Kabanata 24
Pamumuno sa Paraan ng Panginoon
“Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Habang nagsisimulang gumawa at magsakripisyo ang mga Banal sa Kirtland para maitayo ang templo sa gitna nila, nahaharap naman sa matinding pag-uusig ang mga Banal sa Jackson County, Missouri. Dahil dumarami ang mga Banal na lumilipat sa Missouri, nabahala ang mga dati nang naninirahan dito. Nangamba ang mga taga Missouri na mawalan sila ng kontrol sa pulitika, masama ang hinala nila sa mga kakaibang paniniwala ng Simbahan, at hindi nila gusto ang gawi ng mga Banal na magkalakalan sa isa’t isa. Lalong naging marahas ang mga mandurumog sa kanilang pag-uusig sa mga Banal at, noong Nobyembre 1833, ay sapilitan nilang pinaalis ang mga ito sa kanilang mga tahanan. Naiwan ang halos lahat ng kanilang mga alagang hayop at gamit sa bahay, tumakas ang mga Banal patungong hilaga, una sa Clay County, Missouri, kung saan sila nakakita ng pansamantalang kanlungan.
Si Propetang Joseph Smith, na nakatira noon sa Kirtland, ay labis na nag-alala sa pagdurusa ng mga Banal sa Missouri, at gustung-gusto niyang tulungan sila. Noong Pebrero 1834, inihayag sa kanya ng Panginoon na kailangan niyang bumuo ng isang grupo ng mga Banal na magtutungo sa Jackson County. Ang grupong ito, na tinawag na Kampo ng Sion, ay tutulong sa pagbawi ng mga lupain at ari-ariang kinuha nang labag sa batas sa mga miyembro ng Simbahan. (Tingnan sa D at T 103:21–40.) Ang kampo ay opisyal na binuo noong Mayo 6, 1834, at kalaunan ay bumilang ng mahigit 200 katao. Ang mga ito, na may mga dalang sandata, at binuo bilang isang hukbong militar, ay dumating malapit sa Jackson County sa kalagitnaan ng Hunyo, matapos lakbayin ang mahigit 1,450 kilometro.
Mahaba ang nilakbay ng mga miyembro ng kampo sa arawaraw, na kadalasan ay sa ilalim ng matinding sikat ng araw na kakaunti lamang ang pagkain at maruming tubig para mabuhay. Ang maganda nilang pagsasama sa maraming linggo ng paglalakbay, na may kasamang pagod at gutom, ay nauwi sa pag-aawayan at pagbatikos sa Propeta ng ilan sa kalalakihan.
Sa kabila ng lahat ng problema sa mapanganib at mahirap na paglalakbay na ito, tinuruan ni Joseph Smith ang mga miyembro ng kampo ng mahahalagang alituntunin sa pamumuno habang pinamumunuan niya sila sa araw-araw. Sinabi ni Wilford Woodruff, isang miyembro ng Kampo ng Sion na kalaunan ay naging ikaapat na Pangulo ng Simbahan: “Nakatamo kami ng karanasang hindi namin makukuha sa iba pang paraan. Nagkaroon kami ng pribilehiyong makita nang harapan ang Propeta, at nagkaroon kami ng pribilehiyong maglakbay ng isang libong kilometro kasama siya, at makita ang mga [panghihikayat] ng Espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon.”1
Pagdating ng grupo sa Missouri, nagsimula silang makipagusap sa mga opisyal ng estado, subalit ang pagsisikap na malutas ito nang payapa ay nabigo. Sapagkat ang paggamit ng sandata ay tila hindi maiiwasan, nanalangin ang Propeta para sa patnubay at, noong Hunyo 22, 1834, ay tumanggap ng paghahayag na buwagin ang kampo at ipinahayag na hindi matutubos ang Sion sa panahong iyon (tingnan sa D at T 105). Hinggil sa mga miyembro ng kampo, sinabi ng Panginoon, “Aking narinig ang kanilang mga panalangin, at tatanggapin ang kanilang mga handog; at kapaki-pakinabang sa akin na sila ay dalhin sa ganito bilang pagsubok sa kanilang pananampalataya” (D at T 105:19).
