Kabanata 23
“Kaybuti at Kaysaya … na Magsitahang Magkakasama sa Pagkakaisa”
“Magkakasama tayong gumagawa sa isang matibay at pamalagiang paraan.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Noong Disyembre 27, 1832, tumanggap ng isang utos si Propetang Joseph Smith mula sa Panginoon na simulan na ng mga Banal ang pagtatayo ng templo sa Kirtland (tingnan sa D at T 88:119). Noong Hunyo 1, 1833, nagbigay pa ng mga karagdagang tagubilin ang Panginoon sa Propeta: “Ngayon narito ang karunungan, at ang isipan ng Panginoon—ang bahay ay itatayo hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan… ; itayo ito alinsunod sa pamamaraang aking ipakikita sa tatlo sa inyo” (D at T 95:13–14).
Ilang araw ang nakalipas, tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako, ibinigay kay Joseph Smith at sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang isang kahanga-hangang pangitain kung saan nakita nila ang detalyadong mga plano para sa templo. Si Frederick G. Williams, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay naalala kalaunan: “Natanggap ni Joseph [Smith] ang salita ng Panginoon na isama ang kanyang dalawang tagapayo, sina [Frederick G.] Williams at [Sidney] Rigdon, at humarap sa Panginoon at Kanyang ipakikita sa kanila ang plano o modelo ng bahay na itatayo. Lumuhod kami, nanalangin sa Panginoon, at lumitaw ang gusali sa layong abot-tanaw namin, at ako ang unang nakatuklas dito. Pagkatapos sama-sama naming tiningnan ito. Matapos naming makitang mabuti ang panlabas na hitsura nito, parang lumapit ang gusali sa mismong harapan namin.”1
Nang ipaliwanag ni Joseph Smith sa kapulungan ng mga high priest ang maluwalhating planong inihayag sa Unang Panguluhan, natuwa ang kalalakihan at nagsilabasan para pumili ng isang pagtatayuan nito—isang lugar sa may taniman ng trigo na tinamnan ng magkakapatid na Smith noong nakaraang taglagas. Agad tumakbo si Hyrum Smith para kumuha ng mahabang karit upang simulan ang paghahawan sa lupain para sa pagtatayo, na sinasabing, “Naghahanda tayong magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, at nagpasiya akong mauna sa gawain.”2
Dahil sa kasiglahang ito nagkaisa ang damdamin ng mga Banal sa paggawa at pagsasakripisyo para maitayo ang unang templo sa dispensasyong ito. Sa ilalim ng pamamahala ni Emma, gumawa ng mga medyas, pantalon, at pangginaw ang kababaihan para sa mga nagtatayo ng templo. Gumawa rin ng mga kurtina at karpet ang kababaihan para sa templo, at ang paggawa ng loob ng templo ay pinamahalaan ni Brigham Young. Ipinagbili ni Brother John Tanner ang kanyang mahigit 890-ektaryang bukirin sa New York, na tamang-tama ang dating sa Kirtland para pahiramin ng $2,000 ang Propeta upang matubos ang pagkakasangla sa blokeng pagtatayuan ng templo, na malapit nang mailit. Para mapangalagaan ang templo sa mga nagbabantang mandurumog, binantayan ng kalalakihan ang templo sa gabi, na natutulog na suot pa rin ang ginamit nilang damit-pantrabaho sa maghapon.
