Kabanata 37
Pag-ibig sa Kapwa-tao, ang Dalisay na Pag-ibig ni Cristo
“Mapagmahal ang isa sa pangunahing mga katangian ng Diyos, at dapat na ipakita ng mga taong umaasam na maging mga anak na lalaki ng Diyos.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith noong 1841, itinalaga ng Panginoon ang stake sa Nauvoo, Illinois, na isang “batong panulok ng Sion, na pakikintabin ng pagpapakinis na nahahalintulad sa isang palasyo” (D at T 124:2). Sa ilalim ng pamamahala ng Propeta, ang Nauvoo ay naging maunlad na sentro ng pangangalakal, edukasyon, at sining. Maraming tao ang nagsaka ng kanilang bukirin, samantalang ang mga may 0.4 na ektarya ng lupa ay nagtanim ng mga prutas at gulay sa kanilang mga bakuran. Nagtayo ng lagarian, pagawaan ng ladrilyo, palimbagan, gawaan ng harina, at panaderya sa lungsod, gayundin ng mga shop para sa mga karpintero, magpapalayok, latero, platero, panday, at tagagawa ng kabinet. Sa Nauvoo, nasisiyahan ang mga Banal sa panonood sa teatro, mga sayawan, at konsiyerto. Daan-daang estudyante ang pumapasok sa mga paaralan sa buong komunidad, at may mga plano na para sa isang unibersidad.
Habang mabilis na umuunlad ang Nauvoo, ang ilang pagawaan ng ladrilyo ay gumawa ng pulang mga laryo na nagbigay ng kakaibang hitsura sa mga gusali ng Nauvoo. Ang isa sa mga gusaling ito ay ang Red Brick Store ng Propeta. Itinayo ang tindahan para magsilbing opisina ng Propeta at ng Unang Panguluhan at bilang negosyo para matulungan ang Propeta na suportahan ang kanyang pamilya. Isang pangyayari sa Red Brick Store ang nagpakita ng likas na pagiging mapagkawanggawa ng Propeta kaya’t lalo siyang minahal ng mga tao.
Si James Leach ay isang taga-Inglatera na pumunta sa Nauvoo kasama ang kanyang ate na miyembro ng Simbahan na si Agnes at ang asawa nitong si Henry Nightingale. Pagkatapos mabigong makahanap ng trabaho, nagpasiya sina James at Henry na humingi ng tulong sa Propeta. Naalala ni James:
“Aming … nakita [ang Propeta] sa isang maliit na tindahan na nagbebenta sa isang babae ng ilang paninda. Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng oportunidad na makalapit sa kanya at makita siya nang malapitan. Nadama ko ang pangingibabaw ng kanyang espiritu. Kakaiba siya sa sinumang nakilala ko; at sinabi ko sa aking puso, siya ay tunay na Propeta ng pinakadakilang Diyos.
“Dahil hindi ako miyembro ng Simbahan gusto kong si Henry ang humingi sa kanya ng trabaho, pero hindi niya iyon ginawa, kaya’t ako na lamang ang lumapit. Sabi ko, ‘G. Smith, may maibibigay po ba kayong trabaho sa aming dalawa, para may makain kami?’ Masaya ang mukha niya nang tingnan niya kami, at magiliw na sinabing, ‘Buweno, mga ginoo, ano ang kaya ninyong gawin?’ Sinabi namin sa kanya kung ano ang dati naming trabaho bago kami umalis sa aming bayang sinilangan.
“Sabi niya, ‘Kaya n’yo bang gumawa ng kanal?’ Sinabi kong gagawin namin ang lahat ng makakaya namin dito. ‘Tama ‘yan, mga ginoo’ at habang kinukuha ang metrong panukat, sinabi niya, ‘Sumama kayo sa akin.’
“Isinama niya kami nang mga ilang dipa mula sa tindahan, ipinahawak sa akin ang bilog na metal, at hinila ang buong metro mula sa ikiran nito at gumuhit ng linya kung hanggang saan kami gagawa. ‘Ngayon, mga ginoo’ sabi niya, makagagawa ba kayo ng kanal na may lawak na tatlong talampakan at may lalim na dalawa’t kalahating talampakan sa linyang ito?’
