Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 45: Ang Damdamin ni Joseph Smith Tungkol sa Kanyang Misyon Bilang Propeta


Kabanata 45

Ang Damdamin ni Joseph Smith Tungkol sa Kanyang Misyon Bilang Propeta

“Wala akong ibang hangad kundi gawan ng kabutihan ang lahat ng tao.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Mula pa sa simula ng ministeryo ni Propetang Joseph Smith, madalas nang malagay sa panganib ang kanyang buhay. Bagaman maraming beses siyang nailigtas ng Panginoon mula sa kanyang mga kaaway, alam ng Propeta na sa sandaling matapos na niya ang kanyang misyon sa lupa, siya ay maaaring mamatay. “Ipinapalagay ng ilan na hindi maaaring mamatay si Brother Joseph,” sabi niya sa isang libing sa Nauvoo noong 1842, “ngunit isang pagkakamali ito: totoo na maraming beses na pinangakuan akong pangangalagaan ang aking buhay upang maisagawa ang ilang bagay, ngunit, kapag nagawa ko na ang mga bagay na iyon, hindi ipinangako sa aking patuloy akong mabubuhay. Mamamatay din ako tulad ng ibang tao.”1

Alam ng Propeta na patuloy na nanganganib ang kalagayan niya at ng lahat ng Banal na naninirahan sa Nauvoo. Sa pagunlad ng Nauvoo, ilan sa mga naninirahan sa lugar ang nagsimulang matakot sa nag-iibayong lakas ng mga Banal sa pulitika at ekonomiya. Muli silang inumpisahang guluhin ng mga mandurumog. Ang Propeta ang siyang nasa pinakamapanganib na kalagayan, dahil ilang beses siyang tinangkang hulihin ng pulisya ng Missouri, at ang mga tumiwalag sa Simbahan ay lalong naging marahas sa ginagawang pagsira sa kanya. Noong Agosto 6, 1842, ipinahayag ng Propeta na darating ang panahon na mapipilitang lisanin ng mga miyembro ng Simbahan ang Nauvoo:

“Ipinopropesiya ko na ang mga Banal ay patuloy na daranas ng maraming hirap at itataboy papuntang Rocky Mountains. Marami ang mag-aapostasiya, ang iba’y papatayin ng ating mga tagausig o mamamatay bunga ng pagkalantad sa mga sakit, at ang ilan sa inyo ay mabubuhay upang magpatuloy at tumulong sa pagtatayo ng mga paninirahan at mga lungsod at makikitang maging maimpluwensyang tao ang mga Banal sa gitna ng Rocky Mountains.”2

Sa mga sermon at isinulat sa mga huling taon ng buhay ng Propeta, nagpapahiwatig ang mga ito na kailangang gawin agad ang isang bagay. Dahil alam niyang maikli ang kanyang buhay, masigasig siyang gumawa upang turuan ang mga Banal ng mga bagay na inihayag sa kanya ng Diyos at hinikayat silang maghandang tanggapin ang mga katotohanang ito. Nagpakita rin siya ng malaking pagmamahal sa mga Banal, at ipinahayag pa na handa siyang ialay ang kanyang buhay para sa kanila: “Ako ay nakahandang magsakripisyo sa paraang makapagdudulot ng pinakamalaking kapakinabangan at kabutihan.”3

Kahanga-hanga na habang nagtitiis ng napakatinding panguusig ang Propeta at abalang-abala sa mga gawaing hinihingi ng isang lumalagong Simbahan, nag-ukol siya ng panahon para ipakita na may malasakit siya sa bawat miyembro ng Simbahan. Sa sumunod na mga taon maraming Banal ang nakaalala sa pagmamahal at kabaitang ipinakita sa kanila ni Propetang Joseph Smith.

Naalala ni Aroet L. Hale: “Ang Propeta … ay madalas lumalabas ng Mansion [House] at nakikipaglaro ng bola sa aming mga bata, kasama ang anak niyang si Joseph na halos ka-edad ko. Laging sumusunod sa mga patakaran ng laro [ang Propeta]. Sinasalo niya ang bola at pinapalo ito kapag siya na ang titira, at dahil malaking tao siya, napakalayo ng nararating ng bolang pinalo niya kaya isinisigaw namin sa batang humahabol sa bola na dalhin na ang kanyang hapunan dahil tiyak na matagal bago siya makabalik. Natatawa ang Propeta kapag sinasabi ito. Si Joseph ay likas na mabait at masayahin.”4

