Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 25: Mga Katotohanan mula sa mga Talinghaga ng Tagapagligtas sa Mateo 13


Kabanata 25

Mga Katotohanan mula sa mga Talinghaga ng Tagapagligtas sa Mateo 13

“Sumusulong pa ang mga gulong ng karo ng Kaharian, sa tulak ng makapangyarihang bisig ni Jehova; at sa kabila ng lahat ng oposisyon, ay patuloy na susulong, hanggang maisakatuparan ang lahat ng Kanyang salita.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Nang malapit nang matapos ang pagtatayo ng Kirtland Temple, nagsimulang maghanda sina Joseph Smith at ang mga Banal para sa malalaking biyayang tatanggapin nila roon. Para matulungan ang mga kapatid sa paghahanda sa paglalaan ng templo, isang sesyon ng Paaralan ng mga Elder ang pinasimulan noong Nobyembre 1835. Itinatag ang paaralang ito noong 1834, isang pagpapatuloy ng dati nang Paaralan ng mga Propeta.

Kabilang sa iba pang mga pinag-aaralan nila, nag-aral din ng Hebreo si Joseph Smith at ang iba pang mga kapatid, ang wikang ginamit sa orihinal na Lumang Tipan. Makikita sa journal ng Propeta sa panahong ito na halos araw-araw, madalas niyang pag-aralan nang maraming oras ang Hebreo. Kasama sa mga isinulat niya sa journal ang mga salitang tulad ng “Buong araw akong nagbasa ng Hebreo” o “Dumalo ako sa klase at nagbasa ng wikang Hebreo.”1 Noong Enero 19, 1836, itinala niya: “Buong araw akong nasa paaralan. Pinagpala kami ng Panginoon sa aming pag-aaral. Sa araw na ito tagumpay naming sinimulang basahin ang aming mga Biblia sa Hebreo. Tila binuksan ng Panginoon ang aming isipan sa kamangha-manghang paraan, upang maunawaan ang Kanyang salita sa orihinal na wika.”2Pagkaraan ng isang buwan, isinulat niya: “Dumalo ako sa klase at nagbasa at nagsalin kami sa klase gaya ng dati. Nagagalak ang kaluluwa ko sa pagbabasa ng salita ng Panginoon sa orihinal na wika.”3

Ang karanasan ni Joseph Smith sa Paaralan ng mga Elder ay isang katunayan lamang ng pagmamahal niya sa mga banal na kasulatan. Buong buhay ay masigasig niyang pinag-aralan ang mga banal na kasulatan, na nakasusumpong doon ng kapanatagan, kaalaman, at inspirasyon. Malaking bagay na isang talata mula sa Biblia ang nag-udyok sa kanya na hangaring magkaroon ng karunungan mula sa Diyos at tanggapin ang Unang Pangitain noong 14 na taong gulang pa lamang siya (tingnan sa Santiago 1:5).

Ang mga isinulat at sermon ng Propeta ay puspos ng mga sipi at paliwanag mula sa banal na kasulatan, sapagkat sa lawak ng napag-aralan niya tungkol sa mga banal na kasulatan ay naging likas na bahagi na ito ng kanyang isipan. Sa kanyang mga turo, tahasan niyang sinipi ang mga banal na kasulatan, tinukoy ito, pinakahulugan ang mga ito sa ibang pangungusap, at ang mga ito ang naging pundasyon ng kanyang mga sermon. “Alam ko ang mga banal na kasulatan at nauunawaan ko ang mga ito,” pagpapahayag niya noong Abril 1844.4

Ang pambihirang kaalaman niya tungkol sa mga banal na kasulatan ang nagtulot sa kanya na maituro at maipaliwanag ito nang buong kapangyarihan at linaw, at maraming nakarinig sa kanya ang nakaalala sa kakayahan niyang ito. Nagunita ni Pangulong Brigham Young na ang Propeta ay “kinukuha ang banal na kasulatan at ipinaliliwanag ito sa paraang mauunawaan ito ng lahat.”5

Nagunita ni Wandle Mace: “Narinig ko na si Propetang Joseph Smith sa publiko at sa pribado, sa ilalim ng sikat ng araw at sa ulanan, tulad ng ginawa ng marami pang iba nang turuan niya sila mula sa pulpito. At sa bahay ko, at sa bahay niya, tunay ko siyang nakilala … at alam ko na walang makapagpapaliwanag ng mga banal na kasulatan at makapagpapaunawa nang kasinglinaw tulad niya na walang magkakamali sa pagkaunawa sa kahulugan nito, maliban kung siya ay naturuan ng Diyos.