Ipinahayag ng Propeta: “Malaking paghahanda ang ginagawa namin upang masimulan ang pagtatayo ng isang bahay ng Panginoon; at kahit mahirap ang Simbahan, laganap ang aming pagkakaisa, pagkakasundo at pag-ibig sa kapwa upang palakasin kaming sundin ang mga utos ng Diyos.”3
Si Heber C. Kimball, na naging miyembro ng Korum ng Labindalawa isang taon bago inilaan ang templo, ay inilarawan ang mabigat na gawain: “Ang simbahan ay nagkaisa sa gawaing ito, at lahat ay tumulong. Ang mga walang alagang hayop na hihila sa bagon ay nagtrabaho sa tibagan ng bato at inihanda ang mga bato para mahila papunta sa bahay.”4Naalala rin ni Elder Kimball: “Sabi ni Joseph, ‘Halina, mga kapatid, pumunta tayo sa tibagan ng bato at magtrabaho para sa Panginoon.’ At pumunta mismo ang Propeta suot ang kanyang maluwang na kamiseta at pantalon [damit-pantrabaho na yari sa linen] at nagtibag ng bato tulad namin. Pagkatapos tuwing Sabado inilalabas namin ang lahat ng hayop para hilahin ang mga bato papunta sa templo, at nagpatuloy kami hanggang sa matapos ang bahay; at ang aming mga asawa ay buong panahong nag-knit, nag-ikid ng sinulid at nanahi, at… gumawa ng lahat ng uri ng trabaho.”5
Ang mga pagsisikap ng mga Banal sa Kirtland ay larawan ng pagkakaisa, sakripisyo, at katapatan na nagpasakatuparan sa mga layunin ng Panginoon sa darating na mga taon. Isa ito sa maraming pagkakataon kung saan ang mga Banal ay nagtulungan, na sinusunod ang payo ni Propetang Joseph Smith: “Magkakasama tayong gumawa sa isang matibay at pamalagiang paraan.”6
Mga Turo ni Joseph Smith
Kapag nagkakaisa tayo sa paggawa, mas naisasakatuparan natin ang mga layunin ng Diyos.
[Kami] ay nagagalak na makapiling ang mga Banal sa isa pang Pangkalahatang Kumperensya [Oktubre 1840]. … Ang mga Banal ay masisigasig, walang pagod, at puno ng sigla na tulad ng dati, sa malaking gawain sa mga huling araw; at [ito] ay nagbigay sa amin ng galak at kasiyahan, at lalong naghikayat sa amin, habang nakikibaka sa mga hirap na hindi maiwasan sa aming pagdaan.
“Laging ipakita ng mga kapatid ang gayong kagalakan, at suportahan kami, at dapat tayong sumulong, at susulong tayo; ang gawain ng Panginoon ay lalaganap, ang Templo ng Panginoon ay maitatayo, ang mga Elder ng Israel ay mahihikayat, ang Sion ay maitatatag, at magiging kapurihan, kagalakan, at kaluwalhatian ng buong mundo; at ang awit ng papuri, kaluwalhatian, karangalan, at karingalan sa Kanya na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero magpakailanman at magpasawalang-hanggan, ay aalingawngaw sa mga burol, mga bundok, mga pulo, mga lupalop, at ang mga kaharian ng sanlibutang ito ay magiging kaharian ng ating Diyos at ng Kanyang Cristo [tingnan sa Apocalipsis 11:15].
“Tunay na nagagalak kaming malaman na may gayong diwa ng pagkakaisa na umiiral sa mga simbahan, sa atin at sa ibang bansa, sa lupalop na ito, gayundin sa mga pulo ng karagatan; sapagkat sa pamamagitan ng alituntuning ito, at sama-samang pagkilos, maisasakatuparan natin ang mga layunin ng ating Diyos.”7
“[Ang Nauvoo Temple] ay mabilis na naitatayo; walang tigil na pagsisikap ang ginawa sa lahat ng dako upang mapadali ang pagtatayo nito, at lahat ng uri ng materyal ay mabilis na nadadala, at sa susunod na taglagas umaasa kaming makita na napaderan na ang gusali. … Madalas, noong taglamig, sindami ng limampung katao ang nagtibag ng bato, habang kasabay nito ay maraming iba pang naghihila ng mga bato, at gumagawa ng iba pang trabaho. …
“Samantalang abalang nagsisigawa ng iba’t iba nilang trabaho ang mga tao sa araw-araw, at nagbibigay ng ikasampung bahagi ng kanilang oras sa pagtatayo ng templo, gayundin kasugid ang iba sa pagbibigay ng kanilang mga ikapu at lubos na paglalaan ng mga bagay para sa gayunding dakilang layunin. Mula nang itatag ang pundasyon ng Simbahang ito, wala na kaming nakitang higit na kahandaang sundin ang [mga hinihingi] ni Jehova, mas masidhing hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, higit na pagtatrabaho, higit na sakripisyo kaysa mula nang sabihin ng Panginoon na, ‘Itayo [ang Templo] sa pamamagitan ng ikapu ng aking mga tao.’ [Tingnan sa D at T 97:10–11.] Tila baga ang diwa ng kasipagan, pagkakawanggawa at pagsunod ay sabay-sabay na napasa mga matanda at bata; at ang kalalakihan at kababaihan, mga batang lalaki at babae, at maging ang mga dayuhan, na hindi miyembro ng Simbahan, ay nagkaisa sa walang kapantay na pagtulong sa pagsasakatuparan ng dakilang gawaing ito; kahit ang balo, sa maraming pagkakataon, ay hindi mapigilan, sa kabila ng kahirapan, sa pagbibigay ng kanyang dalawang lepta.
