Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 7: Binyag at ang Kaloob na Espiritu Santo


Kabanata 7

Binyag at ang Kaloob na Espiritu Santo

“Ang binyag sa tubig, kung walang binyag na apoy at pagdalo ng Espiritu Santo, ay walang kabuluhan; kinakailangang ang mga ito ay magkasama at di-maaaring paghiwalayin.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Sa panahon ni Joseph Smith, dumadaloy ang Ilog ng Susquehanna sa malawak at paikut-ikot na mga kurbada sa kagubatan ng matitigas na puno at pino, na naliligiran ng kaburulan at mga taniman ng butil. Ito ang pinakamalaking ilog sa Pennsylvania, ang sentro ng tanawin sa paligid ng Harmony, Pennsylvania. Dahil malapit ang ilog sa bahay niya at tahimik at may tagong mga lugar, nagtutungo roon ang Propeta kung minsan upang mag-isip at manalangin.

Sa pampang ng ilog na ito nagtungo ang Propeta at si Oliver Cowdery noong Mayo 15, 1829, upang manalangin tungkol sa kahalagahan ng binyag. Bilang sagot sa kanilang dalangin, nagpakita sa kanila si Juan Bautista, na nagkaloob sa kanila ng Aaronic Priesthood at inutusan silang binyagan ang isa’t isa. Maisasagawa na ngayon ang hangad nilang pagbabasbas sa wastong paraan at nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Pagbaba nila sa ilog, bininyagan nila ang isa’t isa, na si Joseph muna ang nagbinyag kay Oliver, tulad ng utos ni Juan. Pagkatapos ay ipinatong ni Joseph ang kanyang mga kamay sa ulo ni Oliver at inorden ito sa Aaronic Priesthood, at gayon din ang ginawa ni Oliver kay Joseph. Paggunita ng Propeta:

“Nakaranas kami ng dakila at maluwalhating mga pagpapala mula sa ating Ama sa Langit. Hindi pa natatagalan nang mabinyagan ko si Oliver Cowdery, nang napasakanya ang Espiritu Santo, at tumayo siya at nagpropesiya ng maraming bagay na di maglalaon ay mangyayari. At muli, hindi pa natatagalan matapos niya akong mabinyagan, ako rin ay nagkaroon ng diwa ng propesiya, nang, sa pagtayo, nagpropesiya ako hinggil sa paglaganap ng Simbahang ito, at marami pang ibang bagay na nauugnay sa Simbahan, at sa salinlahing ito ng mga anak ng tao. Napuspos kami ng Espiritu Santo, at nagsaya sa Diyos ng aming kaligtasan” ( Joseph Smith—Kasaysayan 1:73).

Di nagtagal at naipagkaloob ang mga pagpapala ng binyag sa iba pang mga naniniwala. Kalaunan sa buwan ng Mayo, dumalaw kina Joseph at Oliver sa Harmony ang nakababatang kapatid ng Propeta na si Samuel. “Sinikap [namin] na hikayatin siya sa Ebanghelyo ni Jesucristo, na malapit nang ihayag sa kabuuan nito,” sabi ng Propeta. Nagkaroon ng patotoo si Samuel tungkol sa gawain, at bininyagan siya ni Oliver Cowdery, pagkatapos si Samuel ay “bumalik sa bahay ng kanyang ama, na labis na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos, na puspos ng Banal na Espiritu.”1 Noong Hunyo, bininyagan ng Propeta ang kuya niyang si Hyrum, na matagal nang matibay na naniniwala sa mensahe ng Propeta. “Mula sa oras na ito marami nang naniwala,” pagtatala ni Joseph, “at nabinyagan ang ilan habang patuloy kaming nagtuturo at nanghihikayat.”2

Higit na pinasalamatan ng Propeta na makitang nabinyagan ang kanyang amang si Joseph Smith Sr. Mahal na mahal ng Propeta ang kanyang ama, na siyang unang naniwala sa kanyang mensahe noong una siyang dalawin ni Moroni. Si Joseph Smith Sr. ay nabinyagan noong Abril 6, 1830, ang araw na itinatag ang Simbahan. Nagunita ng ina ng Propeta, si Lucy Mack Smith: “Nakatayo si Joseph sa pampang habang umaahon ang kanyang ama mula sa tubig, at nang abutin niya ang kamay nito ay bumulalas siya, ‘… Nabuhay pa ako para makitang nabinyagan ang aking ama sa totoong simbahan ni Jesucristo,’ at isinubsob niya ang kanyang mukha sa dibdib ng kanyang ama at humagulgol sa galak tulad ni Joseph na sinauna nang makita nito ang pagdating ng kanyang ama sa lupain ng Egipto.”3