“Sinabi naming pagbubutihin namin, at iniwan niya kami. Nagtrabaho na kami, at nang matapos na ito pinuntahan ko siya at sinabing tapos na ito. Pinuntahan niya at tiningnan ito at sinabing, ‘Mga ginoo, kung ako lamang ang gumawa nito hindi ito ganito kaayos. Ngayon sumama kayo sa akin.’
“Nanguna siya pabalik sa kanyang tindahan, at sinabihan kami na kunin ang pinakamahal na ham o piraso ng karne para sa aming sarili. Dahil nahihiya kami, sinabi kong mas gusto naming siya na lamang ang magbigay sa amin. Kaya’t kinuha niya ang dalawang pinakamalaki at pinakamahal na piraso ng karne at isang sako ng harina para sa bawat isa sa amin, at tinanong kami kung sapat ng kabayaran iyon. Sinabi namin sa kanya na handa kaming magtrabaho pa para dito, subalit sinabi niya, ‘Kung nasiyahan na kayo, mga ginoo, ako rin.’
“Magiliw kaming nagpasalamat sa kanya, at masayang umuwi na nagagalak dahil sa kabaitan ng Propeta ng ating Diyos.”
Si James Leach ay nabinyagan nang taon ding iyon at itinala na siya ay “madalas magkaroon ng pagkakataong makita ang maamong mukha [ng Propeta] na pinasisigla ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos.”1
Mga Turo ni Joseph Smith
Ang taong puspos ng pagmamahal ng Diyos ay sabik na pagpalain ang iba.
“Pagmamahal ang isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos, at dapat ipakita ng mga taong umaasam na maging mga anak na lalaki ng Diyos. Ang taong puspos ng pagmamahal ng Diyos, ay hindi nasisiyahan na pagpalain lamang ang kanyang pamilya, bagkus ipinalalaganap ito sa buong mundo, sabik na pagpalain ang buong sangkatauhan.” 2
Itinala ni Lucy Meserve Smith ang sumusunod: “Sinabi [ni Joseph Smith], ‘Mga kapatid, mahalin ninyo ang isa’t isa; mahalin ang isa’t isa at maging maawain sa inyong mga kaaway.’ Inulit niya ang mga salitang ito sa napakalinaw na tinig na may malakas na amen.” 3
Noong Hulyo 1839, nagsalita ang Propeta sa isang grupo ng mga lider sa Simbahan: “Nagsalita ako sa kanila at nagbigay ng maraming tagubilin … tinalakay ang maraming mahahalaga at makabuluhang paksa sa lahat ng naghahangad na lumakad nang mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, at lalo pa silang tinuruan na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa, karunungan at pagdamay, nang may pagmamahal sa bawat isa sa lahat ng bagay, at sa lahat ng sitwasyon.”4
May natatangi tayong obligasyon na mahalin at pangalagaan ang mga nangangailangan.
“Ito ay isang tungkulin na dapat lubos na isagawa ng bawat Banal sa kanyang mga kapatid—ang mahalin sila tuwina, at palagi silang tulungan. Upang mabigyang-katwiran sa harapan ng Diyos dapat nating mahalin ang isa’t isa: dapat nating daigin ang masama; dapat nating dalawin ang mga ulila sa ama at ang mga balo sa kanilang pagdadalamhati, dapat nating panatilihing walang bahid-dungis ang ating sarili mula sa mundo; sapagkat sa ganitong kabutihan nagmumula ang malaking bukal ng dalisay na relihiyon [tingnan sa Santiago 1:27].” 5
“[Ang isang miyembro ng Simbahan] ay dapat pakainin ang nagugutom, damitan ang hubad, tulungan ang mga balo, pahirin ang luha ng mga ulila, aliwin ang nagdurusa, sa simbahan mang ito, o sa iba pa, o sa walang kinabibilangang simbahan, saanman niya makita sila.” 6
“Ang mayayaman ay hindi maliligtas kung walang pag-ibig sa kapwa, na nagbibigay ng pagkain sa mga maralita ayon sa paraan ng Diyos.” 7
“Isaisip ang kalagayan ng mga nagdurusa at sikaping pagaanin ang kanilang paghihirap; hayaang kainin ng nagugutom ang inyong tinapay, at ang inyong damit ay ipasuot sa hubad; hayaang pahirin ng inyong pagiging bukas-palad ang luha ng mga ulila, at pasayahin ang namimighating balo; hayaang ang inyong mga panalangin, at pagdamay, at kabaitan, ay magpagaan sa kirot na nadarama ng naghihinagpis, at ang pagiging bukas-palad ninyo ay makatulong sa kanilang mga pangangailangan; gumawa ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kasangbahay sa pananampalataya, upang kayo’y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis. Sundin ang mga utos ng Diyos—lahat ng kanyang ibinigay, ibinibigay, o ibibigay, at ang buhay ninyo ay pagpapalain; ang mga maralita ay magsisibangon at tatawagin kayong pinagpala; kayo ay ikararangal at igagalang ng lahat ng mabubuting tao; at ang inyong landas ay tulad ng sa yaong matwid, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw [tingnan sa Mga Kawikaan 4:18].”8
