Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 39: Relief Society: Banal na Organisasyon ng Kababaihan


Kabanata 39

Relief Society: Banal na Organisasyon ng Kababaihan

“Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigil ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong tagsibol ng 1842, abalang-abala ang mga miyembro ng Simbahan sa Nauvoo sa pagtatayo ng Nauvoo Temple. Dalawa sa mga miyembrong iyon sina Sarah Granger Kimball at ang kanyang mananahi na si Margaret A. Cook, ang nag-uusap isang araw, at nagpasiyang pagsamahin ang kanilang gawain upang matulungan ang mga nagtatayo ng templo. Sinabi ni Sister Kimball na siya ang bahala sa tela para makatahi ng mga kamiseta si Sister Cook para sa kalalakihan. Nagpasiya ang dalawa na anyayahan ang ibang kababaihan na sumama sa kanila sa pagbuo ng isang grupo ng kababaihan para maisakatuparan pa ang kanilang pagkakawanggawa. Naalala ni Sarah Granger Kimball: “Nagtipon ang magkakapitbahay na kababaihan sa aking tahian at nagpasiyang bumuo ng grupo. Naatasan akong tawagin si Sister Eliza R. Snow at hilingan siyang sumulat para sa amin ng isang Konstitusyon at mga Tuntunin, at ibigay ito kay Pangulong Joseph Smith bago ang susunod naming pulong sa Huwebes.”

Matapos basahin ang ipinanukalang konstitusyon at mga tuntunin, ipinahayag ng Propeta na ang mga ito ay pinakamainam sa lahat ng nakita na niya ngunit sinabi niyang: “ ‘Hindi ito ang gusto ninyo. Sabihin sa kababaihan na tinatanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog, at siya ay may inilalaang mas mainam para sa kanila kaysa sa nakasulat na Konstitusyon. Inaanyayahan ko silang lahat na makipagkita sa akin at sa ilang kalalakihan … sa susunod na Huwebes ng hapon.’ ”1

Kaya, noong Marso 17, ang Propeta, kasama sina Elder John Taylor at Elder Willard Richards, ay nakipagpulong sa 20 kababaihan na magkakaiba ang edad sa silid sa itaas ng Red Brick Store. Opisyal na binuo ng Propeta ang Female Relief Society ng Nauvoo at itinuro sa mga naroon ang tungkol sa mga layunin ng bagong organisasyon. Pinili ng kababaihan si Emma Smith bilang pangulo ng Relief Society, at pinili ni Emma ang kanyang dalawang tagapayo. Pagkatapos ay binasa ng Propeta ang isang paghahayag na natanggap 12 taon na ang nakararaan kung saan itinalaga ng Panginoon si Emma na magtipon ng mga himno na ilalathala at tinawag siyang isang “hinirang na babae” (D at T 25:3). Tumayo si Emma para magsalita, na binibigyang-diin ang malaking kakayahan ng samahan: “May gagawin tayong isang bagay na di karaniwan…. Umasa tayong magkakaroon ng mga pambihirang pagkakataon at mahihirap na gawain.”2

Si Emma Smith, ang unang Relief Society general president, ay may matinding hangarin sa tuwina na paglingkuran ang iba at itayo ang kaharian ng Diyos, at minsan ay sinabing gusto niyang maging “isang pagpapala sa lahat ng maaaring mangailangan ng anumang tulong mula sa kanya.”3 Sa New York, nagtahi siya ng mga kasuotan para sa apat na misyonero na tinawag na mangaral sa mga Lamanita. Sa Kirtland, tumulong siya sa ibang kababaihan na magtipon ng mga kumot, pagkain, at damit na dadalhin ng mga tauhan ng Kampo ng Sion sa namimighating mga Banal sa Missouri. Tumulong siya sa paghahanda ng pagkain at paggawa ng mga medyas, pantalon, at dyaket para sa mga nagtatayo ng Kirtland Temple. Pinatuloy niya ang napakaraming manggagawa sa kanilang tahanan kaya’t natutulog na lamang sila ni Joseph sa sahig. Sa mga unang araw sa Nauvoo, ibinuhos niya ang marami niyang oras sa pag-aalaga ng maraming biktima ng malaria na nagtayo ng tolda sa labas ng kanyang bahay sa pampang ng Ilog ng Mississippi. Sa ganito at sa iba pang paraan, naging halimbawa siya ng paglilingkod na ibinigay ng maraming miyembrong babae noong kanyang kapanahunan. Naalala ni Polly Angell na nang makita ng Propeta na abalang nananahi ang isang grupo ng kababaihan ng mga tabing na gamit para sa partisyon ng iba’t ibang lugar sa loob ng Kirtland Temple, sinabi niya, “Mga kapatid, … nariyan kayong lagi. Ang kababaihan ang laging nangunguna at pinakauna sa lahat ng mabubuting gawa.”4