Sa araw na itinatag ang Simbahan, maraming Banal na dati nang nabinyagan ang tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood. Mariing itinuro ni Propetang Joseph Smith ang pangangailangan sa kapwa binyag at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. “Ang binyag sa tubig, kung walang binyag na apoy at pagdalo ng Espiritu Santo, ay walang kabuluhan,” pahayag niya. “Kinakailangang ang mga ito ay magkasama at di-maaaring paghiwalayin. Ang isang tao ay dapat ipanganak sa tubig at sa Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos.”4

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang ordenansa ng binyag ay kailangan para sa kadakilaan.

“Ang Diyos ay nagtakda ng maraming tanda sa lupa, gayundin sa kalangitan; halimbawa, ang puno ng oak sa gubat, ang bunga ng puno, ang damong-gamot sa bukid—lahat ay may tanda na naitanim doon ang binhi; sapagkat utos ng Panginoon na bawat puno, halaman, at damong-gamot na may binhi ay dapat magbunga ng kauri nito, at hindi magbubunga ayon sa anumang iba pang batas o alituntunin.

“Ayon sa alituntunin ding ito ipinahahayag ko na ang binyag ay isang tanda na inorden ng Diyos, na dapat gawin ng naniniwala kay Cristo upang makapasok sa kaharian ng Diyos, ‘sapagkat maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios,’ sabi ng Tagapagligtas [tingnan sa Juan 3:5]. Ito ay isang palatandaan at utos na itinakda ng Diyos para makapasok ang tao sa Kanyang kaharian. Mawawalan ng saysay ang paghahangad ng tao na makapasok sa anumang ibang paraan; sapagkat hindi sila tatanggapin ng Diyos, ni kikilalanin ng mga anghel na tanggap ang kanilang mga ginawa, sapagkat hindi nila sinunod ang mga ordenansa, ni isinagawa ang mga palatandaang inorden ng Diyos para sa kaligtasan ng tao, upang ihanda siya, at bigyan ng karapatan, sa kaluwalhatiang selestiyal; at iniutos ng Diyos na lahat ng hindi susunod sa Kanyang tinig ay hindi makakatakas sa kapahamakan ng impiyerno. Ano ang kapahamakan ng impiyerno? Ang sumama sa lipunang hindi sumunod sa Kanyang mga utos.

“Ang binyag ay isang palatandaan sa Diyos, sa mga anghel, at sa langit na ginagawa natin ang kalooban ng Diyos, at wala nang ibang paraan sa ilalim ng kalangitan para maorden ng Diyos ang tao na lumapit sa Kanya upang maligtas, at makapasok sa kaharian ng Diyos, maliban sa pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at anumang iba pang paraan ay walang saysay; sa gayon ay ipinangako sa iyo ang kaloob na Espiritu Santo.”5

“Sa pagbabasa ng mga sagradong pahina ng Biblia, pagsasaliksik sa mga propeta at mga sinabi ng mga apostol, wala tayong nakikitang paksa na malapit ang kaugnayan sa kaligtasan, na tulad ng binyag. … Unawain natin na ang salitang baptise ay hinango sa pandiwang Griyego na baptiso, at ibig sabihin ay ilubog. …

“… Maaaring hindi mali ang ituro ang mga tagubilin at utos ni Jesus mismo tungkol sa paksa.—Sinabi niya sa labindalawa, o ang ibig kong sabihin ay labing-isa noong panahong iyon: ‘Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo’: Gayon ang itinala ni Mateo [Mateo 28:19–20]. Sa Marcos mayroon tayo ng mahahalagang salitang ito: ‘Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan’ [Marcos 16:15–16]. …

“… ‘[Si] Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio, … ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya’y nagsabi, Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios: sapagka’t walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios. Sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios. Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya’y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak?— Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios’ [Juan 3:1–5].