“Ang Banal na Espiritu … ay ibubuhos sa inyong uluhan sa lahat ng oras, kapag ipinamumuhay ninyo ang mga alituntuning iyon ng kabutihan na ayon sa isipan ng Diyos, at minamahal ang isa’t isa, at maingat sa anumang paraan na alalahanin ang mga taong nasa pagkaalipin, at kalungkutan, at labis na naghihirap para sa inyong kapakanan. At kung sinuman sa inyo ang maghangad na magpayaman, at asamin ang sariling pagyaman, habang ang kanilang mga kapatid ay dumaranas ng kahirapan, at sumasailalim sa matitinding pagsubok at tukso, hindi sila makikinabang sa tulong ng Banal na Espiritu, na namamagitan para sa atin araw at gabi ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita [tingnan sa Mga Taga Roma 8:26].
“Dapat tayong maging napakaingat sa lahat ng panahon na hindi kailanman magkaroon ng puwang ang kapalaluan sa ating puso; subalit makiayon tayo sa mga bagay na may kapakumbabaan, at batahin ang kahinaan ng mahihina nang may buong pagtitiis.”9
Ang pag-ibig sa kapwa ay nagtitiis nang matagal, maawain, at mabait.
Iniulat ni Eliza R. Snow ang isang mensaheng ibinigay ng Propeta: “Nagsimula siya sa pagbabasa ng ika-13 kabanata [ng 1 Mga Taga Corinto]—‘Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa’t wala akong pagibig, ay ako’y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw;’ at sinabing, pahalagahan ninyo ang kabutihang ginawa ng inyong kapwa, subalit mag-ingat sa pagmamapuri ng inyong sarili, at huwag magmagaling sa nagawang kabutihan, at huwag isiping mas mabait kayo kaysa sa iba; kung gagawin ninyo ang ginawa ni Jesus, dapat ninyong pag-ibayuhin ang inyong pagmamahal at paggalang sa isa’t isa, at dalhin ang kapwa ninyo sa sinapupunan ni Abraham. Sinabi ni Joseph Smith na nagpakita siya ng mahabang pagtitiis, kahinahunan, at pasensya sa Simbahan, at sa kanya ding mga kaaway; at dapat nating pasanin ang mga kabiguan ng isa’t isa, tulad ng isang mabait na magulang na pinagpapasensyahan ang mumunting kahinaan ng kanyang mga anak.
“… Habang nadaragdagan ang inyong kadalisayan at kabaitan, habang nadaragdagan ang inyong kabutihan, hayaang lalong magmahal ang inyong puso, dagdagan ang inyong pagmamahal at pagkahabag sa iba; kailangan pa ninyong magtiis at magpasensya sa mga pagkukulang at pagkakamali ng sangkatauhan. Napakahalaga ng kaluluwa ng mga tao!…
“… Huwag mainggit sa magagandang kasuotan at panlabas na anyo ng mga makasalanan, sapagkat kahabag-habag ang kalagayan nila; ngunit hangga’t makakaya ninyo, kaawaan sila, sapagkat sa maikling panahon wawasakin sila ng Diyos, kung hindi sila magsisisi at babaling sa kanya.”10
“Dapat sapat na nakauunawa ang matatalinong tao upang malupig ang mga tao sa pamamagitan ng kabutihan. ‘Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot,’ sabi ng isang matalinong tao [Mga Kawikaan 15:1]; at kapuri-puri para sa mga Banal sa mga Huling Araw na ipakita ang pagmamahal ng Diyos, sa pamamagitan ng mabait na pakikitungo sa mga taong, sa pabiglabiglang reaksyon, ay nakagawa ng pagkakamali; sapagkat tunay na sinabi ni Jesus, Idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig [tingnan sa Mateo 5:44].”11
“Hindi ko pinapansin ang mga pagkakamali mo, at hindi mo rin dapat pansinin ang sa akin. Ang pag-ibig sa kapwa, na siyang pagmamahal, ay natatakpan ang napakaraming kasalanan [tingnan sa I Ni Pedro 4:8], at madalas kong pagtakpan ang lahat ng kamalian ninyo; subalit ang pinakamabuting gawin ay huwag nang magkamali pa. Dapat nating pag-ibayuhin ang pagiging maamo, tahimik at payapa.”12
Iniulat ni Eliza R. Snow ang isa pang mensaheng ibinigay ng Propeta: “Kapag nagpapakita ng kaunting kabaitan at pagmamahal ang mga tao sa akin, Ah, nangingibabaw ito sa aking isipan, samantalang ang kasalungat nito ay nakasasakit ng damdamin at nagpapahina ng isipan ng tao.