Simula noong mga unang araw ng Relief Society, napanatili ng kababaihan ng Simbahan ang napakalaking impluwensya nito para sa kabutihan. Sa isang pulong na ginanap makaraan ang isang linggo matapos itatag ang Relief Society, si Lucy Mack Smith, ang ina ng Propeta, ay nagbigay ng payo sa mga miyembrong babae na angkop din sa milyun-milyong kababaihan sa Simbahan ngayon: “Kailangan nating pakamahalin ang isa’t isa, pangalagaan ang isa’t isa, aliwin ang isa’t isa at maturuan, upang makaupo tayo nang magkakasama sa langit”5

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang Relief Society, na binuo sa ilalim ng pamamahala ng priesthood at ayon sa pagkakaayos nito, ay mahalagang bahagi ng Simbahan.

Naalala ni Sarah Granger Kimball na bago itatag ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society, sinabi niya: “Aking isasayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos sa priesthood. … Nang maorganisa ang kababaihan noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.”6

Nakatala sa salaysay ng Propeta noong Marso 24, 1842: “Natapos na sa araw na ito [ang] organisasyon [ng Female Relief Society]. Si Gng. Emma Smith ang pangulo; ang kanyang mga tagapayo ay sina Gng. Elizabeth Ann Whitney at Sarah M. Cleveland; si Bb. Elvira [Cowles] ang ingat-yaman, at ang tanyag at matalinong makata na si Bb. Eliza R. Snow, ang sekretarya.”7

Iniulat ni Eliza R. Snow: “Tumayo si Pangulong Joseph Smith. Nagsalita tungkol sa organisasyong Female Relief Society; sinabing labis siyang natutuwa, na maitatag ito sa Pinakamakapangyarihang Diyos sa paraang katanggap-tanggap.”8

Iniulat din ni Eliza R. Snow: “Hinikayat [ni Joseph Smith] ang mga miyembrong babae na laging iukol ang kanilang pananampalataya at mga panalangin para sa, at magtiwala sa … matatapat na kalalakihang inilagay ng Diyos na mamuno sa Simbahan upang akayin ang Kanyang mga tao; na palakasin at suportahan sila sa pamamagitan ng ating mga panalangin. … Kung makikinig ang Samahang ito sa payo ng Makapangyarihang Diyos, sa pamamagitan ng mga pinuno ng Simbahan, magkakaroon sila ng kapangyarihan na atasan ang mga reyna sa kanilang kalipunan.”9

“Ang Samahang ito ay tuturuan ayon sa kaayusang itinakda ng Diyos—sa pamamagitan ng mga inatasang mamuno—at [ipinipihit ko ngayon ang susi para sa inyo sa ngalan ng Diyos, at ang Samahang ito ay magagalak, at kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito—ito ang simula ng mas magagandang araw sa Samahang ito.”10

Kumikilos ang kababaihan ng Relief Society ayon sa likas nilang kabaitan, pinangangalagaan ang mga taong nangangailangan.

“Ito ay isang mapagkawanggawang Samahan, at iyon ay ayon sa likas na mga katangian ninyo; likas sa mga babae ang pagkakawanggawa at kabaitan. Nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa pagdamay na iyon sa kapwa na itinanim ng Diyos sa puso ninyo.”11

“Sabi ni Jesus, ‘Gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko.’ [Tingnan sa 2 Nephi 31:12.] Ito ang mahahalagang salitang magiging panuntunan ng samahan.”12

Iniulat ni Willard Richards: “Nagsalita sa pulong ng [Female Relief Society] si Pangulong Joseph Smith, upang ilarawan ang layunin ng Samahan—na ang Samahan ng Kababaihan na ito ang maaaring [maghikayat] sa kalalakihan na gumawa ng mabuti sa paglingap sa mahihirap—na naghahanap ng mga pagkakataong mapakitaan ng pag-ibig ang kapwa, at maibigay ang kanilang mga pangangailangan—upang umalalay sa pamamagitan ng pagwawasto ng mga pag-uugali at pagpapaibayo ng mabubuting katangian ng komunidad.”13