“Ang matatag at tiyak na sagot na ito ni Jesus, patungkol sa binyag sa tubig, ang sumagot sa tanong na: Kung ang Diyos ay hindi nagbabago kahapon, ngayon, at magpakailanman; hindi katakatakang lubha siyang nakatitiyak sa dakilang pagpapahayag na: ‘Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan!’ [Marcos 16:16.] Wala nang iba pang pangalang ibinigay sa ilalim ng langit, ni iba pang ordenansang tatanggapin, para maligtas ang tao: Hindi kataka-takang sabihin ng Apostol na, sapagkat ‘nangalibing na kalakip niya sa bautismo,’ kayo ay babangon mula sa mga patay! [Mga Taga Colosas 2:12.] Hindi kataka-taka na kinailangang tumayo si Pablo at mabinyagan at mahugasan sa kanyang mga kasalanan [tingnan sa Mga Gawa 9:17–18].”6

Sa lahat ng dispensasyon, nabinyagan ang mga Banal sa pangalan ni Jesucristo.

“Ang mga tao noong unang panahon na siyang mga ama ng simbahan sa iba’t ibang panahon, nang lumaganap ang simbahan sa lupa, … ay tinanggap sa kaharian sa pamamagitan ng binyag, sapagkat makikita mismo sa mga banal na kasulatan—hindi nagbabago ang Diyos. Sinabi ng Apostol na ang ebanghelyo ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan ng mga yaong naniniwala; at ipinaaalam din sa atin na ang buhay at imortalidad ay ipinaliwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo [tingnan sa Mga Taga Roma 1:16; II Timoteo 1:10]. …

“Ngayon ipalagay natin na sinasabi ng mga banal na kasulatan ang ibig nitong sabihin, at tapat ito sa sinasabi nito, sapat ang ating dahilan para magpatuloy at patunayan mula sa Biblia na ang ebanghelyo ay hindi nagbabago; gayon pa rin ang mga ordenansa para maisagawa ang mga kinakailangan nito; at gayon pa rin ang mga pinunong namumuno; at gayon pa rin ang mga tanda at bunga ng mga pangako; samakatwid, dahil nangangaral ng kabutihan si Noe malamang ay nabinyagan siya at naorden sa priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at kung anu-ano pa. Sapagkat hindi inaangkin ninuman ang karangalang ito sa kanyang sarili maliban kung siya ay tinawag ng Diyos na tulad ni Aaron [tingnan sa Mga Hebreo 5:4]. …

“… Makikita at malalaman na kung may kasalanan ang mga tao, kailangan silang magsisi tulad noong nakaraang panahon o henerasyon sa mundo—at walang sinumang makapaglalatag ng anumang pundasyon maliban sa pundasyong umiiral na, at ang pundasyong iyon ay si Jesucristo. Samakatwid, kung matwid si Abel kinailangan niyang sundin ang mga utos para magkagayon; kung sapat ang pagkamatwid ni Enoc para makatungo sa kinaroroonan ng Diyos, at makasama Siya, malamang ay sinunod niya ang mga utos kaya siya nagkagayon, at gayundin ang bawat matwid na tao, kahit si Noe, isang mangangaral ng katwiran; si Abraham, ama ng matatapat; si Jacob, ang nanaig sa Diyos; si Moises, ang lalaking nagsulat tungkol kay Cristo, at naglabas ng batas sa pamamagitan ng kautusan, bilang isang guro upang ilapit ang mga tao kay Cristo; o si Jesucristo mismo, na hindi kailangang magsisi, dahil hindi nagkasala; ayon sa kanyang taimtim na pahayag kay Juan:—Payagan mong ako ay binyagan mo: [sapagkat walang taong makapapasok sa kaharian nang hindi sinusunod ang ordenansang ito:] sapagkat sa gayon natin nararapat tupdin ang buong katwiran [tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:43]. Tiyak naman na kung kinailangang tupdin nina Juan at Jesucristo, na Tagapagligtas, ang buong katwiran na mabinyagan—tiyak na kinakailangan ding humayo ang bawat taong naghahangad sa kaharian ng langit at gawin din ito; sapagkat siya ang pintuan, at kung sinuman ang umakyat sa ibang pintuan, ang gayon ay isang tulisan at magnanakaw! [Tingnan sa Juan 10:1–2.]

