Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 4: Ang Aklat ni Mormon: Saligang Bato ng Ating Relihiyon


Kabanata 4

Ang Aklat ni Mormon: Saligang Bato ng Ating Relihiyon

“Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Mahigit tatlong taon na ang nakararaan mula noong umagang iyon ng 1820 nang manalangin si Joseph Smith upang malaman kung aling simbahan ang kanyang sasapian. Noon ay 17 taong gulang na ang batang Propeta, at hinangad niyang malaman ang kanyang katayuan sa harapan ng Diyos at makatanggap ng kapatawaran. Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, humiga na si Joseph sa kanyang silid-tulugan sa may kisame sa tahanang yari sa troso ng kanyang pamilya sa Palmyra, New York, ngunit nanatili siyang gising habang tulog na ang iba sa silid, taimtim na ipinagdarasal na malaman pa ang mga layunin ng Diyos para sa kanya. “Ipinasiya [ko] sa aking aking sarili na manalangin at magsumamo sa Pinakamakapangyarihang Diyos,” wika niya, “para sa kapatawaran ng lahat ng aking kasalanan at mga kalokohan, at para rin sa isang pagpapatunay sa akin, upang malaman ko ang aking kalagayan at katayuan sa harapan niya; sapagkat buo ang aking pagtitiwala na magtatamo [ako] ng banal na pagpapatunay, tulad ng dati” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:29).

Bilang sagot sa kanyang dalangin, nakita ni Joseph na lumitaw ang isang liwanag sa kanyang silid na patuloy na nag-ibayo hanggang sa ang silid ay “magliwanag nang higit pa kaysa katanghaliang tapat.” Lumitaw ang isang sugo ng langit sa tabi ng kanyang kama, nakatayo sa hangin, nakasuot ng bata na “napakatingkad ang kaputian.” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–31.) Ang sugong ito ay si Moroni, ang huling propetang Nephita, na ilang siglo na ang nakararaan ay nagbaon ng mga laminang pinagsulatan ng Aklat ni Mormon at siyang may hawak ng mga susi patungkol sa sagradong talaang ito (tingnan sa D at T 27:5). Siya ay isinugo upang sabihin kay Joseph na napatawad na ng Diyos ang kanyang mga kasalanan1 at may ipagagawa sa kanya na isang dakilang gawain. Bilang bahagi ng gawaing ito, nagtungo si Joseph sa kalapit na burol, kung saan nakalagak ang isang sagradong talaan, na nakasulat sa mga laminang ginto. Ang talaang ito ay isinulat ng mga propetang nabuhay noong unang panahon sa kontinente ng Amerika. Sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, isasalin ni Joseph ang talaan at ilalabas ito sa mundo.

Kinabukasan, nagtungo si Joseph sa burol kung saan nakabaon ang Aklat ni Mormon. Doo’y nakita niya si Moroni at ang mga lamina, ngunit sinabihan siyang hindi niya ito matatanggap sa loob ng apat na taon. Magsisimula siya ng isang mahalagang panahon ng paghahanda para maisagawa niya ang sagradong gawaing isalin ang Aklat ni Mormon. Nagpabalik-balik si Joseph sa burol tuwing Setyembre 22 sa sumunod na apat na taon upang tumanggap ng iba pang mga tagubilin mula kay Moroni. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–54.) Sa lumipas na mga taong ito, tumanggap din siya ng “maraming pagdalaw mula sa mga anghel ng Diyos na naglalahad ng karingalan at kaluwalhatian ng mga kaganapang mangyayari sa mga huling araw.”2

Sa panahong ito ng paghahanda pinagpala ring makapagasawa ang Propeta. Noong Enero 1827, pinakasalan niya si Emma Hale, na nakilala niya habang nagtatrabaho sa Harmony, Pennsylvania. Magiging mahalagang tulong si Emma sa Propeta sa buong ministeryo niya. Noong Setyembre 22, 1827, sumama siya sa Propeta sa burol at naghintay sa malapit habang ipinagkakatiwala ni Moroni ang mga lamina sa mga kamay ng Propeta.

