KABANATA 26
Si Elijah at ang Pagpapanumbalik ng mga Susi sa Pagbubuklod
“Paano sasagipin ng Diyos ang henerasyong ito? Isusugo Niya ang propetang si Elijah.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Noong tagsibol ng 1836, pagkaraan ng tatlong taong pagtatrabaho at pagsasakripisyo, sa wakas ay nakita na rin ng mga Banal sa Kirtland na tapos na ang kanilang magandang templo, ang unang templo sa dispensasyong ito. Sa araw ng Linggo, Marso 27, mahigit 900 katao ang nagtipon sa kapilya at pasilyo ng templo para sa paglalaan. Maraming hindi nakapasok sa templo at nagsama-sama sa isang sesyon sa kalapit na silidaralan, samantalang ang iba pa ay nakinig sa labas habang nakabukas ang mga bintana ng templo. Tumulong mismo ang Propeta para makaupo ang mga miyembrong dumalo.
Pinakinggan ng kongregasyon ang mensahe ni Sidney Rigdon, isang tagapayo sa Unang Panguluhan, at pagkatapos ay samasama nilang kinanta ang “Tayo’y Magalak” at “Adam-Ondi- Ahman,” na isinulat ni William W. Phelps. Pagkaraan ay tumayo si Joseph Smith para ialay ang panalangin ng dedikasyon o paglalaan, na natanggap niya sa pamamagitan ng paghahayag. Sa panalangin, inilarawan niya ang marami sa mga pambihirang pagpapalang ipinagkakaloob sa mga pumapasok nang karapatdapat sa mga templo ng Diyos (tingnan sa D at T 109). Kinanta ng koro ang “Espiritu ng Diyos,” at pagkatapos ay tumayo ang kongregasyon at sumigaw ng Hosanna “nang buong lakas na halos umangat ang bubong ng gusali.”1
“Puspusin ang inyong bahay,” sabi ng Propeta sa panalangin ng dedikasyon o paglalaan, “gaya ng isang rumaragasang malakas na hangin, ng inyong kaluwalhatian” (D at T 109:37). Talagang natupad ito, sapagkat maraming Banal ang nagpatotoo na dumalo sa paglalaan ang mga nilalang mula sa langit. Naalala ni Eliza R. Snow: “Ang mga seremonya ng paglalaang iyon ay maaaring isalaysay na muli, ngunit walang salitang makapaglalarawan sa mga pagpapakita ng langit sa di-malilimutang araw na iyon. Nagpakita ang mga anghel sa ilan, habang ang lahat ng naroon ay nakadama ng kabanalan, at bawat puso ay ‘may galak na di-masayod at puspos ng kaluwalhatian’ [tingnan sa I Ni Pedro 1:8].”2
Noong gabing iyon, habang nagtitipon ang Propeta at mga 400 maytaglay ng priesthood sa templo, “ang ingay ay narinig na parang tunog ng rumaragasang malakas na hangin, na pumuno sa Templo, at sabay-sabay na nagsitayuan ang kongregasyon, na pinakilos ng hindi nakikitang kapangyarihan.” Ayon sa Propeta, “marami ang nagsimulang magsalita sa iba’t ibang wika at nagpropesiya; ang iba ay nakakita ng maluwalhating mga pangitain; at nakita ko ang Templo na puno ng mga anghel, at ipinahayag ko ang katotohanang ito sa kongregasyon.”3
Sa isang pulong na ginanap sa templo makalipas ang isang linggo, Abril 3, nagkaroon ng mga pagpapakitang dipangkaraniwan at napakahalaga. Matapos tulungan ng Propeta ang iba pang mga lider ng Simbahan sa pangangasiwa ng sacrament, nagtungo sila ni Oliver Cowdery sa pulpito sa likod ng nakababang mga kurtina at lumuhod sa taimtim na panalangin. Pagtindig nila mula sa pagdarasal, nagpakita sa kanila ang Tagapagligtas Mismo at ipinahayag ang Kanyang kasiyahan sa templo: “Masdan, tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito” ( D at T 110:7).
