Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 28: Paglilingkod ng Misyonero: Isang Banal na Tungkulin, Isang Maluwalhating Gawain


Kabanata 28

Paglilingkod ng Misyonero: Isang Banal na Tungkulin, Isang Maluwalhating Gawain

“Matapos masabi ang lahat, ang [ating] pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Sa huling ilang taon ng pagtira ng mga Banal sa Kirtland, maraming miyembro at pati na ilang lider ng Simbahan ang nagapostasiya. Tila nagdaraan ang Simbahan sa panahon ng krisis. “Sa nangyayari ngayon,” pagsulat ng Propeta, “inihayag sa akin ng Diyos na may bagong bagay na kailangang gawin para maisalba ang Kanyang Simbahan.”1 Ang “bagong bagay” na ito ay ang paghahayag na magsugo ng mga misyonero sa England para ipangaral ang ebanghelyo.

Pag-alaala ni Heber C. Kimball, miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Sa unang araw ng Hunyo 1837, nagpunta sa akin si Propetang Joseph, habang nakaupo ako sa … Templo, sa Kirtland, at bumulong sa akin, at nagsabi, ‘[Brother] Heber, ang Espiritu ng Panginoon ay bumulong sa akin, “Papuntahin ang aking tagapaglingkod na si Heber sa [England] at ipahayag ang aking ebanghelyo at buksan ang pintuan ng kaligtasan sa bansang iyon.” ’ ”2 Nalula si Elder Kimball sa bigat ng gayong tungkulin: “Ipinalagay ko na isa ako sa pinakamahihinang tagapaglingkod ng Diyos. Tinanong ko si Joseph kung ano ang dapat kong sabihin pagdating ko roon; sabi niya’y lumapit ako sa Panginoon at gagabayan Niya ako, at magsasalita siya sa pamamagitan ko sa espiritu ring yaon na [pumatnubay] sa kanya.”3

Pinapunta rin ng Propeta sina Orson Hyde, Willard Richards, at Joseph Fielding sa Kirtland, at sina Isaac Russell, John Snyder, at John Goodson sa Toronto, Canada. Sasama ang mga kalalakihang ito kay Elder Kimball sa kanyang misyon sa England. Nagkita sila sa New York City, at naglayag sakay ng barkong Garrick papuntang Great Britain noong Hulyo 1, 1837. Sa unang misyong ito sa labas ng North America mga 2,000 ang nagpabinyag sa Simbahan sa unang taon ng mga misyonero sa England. Galak na sumulat si Elder Kimball sa Propeta: “Luwalhati sa Diyos, Joseph, pinapatnubayan kami ng Panginoon sa lahat ng bansa!”4

Pinamahalaan ng Propeta mula sa Nauvoo ang ikalawang misyon ng mga apostol sa Britain, kasama ang karamihan ng mga miyembro ng Labindalawa sa ilalim ng pamumuno ni Brigham Young. Pag-alis nila noong taglagas ng 1839, dumating ang Labindalawa sa England noong 1840. Doo’y nagsimula silang magturo at pagsapit ng 1841 mahigit 6,000 ang nagpabinyag sa Simbahan, sa pagsasakatuparan ng pangako ng Panginoon na may gagawin Siyang “bagong bagay” para maisalba ang kanyang Simbahan.

Mula sa Nauvoo, patuloy na nagpadala ng mga misyonero si Joseph Smith sa buong mundo. Napunta sa England si Orson Hyde noong 1841 at kalaunan ay ipinagpatuloy ang itinalagang misyon sa Jerusalem. May dala siyang liham ng rekomendasyon mula kay Joseph Smith na nagsasaad na “ang may-dala ng mga papeles na ito, na isang tapat at karapat-dapat na lingkod ni Jesucristo, ay aming kinatawan sa ibang mga bansa, upang … makipag-usap sa mga pari, pinuno at Elder ng mga Judio.”5 Noong Oktubre 24, 1841, lumuhod si Elder Hyde sa Bundok ng Olibo sa Jerusalem at nagsumamo sa Ama sa Langit na ilaan ang lupain “para sa pagtitipon ng nakakalat na labi ng Juda, ayon sa mga hula ng mga banal na propeta.”6 Pagkatapos ay tumuloy sa Germany si Elder Hyde, kung saan niya inilatag ang panimulang pundasyon sa pag-unlad ng Simbahan doon.