Hindi naisakatuparan ng Kampo ng Sion ang hangarin nito sa pamahalaan, subalit nagtagal ang espirituwal na bunga nito. Noong Pebrero1835, nang buuin ng Propeta ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Korum ng Pitumpu, siyam sa Labindalawang Apostol at lahat ng Pitumpu ay naglingkod sa Kampo ng Sion. Sa pagkaalala ni Joseph Young, isa sa mga orihinal na miyembro ng Pitumpu, ipinaliwanag ng Proipeta sa isang grupo ng kalalakihang ito: “Hindi nais ng Diyos na makipag-away kayo. Hindi Niya maaaring itayo ang Kanyang kaharian sa pamamagitan ng labindalawang kalalakihang magbubukas ng mga pinto ng ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pitumpung kalalakihan sa ilalim ng pangangasiwa ng mga ito na sumunod sa kanilang landas, maliban lamang kung kinuha Niya ang mga ito mula sa kalalakihang inialay ang kanilang mga buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing dakila ng ginawa ni Abraham.”2
Sa Kampo ng Sion nagtamo ng praktikal na pagsasanay sina Brigham Young, Heber C. Kimball, Wilford Woodruff, at iba pa na nagbigay ng kakayahan sa kanila na pamunuan ang mga Banal mula sa Missouri hanggang Illinois noong 1839 at kalaunan sa Salt Lake Valley. Mula sa kanilang karanasan kasama ang Propeta, ang kalalakihang ito ay natutong mamuno sa paraan ng Panginoon.
Mga Turo ni Joseph Smith
Ang mga lider ay nagtuturo ng mga wastong alituntunin at tinutulungan ang mga pinamumunuan nila na matutong pamunuan ang kanilang sarili.
Iniulat ni John Taylor, ikatlong Pangulo ng Simbahan: “Ilang taon na ang nakalilipas, sa Nauvoo, isang ginoo sa aking harapan, isang miyembro ng Lehislatura, ang nagtanong kay Joseph Smith kung paano niya napamahalaan ang napakaraming tao, at napanatili ang perpektong kaayusan nito, at sinabi ring hindi nila magawa ito sa ibang dako. Sinabi ni Ginoong Smith na napakadaling gawin iyon. ‘Paano?’ tugon ng ginoo; ‘sa amin napakahirap nito.’ Sagot si Ginoong Smith, ‘Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.’ ”3
Iniulat ni Brigham Young, ikalawang Pangulo ng Simbahan: “Maraming ulit na itinanong kay Joseph Smith ng mga ginoong dumadalaw sa kanya at sa kanyang mga tao, ‘Bakit napakadali mong pamahalaan ang iyong mga tao? Para bang wala silang gagawin kundi ang sasabihin mo lamang; bakit napakadali mo silang pamahalaan?’ Sinabi niyang, ‘Hindi ko sila pinamamahalaan. Nagpahayag ang Panginoon ng tiyak na mga alituntunin mula sa langit [kung paano kami] nararapat na mamuhay sa mga huling araw na ito. Nalalapit na ang oras kung kailan titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga tao mula sa masasama, at paiikliin Niya ang Kanyang gawain ng kabutihan, at ang mga alituntuning Kanyang ipinahayag ay itinuro ko sa mga tao at nagsisikap lamang silang mamuhay ayon dito, at sila ang namamahala sa kanilang sarili.’ ”4
Sa pagtugon sa paratang na naghahangad siya ng kapangyarihan, sinabi ni Joseph Smith: “Tungkol sa impluwensya ko sa isipan ng tao, ang masasabi ko, Ito ay dulot ng kapangyarihan ng katotohanan sa mga doktrina kung saan kinasangkapan ako sa mga kamay ng Diyos na ilahad ito sa kanila, at hindi dahil sa anumang pamimilit ko. … Ang tanong ko, Pinilit ko ba ang sinuman kahit kailan? Hindi baga binigyan ko siya ng layang huwag paniwalaan ang anumang doktrinang ipinangaral ko, kung sa tingin niya ay nararapat? Bakit hindi ang doktrina ang tuligsain ng aking mga kaaway? Hindi nila magagawa ito: iyon ang katotohanan, at hinahamon ko ang lahat na kalabanin ito.”5
“Isang lalaking nagtatrabaho sa tanggapan ng St. Louis Gazette … ang nagnais malaman kung saang alituntunin ko nakuha ang gayon kalaking kapangyarihan. … Sinabi ko sa kanya na natamo ko ang kapangyarihan sa mga alituntunin ng katotohanan at kabutihan, na magtatagal kapag ako ay patay na at naglaho.”6
Ang mga lider ay tumatanggap ng karunungang kailangan nila mula sa Espiritu at kinikilala ang mga pagpapala ng Panginoon sa kanila.