“Noong mga unang panahon, bago nagkatawang-tao ang Tagapagligtas, ‘ang mga banal’ ay bininyagan sa pangalan ni Jesucristo na siyang darating, dahil kailanman ay wala nang iba pang pangalan na makapagliligtas sa mga tao; at nang magkatawang-tao siya at ipako sa krus, bininyagan ang mga banal sa pangalan ni Jesucristo, na ipinako sa krus, nabuhay mula sa mga patay at umakyat sa langit, nang sila ay malibing sa binyag na kagaya niya, at maibangon sa kaluwalhatian na kagaya niya, dahil may iisa lamang na Panginoon, iisang pananampalataya, iisang binyag, at iisang Diyos at ama nating lahat [tingnan sa Mga Taga Efeso 4:5–6], gayundin iisa lamang ang landas patungo sa mga mansyon ng lubos na kaligayahan.”7

Ang mga batang namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan ay hindi na kailangang binyagan; natubos na sila ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

“Ang binyag ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang mga bata ay walang kasalanan. Binasbasan sila ni Jesus at sinabing, ‘Gawin ninyo ang nakita ninyong ginawa ko.’ Ang mga bata ay buhay kay Cristo, at yaong mga nakatatanda [ay buhay kay Cristo] sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi.”8

“Ang doktrina ng pagbibinyag ng mga bata, o pagwiwisik ng tubig sa kanila, o kung hindi ay mapupunta sila sa impiyerno, ay doktrinang walang katotohanan, walang batayan sa Banal na Kasulatan, at hindi naaayon sa pagkatao ng Diyos. Lahat ng bata ay natubos ng dugo ni Jesucristo, at kapag nilisan ng mga bata ang mundong ito, sila ay dinadala sa sinapupunan ni Abraham.”9

Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod bilang bahagi ng isang pangitaing natanggap niya noong Enero 21, 1836, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 137:1, 10: “Ang kalangitan ay nabuksan sa amin, at aking namalas ang kahariang selestiyal ng Diyos, at ang kaluwalhatian niyaon. … Namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit.”10

Pagkatapos mabinyagan sa tubig, natatanggap natin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.

“Ang ebanghelyo ay nangangailangan ng binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, na siyang kahulugan ng salita sa orihinal na wika—na ibig sabihin ay ilibing o ilubog. … Naniniwala pa ako sa kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, [na pinatunayan] ng pangaral ni Pedro sa araw ng Pentecostes, Mga Gawa 2:38. Para kayong nagbinyag ng isang sakong buhangin kapag bininyagan ninyo ang isang tao nang hindi para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagkakamit ng Espiritu Santo. Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo. Sabi ng Tagapagligtas, ‘Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.’ [Juan 3:5.]”11

Nagunita ni Daniel Tyler ang pananalitang ibinigay ng Propeta sa Springfield, Pennsylvania, noong 1833: “Sa maikli niyang pananatili nangaral siya sa bahay ng aking ama, isang abang bahay na yari sa troso. Binasa niya ang ikatlong kabanata ng Juan. … Nang ipaliwanag niya ang ika-5 talata, sinabi niya, Ang ibig sabihin ng ‘ipanganak ng tubig at ng Espiritu’ ay ilubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo pagkaraan. Ito ay ibinigay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang taong may awtoridad na bigay sa kanya ng Diyos.”12

“Ang pagkapanganak na muli, ay ipinararating ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa.”13

“Ang binyag ay banal na ordenansang naghahanda para matanggap ang Espiritu Santo; ito ang daluyan at susi sa pagkakaloob ng Espiritu Santo. Ang Kaloob na Espiritu Santo sa pamaagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay hindi matatanggap sa pamamagitan ng anumang iba pang alituntunin maliban sa alituntunin ng kabutihan.”14

“Kung tatangkain ba nating makuha ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng anumang iba pang paraan maliban sa mga patandaan o landas na itinalaga ng Diyos—makakamtan ba natin ito? Tiyak na hindi; mabibigo ang lahat ng iba pang paraan. Sinabi ng Panginoon na gawin ninyo ang anumang ipinagagawa ko, at pagpapalain ko kayo.

“May ilang mahahalagang salita at palatandaang nauukol sa Priesthood na dapat sundin upang makamtan ang pagpapala. Ang palatandaan [na itinuro ni] Pedro ay pagsisisi at pagpapabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, na may pangako ng kaloob na Espiritu Santo; at hindi makakamtan ang kaloob na Espiritu Santo sa anupamang ibang paraan [tingnan sa Mga Gawa 2:38].