Noong Mayo 11, 1843, tinawag ng Propeta sina Elder Addison Pratt, Noah Rogers, Benjamin F. Grouard, at Knowlton F. Hanks upang magmisyon sa mga pulo ng South Pacific. Ito ang unang misyon ng Simbahan sa malawak na rehiyong iyon. Namatay si Elder Hanks sa gitna ng karagatan, ngunit naglakbay si Elder Pratt sa Austral Islands, kung saan nagturo siya ng ebanghelyo sa pulo ng Tubuai. Tumuloy sina Elder Rogers at Grouard sa Tahiti, kung saan daan-daang tao ang nabinyagan bunga ng kanilang mga pagsisikap.

Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith, sumulong ang mga Banal sa pagsasakaturapan ng utos ng Panginoon: “Humayo kayo sa buong sanlibutan; at saan mang lugar hindi kayo makatutungo ay magsusugo kayo, upang ang patotoo ay tumungo mula sa inyo patungo sa buong sanlibutan sa bawat kinapal” (D at T 84:62).

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang paglilingkod ng misyonero ay isang banal na gawain; pananampalataya, kabutihan, sipag, at pagmamahal ang nagbibigay sa amin ng kakayahang gawin ang gawaing ito.

“Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo.”7

Noong Disyembre 1840 sumulat si Joseph Smith sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa at iba pang mga lider ng priesthood na nagmimisyon sa Great Britain: “Tinitiyak ko sa inyo, mahal kong mga kapatid, na hindi ko binabalewala ang mga bagay na nakikita kong nangyayari sa ibabaw ng buong mundo; at sa gitna ng mga pangyayari, walang higit na mahalaga kaysa sa maluwalhating gawaing ginagawa ninyo ngayon; kaya nga nag-aalala ako para sa inyo, na dahil sa inyong kabutihan, pananampalataya, kasipagan at pag-ibig sa kapwa ay magmalaki kayo sa isa’t isa, sa Simbahan ni Cristo, at sa inyong Amang nasa langit; na sa awa ay tinawag kayo sa isang napakabanal na tungkulin; at binigyang-kakayahan kayong isagawa ang dakila at mahahalagang tungkuling iniatang sa inyo. At tinitiyak ko sa inyo na, sa impormasyong natanggap ko, nasisiyahan ako na hindi kayo nagpapabaya sa inyong tungkulin; kundi ang inyong kasipagan at katapatan ay sapat upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos na pinaglilingkuran ninyo, at ang mabuting pakikisama ng mga Banal sa buong mundo.

“Ang paglaganap ng Ebanghelyo sa buong England ay talaga namang kasiya-siya; ang pagmumuni-muni tungkol dito ay naghahatid ng kakaibang damdamin ng mga taong nagpakasakit at naghirap upang maisagawa ito, at matibay na sumuporta at nagtanggol sa pagsisimula nito, sa gitna ng hindi magagandang pangyayari, at nakaamba ang pagkawasak nito sa lahat ng dako— tulad ng matibay na balsa [barko] na sumagupa sa unos nang hindi nasisira, na nagbaba ng kanyang layag sa hangin, at magiting na sumugod sa rumaragasang alon, na higit na alam kaysa rati ang tibay ng kanyang pagkayari, at ang karanasan at kakayahan ng kanyang kapitan, piloto, at mga tripulante. …

“Mapagmahal ang isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos, at dapat itong ipakita ng mga taong naghahangad na maging mga anak ng Diyos. Ang isang taong puspos ng pag-ibig ng Diyos, ay hindi kuntentong pamilya lamang niya ang mapagpala, kundi ang buong mundo, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan. Ganito na ang pakiramdam ninyo, kaya ninyo tinalikdan ang mga kasiyahan sa tahanan, upang maging pagpapala kayo sa iba, na magiging imortal, ngunit hindi batid ang katotohanan; at sa paggawa nito, dalangin ko na nawa’y mapasainyo ang pinakapiling mga pagpapala ng langit.”8

Itinuturo natin ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo nang may kapakumbabaan at kahinahunan at umiiwas makipagtalo sa iba tungkol sa kanilang mga paniniwala.