“Ang tao ng Diyos ay dapat magkaroon ng karunungan, kaalaman, at pang-unawa, upang makapagturo at makapamuno sa mga tao ng Diyos.”7
Lumiham si Joseph Smith sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at sa iba pang mga lider ng priesthood na nagmimisyon sa Great Britain: “Masasabi ko, na ayon sa ipinaalam sa akin tungkol sa inyong mga kilos, lubos akong nasisiyahan na naisagawa ito nang may karunungan; at wala akong alinlangan, na pinatnubayan kayo ng Espiritu ng Panginoon; at napagtibay nito sa aking isipan na kayo ay nagpakumbaba, at ang mga hangarin ninyo ay para sa kaligtasan ng inyong kapwa, at hindi para sa inyong sariling pagyaman, at kapakanan. Hangga’t nagpapakita ng ganitong hangarin ang mga Banal, ang mga payo nila ay sasang-ayunan, at magtatagumpay ang kanilang mga pagsisikap.
“Maraming bagay na napakahalaga, na inihihingi ninyo ng payo, ngunit sa palagay ko ay kayang-kaya na ninyo itong pagpasiyahan, dahil mas alam ninyo ang mga kakaibang sitwasyon diyan kaysa sa akin; at malaki ang tiwala ko sa inyong nagkakaisang karunungan. …
“Mahal na mga kapatid, dapat ninyong malaman ang aking nadarama kahit paano, kapag iniisip kong mabuti ang dakilang gawaing lumalaganap na ngayon, at ang kaugnayan ko rito, habang ito ay pinalalaganap sa malalayong lupain, at libu-libo ang tumatanggap dito. Kahit paano ay nauunawaan ko ang aking responsibilidad, at ang tulong na kailangan ko mula sa itaas, at karunungan mula sa langit, upang maituro ko ang mga alituntunin ng kabutihan sa mga taong ito, na ngayon ay dumarami na, at maakay silang sumang-ayon sa kalooban ng Langit; nang sa gayon sila ay maging ganap, at handang salubungin ang Panginoong Jesucristo kapag pumarito Siya sa dakilang kaluwalhatian. Maaasahan ko ba ang inyong mga panalangin sa ating Ama sa langit para sa akin, at ang lahat ng panalangin ng lahat ng kalalakihan at kababaihan sa England, (na hindi ko pa nakikita, subalit aking minamahal), nang sa gayo’y aking matakasan ang bawat pakana ni Satanas, malampasan ang bawat paghihirap, at madala ang mga taong ito sa pagtamasa ng mga pagpapalang iyon na nakalaan sa mabubuti? Hinihiling ko ito sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo.”8
Noong 1833 lumiham ang Propeta at iba pang mga lider ng Simbahan sa mga miyembro sa Thompson, Ohio, na sinasabi sa kanila na si Brother Salmon Gee ay itinalagang mangulo sa kanila: “Ang ating pinakamamahal na si Brother Salmon … ay aming inorden … na pamunuan kayo at turuan ng mga bagay na naaayon sa kabanalan, at malaki ang tiwala namin sa kanya, sana’y kayo rin. Samakatwid sinasabi namin sa inyo—oo, hindi lamang kami, kundi maging ng Panginoon—tanggapin ninyo siya bilang inyong mapagkakatiwalaang lider, batid na hinirang siya ng Panginoon sa katungkulang ito para sa inyong kabutihan, suportahan ninyo siya sa inyong mga panalangin, na patuloy siyang pagkalooban ng karunungan at pang-unawa sa kaalaman tungkol sa Panginoon, na sa pamamagitan niya ay maiiwas kayo sa masasamang espiritu, at sa lahat ng alitan at pagtatalu-talo, at umunlad sa biyaya at kaalaman tungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