“Nadarama namin sa oras na ito na ipaabot sa lahat, matanda at bata, kapwa sa loob at labas ng Simbahan, ang aming taospusong pasasalamat sa kanilang walang kapantay na pagtulong, kabaitan, kasigasigan, at pagsunod, na tamang-tamang naipakita sa pagkakataong ito. Hindi dahil sa personal o isa-isa kaming nakinabang sa pera, kundi nang ang kalalakihan, tulad sa nangyaring ito, ay nagpakita ng pagkakaisa ng layunin at hangarin, at lahat ay nagdagdag ng kanilang lakas sa paggawa, malaki ang nabawas sa aming alalahanin, gawain, pagpapagal at pag-aalala, lumambot ang aming pamatok at gumaan ang aming pasan [tingnan sa Mateo 11:30].” 8
“Ngayon, sasabihin kong muli, tulad ng Mang-aawit noong sinauna, ‘Kaybuti at kaysaya sa mga magkakapatid na magsitahang magkakasama sa pagkakaisa.’ ‘Tulad ng mamahaling langis sa ulo na tumulo sa balbas ni Aaron, na tumulo sa laylayan ng kanyang mga suot, gaya ng hamog sa Hermon, na bumababa sa mga bundok ng Sion,’ ang gayong pagkakaisa; ‘sapagka’t doon pinarating ng Panginoon ang pagpapala, sa makatuwid baga’y ang buhay na magpakailan pa man!’ Ang pagkakaisa ay kapangyarihan. [Tingnan sa Mga Awit 133:1–3.]”9
Tumitibay ang ating pagkakaisa kapag sinisikap nating sundin ang mga batas ng Diyos at daigin ang ating kasakiman at mga maling palagay.
Noong Disyembre 1840 lumiham ang Propeta sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa at iba pang mga lider ng priesthood na nagmimisyon sa Great Britain: “…Kasiya-siyang isipin, na nagkakasundo kayo, at ang mga Banal ay masayang dininig ang payo, at [lalong nagsikap] nang magkasama sa gawaing ito ng pagmamahal, at sa pagtataguyod ng katotohanan at kabutihan. Ito ang dapat mangyari sa Simbahan ni Jesucristo; ang pagkakaisa ay lakas. ‘Kaysaya sa mga magkakapatid na magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!’ [Mga Awit 133:1.] Papagibayuhin sa mga Banal ng Makapangyarihang Diyos ang alituntuning ito magpakailanman, at dapat itong magdulot ng napakaluwalhating mga pagpapala, hindi lamang sa bawat isa, kundi sa buong Simbahan—ang kaayusan ng kaharian ay mapapanatili, igagalang ang mga pinuno, at ang mga ipinagagawa nito ay mabilis at masayang gagawin. …
“Ipaalala sa mga Banal na ang mga dakilang bagay ay nakasalalay sa pagsisikap ng bawat isa, at na sila ay tinawag na maging kapwa manggagawa namin at ng Banal na Espiritu sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain sa mga huling araw; at bilang pagsasaalang-alang sa nasasaklawan, mga pagpapala at kaluwal hatian ng dakilang gawaing iyon, huwag lamang ibaon kundi puksain ang lahat ng kasakiman; at panaigin ang pagmamahal sa Diyos at sa tao, at panatilihin sa bawat isipan, na ang kanilang mga puso ay maging tulad ng kay Enoc na sinauna, at maunawaan ang lahat ng bagay, sa kasalukuyan, nakaraan at hinaharap, at hindi kulangin sa anumang kaloob, habang naghihintay sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo [tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:7].
