Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 34: Ang Kapangyarihan ng Pagpapatawad


Kabanata 34

Ang Kapangyarihan ng Pagpapatawad

“Halina, kapatid, ngayong lipas na ang digmaan, Ang dating magkaibigan, ay magkaibigan na naman.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong tag-init ng 1839, pinangalanang Nauvoo ng Propeta ang lugar na pinagtitipunan ng mga Banal sa panig ng Illinois sa may Ilog Mississippi. Ang pangalan ay mula sa salitang Hebreo, na ang ibig sabihin ay “isang magandang sitwasyon, o lugar, na may ideya rin ng kapahingahan.”1 Sa ilalim ng pamamahala ng Propeta, sinimulang gawing magandang lungsod ng mga Banal ang nayon ng Commerce. Pinalitan muna nila ng mga tahanang yari sa troso ang kanilang mga barung-barong at tolda, pagkatapos ay nagsulputan na ang ilang bahay na yari sa kahoy at magagandang tahanang yari sa ladrilyo. Nagtanim sila ng mga namumunga at mayayabong na punungkahoy at halamang gumagapang at maliliit na halaman upang pagandahin ang malalaki nilang lote. Sa maganda nilang Nauvoo, umasa ang mga Banal na makakita ng payapang lugar na kanlungan kung saan nila maiiwasan ang mga panguusig na dinanas nila sa Missouri.

Sa panahong ito ng pagtatayo, may naranasan si Joseph Smith na nagpakita ng kanyang pagkamaawain at kahandaang magpatawad sa iba, kaya nagawa nilang pagsisihan ang kanilang mga kamalian. Isinalaysay ni Daniel Tyler ang karanasan:

“Nagkaroon ng malaria ang isang lalaking mataas ang katungkulan sa Simbahan habang nasa Far West [Missouri]. Habang nanghihina ang isipan at katawan, kung anu-anong masasamang bagay ang sinabi sa kanya ng mga taong walang pakialam at hinikayat siyang iwanan ang mga Banal at sumama sa kanila. Nagpatotoo siya laban sa Propeta. Habang nasa Commerce ang mga Banal, paggaling niya sa kanyang karamdaman, nilisan niya ang Missouri at nagtungo sa Quincy, Illinois. Doo’y nagsibak siya ng kahoy upang kumita nang sapat para madala niya ang kanyang pamilya sa Nauvoo, at [mabigyan] ng regalo ang ipinahamak na tao ng Diyos at baka sakaling patawarin siya nito at pahintulutan siyang bumalik sa kawan. … Nadama niya na wala nang ibang lugar kung saan siya maliligtas at kung ipagkakait ito sa kanya ay mawawala na ang lahat sa ganang kanya. Nagsimula siyang maglakbay nang may bagbag na puso at paninimdim.

“Habang papunta [ang lalaking ito] sinabi ng Panginoon kay Brother Joseph na parating ito. Dumungaw sa bintana ang Propeta at nakita siyang parating. Pagbukas pa lamang niya ng tarangkahan tumayo na ang Propeta mula sa kanyang silya at tumakbo at sinalubong siya sa bakuran, na humihiyaw, ‘O Kapatid—–, nagagalak akong makita ka!’ Kinabig niya ito sa leeg at kapwa sila umiyak na parang mga bata.

“Sapat nang sabihin na nakapagsisi nang husto at muling nabinyagan sa Simbahan ang lalaking nagkasala, muling natanggap ang kanyang Priesthood, ginampanan ang ilang mahahalagang misyon, nakihalubilo sa mga Banal sa Sion at namatay na may lubos na pananampalataya.”2

Pinatunayan din ni George Q. Cannon, na naglingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan, ang pagiging mapagpatawad ni Joseph Smith: “Sa matibay na pagtatanggol niya sa katotohanan, at di matinag na pagsunod sa mga utos ng Diyos, laging maawain si Joseph sa mahihina at nagkakasala. Noong tag-init ng 1835, naglingkod siya sa mga konseho at pulong sa Kirtland at mga kalapit na lugar, at napiling makibahagi sa mga kaganapan laban sa ilang miyembrong lilitisin dahil sa pagsasalita laban sa Panguluhan ng Simbahan. Nabunot ang pangalan niya upang ipagtanggol o usigin ang mga inakusahan, at bagama’t siya mismo ang pinagkasalahan, nagpakita siya ng labis na kagiliwan at katarungan kaya minahal siya ng lahat.”3

Mga Turo ni Joseph Smith

Dapat nating gamitin ang alituntunin ng awa at patawarin ang ating mga kapatid.