“… Sa huli, mga kapatid, ipagdasal ninyo kami, na maisagawa namin ang gawaing ibinigay sa amin, upang matamasa ninyo ang mga hiwaga ng Diyos, maging ang kaganapan nito.”9
Ibinigay ng Propeta ang sumusunod na payo sa isang grupo ng mga lider ng priesthood para magabayan sila sa kanilang mga talakayan: “Bawat isa ay dapat maghalinhinan sa pagsasalita at sa kanyang lugar, at sa kanyang oras at panahon, upang magkaroon ng ganap na kaayusan sa lahat ng bagay; at … bawat tao … ay dapat tiyaking makapagbigay ng liwanag sa paksa sa halip na magpalaganap ng kadiliman, … na magagawa ng kalalakihang natutuhan nang husto ang isipan at kalooban ng Panginoon, kung kaninong Espiritu ay laging nadarama at nagpapamalas ng katotohanan upang maunawaan ng lahat ng maytaglay ng Espiritu.”10
“Kapag tumayo ang Labindalawa o sinumang saksi sa harapan ng kongregasyon ng mundo, at nangaral sila sa kapangyarihan at pagpapadama ng Espiritu ng Diyos, at ang mga tao ay namangha at nalito sa doktrina, at sinabing, ‘Makapangyarihang magsalita ang taong iyon, napakahusay mangaral,’ kung gayo’y papagingatin ang lalaki o mga lalaking iyon na huwag luwalhatiin ang kanilang sarili, kundi tiyaking magpakumbaba, at purihin at luwalhatiin ang Diyos at ang Kordero; sapagkat dahil sa kapangyarihan ng Banal na Priesthood at Espiritu Santo kaya sila nagkaroon ng kapangyarihang magsalita nang gayon. Ano baga kayo, O tao, kundi alabok? At saan galing ang natanggap ninyong kapangyarihan at mga pagpapala, kundi sa Diyos?”11
Ang mga lider sa kaharian ng Panginoon ay minamahal ang kanilang mga pinaglilingkuran.
“Habang ako ay tumatanda, lalo kayong napapamahal sa akin. Lagi akong handang isuko ang lahat ng mali, sapagkat hangad kong magkaroon ng mabuting lider ang mga taong ito. Hinayaan ko kayong magpasiya sa pagpapaalam sa inyo ng mga bagay tungkol kay Jesucristo. … Puro kabutihan ang aking nadarama.”12
“Ang mga saserdote ng mga sekta ay nagsalita laban sa akin, at nagtanong, ‘Bakit nagkaroon ng napakaraming tagasunod ang taong ito na walang kabuluhan ang sinasabi, at napanatili sila?’ Sumagot ako, Dahil nasa akin ang alituntunin ng pagmamahal. Ang maiaalay ko lamang sa mundo ay mabuting puso at malinis na kamay.”13
Ilang araw bago siya nabilanggo sa Carthage Jail, ipinahayag ng Propeta ang kanyang pagmamahal sa mga Banal: “Sinubukan kayo ng Diyos. Mabubuti kayong tao; kaya nga mahal ko kayo nang buong puso. Walang may higit na dakilang pag-ibig kaysa sa isang taong nagbuwis ng buhay para sa kanyang mga kaibigan [tingnan sa Juan 15:13]. Nanatili kayo sa aking tabi sa oras ng kagipitan, at handa akong ibuwis ang aking buhay para sa inyong kaligtasan.”14
Ang mga lider sa kaharian ng Panginoon ay nagtuturo sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod at halimbawa.
