KABANATA 2
Diyos Amang Walang Hanggan
“Dakila ang mga layunin ng ating Diyos, ang Kanyang pag-ibig ay hindi maarok, walang katapusan ang Kanyang karunungan, at walang hanggan ang Kanyang kapangyarihan; samakatwid, may dahilan ang mga Banal para magalak at magsaya.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
K abilang sa mga ninuno ni Joseph Smith ang marami na nag-hangad na makilala ang totoong Diyos noong panahon nila. Ang mga magulang mismo ni Joseph ay napakaespirituwal, at baga-man hindi nila natagpuan ang buong katotohanan tungkol sa Diyos sa mga simbahan sa kanilang paligid, iginalang nila ang Biblia bilang salita ng Diyos at ginawang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang panalangin. Nagunita ng kapatid ng Propeta na si William: “Talagang matindi ang pagkarelihiyoso at kabaitan ng aking ama. … Sinasabihan akong makinig sa mga panalangin gabi’t araw. … Ibinuhos ng aking mga magulang, ng tatay at nanay ko, ang kanilang kaluluwa sa Diyos, na nagkaka-loob ng lahat ng pagpapala, na pangalagaan at bantayan ang kanilang mga anak at ilayo sila sa kasalanan at lahat ng masasa-mang gawain. Ganoon kadeboto ang mga magulang ko.”1 Sinabi rin ni William: “Laging nagdarasal ang aming pamilya mula pa nang magkaisip ako. Tandang-tanda ko pa na laging dala ni Itay sa bulsa ng kanyang tsaleko ang kanyang salamin sa mata, at kapag nakita na naming mga bata na kinakapa niya ang kanyang salamin, alam na namin na hudyat na ito upang maghanda sa panalangin, at kapag hindi namin iyon napansin ay sasabihin ni Inay, ‘William,’ o kung sinuman ang nakaligta, ‘maghanda na kayo sa panalangin.’ Pagkatapos ng panalangin kami ay umaawit; natatandaan ko pa ang bahagi ng awit: ‘Isang araw ang muling nagdaan, Kami’y nagbibihis na naman.’”2
Ang maagang espirituwal na pagsasanay na ito ay tumimong mabuti sa kaluluwa ng batang si Joseph Smith. Nang mag-alala siya tungkol sa kanyang walang hanggang kapakanan at hina-ngad na malaman kung saang simbahan siya sasapi, alam niyang makababaling siya sa Diyos para sa mga sagot:
“Nalaman ko sa mga banal na kasulatan na ang Diyos ay hindi nagbabago kahapon, ngayon, at magpakailanman, at wala Siyang kinikilingang tao, dahil Siya ang Diyos. Sapagkat namasdan ko ang araw, ang maluwalhating tanglaw ng mundo, at gayundin ang buwan sa karingalan [nito] sa buong kalangitan at pati na ang mga bituing nagniningning sa kanilang pag-inog; at ang lupa man na aking tinatapakan, at ang hayop sa bukirin at mga ibon sa kala-ngitan at mga isda sa tubig; at gayundin ang taong naglalakad sa ibabaw ng lupa nang buong ringal at ganda, [na may] kapangya-rihan at talino sa pamamahala sa mga bagay na napakadakila at kagila-gilalas, maging sa wangis niya na lumikha sa kanila.