“Isa itong patunay na walang nalalaman ang mga tao ukol sa mga alituntunin ng kabanalan para makitang nababawasan ang pagmamahal at nawawalan ng pag-ibig sa kapwa sa mundo. Ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng kabanalan ay lumalaganap sa isang malawak na alituntunin para palaganapin ang balabal ng pag-ibig sa kapwa. Ang Diyos ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot, subalit kapag nagkasala ang mga tao, dapat may pagsasaalang-alang na gawin para sa kanila… . Kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa Langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas; nais natin silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan… .
“… Gaano kadalas hinangad ng matatalinong lalaki at babae na diktahan si Brother Joseph sa pagsasabing, ‘Ah, kung ako si Brother Joseph, ganito at gayon ang gagawin ko;’ pero kung sila ang nasa katayuan ni Brother Joseph malalaman nila na hindi maaaring pilitin ang kalalakihan o kababaihan na pumasok sa kaharian ng Diyos, kundi sila ay kailangang pakitunguhan nang may mahabang pagtitiis, at sa huli’y maliligtas natin sila. Ang paraan para mapanatiling magkakasama ang mga Banal, at mapanatiling lumalaganap ang gawain, ay maghintay nang may mahabang pagtitiis, hanggang sa hatulan ng Diyos ang mga makasalanan. Walang kapahintulutan sa paggawa ng kasalanan, ngunit dapat may kaakibat na awa o habag sa pagsaway.
Ipinakikita natin ang pag-ibig sa kapwa sa pamamagitan ng simpleng paglilingkod at kabaitan.
“Ako ay inyong tagapaglingkod, at sa pamamagitan lamang ng Espiritu Santo kung kaya’t nakagagawa ako sa inyo ng kabutihan… . Hindi namin inihaharap ang aming mga sarili sa inyo bilang sinuman kundi bilang mapagpakumbabang mga tagapaglingkod ninyo, na nakahandang gumugol ng oras, lakas, kabuhayan at iba pa at magpagal sa paglilingkod sa inyo.” 14
Naalala ni Edwin Holden: “Noong 1838, si Joseph at ang ilang binatilyo ay naglalaro ng iba’t ibang laro, isa rito ang paglalaro ng bola. Kalaunan, napagod sila. Nakita niya ito, at tinawag silang lahat at sinabing: ‘Magtayo tayo ng isang dampa.’ Kaya’t nagsimula na sila, si Joseph at ang mga binatilyo, para magtayo ng isang dampa na yari sa troso para sa isang babaing balo. Iyon ang isa sa mga paraan ni Joseph, laging tumutulong sa abot ng kanyang makakaya.”15
Ikinuwento ni Lucy Mack Smith, ang ina ni Propetang Joseph Smith, noong unang manirahan ang mga Banal sa Commerce, Illinois, na kalauna’y tinawag na Nauvoo: “Sa pagdaan ng panahon, nagsimulang maramdaman ng mga kapatid na nanirahan dito ang mga epekto ng kanilang kahirapan, na sinamahan ng masamang klima, na nagdulot sa kanila ng lagnat at panginginig at sakit na malarya hanggang sa may ilang pamilya na wala ni isa man lamang ang makatayo para makapagbigay ng malamig na tubig sa kasambahay o maasikaso mismo ang sarili. Ang pamilya ni Hyrum ay halos maysakit lahat. Ang bunso kong anak na babae na si Lucy ay malubha rin ang sakit, at sa katunayan kaunti lamang ang walang sakit sa mga naninirahan sa lugar na ito.