Sa pagtungo ng mga miyembro ng Kampo ng Sion mula sa Kirtland, Ohio, sa Missouri, marami silang natutuhang alituntunin sa pamumuno sa pakikisama nila kay Joseph Smith. Paggunita ni George A. Smith, isang miyembro ng Kampo ng Sion: “Lubos na naranasan ni Propetang Joseph ang pagod sa buong paglalakbay. Bukod pa sa pag-aalala sa panustos sa kampo at pamumuno rito, kalimitan ay naglakad siya at nakaranas na magpaltos, magdugo at sumakit ang mga paa, na likas na nangyayari dahil sa paglalakad nang mula mahigit 40 hanggang mahigit 64 na kilometro araw-araw sa mainit na panahon ng taon. Ngunit sa buong paglalakbay hindi siya kailanman bumulungbulong o nagreklamo, samantalang karamihan sa kalalakihan sa Kampo ay nagreklamo sa kanya sa pananakit ng mga daliri sa paa, paltos sa mga paa, mahabang paglalakad, kakaunting panustos, hindi masarap na tinapay, maantang mantikilya, at mabahong pulot-pukyutan, inuuod na pinausukan at inasinang karne at keso, at kung anu-ano pa. Kahit pagkahol ng aso sa ilang kalalakihan ay inireklamo kay Joseph. Kung humimpil sila na marumi ang tubig, halos magkaroon ng rebelyon. Subalit kami ang Kampo ng Sion, at marami sa amin ang hindi nagdarasal, pabaya, walang-ingat, hindi makaintindi, hangal o malademonyo, gayunpaman hindi namin alam iyon. Kinailangan kaming pagtiyagaan at turuan ni Joseph, na parang bata. Gayunman, maraming nasa kampo na hindi bumulung-bulong kailanman at laging handa at nagkukusang gawin ang nais ng aming mga pinuno.”15
Ang sumusunod ay mga sipi mula sa kasaysayan ng Propeta noong Mayo 1834: “Gabi-gabi bago matulog, sa tunog ng trumpeta, lumuluhod kami sa harapan ng Panginoon sa kani-kanyang tolda, at nagpapasalamat sa panalangin at pagsusumamo; at sa tunog ng trumpeta sa umaga, bandang alas-kuwatro, bawat lalaki ay muling lumuluhod sa harapan ng Panginoon, na nagsusumamo sa Kanyang pagpapala para sa araw na iyon.”16
Mayo 27, 1834: “Sa kabila ng patuloy na pagbabanta ng karahasan ng aming mga kaaway, hindi kami natakot, ni nag-alangan na ipagpatuloy ang aming paglalakbay, sapagkat sumaamin ang Diyos, at ang Kanyang mga anghel ay nanguna sa amin, at ang pananampalataya ng maliit naming grupo ay hindi natitinag. Alam naming kasama namin ang mga anghel, sapagkat nakita namin sila.”17
Mayo 29, 1834: “Natuklasan ko na isang bahagi ng aking grupo ang nabigyan ng maantang tinapay, samantalang masarap ang tinapay na ibinigay sa akin ng iisang tagapagluto. Pinagsabihan ko si Brother Zebedee Coltrin sa pagsasaalang-alang niya sa akin, sapagkat nais ko na ang aking mga kapatid ay kumain ng gayon ding aking kinakain.”18
Paggunita ni John M. Chidester,isang miyembro ng Kampo ng Sion: “Ang Kampo ng Sion, pagdaan sa Estado ng Indiana, ay kinailangang tumawid sa napakalalim na mga latian; dahil dito kinailangan naming talian ng lubid ang mga bagon upang maitawid ang mga ito, at ang Propeta ang unang taong humawak sa lubid nang nakayapak. Ugali niya ito sa lahat ng panahon ng paghihirap.