“At nang pag-isipan ko ang mga bagay na ito ibinulalas ng puso ko, Sinabi nga ng matalinong tao na isang [hangal] ang nagsasabi sa kanyang puso na walang Diyos [tingnan sa Mga Awit 53:1]. Ibinulalas ng puso ko, Lahat ng ito ay nagpapatotoo at nagpapahiwatig ng isang kapangyarihang walang hanggan at nasa lahat ng dako, isang Nilalang na gumagawa ng mga batas at nagtatakda at nagbubuklod sa lahat ng bagay sa kanilang mga hangganan, na pumupuno sa kawalang-hanggan, na siyang nabuhay noon at ngayon at sa buong kawalang-hanggan. At nang pag-isipan ko ang lahat ng ito at na hangad ng Nilalang na iyon na sambahin siya ng mga taong sumamba sa Kanya sa espiritu at sa katotohanan [tingnan sa Juan 4:23], ako ay nagmakaawa sa Panginoon, sapagkat wala na akong ibang malalapitan na maa-awa sa akin.”3
Ang tapat na panalangin ni Joseph para sa awa at karunungan ay nasagot sa Unang Pangitain. Ang pangitaing iyon ay nagbigay sa batang Propeta ng mas malaking kaalaman tungkol sa Diyos kaysa alinmang simbahan noong panahon niya, kaalamang nawala sa daigdig sa loob ng maraming siglo. Sa Unang Pangitain, nalaman mismo ni Joseph na ang Ama at Anak ay magkahiwalay na mga nilalang, na ang Kanilang kapangyarihan ay higit pa sa kapangyarihan ng masama, at ang tao ay hinubog sa wangis ng Diyos—mga katotohanang napakahalaga sa pag-unawa sa tunay na kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit.
Sumunod ang iba pang mga paghahayag tungkol sa likas na katangian ng Diyos, kabilang na ang maraming bagay na ngayon ay nasa ating mga banal na kasulatan sa mga huling araw. Bilang piling kasangkapan ng Diyos sa panunumbalik ng katotohanan ng ebanghelyo sa mundo, nagpatotoo ang Propeta tungkol sa Diyos sa buong pagmiministeryo niya. “Magtatanong ako sa Diyos,” sabi niya, “sapagkat nais kong makilala ninyo Siya, at maging malapit kayo sa Kanya….Sa gayon malalaman ninyo na ako ay Kanyang lingkod; sapagkat nagsasalita ako nang may awtoridad.”4
Mga Turo ni Joseph Smith
Ang Diyos ang mapagmahal na Ama ng buong sangkatauhan at pinagmumulan ng lahat ng mabuti.
“Habang ang isang panig ng sangkatauhan ay hinahatulan at isinusumpa ang iba nang walang awa, ang Dakilang Magulang ng sansinukob ay nakatunghay sa buong sangkatauhan nang may pagmamahal at pagmamalasakit ng isang ama; anak ang turing Niya sa kanila, at dahil hindi makitid ang pang-unawa Niya na tulad ng mga anak ng tao, ay ‘pinasisikat Niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.’ [Mateo 5:45.]”5
“Inaamin natin na ang Diyos ang dakilang pinagmumulan at bukal na pinanggagalingan ng lahat ng mabuti; na Siya ay per-pektong katalinuhan, at sa Kanyang karunungan lamang ay sapat nang pamahalaan at isaayos ang makapangyarihang mga nilikha at daigdig na nagniningning at kumikinang nang napakarikit at napakaringal sa ating mga ulunan, na para bang hinihipo ng Kanyang daliri at pinakikilos ng Kanyang Makapangyarihang salita… . Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios, at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng Kaniyang kamay [tingnan sa Mga Awit 19:1]; at sa sumandaling pagmumuni-muni ay sapat nang maturuan ang bawat taong karaniwan ang talino, na lahat ng ito ay hindi lamang bunga ng pagkakataon, ni masu-suportahan ng anumang kapangyarihang mas mababa kaysa kamay ng Maykapal.”6
“Nakikita ng Diyos ang mga lihim na layon ng kilos ng tao, at talos Niya ang puso ng lahat ng taong nabubuhay.”7
“Dakila ang mga layunin ng ating Diyos, ang Kanyang pag-ibig ay hindi maarok, walang katapusan ang Kanyang karunungan, at walang hanggan ang Kanyang kapangyarihan; samakatwid, may dahilan ang mga Banal para magalak at magsaya, batid na ‘ang Dios na ito ay ating Dios magpakailanman, at Siya’y magiging ating Patnubay hanggang kamatayan.’ [Mga Awit 48:14.]”8
Kapag nauunawaan natin ang katangian ng Diyos, nauunawaan natin ang ating sarili at alam natin kung paano lumapit sa Kanya.