“Isa sa pinakamasasayang tagpong maaaring maganap sa lupa kapag nagkasala ang isang tao sa iba, ay ang patawarin ang pagkakasalang iyon; pagkatapos ayon sa dakila at perpektong huwaran ng Tagapagligtas, ipagdasal sa ating Ama sa langit na patawarin din [ang nagkasala].”4

“Laging gamitin ang alituntunin ng awa, at maging handang patawarin ang ating kapatid sa unang katunayan ng pagsisisi, at paghingi ng tawad; at kung patawarin pa natin ang ating kapatid, o kahit ang ating kaaway, bago pa man siya magsisi o humingi ng tawad, gayon din tayo kadaling kaaawaan ng ating Ama sa langit.”5

“Pagpasensyahan at patawarin natin ang isa’t isa, sapagkat gayon din ang Panginoon sa atin. Ipagdasal ang inyong mga kaaway sa Simbahan at huwag ninyong isumpa ang inyong mga kalabang wala sa Simbahan: sapagkat akin ang paghihiganti, sabi ng Panginoon, at ako ang gaganti [tingnan sa Mga Taga Roma 12:19]. Sa bawat miyembrong naordenan, at sa lahat, sinasabi namin, maging maawain at nang kayo ay kaawaan. Hangaring makatulong sa pagligtas ng mga kaluluwa, at hindi ang ipahamak sila: sapagkat talagang alam ninyo, na ‘higit ang katuwaan sa langit, sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa sa siyamnapu’t siyam na taong matwid na di na kailangang magsisi.’ [Tingnan sa Lucas 15:7.]”6

Iniulat ni Eliza R. Snow ang mga salitang ito ng Propeta: “[Ang mga Banal] ay dapat magkaroon ng awa, gaano man kasama ang mga nasa paligid natin. Sabi niya naging kasangkapan siya sa paglalantad ng kasamaan—malungkot at nakakatakot isipin na napakaraming nagpailalim sa sumpa ng diyablo, at napahamak. Marubdob niyang sinabi na sila ay kapwa mga mortal, minahal natin sila dati, hindi ba natin sila hihikayating magbago? Hindi [pa] natin sila pinatatawad nang pitumpung ulit na pito, tulad ng iniutos ng ating Tagapagligtas [tingnan sa Mateo 18:21–22]; marahil hindi pa natin sila pinatatawad kahit minsan. May araw na ng kaligtasan para sa taong nagsisisi at nagbabago.”7

“Kung tutulan kaya tayo ni Jesucristo at ng mga banal na anghel dahil sa mga walang kabuluhang bagay, ano ang mangyayari sa atin? Kailangan tayong maging maawain sa isa’t isa, at huwag pansinin ang maliliit na bagay.”8

Iniulat ni Willard Richards, miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Sinabi ni Joseph na maayos ang lahat sa pagitan niya at ng kalangitan; na hindi siya napopoot kaninuman; at nanalangin nang ganito si Joseph, tulad ng, o ayon sa, panalangin ni Jesus—‘Ama, patawarin mo po ako sa aking mga pagkakasala tulad ng pagpapatawad ko sa mga nagkasala sa akin’ [tingnan sa Mateo 6:12, 14], sapagkat buong-puso kong pinatatawad ang lahat ng tao. Kung nanaisin at lilinangin natin ang pagmamahal sa iba, kailangan natin silang mahalin, maging ang ating mga kaaway at kaibigan.”9

Ang pagpapatawad ay nagpapanumbalik ng pagkakaisa ng damdamin.