“Oh, kayong mga elder ng Israel, makinig sa aking tinig; at kapag ipinadala kayo sa mundo upang mangaral, sambitin ang mensaheng ipinahahatid sa inyo; ipangaral at ihiyaw, ‘Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit; magsisi at maniwala sa Ebanghelyo.’ Ipahayag ang mga pangunahing alituntunin, at hayaan ninyo ang mga hiwaga, at baka kayo malupig. … Ipangaral ang mga bagay na sinabi ng Panginoon na ipangaral ninyo—pagsisisi at pagpapabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”9

“Nagsalita ako at nagpaliwanag na walang-saysay ang pangangaral sa mundo tungkol sa dakilang paghuhukom, at sa halip ay ipangaral ang simpleng Ebanghelyo.”10

“Ang mga Elder ay [dapat] humayo … nang buong kahinahunan, pagtitimpi, at ipangaral si Jesucristo at Siya na ipinako sa krus; huwag makipagtalo sa iba dahil sa kanilang pananampalataya, o sistema ng relihiyon, bagkus ay tahakin ang tuwid na landas. Ibinigay ko ito bilang utos; at lahat ng hindi susunod dito, ay uusigin, samantalang yaong susunod, ay laging mapupuspos ng Espiritu Santo; ito ang aking propesiya.”11

“Kung bukas ang anumang mga pintuan para maipangaral ng mga Elder ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, hayaan ninyo silang ibulalas ito. Huwag ninyong kalabanin ang mga sekta; ni huwag magsalita laban sa kanilang mga doktrina. Sa halip ipangaral si Cristo at siya na ipinako sa krus, ang pagibig sa Diyos, at pag-ibig sa kapwa; … sa gayon, kung maaari, ay maiwawaksi natin ang maling palagay ng mga tao. Maging maamo at mapagpakumbaba, at makakapiling ninyo ang Panginoong Diyos ng ating mga ninuno magpakailanman.”12

“Pansinin ang Susi na ito, at maging matalino alang-alang kay Cristo, at alang-alang sa inyong kaluluwa. Hindi kayo isinugo para turuan, kundi para magturo. Haluan ng awa ang bawat salita. Maging listo; maging mahinahon. Ito ay araw ng babala, at hindi araw ng maraming salita. Kumilos nang tapat sa harapan ng Diyos at ng tao. … Maging tapat, bukas, at prangka sa lahat ng inyong [mga pakikitungo] sa sangkatauhan. [Tingnan sa D at T 43:15; 63:58.]”13

Bago lumisan si George A. Smith para magmisyon noong 1835, nakausap niya si Propetang Joseph Smith, na kanyang pinsan. Itinala ni George A. Smith: “Nakipagkita ako kay Pinsang Joseph. Binigyan niya ako ng isang Aklat ni Mormon, kinamayan, at sinabi, ‘Mangaral ka ng maiikling sermon, magdasal nang maikli, at mapanalanging ihatid ang iyong mga sermon.’ ”14

Itinuturo natin ang ebanghelyo ayon sa patnubay ng Espiritu.

