Kabanata 36
Pagtanggap ng mga Ordenansa at Pagpapala ng Templo
Ang templo ay isang lugar kung saan “maihahayag [ng Diyos] sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Mula pa noong mga unang araw ng Panunumbalik, itinuro na ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang kahalagahan ng pagtatayo ng mga templo. Bagaman maraming beses na napilitang lumipat ang Propeta at lagi nang may mga bagay na kailangang agad pag-ukulan ng kanyang oras at pansin, hinding-hindi niya nakaligtaan na kailangang magtayo ng bahay ng Panginoon. Isang lugar na pagtatayuan ng templo ang inilaan sa Independence, Missouri. Isang magandang templo ang naitayo at nailaan sa Kirtland, Ohio. Sa Far West, Missouri, nailatag ang mga batong panulok para sa isang templo, na iiwanan lamang pala. Ngayon, nang simulan ng mga miyembro ng Simbahan na muling isaayos ang kanilang buhay sa Nauvoo—marami sa kanila ang walang sapat na pagkain, tirahan, o trabaho—batid ni Joseph Smith na ang pinakamahalagang gawain ng mga Banal ay magtayong muli ng isang templo.
Bilang tugon sa utos ng Panginoon, ang Propeta at mga Banal ay mabilis na kumilos sa abot ng kanilang makakaya upang simulan ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon. Ngunit naunawaan ng Propeta na taon ang bibilangin sa pagtatayo ng templo, at batid niyang kailangan ng mga Banal ang lubos na mga pagpapala ng templo. Dahil dito, noong Mayo 4, 1842, kahit hindi pa buo ang templo, isinagawa na ni Joseph Smith ang endowment sa isang maliit na grupo ng matatapat na kalalakihan.
Nagpulong ang grupo sa malaking silid sa itaas ng Red Brick Store ng Propeta, na “inaayos na parang sa loob ng isang templo hangga’t itutulot ng pagkakataon.”1 Isinulat ni Franklin D. Richards, ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nang udyukan ng Espiritu [si Joseph Smith] na malapit nang magwakas ang kanyang gawain sa buhay, at nang makini-kinita niyang maaari siyang pumanaw sa mundo bago pa matapos ang templo, tumawag siya ng ilang piling tao, at ipinagkaloob sa kanila ang mga ordenansa ng mga banal na endowment, nang sa gayon ang mga banal na bagay sa kanyang isipan ay hindi maglaho sa mundo pagkamatay niya.”2
Nakatala sa kasaysayan ng Propeta: “Ginugol ko ang maghapon sa itaas na bahagi ng tindahan, … na kausap sina General James Adams, ng Springfield, Patriarch Hyrum Smith, Bishop Newel K. Whitney at Bishop George Miller, at Pangulong Brigham Young at Elder Heber C. Kimball at Elder Willard Richards, at itinuro sa kanila ang mga alituntunin at orden ng Priesthood, pagsasagawa ng paghuhugas, pagpapahid ng langis, mga endowment at pagkakaloob ng mga susing patungkol sa Aaronic Priesthood, at kung anu-ano pa hanggang sa pinakamataas na orden ng Melchizedek Priesthood, na inilalahad ang orden tungkol sa Matanda ng mga Araw, at lahat ng plano at alituntuning nagbigay-kakayahan sa lahat na makamtan ang kaganapan ng mga pagpapalang iyon na inihanda para sa Simbahan ng Panganay, at umakyat at makapiling si Elohim sa walang hanggang mga mundo. Sa konsehong ito itinatag ang sinaunang orden ng mga bagay-bagay sa kaunaunahang pagkakataon nitong mga huling araw.
“At ang mga komunikasyong ginawa ko sa konsehong ito ay mga bagay na espirituwal, at matatanggap lamang ng mga taong may espirituwal na kaisipan: at walang ipinaalam sa mga taong ito maliban sa mga bagay na ipaaalam sa lahat ng Banal sa mga huling araw, sa panahong handa na silang tumanggap, at isang angkop na lugar ang inihanda upang maipaalam ang mga ito, maging sa mga pinakamahina sa mga Banal; kung gayon hayaang magsumigasig ang mga Banal sa pagtatayo ng Templo, at lahat ng bahay na ipinatayo, o mula ngayo’y ipatatayo, ng Diyos.”3
Kahit karamihan sa mga Banal ay tatanggap ng endowment sa templo kapag naitayo na ang Nauvoo Temple, kaunti lamang sa mga kalalakihan at kababaihan ang tumanggap ng pagpapalang ito nang sumunod na mga buwan pagkatapos ng pulong noong Mayo 1842. Isa si Mercy Fielding Thompson sa mga ito. Nang matanggap niya ang kanyang endowment, sinabi ng Propeta sa kanya, “Ilalabas ka nito mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na kaliwanagan.”4
Mga Turo ni Joseph Smith
Inutusan ng Diyos ang mga Banal na magtayo ng mga templo.
