwala, ngunit maghihiganti Siya sa Kanyang mga kaaway at sa lahat ng hindi sumusunod sa Ebanghelyo.

“Sa panahong iyon ang mga puso ng mga balo at ulila sa ama ay maaaliw, at bawat luha ay papahirin mula sa kanilang mga pisngi. Ang mga pagsubok na kinailangan nilang danasin ay magkakalakip na gagawa sa kanilang ikabubuti, at ihahanda sila sa samahan ng mga yaong matapat na napagtiisan ang matinding kapighatian, at nangahugasan ang kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero. [Tingnan sa Mga Taga Roma 8:28; Apocalipsis 7:13–14, 17.]”12

Isinulat ng Propeta ang sumusunod sa isang liham sa mga Banal noong Setyembre 1, 1842, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 127:2: “At tungkol sa mga panganib na kung saan ako ay tinawag na magdanas, ang mga ito ay waring maliit na bagay sa akin, sapagkat ang pagkainggit at pagkapoot ng tao sa akin ay naging pangkaraniwang bagay sa lahat ng araw ng aking buhay. … Malalim na tubig ang aking kinasanayang languyin. Itong lahat ay naging pangkaraniwan sa akin; at aking nararamdaman, tulad ni Pablo, na nagpupuri sa pagdurusa; sapagkat hanggang sa araw na ito ang Diyos ng aking mga ama ay iniligtas ako sa kanilang lahat, at ililigtas ako magmula ngayon; sapagkat masdan, at narito, ako ay magtatagumpay sa lahat ng aking kaaway, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito.”13

Ang matatapat ay hindi bumubulung-bulong sa paghihirap, kundi nagpapasalamat sa kabutihan ng Diyos.

Noong Disyembre 5, 1833, sumulat ang Propeta sa mga lider ng Simbahan na nangungulo sa mga Banal na pinag-uusig sa Missouri: “Alalahaning huwag bumulung-bulong tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga nilikha. Hindi pa ninyo naranasan ang mahihirap na pagsubok na dinanas ng mga sinaunang Propeta at Apostol. Gunitain si Daniel, ang tatlong batang Hebreo [sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego], sina Jeremias, Pablo, Esteban, at marami pang iba, napakarami nila para banggitin, na pinagbabato, pinaglalagari, tinukso, pinagpapatay sa tabak, at [sila na] paroo’t parito na nakasuot ng mga balat ng tupa at kambing, naghihikahos, namimighati, pinahihirapan, ng mga taong hindi nararapat mabuhay sa mundo. Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan, at nagtago sa mga lungga at kuweba ng mundo; gayunpaman ay napatunayan nila ang kani lang sarili sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Mga Hebreo 11:37–39]; at sa gitna ng lahat ng kanilang hirap nagalak silang maituring na karapat-dapat dumanas ng pag-uusig alangalang kay Cristo.

“Hindi natin alam kung anong pagsubok ang pagdaraanan natin bago mapalaya at maitatag ang Sion; samakatwid, malaki ang pangangailangan nating mamuhay nang malapit sa Diyos, at laging mahigpit na sundin ang lahat ng Kanyang utos, nang tayo ay magkaroon ng budhing walang kasalanan sa Diyos at tao. …

“… Sa Diyos tayo nagtitiwala, at determinado tayo, sa tulong ng Kanyang awa sa atin, na isakatuparan ang layunin at manatiling tapat hanggang wakas, nang tayo ay maputungan ng mga putong ng kaluwalhatiang selestiyal, at makapasok sa kapahingahang inihanda para sa mga anak ng Diyos.”14

Makaraan ang limang araw, sumulat ang Propeta sa mga lider ng Simbahan at mga Banal sa Missouri: “Magpasalamat tayo na nasa mabuti tayong kalagayan ngayon, at buhay pa tayo at marahil, may malaking kabutihang inilaan ang Diyos para sa atin sa henerasyong ito, at maaari Niyang loobin na luwalhatiin pa natin ang Kanyang pangalan. Nagpapasalamat ako na wala nang mga taong nagtatatwa sa pananampalataya; dalangin ko sa Diyos sa pangalan ni Jesus na nawa’y maging matatag kayong lahat sa pananampalataya hanggang wakas.”15

Nakatala sa journal ng Propeta noong Enero 1, 1836: “Dahil ito ang simula ng bagong taon, puspos ng pasasalamat sa Diyos ang aking puso na Kanyang iniligtas ang aking buhay, at ang buhay ng aking pamilya, sa nagdaang taon. Sinuportahan kami at tinulungan sa gitna ng masasama at balakyot na henerasyon, bagaman lantad sa lahat ng hirap, tukso, at pagdurusa na likas na bahagi ng buhay; dahil dito dapat akong magpakumbaba sa alabok at mga abo, wika nga, sa harapan ng Panginoon.”16

