Kabanata 35
Pagtubos sa mga Patay
“Alam ng dakilang Jehova … ang sitwasyon ng kapwa mga buhay at mga patay, at naglaan ng sapat para sa kanilang pagtubos.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Sa una pa lang ng pagmiministeryo ni Propetang Joseph Smith, nagkaroon na siya ng karanasan na makatutulong sa paghahanda sa kanya sa panahon na ang doktrina ng kaligtasan ay ihahayag. Noong Nobyembre 1823, biglang nagkasakit nang malubha ang panganay na anak nina Lucy Mack Smith at Joseph Smith Sr. na si Alvin Smith, at nabingit sa kamatayan. Si Alvin ay 25 taong gulang, isang malakas at maabilidad na binata na ang kasipagan ay nakatulong nang malaki sa kabuhayan ng pamilya. Inilarawan siya ng kanyang ina bilang “isang binatang namumukod sa ganda ng paguugali,” na ang “pagiging marangal at bukas-palad” ay nagpala sa mga nakapaligid sa kanya “sa bawat oras ng kanyang buhay.”1
Batid na mamamatay na siya, pinalapit ni Alvin ang kanyang mga kapatid at kinausap ang bawat isa. Kay Joseph, na halos 18 taong gulang noon at hindi pa natatanggap ang mga laminang ginto, ay sinabi ni Alvin, “Nais kong maging mabait kang bata at gawin ang lahat ng magagawa mo upang makuha ang [mga] talaan. Maging matapat ka sa pagtanggap ng tagubilin at sa pagtupad ng bawat kautusan na ibinibigay sa iyo. Kailangan ka nang iwanan ng kapatid mong si Alvin, ngunit tandaan mo ang halimbawang ipinakita niya sa iyo, at magpakita ka ng mabuting halimbawa sa mga nakababata sa iyo.”2
Pagkamatay ni Alvin, hiniling ng pamilya sa isang pastor na Presbyterian sa Palmyra, New York, na siya ang mamuno sa burol ni Alvin. Dahil hindi miyembro ng kongregasyon ng pastor si Alvin, iginiit ng pastor sa kanyang sermon na hindi maliligtas si Alvin. Nagunita ni William Smith, nakababatang kapatid ni Joseph: “Ipinagdiinan … [ng pastor] na napunta sa impiyerno [si Alvin], dahil hindi siya miyembro ng simbahan, pero mabait siyang anak kaya hindi nagustuhan ng aking ama ang sinabi nito.”3
Noong Enero 1836, maraming taon pagkamatay ni Alvin, tumanggap ng pangitain si Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal, kung saan nakita niya si Alvin, gayundin ang kanyang ama at ina, na balang-araw ay mamanahin nila ang kahariang iyon. “Si Joseph ay “namangha kung paano … natamo [ni Alvin] ang pamana sa kahariang yaon, nalalamang kanyang nilisan ang buhay na ito bago pa iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay upang tipunin ang Israel sa ikalawang pagkakataon, at hindi pa nabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (D at T 137:6). Pagkatapos ay narinig ni Joseph ang tinig ng Panginoon, na nagsasabing:
“Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos; gayundin ang lahat ng mamamatay magmula ngayon na walang kaalaman dito, na tatanggap nito nang buo nilang puso, ay magiging tagapagmana ng kahariang yaon; sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (D at T 137:7–9).
Noong Agosto 15, 1840, nangaral si Propetang Joseph Smith sa isang burol o libing sa Nauvoo at, sa kauna-unahang pagkakataon sa publiko, itinuro ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay. Ayon kay Simon Baker, na naroon noon, nagsimula ang Propeta sa pagpapatotoo na ang “ebanghelyo ni Jesucristo ay naghatid ng mabuting balita ng malaking kagalakan.” Binasa niya ang halos buong I Mga Taga Corinto 15 at ipinaliwanag na “ang Apostol ay nakikipag-usap sa mga taong nakauunawa sa binyag para sa mga patay, sapagkat ginagawa nila ito.” Pagkatapos ay ipinahayag niya na “magagawa ito ngayon ng mga tao para sa kanilang mga kaibigang pumanaw na, at nilayon ang plano ng kaligtasan upang iligtas ang lahat ng handang sumunod sa mga ipinagagawa ng batas ng Diyos.”4
Isang buwan matapos magsalita sa burol o libing, binisita ng Propeta ang kanyang ama, na malubha ang karamdaman at malapit nang mamatay. Tinalakay ng Propeta sa kanyang ama ang doktrina ng binyag para sa mga patay, at nabaling ang isipan ni Amang Smith sa pinakamamahal niyang anak na si Alvin. Hiniling ni Amang Smith na isagawa “kaagad” ang gawain para kay Alvin. Ilang minuto lamang bago siya namatay, ipinahayag niya na nakita niya si Alvin.5 Noong huling bahagi ng 1840, nagalak ang pamilyang Smith nang matanggap ni Hyrum ang ordenansa ng binyag para sa kapatid niyang si Alvin.
