Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 3: Jesucristo, ang Banal na Manunubos ng Daigdig


Kabanata 3

Jesucristo, ang Banal na Manunubos ng Daigdig

“Ang kaligtasan ay hindi darating sa mundo kung hindi sa pamamagitan ni Jesucristo.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Maraming taon bago isilang si Joseph Smith, nadama ng lolo niya sa ama na may isang bagay na mangyayari sa kanyang pamilya na “magpapabago sa mundo.”1 Itinala sa kasaysayan ni Joseph Smith: “Matagal nang sinabi ng lolo kong si Asael Smith na magkakaroon ng isang propeta sa kanyang pamilya, at lubos na nasiyahan ang aking lola na natupad iyon sa akin. Ang aking lolo Asael ay namatay sa East Stockholm, St. Lawrence county, New York, matapos tanggapin ang Aklat ni Mormon, at halos matapos itong basahin; at ipinahayag niya na ako nga ang Propetang matagal na niyang alam na darating sa kanyang pamilya.”2

Bilang Propeta ng Panunumbalik, isa sa pinakamahahalagang papel ni Joseph Smith ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Mapalad siya sa pagtatamasa ng personal na kaalaman ng kabanalan ni Jesucristo at maunawaan ang Kanyang tungkulin bilang Manunubos ng daigdig. Ang kaalamang ito ay nagsimula sa Unang Pangitain, kung saan nakita ng batang si Joseph ang Ama sa Langit at si Jesucristo at narinig ang Ama na nagsabing, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Sa banal na karanasang ito, nagkaroon ng pagkakataon si Joseph na makatanggap ng tagubilin mula sa Tagapagligtas ng mundo.

Halos labindalawang taon makalipas iyon, noong Pebrero 16, 1832, isinasalin ng Propeta ang Biblia, kasama si Sidney Rigdon bilang kanyang tagasulat, sa tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio. Pagkatapos isalin ng Propeta ang Juan 5:29, na naglalarawan sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti at ng masasama, isang pangitain ang nabuksan kina Joseph at Sidney, at nakita at nakausap nila ang Tagapagligtas:

“Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ang aming mga mata ay nabuksan at ang aming mga pang-unawa ay naliwanagan, upang aming makita at maunawaan ang mga bagay-bagay ng Diyos—maging yaong mga bagay na mula sa simula bago pa magkaroon ng daigdig, na inordenan ng Ama, sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, maging mula sa simula; na siya naming pinatototohanan; at ang patotoo na aming sinabi ay kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na siyang Anak, na siyang aming nakita at siyang aming nakausap sa isang makalangit na pangitain. …

“At aming namasdan ang kaluwalhatian ng Anak, sa kanang kamay ng Ama, at natanggap ang kanyang kaganapan; at nakita ang mga banal na anghel, at sila na mga pinabanal sa harapan ng kanyang luklukan, sinasamba ang Diyos, at ang Kordero, na siyang sumasamba sa kanya magpakailanman at walang katapusan.

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:12–14, 20–24).

Muling nakita ni Joseph Smith ang Tagapagligtas noong Abril 3, 1836. Ang Propeta at si Oliver Cowdery ay nagpunta sa kanlurang pulpito sa Kirtland Temple. Yumuko sila sa taimtim na panalangin, at pagkatapos niyon ay nagpakita sa kanila ang Tagapagligtas. Sinabi ng Propeta:

“Ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan, at ang mata ng aming pang-unawa ay nabuksan. Aming nakita ang Panginoon na nakatayo sa sandigan ng pulpito, sa aming harapan; at sa ilalim ng kanyang mga paa ay isang gawa na nalalatagan ng lantay na ginto, na ang kulay ay gaya ng amarilyo. Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig, maging ang tinig ni Jehova, na nagsasabing: Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama” (D at T 110:1–4).

Mula sa gayong mga karanasan, ang Propeta ay tuwirang nagkaroon ng kaalaman at naging natatanging saksi ng kabanalan ng Tagapagligtas.

Mga Turo ni Joseph Smith

Sa lahat ng dispensasyon, ang mga tao ng Diyos ay umasa sa Pagbabayad-sala ni Cristo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.