“Mangilan-ngilan lamang sa mga nilalang sa mundo ang naka-uunawa nang wasto sa katangian ng Diyos. Karamihan sa sang-katauhan ay walang nauunawaang anuman, nakalipas man ito, o paparating pa lamang, patungkol sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Hindi nila alam, ni hindi nila nauunawaan ang likas na katangian ng kaugnayang iyon; at dahil dito katiting lamang ang kahigtan ng kanilang kaalaman kaysa mabangis na hayop, o halos wala silang alam kundi kumain, uminom at matulog. Ito lamang ang alam ng tao tungkol sa Diyos o sa Kanyang pag-iral, maliban kung ibinigay ito sa pamamagitan ng inspiras-yon ng Maykapal.
“Kung ang alam lang ng tao ay kumain, uminom at matulog, at hindi nauunawaan ang alinman sa mga plano ng Diyos, gayon din ang alam ng hayop. Kumakain, umiinom, at natutulog ang hayop, at wala nang iba pang alam tungkol sa Diyos; gayunman ay alam nito ang alam natin, maliban kung makauunawa tayo sa pamamagitan ng inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili. Gusto kong bumalik sa simula, at sa gayon ay iangat ang inyong mga kaisipan sa mas mataas na antas at mas maluwalhating pagkaunawa kaysa karaniwang hina-hangad ng isipan ng tao.
“… Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na ‘Ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.’ [ Juan 17:3.]
“Kung hindi kilala ng sinumang tao ang Diyos, at itinatanong kung anong uri Siyang nilalang,—kung sasaliksikin niyang mabuti ang kanyang puso—kung totoo ang pahayag ni Jesus at ng mga apostol, matatanto niya na wala siyang buhay na walang hanggan; sapagkat walang ibang alituntunin na may buhay na walang hanggan.
“Ang unang layon ko ay alamin ang pagkatao ng tanging mata-lino at tunay na Diyos, at kung anong uri Siyang nilalang. …
“Ang Diyos Mismo ay minsang naging katulad natin, at isang taong dinakila, at nakaupo sa luklukan sa kalangitan! Iyan ang dakilang lihim. Kung mapupunit ngayon ang tabing, at ang daki-lang Diyos na namamahala sa pag-inog ng mundong ito, at namamahala sa lahat ng mundo at lahat ng bagay sa pamamagi-tan ng Kanyang kapangyarihan, ay magpapakita,—sinasabi ko, kung makikita ninyo Siya ngayon, makikita ninyo Siya sa hubog ng tao—katulad ng inyong buong pagkatao, imahe, at anyo mismo ng isang tao; sapagkat si Adan ay nilikha sa mismong ayos, imahe at wangis ng Diyos, at nakatanggap ng tagubilin mula sa, at lumakad, nagsalita at nakipag-usap sa Kanya, tulad ng pag-uusap at pag-uugnayan ng dalawang tao. …
“… Sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, nalalaman natin kung paano lalapit sa Kanya, at paano magtatanong upang makatanggap ng sagot. Kapag nauunawaan natin ang pagkatao ng Diyos, at alam natin kung paano lumapit sa Kanya, sisimulan Niyang ihayag sa atin ang kalangitan, at sasabihin sa atin ang lahat ng tungkol dito. Kapag handa na tayong lumapit sa Kanya, handa Siyang lumapit sa atin.”9
Sa Panguluhang Diyos ay mayroong tatlong magkakahiwalay at magkakaibang personahe.
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.”10
Itinuro ni Joseph Smith ang sumusunod noong Abril 1843, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 130:22: “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapa-nanahanan sa atin.”11
“Palagi kong ipinahahayag na ang Diyos ay isang katangi-tanging persona[he], si Jesucristo ay isang hiwalay at katangi-tanging persona[he] mula sa Diyos Ama, at ang Espiritu Santo ay isang katangi-tanging persona[he] at isang Espiritu: at ang tatlong ito ay bumubuo ng tatlong magkakaibang persona[he] at tatlong Diyos.”12
“Yaong walang katawan o mga bahagi ay wala. Wala nang iba pang Diyos sa langit kundi ang Diyos na iyon na may laman at mga buto.”13
Ang Panguluhang Diyos ay lubusang nagkakaisa, at ang Diyos Ama ang namumuno.