“Patuloy kaming naglakbay hanggang sa marating namin ang Ilog [ng Wakenda], matapos maglakbay nang apatnapung kilometro na walang pahinga o kainan. Napilitan kaming sumakay ng bangka para matawid ang sapang ito; at nakita namin sa kabila ang isang napakagandang lugar na mahihimpilan, na nagdulot ng kasiyahan sa ngayo’y mga pagod at gutom na kalalakihan. Pagdating sa lugar na ito ipinahayag ng Propeta sa Kampo na nabigyan siya ng inspirasyon na magpatuloy sa paglalakbay; at sa pangunguna, inanyayahan niya ang kalalakihan na sundan siya.
“Nahati ang mga tao sa kampo dahil dito. Si Lyman Wight at ang iba pa ay tumanggi noong una na sundan ang Propeta, ngunit sa huli ay sumunod din. Ang sumunod na nangyari ay nagpakita na nabigyan ng inspirasyon ang Propeta na maglakbay pa ng mga 11 kilometro. Ibinalita sa amin na mga 13 kilometro pababa ng ilog kung saan kami tumawid ng sapa ay may isang grupo ng kalalakihang lulusob sa amin sa gabing iyon.”19
Sa paglalakbay ng Kampo ng Sion, ilan sa mga sumama ang bumulung-bulong at nagreklamo. Pinagsabihan ng Propeta ang mga gumawa nito at nagbabala na darating ang kapahamakan kung hindi sila magsisisi. Bagaman dininig ng ilan ang kanyang payo, ang iba ay hindi. Hindi nagtagal lumaganap ang kolera, at ilang miyembro ng kampo ang namatay. Paggunita ni Orson Hyde, na kalaunan ay naglingkod sa Korum ng Labindalawa: “Tumigil ba sa pag-aalala ang Propeta para sa kapakanan ng kampo? Nagbago ba ang damdamin niya sa kanyang mga kaibigan sa oras ng kanilang kaparusahan at paghihirap? Siya ba ay naging kaaway nila dahil pinagsabihan niya sila nang mabigat? Hindi! Ang kanyang puso ay nadurog sa habag—napuspos ng pagmamahal, habag at kabaitan ang kanyang kalooban; at sa kasigasigan at katapatan ng isang tapat na kaibigan sa oras ng kagipitan, siya mismo ang nag-alaga sa mga maysakit at naghihingalo; at tumulong sa paglilibing sa mga patay. Lahat ng ginawa niya sa panahon ng matinding pagsubok ay nagbigay ng karagdagang katiyakan sa kampo na sa kabila ng lahat ng kanilang pagkakamali, mahal pa rin niya sila.”20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Basahin ang ikalawang buong talata sa pahina 331. Anong kalakasan ang nakikita ninyo sa paraan ng pamumuno ni Propetang Joseph Smith? Sa inyong palagay paano tumutugon ang karamihan sa ganitong pamumuno?
-
Repasuhin ang mga itinuro ng Propeta tungkol sa pangangailangan ng mga lider na tumanggap ng karunungan mula sa Espiritu (mga pahina 332–35). Ano ang makakatulong sa mga lider na makatanggap ng karunungang kailangan nila?
-
Repasuhin ang unang buong talata sa pahina 333. Bakit mahalagang katangian ng mga lider ang pagiging mapakumbaba at hindi makasarili? Sa inyong palagay anong iba pang mga katangian ang dapat taglayin ng mga lider?
-
Hayagang nagsalita si Joseph Smith tungkol sa kanyang pagmamahal at awa sa mga Banal (pahina 335). Paano ninyo malalaman na talagang mahal kayo ng isang lider? Kailan kayo napagpala dahil sa pagmamahal ng isang lider?
-
Pag-aralan ang mga ulat ng Kampo ng Sion sa mga pahina 329–31 at 335–38. Anong mga katangian ng pamumuno ang ipinamalas ng Propeta?
-
Pag-isipan ang mga responsibilidad ninyo sa pamumuno sa inyong pamilya, sa Simbahan, sa inyong trabaho, paaralan, komunidad, o saanman. Pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo para masundan ang halimbawa ni Joseph Smith.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Exodo 18:13–26; Mga Kawikaan 29:2; Mateo 20:25–28; Alma 1:26; D at T 107:99–100