“Ang gawaing pinagkaisahan nating gawin ay hindi pangkaraniwan. Ang mga kaaway na kailangan nating daigin ay tuso at napakahusay magpaikot; dapat tayong maging listo na ituon ang ating lakas, at dapat mamayani ang pinakamagandang damdamin sa ating puso; at pagkatapos, sa tulong ng Makapangyarihang Diyos, tuluy-tuloy ang ating tagumpay, at paglupig; ang ating masamang hangarin ay masusupil, ang ating maling palagay ay mawawala; mawawalan ng puwang sa ating puso ang pagkamuhi; ang kasamaan ng ugali ay hindi mababanaag, at tatayo tayong may pagsang-ayon sa mata ng langit, at kikilalaning mga anak na lalaki ng Diyos.
“Unawain natin na hindi tayo nabubuhay para sa ating sarili, kundi para sa Diyos; sa paggawa nito ang pinakadakilang mga pagpapala ay mapapasa atin kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”10
“Sasabihin namin sa mga Banal na dumating dito [sa Nauvoo], naitatag na namin ang saligan para sa pagtitipon ng mga tao ng Diyos sa lugar na ito, at umaasa [kami] na pagdating nga rito ng mga Banal, susundin nila ang payong itinalaga ng Diyos. … Sinisikap namin dito na bigkisan ang aming mga balakang, at alisin mula sa aming paligid ang mga gumagawa ng kasamaan; at umaasa kami na pagdating ng aming mga kapatid mula sa ibang bansa, tutulungan nila kaming ipalaganap ang mabuting gawaing ito, at isakatuparan ang dakilang hangaring ito, na ‘maitayo sa kabutihan ang Sion; at ang lahat ng bansa ay magtipon sa kanyang bandila;’ na bilang mga tao ng Diyos, sa ilalim ng Kanyang patnubay, at pagsunod sa Kanyang batas, tayo ay lumago sa kabutihan at katotohanan; na kapag ang Kanyang mga layunin ay naisakatuparan na, tayo ay makatanggap ng mana kasama ang yaong mga pinabanal.”11
“Tayo, lahat tayo, ay may mga kaibigan, kakilala, pamilya at kasamahan; at nakita natin na ang bigkis ng pagkakaibigan … at kapatiran ay matibay tayong pinagkaisa kasama ang libu-libong napamahal na mga kasamahan; tinanggap natin ang iisang pananampalataya, maging ang yaong ‘ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal.’ [Judas 1:3.] Nagkaroon tayo ng pribilehiyong marinig ang walang hanggang ebanghelyo, na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng diwa ng propesiya, sa pamamagitan ng pagbubukas ng kalangitan, ng kaloob na Espiritu Santo, ng paglilingkod ng mga anghel, at ng kapangyarihan ng Diyos. … Ang pagdamay ng kaanak ay dumadaloy sa buong katawan, maging sa katawan ni Cristo, na kanyang simbahan, ayon sa pahayag ni Pablo; at ni isang bahagi ng katawan ay hindi masasaktan nang hindi nasasaktan ang ibang bahagi ng katawan, sapagkat sinabi ni Pablo, kung ang isang miyembro ay nagdaramdam, lahat ng miyembro ay nagdaramdam ding kasama niya; at kung ang isang miyembro ay nagagalak, lahat ng miyembro ay nagagalak na kasama niya [tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:12–27].”12
Ang pinakamalaking pagpapalang temporal at espirituwal ay lagi nang nagmumula sa pagkakaisa ng lakas.
Noong Enero 1841, ang Propetang Joseph Smith at kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay nagbigay ng tagubilin sa mga Banal na dumarating sa Nauvoo mula sa iba’t ibang panig ng mundo: “Sa sama-samang pagkilos, at pagkakaisa ng lakas, maisasakatuparan natin ang dakilang gawain sa mga huling araw … , habang ang ating kapakanan, kapwa temporal at espirituwal, ay lalong mag-iibayo, at ang mga pagpapala ng langit ay kailangang ibuhos sa atin nang tuluy-tuloy; tungkol dito, sa palagay namin ay walang pag-aalinlangan.
