Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 46:Ang Pagkamatay Bilang Martir: Tinatakan ng Propeta ng Kanyang Dugo ang Kanyang Patotoo


Kabanata 46

Ang Pagkamatay Bilang Martir: Tinatakan ng Propeta ng Kanyang Dugo ang Kanyang Patotoo

“Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Ang taglamig at tagsibol ng 1843–44 ay panahon ng matinding tensyon sa Nauvoo habang lalong tumitindi ang paghahangad ng mga kalaban ni Joseph Smith na pabagsakin siya at ang Simbahan. Dahil alam niyang matatapos na ang kanyang ministeryo sa lupa, madalas na nakipagpulong ang Propeta sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol upang tagubilinan sila at ibigay sa kanila ang mga susi ng priesthood na kailangan sa pamamahala sa Simbahan. Nagtapos ang mga paghahandang ito sa pakikipagpulong sa mga Apostol at sa ilan pang malalapit na kasamahan noong Marso 1844. Sa ganitong di pangkaraniwang pulong, inatasan ng Propeta ang Labindalawa na pamahalaan ang Simbahan pagkamatay niya, at ipinaliwanag na naigawad na niya sa kanila ang lahat ng ordenansa, awtoridad, at mga susing kailangan para magawa ito. “Inililipat ko ang dalahin at responsibilidad ng pamumuno sa Simbahang ito mula sa aking mga balikat patungo sa inyo,” pahayag niya. “Ngayon, balikatin ninyo ito at manindigan kayo bilang mga tunay na lalaki; dahil ako’y pagpapahingahin muna ng Panginoon.”1

Noong Hunyo 10, 1844, si Joseph Smith na mayor ng Nauvoo, at ang konseho ng lungsod ng Nauvoo ay nag-utos na wasakin ang Nauvoo Expositor at ang palimbagan nito. Ang Nauvoo Expositor ay isang pahayagang laban sa mga Mormon na bumatikos sa Propeta at sa iba pang mga Banal at umapelang baguhin ang Nauvoo Charter. Nangamba ang mga opisyal ng lungsod na baka maging dahilan ang lathalaing ito para kumilos ang mga mandurumog. Dahil sa ginawang pagkilos ng mayor at konseho ng lungsod, inakusahan nang walang basehan ng pulisya ng Illinois ang Propeta, ang kanyang kapatid na si Hyrum, at iba pang mga opisyal ng lungsod ng Nauvoo ng panggugulo. Iniutos ni Thomas Ford, gobernador ng Illinois, na humarap sa korte sa Carthage, Illinois, na kabisera ng lungsod, ang mga kalalakihang ito at pinangakuang poproteksyunan sila. Alam ni Joseph na kung pupunta siya sa Carthage, malalagay sa matinding panganib ang buhay niya mula sa nagbabantang mga mandurumog.

Dahil naniniwala na sila lamang ang gusto ng mga mandurumog ipinasiya nina Joseph at Hyrum na umalis papuntang Kanluran para iligtas ang kanilang buhay. Noong Hunyo 23, tinawid nila ang Ilog ng Mississippi, ngunit kalaunan nang araw na iyon, natagpuan ng mga kapatid na kalalakihan ang Propeta at sinabi sa kanyang lulusubin ng mga kawal ang lungsod kung hindi siya susuko sa mga awtoridad sa Carthage. Pumayag na sumuko ang Propeta, umaasang makapagpapakalma ito sa mga opisyal ng gobyerno at mga mandurumog. Noong Hunyo 24, nagpaalam sina Joseph at Hyrum Smith sa kanilang pamilya at kasama ang iba pang mga opisyal ng lungsod ng Nauvoo ay nagpunta sila sa Carthage at kusang sumuko sa mga opisyal ng bayan sa Carthage kinabukasan. Matapos mapakawalan sa pamamagitan ng piyansa ang magkapatid, pinaratangan sila ng rebelyon laban sa estado ng Illinois, hinuli, at ikinulong sa Carthage Jail habang naghihintay ng paglilitis. Kusa silang sinamahan nina Elder John Taylor at Willard Richards, tanging mga miyembro ng Labindalawa na hindi naglilingkod noon sa misyon.