“Maraming sinasabi tungkol sa Diyos at sa Panguluhang Diyos…. Sinasabi ng mga guro sa panahong ito na ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos, at silang lahat ay nasa iisang katawan at iisang Diyos. Nanalangin si Jesus na ang mga ibinigay sa kanya ng Ama na hindi taga sanglibutan ay maging kaisa nila, tulad ng pagkakaisa nila ng Ama [tingnan sa Juan 17:11–23]. …
“Nagpatotoo sina Pedro at Esteban na nakita nila ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos. Sinumang nakakita na nabuksan ang langit ay alam na may tatlong personahe sa kala-ngitan na mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan, at may isang namumuno sa lahat.”14
“Walang hanggang tipan ang ginawa ng tatlong personahe bago binuo ang mundong ito at may kaugnayan sa kanilang dis-pensasyon ng mga bagay sa mga tao sa lupa. Ang mga persona-heng ito … ay tinatawag na unang Diyos, ang Lumikha; panga-lawang Diyos, ang Manunubos; at pangatlong Diyos, ang Saksi o Testigo.”15
“Karapatan ng Ama na mamuno bilang Pinuno o Pangulo, si Jesus bilang Tagapamagitan, at ang Espiritu Santo bilang Testigo o Saksi. Ang Anak [ay may] isang tabernakulo [katawan] at gayundin [naman] ang Ama, ngunit ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu na walang tabernakulo.”16
“Sinasabi sa banal na kasulatan, ‘Ako at ang Ama ay iisa’ [Juan 10:30], at muli na ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay iisa, at ang tatlong ito ay nagkakasundo sa iisang bagay [tingnan sa I Juan 5:7–8]. Kaya’t nanalangin ang Tagapagligtas sa Ama, ‘Hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong mga hindi taga sanglibutan na ibinigay mo sa akin, upang kami’y maging isa,’ o sa madaling salita, maging isa sa isipan na nagka-kaisa sa pananampalataya [tingnan sa Juan 17:9, 11]. Ngunit dahil lahat ng tao ay magkakaiba o magkakahiwalay, gayundin naman ang Diyos at si Jesucristo at ang Espiritu Santo ay magka-kahiwalay na katauhan, ngunit nagkakasundo silang lahat sa iisang bagay.”17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Repasuhin ang mga pahina 43–45, na pinapansin kung paano nakita ng batang si Joseph Smith ang katunayan ng isang “kapangyarihang walang hanggan at nasa lahat ng dako” sa mundong nakapaligid sa kanya. Sa pagmamasid ninyo sa mun-dong nakapaligid sa inyo, ano ang nakita ninyo na nagpapa-totoo tungkol sa Diyos?
-
Repasuhin ang unang bahagi ng kabanata (mga pahina 45–46), na naghahanap ng mga turong naghahayag sa pagkatao ng Diyos. Paano tayo matutulungan ng mga turong ito na “maga-lak at magsaya”?
-
Itinuro ni Joseph Smith, “Ang Dakilang Magulang ng sansinu-kob ay nakatunghay sa buong sangkatauhan nang may pag-mamahal at pagmamalasakit ng isang ama” (pahina 45). Ano ang inyong naiisip at nadarama habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang pahayag na ito?
-
Basahin ang talatang nagsisimula sa ikalawang talata mula sa ng pahina 46 at gayundin ang kasunod na talata. Bakit impo-sibleng maunawaan ang ating sarili kung hindi natin nauuna-waan ang pagkatao ng Diyos?
-
Nagpatotoo si Propetang Joseph Smith na ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay “tatlong magkakaibang personahe.” Itinuro din Niya na Sila ay iisa (mga pahina 48–49). Sa anong mga paraan nagkakaisa ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 49–50.)
-
Sa anong mga paraan mapag-iibayo ng mga magulang ang pagmamahal ng mga anak sa kanilang Ama sa Langit? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa pahina 43.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Juan 8:17–19; Mga Hebreo 1:1–3; 12:9; Moises 1:3–6, 39