“Ang kaligtasan ay hindi darating sa mundo kung hindi namagitan si Jesucristo.”3

“Ang Diyos … ay naghanda ng isang sakripisyo sa pagkakaloob ng Kanyang sariling Anak, na isusugo sa takdang panahon para ihanda ang daan, o buksan ang pintuan kung saan maaaring pumasok ang tao tungo sa kinaroroonan ng Panginoon, kung saan siya itinaboy noon dahil sa hindi pagsunod. Paulit-ulit na narinig ng mga tao ang mabuting balitang ito sa iba’t ibang panahon ng mundo hanggang sa panahon ng pagdating ng Mesiyas.

“Sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala o plano ng pagtubos na ito, si Abel ay nag-alay sa Diyos ng isang hain na tinanggap, na mga panganay ng kawan. Inalay ni Cain ang bunga ng lupa, at hindi ito tinanggap, sapagkat hindi niya ito magawa nang may pananampalataya; hindi niya kayang magkaroon ng pananampalataya, o hindi makapagpakita ng pananampalataya na salungat sa plano ng langit. Kailangan ay pagbuhos ng dugo ng Bugtong na Anak ang tumubos sa tao, dahil ito ang plano ng pagtubos, at kung walang pagbuhos ng dugo ay walang kapatawaran [ng kasalanan]. At dahil isinagawa ang sakripisyo para pamarisan kung saan malalaman ng tao ang dakilang Sakripisyo na inihanda ng Diyos, kapag nag-alay ng sakripisyong taliwas doon ay walang pananampalatayang iiral, dahil ang pagtubos ay hindi isinagawa sa gayong paraan, ni ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ay hindi isinagawa sa gayong paraan; dahil dito hindi maaaring magkaroon ng pananampalataya si Cain; at anumang bagay na hindi ginawa sa pananampalataya, ay kasalanan. Ngunit si Abel ay nag-alay ng hain na katanggap-tanggap, kung saan pinatunayan niyang siya ay matwid, na Diyos Mismo ang nagpapatotoo sa kanyang mga handog [tingnan sa Mga Hebreo 11:4].

“Siyempre pa, ang pagbuhos ng dugo ng isang hayop ay walang saysay sa sinumang tao, maliban kung ginawa ito para gayahin, o kahalintulad ng, o paliwanag ng kung ano ang iaalay sa pamamagitan ng kaloob mismo ng Diyos—at gawin ito na nakatuon ang mata sa pananampalataya sa kapangyarihan ng dakilang Sakripisyong iyon para sa kapatawaran ng mga kasalanan. …

“… Hindi natin maaaring paniwalaan na ang mga tao noong una sa lahat ng panahon ay walang alam sa sistema ng kalangitan tulad ng inaakala ng marami, sapagkat lahat ng nangaligtas, ay nangaligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dakilang planong ito ng pagtubos, kahit noong bago pa dumating si Cristo; kung hindi, nagkaroon ang Diyos ng iba-ibang umiiral na plano (kung masasabi nga nating gayon), upang maibalik ang tao at manahanang kasama Niya. At hindi natin ito maaaring paniwalaan, dahil wala namang nabago sa likas na katangian ng tao simula nang mahulog siya; at ang ordenansa o pagsisimula ng pag-aalay ng dugo bilang sakripisyo ay nilayon lamang na gawin hanggang sa maialay si Cristo at maibuhos ang Kanyang dugo—tulad ng nasabi na—upang asamin ng tao ang panahong iyon nang may pananampalataya. …