Mga Turo ni Joseph Smith
Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at hahatulan ang lahat ng tao ayon sa batas na kanilang natanggap.
“Ang mga dakilang layon ng Diyos kaugnay ng kaligtasan ng sangkatauhan, ay hindi halos maunawaan ng henerasyon natin na nagsasabing marunong sila at matalino. Iba’t iba at magkakasalungat ang mga opinyon ng mga tao hinggil sa plano ng kaligtasan, mga [kinakailangan] ng Makapangyarihan, ang mga kailangang ihanda para sa langit, ang kalagayan at kundisyon ng mga espiritung namatay na, at ang kaligayahan o dalamhating kahihinatnan ng mga ginawang kabutihan at kasamaan ayon sa iba’t iba nilang ideya ng kabanalan at kasamaan. …
“… Habang ang isang bahagi ng lahi ng tao ay walang awang hinahatulan at isinusumpa ang iba, ang Dakilang Magulang ng sansinukob ay nakatunghay sa buong sangkatauhan nang may pagmamalasakit at paggalang ng isang ama; itinuturing Niya silang Kanyang mga supling, at walang bahid ng makasariling damdamin na umiimpluwensya sa mga anak ng tao, ‘pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.’ [Mateo 5:45.] Hawak Niya ang kahatulan sa Kanyang mga kamay; Siya ang matalinong Mambabatas, at hahatulan ang lahat ng tao, hindi ayon sa makitid at makasariling mga ideya ng tao, kundi, ‘ayon sa mga ginawa nila habang nasa katawang-lupa maging sila ma’y mabuti o masama,’ o kung ginawa ang mga ito sa England, America, Spain, Turkey, o India. Hahatulan Niya sila, ‘hindi ayon sa wala sila, kundi ayon sa mayroon sila’; lahat ng nabuhay nang walang nalalamang batas ay hahatulan nang walang batas: at lahat ng nabuhay sa ilalim ng batas ay hahatulan ayon sa batas ding iyon. Hindi natin kailangang pag-alinlanganan ang karunungan at katalinuhan ng Dakilang Jehova; magbibigay Siya ng kahatulan o ng awa sa lahat ng bansa ayon sa kanilang iba’t ibang ginawa, sa kanilang mga paraan ng pagtatamo ng katalinuhan, sa mga batas na sumasakop sa kanila, sa mga pasilidad na nagamit nila para magtamo ng tamang impormasyon, at mga lihim na layon Niya patungkol sa sangkatauhan; at kapag naipakita na ang mga layon ng Diyos, at naipaalam na ang hinaharap, di maglalaon kakailanganin nating sabihing lahat na tama ang ginawa ng Hukom ng buong daigdig [tingnan sa Genesis 18:25].”6
“Hinahatulan ng Diyos ang mga tao ayon sa paggamit nila sa liwanag na ibinigay Niya sa kanila.”7
“Papananagutin ang mga tao sa mga bagay na mayroon sila at hindi sa mga bagay na wala sila. … Sa lahat ng liwanag at talinong ipinagkaloob sa kanila ng kanilang maawaing lumikha, marami man ito o kaunti, makatarungan din silang hahatulan ayon dito, at … iyon lamang liwanag at talinong ipinagkaloob sa kanila [ng Diyos] ang kailangan nilang sundin at paghusayin, sapagkat hindi lamang sa tinapay dapat mabuhay ang tao kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”8
Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagbibigay ng pagkakataon upang mapatawad at maligtas kapwa ang buhay at patay.