Nang matapos ang pangitaing ito, nakita nina Joseph at Oliver ang tatlong magkakahiwalay na pangitain kung saan nagpakita sa kanila ang mga sinaunang propeta upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood na kailangan para sa gawain ng Panginoon sa mga huling araw. Nagpakita at ipinagkatiwala sa kanila ng propetang si Moises “ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo.” Pumarito at ipinagkatiwala sa kanila ni Elias “ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham.” (Tingnan sa D at T 110:11–12.)
Pagkatapos, “sa isa pang maluwalhating pangitain” nakita nina Joseph at Oliver ang propetang si Elijah (tingnan sa D at T 110:13–16). Napakahalaga ng pagparito ni Elijah kaya nagpropesiya ang sinaunang propetang si Malakias tungkol dito ilang siglo bago iyon, at inulit ng Tagapagligtas ang propesiya sa mga Nephita (tingnan sa Malakias 4:5–6; 3 Nephi 25:5–6; 26:1–2). Ipinagkatiwala ni Elijah kina Joseph at Oliver ang mga susi ng pagbubuklod—ang kapangyarihang magbuklod at bigyang-bisa sa kalangitan ang lahat ng ordenansang isinasagawa sa lupa. Ang pagpapanumbalik ng kapangyarihang magbuklod ay kailangan upang maihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, sapagkat kung hindi, “ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito” (Joseph Smith— Kasaysayan 1:39).
Mga Turo ni Joseph Smith
Ipinropesiya ng sinaunang propetang si Malakias ang pagdating ni Elijah.
Binanggit ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa pagdalaw sa kanya ni Moroni noong gabi ng Setyembre 21, 1823, ayon sa pagkakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–39: “Una[ng] binanggit [ni Moroni] ang bahagi sa ikatlong kabanata ng Malakias; at binanggit din niya ang ikaapat o huling kabanata sa yaon ding propesiya, bagaman may kaunting pagkakaiba sa kung paano ito mababasa sa ating mga Biblia. Sa halip na ulitin ang unang talata tulad ng mababasa sa ating mga aklat, inulit niya ito nang ganito:
“Masdan, ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat ng palalo, oo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay masusunog na parang dayami; sapagkat yaong mga darating ang magsusunog sa kanila, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, na anupa’t hindi mag-iiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.
“At muli, inulit niya ang ikalimang talata nang ganito: Masdan, ihahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.
“Inulit din niya ang sumusunod na talata sa kakaibang paraan: At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito.”4
Nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple.
Inilarawan ni Joseph Smith ang pagpapakita ng sinaunang propetang si Elijah sa kanila ni Oliver Cowdery noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple, na kalauna’y itinala sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16: “Isa pang dakila at maluwalhating pangitain ang bumungad sa amin; sapagkat ang propetang si Elijah, na dinala sa langit nang hindi nakatikim ng kamatayan, ay tumindig sa aming harapan, at sinabi:
“Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya [si Elijah] ay isusugo, bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa—samakatwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na.”5
Ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod— ang kapangyarihan at awtoridad na ibuklod sa langit ang lahat ng ordenansang isinagawa sa lupa.
“ ‘Aking susuguin sa inyo si [Elijah] na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon,’ at marami pang iba [tingnan sa Malakias 4:5]. Bakit isusugo si Elijah? Dahil hawak niya ang mga susi ng awtoridad na mangasiwa sa lahat ng ordenansa ng Priesthood; at [maliban kung] ibigay ang awtoridad, hindi maisasagawa sa kabutihan ang mga ordenansa.”6
Sinabi ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod sa isang liham sa mga Banal, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 128:8–11: “Ang katangian ng ordenansang ito [pagbibinyag para sa mga patay] ay binubuo sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo na kung saan ito ay pinahintulutan na kung ano man ang inyong ibuklod sa lupa ay pagbubuklurin sa langit, at kung ano man ang inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit. …
“Maaaring para sa iba ito ay napakapangahas na doktrina na ating pinag-uusapan—isang kapangyarihan na nagtatala o nagbubuklod sa lupa at nagbubuklod sa langit. Gayunman, sa lahat ng panahon sa daigdig, kapag ang Panginoon ay nagbibigay ng isang dispensasyon ng pagkasaserdote sa sinumang tao sa pamamagitan ng aktuwal na paghahayag, o sa anumang pangkat ng mga tao, ang kapangyarihang ito ay tuwinang ibinibigay. Dahil dito, anuman ang ginawa ng mga taong yaon na may karapatan, sa pangalan ng Panginoon, at ginawa ito nang tapat at taimtim, at nag-ingat ng isang wasto at matapat na talaan ng gayon din, ito ay nagiging batas sa lupa at sa langit, at hindi maaaring mapawalang-bisa, alinsunod sa mga utos ng dakilang Jehova. Ito ay isang matapat na kawikaan. Sino ang makaririnig nito?