“Dapat ipangaral ng lahat ang Ebanghelyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan at impluwensya ng Espiritu Santo; at hindi maipangangaral ninuman ang Ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo.”15

“Sabi nga ni Pablo kinailangan niyang maging lahat-lahat sa lahat ng tao, nang sa gayo’y mailigtas niya ang ilan [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 9:22], gayon din ang dapat gawin ng mga elder sa mga huling araw; at, dahil isinugo upang ipangaral ang Ebanghelyo at bigyang-babala ang mundo tungkol sa darating na paghuhukom, natitiyak natin, kapag nagturo sila ayon sa patnubay ng Espiritu, ayon sa mga paghahayag ni Jesucristo, na ipangangaral nila ang katotohanan at magpapatuloy nang walang reklamo. Kaya nga wala tayong bagong utos na ibibigay, kundi isamo sa mga elder at miyembro na ipamuhay ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos [tingnan sa Mateo 4:4], at baka hindi nila makamtam ang kaluwalhatiang nararapat sa matatapat.”16

Nagsalita ang Propeta sa isang kumperensyang ginanap noong Oktubre 1839: “Patuloy na nagbilin ang Pangulo [Joseph Smith] sa mga Elder patungkol sa pangangaral ng Ebanghelyo, at binigyang-diin sa kanila na kailangang makamtan ang Espiritu, nang makapangaral sila sa tulong ng Espiritu Santo mula sa langit; maging maingat sa pagsasalita tungkol sa mga paksang hindi malinaw na itinuro sa salita ng Diyos, na nauuwi sa mga haka-haka at alitan.”17

Noong Mayo 14, 1840, sinulatan ni Joseph Smith mula sa Nauvoo sina Elder Orson Hyde at John E. Page, na patungo sa kanilang misyon sa Banal na Lupain: “Huwag kayong manghina dahil sa bigat ng gawain; maging mapagpakumbaba at matapat lamang, at sa gayo’y masasabi ninyong, ‘Sino ka, Oh malaking bundok? sa harap ni Zorobabel ay magiging kapatagan ka.’ [Tingnan sa Zacarias 4:7.] Siya na nagpakalat sa Israel ay nangakong titipunin sila; samakatwid dahil kayo ay kinasangkapan sa dakilang gawaing ito, pagkakalooban Niya kayo ng kapangyarihan, dunong, lakas, at talino, at bawat katangiang kailangan; habang nag-iibayo ang lawak ng inyong mga isipan, hanggang sa masakop ninyo ang buong mundo at kalangitan, abutin ang kawalang-hanggan, at pag-aralan ang mga makapangyarihang ginawa ni Jehova sa lahat ng uri at kaluwalhatian nito.”18

Naghahanap tayo ng mga oportunidad na maituro ang ebanghelyo at makapagpatotoo tungkol sa katotohanan nito.

Noong taglagas ng 1832 naglakbay si Joseph Smith kasama si Bishop Newel K. Whitney mula Kirtland, Ohio, patungong silangang bahagi ng Estados Unidos. Noong Oktubre 13, sumulat ang Propeta kay Emma Smith mula sa New York City: “Habang pinag-iisipan ko ang dakilang lungsod na ito gaya ng Ninive na hindi mahiwatigan ang kanang kamay nila sa kaliwa, oo, sa mahigit dalawandaang libong kaluluwang ito, napuspos ako ng habag, at determinado akong magtaas ng tinig sa lungsod na ito at ipaubaya sa Diyos ang kahihinatnan nito, na hawak sa kanyang kamay ang lahat ng bagay at hindi hahayaang malaglag nang hindi napapansin kahit isang buhok lamang sa ating mga ulo. …

“Nakausap ko ang ilang tao, na nagbigay-kasiyahan sa akin, at may isang napakabuting ginoo mula sa Jersey, na napakapormal ng mukha. Lumapit siya at naupo sa tabi ko at sinimulan akong kausapin tungkol sa kolera, at nalaman ko na nagkasakit siya ng kolera at muntik nang mamatay dahil dito. Sabi niya iniligtas siya ng Panginoon para sa kung anong magandang dahilan. Sinamantala ko ito at sinimulan ko siyang kausapin. Halatang masaya niyang tinanggap ang itinuro ko at naging malapit siya nang husto sa akin. Nag-usap kami hanggang hatinggabi at itinuloy namin ang pag-uusap kinabukasan. Ngunit dahil may ilang bagay siyang kailangang gawin, nanatili lamang siya hanggang sa handa nang tumulak ang barko at kinailangan na niyang lumisan. Lumapit siya sa akin at nagpaalam, at parang ayaw naming maghiwalay.”19

