Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 130


Bahagi 130

Mga talaan ng tagubilin na ibinigay ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Ramus, Illinois, ika-2 ng Abril 1843 (History of the Church, 5:323–325).

1–3, Ang Ama at ang Anak ay maaaring magpakita nang personal sa mga tao; 4–7, Mga anghel ay naninirahan sa isang selestiyal na kalagayan; 8–9, Ang selestiyal na mundo ay magiging isang malaking Urim at Tummim; 10–11, Isang puting bato ay ibinigay sa lahat ng papasok sa selestiyal na daigdig; 12–17, Ang oras ng Ikalawang Pagparito ay ipinagkait sa Propeta; 18–19, Talino na natamo sa buhay na ito ay kasama nating babangon sa Pagkabuhay na mag-uli; 20–21, Lahat ng pagpapala ay dumarating sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa batas; 22–23, Ang Ama at ang Anak ay may katawang may laman at mga buto.

1 Kapag ang Tagapagligtas ay magpapakita, atin siyang makikita nang siya rin. Ating makikita na siya ay isang tao tulad ng ating sarili.

2 At yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa.

3 Juan 14:23—Ang pagpapakita ng Ama at ng Anak, sa talata na yaon, ay isang personal na pagpapakita; at ang kuru-kuro na ang Ama at ang Anak ay nananahanan sa puso ng isang tao ay isang sinaunang paniniwala ng ibang sekta, at mali.

4 Bilang kasagutan sa katanungang—Hindi ba ang pagbilang ng oras ng Diyos, oras ng anghel, oras ng propeta, at oras ng tao, ay alinsunod sa planeta kung saan sila naninirahan?

5 Aking tinugon, Oo. Subalit walang mga anghel na naglilingkod sa mundong ito kundi yaong nabibilang o nabilang dito.

6 Ang mga anghel ay hindi naninirahan sa isang planetang tulad nitong mundo;

7 Subalit sila ay naninirahan sa kinaroroonan ng Diyos, sa isang daigdig na tulad ng isang dagat ng salamin at apoy, kung saan ang lahat ng bagay para sa kanilang kaluwalhatian ay naipakikita, nakaraan, kasalukuyan, at panghinaharap, at nagpapatuloy sa harapan ng Panginoon.

8 Ang pook kung saan ang Diyos ay naninirahan ay isang malaking Urim at Tummim.

9 Ang mundong ito, sa kanyang pinabanal at walang kamatayang kalagayan, ay gagawing tulad sa kristal at magiging isang Urim at Tummim sa mga naninirahang nakatira roon, kung saan ang lahat ng bagay na nauukol sa isang mababang kaharian, o lahat ng kaharian na may nakabababang kaayusan, ay ipakikita sa yaong mga nananahanan dito; at ang mundong ito ay magiging kay Cristo.

10 Pagkatapos ang puting batong binanggit sa Apocalipsis 2:17, ay magiging isang Urim at Tummim sa bawat taong tumatanggap nito, kung saan ang mga bagay na nauukol sa isang nakatataas na kaayusan ng mga kaharian ay ipababatid;

11 At isang puting bato ay ibinigay sa bawat isa sa mga yaong patutungo sa selestiyal na kaharian, kung saan isang bagong pangalan ang masusulat, kung alin ay walang sinuman ang nakababatid maliban sa kanya na tumanggap nito. Ang bagong pangalan ang hudyat.

12 Aking ipinopropesiya, sa pangalan ng Panginoong Diyos, na ang pasimula ng mga kahirapan na magiging dahilan ng labis na pagdanak ng dugo bago ang pagparito ng Anak ng Tao ay mangyayari sa South Carolina.

13 Ito ay malamang na magsimula dahil sa katanungan sa pang-aalipin. Ito ay ipinahayag ng tinig sa akin, habang ako ay taimtim na nananalangin hinggil sa paksa, ika-25 ng Disyembre 1832.

14 Ako minsan ay buong taimtim na nananalangin upang malaman ang oras ng pagparito ng Anak ng Tao, nang ako ay makarinig ng isang tinig na inuulit ang sumusunod:

15 Joseph, aking anak, kung ikaw ay mabubuhay hanggang sa ikaw ay walumpu’t limang taon, iyong makikita ang mukha ng Anak ng Tao; samakatwid hayaang ito ay makasapat, at huwag na akong muling guluhin sa bagay na ito.

16 Ako ay iniwang gayon, hindi man lamang nakapagpasiya kung ang pagparitong ito ay tumutukoy sa simula ng milenyo o sa ibang naunang pagpapakita, o kung ako ay mamamatay at sa gayon ay makikita ang kanyang mukha.

17 Ako ay naniniwala na ang pagparito ng Anak ng Tao ay hindi magiging mas maaga kaysa sa oras na yaon.

18 Anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli.

19 At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.

20 May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—

21 At kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay.

22 Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapananahanan sa atin.

23 Ang isang tao ay maaaring matanggap ang Espiritu Santo, at ito ay maaaring bumaba sa kanya at hindi manatili sa kanya.