“Nalulungkot ako na walang higit na pagkakaisa ng damdamin; kung nagdurusa ang isang miyembro nadarama ito ng lahat; sa pagkakaisa ng damdamin nagtatamo tayo ng kapangyarihan sa Diyos. Ang sabi ni Cristo pumarito siya upang pagsisihin ang mga makasalanan, upang iligtas sila. Isinumpa si Cristo ng mapagmagaling na mga Judio dahil nakihalubilo Siya sa mga makasalanan; nakihalubilo Siya sa kanila dahil pinagsisihan na nila ang kanilang mga kasalanan. … Kung nagsisisi [ang mga makasalanan], kailangan natin silang ibilang sa atin, at sa kabaitan ay pabanalin at linisin sila mula sa lahat ng kasamaan sa pamamagitan ng ating maimpluwensyang pagbabantay sa kanila. … Wala nang ibang paraan para mailayo ang mga tao sa pagkakasala kundi hawakan sila sa kamay, at bantayan sila nang buong giliw.”10

Sumulat si Propetang Joseph Smith sa isang grupo ng mga lider ng Simbahan: “Ngayon, mga kapatid, hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, na ako ang magpapasiya kung magbibigay ako o magpapatawad, at magpapasensya at magpaparaya, na may mahabang pagtitiis at pasensya, sa mga pagkakamali, kalokohan, kahinaan, at kasamaan ng aking mga kapatid at ng buong sangkatauhan; at ang aking tiwala at pagmamahal sa inyo ay hindi nababawasan, ni humihina. At ngayon, kung kailanganin ninyong tiisin nang kaunti ang aming mga kahinaan at kalokohan, at nararapat namin kayong pagalitan, huwag sasama ang inyong loob… . Kapag nagkaharap tayo, inaasahan ko, nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, na lahat ng nangyari sa atin ay ganap na mauunawaan, at mananaig ang lubos na pagmamahal; at ang sagradong tipang nagbubuklod sa atin, ang siyang pinakamahalaga sa ating mga puso.”11

Sinabi ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod sa pakikipagpulong sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa: “Kung minsan masakit akong magsalita dala ng silakbo ng damdamin, at dahil nasugatan ko ang inyong damdamin, mga kapatid, patawad, sapagkat mahal ko kayo at sinusuportahan nang buong puso sa lahat ng kabutihan, sa harapan ng Panginoon, at sa harapan ng tao; sapagkat tinitiyak ko sa inyo, mga kapatid, na handa akong pigilin ang bugso ng lahat ng oposisyon, sa mga unos at kaguluhan, sa mga kulog at kidlat, sa dagat at lupa, sa ilang o sa gitna ng mga bulaang kapatid, o mga mandurumog, o saan man tayo dalhin ng kalooban ng Diyos. At determinado ako na walang kabundukan o karagatan, mga pamunuan o kapangyarihan, mga bagay sa kasalukuyan o sa hinaharap, o sinumang iba pang nilikha, na makapaghihiwalay sa akin sa inyo [tingnan sa Mga Taga Roma 8:38–39].

“At makikipagtipan ako ngayon sa inyo sa harapan ng Diyos, na hindi ko pakikinggan o paniniwalaan ang anumang paninira laban sa sinuman sa inyo, ni hatulan kayo batay sa anumang patotoo sa ilalim ng langit, maliban lamang kung tiyak ang patotoong iyon, hanggang sa magkaharap tayo, at malaman nang may katiyakan; at hindi mababawasan ang tiwala ko sa inyong salita, sapagkat naniniwala ako na kayo ay tapat na mga kalalakihan. At iyon din ang hiling ko sa inyo, kapag may sinabi ako sa inyong anuman, na pagtiwalaan din ninyo nang gayon ang aking salita, sapagkat hindi ko sasabihin sa inyo ang anumang bagay na hindi ko alam.”12

Noong taglagas ng 1835, tinutulan ng kapatid ng Propeta na si William ang isang desisyon ng Propeta, nagalit ito, at sinimulang laitin ang Propeta at hikayatin ang iba na gawin din iyon. Nalungkot ang Propeta sa pakikitungong ito, at sinulatan niya nang ganito si William: “Nais ko sana, Brother William, na magpakumbaba ka. Buong puso kitang pinatatawad, at alam mong hindi matitinag at hindi magbabago ang aking kalooban; alam ko kung sino ang pinagkakatiwalaan ko; matatag ang aking kinatatayuan; hindi ako kayang igupo, hindi, hindi ako maigugupo, ng mga pagbaha. Alam mo na totoo ang doktrinang itinuturo ko, alam mo na pinagpala ako ng Diyos. … Alam mo na tungkulin kong payuhan ka, kapag ikaw ay nagkakamali. May karapatan akong gawin ito lagi, at mapapasaiyo rin ang pribilehiyong ito. May karapatan akong payuhan ka, dahil nakatatanda mo akong kapatid; at ipinagkakaloob ko sa iyo ang pribilehiyong ito, dahil tungkulin kong magpakumbaba, at tumanggap ng pagsaway at tagubilin mula sa isang kapatid, o kaibigan. …