Ikinuwento ni Margarette McIntire Burgess ang isa pang pangyayaring naranasan niya sa Nauvoo kasama ang Propeta: “Papunta kami noon sa paaralan ng kuya ko, malapit sa gusaling tinatawag na Joseph’s brick store. Nag-uulan bago ang araw na ‘yon, kaya napakaputik ng daan lalo na sa kalsadang iyon. Nalubog kami sa putik ng kapatid kong si Wallace, at hindi makaahon, at siyempre, dahil mga bata pa, nagsimula kaming umiyak, inaakalang hindi na kami makaaalis doon. Pero nang tumingala ako, nakita ko ang mapagmahal na kaibigan ng mga bata, si Propetang Joseph, na papunta sa amin. Hindi nagtagal nailipat niya kami sa mas mataas at tuyong lupa. Pagkatapos ay yumukod siya at nilinis ang putik mula sa maliliit at maputik naming sapatos, kinuha ang panyo mula sa kanyang bulsa at pinunasan ang aming mukha na may bakas ng luha. Magiliw at masaya niya kaming kinausap, at natutuwang inihatid kami sa daan papuntang paaralan. Nakapagtataka ba na mahal ko ang dakila, mabait at marangal na taong iyon ng Diyos?”5

Mga Turo Ni Joseph Smith

Itinuturo ng mga Propeta ang inihahayag ng Diyos sa kanila; sinisikap nating maunawaan at dinggin ang kanilang mga salita.

Ang pinagninilayan ko buong maghapon, at higit na nakalulugod sa akin, ay kung paano ko maipauunawa sa mga Banal ng Diyos ang mga pangitain na naiisip ko nang matindi at madalas. Ah, nalulugod akong iparating sa inyo ang mga bagay na hindi pa ninyo naisip kailanman! Ngunit ang mga kahirapan at alalahanin ng daigdig ay humahadlang sa aking gawin iyon. …

“Hosanna, hosanna, hosanna sa Makapangyarihang Diyos, nagsisimula na ngayong sumikat sa atin ang liwanag. Hindi ako makaapuhap ng mga salita para masabi ko ang nais kong sabihin. Hindi ako nakapag-aral ngunit may damdamin rin akong tulad ng iba. Ah! sana’y taglay ko ang husay sa pananalita ng isang arkanghel upang maipahayag ang nadarama ko sa aking mga kaibigan! Ngunit hindi ko kailanman inaasahan ito sa aking buhay.”6

“Napakahirap ipaisip ang anumang bagay sa henerasyong ito. Para kang gumamit ng kapirasong tinapay sa pagsibak ng matigas na kahoy, at ng kalabasa para gawing malyete. Maging ang mga banal ay mabagal makaunawa.

“Sinikap ko sa loob ng ilang taon na maihanda ang isipan ng mga Banal sa pagtanggap ng mga bagay ukol sa Diyos; subalit malimit na makakita kami ng ilan sa kanila, na matapos magpakasakit para sa gawain ng Diyos, ay nawawala katulad ng salaming madaling mabasag sa sandaling may dumating na anumang salungat sa kanilang mga kaugalian; hindi na nila matagalan ang pagsubok. Gaano karami ang makasusunod sa selestiyal na batas, at magpapatuloy at tatanggapin ang kanilang kadakilaan, hindi ko masasabi, dahil marami ang tinawag, subalit iilan lang ang napili [tingnan sa D at T 121:40].”7

“Hindi ako tulad ng ibang tao. Patuloy na abala ang aking isipan sa mga gawain sa araw-araw, at kailangan kong umasa nang lubusan sa Diyos na buhay sa lahat ng aking sasabihin sa mga okasyong tulad nito [na isang libing]. …

“Kung may inspirasyon, paghahayag at lakas ako para iparating ang mga napagnilayan na ng aking kaluluwa, bawat isa sa kongregasyong ito ay uuwi sa kanilang bahay at titigil sa pagsasalita tungkol sa relihiyon hanggang sa may matutuhan sila.