“Dumalo ako sa paanyaya ng Female Relief Society na ang layon ay bigyang-ginhawa ang mga maralita, dukha, balo at ulila, at gawin ang lahat ng mabubuting layunin. … Kasama ang ilan sa matatalino, makatao, mapagkawanggawa, at iginagalang na kababaihan sa napakaraming dumalo sa pagtatatag ng samahan, at gayundin sa sumunod na mga pulong; at lubos kaming nakatitiyak mula sa kaalaman sa mga dalisay na alituntunin ng kabutihan na kusang dumadaloy mula sa kanilang makatao at mapagkawanggawang puso, na sa mga bagay na makukuha nila anumang oras, ay matutugunan nila ang pangangailangan ng mga dayuhan; bubuhusan nila ng langis at alak ang sugatang puso ng naghihinagpis; papahirin nila ang mga luha ng mga ulila at pasasayahin ang puso ng balo.

“Ang kababaihan natin ay kilala na sa kanilang pagkakawanggawa at kabaitan; … sa gitna ng pang-uusig sa kanila, nang agawin ng mga mapang-api ang tinapay mula sa kanilang kaawaawang mga anak, sila ay handa tuwina na buksan ang kanilang mga pintuan sa mga pagod na manlalakbay, ibahagi ang kanilang kaunting pagkain sa nagugutom, at mula sa kanilang aparador na ninakawan at halos wala nang lamang damit, ibinigay nila ang mga damit sa mas nangangailangan at naghihirap; at ngayon na naninirahan sila sa mas mainam na lugar at sa di gaanong malulupit na tao, at nagmamay-ari ng mga pasilidad na ngayon lamang nila natamasa, kumbinsido kami na sa sama-sama nilang pagsisikap, ang kalagayan ng nagdurusang maralita, ng dayuhan at ulila sa ama ay mapapabuti.”14

Hinihikayat ng Relief Society ang kababaihan na ipamuhay ang kabanalan at turuan ang isa’t isa.

“Ang Ladies’ Relief Society ay hindi lamang para magbigayginhawa sa mga dukha, kundi para magligtas ng mga kaluluwa.”15

“Ngayon minamahal na mga kapatid, … nais naming gawin ninyo ang inyong bahagi, at gagawin namin ang sa amin, sapagkat hangad nating sundin ang mga utos ng Diyos sa lahat ng bagay, na tuwirang ibinigay sa atin ng langit, na namumuhay sa pamamagitan ng bawat salita na namumutawi sa bibig ng Panginoon. Nawa’y idagdag ng Diyos ang kanyang pagpapala sa inyong mga ulo at akayin kayo sa lahat ng landas ng kabutihan, kadalisayan at biyaya.”16

“Maganda ang nagawa ng [Relief] Society: ang mga alituntunin nila ay ipamuhay ang kabanalan. Mahal kayo ng Diyos, at malaki ang nagawa ng inyong mga panalangin para sa akin: huwag tulutang mahinto ang patuloy na pagsamo ninyo sa Diyos alang-alang sa akin.”17

“Dapat ninyong daigin ang kasamaan, at sa pamamagitan ng mabubuti ninyong halimbawa, hikayatin ang mga Elder na gumawa ng mabuti.”18

Iniulat ni Willard Richards: “Binasa ni Pangulong Joseph Smith ang paghahayag para kay Emma Smith, mula sa aklat ng Doktrina at mga Tipan [D at T 25]; at ipinahayag na siya ang … magpapaliwanag ng mga banal na kasulatan sa lahat; at magtuturo sa kababaihan ng komunidad; at hindi lamang siya, kundi ang iba rin, ay maaaring matamo ang gayunding mga pagpapala.”19

