Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 41: Pagiging mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion


Kabanata 41

Pagiging mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion

“Paano sila magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion? Sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga templo, [pagtatayo ng bautismuhan], at sa pagtanggap ng lahat ng ordenansa … para sa kanilang mga ninuno na namatay.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Para sa mga miyembro ng Simbahan na naninirahan sa Nauvoo noong 1840s, ang pagsasagawa ng gawain para sa kanilang namayapang kamag-anak ang pinakamahalaga nilang pinagtutuunan ng pansin. Mula nang isagawa ang unang pagbibinyag para sa mga patay noong 1840, nagsaliksik na ang mga Banal ng mga impormasyon tungkol sa talaangkanan ng kanilang mga ninuno, at marami ang inilubog sa tubig ng binyag para sa namayapa nilang mga mahal sa buhay.

Noong una, ang pagbibinyag para sa mga patay ay isinagawa sa Ilog ng Mississippi o sa mga batis sa lugar na iyon. Subalit noong Enero 1841, nang magplano ang mga Banal para sa Nauvoo Temple, ipinahayag ng Panginoon: “Ang lugar na pinagbibinyagan ay wala sa mundo, na sila, aking mga banal, ay maaaring binyagan para sa yaong mga patay—sapagkat ang ordenansang ito ay nabibilang sa aking bahay, at hindi ko maaaring matanggap, maliban lamang sa mga araw lamang ng inyong karalitaan, kung saan hindi kayo maaaring makapagtayo ng bahay para sa akin” (D at T 124:29–30).

Ang mga pagbibinyag sa ilog para sa mga patay ay itinigil noong Oktubre 3, 1841, nang ipahayag ng Propetang: “Wala nang isasagawang mga pagbibinyag para sa mga patay, hanggang sa ang ordenansa ay isagawa sa Bahay ng Panginoon. … Sapagkat gayon ang wika ng Panginoon!”1 Kaagad nagsimulang magtayo ang mga Banal ng pansamantalang bautismuhan na yari sa kahoy sa kababagong hukay na silong ng Nauvoo Temple. Ang bautismuhan, na yari sa Wisconsin pine, ay nakapatong sa likod ng 12 baka na yari sa kahoy. Ito ay inilaan noong Nobyembre 8, para gamitin “hanggang matapos ang Templo, kung kailan may kapalit ng mas matibay na bautismuhan.”2 Noong Nobyembre 21, 1841, anim na miyembro sa Korum ng Labindalawa ang nagsagawa ng binyag para sa 40 kataong namayapa na, ang unang mga pagbibinyag para sa patay ay isinagawa sa bautismuhan.

Ang naranasan ng mga Banal sa pagbibinyag para sa mga patay ay nagturo sa kanila ng kahalagahan ng pag-iingat ng rekord sa Simbahan ng Panginoon. Bagaman ang pagbibinyag para sa mga patay sa mga ilog ay isinagawa sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood, ang mga ito ay hindi opisyal na naitala. Bunga nito, ang mga pagbibinyag na iyon ay kailangang muling isagawa. Sa isang mensaheng ibinigay noong Agosto 31, 1842, ipinaliwanag ng Propeta: “Ang lahat ng taong bininyagan para sa mga patay ay kailangang daluhan ng isang tagapagtala, nang sa gayon siya ay magsilbing saksi para maitala ito at mapatunayan ang katotohanan at katumpakan ng kanyang tala. … Samakatwid gawin ang pagtatala at pagsaksi sa mga pagbibinyag para sa mga patay at tiyaking nadaluhan ito mula sa araw na ito.”3 Tinalakay nang husto ng Propeta ang bagay na ito sa isang liham na isinulat niya sa mga Banal noong Setyembre 6. Ang mga sulat na ito ay mga bahagi 127 at 128 ngayon ng Doktrina at mga Tipan.