Noong Enero 1833 sa Kirtland, Ohio, isinulat ng Propeta: “Inutusan kami ng Panginoon, sa Kirtland, na magtayo ng bahay ng Diyos; … ito ang sinabi sa amin ng Panginoon, at dapat namin itong gawin, oo, tinutulungan kami ng Panginoon, susunod kami: dahil kung susunod kami nangako Siya ng mga dakilang bagay sa amin; oo, maging isang pagdalaw mula sa kalangitan upang bigyan kami ng karangalan sa Kanyang pagparito. Malaki ang takot namin sa harapan ng Panginoon dahil baka hindi namin matanggap ang malaking karangalang ito, na gustong ipagkaloob sa amin ng ating Panginoon; hangad naming magpakumbaba at sumampalataya dahil baka mahiya kami sa Kanyang harapan.”5
Noong Setyembre 1840, ipinahayag ng Propeta at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan na panahon na upang itayo ang Nauvoo Temple: “Sa paniniwalang panahon na, na kailangan nang itayo ang bahay-dalanginan, isang bahay ng kaayusan, isang bahay para sa pagsamba sa ating Diyos [tingnan sa D at T 88:119], kung saan maisasagawa ang mga ordenansa na aayon sa Kanyang banal na kalooban, sa rehiyong ito ng bansa— upang maisagawa kung anuman ang kailangang pagsikapan, at kailangang paraan—at dahil kailangang madaliin ang gawain para sa kabutihan, minabuti ng mga Banal na timbangin ang kahalagahan ng mga bagay na ito, sa kanilang isipan, sa lahat ng maaapektuhan nito, at pagkatapos ay gawin ang kailangan para mapagana ito; at inihanda ang kanilang sarili nang buong tapang, determinadong gawin ang lahat ng makakaya nila, at nagsumigasig na para bang sa kanila lamang nakasalalay ang buong gawain. Sa paggawa nito matutularan nila ang maluluwalhating gawa ng mga ama, at makakamtan ang mga pagpapala ng langit para sa kanila at sa kanilang mga inapo hanggang sa pinakahuling henerasyon.”6
Noong Enero 1841, isinulat ng Propeta at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan: “Itinatayo na ang Templo ng Panginoon dito [sa Nauvoo], kung saan pupunta ang mga Banal upang sumamba sa Diyos ng kanilang mga ama, ayon sa orden ng Kanyang bahay at mga kapangyarihan ng Banal na Priesthood, at itatayo sa paraang lahat ng kapangyarihan ng Priesthood ay angkop na magagamit, at kung saan ang mga tagubilin mula sa Kataas-taasan ay matatanggap, at mula sa lugar na ito ay lalaganap sa malalayong lupain. Kung gayo’y tipunin natin ang lahat ng ating kapangyarihan … at sikaping tularan ang ginawa ng sinaunang pinagtipanang mga ama at mga patriarch, sa mga bagay na napakahalaga sa henerasyong ito at sa bawat susunod na henerasyon.”7
Noong mga unang buwan ng 1841, itinuro ni Joseph Smith ang sumusunod, ayon sa tala ni William P. McIntire: “Sinabi ni Joseph na sinabi ng Panginoon na dapat tayong magtayo ng bahay sa kanyang pangalan, upang mabinyagan tayo para sa mga patay. Ngunit kung hindi natin ito gagawin, hindi tayo dapat tanggapin, kasama ng ating mga patay, at hindi dapat tanggapin ang Simbahang ito [tingnan sa D at T 124:32].”8
Noong Abril 1842, sinabi ng Propeta: “Ang Simbahan ay hindi lubos na organisado, sa wastong kaayusan nito, at hindi ito maisasaayos, hangga’t hindi natatapos ang Templo, kung saan ilalaan ang mga lugar para sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng Priesthood.”9
Noong Hulyo 1842, ipinahayag ng Propeta: “Sinabihan tayo ng Panginoon na itayo ang [Nauvoo] Temple … ; at ang utos na iyan ay may bisa sa atin tulad ng iba pang mga utos; at ang taong hindi nakikibahagi sa mga bagay na ito ay may kasalanan din na para bang nilabag niya ang alinman sa iba pang mga kautusan; hindi siya sumusunod sa kalooban ng Diyos, hindi tumutupad sa Kanyang mga batas.”10
Noong Oktubre 1843, sinabihan ng Propeta ang mga Banal: “Madaliin ang gawain sa Templo, pag-ibayuhin ang inyong pagsisikap upang maipalaganap ang lahat ng gawain sa mga huling araw, at lumakad nang may pagpapakumbaba at kabutihan sa harapan ng Panginoon.”11
Noong Marso 1844, nakipagkita ang Propeta sa Labindalawa at sa komite ng Nauvoo Temple upang pag-usapan kung paano hahati-hatiin ang kakaunting pera ng Simbahan. Sa pulong na ito, sinabi ng Propeta: “Higit nating kailangan ang templo kaysa anupaman.”12
Sa templo natin nalalaman ang mga bagay ng kawalang-hanggan at natatanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan para sa ating sarili at sa ating mga ninuno.