Iniulat ni Eliza R. Snow: “Sa pagkakaroon [ni Propetang Joseph Smith] ng ganitong pagkakataon, tinagubilinan niya ang kababaihan ng Samahang ito, at itinuro ang paraan para pangasiwaan ang kanilang sarili, nang sa gayon ay makakilos sila ayon sa kagustuhan ng Diyos. … “Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntuning ito, napakadakila at napakaluwalhati ng magiging gantimpala ninyo sa kahariang selestiyal! Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo. Ang kababaihan, kung sila ay dalisay at walang kasalanan, ay makapapasok sa kinaroroonan ng Diyos; sapagkat ano pa ang higit na nakalulugod sa Diyos kundi ang kawalan ng kasalanan; dapat kayong maging walang bahid-dungis, dahil kung hindi ay hindi kayo makaparoroon sa harapan ng Diyos; kung haharap tayo sa Diyos, dapat nating panatilihing dalisay ang ating mga sarili, tulad Niya na dalisay.”20

Hinihikayat ng Relief Society ang kababaihan na sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagpapakita ng awa at pag-iwas sa pagtatalu-talo.

“Kung gusto ninyong kaawaan kayo ng Diyos, kaawaan ninyo ang isa’t isa. … Puno tayo ng kasakiman; binibilog ng diyablo ang ating ulo at sinasabing napakabuti natin, samantalang nakatuon tayo sa mga kamalian ng iba. Makapamumuhay lamang tayo nang matwid sa pamamagitan ng pagsamba sa ating Diyos; kailangang gawin ito ng lahat para sa kanilang sarili; walang makagagawa nito para sa iba. Napakagiliw ng pakikipag-usap ng Tagapagligtas kay Pedro, na sinasabing, ‘Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.’ [Lucas 22:32.] Minsan, sinabi Niya sa kanya, ‘Iniibig mo baga ako?’ at nang matanggap ang sagot ni Pedro, sinabi Niya, ‘Pakainin mo ang aking mga tupa.’ [Juan 21:15–17.] Kung [mahal] ng kababaihan ang Panginoon, pakakainin nila ang mga tupa, at hindi sila pababayaan. …

“Kababaihan ng samahan, magkakaroon ba ng pagtatalu-talo sa inyo? Hindi ko pahihintulutan ito. Kailangan ninyong magsisi, at kamtin ang pagmamahal ng Diyos. Iwasan ang magmapuri sa sarili. Ang pinakamainam na sukatan o alituntunin para akayin ang maralita sa pagsisisi ay tugunan ang kanilang pangangailangan.”21

Iniulat ni Eliza R. Snow ang sumusunod na mga salita ng Propeta: “Bagaman ang mga hindi karapat-dapat ay nasa ating kalipunan, ang mga matwid, mula sa pagpapahalaga sa sarili, ay hindi dapat malungkot at pagmalupitan ang mga yaong sa kasa wiang-palad ay hindi naging karapat-dapat—dahil maging ang hindi karapat-dapat na mga taong ito ay dapat ding hikayatin na mamuhay nang matwid mula ngayon para ikarangal ng samahang ito, na pinakamainam na bahagi ng komunidad. Sinabi niya na may dalawa siyang bagay na imumungkahi sa mga miyembro ng samahang ito, na maging lalong maingat sa sinasabi sa isa’t isa: walang binuong samahan ang iiral kung wala ang lahat ng ito. … Ang layunin ay pagbaguhin ang mga taong hindi gaanong mabubuti at pabalikin sa landas ng kabutihan nang sila ay mapabilang sa mabubuti. …

“… Suriin ang inyong sarili—ang dila ay hindi napaaamo— pigilan ang inyong dila tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan— ang isang maliit na tsismis ay lilikha ng napakalaking problema.”22

“Ang mga munting sora ay naninira ng mga ubasan—ang mumunting kasaman ang siyang halos pumipinsala sa Simbahan. Kung may hinanakit kayo, at sinabi ninyo ito sa isa’t isa, ito ay malamang na lumikha ng malaking gulo.”23

“Huwag siraan ang pagkatao ng sinuman. Kung labag sa kagandahang- asal ang ipinapakita ng mga miyembro ng Samahan, kausapin sila, at panatilihing lihim ang lahat ng pakikipag-usap sa kanila, at ituring na sagrado ang pagkatao ng lahat ng tao.”24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Basahin ang sinabi ni Emma Smith sa dulo ng unang talata sa pahina 527. Sa inyong palagay bakit nakapagsagawa ng di karaniwang mga bagay ang kababaihan ng Relief Society? Sa paanong paraan kayo napagpala at ang inyong pamilya ng mga gawain ng kababaihan ng Relief Society? Basahin ang payo ni Lucy Mack Smith sa dulo ng unang buong talata sa pahina 528. Sa anong mga paraan sinusunod ng kababaihan ng Relief Society ang payong ito ngayon?