Nang mapasakanya ang sagradong talaan, di naglaon ay natuklasan ni Joseph kung bakit siya binalaan ni Moroni na pangalagaan ang mga lamina (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:59–60). Sinimulang ligaligin ng mga lokal na mandurumog ang Propeta, sa paulit-ulit na pagtatangkang nakawin ang mga lamina. Noong taglamig ng Disyembre 1827, sa pag-asang makakita ng isang lugar na payapa siyang makapagtatrabaho, nilisan nina Joseph at Emma ang tahanan ng pamilyang Smith upang makitira sa mga magulang ni Emma sa Harmony. Doo’y sinimulan ng Propeta ang pagsasalin. Noong sumunod na Pebrero, nagkaroon ng inspirasyon si Martin Harris, isang kaibigan ng mga Smith mula sa Palmyra, na magtungo sa Harmony upang tulungan ang Propeta. Sa tulong ni Martin bilang tagasulat, naituloy ni Joseph ang pagsasalin ng sagradong talaan.

Ang bunga ng gawain ng Propeta ay inilathala kalaunan bilang Aklat ni Mormon. Ang kamangha-manghang aklat na ito, na naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo, ay tumatayong isang patotoo sa katotohanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa misyon ni Joseph Smith bilang propeta.

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Bilang tugon sa tanong na, “Paano at saan mo nakuha ang Aklat ni Mormon?” sumagot si Joseph Smith: “Si Moroni, na siyang naglagak ng mga lamina sa isang burol sa Manchester, Ontario county, New York, na namatay at nabuhay na mag-uli, ay nagpakita sa akin, at sinabi sa akin kung nasaan ang mga ito, at tinagubilinan ako kung paano ko makukuha ang mga ito. Nakuha ko ang mga ito, kasama ang Urim at Tummim, na ginamit ko sa pagsasalin ng mga lamina; at diyan nanggaling ang Aklat ni Mormon.”3

“Ako ay [sinabihan ni Moroni] kung saan nakalagak ang ilang laminang pinag-ukitan ng pinaikling kabuuan ng mga talaan ng mga sinaunang Propetang nabuhay sa kontinenteng ito. … Ang mga talaang ito ay nakaukit sa mga laminang tila ginto; bawat lamina ay anim na pulgada ang lapad at walong pulgada ang haba, at di-gaanong makapal na tulad ng karaniwang lata. Puno ng ukit ang mga ito, sa mga letrang Egipto, at pinagsama-sama na parang mga pahina ng isang aklat, at nakapasok sa tatlong argolya ang buong koleksyon. Halos anim na pulgada ang kapal ng aklat, na may isang mahigpit na nakasara. Ang mga letra sa bahaging hindi nakasara ay maliliit, at maganda ang pagkakaukit. Makikita sa buong aklat ang maraming tanda ng kalumaan sa pagkakagawa nito, at maraming kasanayan sa sining ng paguukit. Nakitang kasama ng mga talaan ang isang kakaibang kasangkapan, na tinawag noong sinauna na ‘Urim at Tummim,’ na may dalawang malilinaw na bato sa gilid ng isang balantok na nakakabit sa isang baluti sa dibdib. Sa tulong ng Urim at Tummim isinalin ko ang talaan sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”4

“Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay isinalin ko ang Aklat ni Mormon mula sa hieroglyphics, na ang kaalaman tungkol dito ay nawala sa mundo, isang napakandang kaganapang mag-isa kong naranasan, ako na isang kabataang walang pinag-aralan, upang daigin ang karunungan ng mundo at malaking kamangmangan ng labingwalong siglo, sa isang bagong paghahayag.”5

“Nais kong banggitin dito na ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon ay literal na pagkakasalin, na kinuha mula sa pinakahuling pahina, sa kaliwang bahagi ng koleksyon o aklat ng mga lamina, na naglalaman ng talaang naisalin, na ang wika sa buong aklat ay katulad ng pagkasulat ng lahat ng nakasulat sa Hebreo [ibig sabihin, mula kanan pakaliwa]; at ang nabanggit na pahina ng pamagat na iyon sa anumang paraan ay hindi isang makabagong komposisyon, hindi sa akin o sa sinumang iba pang taong nabuhay o nabubuhay sa henerasyong ito. … Narito sa ilalim ang bahaging iyon ng pahina ng pamagat ng bersyong Ingles ng Aklat ni Mormon, na isang tunay at literal na pagsasalin ng pahina ng pamagat ng orihinal na Aklat ni Mormon ayon sa pagkakatala sa mga lamina:

“ ‘Ang Aklat Ni Mormon.

‘Ulat na isinulat ng kamay ni Mormon sa mga laminang hinango mula sa mga lamina ni Nephi.