“May pagkakaiba ang Espiritu Santo sa kaloob na Espiritu Santo. Natanggap ni Cornelio ang Espiritu Santo bago siya nabinyagan, na siyang kapangyarihan ng Diyos na nagpatunay sa kanya na totoo ang Ebanghelyo, ngunit hindi niya natanggap ang kaloob na Espiritu Santo hanggang sa mabinyagan siya. Kung hindi niya tinanggap ang palatandaan o ordenansang ito, lilisanin siya ng Espiritu Santong nagpatunay sa kanya na totoong may Diyos. [Tingnan sa Mga Gawa 10:1–48.] Kung hindi niya sinunod ang mga ordenansang ito at tinanggap ang kaloob na Espiritu Santo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, ayon sa orden ng Diyos, hindi sana niya napagaling ang maysakit o nautusan ang masamang espiritu na lumabas sa katawan ng isang tao, at sinunod siya nito; sapagkat maaaring sabihin sa kanya ng mga espiritu, tulad ng nangyari sa mga anak ni Esceva: ‘Nakikilala ko si Jesus, at nakikilala ko si Pablo; datapuwa’t sinosino kayo?’ [Tingnan sa Mga Gawa 19:13–15.]”15

Noong Disyembre 1839, habang sila ay nasa Washington, D.C., upang humingi ng bayad-pinsala sa mga kamaliang ginawa sa mga Banal ng Missouri, isinulat nina Joseph Smith at Elias Higbee kay Hyrum Smith ang sumusunod: “Sa aming pakikipanayam sa Pangulo [ng Estados Unidos], itinanong niya kung ano ang kaibhan ng relihiyon natin sa ibang relihiyon sa ngayon. Sinabi ni Brother Joseph na kaiba ang paraan natin ng pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Naisip namin na lahat ng iba pang konsiderasyon ay saklaw ng kaloob na Espiritu Santo.”16

Ang kaloob na Espiritu Santo ay naghahatid ng kapayapaan, kagalakan, banal na patnubay, at iba pang mga kaloob sa ating buhay.

“Naniniwala kami sa kaloob na Espiritu Santo na tinatamasa ngayon, katulad noong panahon ng mga Apostol; naniniwala kami na ito [ang kaloob na Espiritu Santo] ay kailangan upang magawa at mabuo ang Priesthood, na walang sinumang matatawag sa anumang katungkulan sa paglilingkod nang wala ito; naniniwala rin kami sa propesiya, mga wika, pangitain, at paghahayag, sa mga kaloob, at sa pagpapagaling; at na ang mga bagay na ito ay hindi matatamasa nang walang kaloob na Espiritu Santo. Naniniwala kami na nagsalita ang mga banal na tao noong unang panahon sa paghihikayat ng Espiritu Santo, at na nagsasalita ang mga banal na tao sa mga panahong ito sa gayon ding alituntunin; naniniwala kami sa pagiging mang-aaliw at saksi nito, na nagpapaalala sa amin ng mga nakaraan, umaakay sa amin sa lahat ng katotohanan, at nagpapakita sa amin ng mga bagay na darating; naniniwala kami na ‘walang sinumang makapagsasabi, na si Jesus ang Cristo, kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ [Tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 12:3.] Naniniwala kami rito [sa kaloob na Espiritu Santo] sa kabuuan, at kapangyarihan, at kadakilaan, at kaluwalhatian nito.”17

Noong Pebrero 1847, halos tatlong taon makaraang paslangin si Propetang Joseph Smith, nagpakita siya kay Pangulong Brigham Young sa isang panaginip at ibinigay rito ang mensaheng ito: “Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa [iyo] ang [iyong] gagawin at patutunguhan; ibibigay nito ang mga bunga ng kaharian. Sabihin mo sa mga kapatid na panatilihing bukas ang kanilang puso sa paniniwala nang sa gayon kapag dumating sa kanila ang Espiritu Santo, handa ang kanilang puso na tanggapin ito. Makikilala nila ang Espiritu ng Panginoon sa lahat ng iba pang espiritu. Magbubulong ito ng kapayapaan at galak sa kanilang kaluluwa, at papalisin nito ang masamang hangarin, pagkamuhi, inggit, alitan, at lahat ng kasamaan sa kanilang puso; at ang hahangarin lamang nila ay gumawa ng kabutihan, maging makatwiran, at itatag ang kaharian ng Diyos. Sabihin mo sa mga kapatid na kung susundin nila ang Espiritu ng Panginoon hindi sila magkakamali.” 18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga pahina 103–6, kung saan ipinahayag ni Propetang Joseph Smith ang kanyang damdamin nang sila ni Oliver Cowdery at ang kanyang ama ay mabinyagan. Ano ang mga alaala ng binyag ninyo o ng mga kapamilya at kaibigan? Pag-isipang itala ang mga alaalang ito sa inyong journal o kasaysayan ng buhay.