“Ano ang layunin ng pagtitipon ng … mga tao ng Diyos sa alinmang panahon ng mundo? … Ang pangunahing layunin ay magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan; sapagkat may ilang partikular na ordenansa at alituntunin na, kapag itinuro at isinagawa, ay kailangang gawin sa isang lugar o bahay na itinayo para sa layuning iyon.
“ … Ang mga ordenansang pinasimulan sa kalangitan bago pa itinatag ang daigdig, sa priesthood, para sa kaligtasan ng tao, ay hindi dapat palitan o baguhin. Kailangang maligtas ang lahat sa gayunding mga alituntunin.
“Ito rin ang layunin kaya tinipon ng Diyos ang Kanyang mga tao sa mga huling araw, para magtayo ng isang bahay sa Panginoon upang ihanda sila para sa mga ordenansa at endowment, paghuhugas at pagpapahid ng langis, at kung anu-ano pa. Isa sa mga ordenansa ng bahay ng Panginoon ang binyag para sa mga patay. Iniutos ng Diyos bago pa nilikha ang mundo na ang ordenansang iyon ay dapat isagawa sa isang bautismuhang inihanda para sa layuning iyon sa bahay ng Panginoon. …
“Ang doktrina ng binyag para sa mga patay ay malinaw na ipinakita sa Bagong Tipan; … ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus sa mga Judio, ‘Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!’ [Mateo 23:37]—upang maisagawa nila ang mga ordenansa ng binyag para sa mga patay gayundin ang iba pang mga ordenansa ng priesthood, at tumanggap ng mga paghahayag mula sa langit, at maging ganap sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos—ngunit ayaw nila. Ito ang nangyari noong araw ng Pentecostes: ang mga pagpapalang iyon ay ibinuhos sa mga disipulo sa okasyong iyon. Inordena ng Diyos na ililigtas Niya ang mga patay, at gagawin iyon sa pamamagitan ng sama-samang pagtitipon sa Kanyang mga tao. …
“… Bakit titipunin ang mga tao sa lugar na ito? Tulad din ng layunin ni Jesus sa hangaring matipon ang mga Judio—upang tumanggap ng mga ordenansa, pagpapala, at kaluwalhatiang nais ipagkaloob ng Diyos sa Kanyang mga Banal. Itatanong ko ngayon sa kapulungang ito at sa lahat ng Banal kung itatayo na ba ninyo ngayon ang bahay na ito at tatanggapin ang mga ordenansa at pagpapalang nais ipagkaloob sa inyo ng Diyos; o hindi ninyo itatayo ang bahay na ito sa Panginoon, at hahayaan Siyang dumaan at ipagkaloob ang mga pagpapalang ito sa ibang tao?”13
“Sa sandaling maihanda na ang [Nauvoo] Temple at bautismuhan, layon naming ibigay sa mga Elder ng Israel ang kanilang mga paghuhugas at pagpapahid ng langis, at asikasuhin ang mga huli at higit na kahanga-hangang mga ordenansa, na kung wala ang mga ito ay hindi tayo magtatamo ng mga trono sa kahariang selestiyal. Ngunit kailangang may isang banal na lugar na nakahanda para sa layuning iyon. May inilabas na pahayag noong inilatag ang pundasyon ng Templo, at may ginawang mga paglalaan hanggang sa matapos ang gawain, nang sa gayo’y matanggap ng mga tao ang kanilang mga endowment at maging mga hari at saserdote sila sa Pinakamakapangyarihang Diyos. … Gayunman, kailangang may isang lugar na itinayo para lamang sa layuning iyon, at para mabinyagan ang mga tao para sa kanilang mga patay. …