“Ang sitwasyon ng mga bansang Kristiyano pagkatapos mamatay, ay isang paksang nangangailangan ng lahat ng dunong at talento ng pilosopo at ng banal, at karaniwang tinatanggap ang opinyon, na ang tadhana ng tao ay hindi na mababago sa oras ng kanyang kamatayan, at maaari siyang lumigaya magpasawalanghanggan, o malungkot magpasawalang-hanggan; na kapag namatay ang isang tao nang hindi nakikilala ang Diyos, dapat siyang isumpa magpasawalang-hanggan, nang hindi pinagagaang ang kanyang parusa, sakit, o wala ni ang pinakatagong pag-asang maligtas habang lumilipas ang walang-katapusang henerasyon. Kahit gaano na katanggap ang tuntuning ito, makikita natin na salungat ito sa patotoo ng Banal na Kasulatan, sapagkat sinabi ng ating Tagapagligtas, na lahat ng kasalanan at kalapastanganan ng tao ay patatawarin kung maging lapastangan man sila; ngunit ang paglapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, ni sa mundong ito, ni sa mundong darating, at maliwanag na may mga kasalanang patatawarin sa mundong darating, bagama’t ang paglapastangan [sa Espiritu Santo] ay walang kapatawaran [tingnan sa Mateo 12:31–32; Marcos 3:28–29].
“Sinabi rin ni Pedro, sa pagtukoy sa ating Tagapagligtas, na ‘Iyan din ang Kaniyang iniyaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, na nang unang panahon ay mga suwail, na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe’ (I Pedro 3:19, 20). Narito ngayon ang isang salaysay tungkol sa ating Tagapagligtas na nangaral sa mga espiritu sa bilangguan, sa mga espiritung nabilanggo mula pa noong panahon ni Noe; at ano ang ipinangaral Niya sa kanila? Na mananatili sila roon? Siyempre hindi! Sarili Niyang pagpapahayag ang magpapatotoo. ‘Ako’y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, at sa mga bulag ang pagkakita, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi.’ (Lucas 4:18.) Ganito ang pagkasabi ni Isaias— ‘Upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at nilang nangauupo sa kadiliman mula sa bilangguan.’ (Isaias 42:7.) Kitang-kita rito na hindi lamang Siya nangaral sa kanila, kundi nagligtas, o naglabas sa kanila mula sa bilangguan. …
“Pinag-isipan ng dakilang Jehova ang buong mga pangyayaring nauugnay sa daigdig, tungkol sa plano ng kaligtasan, bago pa ito umiral, o bago pa ‘magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga’ sa kagalakan [Job 38:7]; ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap, para sa Kanya, ay isang walang hanggang ‘ngayon;’ batid Niya ang pagkahulog ni Adan, ang mga kasamaan ng mga sinauna [mga nabuhay bago naganap ang Malaking Baha], ang tindi ng kasamaang kaugnay ng sangkatauhan, ang kanilang kahinaan at kalakasan, ang kanilang kapangyarihan at kaluwalhatian, mga apostasiya, krimen, kabutihan at kasamaan; naunawaan Niya ang pagkahulog ng tao, at ang pagtubos sa kanya; batid Niya ang plano ng kaligtasan at itinuro ito; alam Niya ang sitwasyon ng lahat ng bansa at ang kanilang tadhana; isinaayos Niya ang lahat ng bagay ayon sa patnubay ng sarili Niyang kalooban; alam Niya ang sitwasyon ng kapwa mga buhay at mga patay, at naglaan ng sapat para sa kanilang pagtubos, ayon sa iba’t iba nilang kalagayan, at sa mga batas ng kaharian ng Diyos, sa mundo mang ito, o sa mundong darating.”9
Ang Diyos ay lubos na makatarungan at maawain sa lahat ng tao, kapwa sa buhay at patay.
“Ang ideyang nabubuo sa isipan ng ilang tao tungkol sa katarungan, kahatulan, at awa ng Diyos, ay kahangalang isipin ng isang matalinong tao; halimbawa, karaniwan nang isipin ng marami sa ating kinikilalang mga mangangaral na kung ang isang tao ay hindi ang tinatawag nilang nagbalik-loob, kung mamatay siya sa kalagayang iyon dapat siyang manatili sa impiyerno magpasawalang-hanggan nang walang anumang pag-asa. Parurusahan siya nang walang katapusan, at hinding-hindi ito magwawakas; subalit ang walang hanggang paghihirap na ito ay kadalasang sinasabing pagkakataon lamang. Maaaring ang napatid na sintas ng sapatos, ang napunit na amerikana ng mga namumuno, o ang kakaibang lugar na tinitirhan ng isang tao, ang naging daan, sa di-tuwirang paraan, ng kanyang kaparusahan, o dahilan kaya hindi siya naligtas.