“Na ang pag-aalay ng sakripisyo ay para lamang ituon ang kaisipan kay Cristo, ay mahihiwatigan natin sa kagila-gilalas na mga salitang ito ni Jesus sa mga Judio: ‘Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa’ [Juan 8:56]. Kung gayon pala, dahil nag-alay ng sakripisyo ang mga tao noong una hindi ito naging hadlang para marinig nila ang Ebanghelyo; kundi nakatulong ito, tulad ng nasabi na natin noon, na mamulat ang kanilang mga mata, at naging daan upang asamin nila ang panahon ng pagparito ng Tagapagligtas, at magalak sa Kanyang pagtubos. … Masasabi natin na sa tuwing ihahayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa mga tao noong unang panahon, at uutusan silang mag-alay ng sakripisyo sa Kanya, na ginawa iyon upang umasam sila nang may pananampalataya sa panahon ng Kanyang pagdating, at umasa sa kapangyarihan ng pagbabayad-salang iyon para sa ikapapatawad ng kanilang mga kasalanan. At nagawa ito ng libulibong nauna sa atin, na ang mga kasuotan ay walang batik, at tulad ni Job, ay naghihintay nang may katiyakan tulad niya, na makikita nila Siya sa mga huling araw sa lupa, maging sa kanilang laman [tingnan sa Job 19:25–26].

“Masasabi natin sa bandang huli, na bagaman may iba-ibang mga dispensasyon, gayunman ang lahat ng bagay na ipinaabot ng Diyos sa Kanyang mga tao ay nilayon upang ituon ang kanilang isipan sa dakilang layunin, at turuan silang umasa lamang sa Diyos na siyang may-akda ng kanilang kaligtasan, na nakasaad sa Kanyang batas.”4

Dahil bumangon si Jesucristo mula sa mga patay, mabubuhay na mag-uli ang buong sangkatauhan.

“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito. Ngunit kaugnay ng mga ito, naniniwala tayo sa kaloob na Espiritu Santo, sa kapangyarihan ng pananampalataya, sa pagtatamasa ng mga espirituwal na kaloob ayon sa kalooban ng Diyos, sa panunumbalik ng sambahayan ni Israel, at sa pagtatagumpay ng katotohanan sa bandang huli.”5

“ ‘Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin;’ lahat ay ibabangon mula sa mga patay [I Mga Taga Corinto 15:22]. Naisakatuparan na ng Kordero ng Diyos ang pagkabuhay na mag-uli, kaya nga lahat ay babangon mula sa mga patay.”6

“Nagtalaga ng isang araw ang Diyos kung kailan hahatulan Niya ang mundo, at tiniyak Niya ito nang ibangon Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo mula sa mga patay—kung saan nakasalig ang pag-asa ng lahat ng naniniwala sa binigyanginspirasyong talaan para sa kanilang kaligayahan at kagalakan sa hinaharap; dahil, ‘Kung si Cristo ay hindi muling binuhay,’ sabi ni Pablo sa mga taga-Corinto, ‘ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan; kayo’y nasa inyong mga kasalanan pa. Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Cristo ay pawang nangapahamak’ [I Mga Taga Corinto 15:17–18]. …

“Si Cristo Mismo ay tiyak na nagbangon mula sa mga patay; at kung bumangon Siya mula sa mga patay, patatayuin Niya, sa Kanyang kapangyarihan, ang lahat ng tao sa Kanyang harapan: sapagkat kung Siya ay bumangon mula sa mga patay ang gapos ng temporal na kamatayan ay nakalag kaya hindi magtatagumpay ang libingan. Kung hindi nga magtatagumpay ang libingan, yaong mga tumutupad sa mga sinabi ni Jesus at sumusunod sa Kanyang mga turo ay matatamo hindi lamang ang pangako ng pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan, kundi ang katiyakang matanggap sa Kanyang maluwalhating kaharian; sapagkat, sinabi Niya Mismo, ‘Kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko’ [Juan 12:26].”7

“Makakaasa yaong mga namatay na sumasampalataya kay Jesucristo na kanilang matatamo sa pagkabuhay na mag-uli ang lahat ng kagalakang naranasan at inaasam na maranasan nila sa buhay na ito. … Natutuwa akong magkaroon ng pribilehiyong maiparating sa inyo ang ilang bagay na kapag lubos na naunawaan ay makakatulong sa inyo kapag dumating ang lindol, nagtipon ang mga ulap, kumidlat, at sumapit ang unos na parang mga dagundong ng kulog. Panghawakan ang mga bagay na ito at huwag manginig ang inyong mga tuhod o kasu-kasuan, ni manlupaypay ang inyong puso; kung magkagayo’y ano pa ang magagawa ng mga lindol, digmaan at ipu-ipo? Wala. Lahat ng nawala sa inyo ay pupunan sa inyo sa pagkabuhay na mag-uli, kung patuloy kayong mananalig. Sa pamamagitan ng pangitain ng Makapangyarihang Diyos nakita ko ito. …