“ ‘Anupa’t ito ay pinaikling talaan ng mga tao ni Nephi, at gayon din ng mga Lamanita—Isinulat para sa mga Lamanita, na mga labi ng sambahayan ni Israel; gayon din sa mga Judio at Gentil—Isinulat bilang kautusan, at sa pamamagitan din ng diwa ng propesiya at ng paghahayag—Isinulat at mahigpit na isinara, at ikinubli ayon sa Panginoon, upang ang mga yaon ay hindi masira—Upang lumabas sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos para sa pakahulugan nito—Mahigpit na isinara ng kamay ni Moroni, at ikinubli ayon sa Panginoon, upang lumabas sa takdang panahon sa pamamagitan ng mga Gentil—Ang pakahulugan nito sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos.

“ ‘Isang pinaikling ulat mula rin sa Aklat ni Eter, na talaan ng mga tao ni Jared, na ikinalat noong panahong lituhin ng Panginoon ang wika ng mga tao, nang sila ay nagtatayo ng isang tore upang makaabot sa langit—Upang ipakita sa mga labi ng sambahayan ni Israel kung anong mga dakilang bagay ang ginawa ng Panginoon para sa kanilang mga ama; at nang kanilang malaman ang mga tipan ng Panginoon, na sila ay hindi itatakwil nang habang panahon—At gayon din sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa— At ngayon, kung may mga pagkakamali ang mga yaon ay kamalian ng mga tao; dahil dito, huwag ninyong hatulan ang mga bagay ng Diyos, nang kayo ay matagpuang walang bahid-dungis sa hukumang-luklukan ni Cristo.’ ”6

Ang karunungan ng Panginoon ay higit kaysa katusuhan ng diyablo.

Pagsapit ng Hunyo 14, 1828, ang pagsasalin ni Joseph Smith ng mga lamina ng Aklat ni Mormon ay nagbunga ng 116 na pahina ng manuskrito. Pagkatapos ay may nangyari na nagbigay ng malaking aral sa Propeta tungkol sa patnubay ng kamay ng Diyos sa pagpapalabas ng sagradong talaang ito. Itinala ng Propeta: “Ilang araw simula nang sumulat si Ginoong Harris para sa akin, pinilit na niya ako na payagan siyang maiuwi ang mga naisulat at ipakita ito sa kanyang pamilya; at hiniling na itanong ko sa Panginoon, sa pamamagitan ng Urim at Tummim, kung maaari niya itong gawin. Nagtanong nga ako, at ang sagot ay hindi dapat. Gayunman, hindi siya nasiyahan sa sagot na ito, at muli niya itong ipinatanong sa akin. Nagtanong nga ako, at gayon din ang naging sagot. Subalit hindi pa rin siya nasiyahan, at sapilitang pinagtanong akong muli.

“Pagkaraan ng maraming pakiusap muli akong nagtanong sa Panginoon, at pinayagan na siyang maiuwi ang mga naisulat sa ilang kundisyon; na ipakikita lamang niya ito sa kanyang kapatid na si Preserved Harris; sa kanyang asawa; kanyang ama at ina; at kay Gng. Cobb, kapatid ng kanyang asawa. Alinsunod sa huling sagot na ito, hiniling ko na taimtim siyang mangako sa akin na wala siyang ibang gagawin maliban sa iniutos. Sumunod siya. Nangako nga siya tulad ng hiling ko, dinampot ang mga naisulat, at humayo. Gayunman, sa kabila ng matitinding pagbabawal na nangako siyang sundin, at sa taimtim niyang pangako sa akin, ipinakita rin niya ito sa iba, at nalinlang siyang makuha ito sa kanya, at hindi na ito muling nabawi magpahanggang ngayon.”7