“Bakit ninyo tinitiyak na nauunawaan ninyo ang lahat ng bagay ukol sa Diyos, gayong hindi kayo nakatitiyak sa lahat ng bagay? Malaya kayong tanggapin ang lahat ng kaalaman at karunungang maibabahagi ko sa inyo.”8

“Sinasabi ng ilang tao na ako ay huwad na Propeta, dahil hindi ko ibinibigay ang lahat ng salita ng Panginoon. Bakit hindi ko ginagawa iyon? Natanggap na ba natin ito? Hindi pa! walang ni isa man sa silid na ito ang nakatanggap.”9

“Ihahayag ko sa inyo nang pana-panahon ang mga paksang ipinahayag ng Espiritu Santo sa akin. Lahat ng ginagawang kasinungalingan laban sa akin ay sa diyablo at ang impluwensya ng diyablo at kanyang mga alagad ay gagamitin laban sa kaharian ng Diyos. Ang mga tagapaglingkod ng Diyos ay walang itinuturo kundi mga alituntuning tungkol sa buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ninyo sila makikilala. Ang mabuting tao ay magsasalita ng mabubuting bagay at banal na mga alituntunin, at ang masamang tao ay magsasalita ng masasamang bagay. Nadarama ko, sa pangalan ng Panginoon, na dapat akong magalit sa lahat ng gayong masamang paniniwala, kasinungalingan, at iba pa, at binabalaan ko kayong lahat na mag-ingat sa taong uusigin ninyo. Hinihikayat ko kayong dinggin ang lahat ng kabutihan at turong ibinigay ko sa inyo. …

“Pinapayuhan ko kayong pag-isipan ito—idagdag sa inyong pananampalataya ang kagalingan, pagmamahal, at iba pa. Sinasabi ko, sa pangalan ng Panginoon, kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo, kayo ay magiging masagana [tingnan sa 2 ni Pedro 1:5-8]. Pinapatotohanan ko na walang taong may kapangyarihang ihayag ito kundi ako—mga bagay na nasa langit, sa lupa at sa impiyerno. … Binibigyang-puri ko kayo sa Diyos, nang sa gayo’y manahin ninyo ang lahat ng bagay; at nawa’y idagdag ng Diyos ang Kanyang pagpapala.”10

Bagamat ang mga propeta ay may mga kahinaan din tulad ng karaniwang tao, sila ay tinawag ng Diyos para turuan at pamunuan ang Kanyang mga tao.

Nakatala sa journal ng Propeta noong Nobyembre 6, 1835: “Nitong umaga ipinakilala sa akin ang isang lalaking mula sa silangan. Matapos marinig ang aking pangalan, sinabi niya na tulad lang ako ng karaniwang tao, ipinahihiwatig niya sa sinabi niyang ito, na inakala niya na ang taong itinuring ng Panginoon na akma para magpahayag ng Kanyang kalooban ay dapat hindi karaniwang tao. Tila nalimutan niya ang sinambit ni San Santiago, na nadarama rin ni [Elijah] kung ano ang nadarama natin, subalit malakas ang pananampalataya niya sa Diyos, kung kaya, bilang sagot sa kanyang dalangin, sinarhan ng Diyos ang kalangitan upang hindi ito magbigay ng ulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan; at muli, bilang sagot sa kanyang dalangin, ang langit ay nagbigay ng ulan mula sa kalangitan at ang lupa ay namunga ng kanyang bunga [tingnan sa Santiago 5:17–18]. Tunay ngang gayon ang kadiliman at kawalang-muwang ng henerasyong ito, kung kaya itinuturing nilang hindi kapani-paniwala na maaaring magkaroon ng anumang [ugnayan] ang tao sa kanyang Tagapaglikha.”11

“Kailan ba ako nagturo ng mali mula sa pulpitong ito? Kailan ba ako nalito? Nais kong magtagumpay sa Israel bago ako lumisan at hindi na muling makita. Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko. Dahil dito ako ba’y ituturing na lang na walang kabuluhan?” 12

“Bagamat nakagagawa ako ng mali, hindi ko ginagawa ang maling ibinibintang sa akin: tulad ng iba, nakagagawa ako ng mali dahil sa kahinaang likas sa tao. Walang nabubuhay nang hindi nagkakamali. Sa palagay ba ninyo, maski si Jesus kung Siya man ay narito, hindi ninyo siya hahanapan ng mali? Nagsalita ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa Kanya ang kanyang mga kaaway— lahat sila’y naghanap ng masama sa Kanya.”13

Nakatala sa journal ni Joseph Smith noong Oktubre 29, 1842: “Ako … ay nagpunta sa tindahan [sa Nauvoo, Illinois], kung saan nagtipon ang ilang miyembro ng simbahan, babae at lalaki, na nagmula sa mga lugar na nakapalibot sa New York City. … Sinabi ko sa kanila na ako ay tao lamang, at hindi nila dapat asahang perpekto ako; kung umaasa sila ng pagkaperpekto mula sa akin, dapat ko ring asahan iyon sa kanila; ngunit kung pagtitiyagaan nila ang mga kahinaan ko at ng mga kapatid, pagtitiyagaan ko rin naman ang kanilang mga kahinaan.”14

Sa kabila ng oposisyon, naisasagawa ng mga propeta ang misyon na ibinigay sa kanila ng Diyos.