“Inihayag ng Diyos ang Kanyang Anak mula sa kalangitan at gayundin ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli; at alam nating ang mga inilibing natin dito ay muling ibabangon ng Diyos, na may pisikal na katawan at binuhay ng Espiritu ng dakilang Diyos; at ano ang halaga kung inilibing natin sila, o mamatay tayong kasama nila, kapag hindi na natin sila makakasama? Itanim natin ang katotohanang ito sa ating mga puso, nang dito pa lamang ay atin nang matamasa ang yaong tatamasahin natin nang lubos sa kabilang buhay.”8

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo at pagsunod sa ebanghelyo, magiging tagapagmana rin tayong kasama ni Jesucristo.

“Naniniwala ako sa Kabanalan ni Jesucristo, at na Siya ay namatay para sa mga kasalanan ng lahat ng tao, na nahulog dahil kay Adan.”9

Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3: “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”10

“Matapos likhain ng Diyos ang langit at lupa, bumaba siya at sa ikaanim na araw ay sinabi, ‘Lalangin natin ang tao sa ating larawan.’ Kaninong larawan? Sa larawan ng mga Diyos na lumikha sa kanila, lalaki at babae, walang kasalanan, maamo, at walang bahid-dungis, nagtataglay ng gayon ding katangian at larawang tulad ng mga Diyos [tingnan sa Genesis 1:26–27]. At nang mahulog ang tao hindi nawala ang kanyang larawan, kundi nanatili sa kanyang katauhan ang larawan ng kanyang Lumikha. Si Cristo, na siyang larawan ng tao, ay mismong larawan ng katauhan ng kanyang Ama [tingnan sa Mga Hebreo 1:3]. … Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at ng pagkabuhay na mag-uli, at pagsunod sa ebanghelyo, muli tayong aakma sa larawan ng kanyang Anak na si Jesucristo [tingnan sa Mga Taga Roma 8:29]; sa gayo’y nagawa nating matamo ang larawan, kaluwalhatian, at katangian ng Diyos.”11

“Ang Ama ng ating mga espiritu ay [naglaan] ng isang sakripisyo para sa Kanyang mga nilikha, isang plano ng pagtubos, isang kapangyarihan ng pagbabayad-sala, isang plano ng kaligtasan, na ang mga dakilang layunin ay ibalik ang mga tao sa piling ng Hari ng langit, na pinuputungan sila sa kaluwalhatiang selestiyal, at ginagawa silang mga tagapagmana kasama ng Anak sa pamanang iyon na hindi nasisira, dalisay, at hindi naglalaho.”12

“Sinasabi sa banal na kasulatan na yaong susunod sa mga utos ay magiging mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo. … ‘Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios: at kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.’ [Tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17.]”13

“Lubhang nakaaaliw sa mga namimighati kapag natawag silang humiwalay sa kanilang asawa, ama, ina, anak, o mahal na kamaganak, ang malaman na, bagaman ang tabernakulo [katawan] sa lupa ay inilibing at naagnas, muli silang babangon upang manahanan sa walang hanggang lagablab sa kaluwalhatiang imortal, upang hindi na muling magdalamhati, magdusa, o mamatay, kundi sila ay magiging mga tagapagmana sa Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo.”14

Si Jesucristo ay sakdal, dalisay, at banal, at inanyayahan Niya tayong tularan Siya.