Sa bahagi 127, itinala ng Propeta ang sumusunod na mga tagubilin mula sa Panginoon: “Kapag sinuman sa inyo ay nabinyagan para sa inyong mga patay, magkaroon ng tagapagtala, at siya ang magiging saksi sa inyong mga pagbibinyag; makinig siya sa pamamagitan ng kanyang mga tainga, upang siya ay makapagpatotoo sa katotohanan, wika ng Panginoon; upang sa lahat ng inyong pagtatala ito ay maitala sa langit. … At muli, ang lahat ng tala ay isaayos, upang ang mga ito ay mailagay sa lugar ng talaan sa aking banal na templo, upang maalaala sa bawat sali’t salinlahi” (D at T 127:6–7, 9).

Sa pagsasagawa ng mga Banal sa sagradong gawaing ito, “nakita nila kalaunan na ang ilan ay may mahabang rekord ng kanilang mga patay, na hangad nilang pangasiwaan,” naalala ni Elder George A. Smith, miyembro ng Korum ng Labindalawa. Natanto nilang ito ay simula lamang ng napakalaking gawain, at ang isagawa ang lahat ng ordenansa ng Ebanghelyo sa napakaraming patay ay hindi madaling gawin. Ang ilan sa Labindalawa ay nagtanong kay Joseph kung wala na bang mas maikling paraan ng pangangasiwa sa napakaraming patay. Tumugon si Joseph: ‘Ang mga batas ng Panginoon ay hindi nagbabago; dapat tayong kumilos na lubos na sinusunod ang inihayag sa atin. Hindi natin kailangang umasa na magagawa natin ang napakalaking gawaing ito para sa mga patay sa napakaikling panahon.’ ”4

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ay nagpapakita ng napakalaking karunungan at awa ng Diyos.

“Ang lahat ng taong walang pagkakataon na marinig ang Ebanghelyo, at hindi napangasiwaan ng isang taong binigyan ng inspirasyon habang nasa laman, ay kailangang magkaroon ng pagkakataon sa kabilang buhay, bago sila mahatulan sa huli.”5

“Kapani-paniwalang ililigtas ng Diyos ang mga patay, tulad din ng ibabangon niya ang mga patay.

“Hindi kailanman nangyari na napakatanda na ng espiritu upang makalapit sa Diyos. Lahat sila na hindi nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran, na hindi magkakaroon ng kapatawaran, sa daigdig na ito ni sa daigdig na darating ay nasasakop ng awa at napapatawad. May paraan para mapalaya ang mga espiritu ng mga namatay sa bilangguan ng mga espiritu; iyon ay sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng Priesthood— sa pamamagitan ng pagbibigkis at pagkakalag sa mundo. Napakaganda ng doktrinang ito, sapagkat nagpapahayag ito ng dakila at banal na awa at kabaitan sa nasasaklawan ng plano ng kaligtasan ng tao.

“Ang maluwalhating katotohanang ito ay lubos na nilayong palawakin ang pang-unawa, at patatagin ang kaluluwa sa kabila ng mga paghihirap, problema at dalamhati. Para mailarawan ito, isipin ang dalawang magkapatid na lalaki, parehong matalino, may pinag-aralan, mabait at makisig, namumuhay nang matwid at malinis ang budhi, na nababatid kung ano ang nararapat at tamang gawin ng tao sa mga maling tradisyon, o sa isipang nadirimlan.

“Ang isa sa magkapatid ay namatay at inilibing, na hindi kailanman narinig ang Ebanghelyo ng pakikipagkasundo sa Diyos; ang isa naman ay nadalhan ng mensahe ng kaligtasan, narinig at tinanggap niya ito, at nagmana ng buhay na walang hanggan. Magiging kabahagi ba ang isa ng kaluwalhatian at ang isa naman ay malalagak sa matinding kapahamakan? Wala bang pagkakataong maligtas siya sa kapahamakan? Sagot ng mga sekta ‘wala.’ …