Nang kinahapunan ng Hunyo 27, 1844, tahimik at malungkot na nakaupo sa piitan ang maliit na pangkat ng mga kalalakihang ito ng Simbahan. Hiniling ng isa sa kanila kay Elder Taylor, na magandang umawit ng tenor, na awitan sila. Maya-maya’y umawit siya: “Isang taong manlalakbay, na laging nakikita ko, ang sa akin ay nagsumamo at s’ya’y di ko matanggihan.”2 Naalala ni Elder Taylor na ang himnong iyon ay “akmang-akma sa nadarama namin nang oras na iyon dahil lahat kami ay malungkot, matamlay, at namamanglaw.”3

Ilang sandali pa makalipas ang ikalima ng hapon, isang malaking grupo ng mga mandurumog ang sumalakay sa piitan, at pinaulanan ng bala ang mga kalalakihan sa loob. Ilang minuto pa at naisagawa ang karumal-dumal na krimen. Unang nabaril si Hyrum Smith at kaagad namatay. Himalang nasugatan lamang nang mababaw si Elder Richards; bagamat nasugatan nang malubha, nakaligtas si Elder John Taylor at naging pangatlong Pangulo ng Simbahan. Tumakbo sa bintana si Propetang Joseph at nabaril na kaagad niyang ikinamatay. Tinatakan ng Propeta ng Panunumbalik at ng kanyang kapatid na si Hyrum ang kanilang patotoo ng kanilang dugo.

Mga Turo ni Joseph Smith

Pinangalagaan ng Diyos si Joseph Smith hanggang sa matapos ang kanyang misyon sa mundo.

Noong Agosto 1842, sinabi ni Joseph Smith: “Nadarama ko sa oras na ito na pinangangalagaan ako ng Makapangyarihang Panginoon hanggang ngayon, at patuloy niya akong pangangalagaan, sa pamamagitan ng sama-samang pananampalataya at panalangin ng mga Banal, hanggang sa ganap kong maisagawa ang aking misyon sa buhay na ito, at matibay nang naitatag ang dispensasyon ng kaganapan ng priesthood sa mga huling araw kung kaya’t lahat ng lupa at impiyerno ay hindi magsisipanaig laban dito.”4

Noong Oktubre 1843, sinabi ng Propeta: “Hinahamon ko ang buong sandaigdigan na subukan nilang wasakin ang gawain ng Diyos; at ipinopropesiya ko na hindi sila kailanman magkakaroon ng kapangyarihang patayin ako hangga’t hindi natatapos ang aking gawain, at handa na akong mamatay.”5

Noong Mayo 1844, sinabi ng Propeta: “Pangangalagaan akong lagi ng Diyos hanggang sa maisakatuparan ko ang aking misyon.”6

Noong Hunyo 1844, sinabi ng Propeta: “Hindi ko pinahahalagahan ang buhay ko nang higit kaysa sa iba. Handa akong maialay bilang sakripisyo para sa mga taong ito; sapagkat ano ba ang magagawa ng ating mga kaaway? Patayin lamang ang katawan, at tapos na ang kanilang kapangyarihan. Manatiling matatag, aking mga kaibigan; huwag matakot kailanman. Huwag hangaring iligtas ang inyong mga sarili, sapagkat siya na takot mamatay para sa katotohanan, ay mawawalan ng buhay na walang hanggan. Manatiling tapat at tayo ay mabubuhay na mag-uli at magiging tulad ng mga Diyos, at maghahari sa selestiyal na mga kaharian, pamunuan, at walang hanggang mga sakop.”7