“Ihahalimbawa ko ang isang pangkaraniwang sitwasyon: Dalawang lalaki, na parehong masama, na binalewala ang relihiyon, ang sabay na nagkasakit; isa sa kanila ang pinalad na madalaw ng isang lalaking banal, at nagbalik-loob siya ilang minuto bago siya namatay; tumawag ang isa ng tatlong iba’t ibang lalaking banal, isang sastre, isang sapatero, at isang latero; ang latero ay naghihinang ng kawali, ang sastre ay tinatahi ang butones ng isang amerikanang kailangan niyang tapusin, at ang sapatero ay may itatapal sa botas ng isang tao; wala sa kanila ang makakarating sa oras, namatay ang lalaki, at napunta sa impiyerno: isa sa mga namatay na ito ang dinakila sa sinapupunan ni Abraham, naupo siya sa piling ng Diyos at nagtamasa ng walang hanggan at walang katapusang kaligayahan, samantalang ang isa pa, na kasimbait niya, ay nalubog sa walang hanggang kapahamakan at walang lunas na kalungkutan at kawalan ng pag-asa, dahil lamang ang isang lalaki ay may tatapalang botas, tatahiing butones, o hihinanging kawali.
“Ang mga plano ni Jehova ay lubhang makatarungan, at hindi totoo na ang mga pahayag sa banal na kasulatan ay lubhang [nakalilito], at ang plano ng kaligtasan para sa sangkatauhan ay napakahirap unawain; kapag nagkagayon mapapakunot-noo ang Diyos sa galit, ikukubli ng mga anghel ang kanilang mukha sa matinding kahihiyan, at mapapahumindig ang bawat banal at matalinong tao.
“Kung gagantimpalaan ng batas ang bawat tao, at parurusahan ang lahat ng nagkasala sa iba’t iba nilang krimen, tiyak na hindi higit na malupit ang Panginoon kaysa tao, sapagkat Siya ay matalinong mambabatas, at walang kinikilingan ang Kanyang mga batas, higit na makatarungan ang Kanyang mga tuntunin, at ang Kanyang mga desisyon ay higit na perpekto kaysa sa tao; at sa paghatol ng tao sa kanyang kapwa ayon sa batas, at pagpaparusa sa kanya ayon sa hinihingi ng batas, gayundin na humahatol ang Diyos ng langit ‘ayon sa mga ginawa nila habang nasa katawanglupa.’ [Tingnan sa Alma 5:15.] Ang sabihin na isusumpa ang mga pagano dahil hindi sila naniwala sa Ebanghelyo ay kahangalan, at ang sabihin na isusumpang lahat ang mga Judiong hindi naniwala kay Jesus ay walang katotohanan; sapagkat ‘paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? at paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo’ [tingnan sa Mga Taga Roma 10:14–15]; samakatwid Judio man o pagano ay hindi mananagot sa pagtanggi sa magkasalungat na opinyon ng mga sekta, ni sa pagtanggi sa anumang patotoo kundi yaong nagmula sa sugo ng Diyos, sapagkat tulad ng hindi makapangangaral ang mangangaral maliban kung siya ay isugo, gayundin ang nakikinig ay hindi maniniwala [maliban kung] marinig niya ang isang mangangaral na ‘isinugo,’ at hindi mahahatulan ayon sa hindi niya narinig, at dahil wala siyang alam na batas, ay kailangang hatulan nang walang batas.”10
Tungkulin at pribilehiyo nating mabinyagan at makumpirma para sa mga namatay na hindi nakarinig ng ebanghelyo.