“May matatag na batas ang Panginoon kaugnay ng paksang ito: kailangang may isang natatanging lugar para sa kaligtasan ng ating mga patay. Talagang naniniwala ako na magkakaroon ng isang lugar, at dahil dito ang mga taong nais iligtas ang kanilang mga patay ay makapupunta at madadala ang kanilang mga pamilya, magagawa ang kanilang gawain sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagsasagawa ng iba pang mga ordenansa para sa kanilang mga patay.”14
“Madalas itanong, ‘Hindi ba tayo maliligtas nang hindi dumaraan sa lahat ng ordenansang iyon, at kung anu-ano pa?’ Ang sagot ko’y, Hindi, hindi ang kaganapan ng kaligtasan. Sinabi ni Jesus, ‘Maraming tahanan sa bahay ng aking Ama, at ako ay paroroon upang maghanda ng lugar para sa inyo.’ [Tingnan sa Juan 14:2.] Ang bahay na binanggit dito ay dapat naisalin bilang kaharian; at sinumang taong dinakila sa pinakamataas na tahanan ay kailangang sundin ang batas na selestiyal, at gayundin ang kabuuan ng batas.”15
Kung natamo ng isang tao ang kaganapan ng priesthood ng Diyos, kailangang matamo niya ito sa paraang katulad ng pagtatamo rito ni Jesucristo, at iyon ay sa pamamagitan ng pagtupad sa lahat ng utos at pagsunod sa lahat ng ordenansa ng bahay ng Panginoon. …
“Lahat ng taong naging tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo ay kailangang tumanggap ng kaganapan ng mga ordenansa ng kanyang kaharian; at ang mga taong hindi tatanggap ng lahat ng ordenansa ay hindi matatanggap ang ganap na kaluwalhatiang iyon.”16
“Kung mababasa natin at mauunawaan ang lahat ng isinulat mula sa panahon ni Adan, tungkol sa kaugnayan ng tao sa Diyos at mga anghel sa hinaharap, kaunti lamang ang malalaman natin tungkol dito. Ang pagbabasa ng karanasan ng iba, o ng paghahayag na ibinigay sa kanila, ay hinding-hindi magbibigay sa atin ng malinaw na pananaw tungkol sa ating kalagayan at tunay na kaugnayan sa Diyos. Ang kaalaman sa mga bagay na ito ay makakamit lamang sa karanasan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Diyos na itinalaga para sa layuning iyon. Kung matititigan ninyo ang langit nang limang minuto, mas marami kayong malalaman kaysa kung babasahin ninyo ang lahat ng naisulat tungkol sa paksa. … Tinitiyak ko sa mga Banal na ang katotohanan … ay malalaman at maaaring alamin sa mga paghahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga ordenansa, at bilang sagot sa panalangin.”17
“Ang orden ng bahay ng Diyos ay hindi magbabago, ngayon at magpakailanman, kahit matapos dumating si Cristo; at kapag nagwakas na ang isang libong taon hindi pa rin ito magbabago; at sa wakas ay makapapasok tayo sa Kahariang selestiyal ng Diyos, at magagalak doon magpakailanman.”18
Ang templo ay lugar ng kabanalan kung saan matatanggap natin ang mga pinakadakilang pagpapala ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Bilang bahagi ng panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple, na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag at kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 109, ang Propeta ay nanalangin: “At ngayon, Banal na Ama, hinihiling namin … nang ang inyong kaluwalhatian ay mapasainyong mga tao, at dito sa inyong bahay, na amin ngayong inihahandog sa inyo, upang ito ay mapabanal at mailaan upang maging banal, at nang ang inyong banal na kaluwalhatian ay tuwinang mapasa bahay na ito; at nang ang lahat ng taong papasok sa pintuan ng bahay ng Panginoon ay madama ang inyong kapangyarihan, at mapilitang kilalanin na inyong pinabanal ito, at na ito ay inyong bahay, isang pook ng inyong kabanalan.