Tungkol sa paggaling sa isa niyang karamdaman noong Hunyo 1837, sinabi ng Propeta: “Isa ito sa maraming pangyayari na bigla akong nagkasakit, at nabingit sa kamatayan, at agad ding gumaling, na lubos kong pinasasalamatan sa aking Ama sa langit, at muli kong ninais na ilaan ang aking sarili at lahat ng lakas ko sa paglilingkod sa Kanya.”17

Ang pagtitiwala sa kapangyarihan, karunungan, at pagmamahal ng Diyos ay tutulong sa atin na maiwasang panghinaan ng loob sa mga panahon ng pagsubok.

“Lahat ng problema na maaari at tiyak nating pagdaraanan ay dapat nating madaig. Kahit subukan ang kaluluwa, manghina ang loob, at bumaba ang mga kamay, hindi tayo dapat umurong; dapat tayong magkaroon ng matatag na pagkatao.” 18

“Sa pagtitiwala sa kapangyarihan, karunungan, at pagmamahal ng Diyos, nakasulong ang mga Banal sa pinakamahihirap na sitwasyon, at kadalasan, kapag sa tingin ng lahat ng tao ay tiyak na ang kamatayan, at [tila] hindi na maiiwasan ang pagkawasak, nakita ang kapangyarihan ng Diyos, naihayag ang Kanyang kaluwalhatian, at naisagawa ang pagliligtas; at ang mga Banal, tulad ng mga anak ng Israel, na lumabas sa lupain ng Egipto, at tumawid sa Dagat na Pula, ay nagsiawit ng isang awit ng papuri sa kanyang banal na pangalan.” 19

“Alam ko na magwawakas din ang kaguluhan, at ang kaharian ni Satanas ay wawasakin, kasama ang lahat ng masama niyang hangarin; at ang mga Banal ay lalabas tulad ng ginto na makapitong ulit na dinalisay, na ginawang ganap sa pamamagitan ng paghihirap at mga tukso, at ang mga pagpapala ng langit at lupa ay pararamihin sa kanilang uluhan; na nawa’y ipagkaloob ng Diyos alang-alang kay Cristo.”20

“Manatiling tapat, mga Banal ng Diyos, magtiis pa nang kaunti, at lilipas din ang unos ng buhay, at kayo ay gagantimpalaan ng Diyos na iyon na inyong pinaglilingkuran, at pahahalagahan Niya nang husto ang lahat ng inyong pagpapagal at paghihirap alang-alang kay Cristo at sa Ebanghelyo. Ang inyong mga pangalan ay ipapasa sa inyong inapo bilang mga Banal ng Diyos.”21

Natanggap ni George A. Smith, na naglingkod bilang tagapayo ni Pangulong Brigham Young, ang sumusunod na payo mula kay Propetang Joseph Smith sa oras ng kanyang matinding paghihirap: “[Sinabi niya sa akin na] hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kailanman kahit anong hirap ang pumaligid sa akin. Kung ako ay ibaon sa pinakamalalim na hukay ng Nova Scotia at ang [buong] Rocky Mountains ay maibunton sa akin, hindi ako dapat [panghinaan] ng loob kundi umasa, manampalataya at manatiling matapang at ako ay makaaahon sa ibabaw ng bunton.”22

Ilang araw lamang bago pinaslang ang Propeta, sa panahong alam niya at ng mga Banal na nasa panganib ang kanyang buhay, hinawakan ni Joseph ang kamay ni Abraham C. Hodge at sinabing: “Ngayon, Brother Hodge, hayaan mong mangyari ang dapat mangyari; huwag mong itatwa ang pananampalataya, at magiging maayos ang lahat.”23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang salaysay sa mga pahina 265–67. Sa inyong palagay bakit natiis ni Propetang Joseph Smith ang mga pagsubok na dinanas niya? Ano ang mga naiisip o nadarama ninyo kapag winawari ninyo ang kanyang “katawan [na] puno ng kalmot at sugat,” habang nagtuturo sa kongregasyon?

  • Basahin ang ikalawa sa huling talata sa pahina 267. Sa inyong palagay paano tayo natutulungan ng paghihirap sa paghahanda para sa kadakilaan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 267–68.) Ano ang natutuhan ninyo sa inyong mga pagsubok?

  • Tatlong beses sa kabanatang ito, tiniyak sa atin ni Joseph Smith na “ang mga pagsubok na naranasan [natin] ay magkakalakip na gagawa sa [ating] ikabubuti” (pahina 269–70; tingnan din sa pahina 268). Paano ninyo nakita ang katotohanan ng pahayag na ito?