“Kung minsan ay nahihiya ako sa sarili ko dahil, napag-aralan ko na nang husto ang mga banal na kasulatan, kahit noong bata pa ako, pero hindi ko nakitang napakalinaw ang mga bagay na iyon hanggang sa ipaliwanag niya ang mga ito. Dahil dito, waring naipihit ang susi, at nabuksan nang husto ang pintuan ng kaalaman, nagbunyag ng kapwa bago at lumang mahahalagang alituntunin.”6

Makikita ang kaalaman ng Propeta sa mga banal na kasulatan sa sumusunod na liham, kung saan nagbigay siya ng paliwanag bilang isang propeta tungkol sa mga talinghaga ng Tagapagligtas sa Mateo 13. Itinuro niya na inilalarawan sa mga talinghagang ito ang pagkakatatag ng Simbahan sa panahon ng Tagapagligtas at ang kamangha-manghang pag-unlad at kahihinatnan nito sa mga huling araw.

Mga Turo ni Joseph Smith

Matalinghaga ang pagtuturo ng Tagapagligtas upang yaong mga naniwala sa Kanyang mga turo ay magtamo ng higit na liwanag, samantalang ang liwanag ng yaong mga tumanggi sa Kanyang mga turo ay maglalaho.

“ ‘At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa [Tagapagligtas], Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga? [Sasabihin ko rito, na ang “sila” na ginamit sa tanong na ito … ay tumutukoy sa mga tao.] At sumagot siya at sinabi sa kanila, [ibig sabihi’y sa mga disipulo,] Sa inyo’y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa’t hindi ipinagkaloob sa kanila, [ibig sabihin, sa mga hindi naniniwala]. Sapagka’t sinomang mayroon ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng sagana: nguni’t sinomang wala, pati ng sa kanya ay aalisin sa kaniya.’ [Mateo 13:10–12.]

“Nauunawaan natin sa sinabing ito, na yaong mga naghihintay noon sa pagdating ng isang Mesiyas ayon sa patotoo ng mga Propeta, at sa panahong iyon ay naghahanap ng isang Mesiyas, ngunit dahil sa kawalan nila ng paniniwala ay walang sapat na liwanag na mahiwatigan na Siya ang kanilang Tagapagligtas, at tunay na Mesiyas, bunga nito sila ay nanghihina, at nawawalan maging ng lahat ng kaalaman, o binabawian ng lahat ng liwanag, pang-unawa, at pananampalataya tungkol sa bagay na ito. Samakatwid siya na ayaw tumanggap ng higit na liwanag, ay maaaring binawian na ng lahat ng liwanag na napasakanya; at kung ang liwanag na nasasainyo ay maging kadiliman, masdan, kaylawak ng kadilimang iyon! ‘Kaya’t,’ sabi ng Tagapagligtas, ‘sila’y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka’t nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa.’ [Mateo 13:13–14.]

“Ngayon natuklasan natin na ang mismong dahilang sinabi ng propetang ito [Isaias], kung bakit ayaw nilang tanggapin ang Mesiyas, ay, dahil hindi nila ito naunawaan o ayaw nila itong unawain; at nakita man, ay hindi nila nahiwatigan; ‘sapagka’t kumapal ang puso ng bayang ito, at mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, at kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; baka sila’y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakarinig ng kanilang mga tainga, at mangakaunawa ang kanilang puso, at muling mangagbalik loob, at sila’y aking pagalingin.’ [Mateo 13:15.] Ngunit ano ang sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo? ‘Mapapalad ang inyong mga mata, sapagka’t nangakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagka’t nangakakarinig. Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.’ [Mateo 13:16–17.]