“At muli, para sa sinundan ng doktrinang ito, tingnan sa Mateo 16:18, 19: At akin ding sinasabi sa iyo, Na ikaw ay si Pedro, at sa batong ito aking itatayo ang aking simbahan; at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban dito. At aking ibibigay sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at kung anuman ang iyong ibubuklod sa lupa ay pagbubuklurin sa langit; at ano man ang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.
“Ngayon ang malaki at dakilang lihim ng lahat ng bagay, at ang summum bonum ng buong paksa na nakalatag sa harapan natin, binubuo sa pagtatamo ng mga kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote. Sa kanya kung kanino ang mga susing ito ay ibinigay ay walang paghihirap sa pagtatamo ng kaalaman ng mga katotohanang may kinalaman sa kaligtasan ng mga anak ng tao, maging gayundin kapwa para sa mga patay gaya ng para sa mga buhay.”7
Sa pamamagitan ng kapangyarihang magbuklod, maaaring ibuklod ang mga pamilya para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan, at maisagawa ang mga sagradong ordenansa para sa mga patay.
“Ang diwa, kapangyarihan, at tungkulin ni Elijah ay, upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang susi sa mga paghahayag, ordenansa, orakulo, kapangyarihan at mga pagkakaloob ng kabuuan ng [Melchizedek Priesthood] at sa kaharian ng Diyos sa lupa; at upang tanggapin, kamtin, at isagawa ang lahat ng ordenansa na nakapaloob sa kaharian ng Diyos, maging sa pagbaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak, at ng mga puso ng mga anak sa mga ama, pati na ang mga nasa langit.
“Sabi ni Malakias, ‘Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon. At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.” [Malakias 4:5–6.]
“Ngayon, ang gusto kong makamit ay ang kaalaman tungkol sa Diyos, at tahakin ang sarili kong landas para makamit ito. Ano ang kahulugan nito sa atin sa mga huling araw?
“Noong mga panahon ni Noe, winasak ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng pagbaha, at nangako Siyang wawasakin ito sa apoy sa mga huling araw: ngunit bago ito maganap, darating muna si Elijah at ibabaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at iba pa.
“Narito ngayon ang tanong. Ano itong katungkulan at gawain ni Elijah? Ito ay isa sa mga pinakadakila at pinakamahalagang paksang inihayag ng Diyos. Dapat Niyang isugo si Elijah upang ibuklod ang mga anak sa mga ama, at ang mga ama sa mga anak.
“Para lamang ba ito sa mga buhay, upang malutas ang mga problema ukol sa mga pamilya sa daigdig? Hindi ganoon. Higit na mabigat diyan ang gawain. Elijah! ano ang gagawin mo kung narito ka? Ililimita mo ba sa mga buhay ang iyong gawain? Hindi: sumangguni kayo sa mga Banal na Kasulatan, kung saan makikita ang paksang ito: ibig sabihin, kung wala tayo, hindi sila magiging ganap, ni tayo man kung wala sila; ang mga ama na wala ang mga anak, ni ang mga anak na wala ang mga ama [tingnan sa Mga Hebreo 11:40].