“Kapag pinag-uusapan ang mga pagpapala ng Ebanghelyo, at ang mga bunga ng pagsuway sa mga ipinagagawa, madalas itanong sa atin, ano na ang nangyari sa ating mga ama? Isusumpa ba silang lahat dahil sa pagsuway sa Ebanghelyo, samantalang hindi nila iyon narinig kahit kailan? Siyempre hindi. Ngunit magkakaroon din sila ng pribilehiyong tinatamasa natin dito, sa pamamagitan ng walang hanggang priesthood, na hindi lamang naglilingkod sa lupa, kundi maging sa langit, at sa matalinong pagpapasiya ng dakilang Jehova. Kaya nga ang mga taong tinukoy ni Isaias [tingnan sa Isaias 24:21–22] ay dadalawin ng Priesthood, at lalabas mula sa kanilang bilangguan ayon sa tuntuning ginamit sa mga suwail noong mga panahon ni Noe nang dalawin sila ng ating Tagapagligtas [na nagtataglay ng walang hanggang Melchizedek Priesthood] at ipinangaral Niya ang Ebanghelyo sa kanilang mga nasa bilangguan. At upang maisakatuparan nila ang lahat ng [hinihingi] ng Diyos, bininyagan ang mga kaibigan nilang buhay para sa kanilang mga kaibigang patay, at dahil dito ay naisakatuparan ang hinihingi ng Diyos, na nagsasabing, ‘Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.’ [Juan 3:5.] Siyempre pa nabinyagan sila, hindi para sa kanilang sarili, kundi para sa kanilang mga patay. … Sinabi ni Pablo, tungkol sa doktrina, ‘Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?’ (I Mga Taga Corinto 15:29). …
“At ngayon habang mabilis na isinasagawa ang mga dakilang layunin ng Diyos, at ang mga bagay na binabanggit tungkol sa mga Propeta ay natutupad, nang itatag ang kaharian ng Diyos sa lupa, at ipanumbalik ang sinaunang pagkakaayos ng mga bagaybagay, ipinakita sa atin ng Panginoon ang tungkulin at pribilehiyong ito, at inutusan tayong magpabinyag para sa ating mga patay, upang maisakatuparan ang mga sinabi ni Obadias, tungkol sa kaluwalhatian ng mga huling araw: ‘At ang mga tagapagligtas ay magsisisampa sa bundok ng Sion upang hatulan ang bundok ng Esau; at ang kaharian ay magiging sa Panginoon.’ [Tingnan sa Obadias 1:21.] Ang pag-unawa sa mga bagay na ito ay tumutugma sa mga Banal na Kasulatan ng katotohanan, nagbibigaykatwiran sa pakikitungo ng Diyos sa tao, nagpapantay-pantay sa lahat ng tao, at umaakma sa bawat tuntunin ng kabutihan, katarungan at katotohanan. Magtatapos tayo sa mga salita ni Pedro: ‘Sapagka’t sukat na ang nakaraang panahon upang gawin ang hangad ng mga Gentil.’ ‘Sapagka’t dahil dito’y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa’t mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios.’ [I Pedro 4:3, 6.]”11
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Repasuhin ang mga pahina 471–74, na tinatandaan kung paano naapektuhan ng doktrina ng kaligtasan para sa mga patay si Joseph Smith at ang kanyang pamilya. Ano ang epekto ng doktrinang ito sa inyo at sa inyong pamilya?
-
Sa mga pahina 474–77, repasuhin ang mga turo ni Propetang Joseph tungkol sa Diyos Ama at kay Jesucristo. Ano ang epekto ng doktrinang ito sa inyo at sa inyong pamilya?
-
Basahin ang mga turo ng Propeta sa mga pahina 474–75 at 477–79. Paano hinahatulan ng Diyos ang Kanyang mga anak?
-
Sinabi ni Joseph Smith na ang binyag para sa mga patay ay isang “tungkulin at pribilehiyo” (pahina 480). Sa anong mga paraan naging isang tungkulin ang gawaing ito? Ano ang mga naranasan ninyo na nagpadama sa inyong ito ay isang pribilehiyo? Ano ang magagawa ninyo upang mapalaganap ang gawain ng Panginoon para sa mga namatay? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makabahagi sa gawaing ito?
-
Paano naipapakita ng doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ang katarungan ng Diyos? Paano nito naipapakita ang Kanyang awa? Matapos basahin ang kabanatang ito, paano ninyo ipaliliwanag ang doktrinang ito sa isang taong iba ang relihiyon?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Isaias 49:8–9; 61:1–3; Juan 5:25; D at T 138:11–37