Sa pambungad ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon, ipinahayag ng Propeta na hindi mabibigo ang mga layunin ng Diyos sa pagkawala ng 116 na pahina: “Dahil maraming maling ulat na ang naikalat patungkol sa [Aklat ni Mormon], at marami na ring hakbang na labag sa batas ang nagawa ng mga taong balak akong sirain, at maging ang gawain, ipinaaalam ko sa inyo na isinalin ko, sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at ipinasulat, ang isang daan at labing-anim na pahina, na hinango ko mula sa Aklat ni Lehi, na pinaikling salaysay mula sa mga lamina ni Lehi, sa kamay ni Mormon; ang salaysay, na ninakaw at itinago ng ilang tao o mga tao sa akin, kahit ginawa ko na ang lahat para mabawi itong muli—at dahil inutusan ako ng Panginoon na huwag na itong isaling muli, sapagkat inudyukan ni Satanas ang kanilang mga puso na tuksuhin ang Panginoon nilang Diyos, sa pamamagitan ng pagbabago ng mga salita, na ang nabasa nila ay talagang kabaligtaran ng isinalin at ipinasulat ko; at kung muli kong ilalabas ang mga salitang iyon, o, sa madaling salita, kung muli ko itong isasalin, ilalathala nila yaong kanilang ninakaw; at uudyukan ni Satanas ang mga puso ng henerasyong ito, upang hindi nila tanggapin ang gawaing ito: ngunit masdan, sinabi sa akin ng Panginoon, Hindi ko hahayaang maisakatuparan ni Satanas ang kanyang masamang layunin sa bagay na ito: samakatwid, iyong isasalin ang mga nakaukit na nasa mga lamina ni Nephi, hanggang sa yaong iyong naisalin na, na iyong iningatan; at masdan, iyong ipalalathala ito bilang talaan ni Nephi; at sa gayon ko guguluhin ang isip ng mga yaong nagbago ng aking mga salita. Hindi ko hahayaan na kanilang wasakin ang aking gawain; oo, aking ipakikita sa kanila na ang aking karunungan ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng Diyablo. [Tingnan sa D at T 10:38–43.]

“Dahil dito, para maging masunurin sa mga utos ng Diyos, naisakatuparan ko, sa pamamagitan ng kanyang biyaya at awa, ang ipinagawa niya sa akin hinggil sa bagay na ito.”8

Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.

“Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”9

Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8: “Naniniwala kami na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto; naniniwala rin kami na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.”10

“Sinasabi sa atin [ng Aklat ni Mormon] na ang ating Tagapagligtas ay nagpakita sa kontinenteng ito matapos Siyang mabuhay na mag-uli; na itinatag Niya ang kabuuan, at yaman, at kapangyarihan, at pagpapala ng Ebanghelyo rito; na sila ay mayroong mga Apostol, Propeta, Pastor, Guro, at Evangelista, sa gayon ding pagkakaayos, gayon ding priesthood, gayon ding mga ordenansa, kaloob, kapangyarihan, at pagpapala, na tulad ng tinamasa sa kontinente sa silangan (Middle East); na ang mga tao ay nahiwalay dahil sa kanilang mga paglabag; na ang huli sa kanilang mga propeta na nakapiling nila ay inutusang paikliin ang mga propesiya, kasaysayan, at kung anu-ano pa, at ibaon ito sa lupa, at na ito ay ilalabas at papagkaisahin sa Biblia para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw.”11

Naroon si David Osborn nang mangaral si Joseph Smith sa Far West, Missouri, noong 1837. Nagunita niya ang mga salitang ito ng Propeta: “Ang Aklat ni Mormon ay totoo, tulad ng ipinahahayag nito, at inaasahan kong magbigay-ulat sa patotoong ito sa araw ng paghuhukom.”12

Pinasasaya at inaaliw at pinarurunong tayo ng mga banal na kasulatan sa ating ikaliligtas.

“Kaugnay ng pagtatatag ng Kahariang ito, ay ang paglilimbag at pamamahagi ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, … at ang bagong pagsasalin ng [Biblia]. Hindi kailangang magsabi ng anuman hinggil sa mga gawaing ito; batid ng mga nakabasa na nito, at nakainom na sa batis ng kaalamang ipinararating nito, kung paano pahalagahan ang mga ito; at bagaman maaaring kutyain sila ng mga hangal, gayunman ang mga ito ay nilayong magbigay dunong sa mga tao sa ikaliligtas nila, at palisin ang nakalilitong mga pamahiing umiral noong unang panahon, at ipaalam ang mga naisagawa ni Jehova, at ilarawan ang hinaharap sa lahat ng kakila-kilabot at maluwalhating katotohanan nito. Yaong mga nakinabang na mula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatang iyon, ay walang alinlangan na lalo silang magsisikap na ipalaganap ito sa buong mundo, nang matamasa ng bawat anak ni Adan ang mga pribilehiyo ring iyon, at magalak sa mga katotohanan ding iyon.”13

“[Inilathala ang mga banal na kasulatan sa mga huling araw] upang ang mga tapat ang puso ay mapasaya at maaliw at magalak sa kanilang buhay, habang nalalantad ang kanilang kaluluwa at napagliliwanag ng kaalaman ng gawain ng Diyos ang kanilang pang-unawa sa pamamagitan ng mga ninuno noong unang panahon, gayundin ang gagawin niya sa mga huling araw upang maisakatuparan ang mga salita ng mga ninuno.”14

“Napasakamay natin ang mga sagradong kasulatan, at tinanggap natin na ibinigay ng tuwirang inspirasyon ang mga ito para sa ikabubuti ng tao. Naniniwala kami na nagpakababa ang Diyos upang makapagsalita mula sa kalangitan at ipahayag ang Kanyang kalooban hinggil sa mag-anak ng tao, upang bigyan sila ng makatarungan at banal na mga batas, upang masupil ang kanilang pag-uugali, at magabayan sila sa tuwid na landas, nang sa takdang panahon ay makapiling Niya sila, at makasama sila ng Kanyang Anak bilang tagapagmana.