Noong mga unang bahagi ng Hunyo 27, 1844, sa Carthage Jail, mabilisang lumiham si Joseph Smith kay Emma Smith: “Tinatanggap ko na nang lubos ang kapalaran ko, dahil alam kong wala nang maisisisi pa sa akin at nagawa ko nang lahat ang pinakamabuti kong magagawa. Iparating mo ang aking pagmamahal sa aking mga anak at lahat ng aking mga kaibigan… ; at tungkol naman sa pagtataksil sa pamahalaan, alam kong wala akong ginawang gayon, at wala silang mapatutunayan ni isa mang kahalintulad nito, kaya hindi mo kailangang mangamba na may mangyayaring masama sa atin sa dahilang iyan. Nawa’y pagpalain kayong lahat ng Diyos. Amen.”8

Bago siya namatay, iginawad ni Joseph Smith sa Labindalawang Apostol ang bawat susi at kapangyarihan ng priesthood na ibinuklod sa kanya.

Ginunita ni Wilford Woodruff, ang pang-apat na Pangulo ng Simbahan: “Ginugol [ni Joseph Smith] ang huling taglamig sa kanyang buhay, mga tatlo o apat na buwan, sa piling ng korum ng Labindalawa, at tinuruan sila. Hindi iyon ilang oras lamang ng pagtuturo sa kanila ng mga ordenansa ng ebanghelyo; kundi ginugol niya ang bawat araw, bawat linggo at bawat buwan, sa pagtuturo sa kanila at sa ilang iba pa ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.”9

Ikinuwento ni Wilford Woodruff ang pakikipagpulong ni Joseph Smith sa mga Apostol noong Marso 1844: “Naaalala ko ang huling talumpating ibinigay sa amin ni [Joseph Smith] bago siya namatay…. Mga tatlong oras siyang nakatayo. Napuspos ang silid ng tila nag-aalab na apoy, ang kanyang mukha ay kasinglinaw ng baga, at siya ay nabalot ng kapangyarihan ng Diyos. Ipinaliwanag niya sa amin ang aming tungkulin. [Ipinakita] niya sa amin ang kabuuan ng dakilang gawaing ito; at sa kanyang talumpati sinabi niya sa amin: ‘Ibinuklod na sa aking ulunan ang bawat susi, bawat kapangyarihan, bawat alituntunin ng buhay at kaligtasan na ibinigay ng Diyos sa sinumang tao na nabuhay sa ibabaw ng lupa. At ang mga alituntuning ito at ang Priesthood na ito ay kabilang sa dakila at huling dispensasyon na inihanda mismo ng Diyos ng Langit para maitatag sa mundo. Ngayon,’ sabi niya, na pinatutungkulan ang Labindalawa, ‘Ibinuklod ko sa inyong mga uluhan ang bawat susi, bawat kapangyarihan, at bawat alituntunin na ibinuklod ng Panginoon sa aking ulunan.’ At patuloy pa niyang sinabi, ‘Matagal na akong nabubuhay— hanggang sa kasalukuyan—ako ay napalilibutan ng mga taong ito at sa dakilang gawain at sa pagtubos. Hangad kong manatiling buhay upang makitang matapos ang Templong ito. Ngunit hindi ko ito mamamalas sa buhay na ito; ngunit ito ay mamamalas ninyo—mamamalas ninyo ito.’…

“Matapos magsalita sa ganitong paraan sinabi niya: ‘Sinasabi ko sa inyo, ang responsibilidad sa kahariang ito ay nasa inyo nang mga balikat; kailangan ninyo itong panagutan sa sandaigdigan, at kung hindi ninyo ito gagawin kayo ay isusumpa.’ ”10

Itinala ng mga Miyembro ng Korum ng Labindalawa: Kaming [Labindalawa], … ay naroon sa pulong sa huling bahagi ng buwan ng Marso noong [1844], na ginanap sa lungsod ng Nauvoo….