“Maliwanag na ipinapakita ng doktrinang ito ang karunungan at awa ng Diyos sa paghahanda ng ordenansa para sa kaligtasan ng mga patay, na bininyagan sa pamamagitan ng pagpapakatawan para sa kanila, ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa langit at hahatulan ayon sa ginawa nila rito sa lupa. Ang doktrinang ito ay madalas banggitin sa mga banal na kasulatan. Ang mga Banal na magbabalewala dito para sa kanilang namayapang mga kamag-anak, ay ginagawa ito sa ikapapahamak ng sarili nilang kaligtasan.”6

Noong Disyembre 1840, sumulat si Joseph Smith sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa at iba pang mga lider ng priesthood na nagmimisyon sa Great Britain: “Siguro ay narinig na ninyo ang tungkol sa doktrina ng ‘pagbibinyag para sa mga patay’ bago ninyo natanggap ang liham na ito, at may mga tanong na sa inyong isipan tungkol sa doktrinang ito. Hindi ko maibibigay sa liham na ito ang lahat ng impormasyon na hangad ninyo sa paksang ito; subalit … masasabi kong ito ay tunay na isinagawa ng sinaunang mga simbahan; at sinikap ni San Pablo na patunayan ang doktrina ng pagkabuhay na muli mula sa doktrina ring ito, at sinabing, ‘Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?’ [1 Mga Taga Corinto 15:29.]

“Una kong nabangit ang doktrina sa mga tao nang mangaral ako sa burol ni Brother Seymour Brunson; at mula noon ay nagbigay ng pangkalahatang mga tagubilin sa Simbahan tungkol sa paksang ito. Nagkaroon ng pribilehiyo ang mga Banal na mabinyagan para sa mga namayapa nilang kamag-anak. … Nang hindi na ipinaliliwanag pa ang paksa, walang alinlangang makikita ninyo na hindi ito pabagu-bago at may katwiran; at ipinapakita nito ang Ebanghelyo ni Cristo sa marahil ay mas pinalawak na pagsasagawa kaysa inaakala ng ilan.”7

Nagiging mga tagapagligtas tayo sa Bundok ng Sion sa pamamagitan ng pagsasagawa ng sagradong mga ordenansa para sa mga patay.

“Kung, sa pamamagitan ng Priesthood ng Anak ng Diyos, ay mabibinyagan natin ang isang tao sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo, para sa kapatawaran ng mga kasalanan, pribilehiyo rin natin na kumilos bilang kinatawan, at mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan para sa at alang-alang sa ating namayapang kamag-anak, na hindi nakarinig ng Ebanghelyo, o ng kaganapan nito.”8

“Isinasaad sa Biblia, ‘Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon; at kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.’ [Malakias 4:5–6.]

“Ngayon, ang salitang papagbabaliking-loob dito ay dapat isalin na pagbigkisin, o pagbuklurin. Subalit ano ba ang hangarin ng mahalagang misyong ito? o paano ba ito isasakatuparan? Ang mga susi ay kailangang ipagkaloob, ang diwa ni Elijah ay darating, ang ebanghelyo ay itatatag, ang mga Banal ng Diyos ay magtitipun- tipon, maitatayo ang Sion, at ang mga Banal ay magsisiakyat bilang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion [tingnan sa Obadias 1:21].

“Subalit paano sila magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion? Sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga templo, [pagtatayo ng bautismuhan], at sa pagtanggap ng lahat ng ordenansa, binyag, kumpirmasyon, paghuhugas, pagpapahid ng langis, ordenasyon at pagbubuklod sa kanilang uluhan, para sa kanilang mga ninuno na namatay, at tubusin sila upang sila ay makabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli at madakila sa mga trono ng kaluwalhatian na kasama sila; at narito ang tanikalang nagbibigkis sa puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa mga ama, na nagsasakatuparan ng misyon ni Elijah. …

“Kakaunti na lamang ang panahon ng mga Banal para iligtas at tubusin ang kanilang mga patay, at tipunin ang buhay nilang mga kamag-anak, nang sila rin naman ay maligtas, bago parusahan ang lupa, at dumating ang pagkawasak na itinakda [ng Diyos] sa mundo.