“Sino, sa lahat ng Banal sa mga huling araw na ito, ang magtuturing sa kanyang sarili na kasimbuti ng ating Panginoon? Sino ang kasingsakdal Niya? Sino ang kasingdalisay Niya? Sino ang kasingbanal Niya? Matatagpuan ba sila? Hindi siya lumabag o sumuway sa isang utos o batas ng langit—walang kasinungalingan sa Kanyang bibig, ni pagkukunwari sa Kanyang puso. … Nasaan ang isang katulad ni Cristo? Hindi siya matatagpuan sa lupa.”15

“Ang nilalang ay nasakop sa kawalang-kabuluhan, nang hindi kinukusa, ngunit binigyan siya ni Cristo ng pag-asa [tingnan sa Mga Taga Roma 8:20]—lahat ay nasakop sa kawalang-kabuluhan habang naglalakbay sila sa mga liku-likong landas at paghihirap na nakapaligid sa kanila. Nasaan ang taong malaya sa kawalangkabuluhan? Walang sinumang sakdal maliban kay Jesus; at bakit Siya naging sakdal? Dahil Siya ay Anak ng Diyos, at may kaganapan ng Espiritu, at higit na kapangyarihan kaysa sinumang tao.”16

“Noong bata pa [si Jesucristo] taglay na Niya ang lahat ng talinong kailangan upang mapamunuan at mapamahalaan Niya ang kaharian ng mga Judio, at makapangatwiran sa pinakamatatalino at pinakamarurunong na dalubhasa sa batas at kabanalan, at pagmukhaing kalokohan ang kanilang mga teoriya at gawi kung ihahambing sa taglay Niyang karunungan.”17

“Nawa ay lagi ninyong pagbulay-bulayin sa inyong puso ang mga utos ng ating Panginoon, at ituro sa inyo, hindi lamang ang Kanyang kalooban sa pagpapahayag ng Kanyang Ebanghelyo, kundi pati na ang Kanyang pagpapakumbaba at sakdal na pamumuhay sa harapan ng lahat, maging sa mga oras na iyon ng matitinding pag-uusig at pagpapahirap na ipinalasap sa Kanya ng isang masama at mapangalunyang henerasyon. Tandaan, mga kapatid, na inanyayahan Niya kayong magpakabanal; at kailangan pa ba nating sabihing, maging katulad Niya sa kadalisayan? Kung gayon ay dapat kayong maging napakatalino, banal; malinis, at sakdal sa Kanyang paningin; at alalahanin din na lagi Siyang nakamasid sa inyo.”18

“Kapag pinagmumuni-muni natin ang kabanalan at kasakdalan ng ating dakilang Panginoon, na nagbukas ng daan para tayo makalapit sa kanya, maging sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng kanyang sarili, lumalambot ang ating puso sa kanyang pagpapakaaba. At kapag pinag-iisipan din natin, na nanawagan Siya sa atin na maging sakdal sa lahat ng bagay, nang tayo’y maging handang salubungin siya sa kapayapaan sa kanyang pagparito sa kanyang kaluwalhatian kasama ang lahat ng banal na anghel, naiisip nating hikayatin ang ating mga kapatid nang buong tapang, na magpakumbaba at manalangin, na tunay na mamuhay bilang mga anak ng liwanag at ng araw, nang sila ay mabiyayaang madaig ang bawat tukso, at magapi ang bawat kasamaan sa mabuting pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, mga kapatid, na talagang malapit na ang araw na ang Panginoon ng bahay ay babangon at sasarhan ang pintuan, at yaon lamang nakasuot ng damit para sa kasalan ang pahihintulutang magkaroon ng luklukan sa piging ng kasalan! [Tingnan sa Mateo 22:1–14.]”19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga salaysay tungkol sa mga pangitain ni Joseph Smith sa Tagapagligtas (mga pahina 53–56). Ano ang mga naiisip at nadarama ninyo kapag pinag-iisipan ninyo ang mga karanasang ito?

  • Noong unang panahon, nakatulong sa mga tao ang pagsasakripisyo ng mga hayop na “mamulat ang kanilang mga mata, at … asamin nila ang panahon ng pagparito ng Tagapagligtas, at magalak sa Kanyang pagtubos” (mga pahina 57–58). Ano ang ilang bagay na nakakatulong sa inyo na asamin ang Tagapagligtas ngayon?

  • Basahin ang ikalawang talata mula sa huli sa pahina 58. Pansinin na sa pahayag na ito, ang isang kalakip ay isang bagay na nauugnay sa mas mahalagang bagay, tulad ng isang sangang nakakabit sa katawan ng puno. Sa inyong palagay bakit mga patotoo ng mga apostol at propeta hinggil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang “mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon”? Paano kaya kayo maglilingkod sa tahanan at Simbahan kung aalalahanin ninyo na lahat ng iba pang bagay ay kalakip ng mga alituntuning ito?