“Sa pulong na ito, tila malungkot si Joseph Smith, at nagpasiyang ipahayag sa amin ang kanyang nadarama…: ‘Mga kapatid, iniatas sa akin ng Panginoon na bilisan natin ang gawaing ibinigay sa atin… . May mahalagang pangyayari na malapit nang maganap. Maaaring patayin ako ng aking mga kaaway. At sakali mang gawin nila iyon, at hindi ko naigawad sa inyo ang mga susi at kapangyarihan, mawawala ang mga ito sa mundo. Ngunit kung mapagtatagumpayan kong maipatong ang mga ito sa inyong mga ulunan kung gayon maaaari na akong mapasakamay ng mga mamamatay-tao kung tulutan ito ng Diyos, at maaari na akong pumanaw nang may galak at kasiyahan, nalalamang natapos ko na ang gawain, at nailatag na ang pundasyon kung saan itatayo ang kaharian ng Diyos sa dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon.

“ ‘Sa mga balikat ng Labindalawa dapat nakaatang ang responsibilidad na pamunuan ang Simbahang ito hanggang sa humirang kayo ng mga taong papalit sa inyo. Hindi kayo sabaysabay na mapapatay ng inyong mga kaaway, at kung may isa mang napatay sa inyo, maipapatong ninyo ang inyong mga kamay sa iba pa upang punan ang inyong korum. Sa gayon maipalalaganap ang kapangyarihan at mga susing ito sa mundo.’ …

“Hindi namin kailanman malilimutan ang kanyang nadama o sinabi sa pangyayaring ito. Matapos siyang magsalita, patuloy siyang naglakad sa silid, sinasabing: ‘Yamang nailipat ko na ang responsibilidad mula sa aking mga balikat, pakiramdam ko ay kasinggaan ako ng isang tapon. Pakiramdam ko ay malaya ako. Pinasasalamatan ko ang aking Diyos sa paglayang ito.’ ”11

Isinulat ni Parley P. Pratt, miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Bago siya mamatay nahikayat ang dakila at mabuting taong ito na tipunin ang Labindalawa nang madalas, at tagubilinan sila sa lahat ng bagay na patungkol sa mga kaharian, ordenansa, at pamumuno ng Diyos. Madalas niyang sabihing inilatag niya ang pundasyon, ngunit ang Labindalawa na ang tatapos ng gusali. Sinabi niya, ‘Hindi ko alam kung bakit; ngunit sa ilang kadahilanan, napipilitan akong bilisan ang aking mga paghahanda, at igawad sa Labindalawa ang lahat ng ordenansa, susi, tipan, endowment, at mga ordenansa ng pagbubuklod ng priesthood, at sa gayon ay magbigay sa kanila ng huwaran sa lahat ng bagay patungkol sa santuwaryo [ang templo] at sa endowment na nakapaloob dito.’

“Matapos gawin ito, nagalak siya nang labis; dahil, sabi niya, iniatang na ng Panginoon ang dalahin sa inyong mga balikat at pansamantala akong papagpapahingahin; at kung patayin nila ako, dagdag pa niya, patuloy na susulong ang kaharian ng Diyos, ngayong natapos ko na ang gawaing iniatang sa akin, at naibilin na sa inyo ang lahat ng bagay para sa pagtatayo ng kaharian ayon sa makalangit na pangitain at pamantayang ipinakita sa akin.”12

Itinuro ni Brigham Young, pangalawang Pangulo ng Simbahan: “Iginawad ni Joseph sa aming ulunan ang lahat ng susi at kapangyarihang nakapaloob sa pagiging Apostol na tinaglay niya mismo bago siya pumanaw, at walang tao o pangkat ng kalalakihan na makahahadlang sa pagitan ni Joseph at ng Labindalawa sa buhay na ito o sa kabilang buhay. Gaano ba kadalas na sinabi ni Joseph sa Labindalawa, ‘nailatag ko na ang pundasyon at doon kayo dapat magtayo, sapagkat nakasalalay sa inyong mga balikat ang kaharian.’ ”13

Sina propetang Joseph Smith at kanyang kapatid na si Hyrum ay nabuhay na dakila at namatay na dakila para sa kanilang mga patotoo sa ebanghelyo.