“At ngayon nawa’y kaawaan ng Diyos ang bahay ng aking ama; nawa’y alisin ng Diyos ang poot sa pagitan nating dalawa; at nawa’y manumbalik ang lahat ng pagpapala, at malimutan ang nakaraan magpakailanman. Nawa sa mapagpakumbabang pagsisisi ay mapalapit kaming dalawa sa Inyo, O Diyos, at sa Inyong kapangyarihan at proteksyon, at isang korona, upang makasamang muli ang aking ama, ina, sina Alvin, Hyrum, Sophronia, Samuel, Catherine, Carlos, Lucy, ang mga Banal, at lahat ng napadakila sa kapayapaan, magpakailanman, ang dalangin ng iyong kapatid.”13

Noong Enero 1, 1836, sinabi ng Propeta ang sumusunod tungkol sa mga pagsisikap niyang lutasin ang problemang ito sa kanyang pamilya: “Kahit puspos ng pasasalamat ang aking puso habang pinagninilay-nilay ko ang mga nangyari noong nakaraang taon, at ang napakaraming pagpapalang ipinagkaloob sa atin, nasasaktan ang puso ko, dahil sa problema sa pamilya ng aking ama. … Determinado akong gawin ang lahat para makibagay at sa mabuting paraan ay alisin at lutasin ang lahat ng problema ng pamilya sa araw na ito, upang ang darating na taon at mga susunod pa, kaunti man o marami, ay magugol sa kabutihan sa harapan ng Diyos. …

“Dumating sa bahay ko sina Brother William at Hyrum, at si Uncle John Smith, at pumasok kami sa isang silid, kasama ang aking ama at si Elder Martin Harris. Sinimulan ni Amang Smith sa panalangin ang aming usapan, pagkatapos ay ipinahayag ang nadarama niya sa nakaaantig at magiliw na paraan, taglay ang lahat ng simpatiya ng isang ama, na ang damdamin ay lubhang nasaktan dahil sa problemang umiiral sa pamilya; at habang nagsasalita sa amin, sumaamin ang Espiritu ng Diyos sa napakalakas na kapangyarihan, at lumambot ang aming mga puso. Mapagpakumbabang nagtapat si Brother William at humingi ng tawad sa panlalait na ginawa niya sa akin. At anuman ang pagkakamali ko ay inihingi ko ng tawad sa kanya.

“At ang espiritu ng pagtatapat at pagpapatawad ay nasa aming lahat, at nakipagtipan kami sa isa’t isa, sa harapan ng Diyos, at ng mga banal na anghel, at ng mga kapatid, na sisikapin naming patatagin ang isa’t isa sa kabutihan sa lahat ng bagay mula noon, at hindi makikinig sa masasamang ulat hinggil sa bawat isa; kundi, gaya ng tunay na magkakapatid, ay sabihin sa isa’t isa ang aming mga hinanakit, nang mapagpakumbaba, at magkasundo, nang sa gayo’y maitaguyod ang aming kaligayahan, at ang kaligayahan ng pamilya, at, sa madaling salita, ang kaligayahan at kapakanan ng lahat. Pagkatapos ay pinapasok ang aking asawa at ina at tagasulat, at inulit namin sa kanila ang aming tipan; at habang puspos ng pasasalamat ang aming kalooban, tumulo ang luha sa aming mga mata. Pagkaraan ay hinilingan akong tapusin ang aming usapan, na ginawa ko naman, sa panalangin; at tunay kaming nagsaya at nagalak.”14

Sa pamamagitan ng mahabang pagtitiis, pasensya, at awa sa taong nagsisisi, maaakay natin sila sa “kalayaan ng minamahal na mga anak ng Diyos.”

Noong mga huling buwan ng 1838, kabilang si William W. Phelps, na matagal nang pinagkakatiwalaang miyembro ng Simbahan, sa mga nagsabi ng maling patotoo laban sa Propeta at sa iba pang mga lider ng Simbahan, na humantong sa kanilang pagkakulong sa Missouri. Noong Hunyo 1840, sumulat si Brother Phelps kay Joseph Smith, at nagsumamong mapatawad. Sumagot si Propetang Joseph: “Masasabi kong kakaiba ang nadarama ko nang sagutin ko ang liham mo noong ika-29 [noong nakaraang buwan]; gayundin nagagalak ako sa pribilehiyong ipinagkaloob sa akin.