  • Binuo ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society sa “ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos sa priesthood” (pahina 528). Paano sila inihiwalay nito sa iba pang naglilingkod na organisasyon sa mundo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 528–29.) Sa inyong palagay bakit “noon lamang ganap na nabuo” ang organisasyon ng Simbahan nang itatag ni Joseph Smith ang Relief Society?

  • Paano inihahalintulad ngayon ang mga responsibilidad ng kababaihan sa Relief Society sa mga tungkuling natanggap ng kababaihan noon mula kay Joseph Smith? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 529–32.) Basahin ang ikatlong buong talata sa pahina 529. Sa anong mga paraan nakatulong sa atin ang mga oportunidad na maglingkod upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 531. Sa inyong palagay ano ang ibig sabihin ng magligtas ng isang kaluluwa? Sa anong mga paraan naisagawa ng mga miyembro ng Relief Society ang responsibilidad na ito, kapwa sa temporal at espirituwal?

  • Repasuhin ang pangalawa sa huling talata sa pahina 529 at ang ikaapat na buong talata sa pahina 531. Ano ang magagawa ng mga miyembro ng Relief Society para mahikayat na gumawa ng mabuti ang mga maytaglay ng priesthood? Ano ang magagawa ng mga maytaglay ng priesthood para suportahan ang kababaihan ng Relief Society sa kanilang gawain?

  • Basahin ang pangalawa sa huling talata sa pahina 531. Ano ang matututuhan natin sa pahayag na ito tungkol sa mga tungkulin at oportunidad ng bawat kababaihan?

  • Nagbabala ang Propeta laban sa “[pagtutuon] sa mga kamalian ng iba” (pahina 532). Sa inyong palagay ano ang ibig sabihin nito? Paano maaaring mahadlangan ng ugaling ito ang mga gawain ng Relief Society—o alinman sa korum o grupo sa Simbahan? Ano ang magagawa natin para mapakain ang mga tupa ng Panginoon sa halip na tumuon sa kanilang mga pagkakamali?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 31:10–31; I Mga Taga Corinto 13:8; D at T 25:1–16; 88:125

Mga Tala

  1. Sarah Granger Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, p. 51.

  2. Emma Smith, sinipi sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, entry para sa Mar. 17, 1842, p. 12, iniulat ni Willard Richards, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  3. Emma Hale Smith, Blessing, 1844, typescript, Church Archives.

  4. Binanggit ni Polly Angell, sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (1877), p. 76.

  5. Lucy Mack Smith, sinipi sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, entry para sa Mar. 24, 1842, p. 18–19, iniulat ni Eliza R. Snow, Church Archives.

  6. Sinipi sa Sarah Granger Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, p. 51.

  7. History of the Church, 4:567; mula sa “Ladies’ Relief Society,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Abr. 1, 1842, p. 743; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  8. History of the Church, 4:570, mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 30, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  9. History of the Church, 4:604–5; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  10. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow, sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, p. 40, Church Archives.

  11. History of the Church, 4:605; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  12. History of the Church, 5:20; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 26, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  13. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 17, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards, sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, p. 7, Church Archives.

  14. History of the Church, 4:567–68; mula sa “Ladies’ Relief Society,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Abr. 1, 1842, p. 743; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  15. History of the Church, 5:25; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 9, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  16. Liham mula kay Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan sa Relief Society sa Nauvoo, 1842, Nauvoo, Illinois; sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, p. 88, Church Archives.

  17. History of the Church, 5:141; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 31, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  18. History of the Church, 4:605; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  19. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 17, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards, sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, p. 8, Church Archives.

  20. History of the Church, 4:604–5; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  21. History of the Church, 5:24–25; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 9, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  22. History of the Church, 5:20; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 26, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  23. History of the Church, 5:140; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 31, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  24. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 17, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards, sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, p. 10, Church Archives.

organizing of Relief Society

Noong Marso 17, 1842, itinatag ni Propetang Joseph Smith ang Female Relief Society ng Nauvoo. “Nang maorganisa ang kababaihan noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan ,” pagpapahayag ng Propeta.

women

“Ito ay isang mapagkawanggawang Samahan. … Nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa pagdamay na iyon sa kapwa na itinanim ng Diyos sa inyong puso.”