Tulad nang nakatala sa Doktrina at mga Tipan 135:1–6, isinulat ni John Taylor ang sumusunod noong naglilingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Upang tatakan ang patotoo ng Aklat na ito at ng Aklat ni Mormon, aming ipinaaalam ang martir na pagkamatay nina Joseph Smith, ang propeta, at Hyrum Smith, ang Patriyarka. Sila ay binaril sa piitan ng Carthage noong ika-27 ng Hunyo, 1844, mga ikalima ng gabi, ng mga armadong mandurumog—na napipinturahang itim—na mga 150 hanggang 200 katao. Si Hyrum ang nabaril na una at bumagsak nang mahinahon, napabulalas: Ako ay isa nang patay na tao! Si Joseph ay lumundag mula sa bintana, at nabaril sa kanyang pagtatangka, napabulalas: O Panginoon kong Diyos! Sila ay kapwa binaril pagkatapos na sila ay mamatay, sa isang malupit na pamamaraan, at kapwa nakatanggap ng apat na bala.

“Tanging sina John Taylor at Willard Richards, dalawa sa Labindalawa, ang nasa loob ng silid nang oras na yaon; ang una ay nasugatan sa malupit na pamamaraan, sa pamamagitan ng apat na bala subalit kalaunan ay gumaling, ang ikalawa, sa awa at tulong ng Diyos, ay nakatakas, na wala kahit isang butas sa kanyang bata.

“Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito. Sa maikling panahon ng dalawampung taon, kanyang inilabas ang Aklat ni Mormon, na kanyang isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at siya ring naging daan ng pagkakalathala nito sa dalawang lupalop; ipinadala ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo, na nilalaman nito sa apat na sulok ng mundo; inilabas ang mga paghahayag at kautusang bumubuo sa aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan, at marami pang ibang magagaling na kasulatan at mga tagubilin para sa kapakinabangan ng mga anak ng tao; tinipon ang maraming libu-libong Banal sa mga Huling Araw, nagtayo ng isang malaking lungsod, at nag-iwan ng katanyagan at pangalan na hindi maaaring mapatay. Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao; at gaya ng karamihan sa hinirang ng Panginoon noong mga sinaunang panahon, ay tinatakan ang kanyang misyon at kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo; at gayun din ang kanyang kapatid na si Hyrum. Sa buhay sila ay hindi nagkalayo, at sa kamatayan sila ay hindi pinaghiwalay!

“Nang si Joseph ay magtungo sa Carthage upang isuko ang kanyang sarili sa mga pakunwaring hinihingi ng batas, dalawa o tatlong araw bago ang pagpatay sa kanya, sinabi niya: “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao. Ako ay mamamatay na walang kasalanan, at ito ang masasabi tungkol sa akin—siya ay pinaslang nang walang habag.’—Sa umaga ring yaon, pagkatapos na makapaghandang umalis si Hyrum—masasabi bang sa katayan? oo, sapagkat gayun na nga ito—binasa niya ang sumusunod na talata, sa bandang katapusan ng ikalabindalawang kabanata ng Eter, sa aklat ni Eter, at itinupi ang pahina nito:

At ito ay nangyari na, na ako ay nanalangin sa Panginoon na biyayaan niya ang mga Gentil, upang sila ay magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. At ito ay nangyari na, na sinabi sa akin ng Panginoon; Kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi na ito mahalaga sa iyo, ikaw ay naging matapat; kaya nga ang iyong mga kasuotan ay gagawing malinis, at dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan, ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansyon ng aking Ama. At ngayon ako … ay nagpapaalam na sa mga Gentil; oo, at gayun din sa aking mga kapatid na minamahal ko, hanggang sa muli tayong magkita sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo, kung saan malalaman ng lahat ng tao na hindi nabahiran ng inyong dugo ang aking mga kasuotan. [Eter 12:36–38.] Ang mga saksi ay patay na ngayon, at ang kanilang patotoo ay may bisa.