“Maaari mong maunawaan ang nadarama ko, gayundin ang nadarama nina Elder Rigdon at Brother Hyrum, nang mabasa namin ang iyong liham—tunay na lumambot ang aming mga puso sa pagsuyo at habag nang matiyak namin ang iyong pagsisisi, at kung anu-ano pa. Tinitiyak ko sa iyo na hahatulan ko ang kaso mo sa paraang sasang-ayunan ni Jehova, (na pinaglilingkuran ko), at sang-ayon sa mga alituntunin ng katotohanan at kabutihang inihayag; at dahil lagi nang may kaakibat na mahabang pagtitiis, pasensya, at awa ang mga pakikitungo ng ating Ama sa langit sa mga mapagpakumbaba at nagsisisi, gusto kong gayahin ang halimbawang ito, pahalagahan ang mga alituntuning iyon, at sa pamamagitan nito ay maging tagapagligtas ng aking kapwa.

“Totoo na lubha kaming nagdusa dahil sa ginawa mo—ang saro ng kapaitan, na sapat na ang pagkapuno para lagukin ng mga mortal, ay tunay ngang umapaw nang talikuran mo kami, na isang taong kaydalas naming hingan ng magiliw na payo, at nagtamasa ng maraming pagpapala mula sa Panginoon—‘kung naging kaaway iyon, matitiis namin.’ [Tingnan sa Awit 55:12–14.] ‘Nang araw na lumipat ka sa kabilang panig, nang araw na dalhin ng mga taga ibang bayan ang kaniyang kayamanan, at magsipasok ang mga mangingibang bayan sa kaniyang mga pintuangbayan, at pagsapalaran ang [Far West], ikaw man ay [kasama] nila; ngunit huwag kang magmasid sa araw ng iyong kapatid sa kaarawan ng kaniyang kasakunaan, at huwag mong ikagalak ang kaarawan ng kanilang pagkabuwal, ni magsalita mang may kapalaluan sa kaarawan ng pagkahapis.’ [Tingnan sa Obadias 1:11–12.]

“Gayunman, nalagok na ang laman ng saro, naganap na ang kalooban ng ating Ama, at buhay pa naman kami, na ipinagpapasalamat namin sa Panginoon. At dahil nailigtas kami sa mga kamay ng masasamang tao sa awa ng ating Diyos, sinasabi namin na may pagkakataon kang maligtas mula sa mga puwersa ng kalaban, maging malayang tulad ng minamahal na mga anak ng Diyos, at muling pumanig sa mga Banal ng Maykapal, at sa kasipagan, kapakumbabaan, at pagmamahal na walang-bahid ng pagkukunwari, ipagkatiwala mo ang iyong sarili sa ating Diyos, at iyong Diyos, at sa Simbahan ni Jesucristo.

“Sa paniniwalang totoo ang iyong ipinagtapat, at tunay ang iyong pagsisisi, masaya akong makasama kang muli, at nagagalak ako sa pagbalik ng alibughang nagsisi.

“Binasa sa mga Banal ang iyong liham noong nakaraang Linggo, at inalam namin ang kanilang nadarama tungkol dito, at napagpasiyahan ng lahat na dapat tanggapin si W. W. Phelps sa kapatiran.

“ ‘Halina, kapatid, ngayong lipas na ang digmaan,

Ang dating magkaibigan, ay magkaibigan na naman.’ ”15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Kasama sa kabanatang ito ang ilang kuwento tungkol sa pagpapatawad ni Joseph Smith sa iba. Repasuhin ang mga kuwentong ito sa mga pahina 459–60, 464–65, at 465–68. Paano makatutulong ang mga kuwentong ito sa isang taong nahihirapang patawarin ang iba?

  • Anong mga pagpapala ang dumarating sa ating buhay kapag pinatatawad natin ang mga nagkasala sa atin? Bakit tayo nahihirapang patawarin ang iba kung minsan? Ano ang magagawa natin upang maging higit na mapagpatawad?