“Papayuhan ko ang mga Banal na gawin ang lahat ng kanilang makakaya at tipunin ang lahat ng buhay nilang kamag-anak sa [templo], upang sila ay mabuklod at maligtas, nang sa gayon maging handa sila para sa araw na maglilibot ang mapangwasak na anghel; at kung gagawin ng buong Simbahan ang lahat ng kanilang makakaya para iligtas ang kanilang mga patay, ibubuklod ang kanilang angkan, at titipunin ang buhay nilang mga kaibigan, at walang guguguling oras para sa mundo, bahagya silang makakatapos bago dumating ang gabi, kung kailan wala nang taong makagagawa pa.”9

“May pagbibinyag, at iba pa, na isinasagawa sa mga nabubuhay pa, at pagbibinyag para sa mga patay na namatay na walang nalalaman sa Ebanghelyo. … Hindi lamang mahalaga na kayo ay mabinyagan para sa inyong mga patay, subalit kailangan ninyong isagawa ang lahat ng ordenansa para sa kanila, tulad ng ginawa ninyo para iligtas ang inyong sarili. …

“… Dapat na may isang lugar kung saan ang lahat ng bansa ay makapupunta nang pana-panahon para tumanggap ng kanilang endowment; at sinabi ng Panginoon na ito [ang templo] ang magiging lugar para sa pagbibinyag ng mga patay. Ang bawat tao na nabinyagan at kasapi ng kaharian ay nararapat mabinyagan para sa mga namatay na; at kapag agarang sinunod dito ang batas ng Ebanghelyo ng kanilang mga kaibigan na bibinyagan para sa kanila, ang Panginoon ay may mga tagapangasiwa roon na magpapalaya sa kanila. Maaaring katawanin ng isang tao ang kanyang sariling mga kamag-anak; ang mga ordenansa ng Ebanghelyo na inihayag bago ang pagkakatatag ng mundo ay naisakatuparan na nila, at maaari tayong binyagan para sa mga taong labis nating kinagiliwan.”10

“Lahat ng namatay nang may pananampalataya ay pumupunta sa bilangguan ng mga espiritu para mangaral sa mga yaong ang mga katawan ay patay, subalit buhay sa espiritu; at ang mga espiritung iyon na namatay sa pananampalataya ay nangangaral sa mga espiritu [na nasa bilangguan] upang mangabuhay sila sa espiritu ayon sa Diyos, at ang mga tao sa mundo ang nangangasiwa para sa kanila; … at pinasaya sila ng mga paraang ito [tingnan sa 1 Ni Pedro 4:6]. Samakatwid, ang mga taong bininyagan para sa kanilang mga patay ay mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion, at kailangan nilang tanggapin ang paghuhugas at pagpapahid ng langis para sa kanilang mga patay gayundin para sa kanilang sarili.”11

Iniatang sa atin ng Diyos ang malaking responsibilidad na saliksikin at kilalanin ang ating mga patay.

Ipauunawa ko sa inyo ang tungkol sa mga patay. Ang lahat ng bagay na nakita ng Diyos sa kanyang walang hanggang karunungan na angkop at nararapat na ipahayag sa atin, habang tayo ay nasa mundong ito, na may kinalaman sa ating mortal na katawan, ay inihayag sa atin nang matalinghaga, at walang kaugnayan sa mortal na katawang ito, subalit lubos na inihayag sa ating mga espiritu na tila ba wala tayong mga katawan; at ang mga paghahayag na iyon na magliligtas sa ating espiritu ay magliligtas sa ating katawan. Ipinahahayag ng Diyos ang mga ito sa atin nang hindi tinitingnan ang walang hanggang pagkabulok ng katawan. Narito ang responsibilidad, ang malaking responsibilidad, na nakaatang sa atin na may kaugnayan sa ating mga patay; sapagkat ang lahat ng espiritu na hindi sumunod sa Ebanghelyo sa laman ay kailangan itong sundin sa espiritu dahil kung hindi sila ay mapapahamak. Napakabanal na isipin!—kakilakilabot na isipin! Wala na bang magagawa?—wala bang paghahanda—wala bang kaligtasan para sa ating mga ninuno at kaibigan na namatay na walang oportunidad na sundin ang mga kautusan ng Anak ng Tao? …