“Muli tayong magsasalita rito—sapagkat nalalaman natin na kaya natin itinuturing na pinagpala ang mga disipulo, ay dahil pinayagan silang makakita at makarinig—na kaya hinatulan ang mga taong hindi tumanggap sa Kanyang salita, ay dahil ayaw nilang makakita ang kanilang mga mata, at makarinig ang kanilang mga tainga; hindi dahil hindi nila kaya, at hindi sila binigyan ng pagkakataong makakita at makarinig, kundi dahil ang puso nila ay puspos ng kasamaan at ng mga bagay na nakasusuklam; ‘kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo.’ [Mga Gawa 7:51.] Ang propeta, na nakinitang magiging matigas nang gayon ang kanilang puso, ay malinaw itong ipinahayag; at narito ang kahatulan ng mundo; na ang liwanag ay dumating sa mundo, at pinipili ng mga tao ang kadiliman sa halip na ang liwanag, dahil masama ang kanilang ginagawa. Malinaw itong itinuro ng Tagapagligtas, nang hindi magkamali ang taong manlalakbay.

“… Gawi ng mga tao, kapag ipinapakita ng mga alagad ng Diyos ang katotohanan, sasabihin nila, Ang lahat ng ito ay mahiwaga; matalinghaga ang pagsasalita nila, at, dahil dito, hindi ito kailangang maunawaan. Totoo na may mga mata sila para makakita, ngunit hindi sila makakita, ngunit walang sinumang taong kasingbulag ng yaong ayaw makakita; at, bagaman nagsalita nang gayon ang Tagapagligtas sa mga taong iyon, malinaw naman niya itong ipinaliwanag sa Kanyang mga disipulo; at may dahilan tayo para tunay na magpakumbaba sa harapan ng Diyos ng ating mga ninuno, kaya iniwan Niya ang mga bagay na ito sa talaan para sa atin, nang napakalinaw, upang anumang pagsisikap at pinagsamang impluwensya ang gawin ng mga saserdote ni Baal, wala silang kapangyarihang bulagin tayo, at dimlan ang ating pangunawa, kung imumulat lang natin ang ating mga mata, at magbabasa nang taimtim nang isang sandali.”7

Ang talinghaga ng manghahasik ay nagpapakita ng mga epekto ng pangangaral ng ebanghelyo; ipinakikita rin nito na itinatag ng Tagapagligtas ang Kanyang kaharian sa kalagitnaan ng panahon.

“Nang sambitin ng Tagapagligtas ang magagandang sawikain at talinghagang ito sa [Mateo 13], nakaupo Siya sa isang barko dahil sa mga taong nagsisiksikan palapit sa Kanya para pakinggan ang Kanyang sasabihin; at nagsimula Siyang magturo sa kanila, na nagsasabing:

“ ‘Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik. At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain nila; at ang mga iba’y nangahulog sa mga batuhan, na doo’y walang sapat na lupa: at pagdaka’y sumibol, sapagka’t hindi malalim ang lupa: at pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo. At ang mga iba’y nangahulog sa mga dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga yaon. At ang mga iba’y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila’y tigisang daan, at ang ila’y tigaanim na pu, at ang ila’y tigtatatlongpu. At ang may mga pakinig, ay makinig.’ [Mateo 13:3–9.] …

“Ngunit makinig sa paliwanag tungkol sa talinghaga ng Manghahasik: ‘Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito’y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso.’ Ngayon tandaan ang mga salitang—ang nahasik sa kaniyang puso. ‘Ito yaong nahasik sa tabi ng daan.’ [Mateo 13:19.] Ang mga taong hindi mabuti ang kalooban, at puspos ng kasamaan ang mga puso, at walang hangad na malaman ang mga alituntunin ng katotohanan, ay hindi nauunawaan ang salita ng katotohanan kapag naririnig nila ito. Inaalis ng diyablo ang salita ng katotohanan sa kanilang puso, dahil wala silang hangad na magpakabuti.

“ ‘At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka’y tinatanggap ito ng buong galak; gayon ma’y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka’y natitisod siya. At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni’t ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao’y nagiging walang bunga. At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila’y tigisang daan, ang ila’y tigaanim na pu, at ang ila’y tigtatatlongpu.’ [Mateo 13:20–23.]