“Ngunit kapag tinanggap ang katotohanang ito, na ang agarang kalooban ng langit ay nasa mga Banal na Kasulatan, hindi ba tayo nakatali bilang mga nilikhang marunong mangatwiran na ipamuhay ang lahat ng tuntunin nito? Makikinabang ba tayo sa simpleng pagtanggap na kalooban ito ng langit kung hindi natin susundin ang lahat ng turo nito? Hindi ba natin kinakalaban ang Lubos na Katalinuhan ng langit kapag tinanggap natin ang katotohanan ng mga turo nito, at hindi ito sinunod? Hindi ba tayo nagpapakababa pa sa sarili nating kaalaman, at sa mas malaking karunungang ipinagkaloob sa atin ng langit, sa gayong paguugali? Dahil dito, kung may tuwiran tayong mga paghahayag mula sa langit, tiyak na hindi ibinigay ang mga paghahayag na iyon kailanman para balewalain lamang, nang walang poot at paghihiganting natanim sa isipan ng nagbabalewala, kung may katarungan man sa langit; at na dapat nga itong tanggapin ng bawat taong tumatanggap ng katotohanan at impluwensya ng mga turo ng Diyos, ng Kanyang mga pagpapala at pagsumpa, ayon sa nakasaad sa sagradong aklat. …

“… Siya na [nakakikilala sa] kapangyarihan ng Pinakamakapangyarihan, na nakaukit sa kalangitan ay [makakikilala] rin sa sulat-kamay ng Diyos sa banal na aklat: at siya na bumabasa nito nang pinakamadalas ay higit [itong magugustuhan], at siya na nakakikilala nito, ay [makikilala ang kamay ng Diyos saanman niya ito makita]; at kapag natuklasan, hindi lamang ito makatatanggap ng pagkilala, kundi ng pagsunod sa lahat ng makalangit nitong tuntunin.”15

“O kayong Labindalawa! at lahat ng Banal! makinabang sa mahalagang Susi na ito—na sa lahat ng inyong pagsubok, problema, tukso, paghihirap, pagkaalipin, pagkabilanggo at kamatayan, ay tiyakin, na hindi ninyo maipagkanulo ang langit; na hindi ninyo maipagkanulo si Jesucristo; na hindi ninyo maipagkanulo ang mga kapatid; na hindi ninyo maipagkanulo ang mga paghahayag ng Diyos, sa Biblia man, sa Aklat ni Mormon, o sa Doktrina at mga Tipan, o sa anupamang ibang ibinigay o ibibigay at ihahayag sa tao sa mundong ito o sa mundong darating.”16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga karanasan ni Joseph Smith sa pagitan ng Setyembre 21, 1823, at Setyembre 22, 1827 (mga pahina 67–70). Sa inyong palagay paano siya naihanda ng mga karanasang ito na maisalin ang mga laminang ginto? Sa anong mga paraan kayo naihanda para sa mga katungkulang nagmula sa Panginoon?

  • Repasuhin ang huling buong talata sa pahina 72, na pinapansin ang mga layunin ng Aklat ni Mormon. Sa anong mga paraan ninyo nakitang natupad ang mga layuning ito sa inyong buhay at sa buhay ng iba?

  • Habang pinagninilay-nilay ninyo ang salaysay ng Propeta nang utusan siyang huwag isaling muli ang 116 na pahina ng manuskritong nawala (mga pahina 73–74), ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Diyos? Paano maiimpluwensyahan ng pag-unawa sa salaysay na ito ang ating mga pasiya?

  • Basahin ang huling talata sa pahina 74. Pansinin na sa isang arkong yari sa bato, ang saligang bato ay nakalagay sa ibabaw, at pinananatili sa lugar ang lahat ng iba pang mga bato. Sa anong mga paraan naging “saligang bato ng ating relihiyon” ang Aklat ni Mormon? Paano kayo natulungan ng Aklat ni Mormon na “mapalapit sa Diyos”?