Nagunita ng kabiyak ni Newel K. Whitney na si Elizabeth Ann ang paglalakbay ng kanyang asawa noong 1832 patungong silangang bahagi ng Estados Unidos kasama si Joseph Smith: “Naglakbay ang asawa ko kasama si Propetang Joseph, sa karamihan ng mga lungsod sa Silangan, na nagpapatotoo at nangangalap ng pondo para makapagtayo ng isang Templo sa Kirtland, at makabili ng mga lupain sa Missouri. … Sabi niya sa asawa ko, ‘Kung tatanggihan nila tayo maiiwan natin sa kanila ang ating patotoo, sapagkat isusulat natin ito at iiwanan sa bungad ng kanilang mga pintuan at pasamano ng kanilang mga bintana.’ ”20

Noong 1834 nangaral si Joseph Smith sa isang paaralan sa Pontiac, Michigan. Naroon si Edward Stevenson at ginunita ang karanasan: “Sa bakuran ng paaralang iyon itinuro ng dalawang Elder na Mormon ang ipinanumbalik na Ebanghelyo noong taong 1833; at noong 1834 makapangyarihang nangaral si Propetang Joseph Smith sa paraang noon lang nasaksihan sa ikalabingsiyam na siglong ito. … Tandang-tanda ko pa ang marami sa mga sinabi ng batang Propeta nang sambitin niya ang mga ito nang simple, ngunit sa kapangyarihang hindi nakayang tanggihan ng lahat ng naroon. …

“Sinabi niya habang nakataas ang kamay: ‘Saksi ako na may isang Diyos, sapagkat nakita ko Siya sa liwanag ng araw, habang nagdarasal sa isang tahimik na kakahuyan, noong tagsibol ng 1820.’ Nagpatotoo pa siya na sinabi ng Diyos Amang Walang Hanggan, habang nakaturo sa isang hiwalay na katauhan, na kamukha Niya: ‘Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak, pakinggan ninyo Siya.’ Ah, kinilabutan ang buong katawan ko sa mga salitang ito, at di mailarawan ang aking kagalakan na mamasdan na ang isang tao na katulad ni Pablo na sinaunang apostol ay buong tapang na magpapatotoo na nakapiling niya si Jesucristo!…

“… Sunud-sunod ang idinaos na mga pulong, at ang nakakatuwa pa, sinamahan ng tatlong saksi ng Aklat ni Mormon ang Propeta. Nagpatotoo ang Propeta na siya ay pinagbilinang iorganisa ang isang Simbahan ayon sa huwaran ng Simbahang inorganisa ni Jesus, na may Labindawalang Apostol, mga Pitumpu, mga Elder, mga kaloob at pagpapala, na may mga tanda ng sumusunod, ayon sa nakasaad sa ikalabing-anim na kabanata ng Marcos. … ‘Bilang tagapaglingkod ng Diyos,’ sabi ni Joseph, ‘ipinangangako ko sa inyo, kapag kayo ay nagsisi at nagpabinyag para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, matatanggap ninyo ang Espiritu Santo.’ ”21

Habang inililipat mula sa Far West, Missouri, noong Nobyembre 1838, patungo sa kanyang bilangguan sa Richmond, Missouri, muling itinuro ng Propeta ang ebanghelyo: “Dinalaw kami ng ilang kababaihan at kalalakihan. Lumapit ang isa sa mga kababaihan, at parang walang anumang tinanong ang mga sundalo kung sino sa mga bilanggo ang Panginoong sinasamba ng mga ‘Mormon’? Isa sa mga bantay ang nagturo sa akin na may makahulugang ngiti, at nagsabi, ‘Narito siya.’ Bumaling sa akin ang babae at itinanong kung sinasabi ko na ako ang Panginoon at Tagapagligtas? Sumagot ako, na ako ay tao lamang, at isang ministro ng kaligtasan, na isinugo ni Jesucristo upang ipangaral ang Ebanghelyo.