“Si Hyrum Smith ay apatnapu at apat na taong gulang noong Pebrero, 1844, at si Joseph Smith ay tatlumpu at walo noong Disyembre, 1843; at mula ngayon ang kanilang mga pangalan ay mabibilang sa mga martir ng relihiyon; at ang mga mambabasa sa lahat ng bansa ay mapaaalalahanan na ang Aklat ni Mormon, at ang Aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan ng simbahan, ay binayaran ng pinakamahusay na dugo ng ikalabingsiyam na siglo upang ilabas ang mga ito para sa kaligtasan ng isang nawasak na daigdig; at kung ang apoy ay makatutupok ng isang luntiang puno para sa kaluwalhatian ng Diyos, gaano kadali nitong susunugin ang mga tuyong puno upang padalisayin ang ubasan ng kabulukan. Sila ay nabuhay para sa kaluwalhatian; sila ay namatay para sa kaluwalhatian; at kaluwalhatian ang kanilang walang hanggang gantimpala. Sa pana-panahon ang kanilang mga pangalan ay maipapasa sa mga angkang susunod gaya ng mga hiyas para sa mga pinabanal.”14

Naisakatuparan ni Joseph Smith ang kanyang misyon sa lupa at tinatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo.

Ipinahayag ni Brigham Young: “Bagaman may kakayahang patayin ng kaaway ang ating propeta, at ito ay ang patayin ang kanyang katawan, hindi ba’t naisagawa niya ang nasasaloob niya sa kanyang panahon? Nagawa na niya ito, at ito ay ayon sa tiyak na nalalaman ko.”15

Itinuro din ni Brigham Young: “Sino ang nagligtas kay Joseph Smith sa kamay ng kanyang mga kaaway [hanggang] sa araw ng kanyang kamatayan? Ang Diyos; bagaman maraming ulit siyang nabingit sa kamatayan, at sa akala ng tao ay hindi na maililigtas at wala nang pagkakataong maligtas pa. Nang [siya ay] nasa piitan ng Missouri, walang sinuman ang umasang makaliligtas pa siya sa mga kamay ng kanyang mga kaaway, nasa [akin] ang pananampalatayang taglay ni Abraham noon at sinabi ko sa mga Kapatid, yayamang buhay ang Panginoong Diyos, makaliligtas siya sa kanilang mga kamay.” Bagaman nagpropesiya siyang hindi siya mabubuhay nang lalabis pa sa apatnapung taon, gayunman umasa kaming ito ay huwad na propesiya, at makakapiling namin siya sa tuwina. Inakala naming makakayanang lampasan ito ng aming pananampalataya, ngunit kami ay nagkamali—sa huli siya ay naging martir sa kanyang relihiyon. Sinabi ko na ito ay mabuti na; ngayon ang patotoo ay may buo nang bisa, tinatakan na niya ito ng kanyang dugo.”16

Pinatotohanan ni Wilford Woodruff: “Dati may kakaiba akong nadarama tungkol sa kanyang kamatayan at ang paraan ng pagkamatay niya. Ipinagpalagay ko na kung … ninais lamang ni Joseph, nagtungo na lamang sana siya sa Rocky Mountains. Ngunit simula noon lubusan ko nang naunawaan na ang pangyayaring iyon ay alinsunod sa plano ng Diyos, na bilang pinuno ng dispensasyong ito, kinakailangan niyang tatatakan ng kanyang dugo ang kanyang patotoo, at magtungo sa daigdig ng mga espiritu, taglay ang mga susi ng dispensasyong ito, upang simulan ang misyon na ngayon ay isinasagawa sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo sa ‘mga espiritung nasa bilangguan.’ ”17