“At inyong ipahintulot, Banal na Ama, na ang lahat ng yaong sasamba sa bahay na ito ay maturuan ng mga salita ng karunungan mula sa pinakamahusay na mga aklat, at nang sila ay maghangad ng karunungan maging sa pamamagitan ng pag-aaral, at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya, gaya ng inyong sinabi; at nang sila ay lumaki sa inyo, at makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo, at mabuo alinsunod sa inyong mga batas, at maging handa na matamo ang bawat kinakailangang bagay; at na ang bahay na ito ay maging isang bahay ng panalangin, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng kaluwalhatian at ng Diyos, maging inyong bahay. …
“At hinihiling namin, Banal na Ama, na ang inyong mga tagapaglingkod ay makahayo mula sa bahay na ito na sakbit ang inyong kapangyarihan, at nang ang inyong pangalan ay mapasakanila, at ang inyong kaluwalhatian ay bumalot sa kanila, at ang inyong mga anghel ay mangalaga sa kanila; at mula sa lugar na ito ay kanilang madala ang labis na dakila at maluwalhating balita, sa katotohanan, hanggang sa mga dulo ng mundo, nang kanilang malaman na ito ay inyong gawain, at na inyong iniunat ang inyong kamay, upang tuparin ang inyong sinabi sa pamamagitan ng mga bibig ng mga propeta, hinggil sa mga huling araw.
“Hinihiling namin, Banal na Ama, na itatag ang mga taong sasamba, at marangal na hahawak ng pangalan at katayuan dito sa inyong bahay, sa lahat ng salinlahi at sa walang hanggan; na walang sandatang ginawa laban sa kanila ang magtatagumpay; siya na maghuhukay ng libingan para sa kanila ang siya ring mahuhulog dito; na walang pagsasabuwatan ng kasamaan ang magkakaroon ng kapangyarihang makapaghihimagsik at magwawagi sa inyong tao na kung kanino ang inyong pangalan ay inilagay sa bahay na ito.”19
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Repasuhin ang huling dalawang talatang nagsisimula sa pahina 485. Sa anong mga paraan tayo “ilalabas” ng gawain sa templo “mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na kaliwanagan”? Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng maging “espirituwal ang isipan”? Bakit tayo kailangang magkaroon ng “espirituwal na isipan” upang matanggap ang kaliwanagang makakamtan natin sa templo?
-
Noong itinatayo ng mga Banal sa Nauvoo ang templo, sinabihan sila ni Propetang Joseph Smith, “Higit nating kailangan ang templo kaysa anupaman” (pahina 488). Repasuhin ang mga pahina 483–88, na hinahanap ang mga dahilan kung bakit totoo ang pahayag na ito. Sa anong mga paraan nagkatotoo sa buhay ninyo ang pahayag ng Propeta?
-
Pag-aralan ang mga turo ni Joseph Smith tungkol sa utos na magtayo ng mga templo (mga pahina 486–88. Sa inyong palagay bakit hindi magiging “lubos na organisado” ang Simbahan kung walang mga templo at ordenansa sa templo? Ano ang magagawa natin ngayon upang “madaliin ang gawain sa Templo”? Bakit natin kailangang “timbangin ang kahalagahan” ng gawain sa templo?
-
Repasuhin ang mga turo ng Propeta tungkol sa mga sagradong ordenansa sa templo at kung ano ang matututuhan natin mula rito (mga pahina 488–91. Alin sa mga turong ito ang partikular na nakatulong sa inyo upang maunawaan ang kahalagahan ng mga ordenansa sa templo?
-
Basahin ang ikatlong buong talata sa pahina 491. Kung natanggap na ninyo ang mga ordenansa sa templo, isiping mabuti kung paano kayo naturuan ng inyong mga karanasan tungkol sa inyong “kalagayan at tunay na kaugnayan sa Diyos.” Kung hindi pa kayo nakakapunta sa templo o matagal na kayong hindi nakababalik, isipin kung paano kayo makapaghahanda para makapasok sa templo.
-
Ano ang ilang pagpapalang matatanggap natin kapag pumasok tayo sa templo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 492–93. Sa nabasa ninyo sa kabanatang ito, paano ninyo magagawang higit na makabuluhan ang pagpasok ninyo sa templo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mga Awit 24:3–5; Isaias 2:2–3; D at T 124:25–28, 39–41