“Kaya nga ipinaliwanag ng Tagapagligtas Mismo sa Kanyang mga disipulo ang talinghagang binanggit Niya, at walang iniwang hiwaga o kadiliman sa isipan ng mga yaong matibay na naniniwala sa Kanyang mga salita.

“Kung gayon, kaya pala hindi tinanggap ng mga tao, o ng mundo, na siyang tawag sa kanila ng Tagapagligtas, ang paliwanag tungkol sa Kanyang mga talinghaga, ay dahil sa kawalan nila ng paniniwala. Sa inyo, ang sabi Niya, (sa Kanyang mga disipulo,) ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng Kaharian ng langit [tingnan sa Mateo 13:11]. At bakit? Dahil sa pananalig at tiwala nila sa Kanya. Sinambit ang talinghagang ito upang ipamalas ang mga epektong bunga ng pangangaral ng salita; at naniniwala tayo na ito ay may tuwirang kaugnayan sa pagsisimula, o pagtatayo, ng Kaharian sa panahong iyon; sama katwid patuloy nating susundin ang kanyang mga salita hinggil sa Kahariang ito mula noon, maging hanggang sa katapusan ng mundo.”8

Ang talinghaga ng trigo at mapanirang damo ay nagtuturo na ang mabubuti at masasama ay sabay na lalaki hanggang sa katapusan ng mundo, na ang mabubuti ay titipunin at ang masasama ay susunugin.

“ ‘Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, [na talinghagang tumutukoy sa pagtatayo ng Kaharian, sa panahon ding iyon ng mundo,] ang Kaharian ng Langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid, datapuwa’t samantalang nangatutulog ang mga tao, dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng mga trigo, at umalis. Datapuwa’t nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo. At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya, Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo? At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga’y magsiparoon at ang mga yao’y pagtipunin? Datapuwa’t sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pangsirang damo, ay inyong mabunot pati ng trigo. Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa’t tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.’ [Mateo 13:24–30.]

“Ngayon ay nalaman natin sa talinghagang ito, hindi lamang ang pagtatayo ng Kaharian sa panahon ng Tagapagligtas, na kinakatawan ng mabuting binhi, na nagbunga, kundi pati na ang mga paninira sa Simbahan, na kinakatawan ng mga mapanirang damo, na hinasik ng kaaway, na ikatutuwang anihin, o alisin, ng Kanyang mga disipulo sa Simbahan, kung ang naisip nila ay sinang-ayunan ng Tagapagligtas. Ngunit Siya, na nakaaalam ng lahat ng bagay, ay nagsabi, Huwag ninyong gawin iyon. Para bagang sinasabi Niyang, hindi tama ang iniisip ninyo, bago pa lamang ang Simbahan, at kung magiging marahas ang inyong hakbang, masisira ninyo ang trigo, o ang Simbahan, kasabay ng mga mapanirang damo; kung gayon mas makabubuting hayaan ninyo silang lumaki nang magkasama hanggang sa anihan, o katapusan ng mundo, na ibig sabihin ay kapahamakan ng masasama, na hindi pa natutupad. …

“ ‘… Sa kaniya’y nagsilapit ang kaniyang mga alagad, na nagsisipagsabi, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga pangsirang damo sa bukid. At siya’y sumagot at nagsabi, Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao; at ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng Kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama.’ [Mateo 13:36–38.]

“Ngayo’y pamarkahan natin sa mga mambabasa ang pahayag na—’ang bukid ay ang sanglibutan, … ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama, ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo, at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan, [maingat na pamarkahan sa kanila ang pahayag na ito— katapusan ng sanglibutan,] at ang mga mangaani ay ang mga anghel.’ [Mateo 13:38–39.]

“Ngayon hindi magkakaroon ng anumang posibleng dahilan ang mga tao na sabihing ito ay paglalarawan, o hindi ito ang gustong sabihin nito, dahil ipinaliliwanag Niya ngayon ang sinabi Niya sa mga talinghaga; at ayon sa lengguaheng ito, ang katapusan ng mundo ay kapahamakan ng masasama; ang pag-aani at katapusan ng mundo ay tuwirang pagtukoy sa pamilya ng tao sa mga huling araw, sa halip na sa daigdig, na tulad ng pakiwari ng marami, at ang mangyayari bago dumating ang Anak ng Tao, at ang pagpapanibago ng lahat ng bagay na nagmula sa bibig ng lahat ng banal na propeta sa simula pa ng mundo; at ang mga anghel ay kailangang magkaroon ng gagawin sa dakilang gawaing ito, sapagkat sila ang mangag-aani.