Itinuro ni Joseph F. Smith, pang-anim na Pangulo ng Simbahan: “Ano ang itinuturo sa atin ng pagkamatay [nina Joseph at Hyrum Smith] bilang martir? Ang dakilang aral na ‘ang isang tipan ay may kabuluhan kung mamatay ang gumawa’ (Heb. 9:16) upang mapagtibay ito. Itinuturo din nito, na ang dugo ng martir ay totoong binhi ng Simbahan. Pinahintulutan ng Panginoon ang pagsasakripisyo nang sa gayon ang patotoo ng mabubuti at mga matwid na tao ay magsilbing saksi laban sa naliligaw at napakasamang mundo. At muli, sila ay mga halimbawa ng kamangha-manghang pagmamahal na binanggit ng Manunubos: ‘Walang may lalong dakilang pagibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.’ ( Juan 15:13.) Ang kamangha-manghang pagmamahal na ito ay ipinakita nila sa Banal at sa daigdig; sapagkat kapwa nila natanto at naipahayag ang kanilang paniniwala bago simulan ang paglalakbay sa Carthage, na papunta sila sa kanilang kamatayan… . Ang kanilang tapang, pananampalataya, at pagmamahal para sa mga tao ay walang hanggan; at ibinigay nila ang lahat ng mayroon sila para sa mga tao. Ang gayong katapatan at pagmamahal ay hindi nag-iwan ng pag-aalinlangan sa isipan ng mga taong pinananahanan ng Banal na Espiritu na ang mabubuti at matatapat na taong ito, ay tunay na binigyang-karapatan na mga tagapaglingkod ng Panginoon.

“Ang pagkamatay na ito bilang martir ay inspirasyon sa mga tao ng Panginoon sa tuwina. Nakatulong ito sa kani-kanilang mga pagsubok; nagbigay sa kanila ng tapang na patuloy na magpakabuti at alamin at ipamuhay ang katotohanan, at alalahanin nang may kabanalan ng mga banal sa mga Huling Araw na natutuhan nila ang dakilang mga katotohanan na inihahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith.”18

Ipinahayag ni George Albert Smith, ang pangwalong pangulo ng Simbahan: “Isinagawa ni Joseph Smith ang kanyang misyon: at nang dumating ang oras na haharapin na niya ang kamatayan, sinabi niya, ‘Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao. Kung ako ay kanilang papatayin, ako ay mamamatay na walang kasalanan at ang aking dugo ay daraing ng paghihiganti mula sa lupa, at ito ang masasabi tungkol sa akin— “siya ay pinaslang nang walang habag.” [Tingnan sa D at T 135:4.] Siya ay hindi natatakot tumayo sa harapan ng nakalulugod na hukuman ng ating Ama sa Langit at panagutan ang kanyang mga ginawa noong siya at nabubuhay pa. Hindi siya natatakot na harapin ang paratang na nililinlang niya ang mga tao at hindi makatwiran ang pakikitungo sa kanila. Hindi siya natatakot sa kinahinatnan ng kanyang misyon sa lupa, at sa tagumpay sa huli ng gawaing alam niyang banal ang pinagmulan, at inalayan niya ng kanyang buhay.”19

Pinatotohanan ni Gordon B. Hinckley, panglabinlimang Pangulo ng Simbahan: Gayon nga katiyak [si Joseph Smith] sa gawaing pinamumunuan niya, ganap na walang alinlangan sa banal na tungkuling ibinigay sa kanya, kung kaya’t pinahalagahan niya ito nang higit pa sa kanyang buhay. Dahil alam niyang malapit na siyang mamatay, isinuko niya ang sarili sa mga taong maghahatid sa kanya sa mga mandurumog nang walang kalabanlaban. Tinatakan niya ng sariling dugo ang kanyang patotoo.”20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Ilang sandali bago napatay sina Joseph at Hyrum Smith, inawit ni Elder John Taylor ang “Isang Taong Manlalakbay” (mga pahina 619–20). Basahin o awitin ang mga titik ng himnong ito (Mga Himno, blg. 22), at pag-isipan kung paano ito nauugnay sa buhay ni Propetang Joseph Smith. Bakit akma ang himnong ito sa sitwasyong iyon?

  • Repasuhin ang mga pahayag na nagpapatotoo na iginawad ni Joseph Smith ang mga susi ng priesthood sa Labindalawang Apostol (mga pahina 621–24). Sa inyong palagay bakit nadama ng mga Apostol na mahalaga ang magpatotoo tungkol sa mga karanasang ito? Ano ang inyong patotoo tungkol sa paghahalili sa pamumuno sa Panguluhan ng Simbahan?