  • Ang mga pahayag sa mga pahina 106–10 ay hango sa mga mensaheng ibinigay ni Joseph Smith sa mga taong nabinyagan na. Sa palagay ninyo bakit kailangang ipaalala ang mga katotohanang ito sa mga nabinyagang miyembro ng Simbahan? Anong mga bagong kaalaman ang nakuha ninyo sa pag-aaral ng mga turong ito?

  • Ano kaya ang sasabihin ninyo sa isang kaibigang naniniwala na hindi kailangan ang binyag? Ano kaya ang sasabihin ninyo sa isang kaibigang naniniwala na kailangang binyagan ang mga sanggol? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 110–11.)

  • Basahin ang ikalawang buong talata sa pahina 111. Bakit “walang kabuluhan” ang binyag kung walang kaloob na Espiritu Santo? Sabi ni Joseph Smith, “May pagkakaiba ang Espiritu Santo sa kaloob na Espiritu Santo” (pahina 113). Sa inyong karanasan, ano ang ilang pagpapalang dumarating sa ating buhay kapag nasa atin ang kaloob na Espiritu Santo?

  • Repasuhin ang huling talata sa pahina 113. Bakit mahalagang pagkakaiba ang paraan ng pagbibinyag sa pagitan ng ipinanumbalik na Simbahan at ng ibang mga simbahan? Bakit mahalagang pagkakaiba ang kaloob na Espiritu Santo? Sa anong mga paraan nangyari na “lahat ng iba pang konsiderasyon ay saklaw ng kaloob na Espiritu Santo”?

  • Pag-aralan ang huling talata sa kabanata (mga pahina 114–15. Isipin kung paano kayo mamumuhay nang karapat-dapat para matanggap at makilala ang mga panghihikayat ng Espiritu Santo.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Juan 15:26; Mga Taga Roma 6:3–6; 2 Nephi 31:13; 3 Nephi 11:18–41; Moroni 8:1–23

Mga Tala

  1. History of the Church, 1:44; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 19, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. History of the Church, 1:51; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 23, Church Archives.

  3. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuscript, book 9, p. 12, Church Archives.

  4. History of the Church, 6:316; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  5. History of the Church, 4:554–55; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 20, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  6. “Baptism,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Set. 1, 1842, pp. 903–5; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; inalis ang pagkakahilig ng mga salita; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  7. “Baptism,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Set. 1, 1842, pp. 904–5; ginawang makabago ang pagbabantas; inalis ang pagkakahilig ng mga salita; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  8. History of the Church, 5:499; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 9, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  9. History of the Church, 4:554; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 20, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  10. Doktrina at mga Tipan 137:1, 10; pangitaing ibinigay kay Joseph Smith noong Ene. 21, 1836, sa templo sa Kirtland, Ohio.

  11. History of the Church, 5:499; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 9, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  12. Daniel Tyler, “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Peb. 1, 1892, pp. 93–94; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  13. History of the Church, 3:392; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith bandang Hulyo 1839 sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  14. History of the Church, 3:379; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 27, 1839, sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  15. History of the Church, 4:555; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 20, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  16. History of the Church, 4:42; mula sa isang liham nina Joseph Smith at Elias Higbee kay Hyrum Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan, Dis. 5, 1839, Washington, D.C.; ang pangulo ng Estados Unidos sa panahong iyon ay si Martin Van Buren.

  17. History of the Church, 5:27; nasa orihinal ang una at ikatlong grupo ng mga salitang naka-bracket; mula sa “Gift of the Holy Ghost,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hunyo 15, 1842, p. 823; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  18. Binanggit ni Brigham Young, sa Brigham Young, Office Files, Brigham Young, Vision, Peb. 17, 1847, Church Archives.

Joseph Smith Sr.

Ang ama ng Propeta, si Joseph Smith Sr., ay bininyagan noong Abril 6, 1830. Pag-ahon ng kanyang ama mula sa tubig, “isinubsob [ng Propeta] ang kanyang mukha sa dibdib ng kanyang ama at humagulgol sa galak.”

Alma baptizing others

Si Alma na nagbibinyag sa mga tubig ng Mormon. Itinuro ni Joseph Smith, “Bago nagkatawang-tao ang Tagapagligtas, ‘ang mga banal’ ay bininyagan sa pangalan ni Jesucristo na siyang darating, dahil kailanman ay wala nang iba pang pangalan na makapagliligtas sa mga tao.”

young woman being confirmed

Ang Espiritu Santo ay “ibini[bi]gay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang taong may awtoridad na bigay sa kanya ng Diyos.”