“ ‘Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan’ [Mateo 13:40]; ibig sabihin, kapag binalaan ng mga alagad ng Diyos ang mga bansa, kapwa ang mga saserdote at mga tao, at kapag tinigasan nila ang kanilang puso at tinanggihan ang liwanag ng katotohanan, ang unang ito na ibibigay sa mga pananakit ni Satanas, at ang batas at patotoong tinatakan ay isasara na, … sila ay maiiwan sa kadiliman, at ibibigay sa araw ng pagsunog; at dahil nakatali sa kanilang mga doktrina, at pinatibay ng kanilang mga saserdote ang kanilang mga bigkis, [sila] ay naihanda na para sa katuparan ng sinabi ng Tagapagligtas— ‘Susuguin ng Anak ng Tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan, at sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pangangalit ng mga ngipin.’ [Mateo 13:41–42.]

“Nauunawaan natin na ang pagtitipon ng mga trigo sa mga kamalig, o bangan, ay mangyayari habang itinatali ang mga mapanirang damo at inihahanda para sa araw ng pagsunog; upang kinabukasan pagkatapos ng pagsunog, ‘mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may mga pakinig, ay makinig’ [Mateo 13:43].”9

Ang talinghaga ng binhi ng mustasa ay nagtuturo na ang Simbahan at kaharian ng Diyos, na itinatag sa mga huling araw na ito, ay lalaganap sa buong mundo.

“At muli, isa pang talinghaga ang inilahad Niya sa kanila, na tumutukoy sa Kahariang dapat itatag bago sumapit ang o sa panahon mismo ng anihan, na ganito ang nakasaad—‘Ang Kaharian ng Langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid: na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa’t nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa’t nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga.’ [Mateo 13:31–32.] Ngayo’y malinaw na nating matutuklasan na ang simbolong ito ay ibinigay upang katawanin ang Simbahang itatatag sa mga huling araw. Masdan, ang Kaharian ng Langit ay inihahalintulad dito. Ngayon, ano ang makakatulad dito?

“Ipaghalimbawa natin ang Aklat ni Mormon, na kinuha ng isang lalaki at itinago sa kanyang bukid, iniligtas ito sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, upang ilabas sa mga huling araw, o sa takdang panahon; masdan natin ang paglabas nito mula sa lupa, na tunay namang itinuring na pinakamaliit sa lahat ng binhi, ngunit masdan ang pagsasanga nito, oo, tumayog pa na may mayayabong na sanga at karingalang tulad ng sa Diyos, hanggang sa, gaya ng binhi ng mustasa, ay naging pinakamalaki sa lahat ng gulay. At ito ang katotohanan, at sumibol at lumabas ito mula sa lupa, at nagsisimulang sumilip ang kabutihan mula sa langit [tingnan sa Awit 85:11; Moises 7:62], at isinusugo ng Diyos ang Kanyang mga kapangyarihan, kaloob, at anghel upang dumapo sa mga sanga nito.

“Ang Kaharian ng Langit ay gaya ng isang binhi ng mustasa. Masdan, kung gayon, hindi ba ito ang Kaharian ng Langit na nagaangat ng ulo sa mga huling araw sa karingalan ng Diyos nito, maging ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw, na parang matigas at matibay na pundasyon sa gitna ng malalim na karagatan, na lantad sa mga pananalasa at hagupit ni Satanas, na nananatiling matatag magpahanggang ngayon, at sinasalubong ang bunduk-bundok na mga alon ng oposisyon, na inihahampas ng nagngangalit na hangin ng papalubog na mga barko, na rumagasa at patuloy na rumaragasa sa napakalaking bula sa matagumpay na tuktok nito; na inudyukang sumulong nang may pinag-ibayong pagngangalit ng kaaway ng kabutihan? …