“Nagulat ang babae sa sagot na ito at nagsimulang magtanong tungkol sa ating doktrina, at nangaral ako, kapwa sa kanya at sa kanyang mga kasama, at sa nagtatakang mga sundalo, na lubusang nakinig habang ipinahahayag ko ang doktrina ng pananampalataya kay Jesucristo, at pagsisisi, at pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, na may pangako ng Espiritu Santo, ayon sa nakasaad sa ikalawang kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol [tingnan sa Mga Gawa 2:38–39].

“Nasiyahan ang babae, at pinuri ang Diyos sa abot-dinig ng mga sundalo, at lumisan, na nagdarasal na pangalagaan at iligtas kami ng Diyos.”22

Nagunita ni Dan Jones na noong gabi bago pinaslang ang Propeta sa Carthage Jail ay nangyari ang sumusunod: “Nagbigay ng makapangyarihang patotoo si Joseph sa mga bantay tungkol sa banal na katotohanan ng Aklat ni Mormon, panunumbalik ng Ebanghelyo, pangangasiwa ng mga anghel, at na ang kaharian ng Diyos ay muling itinatag sa lupa, na siyang dahilan kaya siya ibinilanggo roon, at hindi dahil nilabag niya ang anumang batas ng Diyos o tao.”23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga pahina 383–86, na binibigyang-pansin ang mga pagsisikap ng mga misyonero na inorganisa sa ilalim ng pamamahala ni Propetang Joseph Smith. Naimpluwensyahan na ba kayo ng gawain ng mga naunang misyonero sa anumang paraan? Kung oo, paano?

  • Basahin ang ikalawang buong talata sa pahina 387, at pagisipan kung bakit naiimpluwensyahan tayo ng pagmamahal sa paraang inilarawan ng Propeta. Ano ang ilang katangiang kailangan natin upang maging epektibong mga misyonero? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 386–87.)

  • Repasuhin ang mga salita ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kung saan at paano dapat magturo ang mga misyonero (mga pahina 387–91). Bakit natin dapat ipangaral ang “mga pangunahing alituntunin” ng ebanghelyo? Ano ang maaaring ibunga ng pakikipagtalo sa iba tungkol sa relihiyon? Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng “haluan ng awa ang bawat salita” sa pangangaral ng ebanghelyo?

  • Repasuhin ang buong ikalawang talata mula sa huli ng pahina 389. Sa anong mga paraan nagabayan ng Espiritu Santo ang mga pagsisikap ninyong ibahagi ang ebanghelyo? Bakit hindi natin maipangaral ang ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo?

  • Repasuhin ang mga karanasan ni Joseph Smith na isinalaysay sa mga pahina 391–93. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo mula sa mga karanasang ito?

  • Sa anong mga paraan tayo aktibong makahahanap ng mga oportunidad para maibahagi ang ebanghelyo sa iba? Sa anong mga paraan natin maihahanda ang ating sarili sa gayong mga oportunidad? Paano natin maisasali ang ating pamilya sa gawaing misyonero?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mateo 28:19–20; 2 Nephi 2:8; Alma 26:26–37; D at T 4:1–7; 31:3–5

Mga Tala

  1. History of the Church, 2:489; mula sa “History of the Church” (manuskrito), aklat B-1, p. 761, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. Heber C. Kimball, “Synopsis of the History of Heber Chase Kimball,” Deseret News, Abr. 14, 1858, p. 33; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra.

  3. Heber C. Kimball, Deseret News, Mayo 21, 1862, p. 370; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra.

  4. Binanggit ni Orson F. Whitney, sa Conference Report, Okt. 1920, p. 33.

  5. Liham ng rekomendasyon na ibinigay ni Joseph Smith at ng iba pa kay Orson Hyde, Abr. 6, 1840, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Abr. 1840, p. 86.

  6. Orson Hyde, A Voice from Jerusalem, or a Sketch of the Travels and Ministry of Elder Orson Hyde (1842), p. 29.

  7. History of the Church, 2:478; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1837, sa Kirtland, Ohio; iniulat ng Messenger and Advocate, Abr. 1837, p. 487.