  • May maikli at matalinong mga pahayag sa mga pahina 461–62 tungkol sa pagpapatawad sa iba. Halimbawa: “Pagpasensyahan at patawarin natin ang isa’t isa, sapagkat gayon din ang Panginoon sa atin.” “Maging maawain at nang kayo ay kaawaan.” “Hangaring makatulong sa pagligtas ng mga kaluluwa, hindi ang ipahamak sila.” “Kailangan tayong maging maawain sa isa’t isa, at huwag pansinin ang maliliit na bagay.” Ano ang mapapakinabang ninyo sa bawat pahayag na ito?

  • Sa ikatlong talata sa pahina 462, repasuhin ang mga salita ni Propetang Joseph Smith tungkol sa epekto ng kabaitan at kagiliwan. Sa inyong palagay bakit totoo ang payong ito? Paano ninyo naranasan ang mga alituntuning ito sa sarili ninyong buhay?

  • Repasuhin ang unang buong talata sa pahina 463. Anong mga problema ang maiiwasan natin sa pagsunod sa payong ito? Bakit mahirap sundin ang payong ito kung minsan? Paano natin maiiwasan ang tuksong maniwala sa mga negatibong ulat tungkol sa iba?

  • Sa mga pagsisikap niyang patawarin ang iba, tinukoy ng Propeta na hangad niyang “gayahin ang halimbawa” ng Ama sa Langit (pahina 467) at mamuhay “ayon sa dakila at perpektong huwaran ng Tagapagligtas” (pahina 461). Sa pagsisikap nating sundan ang halimbawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, ano ang ilang katangiang dapat nating taglayin?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Awit 86:5; Mateo 18:21–35; 1 Nephi 7:16–21; Mosias 26:29–31; D at T 64:9–11

Mga Tala

  1. History of the Church, 4:268; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa mga Banal, Ene. 15, 1841, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Ene. 15, 1841, pp. 273–74.

  2. Sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” ni Daniel Tyler, Juvenile Instructor, Ago. 15, 1892, p. 491; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  3. George Q. Cannon, The Life of Joseph Smith, the Prophet (1888), pp. 190–91.

  4. History of the Church, 6:245; mula sa “A Friendly Hint to Missouri,” isang artikulong isinulat sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith, Mar. 8, 1844, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Mar. 15, 1844, p. 473.

  5. History of the Church, 3:383; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 2, 1839, sa Montrose, Iowa; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  6. History of the Church, 2:230, talababa; mula sa “To the Saints Scattered Abroad,” Messenger and Advocate, Hunyo 1835, p. 138.

  7. History of the Church, 5:19–20; nasa orihinal ang naka-bracket na salitang “pa”; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong May 26, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  8. History of the Church, 5:23; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 9, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  9. History of the Church, 5:498; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 9, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  10. History of the Church, 5:23–24; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 9, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  11. Liham ni Joseph Smith kay Edward Partridge at sa iba pa, Mar. 30, 1834, Kirtland, Ohio; sa Oliver Cowdery Letterbook, pp. 34–35, Huntington Library, San Marino, California; kopya sa Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  12. History of the Church, 2:374; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa katitikan ng isang council meeting ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa na idinaos noong Ene. 16, 1836, sa Kirtland, Ohio; iniulat ni Warren Parrish.

  13. History of the Church, 2:343; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay William Smith, Dis. 18, 1835, Kirtland, Ohio.

  14. History of the Church, 2:352–54; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ene. 1, 1836, Kirtland, Ohio.

  15. History of the Church, 4:162–64; nasa orihinal ang ikalawang set ng mga salitang naka-bracket sa ikatlong talata; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra; binago ang pagkakahati ng mga talata; inalis ang pagkakahilig ng mga salita; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay William W. Phelps, Hulyo 22, 1840, Nauvoo, Illinois.

Christ teaching

Nahahabag ang Tagapagligtas sa isang babaeng nangalunya (tingnan sa Juan 8:1–11). “Sinabi ni Cristo na dumating Siya upang papagsisihin ang mga makasalanan, upang iligtas sila,” pahayag ni Joseph Smith.

W. W. Phelps speaking with Joseph

Si William W. Phelps, na makikita rito kasama si Joseph Smith matapos bumalik sa ganap na pakikisama ng mga Banal, ay sumulat tungkol sa Propeta na lubos siyang pinatawad: “Purihin s’yang kaniig ni Jehova!” (Mga Himno, blg. 21).