“Ang pinakamalalaking pagpapalang temporal at espirituwal na lagi nang nagmumula sa katapatan at sama-samang paggawa, ay hindi kailanman natamo sa indibiduwal na pagsisikap o kasipagan. Ang kasaysayan ng lahat ng nagdaang panahon ay lubos na magpapatunay sa katotohanang ito. …
“Hangad naming maunawaan ng mga Banal na, pagpunta nila rito, hindi sila dapat umasa na perpekto ang lahat, o na lahat ay nagkakasundo, payapa, at nagmamahalan; kung ito ang akala nila, walang alinlangang malilinlang sila, sapagkat dito ay may mga tao, hindi lamang mula sa iba’t ibang estado, kundi mula sa iba’t ibang bansa, na, bagaman matindi ang paniniwala nila sa layon ng katotohanan, ay may mga maling palagay na natutuhan, at bunga nito, nangangailangan pa sila ng ilang panahon bago mapaglabanan ang mga bagay na ito. Isa pa, maraming nagsipasok nang lihim, at nagsisikap na magpasimula ng pagtatalo, alitan, at poot sa ating paligid, at sa paggawa nito, nagdudulot sila ng kasamaan sa mga Banal. … Samakatwid, pagpasiyahin ang mga pumupunta sa lugar na ito na sundin ang mga utos ng Diyos, at huwag panghinaan ng loob sa mga bagay na aming binanggit, at sila ay pauunlarin—ang talino ng langit ay ibabahagi sa kanila, at sila, kalaunan, ay magkakaunawaan, at magagalak sa ganap na katuparan ng kaluwalhatiang iyon na nakalaan sa mabubuti.
“Upang maitayo ang Templo ng Panginoon, kailangan ang malaking pagsisikap ng mga Banal, nang sa gayon ay makapagtayo sila ng isang bahay na tatanggapin ng Makapangyarihan, at kung saan ipakikita ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian. Samakatwid anyayahan ang mga malayang magsakripisyo ng kanilang oras, mga talento, at ari-arian, para sa kaunlaran ng kaharian, at sa pagmamahal nila sa layon ng katotohanan, … na makiisa sa atin sa dakilang gawain sa mga huling araw, at makibahagi sa paghihirap, nang sa huli ay makibahagi sila sa kaluwalhatian at tagumpay.”13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Isipin ang pahayag ni Propetang Joseph Smith, “Magkakasama tayong gumawa sa isang matibay at pamalagiang paraan” (pahina 319). Ano ang mangyayari kapag ang isang pagsisikap ay hindi gaanong matagal o matibay? Ano ang mangyayari kapag hindi nagkakaisa sa paggawa ang mga tao? Paano natin maipamumuhay ang pahayag ng Propeta sa ating mga tahanan? sa mga tungkulin natin sa Simbahan?
-
Basahin ang huling talatang nagsisimula sa pahina 320. Bakit gumagaan ang mga pasanin kapag nagtutulungan tayo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 317–21.) Anong mga alituntunin ang nakatulong sa inyo upang makipagtulungan sa iba nang may higit na pagkakaisa?
-
Repasuhin ang huling talatang nagsisimula sa pahina 321. Ano ang ilang panganib ng pagkamakasarili? Ano ang magagawa natin para maalis ang mga makasariling damdamin sa ating kalooban? Ano ang inyong madarama kapag “[hinayaan ninyong] manaig sa inyong puso ang pagmamahal sa Diyos at sa tao”?
-
Repasuhin ang talatang nagsisimula sa dulong ibaba ng pahina 323. Sa anong mga paraan kayo nakinabang sa “mga bigkis ng pagkakaibigan” at “napamahal na kasamahan” sa inyong ward o branch? Paano nakikinabang ang mga ward at branch kapag “ang pagdamay ng kaanak ay dumadaloy sa buong katawan”?
-
Pag-aralan ang talatang nagsisimula sa dulong ibaba ng pahina 324. Sa inyong palagay bakit hindi tamang umasa na perpekto ang mga miyembro ng ating mga ward at branch? Kailan kayo nakakita ng isang di-perpektong grupo ng mga tao na ginamit ang sari-sari nilang talento at kakayahan para sa iisang layon? Ano ang mga resulta ng nagkakaisang pagsisikap na ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasultan:Mateo 18:19–20; Juan 17:6–26; Mosias 18:21; 3 Nephi 11:29–30; D at T 38:24–27; Moises 7:18