“Masaya ako at nagpapasalamat sa pribilehiyong makadalo sa kaganapang ito. Matindi ang pagpupumilit ng aking mga kaaway na dalhin ako sa Missouri at patayin ako; ngunit hinadlangan sila ng Panginoon, at hindi pa nila naisagawa ang kanilang layunin. Nagawa ng Diyos na ilayo ako sa kanilang mga kamay. Ako ay nakipaglaban ng isang mabuting laban. …

“Magtatagumpay ako laban sa aking mga kaaway: Nasimulan ko nang magtagumpay sa lupaing ito, at gagawin ko ito sa ibang bayan. At yaong sumasalungat sa akin ay tiyak na madarama ang bigat ng kanilang pagkakasala sa kanilang sarili mismo.”15

“Masigasig at matapat at may awtoridad akong nagsasalita sa inyo. … Alam ko ang sinasabi ko; nauunawaan ko ang aking misyon at gawain. Ang makapangyarihang Diyos ang aking kalasag; at ano ang magagawa ng tao kung ang Diyos ay kaibigan ko? Hindi ako isasakripisyo hangga’t hindi ko pa oras; pagkatapos ako ay kusang iaalay. … Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil iniligtas ako mula sa aking mga kaaway; wala akong magiging mga kaaway maliban lang kung ipagtatanggol ko ang katotohanan. Wala akong hangad kundi ang gawan ng kabutihan ang lahat ng tao. Nais kong ipagdasal ang lahat ng tao.”16

“Kung hindi ako naging bahagi ng gawaing ito at tinawag ng Diyos, aatras ako. Ngunit hindi ako makaaatras: Hindi ko pinagaalinlanganan ang katotohanan.”17

“Ako ay isang magaspang na bato. At kung hindi ako sinimulang pakinisin ng Panginoon ay hindi ako kailanman nagamitan ng pait at martilyo. Tanging ang kaalaman at karunungang mula sa langit ang hangad ko.”18

“Nagpopropesiya at nagpapatotoo ako ngayong umaga na ang lahat ng pinagsamang kapangyarihan ng lupa at impiyerno ay hindi kailanman kakayanin o kailanman magagapi o madaraig ang batang lalaking ito, sapagkat pinangakuan ako ng Diyos na walang hanggan. Kung ako man ay nagkasala, nagawa ko ito nang hindi ko sinasadya; ngunit walang alinlangang pinagnilayan ko ang mga bagay ng Diyos.”19

Kapag umaasa ang mga tao sa pundasyon ng iba, ginagawa nila ito sa sarili lamang nila, nang walang awtoridad mula sa Diyos; at kapag dumating ang baha at umihip ang hangin, matutuklasan nilang buhangin lang pala ang kanilang pundasyon, at buung-buong madudurog ito.

“Nagtayo o sumalig ba ako sa pundasyon ng ibang tao? Nasa akin ang lahat ng katotohanang angkin ng daigdig ng mga Kristiyano, at may dagdag pang sariling paghahayag, at papagtatagumpayin ako ng Diyos.”20

Minamahal ng mga Propeta ang kanilang mga pinaglilingkuran at hangad na pamunuan silang mabuti, kahit na sa paggawa nito ay kailangang pagsabihan sila.

“Walang may lalong dakilang pag-ibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan [tingnan sa Juan 15:13]. Natuklasan ko na daan-daan at libu-libo sa aking mga kapatid ang handang isakripisyo ang kanilang buhay para sa akin.

“Napakabigat ng pasaning dumating sa akin. Hindi ako tinitigilan ng mga kumakalaban sa akin, at natuklasan ko na sa gitna ng mga gawain at alalahanin, ang espiritu ay may ibig [o handang kumilos], datapwa’t mahina ang laman. Bagamat ako ay tinawag ng aking Ama sa Langit upang ilatag ang pundasyon nito ng dakilang gawain at kaharian sa dispensasyong ito, at patotohanan ang Kanyang inihayag na kalooban sa nakakalat na Israel, nadarama ko rin ang nadarama ng ibang tao, tulad ng mga propeta noong unang panahon. …