  • Basahin ang buong ikalawa at ikatlong talata sa pahina 269. Anong mga karanasan ang maibabahagi ninyo kung kailan inaliw kayo ng Panginoon sa mga oras ng pagsubok? Ano ang kahulugan sa inyo ng “tumayo sa ibabaw ng bato”?

  • Pinayuhan ni Joseph Smith ang mga Banal na huwag bumulungbulong, o magreklamo, tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa atin (mga pahina 270–71). Sa anong mga paraan tayo naaapektuhan ng pagbulung-bulong? Ano ang ilang paraang nararapat sa pagtugon natin sa mga pagsubok? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 270–73.)

  • Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “matatag na pagkatao” kapag nahaharap sa mga problema? (pahina 272).

  • Basahin ang payo ng Propeta kay George A. Smith (pahina 273). Paano makakatulong sa inyo ang payong ito kapag nahaharap kayo sa mga pagsubok?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 55:22; Juan 16:33; Alma 36:3; Helaman 5:12; D at T 58:2–4; 90:24; 122:5–9

Mga Tala

  1. History of the Church, 1:261–64; inalis ang pagkakahilig ng mga salita; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, pp. 205–8, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. Wilford Woodruff, Deseret News: Semi-Weekly, Okt. 18, 1881, p. 1; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra.

  3. Liham ni Joseph Smith kay William W. Phelps at sa iba pa, Ago. 18, 1833, Kirtland, Ohio; Joseph Smith, Collection, Church Archives.

  4. History of the Church, 1:449; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Edward Partridge at sa iba pa, Dis. 5, 1833, Kirtland, Ohio.

  5. History of the Church, 5:556; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 27, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Willard Richards at William Clayton.

  6. History of the Church, 3:294; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng iba pa kay Edward Partridge at sa Simbahan, Mar. 20, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri.

  7. History of the Church, 3:286; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Presendia Huntington Buell, Mar. 15, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri; mali ang pagbabaybay na “Bull” sa apelyido ni Sister Buell sa History of the Church.

  8. John Taylor, Deseret News: Semi Weekly, Ago. 21, 1883, p. 1.

  9. Liham ni Joseph Smith kay William W. Phelps at sa iba pa, Ago. 18, 1833, Kirtland, Ohio; Joseph Smith, Collection, Church Archives.

  10. Liham ni Joseph Smith kay William W. Phelps, Hulyo 31, 1832, Hiram, Ohio; Joseph Smith, Collection, Church Archives.

  11. History of the Church, 2:343; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay William Smith, Dis. 18, 1835, Kirtland, Ohio.

  12. History of the Church, 3:330–31; ginawang makabago ang pagbaban tas; mula sa “Extract, from the Private Journal of Joseph Smith Jr.,” Times and Seasons, Nob. 1839, p. 8.

  13. Doktrina at mga Tipan 127:2; isang liham ni Joseph Smith sa mga Banal, Set. 1, 1842, Nauvoo, Illinois.

  14. History of the Church, 1:450; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Edward Partridge at sa iba pa, Dis. 5, 1833, Kirtland, Ohio.

  15. History of the Church, 1:455; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Edward Partridge at sa iba pa, Dis. 10, 1833, Kirtland, Ohio.

  16. History of the Church, 2:352; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ene. 1, 1836, Kirtland, Ohio.

  17. History of the Church, 2:493; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book B-1, p. 762–63, Church Archives.

  18. History of the Church, 4:570; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 30, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  19. History of the Church, 4:185; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa mga Banal, Set. 1840, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 1840, p. 178.

  20. History of the Church, 2:353; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ene. 1, 1836, Kirtland, Ohio.

  21. History of the Church, 4:337; mula sa isang ulat ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, Abr. 7, 1841, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Abr. 15, 1841, p. 385.

  22. George A. Smith, “History of George Albert Smith by Himself,” p. 49, George Albert Smith, Papers, 1834–75, Church Archives.

  23. History of the Church, 6:546; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book F-1, p. 147, Church Archives.

Joseph being tarred and feathered

Noong gabi ng Marso 24, 1832, sa Hiram, Ohio, kinaladkad ng mga galit na galit na mandurumog si Joseph Smith palabas ng kanyang bahay at binuhusan siya ng alkitran at mga balahibo.

John Taylor

John Taylor

family in hospital

“Sa Diyos tayo nagtitiwala, at determinado tayo, sa tulong ng Kanyang awa sa atin, na isakatuparan ang layunin at manatiling tapat hanggang wakas.”