“Ang … mga ulap ng kadiliman ay matagal nang humahagupit na parang bundok ng mga alon sa matibay na pundasyon ng Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw; at sa kabila ng lahat ng ito, nagtutumayog pa rin ang mayayabong na sanga ng binhi ng mustasa, pataas nang pataas, at palawak nang palawak; at sumusulong pa ang mga gulong ng karo ng Kaharian, sa tulak ng makapangyarihang bisig ni Jehova; at sa kabila ng lahat ng oposisyon, ay patuloy na susulong, hanggang maisakatuparan ang lahat ng Kanyang salita.”10

Ang mga patotoo ng Tatlong Saksi at ang mga banal na kasulatan sa mga huling araw ay tulad sa lebadura, na itinago sa pagkain; ang talinghaga ng lambat ay nagtuturo tungkol sa pandaigdigang pagtitipon.

“ ‘Sinalita niya sa kanila ang ibang talinghaga: Ang Kaharian ng Langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito’y nalebadurahang lahat.’ [Mateo 13:33.] Maaari itong unawain na ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lumabas mula sa maliit na lebadurang inilagay sa tatlong saksi. Masdan, kaylaki ng pagkakatulad nito sa talinghaga! Mabilis nitong lelebadurahan ang isang bahagi ng mundo, at di magtatagal at malelebadurahan na nito ang buong mundo. …

“ ‘Tulad din naman ang Kaharian ng Langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda: na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila’y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa’t itinapon ang masasama.’ [Mateo 13:47–48.] Sa talinghagang ito, masdan ang binhi ni Jose, na nagpapalaganap ng lambat ng Ebanghelyo sa ibabaw ng lupa, tinitipon ang lahat ng uri, upang iligtas ang mabubuti sa mga sisidlang inihanda para sa layuning iyon, at ang mga anghel ang bahala sa masasama. ‘Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, at sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo [Panginoon].’ [Mateo 13:49–51.] At sinasabi natin, oo, Panginoon; at makabubuting sabihin nilang, oo, Panginoon; sapagkat ang mga bagay na ito ay napakalinaw at napakaluwalhati, na bawat Banal sa mga huling araw ay dapat sumagot ng tapat na Amen sa mga ito.

“ ‘At sinabi niya sa kanila, Kaya’t ang bawa’t eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.’ [Mateo 13:52.]

“Para sa mga gawaing inilarawan sa talinghagang ito, tingnan ang paglabas ng Aklat ni Mormon mula sa kaibuturan ng puso. Gayundin ang mga tipang ibinigay sa mga Banal sa mga Huling Araw [ang Doktrina at mga Tipan], gayundin ang pagsasalin ng Biblia—sa gayon ay nailabas mula sa puso ang mga bagay na bago at luma, na sumasagisag sa tatlong sukat ng pagkaing sumasailalim sa nagpapadalisay na haplos ng paghahayag ni Jesucristo, at sa paglilingkod ng mga anghel, na nagpasimula sa gawaing ito sa mga huling araw, na sumasagisag sa lebadura na naglebadura sa buong mundo. Amen.”11

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga pahina 341–44. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Joseph Smith para matulungan tayo sa sarili nating pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Repasuhin ang paliwanag ni Joseph Smith kung bakit gumamit kung minsan ng mga talinghaga ang Tagapagligtas sa pagtuturo (mga pahina 344–46). Sa pag-alam natin sa mga katotohanan ng ebanghelyo, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makakita ang ating mga mata at makarinig ang ating mga tainga? Sa inyong palagay, bakit babawiin sa atin ang liwanag kung ayaw nating tumanggap ng higit na liwanag? Pag-isipan kung ano ang kailangan ninyong gawin upang makatanggap ng higit na liwanag ng ebanghelyo.

  • Pag-aralan ang talinghaga ng manghahasik (mga pahina 346–49). Sa talinghagang ito, ipinakita ng Tagapagligtas na iba ang epekto ng mensaheng ito ng ebanghelyo ayon sa kung paano ito tinatanggap ng mga tao. Bakit hindi maunawaan ng mga taong “ang mga puso ay puspos ng kasamaan” ang salita ng Diyos? Bakit isinasantabi ng ilan ang salita ng Diyos dahil sa paghihirap at pag-uusig? Sa anong mga paraan naaalis ng “pagsusumakit na ukol sa sanglibutan” at “daya ng mga kayamanan” ang salitang napasaatin?