“Pinapunta nina Joseph at Emma ang mga maysakit sa kanilang bahay at inalagaan nila ang mga ito. At patuloy nilang kaagad na pinapupunta ang mga nagkakasakit hanggang sa ang bahay nila, na may apat na silid, ay napuno na kaya’t kinailangan nilang magtayo ng tolda sa bakuran para doon mamalagi ang mga miyembro ng pamilyang iyon na nakakakilos pa. Ginugol nina Joseph at Emma ang buo nilang oras at atensyon sa pagaalaga sa mga maysakit sa panahong ito ng kapighatian.”16
Naalala ni John L. Smith, ang pinsan ng Propeta, ang sumusunod na pangyayari na naganap noong panahon ding ito: “Si Propetang Joseph at ang pinsan naming si Hyrum na kapatid niya, ay dumalaw sa amin. Lahat kami ay maysakit at si Nanay ay nilalagnat at may malarya, at si Tatay ay nagdidiliryo halos buong araw. Hinubad ni Joseph ang kanyang sapatos nang makita niya ang kaawa-awa naming kalagayan at isinuot ito sa mga paa ni Tatay dahil nakayapak lamang ito, at siya ay umuwing walang suot na sapatos. Iniuwi niya si Tatay sa kanilang tahanan at iniligtas ang kanyang buhay at tinustusan kami ng maraming pangangailangan kaya’t gumaling kami.”17
Naalala ni Elizabeth Ann Whitney: “Sa mga unang buwan ng tagsibol noong 1840 nagpunta kami sa Commerce, tulad ng pagkakatawag pa rin sa mataas na bahagi ng lungsod ng Nauvoo. Nangupahan kami sa bahay na pag-aari ni Hiram Kimball… . Kaming lahat dito ay may lagnat at nanginginig, at halos gumagapang na lamang kami at inaalagaan ang isa’t isa. Sa ganito kahirap na kalagayan ay isinilang ko ang ikasiyam kong anak. Si Joseph, nang madalaw kami at nakita ang aming kalagayan, ay hinikayat kami na pumunta at makituloy muna sa kanyang bahay. Nadama naming hindi na namin matatagalan ang klima, tubig, at kasalatan; dahil dito tinanggap namin ang alok at nanirahan sa maliit na kubo sa bakuran ni Propetang Joseph; kalauna’y bumalik ang dati naming lakas, at ang mga bata ay bumalik sa dati. Nagtrabaho ang asawa ko sa tindahan na itinayo at inimbakan ni Joseph ng napakaraming kalakal na talagang kailangang-kailangan ng mga tao.
“Isang araw habang papalabas ako ng bahay papunta sa bakuran parang kidlat na biglang sumagi sa isipan ko ang propesiyang binanggit ni Joseph Smith sa akin, noong tumira siya sa bahay namin sa Kirtland; ito iyon: na tulad ng ginawa namin sa kanya, na tinanggap namin siya at ang kanyang pamilya sa aming tahanan noong wala silang matirhan; kami rin sa hinaharap ay tatanggapin niya sa kanyang tahanan.”18
Iniulat ni Mosiah L. Hancock ang sumusunod na karanasan na naganap sa Nauvoo noong siya ay binatilyo pa lamang: “Itong tag-init [1841] ang una kong paglalaro ng bola na kasama ang Propeta. Naghalinhinan kami sa pagsipa at paghabol sa bola, at nang matapos ang laro sinabi ng Propeta, ‘Sakyan ninyo ang inyong mga kabayo,’ na siyang ginawa namin, at lahat kami ay pumunta sa kakahuyan. Nakatayo sa bolster, pinatakbo ko ang kabayo namin na may hilang bagon, at si Brother Joseph at ang tatay ko ay nakasakay sa hounds sa likod [ang bolster at hounds ay bahagi ng istruktura ng isang bagon]. May 39 na kabayo sa grupo at nangahoy kami hanggang sa mapuno ang aming mga bagon. Nang mapuno na ang aming bagon, nagyaya si Brother Joseph na maglaro ng pull sticks—at nahila niyang patayo ang lahat ng kalaro niya nang minsanan lang—ang sinumang gustong makipaglaro sa kanya.