“Sana’y maunawaan ninyo ang paksang ito, dahil ito ay mahalaga; at kung tatanggapin ninyo ito, ito ang diwa ni Elijah, na tubusin natin ang ating mga patay, at iugnay ang ating sarili sa ating mga ninuno na nasa langit, at ibuklod ang ating mga namatay upang magbangon sa unang pagkabuhay na mag-uli; at dito ay nais nating ibuklod ng kapangyarihan ni Elijah ang mga naninirahan sa lupa sa mga naninirahan sa langit. Ito ang kapangyarihan ni Elijah at ang mga susi ng kaharian ni Jehova. …
“Muli: Ang doktrina o kapangyarihan ni Elijah na magbuklod ay ang sumusunod:—Kung kayo ay may kapangyarihang magbuklod sa lupa at sa langit, dapat tayong maging matalino. Ang una ninyong gawin, humayo at magpabuklod sa lupa sa inyong mga anak, at sa inyong ama sa walang hanggang kaluwalhatian.”8
Ang pagparito ni Elijah ay kailangan sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
“Ang mga puso ng mga anak ng tao ay kailangang ibaling sa mga ama, at ang mga ama sa mga anak, buhay man o patay, upang ihanda sila sa pagparito ng Anak ng Tao. Kung hindi pumarito si Elijah, isusumpa ang buong mundo.”9
“Si Elias ang nauna upang ihanda ang daan, at susunod ang diwa at kapangyarihan ni Elijah, hawak ang mga susi ng kapangyarihan, itinatayo ang Templo sa batong pinakaibabaw, inilalagak sa Melchizedek Priesthood ang mga kapangyarihan ng pagbubuklod sa sambahayan ni Israel, at inihahanda ang lahat ng bagay; pagkatapos darating ang Mesiyas sa Kanyang Templo, na siyang pinakahuli sa lahat. … Paparito si Elijah at ihahanda ang daan at itatatag ang kaharian bago sumapit ang dakilang araw ng Panginoon.”10
“Ang mundo ay nilayong sunugin sa mga huling araw. Isusugo Niya ang propetang si Elijah, at ihahayag niya ang mga tipan ng mga ama patungkol sa mga anak, at ang mga tipan ng mga anak patungkol sa mga ama.”11
“Paano sasagipin ng Diyos ang henerasyong ito? Isusugo Niya ang propetang si Elijah. … Ihahayag ni Elijah ang mga tipan upang ibuklod ang puso ng mga ama sa mga anak, at ng mga anak sa mga ama.”12
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o sa paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Nang magpakita ang Tagapagligtas sa Kirtland Temple, sinabi Niya kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, “ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito” (pahina 360. Paano naipakita ang awa ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng mga susi sa pagbubuklod? Paano pa Niya ipinakikita ang Kanyang Sarili sa templo?
-
Pag-aralan ang unang dalawang buong talata sa pahina 362. Ano ang itinuturo ng dalawang talatang ito tungkol sa misyon ni Elijah na hindi natin matututuhan sa Malakias 4:5–6? Ano ang kahalagahan ng mga pagkakaibang ito?
-
Pag-aralan ang paliwanag tungkol sa kapangyarihang magbuklod na matatagpuan sa mga pahina 363–64. Ano ang kapangyarihang magbuklod? Bakit mahalaga ang kapangyarihang ito sa inyo at sa inyong pamilya?
-
Basahin ang paliwanag ni Joseph Smith tungkol sa gawain ni Elijah (mga pahina 364–65. Ano ang Diwa ni Elijah? Bakit napakahalaga na pumarito si Elijah at gampanan ang kanyang gawain sa mga huling araw na ito?
-
Anong mga karanasan ninyo ang nagpabaling ng inyong puso sa mga kapamilyang pumanaw na? Ano ang magagawa ng mga magulang para maibaling ang puso ng kanilang mga anak sa kanilang mga ninuno?
-
Basahin ang huling talata sa pahina 362 at ang huling buong talata sa pahina 365. Sa inyong palagay bakit “[ba]bagabagin ng isang sumpa” ang mundo kung wala ang kapangyarihang magbuklod?
Kaugnay na mga banal na kasulatan:Helaman 10:4–10; D at T 132:45–46; 138:47–48; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elijah,” p. 57–58