  • Paano natin matitiyak na ang ating “lupa” ay mabuti kapag naitanim sa atin ang salita? Ano ang magagawa ng mga magulang para matulungang maihanda ng mga bata ang kanilang puso na matanggap ang salita?

  • Sa talinghaga ng trigo at mga mapanirang damo (mga pahina 349–51, ang trigo ay sumasagisag sa mabubuti, o “mga anak ng Kaharian.” Ang mga mapanirang damo ay sumasagisag sa “mga anak ng masama.” Paano tayo mananatiling tapat kahit pinahintulutang lumago ang “mga pangsirang damo” kasabay ng “trigo”? Paano nakakatulong sa inyo ang Doktrina at mga Tipan 86:1–7 na maunawaan ang talinghaga?

  • Sa anong mga paraan nakatulad ng lumalaking puno sa talinghaga ng binhi ng mustasa ang Simbahan ngayon? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 351–53.)

  • Repasuhin ang mga pahina 353–54. Tandaan na ang lebadura ay isang sangkap na nagpapaangat sa tinapay. Sa anong mga paraan nakatulad ng lebadura para sa Simbahan ang mga banal na kasulatan? Paano sila naging parang lebadura para sa inyo mismo? Paano nakatulad ng mga kayamanan “na bago at luma” ang mga banal na kasulatan sa mga huling araw?

  • Sa talinghaga ng lambat ng ebanghelyo (pahina 354, sa inyong palagay bakit mahalaga na tinitipon ng lambat ang lahat ng uri ng isda? Paano natutupad ang talinghagang ito ngayon?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Lucas 8:4–18; Alma 12:9–11; D at T 86:1–11; 101:63–68

Mga Tala

  1. History of the Church, 2:326, 387; mula sa mga journal entry ni Joseph Smith, Dis. 7, 1835, at Ene. 29, 1836, Kirtland, Ohio.

  2. History of the Church, 2:376; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ene. 19, 1836, Kirtland, Ohio.

  3. History of the Church, 2:396; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Peb. 17, 1836, Kirtland, Ohio.

  4. History of the Church, 6:314; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  5. Brigham Young, Deseret News, Dis. 30, 1857, p. 340; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  6. Wandle Mace, Sariling Talambuhay, ca. 1890, p. 45, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  7. History of the Church, 2:265–66; nasa orihinal ang ikalawa, ikatlo, at ikaapat na set ng mga salitang nakabracket sa unang talata; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Dis. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Dis. 1835, pp. 225–26.

  8. History of the Church, 2:264–67; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Dis. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Dis. 1835, pp. 225–26.

  9. History of the Church, 2:267, 271; nasa orihinal ang unang set ng mga salitang naka-bracket sa unang talata, at ang unang set ng mga salitang naka-bracket sa ikaapat na talata; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Dis. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Dis. 1835, pp. 226–29.

  10. History of the Church, 2:268, 270; nasa orihinal ang salitang nakabracket sa ikatlong talata; ginawang makabago ang pagbabantas, pagpapalaki ng mga letra, at gramatika; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Dis. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Dis. 1835, pp. 227–28. Tingnan sa pahina xvii ang impormasyon tungkol sa mga pagbabago sa opisyal na pangalan ng Simbahan.

  11. History of the Church, 2:270, 272; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Dis. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Dis. 1835, pp. 228–29.

Joseph teaching

Tinuturuan ni Propetang Joseph Smith ang isang grupo ng kalalakihan, kasama si Brigham Young (kaliwa). Sinabi ni Brigham Young na kaya ng Propeta na “kunin ang mga banal na kasulatan at gawin itong malinaw at simple para maunawaan ng lahat.”

man sowing seeds

“Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik. At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan. … At ang mga iba’y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga.”

waves

Ang Simbahan ay “parang matigas at matibay na pundasyon sa gitna ng malalim na karagatan, na lantad sa mga pananalasa at hagupit ni Satanas, na nananatiling matatag magpahanggang ngayon.”