  • Pag-aralan ang tala ni John Taylor tungkol sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith bilang martir (mga pahina 625–27). Paano ninyo maipagtatanggol ang pahayag na si Joseph Smith “ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito?” Bago pumunta sa Carthage Jail, binasa ni Hyrum ang Eter 12:36–38. Sa anong mga paraan naaangkop ang talatang ito kina Joseph at Hyrum? Ano ang mga nadama ninyo habang iniisip ninyo ang mga sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum Smith para sa kanilang mga patotoo kay Jesucristo?

  • Basahin ang mga patotoo ng mga propeta sa mga huling araw sa mga pahina 627–30). Anong mga salita ng pasasalamat at patotoo ang maidaragdag ninyo sa kanilang mga patotoo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Hebreo 9:16–17; D at T 5:21–22; 98:13–14; 112:30–33; 136:37–40

Mga Tala

  1. Binanggit sa paghahayag ng Labindalawang Apostol (draft na walang petsa), sa pag-uulat tungkol sa pulong noong Mar. 1844; sa Brigham Young, Office Files 1832–78, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. “Isang Taong Manlalakbay,” Mga Himno,blg. 22.

  3. John Taylor, sinipi sa History of the Church, 7:101; mula sa “The Martyrdom of Joseph Smith,” ni John Taylor, sa Historian’s Office, History of the Church ca. 1840s–1880, p. 47, Church Archives.

  4. History of the Church, 5:139–40; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 31, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  5. History of the Church, 6:58; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Okt. 15, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  6. History of the Church, 6:365; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  7. History of the Church, 6:500; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 18, 1844, sa Nauvoo, Illinois. Pinagsamasama ng mga tagapagtipon ng History of the Church sa iisang tala ang mga ulat ng ilang nakarinig sa talumpati.

  8. Liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Hunyo 27, 1844, Carthage Jail, Carthage, Illinois; Community of Christ Archives, Independence, Missouri; kopya sa Church Archives.

  9. Wilford Woodruff, Deseret News: Semi-Weekly, Dis. 21, 1869, p. 2.

  10. Wilford Woodruff, Deseret Semi- Weekly News, Mar. 15, 1892, p. 2; binago ang pagbabantas.

  11. Pagpapahayag ng Labindalawang Apostol (draft na walang petsa), sa pag-uulat tungkol sa pulong noong Mar. 1844; sa Brigham Young, Office Files 1832–78, Church Archives.

  12. Parley P. Pratt, “Proclamation to The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Millennial Star, Mar. 1845, p. 151.

  13. Brigham Young, sinipi sa History of the Church, 7:230; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Brigham Young noong Ago. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois.

  14. Doktrina at mga Tipan 135:1–6.

  15. Brigham Young, Deseret News, Abr. 30, 1853, p. 46; inalis ang pagkakahilig ng mga salita.

  16. Brigham Young, talumpating ibinigay noong Ago. 1, 1852, sa Salt Lake City, Utah; sa Historian’s Office, Reports of Speeches ca. 1845–85, Church Archives.

  17. Wilford Woodruff, Deseret News, Mar. 28, 1883, p. 146.

  18. Joseph F. Smith, “The Martyrdom,” Juvenile Instructor, Hunyo 1916, p. 381; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  19. George Albert Smith, sa Conference Report, Abr. 1904, p. 64; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  20. Gordon B. Hinckley, sa Conference Report, Okt. 1981, pp. 6–7; o Ensign, Nob. 1981, p. 7.

mob at Carthage Jail

Noong hapon ng Hunyo 27, 1844, nilusob ng mga mandurumog ang piitan sa Carthage, Illinois, at pinaslang sina Propetang Joseph Smith at Hyrum Smith.

Joseph teaching

Ginunita ni Wilford Woodruff na “ginugol [ni Propetang Joseph Smith] ang huling taglamig sa kanyang buhay, sa loob ng mga tatlo o apat na buwan, sa piling ng Korum ng Labindalawa, at tinuruan sila… . Ginugol niya ang bawat araw, bawat linggo at bawat buwan.”

Brigham Young

Brigham Young

George Albert Smith

George Albert Smith