“Wala akong nakikitang mali sa Simbahan, samakatuwid hayaan ninyong mabuhay akong muli kasama ng mga Banal, umakyat man ako sa langit o bumaba sa impiyerno, o pumunta sa iba pa mang lugar. At kung pupunta tayo sa impiyerno, itataboy nating palabas ang mga diyablo at gagawin itong langit. Kung saan naroon ang mga taong ito, magandang lipunan ang naroroon.”21

“Hindi dapat akalain ng mga Banal na dahil malapit ako sa kanila at nakikipaglaro at nakikipagtawanan, ay wala na akong alam sa nangyayari. Hindi papayagan sa Simbahan ang anumang uri ng kasamaan, at hindi ito mangyayari hangga’t naririto ako; dahil matibay ang pasiya kong pamunuan ang Simbahan, at pamunuan ito nang tama.”22

“Kung ako man ay lubos na pinalad na maunawaan ang Diyos, at maipaliwanag ang mga alituntunin sa inyong mga puso, nang sa gayon ay mapagtibay ito sa inyo ng Espiritu, kung gayon ang bawat lalaki at babae ay dapat maupo nang tahimik, takpan ng kanilang mga kamay ang kanilang bibig at huwag magtaas ng kamay o tinig, o magsalitang muli ng anumang laban sa tao ng Diyos o sa mga tagapaglingkod ng Diyos. … Kung ipinaaalam ko sa inyo ang bagay tungkol sa Kanya, dapat lamang na humintong lahat ang pag-uusig laban sa akin. At malalaman ninyo na ako ay Kanyang tagapaglingkod; sapagkat ako ay nagsasalita nang may awtoridad. …

“… Matitikman ko ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, at gayon din kayo. Ibinigay sa akin ang mga ito para sa paghahayag ni Jesucristo; at alam ko na kung sasabihin ko sa inyo ang mga salitang ito ng buhay na walang hanggan ayon sa pagkakabigay nito sa akin, matatamasa ninyo ang mga ito, at alam ko na paniniwalaan ninyo ang mga ito. Sinasabi ninyong matamis ang pulot at sinasabi ko rin ito. Matitikman ko rin ang diwa ng buhay na walang hanggan. Alam ko na ito ay mabuti; at kapag sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makatitiyak kayo na matatanggap ninyo ito nang ganoon din katamis, at magagalak nang magagalak. …

“Layunin kong iparating sa lahat ang aking mga sinasabi, kapwa sa mayaman at mahirap, alipin at malaya, malalaki at maliliit. Wala akong galit kaninuman. Mahal ko kayong lahat; ngunit napopoot ako sa ilang ginagawa ninyo. Ako ang inyong matalik na kaibigan, at kung magkulang man ang mga tao sa nais nilang kamtin, pagkakamali nila iyon. Kung kagagalitan ko ang isang tao, at mapopoot siya sa akin, siya ay hangal; sapagkat mahal ko ang lahat ng tao, lalo na ang aking mga kapatid sa Simbahan.

“… Hindi ninyo ako kilala; hindi ninyo alam ang saloobin ng aking puso. Walang taong nakaaalam ng aking kasaysayan. Hindi ko ito maisasalaysay: hindi ko ito kailanman magagawa sa sarili ko lamang. Hindi ko masisisi ang sinuman kung hindi paniwalaan ang aking kasaysayan. Kung hindi ko ito naranasan, ako mismo ay hindi maniniwala rito. Wala akong sinaktang tao mula nang isilang ako sa mundo. Kapayapaan ang lagi kong panawagan.

“Hindi ako makapagpapahinga hangga’t hindi natatapos ang aking gawain. Wala akong inisip na masama, o ginawang anuman na makasasakit sa aking kapwa. Kapag ako ay tinawag sa tinig ng arkanghel at tinimbang sa timbangan, makikilala na ninyo ako. Wala na akong idaragdag pa. Pagpalain kayong lahat ng Diyos.”23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Sa pahina 605 basahing muli ang tungkol sa pag-uusig na naranasan ni Joseph Smith sa Nauvoo. Pagkatapos ay ilipat sa mga pahina 606–7 at repasuhin ang mga kuwento tungkol sa paglilingkod at pakikipaglaro niya sa mga bata sa Nauvoo. Sa inyong palagay bakit niya nagawang manatiling maging masayahin at mapagmalasakit? Pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo para manatiling masaya at mapagmahal sa oras ng mga pagsubok.