  • Binanggit ni Joseph Smith ang mga pagpapalang dumarating kapag tayo ay “nakainom sa batis ng kaalaman” sa mga banal na kasulatan at “nakinabang” sa salita ng Diyos (mga pahina 75–76). Ano ang ipinahihiwatig sa inyo ng mga pahayag na ito tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Ano ang magagawa natin upang maging higit na makabuluhan ang pagaaral natin ng mga banal na kasulatan?

  • Basahin ang talatang nagsisimula sa dulong ibaba ng pahina 75. Sa inyong palagay bakit nagkakaroon ng sigla ang mga nag-aaral ng banal na kasulatan na ibahagi ito sa iba? Ano ang magagawa natin para maibahagi ang Aklat ni Mormon? Ano ang mga karanasan ninyo nang ibahagi ninyo ang Aklat ni Mormon o ibahagi ito sa inyo ng isang tao?

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 76. Ano ang ilang talata mula sa Aklat ni Mormon na “nagpasaya at umaliw” sa inyo? Sa anong mga paraan napagliwanag ng Aklat ni Mormon ang inyong pang-unawa?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Ezekiel 37:15–17; pambungad sa Aklat ni Mormon; 1 Nephi 13:31–42; 2 Nephi 27:6–26; D at T 20:6–15; Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–54

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph Smith, History 1832, p. 4; Letter Book 1, 1829–35, Joseph Smith, Collection, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. History of the Church, 4:537; mula sa isang liham ni Joseph Smith na isinulat sa kahilingan nina John Wentworth at George Barstow, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Mar. 1, 1842, p. 707.

  3. History of the Church, 3:28; mula sa isang editoryal na inilathala sa Elders’ Journal, Hulyo 1838, pp. 42–43; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  4. History of the Church, 4:537; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith na isinulat sa kahilingan nina John Wentworth at George Barstow, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Mar. 1, 1842, p. 707.

  5. History of the Church, 6:74; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay James Arlington Bennet, Nob. 13, 1843, Nauvoo, Illinois; mali ang pagbabaybay na “Bennett” sa apelyido ni James Bennet sa History of the Church.

  6. History of the Church, 1:71–72; nasa orihinal ang mga salitang nakabracket; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, pp. 34–35, Church Archives.

  7. History of the Church, 1:21; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, pp. 9–10, Church Archives.

  8. Pambungad sa unang (1830) edisyon ng Aklat ni Mormon; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  9. History of the Church, 4:461; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Nob. 28, 1841, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  10. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8.

  11. History of the Church, 4:538; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang liham ni Joseph Smith na isinulat sa kahilingan nina John Wentworth at George Barstow, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Mar. 1, 1842, pp. 707–8.

  12. Binanggit ni David Osborn, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Mar. 15, 1892, p. 173.

  13. History of the Church, 4:187; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa mga Banal, Set. 1840, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 1840, p. 179.

  14. Liham ni Joseph Smith sa Times and Seasons, bandang Mar. 1842, Nauvoo, Illinois; Miscellany, Joseph Smith, Collection, Church Archives; tila hindi naipadala ang liham.

  15. History of the Church, 2:11, 14; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Peb. 1834, p. 136; Mar. 1834, p. 142.

  16. History of the Church, 3:385; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 2, 1839, in Montrose, Iowa; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards. Ang talaan ni Elder Richards tungkol sa talumpating ito ay batay sa mga talaan ng talumpating ginawa ng iba. Ginamit din ni Elder Richards ang mga talaan ng iba sa pagtatala ng talumpati ng Propeta na ibinigay noong Hunyo 27, 1839, at dalawa pang talumpati na may petsang “bandang Hulyo 1839.” Ang mga talumpating ito ay babanggitin sa buong aklat na ito.

Joseph receiving gold plates

Natanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto mula kay Moroni noong Setyembre 22, 1827. “Nakuha ko ang mga ito,” pagpapatotoo ng Propeta, “kasama ang Urim at Tummim, na ginamit ko sa pagsasalin ng mga lamina; at diyan nanggaling ang Aklat ni Mormon.”

first edition of Book of Mormon

Kaliwa, ang pahina ng pamagat mula sa unang edisyon ng Aklat ni Mormon.

couple reading scriptures

Inilathala ang mga banal na kasulatan sa mga huling araw “upang ang mga tapat ang puso ay mapasaya at maaliw at magalak sa kanilang buhay.”