“Ano ang mga ipinangako kaugnay ng paksang kaligtasan ng mga patay? at anong uri ng mga pagkatao ang maililigtas, bagaman ang kanilang mga katawan ay naaagnas at nabubulok na sa libingan? Kapag tinuturuan tayo ng Kanyang mga utos, ito ay pagsasaalang-alang sa kawalang hanggan; sapagkat tinitingnan tayo ng Diyos na tila baga tayo ay nasa kawalang hanggan; naroroon ang Diyos sa kawalang hanggan, at hindi tinitingnan ang bagay tulad ng ginagawa natin.

“Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay. Sabi ng apostol, ‘Sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin’ [tingnan sa Sa Mga Hebreo 11:40]; sapagkat mahalagang mapasaating kamay ang kapangyarihang magbuklod na magbubuklod sa ating mga anak at sa ating mga patay sa kaganapan ng dispensasyon ng panahon—isang dispensasyon upang matugunan ang mga pangakong ginawa ni Jesucristo bago pa ang pagkakatatag ng mundo para sa kaligtasan ng tao.

“… Mahalagang ang mga nabuhay na nauna sa atin at ang mga isisilang pa ay dapat magtamo ng kaligtasan na kasama natin; at sa gayon iniutos ito ng Diyos sa tao. Kaya nga, sinabi ng Diyos, ‘Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon; at kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.’ [Malakias 4:5–6.]”12

Isinulat ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod sa isang liham sa mga Banal, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 128:15–18, 22, 24: “At ngayon, aking mga pinakamamahal na kapatid na lalaki at babae, hayaang aking tiyakin sa inyo na ang mga ito ay alituntuning may kinalaman sa mga patay at sa mga buhay na hindi maaaring ipagwalang-bahala nang gayungayon lamang, gaya ng nauukol sa ating kaligtasan. Sapagkat ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan, gaya ng sinabi ni Pablo hinggil sa mga ama—na sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap—ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap.

“At ngayon, kaugnay ng pagbibinyag para sa mga patay, akin kayong bibigyan ng isa pang sipi ni Pablo, 1 Mga Taga Corinto 15:29: Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?

“At muli, kaugnay ng siping ito akin kayong bibigyan ng isang sipi mula sa isa sa mga propeta, na itinuon ang kanyang mga mata sa pagpapanumbalik ng pagkasaserdote, ang mga kaluwalhatiang ipahahayag sa mga huling araw, at sa isang natatanging pamamaraan itong pinakamaluwalhati sa lahat ng paksang nabibilang sa walang hanggang ebanghelyo, alalaong baga’y, ang pagbibinyag para sa mga patay; sapagkat sinasabi ni Malakias, huling kabanata, talata 5 at 6: Masdan, aking isusugo sa inyo si Elijah ang propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon: At kanyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama, at baka ako ay pumarito at bagabagin ang mundo ng isang sumpa.

“Ako ay maaaring makapagbigay ng isang malinaw na pagkakasalin nito, subalit ito ay sapat na malinaw upang iangkop sa aking layunin gaya ng pagkakasalin nito. Sapat nang malaman, sa pangyayaring ito, na ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa maliban kung may isang pag-uugnay ng anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak, sa alinmang paksa o iba pa—at masdan ano ang paksang yaon? Ito ang pagbibinyag para sa mga patay. Sapagkat tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap. …

“… Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Paawitin ang mundo. Pagsalitain ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, na yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat ang mga bilanggo ay makalalaya. …