  8. History of the Church, 4:226–27; ginawang makabago ang pagbabantas at gramatika; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa Labindalawa, Dis. 15, 1840, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Ene. 1, 1841, p. 258; mali ang petsang Okt. 19, 1840, sa liham na ito, sa History of the Church.

  9. History of the Church, 5:344; ginawang makabago ang pagbabaybay; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 8, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Willard Richards at William Clayton.

  10. History of the Church, 4:11; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Set. 29, 1839, sa Commerce, Illinois; iniulat ni James Mulholland.

  11. History of the Church, 2:431; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 30, 1836, sa Kirtland, Ohio.

  12. Liham ni Joseph Smith at ng iba pa kay Hezekiah Peck, Ago. 31, 1835, Kirtland, Ohio; sa “The Book of John Whitmer,” p. 80, Community of Christ Archives, Independence, Missouri; kopya ng “The Book of John Whitmer” sa Church Archives.

  13. History of the Church, 3:384; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 2, 1839, sa Montrose, Iowa; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  14. George A. Smith, “History of George Albert Smith by Himself,” p. 36, George Albert Smith, Papers, 1834–75, Church Archives.

  15. History of the Church, 2:477; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1837, sa Kirtland, Ohio; iniulat ng Messenger and Advocate, Abr. 1837, p. 487.

  16. History of the Church, 5:404; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa editor ng Times and Seasons, May 22, 1843, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Mayo 15, 1843, p. 199; nahuli ang paglalathala sa isyung ito ng Times and Seasons.

  17. History of the Church, 4:13; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Okt. 6, 1839, sa Commerce, Illinois; iniulat ng Times and Seasons, Dis. 1839, p. 31.

  18. History of the Church, 4:128–29; mula sa isang liham ni Joseph Smith kina Orson Hyde at John E. Page, Mayo 14, 1840, Nauvoo, Illinois. Bagaman nakumpleto ni Elder Hyde ang kanyang misyon sa Holy Land, nanatili si Elder Page sa Estados Unidos.

  19. Liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Okt. 13, 1832, New York City, New York; Community of Christ Archives, Independence, Missouri.

  20. Elizabeth Ann Whitney, “A Leaf from an Autobiography,” Woman’s Exponent, Okt. 1, 1878, p. 71; ginawang makabago ang pagbabaybay, pagbabantas, at pagpapalaki ng mga letra.

  21. Edward Stevenson, “The Home of My Boyhood,” Juvenile Instructor, hulyo 15, 1894, pp. 443–45; ginawang makabago ang pagbabantas at gramatika; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  22. History of the Church, 3:200–201; isang salaysay tungkol sa talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Nob. 4, 1838, malapit sa Ilog Missouri, habang bihag siya mula sa Far West papuntang Independence, Missouri; iniulat ni Parley P. Pratt.

  23. History of the Church, 6:600; isang salaysay ng mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 26, 1844, sa Carthage Jail, Carthage, Illinois; iniulat ni Dan Jones.

men shaking hands

Binabati ng mga sumapi sa Simbahan sina Heber C. Kimball at Joseph Fielding sa England sa mga pagsisikap nila sa misyon. “Luwalhati sa Diyos, Joseph,” pagliham ni Elder Kimball sa Propeta, “pinapatnubayan kami ng Panginoon sa lahat ng bansa!”

missionaries

“Ipangaral si Cristo at siya na ipinako sa krus, ang pag-ibig sa Diyos, at pag-ibig sa kapwa. … Maging maamo at mapagpakumbaba, at makakapiling ninyo ang Panginoong Diyos ng ating mga ninuno magpakailanman.”

sister missionaries teaching

Bawat miyembro ng Simbahan ay may responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo. “Dapat ipangaral ng lahat ang Ebanghelyo,” pahayag ni Propetang Joseph Smith, “sa pamamagitan ng kapangyarihan at impluwensya ng Espiritu Santo.”