  • Basahin ang huling talata sa pahina 607 at unang talata sa pahina 608 at bigyang-pansin ang nadamang lungkot ni Joseph nang hindi pa handa ang mga Banal na matanggap ang lahat ng gusto niyang ituro sa kanila (tingnan sa mga pahina 608–9). Ano ang makahahadlang sa kakayahan nating tumanggap ng dagdag na katotohanan? Ano ang magagawa natin para “maging handa sa pagtanggap ng mga bagay ng Diyos’?

  • Repasuhin ang ikalawang buong talata sa pahina 609 at ang dalawang sumunod na talata. Anong payo ang maibibigay ninyo sa isang taong ayaw sumunod sa isang lider ng Simbahan dahil may problema sa pag-uugali ang lider? Basahin ang ikalawang buong talata sa pahina 610 at pag-isipan kung paano naaangkop ang pahayag na ito sa lahat ng ating mga pakikipag-ugnayan.

  • Nagpahayag si Joseph Smith ng pananampalataya na pangangalagaan siya ng Diyos at bibigyan siya ng kakayahang isakatuparan ang kanyang misyon sa buhay (mga pahina 610–11. Anu-ano ang mga naging karanasan ninyo kung kailan tinulungan kayo ng Diyos na gampanan ang mga responsibilidad ninyo sa inyong pamilya o sa tungkulin ninyo sa Simbahan?

  • Pag-aralan ang huling dalawang talata sa pahina 613. Kailan ninyo natikman ang tamis ng katotohanan? Paano tayo magagalak sa mga salita ng propeta o ng iba pang lider ng Simbahan kahit pinagsasabihan niya tayo dahil sa ating mga pagkakamali?

  • Mabilis na repasuhin ang buong kabanata at hanapin ang isa o dalawang pahayag na partikular na nakatulong sa inyo? Ano ang pinasasalamatan ninyo sa mga pahayag na pinili ninyo? Paano naimpluwensyahan ng kabanatang ito ang inyong patotoo kay Propetang Joseph Smith?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Daniel 2:44–45; 2 Kay Timoteo 4:6–8; Jacob 1:17–19; Mosias 2:9–11; Mormon 9:31

Mga Tala

  1. History of the Church, 4:587; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 9, 1842, sa Nauvoo, Illinois iniulat ni Wilford Woodruff.

  2. History of the Church, 5:85; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book D-1, p. 1362, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  3. History of the Church, 5:159; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay James Arlington Bennet, Set. 8, 1842, Nauvoo, Illinois; mali ang pagbabaybay na “Bennett” sa apelyido ni James Bennet sa History of the Church.

  4. Aroet L. Hale, “First Book or Journal of the Life and Travels of Aroet L. Hale,” pp. 23–24; Aroet Lucius Hale, Reminiscences, ca. 1882, Church Archives.

  5. Margarette McIntire Burgess, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Ene. 15, 1892, pp. 66–67.

  6. History of the Church, 5:362; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 16, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  7. History of the Church, 6:184–85; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 21, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  8. History of the Church, 5:529–30; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 13, 1843 sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  9. History of the Church, 4:478; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Dis. 19, 1841, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  10. History of the Church, 6:366–67; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  11. History of the Church, 2:302; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Nob. 6, 1835, Kirtland, Ohio.

  12. History of the Church, 6:366; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  13. History of the Church, 5:140; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 31, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  14. History of the Church, 5:181; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa journal ni Joseph Smith, Okt. 29, 1842, Nauvoo, Illinois.

  15. History of the Church, 5:139–40; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 31, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  16. History of the Church, 5:257, 259; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 22, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  17. History of the Church, 5:336; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  18. History of the Church, 5:423; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 11, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  19. History of the Church, 5:554; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 27, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Willard Richards at William Clayton.

  20. 20 History of the Church, 6:479; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 16, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock; tingnan din sa apendise, pahina 655 aytem 3.

  21. History of the Church, 5:516–17; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 23, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  22. History of the Church, 5:411; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 27, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  23. History of the Church, 6:304–5, 312, 317; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

Prophet Joseph with children

Nag-ukol ng oras si Joseph Smith para ipakita na may malasakit siya sa bawat isa sa mga Banal. Naalala ni Margarette McIntire Burgess ang Propeta, na tinawag niyang “ang mapagmahal na kaibigan ng mga bata,” nang malubog sila ng kapatid niya sa putik at tinulungan sila nito.

Prophet Joseph

“Layunin kong iparating sa lahat ang aking mga sinabi, kapwa sa mayaman at mahirap, alipin at malaya, malalaki at maliliit. … Mahal ko ang lahat ng tao, lalo na ang aking mga kapatid sa Simbahan.”