“… Samakatwid, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, maghain tayo sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan; at ating ialay sa kanyang banal na templo, kapag ito ay natapos na, ang isang aklat na naglalaman ng mga talaan ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap.”13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga pahina 549–52, na binibigyang-pansin kung paano nag-ibayo ang pag-unawa ni Joseph Smith at ng unang mga Banal tungkol sa doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay. Isipin kung ano ang maaaring nadama ng mga Banal noong unang matutuhan nila ang kaligtasan para sa mga patay. Ano ang nadama ninyo noong una kayong makibahagi sa mga ordenansa para sa mga patay?

  • Basahin ang huling talata sa pahina 552 at unang talata sa pahina 553. Paano ipinapakita ng doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ang pagkahabag at awa ng Diyos? Sa paanong mga paraan “[m]apalalawak ang pang-unawa” at “[m]apatatatag ang kaluluwa” ng doktrinang ito?

  • Ano ang ibig sabihin ng maging tagapagligtas sa Bundok ng Sion? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 554–57.) Sa inyong palagay bakit imposible para sa ating namayapang mga ninuno ang maging ganap kung wala tayo? Sa inyong palagay bakit imposible sa atin na maging ganap kung wala sila?

  • Repasuhin ang ilan sa mga turo ni Propetang Joseph Smith tungkol sa malaki nating responsibilidad na “saliksikin at kilalanin ang ating mga patay” (mga pahina 557–59). Ano ang mga naranasan ninyo sa mga nalaman ninyo tungkol sa inyong mga ninuno? Paano tumibay ang pagmamahal ninyo sa inyong pamilya at pananampalataya ninyo sa Diyos sa pagsasaliksik ninyo tungkol sa inyong mga ninuno? Paano naantig ng pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa inyong mga ninuno ang damdamin ninyo sa kanila?

  • Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga bata na pahalagahan ang pamana ng kanilang pamilya? Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga bata na makibahagi sa gawain sa templo at family history?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Roma 14:9; D at T 128:8–11

Mga Tala

  1. History of the Church, 4:426; mula sa katitikan ng isang kumperensya ng Simbahan na naganap noong Okt. 3, 1841, sa Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 15, 1841, p. 578.

  2. History of the Church, 4:446–47; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book C-1, addenda, p. 44, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  3. History of the Church, 5:141; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 31, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  4. George A. Smith, talumpating ibinigay noong Dis. 25, 1874, sa St. George, Utah; sa St. George Stake, General Minutes, tomo 4, Church Archives.

  5. History of the Church, 3:29; mula sa isang inilathalang editoryal sa Elders’ Journal, Hulyo 1838, p. 43; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  6. History of the Church, 4:425–26; mula sa katitikan ng isang kumperensya ng Simbahan noong Okt. 3, 1841, sa Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 15, 1841, p. 577–78.

  7. History of the Church, 4:231; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa Labindalawa, Dis. 15, 1840, Nauvoo, Illinois; mali ang petsang Okt. 19, 1840, sa liham na ito sa History of the Church.

  8. History of the Church, 4:569; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 27, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  9. History of the Church, 6:183–84; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 21, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  10. History of the Church, 6:365–66; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  11. Binanggit ni George Laub, sa pagtitipon ng mga sipi mula sa mga talumpati ni Joseph Smith, mga 1845; George Laub, Reminiscences and Journal Ene. 1845–Abr. 1857, p. 21, Church Archives.

  12. History of the Church, 6:312–13; ginawang makabago ang pagbabaybay; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  13. Doktrina at mga Tipan 128:15–18, 22, 24; isang liham ni Joseph Smith sa mga Banal, Set. 6, 1842, Nauvoo, Illinois.

Nauvoo Temple baptistry

Ang bautismuhan sa muling itinayong Nauvoo Temple. Sa bautismuhang tulad nito, tinanggap ng mga Banal ang ordenansa ng binyag para sa mga taong namatay na.

family doing genealogy

“Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay.”