“Pagkatapos niyon, ipinadala ng Propeta ang mga bagon sa iba’t ibang lugar kung saan may mga taong nangangailangan ng tulong; at sinabihan silang magputol ng kahoy para sa mga Banal na nangangailangan nito. Gustong gawin ng lahat ang ipinagagawa ng Propeta, at kahit maysakit kami, at nangamamatay ang mga tao sa aming paligid, ang mga miyembro ng pamilya ay nakangiti at sinisikap pasayahin ang lahat.”19
Noong Enero 5, 1842, isinulat ng Propeta ang sumusunod sa isang liham kay Edward Hunter, na kalauna’y naglingkod bilang Presiding Bishop: “Ang pag-uuri namin ng mga kalakal [sa Red Brick Store] ay mainam naman—napakainam, na isinasaalang-alang ang iba’t ibang binibili ng iba’t ibang tao sa magkakaibang panahon, at bumibili sila ayon sa kanilang pangangailangan; subalit natutuwa akong nagawa namin ang nararapat, sapagkat ang puso ng maraming maralitang kalalakihan at kababaihan ay napasaya ng mga kalakal na makakaya na nilang bilhin ngayon.
Punong-puno ang tindahan, at nakatayo ako sa despatso [counter] maghapon, nagbebenta ng mga paninda tulad ng sinumang klerk na nakita na ninyo, tinutulungan ang mga taong napilitang pumunta rito na walang karaniwang hapunan para sa Pasko at Bagong Taon, sapagkat kulang sila ng kaunting asukal, pulot, pasas, at iba pa, at kung anu-ano pa; at pinasasaya rin ang aking sarili, sapagkat gusto kong paglingkuran ang mga Banal, at maging tagapaglingkod ng lahat, umaasang madadakila ako sa takdang panahon ng Panginoon.”20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Habang nirerepaso ninyo ang mga kuwento sa mga pahina 497–99 at sa mga pahina 503–7, isipin ang nadarama ninyo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Ano ang itinuturo ng mga kuwentong ito tungkol sa kanya? Sa inyong palagay sa anong mga paraan nakaimpluwensya ang kanyang mga ikinilos sa mga taong nasa paligid niya? Sa anong mga paraan naantig ng kabaitan ng iba ang inyong buhay?
-
Repasuhin ang huling tatlong talata sa pahina 499. Sa inyong palagay bakit ninanais ng isang taong puspos ng pagmamahal ng Diyos na pagpalain ang lahat ng tao? Paano nakakatulong ang pagmamahal at kabaitan natin sa pagpapala sa lahat ng tao?
-
Ano ang ilan sa mga responsibilidad natin sa pangangalaga sa mga taong nangangailangan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 500–1.) Paano nauugnay ang mga responsibilidad na ito sa temporal na pangangailangan ng tao? Paano nauugnay ang mga ito sa pangangailangang espirituwal? Anong mga halimbawa ang nakikita ninyo sa mga taong nangangalaga sa mga nangangailangan?
-
Basahin ang talata na nagsisimula sa dulong ibaba ng pahina 501. Ano ang magagawa natin para mapag-ibayo ang pagpapahalaga natin sa magagandang ugali ng iba? Sa inyong palagay bakit natin kailangang “mag-ingat sa pagmamapuri ng sarili, at pagmamagaling sa nagawang kabutihan”?
-
Nagpahayag ng pag-aalala si Propetang Joseph sa “nababawasang pagmamahal…sa mundo” (mga pahina 502–3). Kabaligtaran nito, sinabi niyang “dapat [nating] pag-ibayuhin ang [ating] pagmamahal sa isa’t isa” at “hayaang lalong magmahal ang [ating] puso, dagdagan ang [ating] pagmamahal at pagkahabag sa iba” (mga pahina 501–2). Sa inyong palagay ano ang kahulugan ng pag-ibayuhin ang ating pagmamahal at pagkahabag sa isa’t isa?
-
Basahin ang ikalimang buong talata sa pahina 502. Sa anong mga paraan natin maipamumuhay ang turong ito sa pakikipag-ugnayan natin sa mga miyembro ng ating pamilya?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 13:1–13; Mosias 4:14–16, 26–27; Eter 12:33–34; Moroni 7:45–48; D at T 121:45–46