  • Repasuhin ang mga turo ni Propetang Joseph tungkol sa pagkabuhay na mag-uli (mga pahina 58–61). Paano kayo naaaliw sa pagkaalam na “lahat ng nawala sa inyo ay pupunan sa pagkabuhay na mag-uli, kung patuloy kayong mananalig”? Sa anong mga paraan tayo matutulungan ng kaalaman tungkol sa pagkabuhay na mag-uli na “matamasa ang yaong tatamasahin natin nang lubos sa kabilang buhay”?

  • Sa pagrerepaso ninyo ng mga pahina 61–62, pag-isipan kung ano ang nagawa ng Tagapagligtas para maging kasama Niya tayong tagapagmana. Pag-isipan kung paano ninyo maipapakita ang inyong pasasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

  • Sa mga pahina 62–64, maraming binanggit na mga katangian ng Tagapagligtas si Propetang Joseph Smith. Anong iba pang mga katangian ang naiisip ninyo kapag pinag-iisipan ninyo ang buhay at misyon ng Tagapagligtas? Mag-isip ng isang bagay na magagawa ninyo para maging higit na katulad Niya.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Isaias 53:1–12; 2 Nephi 9:5–26; D at T 20:21–29

Mga Tala

  1. Iniulat ni George A. Smith, Deseret News, Ago. 12, 1857, p. 183.

  2. History of the Church, 2:443; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book B-1, mga karagdagan, p. 5, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  3. History of the Church, 5:555; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 27, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Willard Richards at William Clayton.

  4. History of the Church, 2:15–17; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Mar. 1834, p. 143.

  5. History of the Church, 3:30; mula sa isang editoryal na inilathala sa Elders’ Journal, Hulyo 1838, p. 44; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  6. History of the Church, 6:366; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  7. History of the Church, 2:18–19; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Mar. 1834, p. 144.

  8. History of the Church, 5:361–62; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 16, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  9. History of the Church, 4:78; mula sa isang liham ni Matthew L. Davis kay Mary Davis, Peb. 6, 1840, Washington, D.C., sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Peb. 5, 1840, sa Washington, D.C.

  10. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.

  11. Binanggit ni James Burgess, sa pagtitipon ng mga sipi mula sa mga talumpati ni Joseph Smith; James Burgess, Journals, 1841–48, tomo 2, Church Archives.

  12. History of the Church, 2:5; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Peb. 1834, p. 135.

  13. Binanggit ni George Laub, sa pagtitipon ng mga sipi mula sa mga talumpati ni Joseph Smith, ca. 1845; George Laub, Reminiscences and Journal Ene. 1845–Abr. 1857, p. 31, Church Archives.

  14. History of the Church, 6:306; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  15. History of the Church, 2:23; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Abr. 1834, p. 152.

  16. History of the Church, 4:358; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 16, 1841, sa Nauvoo, Illinois; iniulat sa Times and Seasons, Hunyo 1, 1841, pp. 429–30.

  17. History of the Church, 6:608; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 27, 1844, sa Carthage Jail, Carthage, Illinois; iniulat ni Cyrus H. Wheelock.

  18. History of the Church, 2:13; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Mar. 1834, p. 142.

  19. Liham ni Joseph Smith at ng mga high priest sa mga miyembrong kalalakihan sa Geneseo, New York, Nob. 23, 1833, Kirtland, Ohio, Church Archives.

Jospeh and Oliver

Nagpakita ang Tagapagligtas kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. “Ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan,” sabi ni Joseph, “at ang mata ng aming pang-unawa ay nabuksan. Aming nakita ang Panginoon na nakatayo sa sandigan ng pulpito.”

resurrected Lord

“Naisakatuparan na ng Kordero ng Diyos ang pagkabuhay na mag-uli, kaya nga lahat ay babangon mula sa mga patay.”

Christ with children

“Kapag pinag-iisipan natin ang kabanalan at kasakdalan ng ating dakilang Panginoon, … lumalambot ang ating puso sa kanyang pagpapakaaba.”